Muling Paglathala

Tamang hirit sa taggipit

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 23
Hunyo 18 - 24, 2008

NANGANGATOG ang tuhod ng mga taga-Malakanyang sa pagharap sa kasalukuyang krisis. Pero hindi dahil nalipasan sila ng gutom – sa huling balita natin, tuluy-tuloy pa rin naman ang catering sa Palasyo. Nangangatog ang tuhod ng mga tambolero ni Pang. Arroyo dahil sa takot. Iba’t ibang pandaigdigang ahensiya na ang nagsalita, mula World Bank hanggang Eurasia Group, hinggil sa posibilidad ng pagbugso ng pag-aalsa ng mga mamamayan kung titindi pa ang pagtaas ng mga presyo.

Pero sa kabila nito, patuloy na itinatanggi ng Palasyo ang tatlong kongkretong hakbang na pinaka-epektibong magbibigay ng kagyat na ginhawa sa taumbayan. Hindi maikakaila ang matinding presyur sa gobyerno ng lokal na mga negosyante at dayuhang mga mamumuhunan na magbingi-bingihan sa mga tatlong hirit na ito.

Lumalabas tuloy na ang pagtugon ng gobyerno sa krisis ay hindi nakatuon sa pagbigay ng kagyat na ginhawa, kundi sa pagrenda ng galit ng taumbayan para di mag-alsa.

Ito ang tatlong hirit ng taumbayang gipit:

1. Itaas ang sahod, P125 across-the-board

Maski bote ng softdrink, bibihira na ngayong matikman ni Armando Arroyo, halos tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Pepsi-Cola Products Philippines Inc. Luho na, para sa kanya, ang sariling produktong nililikha. Sa halip na lumagok nitong paboritong palamig ng mga Pilipino, itatabi na lamang niya ang iilang piso para pambili ng bigas at pamasahe ng mga anak na pinag-aaral.

Kung tutuusin, angat sa karaniwang obrero si Arroyo, presidente ng Pepsi Cola Labor Unity. Umaabot sa P650 kada araw ang kanyang kinikita (P345 hanggang P382 ang minimum na sahod sa National Capital Region). Pero dahil sa tindi ng krisis sa presyo ng batayang mga bilihin, kapos na kapos pa rin ang kanyang sahod para sa pangaraw-araw na gastusin.

Katunayan nito, isa na lamang sa kanyang mga anak ang nagpapatuloy sa kolehiyo. Para makapag-ambag sa pamilya, tumigil na sa pag-aaral ang dalawa at namasukan – isa sa call center, isa sa water station – sa trabahong mas masahol dahil kontraktuwal at walang kaseguruhan.

Hindi sana mangyayari ito, aniya, kung noon pa man dininig na ng gobyerno ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-na-sahod, across-the-board sa buong bansa. “Napakahirap nang kitain ang sahod namin sa walong oras na paggawa, tapos kapag ibinili pa namin, napakaliit ng halaga,” sabi ni Arroyo.

Taong 1999 pa unang ipinanawagan ng KMU (Kilusang Mayo Uno), militanteng sentro ng paggawa, ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod. Pero idinaan ng gobyerno ang kakarampot na pagtaas ng sahod sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board, na nitong Abril, P20 ang itinakda para sa mga manggagawa sa NCR.

Labis na ikinagalit ito ni Arroyo. “Para ka lang binigyan ng kendi…Ngayon, kahit siguro umabot pa sa P1,000 ang sinasahod namin araw-araw, hindi pa rin aangat ang aming kabuhayan. Kakainin lang ito (taas-sahod) ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.”

Nakasalarawan sa mga estadistika ang kanyang sentimyento. Para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may anim na katao sa NCR, P858 kada araw ang kinakailangang kita o living wage, ayon sa National Wages and Productivity Commission o NWPC noong Marso.

Hindi ito mapupunan kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at nakatatamasa ng minimum na sahod. Ayon pa sa Ibon Foundation, sentro ng pananaliksik, mababa sa minimum ang sahod ng mahigit sa kalahati o 58 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa: mula P153 hanggang P287 lamang kada araw.

2. Tanggalin ang VAT

Hindi pa kasama sa komputasyon ng NWPC sa living wage ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bigas, langis, kuryente, at iba pang batayang bilihin at serbisyo sa nakaraang mga buwan. Pumapalo na ang bigas sa P38 hanggang P50 kada kilo. Nagbabantang umabot sa P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kaya kahit pa man tinutulungan si Isabelita dela Cruz, manggagawa at lider-unyon sa Triumph International Philippines, ng kanyang asawang OFW (Overseas Filipino Worker), hindi na sapat ang kinikitang P480 kada araw sa mahigit dalawang dekada sa serbisyo. Tipid na tipid ang kanyang paggastos—sapat lamang para mapakain ang pamilya.

“Dati-rati, nakakadaan pa ako sa groseri para makapag-stock nang isang linggo. Ngayon, araw-araw na akong namamalengke…Tinuturuan ko na rin ang aking mga anak na magkasya sa kung ano lang ang nandiyan ngayon. Bahala na ulit bukas kung papaano,” aniya.

Hindi lamang siya naghihinaing sa gobyernong maganit sa pagtaas ng sahod, kundi maging sa gobyernong walang patid ang pagkubra ng buwis. Tulad ng progresibong mga grupo, naniniwala si Dela Cruz na pinakamabilis at sinserong solusyon sa krisis pang-ekonomiya ang pagtanggal sa 12 porsiyentong VAT (value-added tax).

“Malaking ginhawa ang pagtanggal sa VAT kasi todo-todong paghihigpit ng sinturon na aming ginagawa. Matindi rin ang korapsiyon sa gobyerno. Paano ka magtitiwalang bumabalik sa iyo ang buwis na binabayaran mo?” sabi ni Dela Cruz.

Kung aalisin ang VAT sa mga produktong petrolyo, bababa ang presyo ng krudo at gasolina nang mahigit P4 kada litro, at P60 naman sa bawat tangke ng LPG (liquefied petroleum gas).

Makakatipid naman ang mga konsiyumer ng P1.42 kada kWh (kilowatt hour) kapag tinanggal ang VAT sa kuryente. Katumbas ito ng P206 na kabawasan sa bill sa kuryente ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin

Naniniwala rin si Dela Cruz na kakayanin ng gobyerno, “kung gugustuhin nito,” na ibaba ang presyo ng mga bigas, langis, at kuryente – ibasura lang ang ilang mga batas at patakaran na nagsasapribado sa industriya at nagdederegularisa ng merkado.

Kabilang na rito ang Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act, at importasyon ng bigas.

Para kay Arroyo, iisa lamang ang ibig sabihin ng kabiguan ng gobyerno na itaas ang sahod, tanggalin ang VAT, at kontrolin ang presyo ng mga bilihin. “Hinahayaan ang mga [negosyanteng] dayuhan na igisa tayo sa sariling mantika. Ibinebenta nila ang kanilang mga produkto dito na napakamahal…ang pasahod naman nila, napakababa,” aniya.

Nawawalan na rin ng pasensiya si Dela Cruz. “Ang tagal-tagal na namin iginigiit ’yang P125 dagdag-na-sahod. Namatay na nga ang awtor (ng panukala),” sabi niya, patungkol kay yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran na naghain sa Kongreso ng House Bill 1722.

Hindi na sila umaasang mapagbibigyan nang basta-basta. Alam nilang kailangang ilaban.

Kaya patuloy nilang pinalalakas ang kani-kanilang mga unyon, sumasama sa mga pagkilos, nangangalap ng mga pirma para sa pagtanggal ng VAT, at ipinaliliwanag sa mga kapwa-manggagawa ang krisis pang-ekonomiya.

“Hindi ito simpleng krisis kundi permanenteng krisis, kung hindi tayo mamumulat at tutugon sa lalong madaling panahon,” pagtatapos ni Dela Cruz.

June 26, 2008 Posted by mamamahayag | Ekonomiya, Sahod at Trabaho | | 1 Comment

Pagbabalik sa PUP

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol 7. Isyu 22
Hunyo 11 - 17, 2008

MARAMING nagbago sa PUP (Politek-nikong Unibersidad ng Pilipinas), sabi ni Ian Atienza habang naglalakad sa dati niyang kampus.

Giba na ang mga barung-barong sa tabing riles sa bungad. Pagpasok ng gate, may coffeeshop sa bandang kanan. Ang nilalakaran na dating kahoy ang silong, yero na at bagong pinta. Katuwang ang National Historical Institute, may ipinapagawa pang atraksiyong panturismo – dambana ni Apolinario Mabini.

Ilang araw bago ang pasukan, parang tahimik na parke ang kampus. Nitong nakaraang mga taon, inasikaso ni Dante Guevarra, presidente ng PUP, ang pagpapaganda sa unibersidad. Di nakalampas kay Ian ang magagandang pananim, bench, at lakaran. Pero di niya maiwasang maisip, ito ba ang kailangan ng mga estudyanteng mahihirap, na gaya niya noon, nais lang makapag-aral sa kalinga ng estado?

Kahit ang dasal, may presyo
Galing sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Batangas, pumasok si Ian sa PUP noong 1995 sa kursong BS Accountancy. Dati pa man, nagkukumahog na ang sampu-sampung libong aplikante para makapasok sa state university na may pinakamurang matrikula – P12 lamang kada yunit kumpara sa libu-libong piso sa pribadong mga unibersidad. Isa si Ian sa 8,000 pinalad noon.

Ngayong taon, tinatayang 10,000 estudyante – mas marami ng 2,000 sa karaniwang dami kada taon – ang tatanggapin. Pagyayabang kasi ni Guevarra, PUP lang ang state university na di nagtaas ng matrikula sa nakaraang 12 taon. Pero nang magtanung-tanong kami, nalaman naming umaabot na sa P900 ang karaniwang bayarin kada semestre. Kumpara sa panahon ni Ian, P359 lamang, tandang-tanda pa niya.

Lumobo ang gastos ng mga estudyante dahil naningil ang administrasyon ng samu’t saring miscellaneous fee na di naman ikinonsulta, paliwanag ng mga aktibista roon. Tampok na dagdag-bayarin ngayong taon ang P250 na “Development and Modernization Fee” (para umano magtayo ng Student Information System, para mapadali ang enrollment) at P800 “Energy Fee” (para sa paggamit umano ng aircon sa isang kolehiyo at Graduate School).

Ayon sa Samasa (Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan), partidong pangmag-aaral, tinanggal ng gobyerno ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses ng state colleges and universities o SCU. Kaya para mapagkasya ang kakarampot na badyet (P574 Milyon para sa buong PUP), sinisingil ang mga estudyante.

Inilitanya ng isang lider-estudyante ang mga bayarin: P20 para makumpirma ang grado sa bawat sabjek. P50 kung kukuha ng curriculum sheet. P45 ang student handbook. P300 hanggang P1,000 kada oras ang renta sa mga function room. P60 kung gagamit ng laboratoryo. Ang pinakamalupit: P5 para makapasok sa chapel – may presyo pala maging ang dasal dito. “Grabe naman pala ngayon dito,” bulalas tuloy ni Ian.

Kisameng butas pa rin
Umakyat kami sa College of Accountancy sa ikalimang palapag. Pansin ni Ian: di nagbago o lumala pa ang pinakamahalagang mga pasilidad. Di dumami o lumaki ang mga klasrum na kaya mong tawirin sa pitong hakbang. Magkakadikit ang mga silya – na ikinakatuwa lang siguro ng mga mahilig mangopya sa katabi. Noon, mahigit-kumulang 50 silang nagtitiis sa espasyong iyon, ayon kay Ian. Ngayon, balita namin, umaabot na sa 60 hanggang 80 ang nagkikiskisang-siko’t nagpapalitang-hininga.

“Madaling masira ang mga electric fan, walang pahinga. Sunud-sunod kasi ang mga klase,” sabi ni Rachel del Rosario, tagapangulo ng Umalpass (Ugnayan ng Mag-aaral para sa mas maayos na Pasilidad, Serbisyo, at Subsidyo). Sa sarbey ng konseho ng mag-aaral, lumalabas na kulang ng 255 upuan, 16 na bentilador, 24 na ilaw, at 10 lamesa sa kolehiyo.

Sa ikaanim na palapag, bumulaga ang sira-sirang kisame. Himutok ng mga estudyante, pinapagawa ang opisina ng presidente at iba pang administrative office (usap-usapan ang pagbili ng magagarang muwebles), pero di man lang maayos ang mga butas na sanhi ng bahang bumagabag na kina Ian mahigit 10 taon na ang nakakaraan.

Sinilip din namin ang mga computer room – may anim hanggang siyam na kompiyuter bawat silid. Ayon sa isang estudyante, pinipilit na ang hatian ay maging tatlo hanggang limang estudyante sa bawat kompiyuter. Ang mga hindi talaga makagamit, nagrerenta na lang sa labas.

Tradisyon ng aktibismo
Noon pa man, ipinaglaban na nina Ian, dating miyembro ng League of Filipino Students, ang pagtigil sa pagtaas ng matrikula at ibang bayarin, pagtaas ng badyet ng edukasyon, at pag-aayos ng pasilidad ng PUP. “Kahit singkuwenta sentimos lang ang itataas ng matrikula, magrarali kami,” aniya. Mapupuno ang bulwagang tatsulok sa gitna ng kampus na tinawag nilang “Maria Teresa de Leon” (estudyanteng naging rebolusyonaryong martir) kapag nagmikropono na ang mga aktibistang umano’y “masisigla, magagaling magsalita, at matatalino.”

Sa kabila ng malulungkot na istoryang narinig niya, masaya si Ian. Nagpapatuloy kasi sa unibersidad ang tradisyon ng aktibismong humuhulma sa bagong henerasyon ng mga estudyanteng mapanuri, matapang, at nagmamahal sa bayan. Agosto noong nakaraang taon, malawakang walkout ng mga estudyante at martsa sa Commission on Higher Education ang nakapigil sa pagtaas ng matrikulang tinangkang ipatupad ni Guevarra.

Di natapos ni Ian ang kurso niya. Hindi niya kasi naramdaman ang kalinga ng estado. Gayunman, marami siyang natutunan sa PUP. Kasama rito ang di-pagpapasilaw sa itsura at pagkilala sa esensiya. Sa pagbabalik sa pamantasan, nakita niya ang totoo: padausdos ang kalidad ng edukasyon, nagtataasan man ang mga poste ng ilaw na ipinatayo.

June 26, 2008 Posted by mamamahayag | Edukasyon | | 1 Comment

Ang lihim ni Winston Garcia

Ilang-Ilang D. Quijano/ Tarik Garcia
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 21
Hunyo 4 - 10, 2008

Hindi matapat sa publiko.

Ito ang ibinibintang ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), sa pamilya Lopez na namumuno ng Meralco (Manila Electric Company). Tinatangka ng GSIS na makontrol ang Meralco, pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, para mapababa umano ang labis-labis na singil nito sa kuryente.

Pero kung inililihim man ng mga Lopez ang abusadong paniningil nito, inililihim din naman ni Winston ang kanyang posibleng tunay na interes sa Meralco.

May koneskiyon ang pamilya Garcia sa Veco (Visayan Electric Company), pangalawang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa. Malapit na alyado ni Pangulong Arroyo si Winston na tubong Cebu ang pamilya.

Nakadikit ang prominenteng mga miyembro ng pamilya Garcia sa Veco, na pag-aari ng pamilya Aboitiz. Nakabase rin sa Cebu ang mga Aboitiz, at tulad ng mga Garcia, malapit diumano sa Palasyo.

Dating legal counsel ng Veco si Jesus Garcia Sr., tiyo ni Winston. Humalili sa tiyo ni Winston ang kanyang pinsang si Jesus Garcia Jr. Ang pamangkin ni Jesus Garcia Jr. na si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang legal counsel ng Veco.

Samantala, umupo rin ang mga Garcia sa Board of Directors ng Vivant Corporation, nakalista sa Philippine Stock Exchange na holding company ng Veco. Si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang corporate investment officer at sekretarya ng Vivant.

(May dalawang grupo ng mga Garcia sa board ng Vivant. Hindi kadugo ng pamilya ni Winston ang mga Garcia na lahing Espanyol na kumokontrol sa board ng kompanya.)

“Niloloko ni Garcia ang publiko sa pamamagitan ng pagkukunwaring panig siyang walang interes na nagnanais lamang pababain ang singil sa kuryente ng Meralco. Sa totoo, may interes ang kanyang pamilya sa Veco, na makikinabang ang mga may-ari kapag nalusaw ang prankisa ng Meralco. Ang kanyang populistang retorika ay pagtatakip sa pandarambong ng mga alyado at kroni ni Arroyo,” ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas.

Hindi umano malayong gamitin ni Garcia ang pensiyon ng mga kawani ng gobyerno para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mga alyado sa pulitika at negosyo. Nagawa na niya ito noon.

Noong 2004, bilyun-bilyong piso ng pondo ng GSIS ang kinuha ni Garcia mula sa Land Bank of the Philippines na pag-aari ng gobyerno at inilipat sa pribadong Union Bank.

Iginawad din ni Garcia sa Union Bank ang multi-milyong pisong kontrata sa proyektong E-Card. Idineklara ng Commission on Audit na “illegal” ang nasabing kontrata.

Pag-aari ng pamilya Aboitiz ang Union Bank.

Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang mga kawani ng gobyerno sa umano’y tiwaling pamamalakad ni Winstyon sa GSIS at pag-abandona nito sa tungkuling pangalagaan ang kanilang interes.

Sa ika-22 anibersaryo ng Courage (Confederation for the Unity Recognition, and Advancement of Government Employees) noong Mayo 19, nagkaisa laban sa pamunuan ng GSIS ang mga empleyado ng National Food Authority, National Housing Authority, Bureau of Customs, Land Transportation Office, Department of Trade and Industry, National Broadcasting Network, Quezon City Hall, Department of Environment and Natural Resources, Department of Labor and Employment, Senado, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

“Pinagsasamantalahan ng GSIS ang pondo ng mga manggagawa at ginagamit lamang sa pamumulitika,” ani Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.

June 26, 2008 Posted by mamamahayag | Pulitika | | No Comments

Torete sa kuryente

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 - 20, 2008

KAKATWANG ibina-bandera ngayon ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), ang mga salitang “maayos” at “matapat” na pamamalakad. Sa kagustuhan ng gobyernong Arroyo na makontrol ang Meralco (Manila Electric Company), mga kaso ng pandaraya at mismanagement ang iniuumang nito sa pamilya Lopez. Gayong may patung-patong na mga kaso sa Opisina ng Ombudsman si Garcia, kilalang matapat na alyado ng Pangulo, dahil sa diumano’y panggagatas at maling pamamalakad sa GSIS.

“Si Garcia, gustong patakbuhin ang Meralco? Eh ang mga titser nga nagrereklamo sa kanya eh — e-card lang, hindi niya maayos,” sabi sa Pinoy Weekly ni Engr. Ramon Ramirez, convenor ng grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).

Malaking duda, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa basbas ni Pangulong Arroyo sa planong pag-takeover ng GSIS sa Meralco, na namamahagi ng kuryente sa 70% ng Luzon at pag-aari ng isa sa pinakamaimpluwensiyang pamilyang negosyante sa bansa.

Ayon sa Malakanyang, umaabuso ang Meralco kaya’t nagdurusa ang mga konsiyumer ng kuryente. Simula Abril, mahigit 50% ang itinaas ng singil nito.

Kung kaya kailangan daw na mapasakamay ito ng GSIS at ng iba pang kompanya ng gobyerno na may 33% sapi, mula sa mga Lopez na mayroong mayorya o 35% sapi. Sinimulan na rin ng Joint Power Commission o Powercom ng Kongreso na imbestigahan ang singil ng Meralco.

Pinamumunuan ang komisyon ng anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo at kaalyado ng Malakanyang na si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Pero maraming naniniwalang walang kinalaman sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng publiko ang pag-atake ng gobyernong Arroyo sa Meralco.

“Alin lang ’yan sa dalawa – galit sa ABS-CBN [dahil sa] coverage sa mga eskandalo o di kaya, purong kasakiman,” sabi sa Pinoy Weekly ng political analyst at kolumnistang si William Esposo. Ang mga Lopez ang may-ari sa ABS-CBN, isa sa pinakamalaking network pangtelebisyon sa bansa, na nagpapalabas nang live sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa mga anomalyang kinakasangkutan ng Pangulo, mula “Hello Garci” hanggang NBN-ZTE.

Hindi malayo ang sapantaha ni Esposo at iba pang tutol sa pag-takeover – mula oposisyonistang mga senador, kinatawan ng progresibong mga party-list, at mga grupong pangkonsiyumer gaya ng Power. Magkatuwang na panggigipit sa midya at pagdaloy ng limpak-limpak na kita sa kamay ng mga kroni ng Pangulo ang dahilan ng unang takeover ng gobyerno sa Meralco noong batas militar. At sa bansang ito, ‘ika nga, malimit maulit ang kasaysayan.

Garcia ngayon, Romualdez noon
Kung si Garcia, diumano’y tumulong lumikom ng pondo para sa kampanya ni Arroyo noong 2004, ang inaasahang makipagbuno sa mga Lopez ngayon, si Benjamin “Kokoy” Romualdez, kapatid ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, ang nagtagumpay noon. Sinasabing paboritong bayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Romualdez, na tumulong diumano sa pagluto ng resulta ng Constitutional Convention noong 1971.

Nang ideklara ang batas militar, itinayo ni Romualdez ang Philippine Journalists Inc. para makapaglabas ng mga pahayagang pabor sa administrasyon at kontrolin ang oposisyonistang Manila Chronicle, na pag-aari ng mga Lopez. Pagkatapos, Meralco naman ang pinuntirya. Pinuwersa niya si Eugenio Lopez Sr. na ilipat ang sapi ng kanyang pamilya sa Meralco Securities Corp. o MSC sa Meralco Foundation, na itinayo ni Romualdez.

Para magawa ito, ginipit si Lopez Sr. ng gobyernong Marcos – ibinaba sa 20.9% ang 36.5% dagdag-singil, dahilan para malugi ang kompanya. Direkta ring ipinangako ni Romualdez kay Lopez Sr. bilang kapalit ang pagpapakawala ng anak nitong si Eugenio Jr., na ikinulong sa bintang ng tangkang pagpatay kay Marcos kasama ng iba pang mamamahayag.

Noong Nobyembre 19, 1973, pinirmahan ni Lopez Sr. ang Stock Purchase Agreement na naglipat ng lahat ng sapi ng mga Lopez patungo sa Meralco Foundation, sa mababang halagang $1,500. Dapat, babayaran ang mga Lopez ng karagdagang $6 Milyon sa susunod na mga taon, pero sinadya ni Romualdez na lagyan ng butas ang kasunduan – nakadepende lamang sa cash flows o pasok ng pera ang pagbayad sa mga Lopez — kaya madali itong nalusutan. Wala nang naibayad pa ang kroni ni Marcos.

Sa halip, Meralco pa ang gumastos para sa marangyang birthday party ni Imelda noong 1974. Ginamit ang tauhan, kantina, at mamahaling silverware at china, na inilipad pa mula Maynila patungong Leyte, ng kompanya. Sa susunod na taon, isang nine-seater na jet na may halagang mahigit isang milyong dolyar ang binili ni Romualdez gamit ang pondo ng kompanya.

Ikinarga sa singil sa mga konsiyumer ng kuryente ang lahat ng ito. Itinaas ng Meralco nang 100% ang singil sa kuryente simula nang maupo si Romualdez, at nagpatuloy ang pagtaas ng singil sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.

Para tuluyang mapasakamay ang Meralco, pinalitan ni Romualdez ng pangalan ang MSC at ginawang First Philippine Holdings Corp. o FPHC at saka ibinenta sa Meralco Foundation. Ibinenta naman ng kompanya sa Napocor (National Power Corporation) ang planta nito noong 1978 sa sinasabing overpriced na presyong $217.2-M, na ikinalugi ng gobyerno.

Nabawi lamang ng mga Lopez ang kompanya kay Romualdez nang mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Para magmukhang bida?
Simula noon, nanatili na sa pribadong kamay ang pagpapatakbo ng Meralco. Sinimulan na ring isapribado ang buong industriya ng enerhiya sa panahon ng administrasyong Aquino para solusyonan diumano ang malawakang mga blackout noong dekada ’80.

Sa dikta ng International Monetary Fund, World Bank, at Asian Development Bank, internasyonal na mga institusyong inuutangan ng bansa, inumpisahan ang pagsasapribado ng Napocor. Itinulak ng gobyerno ang pribadong mga kompanya, karamiha’y pag-aari ng mga dayuhan, na magtayo at magpatakbo ng mga planta sa bansa.

Para makapangutang, isa sa mga unang inatupag ni Pangulong Arroyo ang pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng enerhiya. Ipinasa niya noong 2001 ang Epira (Electric Power Industry Reform Act), sa kabila ng malawak na oposisyon. Dinagdagan ng Epira ang insentibo at kalayaan ng pribadong sektor na pasukin, kontrolin at manipulahin ang industriya ng enerhiya, at ipasa ang mga gastos sa mga konsiyumer nang halos walang pakikialam ng gobyerno.

Kinumpirma mismo ni Sek. Angelo Reyes ng DoE (Department of Energy) sa Pinoy Weekly kamakailan, na walang pag-atras sa pribatisasyon ng industriya ng kuryente. “Kailangan ’yan para matupad ’yung Epira,” aniya.

Kaya bukod sa posibleng panggigipit sa mga Lopez at interes na gatasan ang Meralco, desperado rin umano si Pangulong Arroyo na magmukhang isinasalba ang mga konsiyumer sa gitna ng di-maampat na pagsirit ng presyo ng bigas, pagkain, langis, at batayang mga bilihin na nagpapababa lalo sa sadsad nang popularidad ng administrasyon.

Para kay Ramirez, “Isa itong isyung pampulitika. Mataas ang implasyon, nagkaroon ng rice crisis, at tumaas din ang singil sa kuryente. Sa pagpapalabas na gusto nilang i-takeover ang Meralco, parang lumalabas na gusto nilang tulungan ang mga mamamayan. Sa tingin siguro ni Arroyo, malilihis ang atensiyon natin doon sa iba pang pagtaas (ng presyo). At lumalabas na sila pa ang bida.”

Kung sinsero ang Pangulo
Simple lamang ang mga solusyon kung sinsero si Pangulong Arroyo na ibaba ang singil sa kuryente, ayon sa Power. Pinakamabilis at direkta na ang pagtanggal sa 12% Vat (value-added tax) na ipinataw rito ng gobyerno.

Sa pag-aaral ng grupo, makatitipid ng P206 kada buwan ang mga konsiyumer na kumokonsumo ng 200 kWh (kilowatt hour) kada buwan, at P470 naman ang mga kumokonsumo ng 300 kWh kada buwan, kapag inalis ang Vat sa distribusyon. Kapag inalis naman ang Vat maging sa singil sa generation at transmission, makatitipid ang mga konsiyumer ng tinatayang 70.6 sentimos kada kWh.

Maaari ring alisin ang singil sa systems loss na tinatayang 9.5% ng bill sa kuryente. Sa ilalim ng Republic Act 7882 o Anti-Pilferage Act, pinapayagan ang mga kompanya ng enerhiya na ipasa sa mga konsiyumer ang mga “nawawalang enerhiya” sa mga dahilang teknikal at di-teknikal (tulad ng pagnanakaw).

Ani Ramirez, sinasagot dapat ang gastos na ito ng mga kompanya, hindi ng mga konsiyumer. Dapat umanong ipag-utos ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na pawalang-bisa ang RA 7882—tutal, anak naman niya ang namumuno sa kinauukulang komite sa Kongreso.

Nagbabalak ang Department of Trade and Industry na hilingin sa Energy Regulatory Commission na pagbawalan ang Meralco na ipasa sa mga konsiyumer ang gastos sa systems loss, pero hanggang ngayon, hindi pa ito nagsusumite ng pormal na petisyon.

Maaari ring bumaba nang halos kalahati ang singil sa kuryente kung rerepasuhin ng gobyernong Arroyo ang matagal nang kinukunsinting madadayang kontrata ng Napocor at mga kompanya ng distribusyon gaya ng Meralco sa mga IPP (independent power producer), ayon pa sa Power.

Sa take-or-pay provision sa mga kontrata ng IPP, pinapayagan ang mga ito na maningil para sa enerhiya na hindi naman nilikha pero hindi naman nagamit. Bilyun-bilyong piso ang kinita ng mga IPP gaya ng Mirant Philippines at First Gas Power Corporation dahil dito, ayon sa imbestigasyon ng Inter-Agency Review Committee na pinangunahan ni dating Sek. Jose Isidro Camacho ng Department of Finance noong 2002.

Pero wala ni isang kontrata sa mga IPP ang binabago, hanggang ngayon. Tinatayang 10 hanggang 40% lamang ng enerhiyang sinisingil ng mga IPP ang nagagamit. Taun-taon, mahigit P500-B ang ibinabayad ng Napocor sa mga ito – na siya namang ipinapasa nito sa konsiyumer.

Pagsasabansa ng industriya
Pagbasura sa Epira at pagsasabansa pa rin ng industriya ng enerhiya ang nakikita ng mga kritiko na pangmatagalang solusyon sa mataas na singil sa kuryente sa bansa – isa sa pinakamataas sa Asya at maging sa buong mundo.

“Dapat ang industriya ng enerhiya, hawak ng taumbayan sa pamamagitan ng kanyang gobyerno. Pero may kondisyon ’yan – na matino ang gobyerno at tunay na naglilingkod sa mga mamamayan. Kasi kung hawak ito ng mga lider na pansariling interes ang habol, nakaabang lang ’yung mga kroni nila at para pa ring nasa pribadong mga kamay (kung sakaling magtagumpay ang pag-takeover),” ani Ramirez.

Sa Mayo 27, magpupulong ang mga shareholder ng Meralco. Inaasahang magtutuos ang GSIS at mga Lopez. Walang katiyakan kung, tulad ni Romualdez, mapapasakamay ni Garcia ang isa sa mga pinakamalakas kumitang kompanya sa bansa (P655-M noong unang kuwarto ng taon). O kung mawawalan na ito ng interes matapos magisa nang husto ang Meralco sa mga pagdinig sa Kongreso, umatras ang ABS-CBN sa kritikal na pamamahayag, at magmukhang tagapagtanggol ng sambayanan ang Pangulo.

Ang malinaw, mga negosyante man o gobyerno ang gagawa, patuloy na gagatasan ang mga konsiyumer hanggang pamumulitika ang inuuna, sa halip na tunay na reporma.

May ulat ni Mikas Matsuzawa

Ang dapat ipaliwanag ng Napocor

Sa paniningil na halos “pangunguryente” na rin, hindi lamang ang Meralco (Manila Electric Company) ng pamilya Lopez ang dapat magpaliwanag. Maging ang Napocor (National Power Corporation) ng gobyerno, malaki ang pananagutan sa publiko.Nitong Mayo 7, kinastigo ng Energy Regulatory Commission ang Napocor dahil naningil ito ng Generation Rate Adjustment Mechanism at Incremental Currency Exchange Rate nang hindi inaaprubahan ng ahensiya.

Mula Hulyo 2006 hanggang Marso 2008, umabot sa P10 Bilyon o 20 sentimos kada kWh (kilowatt hour) ang siningil nang labis ng kompanya.

Huli lamang ito sa mahabang listahan ng mga anomalya at pagmamanipula sa presyo ng Napocor.

Noong Abril hanggang Hunyo 2007, bumili ang Napocor ng P660 Milyong halaga ng diumano’y overpriced na coal para sa pagpapatakbo ng mga fuel generator. Nagsampa ang grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates) ng kaso sa Opisina ng Ombudsman laban dito.
Artipisyal na itinaas din ng Napocor ang presyo ng kuryenteng ibinebenta sa WESM (Wholesale Electricity Spot Market). Itinayo sa bisa ng Epira (Electric Power Industry Reform Act ), layon ng WESM na pababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng kompetisyon.

Pero minanipula diumano lamang ito ng Napocor para kumita ng P9-B noong 2006, na ipinasa naman sa mga konsiyumer. Kinasuhan din ng Power ang Napocor dahil dito.

May 75% ng bill sa kuryente ang nagmumula sa singil sa generation na kontrolado ng Napocor.

Alinsunod pa rin sa Epira, unti-unting isinasapribado ng gobyerno ang kompanya.

Pero paglilinaw ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan,

“Hindi pagmamay-ari sa Napocor ang problema. Ang problema ay nasa mga nagpapatakbo ng Napocor na [parang negosyo] at mga polisiya sa enerhiya. Nais naming manatiling pag-aari ng gobyerno ang Napocor – pero pinatatakbo ng mga opisyal na marunong at tapat.”

Ilang-Ilang Quijano

May 18, 2008 Posted by mamamahayag | Ekonomiya, Pulitika | | No Comments

Ang bagong laban ni Nanay Mameng

Mikas Matsuzawa/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 - 20, 2008

Walang kasingtalas ang dila at kasing-laki ang puso ng babaing ito na pinarangalan noong Araw ng mga Ina.

NOONG araw ng mga ina, isang nanay ang umangat sa iba. Siya si “Nanay Mameng” –Carmen Deunida, na pinarangalan ng sektor na matagal nang pinaglilingkuran at pinamumunuan niya.

Pinangunahan ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ginunita kamakailan ang buhay at pakikibaka ni Nanay Mameng sa pamamagitan ng programang tinaguriang “Alay kay Nanay: Isang Salo-salo at Gabi ng Pagpupugay” sa Balai Kalinaw, UP Diliman. Dinaluhan ito ng maraming tao at grupong naging kabahagi at kasamahan ni Nanay Mameng sa kanyang paglilingkod sa kapwa-maralita.

Istrikto, pero mapag-aruga
Lingid sa kaalaman ng lahat, naging guro sa day care si Nanay Mameng noong dekada ’30.

Inamin niyang pinaluluhod niya sa asin ang mga estudyanteng hindi nababasa ang kanyang mga ipinababasa. Pero aniya, nagpapasalamat sa kanya ang mga estudyante niyang karamihan ngayon ay mga empleyado ng gobyerno – siya umano ang dahilan kaya nakapag-aral sila’t nakapagtapos.

Isa rin siyang mapagmahal na kapatid – patunay ang ginawa niyang pag-aaruga sa kapatid na lalaki noong 1941, panahon ng pananakop ng Hapon. Panahong ito nahasa ang kapangahasan ni Nanay Mameng. Lagi umano siyang pumupunta sa kampo ng mga sundalong Hapon para palihim na kumuha ng bigas at iba pang makakain ng kapatid. Minsan, nagtago pa siya sa dram ng gasolina para hindi mahuli. Ngayon, hindi na lamang umano ang pamilya ang kanyang sinisikap itaguyod, kundi ang sambayanang Pilipino, sa pamamagitan ng pakikibaka.

Bagong laban
Sinariwa ng mga panauhin ang sikat na mga terminong ginagamit ni Nanay Mameng sa mga rali para isalarawan si Pangulong Arroyo, tulad ng “tsunano,” at “Gloria Makapal-ang-Mukha Dorobo.”

Sabi tuloy ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, sayang at hindi naluklok sa Kongreso si Nanay bilang nominado ng Anakpawis Party-list. Tiyak umanong magigimbal ang mga kongresista kapag siya ang nag-privilege speech.

Isinagawa rin ang pagdiriwang na iyon upang makalikom ng pondo para sa mga pangangailangang medikal ni Nanay. Ngunit sa kabila ng kanyang mga nararamdaman na dulot ng katandaan, nakita sa gabing iyon ang kanyang lakas. Na pinatotohanan ng mga kabataang nakakakita kung paanong nangunguna pa sa takbuhan si nanay tuwing may rali. Ayon sa kanya, ang pagmamartsa sa lansangan ang nagbibigay-sigla sa kanya, at ang gamot sa kanyang mga karamdaman ay ang pagsigaw dito.

Nagtatawanan din ang lahat noong ipahayag ni Nanay Mameng ang kanyang pagnanais na mamatay hindi sa sakit kundi sa bala. Sinabi niya na ang tao, kapag namatay nang may ipinaglalaban, mahalaga ang pagkamatay. “Hindi ko binibigyang-halaga ang aking karamdaman. Huwag muna ngayon. Kailangan tapusin ko ang laban,” pahayag niya.

Ang gabing iyon ay siniksik ng mga istorya tungkol sa buhay ni Nanay Mameng, ang kanyang pakikibaka magmula pa noong 1985. Pero sa kabila ng ipinaulang mga papuri, nananatiling mapagkumbaba ang kanyang loob.

Katunayan, nahihiya umano siya tuwing nakikilala sa publiko – aniya, sa pakikibaka, walang mahalaga kundi ang pagpaparami ng bilang at pagsisikap na magpunyagi.

May 18, 2008 Posted by mamamahayag | Maralitang tagalungsod, Personalidad | | No Comments

Workers’ Assistance Center: Santuwaryo sa kapitalistang Koreano

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 16
Abril 30 - Mayo 6, 2008

SA lungsod ng Cavite, hinihikayat ng mga taong-simbahan ang mga manggagawa na gawin ang ipinagbabawal.

Bawal kasing mag-unyon sa mga pabrika sa Cavite Export Processing Zone o CEPZ. Bawal ding magwelga. Matagal nang hindi kinikilala ng dayuhang mga kompanya ng garments at electronics ang batayang mga karapatan ng kanilang mga manggagawa. Takot pa ang mga manggagawang igiit ang mga ito.

Hanggang sa mag-usisa ang Most Holy Rosary Parish sa bayan ng Rosario noong 1994. Ang pananaliksik ng programang socio-pastoral ng maliit na parokyang ito, nagbunsod ng pagtatayo ng isang NGO (non-government organization) na Workers’ Assistance Center o WAC.

“Nakita namin sa research na ’yon, grabe ’yung kanilang kaapihan – mababang suweldo, mahabang oras ng trabaho, kulang sa mga benepisyo. Kumbaga, aping-api ang mga manggagawa. Ang nakita naming dahilan, unang-una, hindi nila alam ang kanilang karapatan bilang manggagawa. Hindi sila mulat. Kaya tinulungan namin sila,” sabi ni Fr. Joe Dizon, executive director ng WAC.

Ngayon, isa na ang WAC sa pinakatanyag na mga institusyong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa. Noong Abril, ginawaran ito ng gobyerno ng South Korea ng Tji Hak-Soon Justice and Peace Award para sa maganda nitong rekord ng pagsisilbi sa mga manggagawa, sa mga pabrikang karamiha’y pag-aari ng mga Koreano. “Baka nahiya. Sila na Koreano pa ang gumagawa ng pagpapahirap,” ani Dizon.

Tulong sa pag-uunyon
Simula nang maitayo, may 50 unyon na ang nabuo sa paghikayat at pagsubaybay ng WAC, ayon kay Cecil Tuico, kawani ng organisasyon. Pero marami na rin sa mga unyong ito ang nabuwag dahil sa samu’t saring pamamaraan ng mga kompanya. Pinakapalasak na rito ang pagsasara at muling pagbubukas sa ibang lugar para matanggal sa trabaho ang regular na mga manggagawa at palitan ng mga kontraktuwal.

Muntik nang mabiktima ang 20 manggagawa ng garments sa South Gold na nagsara at muling nagbukas ng operasyon noong 1998. Pero sa tulong-legal ng WAC, naipasok sila sa bagong pabrika, binayaran ng tig-P20,000, at ginawang regular. Isa lamang ito sa matagumpay na mga kaso sa paggawa na hinawakan ng WAC.

Sa kabuuan, mahigit 10,000 manggagawang humarap sa illegal dismissal, delayed na suweldo, sapilitang overtime, hindi pagbibigay ng mga benepisyo, at hindi pagre-remit ng mga kontribusyon sa Social Security System ang natulungan ng organisasyon.

Nagsasagawa rin ang WAC ng pagsasanay at edukasyon sa mga manggagawa. “Siyempre, dapat mapukaw ’yung awareness ng mga manggagawa. Tinalakay namin ’yung tungkol sa batas, kung ano ang puwede mong gawin kung may naranasan ka at tingin mo ito’y hindi na makatarungan,” ani Tuico.

Karaniwang reklamo ng mga manggagawa ang diumano’y pakikipagsabuwatan ng mga kompanya sa Philippine Economic Zone Authority, Department of Labor and Employment, at lokal na gobyerno para madurog ang mga unyon.

Kuwento ni Merly Grafe, taga­pangulo ng Solidarity of Cavite Workers at lider-unyon ng kompanyang Koreano na Phils Jeon Garments Inc., “Noong gabi bago ang araw ng registration ng unyon, binahay-bahay ng local officials ’yung mga manggagawa upang hikayatin silang ’wag sumama sa unyon. Kapag hindi natagpuan ’yung manggagawa mismo, kinakausap ’yung ibang kapamilya na hikayatin ’yung hinahanap nilang manggagawa na huwag sumali sa unyon.”

Sa kabila nito, maraming manggagawa sa CEPZ, sa gabay ng WAC, ang nakapagtatayo ng mga unyon na kanilang pangunahing depensa sa umano’y mapang-aping pagtrato ng dayuhang mga amo.

“Bago ka pumunta ng CR, dadaan ka sa guwardiya para humiram ng susi at ika’y oorasan. Kapag lumampas ka sa limang minuto, pagbalik mo sa produksiyon, may disciplinary action ka na,” sabi ni Grafe.

Kuwento naman ng isang mang­gagawa ng garments sa kompanyang Koreano na Chong Won na tumangging magpakilala, “Nag-umpisa kami sa 2,800 pieces na kota (kada araw) hanggang sa 4,600 pieces ngayon. Kapag naabot mo ’yung kota, dadagdagan yan ng 200-400. Kaya parang makina kung ituring kami. Pinag-aaralan nila kung hanggang saan kami tatagal.”

Dagdag ng kapwa niya mang­gagawa na ayaw ding magpakilala, “Mayroong nangyari sa amin na ’yung cutter namin, nakadkad ang kamay. Dinala siya sa ospital, ginastusan ng manedsment. Ang hindi namin alam, salary deduction pala ’yon…’Yung mga Koreano, madalas nilang bukambibig sa amin, ‘Ang batas ng Pilipinas, may pera ka lang, kaya mong baliktarin’.”

Natulak ang mga manggagawa ng Phils Jeon at Chong Won na magwelga dahil sa pagsalaula sa kanilang karapatang mag-unyon at makipagnegosasyon para sa mas makatarungang mga kondisyon sa paggawa.

Kabilang ang WAC sa mga sumaklolo sa kanila nang ilang beses silang marahas na idinispers ng mga guwardiya ng kompanya at mga elemento ng Philippine National Police noong 2006 hanggang 2007. Isinasadokumento rin nila ang mga pangyayari para makapagsampa ng karampatang mga kaso at maiangat ang isyu sa antas-pambansa at internasyonal.

Umuugnay kasi ang WAC sa iba pang organisasyong tumutulong din sa mga manggagawa ng tinagurian ding mga sweatshop sa ibang mahihirap na bansa na parehas ang mga produktong nililikha sa sa CEPZ. Ito ay kilalang mga brand ng damit – tulad ng Gap, Banana Republic, DKNY, Levi’s, Tommy Hilfiger, Adidas, Nike, Polo, at Guess – na isinusuplay sa mas malalaking kompanyang Amerikano.

Ganting dahas
Pero ang nagkakaisang paglaban, ginagantihan lagi ng dahas. Apat na miyembro na ng WAC ang napabilang sa mahigit 900 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Isa na rito si Obispo Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente, tagapangulo ng organisasyon, na pinaslang noong Oktubre 3, 2006 sa Tarlac. Pinakahuli naman si Gerry Cristobal, lider-unyon ng Yazaki-EMI na pinatay noong Marso 10 sa bayan ng Imus.

Pero patuloy na binibigyan ng santuwaryo ng WAC ang mga manggagawa sa Cavite na walang ibang matatakbuhan kundi ang mga taong-simbahang unang nagbigay sa kanila ng lakas-loob na suwayin ang mga “bawal”.

“Siyempre, mismong mga manggagawa ang kailangang maggiit ng kanilang lehitimong mga karapatan. Nasa kanila ang lahat ng dahilan para lumaban,” pagtatapos ni Dizon.

May ulat nina Vanessa Balana, Dreamlyn C. Cabarles at Bianca Haina Mangente

May 6, 2008 Posted by mamamahayag | Sahod at Trabaho | | No Comments

Inuulit na kasinungalingan’ laban sa mga kinatawan

Ilang-Ilang D. Quijano/Noel Sales Barcelona
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 15
Abril 23-30, 2008

Matamang nag-abang ang mga elemento ng PNP (Philippine National Police) sa paligid ng Regional Trial Court o RTC ng Palayan City at Guimba sa Nueva Ecija. Sa araw na iyon, Abril 18, naglabas ng resolusyon ang isang joint panel ng mga tagausig. Umano’y may probable cause ang mga kasong pagpatay at pagkidnap laban kina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casiño, Gabriela Rep. Liza Maza, at dating Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Inaasahan ng PNP, isang warrant of arrest laban sa apat ang agarang iuutos ng korte.

Hindi ito nangyari. Pero umaksiyon pa rin laban kay Ocampo ang hinihinalang mga ahente ng estado. Noong Abril 20, galing sa airport ang mambabatas na dumalo sa Human Rights Mission Tour sa Canada. Nang papasok sa kanyang bahay sa Heroes Hill, Quezon City, bumuntot ang dalawang motorsiklo sa kanyang sasakyan. Buong umaga, minanmanan siya ng mga armadong lulan ng tatlong motorsiklo at apat na sasakyan. Umalis lamang ang mga ito nang sumaklolo ang mga miyembro ng midya.

Muli, ginigipit ang mga kinatawan ng progresibong mga party-list. Nais ng gobyernong Arroyo, ayon kay Ocampo, na “tuluyan kaming alisin sa Kongreso.” Ilang beses nang sumubok ang gobyerno sa pamamagitan ng diumano’y minaniobrang mga kaso. Hindi nagtagumpay noon ang tangkang pagpapatahimik sa tinaguriang pinakamaiingay na kritiko ng gobyerno. Paniwala ng mga kongresista, hindi pa rin ito magtatagumpay ngayon.

Kasong ‘walang lohika’
“Inuulit na kasinungalingan,” ayon sa apat, ang pagdawit sa kanila sa pagpatay kina Carlito Bayudang, Jimmy Peralta, at Danilo Felipe – diumano’y mga sumukong miyembro ng NPA (New People’s Army) na naging organisador ng Akbayan Party-list. Inakusahan ng kanilang mga biyuda na sina Isabelita Bayudang, Medelyn Felipe, at Mayumi Peralta sina Ocampo, Casiño, Maza, at Mariano na mga opisyal ng CPP (Communist Party of the Philippines). Diumano’y sa isang pulong noong Agosto 2000, inutusan nila ang mga lider ng CPP sa Gitnang Luzon na patayin ang tatlo na humahadlang sa kampanya ng Bayan Muna sa halalan.

Nakatalukbong at pinaliligiran ng mga militar, una nang lumantad sa publiko ang mga biyuda noong nakaraang taon. Nagsampa sila sa Comelec (Commission on Elections) ng kasong diskuwalipikasyon laban sa Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis. Pero ibinasura ng Comelec ang kaso noong Hunyo 1, 2007. Umano’y “walang sapat at kapani-paniwalang ebidensiya para suportahan ang petisyon at mga alegasyon dito.”

Gayunpaman, noong Nobyembre 14, 2007, isinumite ang kaso para gawan ng resolusyon ng tatlong tagausig sa Nueva Ecija. Tinanggihan ang hiling ng mga akusado na masilayan ang mukha ng mga nagrereklamo. Ayon sa Motion for Judicial Determination of Probable Cause na inihain ng mga kongresista noong Abril 21, ipinagkait sa kanila ang “due process.”

Ayon pa sa kanilang mosyon, wa­lang kredi­bilidad ang mga testigo. Hawak sila ng militar simula nang kanilang diumano’y pagsuko. Kuwestiyunable rin umano ang pagpapawalang-sala kay Julie Flores Sinohin, isa pang testigo na umaming pumatay mismo sa mga biktima. Walang ibang ebidensiyang pinanghahawakan ang korte maliban sa testimonya ng apat na “kaduda-dudang” testigo.

Hindi rin tugma ang mga testimonyang ito sa naunang ulat ng PNP hinggil sa mga krimen. Ang mag-asawang Baduyong, miyembro ng Red Vigilante Group. Ibang tao ang unang inakusahan ni Isabelita na pumatay sa kanyang asawa, sanhi umano ng away sa lupa. Si Jimmy Peralta naman ay biktima ng hit-and-run.

Gayundin, dapat na nakapailalim ang mga kasong kriminal sa kasong rebelyon laban sa akusadong mga lider ng CPP na ibinasura ng Korte Suprema noong Hunyo 1, 2007.

Natatawa si Ocampo sa kasong umano’y walang lohika. “Ang Bayan Muna noong 2001 ay nakakuha ng 1.7 milyong boto, kumpara sa 357,274 boto ng Akbayan. Ang Bongabon, Nueva Ecija (kung saan pinatay ang dalawa sa umano’y biktima), may 32,193 botante lamang. Bakit namin pag-aaksayahan ng panahon ang pag-utos sa pagpatay ng mga organisador ng Akbayan dito?”

Pakana ng Ialag?
Walang duda ang mga kongresista na panggigipit lamang ito. Diumano’y direktang minaniobra ang mga kaso ng Ialag (Inter-Agency Legal Action Group) ng Malakanyang. Rekomendasyon ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston kay Pangulong Arroyo, buwagin na ang nasabing grupo ng mga miyembro ng gabinete na pinamumunuan ni National Security Adviser Norberto Gonzales. Ito umano ang nasa likod ng “gawa-gawang mga kaso” laban sa lider ng progresibong mga party-list at organisasyon.

Ayon sa impormasyong natanggap ng mga kongresista, maaaring bumigay sa pampulitikang presyur si Assistant Provincial Prosecutor Antonio Ll. Lapus Jr., hepe ng mga tagausig, dahil nais nitong maiangat tungo sa pagiging huwes. Diumano’y “ginagapang” na rin ang mga huwes sa Nueva Ecija na posibleng humawak sa kaso.

Gayunpaman, umaasa sina Ocampo, Casiño, Maza, at Mariano na hindi hahantong ang lahat sa brasuhan. Handa man sila para rito, ayaw nilang maulit ang karanasan noong 2006. Kasama sina Anakpawis Rep. Crispin Beltran at dating Bayan Muna Rep. Joel Virador, kabilang ang apat sa tinaguriang “Batasan 6” na kinasuhan at tinugis ng gobyerno. Mahigit isang taong nakulong si Beltran dahil dito.

Noon at ngayon, aktibo ang apat na kinatawan ng party-list sa diumano’y pagtataguyod ng progresibong mga adhikaing may pagkiling sa mahihirap. Tulad ni Ocampo, nagsalita sa ibang bansa sina Casiño at Maza hinggil sa mga paglabag sa karapatang-pantao ng gobyernong Arroyo. Dumalo si Casiño sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Commission sa Switzerland. Kasama rin niya si Maza sa pagtuligsa sa pampulitikang panunupil sa oposisyon sa pulong ng Inter-Parliamentary Union sa South Africa. Si Mariano naman, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, aktibo sa kampanyang pagsasabatas sa Genuine Agrarian Reform Bill at nangunguna sa mga protesta laban sa krisis sa pagkain sa bansa.

May 6, 2008 Posted by mamamahayag | Pulitika | | No Comments

Ibinebentang reseta

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly Bol. 7 Blg. 14

Abril 16 - 22, 2008

Babala sa mga pasyente: Maaaring iniresta ni doktor ang mamahaling gamot na iyan kapalit ang regalo – tulad halimbawa, ng digital camera o iPod – mula sa kompanya ng gamot.

Dalawang taon na ang nakakaraan, naglunsad ng sales program ang isang malaking kompanyang multinasyonal ng gamot. Katumbas ng 10 puntos ang pagreseta ng doktor sa isang brand ng antibiotic para sa isang linggo. Kapag nakaipon ng 100 puntos, reregaluhan ang doktor ng iPod o digital camera.

“Tumaas ang benta ko noong panahong iyon. Araw-araw, tine-text ako ng mga doktor, sinasabi nila kung gaano karaming pasyente na ang gumagamit ng gamot na pino-promote ko,” sabi ni Denise (di tunay na pangalan), dating medical sales representative o med rep para sa nasabing kompanya.

Hindi lang simpleng tagalako ng gamot ang mga med rep. Ang kanilang totoong tungkulin ay “pasayahin ang mga doktor.” Milyun-milyong piso ang ginagastos ng mga kompanya ng gamot para suyuin ang mga doktor – kahit labag sa etika ng propesyon at sa kalaunan, nagdudulot sa pagtaas ng presyo ng gamot at maling pag-inom nito.

Pasyal at pakain
Puno ang lamesa ni Dr. X, isang psychiatrist nang mahigit 30 taon, ng mga litrato niya kasama ng mga med rep na regular na bumibista sa kanyang opisina. “Nakakatawa dahil noong nagbitiw ako sa pagtuturo sa unibersidad, tumigil ang mga med rep sa pag-cover sa akin. Pero nang malaman nilang nakaupo ako noon sa NDC (National Drug Committee), muli nila akong dinumog,” aniya.

Ang NDC, ngayo’y National Formulary Committee, ang gumagawa ng listahan ng esensiyal na mga gamot na maaari lamang i-reimburse sa gobyerno ng pampublikong mga ospital.

Sinasabihan ang mga med rep na iprayotisa, ayon kay Denise, ang maiimpluwensiyang mga doktor gaya ng guro at miyembro ng mahahalagang komite sa ospital at gobyerno; at mga doktor na maraming mga pasyente.

Dalawang linggo matapos matanggap sa trabaho, binigyan ng kompanya si Denise ng bagong kotse. Ginamit niya ito para maghatid ng pagkain sa mga doktor sa kanyang takdang erya. Dahil dito, nagawa umano niyang maiparesta sa mga doktor ang inilalakong gamot sa buong Intensive Care Unit. “Ipinapakita pa nila sa akin na binago nila ang reseta. Malaki ang utang na loob nila sa akin dahil pinapakain ko sila,” paliwanag ni Denise. “Walang katapusang pizza at burger.”
Isa hanggang dalawang beses isang linggo, iginigimik rin niya ang mga medical intern.

Gumagastos ang kanyang opisina ng P20,000 hanggang P30,000 kada gabi. Minsan, nililibre rin ng mga med rep ang ilang mga doktor sa spa, parlor, sinehan, at maging konsiyerto.

Labag sa Code of Pharmaceutical Marketing Practices ng Phap (Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines) ang pagbebenta na walang kinalaman sa pagbibigay ng siyentipikong impormasyon hinggil sa gamot. Ang Phap ay asosasyon ng malalaking dayuhang mga kompanya ng gamot na kumokontrol sa 72 porsiyento ng industriya.

Ayon sa regulasyon nito, dapat ambag sa CME (Continuing Medical Education) o pagpapahusay ng propesyon ang lahat ng aktibidad na iniisponsor ng mga kompanya ng gamot, tulad ng mga lektyur, kurso, kumbensiyon, at kumperensiya.

Pero pamamasyal at pakain lang diumano ang marami sa mga aktibidad na CME, lalo na yaong ginaganap sa ibang bansa. Ginagastusan ito nang malaki ng mga kompanya ng gamot. “Ang nangyayari, may isang araw, actually isang oras lang, para pag-usapan ang gamot. Tapos ang susunod na tatlong araw mamamasyal na. Nagpadala na kami ng mga doktor sa Africa, Europe, Alaska…Yung ibang kompanya nga barka-barkada kung magpadala,” sabi ni Denise.

Inaamin ni Dr. X na nalulungkot siya tuwing ipapadala sa mga kumperensiya sa mga bansa gaya ng Singapore, Hong Kong, at Macau. “Ang oryentasyon kasi ng aking mga kasama, shopping lang. At mayroon pang mga hindi nahihiyang humiling na maisponsor. Kapag hindi sila pinagbigyan ng kompanya, iboboykot nila ang gamot,” aniya.

Ngayon, nagrerenta pa raw ang mga kompanya ng sasakyan para ihatid-isundo ang mga doktor sa airport. “Akala nila, libre talaga ang serbisyo. Hindi nila naiisip na sa kalaunan, nagreresulta ito sa pagtaas ng presyo ng gamot at naaapektuhan ang mga pasyente,” aniya.

Masakit sa bulsa
Inaasahan ng mga kompanya ng gamot na mabawi ang puhunan na ginastos nito sa pagbebenta, ayon kay Dr. Kenneth Hartigan-Go, executive director ng Zuellig Foundation Inc.

Umano’y 11 porsiyento ng presyo ng gamot ay dahil sa gastos sa promotion at advertising. Ibig sabihin, aabot ito sa P5.06 Bilyon ng P46-B tinatayang kabuuang benta ng gamot kada taon.
Binatikos ni Dr. Alberto Romualdez, dating kalihim ng DOH (Department of Health) at tagapangulo ng Medicines Transparency Alliance, ang pagpepresyo ng mga kompanya ng gamot.

Sinasagad umano ang kakayahang bumili ng taumbayan. “Okey lang siguro ito sa mayayamang bansa. Pero malupit ito para sa mahihirap na bansa gaya natin, na mayorya sa mga mamamayan ay hindi nakakabili ng gamot,” aniya.

Wala pa sa 30 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nakakabili ng esensiyal na mga gamot, ayon sa World Health Organization.

Noong 1988, ipinasa ang Philippine Generic Drug Act para isulong ang paggamit ng mura at epektibong mga gamot na walang brand. Pero hindi naging matagumpay ang nasabing batas. Umano’y hindi naglaan ang gobyerno ng atensiyon sa pagpapatupad nito. Hanggang ngayon, wala pang limang porsiyento sa naibebentang gamot ang generic.

Kataka-taka ang natuklasan ni Dr. Antonio Dans, hepe ng Adult Medicine Section ng Department of Internal Medicine ng PGH (Philippine General Hospital) at isang cardiologist. Umano’y mas maraming Pilipinong may sakit sa puso ang gumagamit ng gamot na masakit din sa bulsa – samantalang mayroon namang gamot na mas mura at epektibo.

Noong 1996, inindorso ng Philippine Heart Association at Philippine Society for Hypertension ang beta-blockers. Ito raw ang pinakamahusay na gamot sa sakit sa puso – at nagkakahalaga lang ng P5. Pero sa isang sarbey sa Asya-Pasipiko noong 1997, lumalabas na wala pang 20 porsiyento ng mga pasyente ang gumagamit nito.

Sa kabilang banda, halos kalahati ng mga may sakit sa puso ang gumagamit ng mga gamot na Trimetazidine, L-carnitine, at Coenzyme Q. Nagkakahalaga ang mga ito ng P30 hanggang P50. Isa pa, walang mga random clinical trial na nagpapatunay ng kahusayan ng mga ito noong 1992, taong sumirit ang kanilang gamit.

“Marahil, ang paggamit ng mamahalin at di epektibong gamot ay epekto na ng impluwensiya ng industriya sa mga doktor,” ani Dans.

Relasyong sala-salabid
Ayon sa mga pag-aaral na inilathala ng British Medical Journal, ang pagbisita ng mga med rep ay nagreresulta sa pagreseta ng mamahaling gamot at maagang pagreseta ng bagong mga gamot na di napatutunayan ang husay. Ang mga pasyal, nagreresulta sa apat hanggang 10 beses na pagtaas ng reseta sa gamot ng nag-iisponsor na kompanya. Ang mga iniisponsor na workshop at seminar, nagreresulta sa 21 porsiyentong pagtaas ng di-angkop na pagreseta.

Nakasandig sa pondo mula sa mga kompanya ng gamot ang taunang mga kumbensiyon at iba pang aktibidad ng Philippine Medical Association at mga medical specialty society.

Mismong ang Phap, inaaming hindi para sa CME ang ilang mga aktibidad na inilulunsad ng mga medical society katuwang ang mga kompanya. Sa isang circular noong Pebrero 1, 2006, sinabi ng Ethics Committee na ginaganap ang mga ito sa maluluhong mga lugar gaya ng Boracay; El Nido, Club Paradise, at Pearl Farm Resorts sa Palawan; Bohol; at Tambuli Beach Club at Plantation Bay Resort sa Cebu City.

Ang paglabag sa regulasyon ng Phap ay may katumbas na multa na P50,000 hanggang P300,000.

Pero kuwento ni Dans, pawang “moro-moro” lamang ang proseso ng Ethics Committee na iniwan niya noong 2006 matapos ang dalawang taon. “Irereklamo ni Kompanya A si Kompanya B na magmumulta. Sa susunod na araw, irereklamo ni Kompanya B si Kompanya A sa parehong paglabag at magmumulta rin. Lahat naman yata payag na magmulta dahil maliit lamang ito kumpara sa naibebenta nila.”

Kultura ng pagtanggap
Noong Enero, isang departamento sa isang malaking pribadong ospital sa Quezon City ang nagsagawa ng tatlong araw na post-graduate course na inisponsor ng mga kompanya ng gamot. Malaki ang kinita ng nasabing departamento dahil sa advertising booths na nagkakahalagang P30,000 hanggang P50,000 bawat isa. (Ayon kay Dr. X, sa mga booth gaya nito mahilig tumatambay ang mga doktor kapag may aktibidad dahil sa kung anu-anong mga pamigay).

Sa sobrang tuwa, nagpadala ng sulat sa mga kompanya ang organisador ng aktibidad. Humingi siya ng listahan ng mga gamot na nais nilang ipareseta. “Tuwang-tuwa ’yung mga kompanya…binigyan kami ng listahan ng mga gamot na gusto nilang i-promote, kasama ng isang memorandum na nagsasabing ‘nawa’y makagawian ninyo ito araw-araw.’ Nagulat kami. Maraming nagreklamo. Kaya binawi rin yung memo ng departamento,” kuwento ng doktor na miyembro nito na tumangging magpakilala.

Marami umano sa mga doktor ang tila may “utang na loob” pa sa mga kompanya ng gamot. “May lumalapit sa aking residente, sinasabing ‘Dok, heto na lang ’yung nireseta kong gamot para makabawi naman sa med rep.’ Hindi iyon dapat mangyari. Bukas itong sinasabi, ibig sabihin, sa tingin nila ay walang mali. Sobrang tagal na itong ginagawa, may kultura na ng pagtanggap. Parang korupsiyon sa gobyerno,” ani Dans.

Nagsisimula diumano ang “indoktrinasyon” sa paaralan. Hihingi ang mga estudyante ng maliliit na bagay, tulad ng inumin para sa mga party, mula sa mga kompanya ng gamot. “Uunlad ang ugnayang ito. Kapag naging clerk ka, bibigyan ka na ng mga drug sample. Dadami pa ang mga regalo kapag naging intern ka. Kahit ang ‘magagandang proyekto’ tulad ng mga medical mission, iniisponsor ng kompanya. Kapag naging doktor ka, palaki nang palaki ang suhol,” ayon kay Romualdez, dati ring dekano ng University of the Philippines College of Medicine.

Hanggang sa humantong sa antas-institusyunal ang diumano’y “pagbebenta ng reseta.” Pagsiwalat ni Dans, mayroong mga conference room sa PGH ang inayos ng mga kompanya ng gamot kapalit ng ilang libong reseta. “Papaalalahanan ka na kulang pa ang iyong inireseta at nagagalit na ’yung kompanya,” aniya. Nangyayari rin umano ito sa ibang mga ospital.

Walang regulasyon
Hindi umuubra ang pagbabantay-sa-sarili ng Phap, ayon kay Romualdez. Gobyerno ang may responsabilidad na siguruhing propesyonal ang relasyon ng doktor at kompanya ng gamot.

Kabilang sa repormang iminumungkahi niya ang pagpapalakas sa mga Hospital Therapeutics Committee na dapat nangangasiwa sa pagresta at paglimita sa ugnayan ng med rep at doktor. Dapat rin umanong gastusan ng gobyerno ang edukasyong medikal nang hindi umaasa sa industriya.

Matagal nang ipinagkakait sa pasyenteng Pilipino ang mura at epektibong gamot. Nananatili ang mga balakid hanggang malaya ang dambuhala at dayuhang mga kompanya ng gamot na sairin ang taumbayan, patabain ang sariling mga bulsa, at akitin ang ating mga doktor sa kalansing ng barya.

Cheaper Medicines Bill: ‘Hindi sapat’

Komprehensibong pagbabago sa industriya ng gamot sa Pilipinas ang kailangan, at hindi lang pagpasa ng Cheaper Medicines Bill, pahayag ng Head (Health Alliance for Democracy), organisasyon ng 3,000 doktor at mga propesyunal pangkalusugan.

Para mabilis diumano itong maipasa, idineklara ni Pangulong Arroyo kamakailan na ilalalaglag sa panukalang batas ang “generics only provision” o probisyon na mga generic na gamot lamang ang maaaring ireseta. Naging kontrobersiyal ito matapos umalma ang Philippine Medical Association dahil wala umanong kakayahan ang Bureau of Food and Drugs na siguruhin ang kalidad ng mga generic na gamot.

Ayon kay Dr. Gene Alzona Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, panahon nang buwagin ang monopolyo sa industriya ng dayuhang mga kompanya, na inamin mismo ni Arroyo.
Kahit umano ang mga mambabatas, inaamin na hindi masosolusyunan ng isang batas ang problema sa matataas na presyo ng mga gamot. Mas malala, maaari rin itong maging inutil gaya ng Generics Law, ayon sa grupo.

Layon ng Cheaper Medicines Bill na isabatas ang parallel drug importation o pag-aangkat ng murang gamot at kontrol sa presyo ng gamot sa ilang mga pagkakataon.

Kabilang sa mga pagbabagong iminumungkahi ng Head ang pagpapaunlad ng sariling industriya ng gamot at pagpapatupad ng National Drug Policy. Kaakibat nito ang regulasyon sa lahat ng aspekto, hindi lamang sa presyo.

“Dahil deregularisado ang industriya, hinayaang kumita nang walang pakundangan ang mga kompanya ng gamot kapalit ng buhay natin. Milyun-milyon pa ang magdurusa, magkakasakit, at mamamatay nang di kinakailangan kapag hindi umaksiyon ang gobyernong Arroyo,” ani Nisperos.

April 23, 2008 Posted by mamamahayag | Uncategorized | | No Comments

Korte Suprema, walang pakinabang sa obrero?: Manalo, matalo, dehado ang obrero

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly Bol 7 Blg 13

Abril 8 -15, 2008

HINDI lamang ang 227 manggagawa ng Toyota Motors Phils. Corp. na tinanggal sa trabaho ang apektado ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan, kundi ang buong kilusang paggawa.

Sa kauna-unahang pagkakataon, diumano’y pumabor ang Korte Suprema sa karapatan ng kompanya na kumita kaysa sa mas mahalagang karapatan ng mga mamamayan na magwelga at magpahayag. Sumandig ito sa rules and regulations ng kompanya kaysa sa Konstitusyon ng bansa.

‘Maka-kapitalista’

Noong Oktubre 17, 2007, nagdesisyon ang 2nd Division ng SC na ilegal ang welga ng TMPCWA (Toyota Motors Phils. Corp. Workers ‘Association) at iniutos na huwag bigyan ng separation pay ang tinanggal na mga manggagawa. Isa itong mapait na desisyon para sa mga manggagawang pitong taong naghintay ng “hustisya” mula sa korte.

Noong Marso 16, 2001, idineklara ng Dole (Department of Labor and Employment) ang TMPCWA na Seba (Sole and exclusive bargaining agent). Sa araw ding iyon, tinanggal ng manedsment ang mahigit-kumulang 300 manggagawa at opisyal ng unyon. Ginawang batayan ng kompanya ang hindi pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa noong Pebrero 22 at 23 nang dumalo ang mga ito sa clarificatory hearing na ipinatawag ng BLR (Bureau of Labor Relations) para dinggin ang apela ng manedsment hinggil sa pagkakaloob ng Seba.

Ang pagtanggal sa mga manggagawa ay hakbang para buwagin ang unyon na 15 taon nilang pinagsikapang itayo, ayon sa TMPCWA. Ito ang nag-udyok sa kanila na maglunsad ng welga noong Marso 28, 2001 – ang kauna-unahan sa kasaysayan ng dambuhalang kompanyang Hapon.

Ngunit idineklara ng SC na ilegal na welga ang aksiyon ng manggagawa sa harap ng BLR. Labag umano ito sa rules and regulations ng kompanya na nagsasabing maaaring maging batayan sa pagkatanggal sa trabaho ang “pag-udyok o paglahok sa mga riot, kaguluhan, welga, at iba pang aksiyon na salungat sa interes (ng Toyota).”

Pinanigan ng korte ang kompanya na nagreklamong P50 Milyong kita ang nawala dahil sa dalawang araw na di pagpasok ng mga manggagawa sa trabaho.

Pero lumalabas na walang lugi ang kompanya noong 2001 batay sa ulat na pampinansiya nito sa Securities and Exchange Commission. Kumita ito ng P122.4-M noong taong iyon. Sa motion for reconsideration na isinampa ng TMPCWA, ginigiit din ng unyon na mas matimbang ang karapatan ng mga manggagawa na malayang magpahayag kaysa karapatan ng kompanya na kumita, batay na rin sa naunang mga desisyon ng SC.

Desisyong di naipatutupad

Samantala, kung “talo” ang mga manggagawa ng Toyota sa SC, “panalo” naman ang mga manggagawa ng Nissan Motor Phils. Inc. Pero tila walang silbi ang kanilang legal na tagumpay. Hanggang ngayon, hindi pa rin naipapatupad ang desisyong pabor sa kanila.

Nagwelga ang mga manggagawa ng Nissan noong Oktubre 1, 2001. Dahil ito sa pagsuspindi ng manedsment sa 140 manggagawa kaugnay ng naunang protesta na humihiling na bayaran sila ng 13th month pay; pag-alis sa 11 napagkasunduan sa CBA (Collective Bargaining Agreement); at pagtanggal sa trabaho ng 18 opisyal ng unyon habang nakikipagnegosasyon.

Si Efimaco Marica, 50, ay isa sa mga manggagawang natanggal sa trabaho. May 13 taon siyang assembler ng tangke. Nang matigil ang kabuhayan, pitong anak niya ang apektado. Ang pinakabata rito, pitong taon na niyang kasama sa piketlayn. Noong Agosto 8, 2005, kasama siya sa 22 manggagawang nakulong nang maglunsad ng kilos-protesta sa labas ng SC.

Kaya naman laking galak ni Efimaco nang iutos ng SC noong Hunyo 21, 2006 sa manedsment na ibalik sa trabaho at bayaran ang 144 na tinanggal na mga manggagawang kasapi ng Banal-Olalia-KMU (Bagong Nagkakaisang Lakas sa Nissan Motors Phils.- Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-Kilusang Mayo Uno).

Pero di kalauna’y muli silang binigo ng korte. Naglabas ng resolusyon ang Dole noong Hunyo 15, 2007 na nagsasabing taliwas sa desisyon ng korte, 25 manggagawa lamang ang pinababalik sa trabaho at babayaran ng manedsment. “Nag-iyakan kami noon,” aniya. Hanggang ngayon, hindi pa naipapatupad ng manedsment maging ang resolusyon ng Dole.

Nakabinbing mga kaso

Ayon sa Pamantik (Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan)- KMU, “Kung ano ang naipanalo ng mga manggagawa sa prosesong legal, tulad ng desisyon ng Korte Suprema sa mga manggagawa ng Nissan, ipinagkakait ng mga kapitalista.”

Sa Timog Katagalugan, may 504 na nakabinbing kaso ng paggawa sa iba’t ibang korte at ahensiya ng gobyerno. May 87 kaso sa National Labor Relations Commission o NLRC; 211 sa BLR-Region 4; lima sa Office of the Secretary ng Dole; 17 sa Court of Appeals, at anim sa Korte Suprema.

Mga kaso ito ng kontraktuwalisasyon, tanggalan, pagbuwag sa unyon, panghaharas, at marahas na pagdispers sa mga manggagawa sa Nestle, Aichi Forging, Honda Cars, Enkei, Nikko Materials, Toshiba, Nippon Paints, Daiwa-Seiko, FCC, Keihin, Uniden, National Panasonic (Matsushita), Yutakam Fujitsu Ten, Imasen, Isuzu, Chiyoda, Gunma Gohkin, Yazaki-Torres, Sun Ever Lights, Masuda, Soutech, at iba pang dayuhang mga kompanya sa industriyal na enklabo sa rehiyon.

April 23, 2008 Posted by mamamahayag | Sahod at Trabaho | | No Comments

Kuwestiyonableng polisiya ng gobyernong Arroyo sa krisis sa bigas: Walang wisyo sa plano

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol 7 Isyu 12
Abril 2 - 8, 2008

NAGKUKUMAHOG ang gobyernong Arroyo sa pag-iikot sa ibayong-dagat para punan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa bigas. Pero batay mismo sa datos ng gobyerno, lumalabas na sasapat na ang ating suplay.

Ang masahol pa, mas mahal na nabibili ng gobyerno ang inaangkat na bigas kaysa sa lokal na mga bigas.

Para tugunan ang diumano’y napipintong “krisis sa suplay ng bigas,” nakatakdang mag-angkat ang DA (Department of Agriculture) ng tinatayang 2.1 milyong MT (metro tonelada) ng bigas ngayong taon. At para mapadali ang pag-aangkat, iniutos ni Pangulong Arroyo sa Department of Finance na pag-aralan ang pagbaba ng taripa sa inangkat na bigas. Bilang pang-engganyo ito sa pribadong sektor para makapag-angkat ng mas maraming bolyum katuwang ang NFA (National Food Authority).

Sa ngayon, nasa 50 porsiyento ng presyo ng inangkat na bigas ang ipinapatong na taripa pagpasok ng nasabing bigas ng Pilipinas.

Pero para sa mga magsasaka ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), “gutom”, sa halip na “ginhawa”, ang idudulot ng liberalisasyon ng industriya ng bigas.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, palalalain lang nito ang dati nang tumitinding krisis sa bigas. Lalong tataas ang presyo ng bigas sa merkado at mawawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka ng palay.

Kakulangan sa suplay?

Sa totoo lang, kaiba sa sinasabi ng gobyerno ngayon, masasabing walang “krisis sa suplay ng bigas.” Batay ito sa datos mismo ng DA, na nagsasabing aabot hanggang Oktubre ang kasalukuyang nakaimbak na palay ng gobyerno at makakatawid sa mga buwang walang ani (lean months) na Hulyo hanggang Setyembre.

Noong Marso 25, idineklara ng DA na aabot pa ng 57 araw ang nakaimbak na bigas ng gobyerno na 1.2-M MT. Isama pa rito ang aanihing palay ngayong tag-init, na kapag ginawang bigas ay aabot sa tinatayang 4.6-M MT. Ibig sabihin, makapag-iimbak ang gobyerno ng palay na tatagal nang 139 araw.

Nakabatay ang kalkulasyon na ito ng KMP sa 33,000 MT bigas kada araw na tinatayang makokonsumo ng Pinoy o national rice consumption; tinatayang 7.1-M MT na aanihing palay sa buong taon; at 65 porsiyentong recovery rate sa pagbibigas ng palay.

Ang natitira pang kakulangan sa suplay ng bigas para sa 2008 ay maaari nang kunin sa aanihin ng lokal na mga magsasaka ng palay sa Oktubre. “Kaya mali ang solusyon kung ibinabangga natin ang ulo natin sa importasyon, dahil wala naman palang pangangailangan at kaya naman pala nating likhain anuman ang kakulangan,” sabi ni Mariano.

Matumal man, tumataas pa rin ang taunang produksiyon ng bigas sa bansa.

Krisis sa presyo
Lumalabas na hindi “krisis sa suplay ng bigas” kundi “krisis sa presyo ng bigas” ang nararanasan ng bansa ngayon. Tumaas na nang P3 hanggang P4 kada kilo ang presyo ng commercial rice – dagok sa ordinaryong Pinoy na kanin ang pangunahing isinusubo sa araw-araw.

Sinasamantala lang umano ng kartel o malalaking mangangalakal ng bigas ang mataas na presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado para makapagtaas ng presyo sa lokal na merkado, ayon kay Mariano. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Epekto raw ito ng polisiya ng gobyerno na ipaubaya sa pribadong sektor ang pagtakda ng presyo ng bigas. “Parang nakondisyon pa ’yung isip ng taumbayan, na dahil mahigpit ang suplay sa world market, mataas na ang presyo doon. Kaya sa mga trader, parang go signal na ito na itaas din ang presyo dito. Wala namang kontrol eh, di naman sila mapaparusahan kasi nga deregularisado (ang industriya),” aniya.

Ipinaliwanag ni Mariano na walang dahilan ang mga mangangalakal na itaas ang presyo. Ito’y dahil ang nakaimbak nilang bigas na mula sa huling anihan ng palay noong nakaraang taon, nabili nila sa mga magsasaka sa mababang presyo: P12 kada kilo o minsa’y mas mababa pa sa support price o presyong binibili ng NFA na P11.50 kada kilo.

Kung pagbabatayan ang rule of thumb o kalakaran sa industriya ng bigas, 70 porsiyento lamang ng presyong ibinili sa palay ang dapat ipatong bilang tubo. Ibig sabihin, kung nabili ang palay sa P12 kada kilo, dapat P18.70 lang ang presyo nito sa merkado. Pero kadalasang lampas dito ang presyo ng bigas kada kilo dahil walang kontrol ang gobyerno sa kinikita ng kartel sa bigas, sabi ni Mariano.

Bilhin ang lokal na palay

Simple lamang ang inihahaing solusyon ng mga magsasaka sa krisis sa bigas: bilhin ng NFA ang 25 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay. Nang sa gayon, maibenta ito sa merkado sa halagang P18.25. Maiiwasan umano nito ang pagkubra ng kartel sa bigas sa lokal na palay na ibinebenta sa merkado bilang mamahaling commercial rice.

Mas matipid din ang hakbang na ito para sa gobyerno, na kapag bumili ng inangkat na bigas ngayon mula sa Vietnam ay gagastos ng $708 kada MT o katumbas ng halos P26 kada kilo. Isama pa ang interes at gastusin para sa iba’t ibang yugto ng transportasyon hanggang distribusyon, lumalabas na malaki ang lugi ng gobyerno sa importasyon.

“Kung gagastos na lang din ang gobyerno ng P2 Bilyon sa importasyon, bakit hindi na lang bilhin sa P11.50 support price ang palay ng mga magsasaka at ibenta niya ng P18.25? Kung di man break even may kaunti pa nga siyang kita,” sabi ni Mariano.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa isang porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili ng NFA, ayon sa KMP.

Sa mandato ng NFA, dapat 10 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili nito.

Pangamba pa ng KMP, kapag nahuli ang dating ng inangkat na bigas at pumasok ito sa Oktubre, kasagsagan ng anihan, lalong hindi mabibili o mababarat ang palay ng lokal na mga magsasaka.
Bukod pa rito, ibebenta sa isang subasta ang di naibentang inangkat na bigas, kahit sa presyong mas mababa na sa release price na P18.25. “May kikita na naman doon. May makaka-korner na naman doon. Ire-remill siguro yon tapos ibebenta nila bilang commercial rice,” paliwanag ni Mariano.

Pribatisasyon ng NFA
Pero ayaw gawin ng gobyerno ang mga mungkahing ito. Sa halip, itinutulak pa nito ang pagbaba ng taripa sa bigas. Naghahanda pa itong tupdin ang gusto ng WB (World Bank) na pagsasapribado ng NFA. Ito raw ang solusyon sa krisis.

Pagdating ng 2012, nais ng WB na tuluyang maliberalisa ang industriya ng bigas o malayang makapasok ang inangkat na bigas.

Nais din nitong maitalaga sa pribadong sektor, sa halip na sa NFA, ang pag-aangkat ng bigas. Dapat din daw bawasan ang kapangyarihan ng ahensiya na gumawa ng mga interbensiyon para mapababa ang presyo ng bigas, dahil diumano’y “hindi gumagana” ang mga ito.

Pero ayon kay Mariano, “Lalong mawawalan ng kakayahan ang bansa na umasa sa sarili para sa pangangailangan sa pagkain. Lalong lalalaya ang kartel sa bigas na magdikta ng presyo ng bigas.”

Mapapalala umano ang krisis sa pagkain na kinasadlakan ng bansa simula nang pumasok sa World Trade Organization noong 1995 at umasa sa inangkat na bigas mula sa kapitbahay na mga bansang Asyano at sa US.

Mula sa pagiging numero unong prodyuser at taga-eksport ng bigas, ang Pilipinas ay bumagsak sa pagiging numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya.

Lumalabas na “walang wisyo” ang pamimili ng bigas ng gobyernong Arroyo sa ibayong-dagat para masolusyunan ang krisis na anila’y dulot mismo ng pagiging palaasa sa importasyon sa halip na sa lokal na produksiyon ng palay.

April 3, 2008 Posted by mamamahayag | Globalisasyon, Magsasaka at Agrikultura | | No Comments