Muling Paglathala

Archive for 2006

Con-Ass man o Con-Con, tuloy ang laban

Posted by mamamahayag on December 15, 2006

PW Reportorial Team
Pinoy Weekly Vol. 5 Isyu 48

Hindi inasahan maging ng mga pinakamagu-gulang na strategist ng administrasyon ang bagyong lilikhain ng niratsada nitong Con-Ass (Constituent Assembly). Nagitla maging si Presidente Arroyo, ang tinitingnan ng marami bilang pangunahing patron ng Cha-Cha (Charter Change).

Sa talumpati niya sa sa Philippine Development Forum (PDF) noong Marso sa Tagaytay City, wika niya na “nakaalis na sa istasyon ang tren ng Cha-Cha” at ang “sinumang hahadlang dito ay masasagasaan.”

Nagkakaisa ang mga militanteng organisasyon, grupong simbahan, bloke ng mga oposisyonistang pulitiko at maging mga grupong negosyante na dapat dalhin sa kalsada ang laban.

Ang tanong ngayon ay kung mauuwi ba ang mga pangyayari sa panibagong kilusang people power na magpapatalsik sa gobyernong GMA.

Nanawagan na ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) para sa isang rali sa Linggo, Disyembre 17, 11 ng umaga, sa Liwasang Bonifacio. Matapos ang programa dito, tutungo ang Bayan sa Luneta at sasanib sa kalipunan ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines), El Shaddai, Jesus is Lord Movement, National Council of Churches in the Philippines, United Opposition, grupong Erap at iba pang puwersang pampulitika at sibiko.

Bagyong pampulitika

Sa pagtatapos ng taon, hindi bagyo ng kalikasan ang nagdulot ng pagkayanig – matinding takot, ang wika ng ilan — sa gobyernong Arroyo, kundi ang bagyong likha ng sarili nitong pakana. Sa Malakanyang, gumapang ulit ang masidhing pangamba gaya noong kainitan ng “Hello Garci.” Sapat ang pagkatuliro ng palasyo upang ipagpaliban ang nakatakdang 12th Asean (Association of Southeast Asian Nations) Summit sa Cebu at isugal ang pagkapahiya sa buong mundo.

Bagyong “Seniang” ang opisyal na dahilan ng gobyerno sa pagsasantabi ng pulong ng Asean, kahit mismong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ay nagrekomenda na ituloy ang pulong dahil hindi kalakasan ang bagyo at hindi direktang tatamaan ang Cebu.

Matapos masaksihan ng publiko kung paano “binaboy” ng mayoryang alyado ni Arroyo ang mga tuntunin ng mismong Kamara, at “ginahasa” ang mismong Konstitusyon, mabilis ang pagkondena ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sinabi ni Monsignor Pedro Quitorio, tagapagsalita ng CBCP, na magmomobilisa sila sa buong Pilipinas. “Wala nang moralidad, wala nang panuntunan. Ang sinusunod na lamang, kung ano ang gusto ng mga kongresista,” pahayag niya.

Sang-ayon si Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan. Wika niya, nailantad na sa wakas ang katotohanan na gobyerno ni Arroyo talaga ang may pakana ng panukalang baguhin ang Saligang Batas. “May hangganan ang panloloko at manipulasyon na kayang sikmurain ng taumbayan. Tulad ng kasabihan, naloloko at nasusupil ang sambayanan, pero hindi lagi, at hindi habambuhay,” ani Cruz.

Idineklara naman nina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo, Joel Virador at Teddy Casiño ang buong lakas na mobilisasyon. “Tinatawagan namin ang lahat ng taumbayang harangan ang pagsalakay sa ating mga karapatan. Labanan ito ng sambayanang Pilipino at ng mga trapo na gahaman sa kapangyarihan na pinamumunuan ng isang ilehitimong presidente,” sabi ni Ocampo.

Nanawagan maging si dating Bise Presidente Teofisto Guingona sa mga estudyante. “Ano ang halaga ng mga pinag-aaralan kung hindi matututunan ang leksiyon na nagaganap ngayon? Pag-aralan ninyo mismo. Pumunta sa mga rali at makilahok,” ayon kay Guingona.

Masinsing kilos-protesta

Nitong Disyembre 12, nagsagawa ang Bayan at iba pang organisasyon ng masigabong rali sa kahabaan ng Commonwealth Avenue patungong Batasan Pambansa. Nauna dito, pinangunahan ng Karapatan noong Disyembre 8 ang kilos-protesta laban sa Con-Ass sa Plaza Miranda patungong Recto Avenue sa Maynila.

“Sa halip na bigyan ng pansin at prayoridad ang pagresolba sa mga kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao, pinili ng mga mambabatas na sipsip sa administrasyon na iratsada ang pagbabago ng Saligang Batas at patagalin pa ang berdugong rehimeng Arroyo,” pahayag ni Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sabi naman ni Maita Santiago, pangkalahatang kalihim ng Migrante International, “Hindi makikinabang ang mga migrante at taumbayan sa Con-Ass at panukalang palitan ang Konstitusyon. Sa halip, patatagalin lang nito ang paghawak ni Arroyo sa kapangyarihan at bubuksan ang kapaligiran at natural na yaman ng bansa sa dayuhang interes.”

“Sa pamamagitan ng garapal na pagratsada sa Con-Ass, pinagkaisa ni Speaker Jose de Venecia at Presidente Gloria Arroyo at mga kasapakat nila ang mga mamamayang nagpoprotesta (na) posibleng maghudyat sa isa pang pag-aalsang People Power,” ani Casiño.

Sa Cebu, ang paghahanda ng mga militanteng organisasyon kontra sa Asean ay ibinaling kontra sa Con-Ass.

Con-Con naman

Bunga ng kagyat at malawakang protesta, iniatras nina De Venecia ang Con-Ass. Mismong si Arroyo ay nagsalita na rin para “ipatigil” ito. Con-Con (Constitutional Convention) naman ang inihihirit nina De Venecia. At binigyan pa ang Senado ng 72 oras para magpasya ukol dito. Tumaas lang ang kilay ng Senado. Hindi kayang diktahan ng Kamara ang Senado, ayon kay Senate President Manuel Villar.

“Noong una, sinubukan nila ang ilegal na people’s initiative. Pagkatapos, sinubukan nilang sarilinin ang Con-Ass. Ngayon naman, gusto nila ang Con-Con. Ang isyu ay ang pag-aabuso sa kapangyarihan para sa mga makasarili at kaduda-dudang hangarin,” ayon kay Senate Majority Leader Francisco Pangilinan.

Dalawampu’t dalawang senador ang pumirma sa Senate Resolution 599 kontra Con-Ass.

Pumirma maging sina Senador Ramon Revilla Jr. at Lito Lapid, mahihigpit na kaalyado ni Arroyo. At si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay nagsabing “pareho lang ang kahihinatnan ng Con-Ass at Con-Con dahil sa pagkontrol dito ng mga miyembro ng Kamara.” Aniya, ipupuwesto lang ng mga kongresista ang kanilang mga asawa o anak bilang kandidato sa pagka-delegado ng Con-Con.

Kontra sa Cha-Cha

Nitong Disyembre 11, dininig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Laws ang mga eksperto sa Konstitusyon at kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Nagkakaisa sila na hindi napapanahon at hindi kailangan ang Cha-Cha.

“Walang kagyat na pangangailangan at hindi angkop ang kalagayan para sa seryosong pagbabago ng Konstitusyon,” ayon kay Fr. Joaquin Bernas, dekanong pandangal ng Ateneo de Manila University School of Law. Sinabi niya na hindi ang Konstitusyong 1987 ang sagka sa kaunlaran kundi ang tiwaling burukrasya. Nagpahayag din siya ng kawalang-tiwala sa mga kongresista na nagsusulong ng Con-Ass.

Samantala, labag sa Konstitusyon ang pagpapatawag ng Kamara ng Con-Ass nang walang partisipasyon ng Senado, ayon kay dating hukom Vicente Mendoza. “Hindi angkop ang panahon sa pag-aamyenda ng Konstitusyon.”

Naniniwala naman si Raul Pangalangan, dating dekano ng University of the Philippines College of Law, na pananatilihin ng Cha-Cha ang patronage politics. Aniya, sa isang sistemang unicameral, lalong magiging tali sa interes ng mga miyembro nito ang mga lokal na warlord at mayayamang pamilya na nagluklok sa kanila sa puwesto.

Sa kabilang banda, sinabi ni Christian Monsod, tagapangulo ng One Voice, hindi magiging kapani-paniwala maging ang Con-Con hanggang hindi nalilinis ang imahe ng Commission on Elections, na “sangkot sa pandaraya” noong mga nakaraang halalan.

Anumang paraan sa Cha-Cha, Con-Ass man o Con-Con, tutol ang KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas). “Mariing tinutulan ng masang magsasaka ang Cha-Cha dahil itinataguyod nito ang interes ng iilan, lalo na ang kapakanan ni Gloria at laban sa interes ng kapakanang Pilipino,” ani Willy Marbella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Pahayag ni Propesor Jose Maria Sison

Tikom man ang bibig ng embahador ng US sa Pilipinas na si Kristie Kenney, sinabi ni Prop. Jose Maria Sison, punong konsultant na pampulitika ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) at tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle, na gobyernong US ang pangunahing nagtutulak sa gobyernong Arroyo na amyendahan ang Konstitusyon. Pangunahin umano sa mga itinutulak ng US ang pagbura sa mga probisyon sa Konstitusyong 1987 tulad ng pagbabawal sa dayuhang base militar at sa mga sandatang bayolohikal at kemikal.

Tanda ng malubhang hidwaan sa pagitan ng mga reaksiyonaryong pulitiko ang pagsusulong nila ng Cha-Cha, ayon pa kay Sison. Noong una, nagbitiw si Sec. Avelino Cruz ng Department of National Defense at tinawag niyang “hare-brained” o pulpol ang mga nagsusulong ng Cha-Cha. Kamakailan naman, pinasaringan ni Sec. Mike Defensor na dapat magkaroon ng “dose of reality” ang mga tagapagtaguyod ng Cha-Cha. Maaaring ang patutsada niya ay nakatuon kina Executive Secretary Eduardo Ermita, Sec. Gabriel Claudio, Justice Sec. Raul Gonzalez at Press Secretary Ignacio Bunye.

Lulubha ang hidwaan ng mga reaksiyonaryo. Lalong titindi ang poot ng taumbayan at lalakas ang mga kilos pangmasa sa larangan ng legal na pakikibaka at ng sandatahang pakikibaka, ani Sison.

Ayon kay Sison, mas madali na sanang ibalibag si Arroyo kung hindi siya umatras sa Con-Ass.Pero sa mga susunod na buwan, lalong manghihina ang rehimeng Arroyo dahil sa paglala ng krisis sa ekonomiya, korapsiyon, pagsunod sa utos ng mga imperyalista at paglala ng paglabag sa mga karapatang pantao. At kung mandaraya muli si GMA sa Mayo 2007, kung matutuloy ang eleksyon, tiyak na mapapatalsik siya kaagad ng kilusang masa, dagdag ni Sison.

Posted in Pulitika | 1 Comment »

Ika-12 pulong ng Asean: Asya sa saklot ng Estados Unidos

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano/ Soliman A. Santos
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Karangalan ng gobyernong Arroyo ang maging punong abala at tagapangulo ng ika-12 pulong ng Asean (Association of South East Asian Nations) na gaganapin sa Cebu City sa Disyembre 11-16, 2006.

Ngunit para sa progresibo’t makabayang mga organisasyon ng iba’t ibang bansa na dadagsa sa lungsod para magprotesta, kahiya-hiya ang gobyernong Arroyo sa papel na ginagampanan nito bilang tagapaniguro sa interes ng Estados Unidos sa rehiyon. Anila, walang ibang kabuluhan ang pulong kundi ang pag-ibayuhin ang kontrol ng US sa ekonomiya at militar ng mga bansang malakolonya nito, pangunahin na ang Pilipinas.

Ano ang Asean

Ang Asean, na itinatag noong Agosto 8, 1967, ay binubuo ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar at Cambodia. Sinasabing itinayo ito ng US noong Cold War para pigilin ang paglaganap ng komunismo mula sa Tsina, Hilagang Korea at Indotsina.

May pinagsanib na populasyong 558 milyon ang mga bansang Asean.

Ayon kay Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, “Dahil hindi malalaking kapangyarihang militar ang mga bansang Asean at ang pinakamalalaking trading partners ng mga ito ay mga bansang wala sa Southeast Asia, matagal nang nakatali ang adyenda ng Asean sa relasyon nito sa mga mayayamang bansa, laluna sa US.”

Dialogue partners ng Asean ang US, Australia, Canada, European Union, Japan, New Zealand, Tsina, India, Republic of Korea, Russia, at United Nations Development Program.

Sa darating na pulong ng Asean, dadalo ang 16 na pinuno ng mga bansa sa rehiyon at dialogue partners nito, kabilang sina US Secretary of State Condoleeza Rice at WTO (World Trade Organization) Director General Pascal Lamy.

Dalawa ang pangunahing adyenda ng pulong: pagpapabilis sa free trade o malayang kalakalan sa rehiyon at sa mga partner nito; at pagpapahigpit ng mga hakbang para masugpo ang “terorismo.”

Iisang merkado para kanino?

Ayon kay Pangulong Arroyo, tatalakayin sa pulong ang adyenda ng naunsyaming WTO, pandaigdigang organisasyong nagtatakda ng mga patakaran ng globalisasyon. Sa kabila ng malakas na pagtutol ng mga mamamayan sa mundo laban sa WTO, sisikapin ni Arroyo, bilang tagapangulo ng Asean, na pag-ibayuhin ang proseso ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon. Ang pagtutol sa WTO ay bunga ng di-pantay na mga patakarang nagwawasak ng ekonomiya at kabuhayan ng mahihirap na mga bansa.

Pagtutuunan ng pansin ang regional economic integration o pagsasanib ng mga bansang Asean para maging iisang merkado at base ng produksiyon na malayang nagpapalitan ng mga produkto, serbisyo, lakas-paggawa, pamumuhunan, at kapital.

Una nang itinayo ng organisasyon ang Asean Free Trade Area na nagresulta sa direktang pagkukumpetisyon ng mga bansa ng rehiyon dahil sa pinababang taripa ng mga inaangkat na produkto sa isa’t isa. Ngunit hindi layon ng integrasyon na palakasin ang Asean bilang blokeng pang-ekonomiya kundi para madaling pasukin ng mga korporasyong transnasyunal, laluna ng US.

“Ang Timog Silangang Asya ay gagawin nitong malaking pabrika, na pinaaandar ng mura at supil na lakas-paggawa, at tambakan ng sobrang produkto at kapital,” ayon naman sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Ang US ang pinakamalaking trading partner ng rehiyon. May US$88 Bilyon ang direktang pamumuhunan ng US sa Timog Silangang Asya, na ikatlo rin sa pinakamalaking merkado ng exports ng US.

Kaya naman masidhi ang partisipasyon ng US sa Asean. Simula nang maitatag ito, may naganap nang 19 na diyalogo sa pagitan ng US at ng organisasyon. Noong Setyembre 2005, pinirmahan ang US-Asean Enhanced Partnership Agreement. Laman ng kasunduan ang Asean-US Trade and Investment Framework Agreement bilang binhi ng kasunduan ng malayang kalakalan sa pagitan ng US at rehiyon.

Ayon sa Institute of Political Economy, susubukan ng US na ungusan ang mga karibal nitong Tsina at Japan sa pagpapalaki ng impluwensiya sa rehiyon.

Gaganapin sa darating na pulong ang Asean Plus Three Summit na kinabibilangan ng mga lider ng Asean, Tsina, Japan, at Republic of Korea. Inilalako rin ng US ang sariling US-Asean Summit.

Adyendang militar

Bukod sa pang-ekonomiyang interes ng US sa Asya, pangunahin din nitong adyenda ang pagpapalakas ng presensiyang militar sa rehiyon.

Ayon kay Admiral William J. Fallon, US Navy Commander ng US Pacom (Pacific Command), ang Timog Silangang Asya ang front line ng pakikidigma kontra “terorismo” sa US Pacom. Estratehiko ang posisyon ng US Pacom, na binubuo ng 43 bansa o 60% ng populasyon ng mundo.

Sa pagsusuri ng Bayan, 70,000 tropang Amerikano ang matatagpuan sa Silangang Asya pa lamang. May 386,000 tropang Kano ang nakatalaga sa 150 bansa sa buong mundo at may 850 base militar ang US sa 138 bansa.

Sa Quadrennial Defense Review ng 2001 at 2006 ng US, ipinihit ng US ang estratehiya nito mula Europa tungong Asya na ang papalaking presensiyang militar ay may kombinasyong pagbabase at mga puwersang makilos na madaling maideploy.

Binibigyan ng mas malaking pleksibilidad ng pagbabase ang puwersang militar ng US sa mga kritikal na erya sa mundo samantalang malayang nakapagsasanay sa mga bansang wala itong pirming base, tulad ng Pilipinas sa pagsasanay na Balikatan.

Tsina: higanteng kakompetensiya

Tatlo sa anim na pinakamalalaking puwersang militar sa mundo ang matatagpuan sa rehiyong Tsina, Hilagang Korea at Timog Korea. Dalawa rito ang may armas nukleyar, Tsina at Hilagang Korea.

Sa lahat ng mga makapangyarihang bansa, ang Tsina ang may pinakamalaking potensiyal na makipagkompetensiya sa militar ng US. Kaya gusto ng US na makontrol ang mga bansa sa ilang bahagi ng Asya.

Matapos ang Cold War noong huling bahagi ng dekada 80, nawala ang tunggalian ng US at USSR. Pinatingkad ng US ang globalisasayon para malayang makapagsamantala sa ibang bansa, gayundin ang mga cross-border production network.

Kasabay nito, “terorismo” ang kinalaban ng US, hindi na sosyalismo. Kaya lumikha ito ng mga konseptong “Axiz of Evil,” “war on terror” at iba pang nagbibigay-katwiran sa panghihimasok sa ibang bansa tulad ng ginawa nito sa Iraq, Afghanistan at iba pa.

Target ng US ang Timog Silangang Asya dahil dito umano nagkakanlong ang mga terorista. Kasabay nito, pinasasama nito ang imahe ng mga Muslim at ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Terorista na ang turing ng US sa mga kilusang tulad ng sa Partido Komunista ng Pilipinas kahit malinaw na ibang ideolohiya ang dinadala ng mga ito kumpara sa mga tinutukoy nitong “terorista.”

Epekto sa mga mamamayan

Sa pagdaraos ng Asean Summit sa Disyembre, kagyat na lumitaw ang hindi magandang epekto sa Pilipinas.
Lumikha agad ito ng mga suliraning tulad ng demolisyon sa kabahayan ng mga maralita, sa pagdarausan ng Summit; pagkakait ng pinagkakakitaan sa maraming manininda sa Cebu; at militarisasyon. May 7,000 pulis at 4,500 sundalo ang idedeploy para sa seguridad ng Summit.

Ayon pa sa Bayan, kung magtatagumpay ang US sa panghihimasok sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng Asean, higit na malulubog sa kahirapan ang mga mamamayang Pilipino dahil sa walang habas na imperyalistang pandarambong.

Tuluyang mawawasak ang lokal na agrikultura, guguho maging maliliit at katamtamang mga empresang lokal. Ang tanging makikinabang ay ang mga dambuhalang korporasyong dayuhan dahil sa pagsasamantala sa murang lakas-paggawa, likas na yaman at bukas na merkado ng bansa.

Sasahol din umano ang teroristang giyera ng rehimeng US-Arroyo, maging ito’y lantad, tulad ng imperyalistang pananakop sa Iraq, o palihim, tulad ng “maruming giyera” sa Latin Amerika noong dekada 70. Sa balangkas ng “giyera laban sa terorismo” ng gobyernong Bush at “all-out war” naman ni GMA, umabot na sa halos 800 ang biktima ng extrajudicial killings at kulang-kulang na 200 ang biktima ng pagdukot.

Posted in Globalisasyon | 10 Comments »

‘Giyera kontra-terorismo,’ bangungot ng Moro

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Guro sa hayskul. Drayber ng traysikel. Sarhento ng Philippine Army. Empleyado ng ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao). Estudyante ng medisina.

Ito ang katauhan ng ilan lamang sa 134 na Morong detenido bago sila hinugot mula sa tahimik na buhay-sibilyan, pinagbintangang terorista sa mabuway na ebidensiya, at sama-samang binuro sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City. Dito, araw-araw na bangungot ang inaabot ng mga tila nakalimutang biktima ng “giyera kontra-terorismo” ng gobyernong Arroyo.

Mahigit limang taon na ang nakaraan nang dalhin sa kampo ang tinaguriang Basilan 73, mga sibilyang diumano’y tinortyur ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at pinaaaming miyembro ng bandidong ASG (Abu Sayyaf Group) matapos ang crackdown ng gobyerno laban sa grupo. Sanhi ng walang humpay na operasyon ng AFP sa Zamboanga, Sulu, at maging sa Metro Manila, lumaki pa ang bilang ng mga Morong pinagsuspetsahang ASG at ikinulong sa maling proseso.

Walang pagsidlan ng sama ng loob si Basser Madjiril, 37, nang mabulag siya sa loob ng kulungan. May sakit na diabetes, nagsimulang mawala ang paningin ni Madrijil matapos mairita ng teargas ang kanyang mga mata. Kasama ng mga bala, pinakawalan ng pulisya ang teargas sa Bicutan siege noong Marso 14, 2005 na ikinamatay ng 22. Nilusob ng Special Action Force ang selda at pinagbabaril ang mga Moro matapos mag-aklas si ASG Commander Putol at mga kasamahan nito. Si Madrijil, dating nagtatrabaho sa ARMM, ang isa sa mga Morong sibilyan na dinampot sa Zamboanga City dahil umano may katokayong wanted na kumander ng ASG.

Katokayo rin ng diumano’y isang ASG si Sgt. Hussin Sahrin, 40. Hindi siya makapaniwalang pagbibintangang terorista ang tulad niyang sundalo na nagtaya na ng buhay para makipaglaban sa panig ng gobyerno. Hinuli habang naka-duty sa Lamitan (Basilan), hinala ni Sahrin na may kinalaman ang pagkadawit sa kanya sa ASG sa personal na galit ng tumakbong alkalde. Kinumpiska kasi niya ang baril ng tauhan ng kandidato na nanggulo sa eleksiyon.

Samantala, siyam na bala pa ang nasa katawan ni Marvin Uyag Hasim, 32, mula sa Bicutan siege. Nahuli siya sa bahay ng kanyang pinsan sa Isabela City (Basilan) nang mangreyd ang AFP. Umano’y nakitulog lang siya doon, matapos maglaro ng tong-its.

Sa nasabing siege, naputol ang hinliliit sa kaliwang paa ni Pepito Buenbraso, 25. Kasama niya sa selda ang kapatid na si Divino, na menor-de-edad nang hulihin sa Isabela City. Hindi Moro kundi Kristiyano ang magkapatid na Buenbraso, na umano’y itinuro lamang na ASG ng mga nais makakuha ng reward.

Kristiyano rin ang pinagkamalang Morong financier ng ASG na si Jose Wong, dating guro ng Math at English sa Claret High School sa Isabela City. Sa sobrang tagal sa kulungan, kinalimutan na siya ng asawa at anak.

Samantala, inggit na inggit si Radzmar Jul, 26, sa mga dating kaklase sa Mindanao State University na nakapagtapos ng medisina. Estudyante lang siya nang masakote sa SM Fairview habang bumibili ng libro. Kinasuhan si Jul ng pambobomba sa Superferry. Ngunit nang mapawalang-sala dahil sa kawalan ng ebidensiya, idinawit naman siya sa mga kasong kidnapping ng ASG.

Hinihintay ng mga detenido ang hatol ng hukuman sa kani-kanilang kaso.

Ayon sa MCPA (Moro-Christian People’s Alliance), katibayan ang mga detenidong Moro ng katakut-takot na paglabag sa mga karapatang pantao sa ngalan ng “giyera kontra-terorismo” ng gobyerno. Bumisita noong Disyembre 4 ang MCPA bilang komemorasyon sa International Human Rights Week.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Militar kinakasangkapan sa demolisyon?

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Sa umaga, sila’y nakadamit-sibilyan, magiliw na nakikipag-usap sa mga residente. Minsan, nakikita silang kasama ng mga opisyal ng National Housing Authority, tumutulong mangumbinsi sa mga taga-riles na makipagtulungan sa gobyerno sa isinasagawang demolisyon para mabigyang daan ang pagmomodernisa ng Philippine National Railways.

Sa gabi, sila’y naka-uniporme’t naka-armalayt, nagroronda sa mga kabahayan na tila may mga suspek na tinutugis. Ipinagtatanong kung sinu-sino ang mga miyembro ng mga progresibong mga organisasyon at party-list sa mga residente. Inuusisa rin ang bilang at gawain ng bawat pamilya.

Sanhi ng pagkalito at ligalig ang halos isang buwan nang paghimpil ng 202nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa pitong barangay sa Pandacan, Maynila.

Puna ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ibayong pananakot at pandarahas ang pantapat ng gobyernong Arroyo sa mga maralitang lumalaban sa napipintong demolisyon sa kahabaan ng riles.

Isa na rito si Trining Delfin, 72, residente ng Brgy. 865 sa Pandacan. Dati nang sumailalim sa “boluntaryong demolisyon” si Aling Trining noong dekada ’90. Mula sa tabing-riles na tahanan sa Sta. Mesa, inilipat ng gobyerno ang pamilya nito sa tinaguriang FVR (Fidel V. Ramos) Village sa Bulacan.

Ngunit di nagtagal sa malayong mass housing project si Aling Trining sanhi ng kawalan ng mapagkakakitaan sa lugar. “Ang hirap ng buhay doon. Mamamatay ka sa gutom. Di maganda ’yung patakaran ng gobyerno, dadalhin ka sa bundok tapos ’yung mga dayuhan nasa bayan. Tama ba naman ’yun?” anang labandera.

Ngayon, si Aling Trining ay miyembro ng Pamaril (Pagkakaisa ng mga Mamamayan sa Riles), isa sa mga organisasyong hinaharas ng militar. Hindi nagpapasindak si Aling Trining sa presensiya ng mga armadong sundalo. “Bakit ako matatakot eh wala naman akong ginagawang masama? Kung hindi lang malabo ang mata ko eh sasama ako sa mga nagrarali saanman sila magpunta,” sabi niya.

Noong Disyembre 3, nagsagawa ng “trolley-cade” ang Kadamay sa kahabaan ng riles para ipagdiwang ang Linggo ng mga Maralitang Tagalungsod at himukin ang mga taga-riles na ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa tahanan at kabuhayan.

Isang malaking kilos-protesta sa Plaza Miranda ang isasagawa ng Kadamay Disyembre 5 para kondenahin ang nakaambang demolisyon sa libu-libong tirahang maralita dulot ng mga diumano’y “proyektong pangkaunlaran” katulad ng Northrail at Southrail; pribatisasyon ng North Harbor, New Bilibid Prison, at Laguna Lake; pagpapalawak sa Batangas City Port; Proyektong C-6, Star at Calabarzon Highway.

Posted in Karapatang Pantao, Maralitang tagalungsod | 2 Comments »

Pag-asa sa wala? Kalinga ng gobyerno sa mga manggagawa nito

Posted by mamamahayag on December 2, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 46
Nobyembre 30, 2006

Labing-walong taon nang nagtatrabaho bilang clerk sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) si Allan Balaba.

Sa tungkuling computer encoding at pagsusulat ng mga liham sa Property Section ng DSWD, nakapaloob siya sa Salary Grade 1, ang pinakamababang baytang sa kasalukuyang SSL (Salary Standardization Law). Nakakatanggap siya ng P5,610 kada buwan, bahagya lamang ang taas sa base pay na P5,082 dahil sa tig-P20 incremental increase kada tatlong taon ng paninilbihan.

“Sa panahong ito, hindi talaga nakakabuhay ang suweldo ng isang empleyado ng gobyerno. Kaya heto, baon sa utang. Hindi pa sumusuweldo ay umuutang na para lamang maka-survive,” hinaing ni Allan, 37, na may dalawang anak na pinag-aaral.

Matagal nang hinihintay ni Allan ang umento sa suweldo na makakaagapay sa sumisirit na cost of living. Ayon sa Ibon Foundation, kailangan ng anim-kataong pamilya ng P17,236 para mabuhay nang disente sa isang buwan.

Ngunit ngayong may itinatambol ang gobyerno na panukalang dagdag-suweldo, alumpihit, sa halip na nasasabik, si Allan. Ito’y dahil lumalabas na kakarampot lamang ang ipaaambon ng gobyerno sa mga nasa mababang baytang ng burukrasya habang bubuhusan ng grasya ang nasa matataas, isang di-makatarungang iskemang di-matanggap ng mga ordinaryong kawaning katulad ni Allan.

Ang GCCA

Kamakailan, inianunsiyo ng CSC (Civil Service Commission) na may mahihita nang dagdag-suweldo ang mga empleyado ng gobyerno sa GCCA (Government Classification and Compensation Act) o SSL III. Nakabimbin sa Kongreso ang GCCA, inihain nina Rep. Joey Salceda at Rep. Francis Nepomuceno sa Kamara, at Sen. Edgardo Angara naman sa Senado. Naipasa na sa unang pagbasa ang panukalang batas at inuumpisahan nang isalang sa mga kaukulang komite.

Inaasahan ng CSC na maipasa ang GCCA bago magsimula ang bakasyon sa tag-init. Kung saka-sakali, ito ang unang pagkakataon na maitataas ang suweldo ng mga kawani sa loob ng limang taon, o magmula 5% dagdag-suweldo noong 2001.

Sa panukalang 2007 National Budget, nakapakete sa GCCA ang P10 Bilyon para sa umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno. Tinatayang aabot sa P172-B ang kabuuang gagastusin ng gobyerno para sa apat-na-taong staggered na pagpapatupad ng umento.

Inamin ni Karina Constantino-David, tagapangulo ng CSC, na sa ilalim ng GCCA, pinakamalaki ang umento ng mga propesyonal at ehekutibo ng gobyerno. Ito’y dahil ginawang benchmark ng CSC at DBM (Department of Budget and Management) ang pribadong sektor.

Umano’y higit na mas mababa ang suweldong natatanggap ng mga propesyonal at ehekutibo ng gobyerno kaysa sa kanilang kaantas o counterpart sa pribadong sektor; habang mas mataas ang natatanggap ng mga kawaning nasa antas administratibo (administrative level) kaysa sa kanilang counterpart sa pribadong sektor.

Bagkus, inirerekomenda ng GCCA na tumanggap ang mga kawaning nasa Salary Grade 1 ng 14% umento na nagkakahalaga ng P718. Samantala, ang kalihim ng kanilang ahensiya ay dapat umanong tumanggap ng 147% umento na nagkakahalaga ng P59,422.

Katwiran ng CSC, iniiwasan ng gobyerno ang paglipat ng mga propesyonal at ehekutibo sa pribadong sektor na mas mataas magpasuweldo.

Gayundin, mas pinahahalagahan ng GCCA ang kasanayan at karunungan (skills and knowledge) at kalikasan ng trabaho (nature of work) kaysa tagal sa serbisyo (length of service) sa pagbibigay ng mga insentibo at promosyon.

Di-makatarungan

Ngunit ayon sa Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), hindi makatarungan ang pagkiling ng GCCA sa mga nasa mataas na antas ng burukrasya at ang pagpapabaya sa mga nasa mababa.

“Totoong isang bonansa ang GCCA, pero bonansa lamang ito para sa iilang nakatataas at appointed na opisyal ng gobyerno, hindi para sa mayorya ng mga empleyado,” ayon kay Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.
Nakasaad sa Konstitusyong 1987 ang tungkulin ng gobyerno na bigyan ng nakabubuhay na suweldo ang lahat ng manggagawa, pribado man o publiko, anuman ang trabaho.

Tinututulan ng Courage ang probisyon ng GCCA na nagbabale-wala sa anumang benepisyo o umentong nakamit ng mga kawani sa pakikipagnegosasyon sa manedsment sa mga Collective Negotiation Agreement, na ikinokonsiderang nakapaloob na sa GCCA. Mapapako rin diumano ang suweldo ng mga kawani kapag naipasa ang GCCA dahil pagkatapos ng limang taon pa maaaring dinggin ng gobyerno ang anumang pestisyon para sa umento.

Idiniin ng grupo na ang pangunahing makikinabang sa GCCA ay ang mga opisyal na binibiyayaan ni Pangulong Arroyo ng matataas na posisyon sa gobyerno.

Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mayroong 85 undersecretaries at 72 assistant secretaries sa 19 na ahensiya ng gobyerno, mas marami kaysa noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ala-people’s initiative

Para maipakita sa Kongreso na suportado ng mga kawani ang GCCA, nangangalap ang CSC ng mga pirmang pabor dito.

Nakaabot ang nasabing petisyon kay Allan. Ngunit puna niya at ng kanyang mga kasamahan sa DSWD, walang nakalakip na paliwanag sa petisyon hinggil sa panukalang batas. Hindi tuloy maiwasang isipin ni Allan na may panlilinlang sa pangangampanya ng gobyerno na ipasa ang GCCA, ala-people’s initiative – ang nahubarang huwad na petisyon para sa pagbabago ng Konstitusyong 1987.

Pabor si Allan sa panawagan ng Courage na P3,000 across-the-board o 50% umento para sa lahat ng mga kawani ng gobyerno, anuman ang posisyon. Ito umano ang makatarungang hakbang lalo na para sa mga katulad niyang maliit na kawaning naninilbihan na nang matagal sa gobyerno.

Gaya ng karaniwang manggagawang dinidispatsa ng kapitalista matapos mapakinabangan nang husto, umaasa si Allan sa kalinga ng gobyernong kanyang pinagsisilbihan, nang mas lalo siyang makatulong sa kapwa niya mamamayan.

Nasa lugar kaya ang pag-asa ni Allan?

Posted in Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Tanggalan sa gobyerno, tuloy sa ‘07?

Posted by mamamahayag on December 2, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 46
Nobyembre 30, 2006

Matutuloy na nga ba sa bagong taon ang pinangangambahang malawakang tanggalan ng mga kawani ng gobyerno?

Nobyembre 30 ang takdang petsa para ang lahat ng pambansang ahensiya ay magsumite sa DBM (Department of Budget and Management) ng kani-kanilang plano para sa rasyunalisasyon, ayon sa direktor ng DBM na si Nora Oliveros.

Umano’y pagtitipid ang dahilan ng matagal nang nakabinbing rasyunalisasyon ng burukrasya sa Enero 1, 2007.

Ngunit ayon sa Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), makailang beses nang naurong ang taning ng DBM sa pagpapatupad ng rasyunalisasyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin maituloy ang nasabing plano ng gobyerno dahil sa umano’y masidhing pagtutol ng mga kawani.

Tatlong taon na ang nakakaraan nang pirmahan ni Pangulong Arroyo ang EO (Executive Order) 366. Ipinag-uutos nito ang pagrepaso sa operasyon at organisasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa layong paliitin ang burukrasya. Itinakda rin nito ang opsiyon ng boluntaryong pagreretiro (voluntary retirement) sa mga kawani na maaapektuhan ng planong rasyunalisasyon.

Hindi inilalahad ng DBM ang bilang ng mga kawani ng gobyerno na apektado ng rasyunalisasyon. Umano’y sensitibo ang mga planong rasyunalisasyon na isinusumite ng mga ahensiya ng gobyerno. Binuo ang mga nasabing plano ng mga CMT (Change Management Team) sa bawat ahensiya.

Subalit sa tantiya ng Courage, halos kalahati ng 1.4 milyong empleyado ng gobyerno ang magiging biktima ng rasyunalisasyon ng burukrasya. Umano’y 421,000 kawani sa mga ahensiyang nais buwagin o isapribado ng gobyerno ang umano’y nanganganib mawalan ng trabaho.

Halimbawa, sa planong rasyunalisasyon ng DA (Department of Agriculture), mahigit 20 na mga attached agency na tumututok sa iba’t ibang sektor sa agrikultura ang binabalak buwagin at ikonsolida na lamang sa iba’t ibang gawain (functions) katulad ng regulatory, marketing, general administrative services, at iba pa sa ilalim ng pambansang ahensiya. Bubuwagin din ang mga panrehiyong opisina ng mga attached agency at ikakabit sa Regional Field Units ng DA. Tinatayang makakaapekto ito sa 50,000 kawani sa buong bansa.

Kabilang sa mga nasabing attached agency ang Bfar (Bureau of Fisheries and Aquatic Resources). Unang tatamaan sa rasyunalisasyon ng Bfar ang mahigit sa 1,000 kaswal na empleyado ng ahensiya, ayon kay Eric Mondragon, tagapangulo ng Bfar Employees Union, sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Gayundin, magiging “kalat-kalat” umano ang trabaho ng mga regular na empleyado na itatrato na lamang bilang mga “second-class citizen” ng DA.

Nangangamba si Mondragon na bumagsak ang industriya ng pangingisda at magdusa ang maliliit na mangingisda dahil sa pagbuwag ng Bfar. Ito’y dahil hindi na umano mabibigyan ng gobyerno ng atensiyon at suporta ang nasabing sektor.

Naniniwala ang Courage na papakaunting serbisyo publiko ang kauuwian ng plano ng gobyerno sa pagbabawas ng mga kawani nito.

Isa rin umano itong taktika para umpisahan ang pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno, alinsunod sa dikta ng IMF-WB (International Monetary Fund-World Bank). Pautang ng IMF-WB ang ginagamit ng gobyerno sa pagpopondo ng mga programang rasyunalisasyon.

Ngunit naging susi ang protesta ng nagkakaisang mga manggagawa ng gobyerno sa paghadlang sa kontra-kawaning tambalang programang rasyunalisasyon at pribatisasyon, ayon sa Courage.

Noong nakaraang taon, ilang walk-out ang isinagawa ng mga empleyado ng DA bilang ganti sa umano’y mga mapanlinlang na prosesong isinasagawa ng mga CMT para gawing lehitimo ang tanggalan.

Posted in Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Buhay ang pagburnayan

Posted by mamamahayag on December 2, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Blg. 46
Nobyembre 30, 2006

Isusuko na sana ni Fidel Go ang pagburnayan noong dekada 70 nang magsidating sa bansa ang mga murang produktong plastik mula sa Tsina.

Unti-unti kasing iniwan ng mga taga-Vigan ang araw-araw na paggamit sa burnay, tradisyonal na sisidlang luwad na karaniwang pinaglalagakan ng tubig, asin, asukal at ng mga produktong binuburo katulad ng bagoong, suka at basi (lokal na alak mula sa katas ng tubo).

Ngunit nanghinayang si Fidel sa halos 20 metrong pugong hurnuhan ng luwad. Ipinagawa ng kanyang amang si Ongkai Go ang pugong bato noong 1922 nang itayo nito ang Ruby Pottery. Nang mamatay si Ongkai, tumigil din ang operasyon ng pagburnayan dahil wala sa mga anak niya ang naging interesado sa negosyo. Maliban na lamang kay Fidel.

Muling pagbangon


Sa inisyal na puhunang P70, na kinita sa pagtatrabaho bilang kahera sa isang groseri, ibinangon ni Fidel ang pagburnayan. Upang makaangkop sa nag-iibang panlasa ng mga kostumer dulot ng bagong mga teknolohiya, nilangkapan niya ng pagkamalikhain ang abilidad sa pagbuburnay. Produkto nito’y mga inobasyon sa tradisyonal na porma ng burnay. Dito ganap na nakilala si Fidel. Noong 1990, iginawad sa kanya ng National Commission for Culture and the Arts ang Manlilikha ng Bayan (National Folk Artist) bilang pagkilala sa kanyang ambag sa preserbasyon ng pangkulturang pamana (cultural heritage) ng Vigan, ipinagmamalaking sentrong pangkasaysayan ng rehiyon ng Ilokos.

Tinatayang dinala ng mga artisanong Intsik ang teknolohiya’t sining ng pagbuburnay bago pa man masakop ang Pilipinas ng mga Kastila noong 1572. Ginamit ito ng mga mangangalakal bilang sisidlan ng mga produktong dinadala sa Tsina at sa iba pang bahagi ng Asya.

Isa na rito ang lolo ni Fidel na si Pedro Go, na nagtayo ng pagburnayan sa kasagsagan ng industriya noong 1890. Noong 1916, pumunta sa Pilipinas ang pamangking si Ongkai para magtrabaho sa kanyang pabrika. Dito nahasa ang kakayahan na malaon niyang ginamit para itayo ang Ruby Pottery. Ngayon, isa ang pagawaan sa tatlo na lamang na natitirang pagburnayan sa bansa, matatagpuang lahat sa isang tahimik na kalsada sa Brgy. VIII ng Vigan.

Espesyal na proseso


Mahaba at mabusising proseso ang pagbuburnay. Isang espesyal na klase ng luwad na matatagpuan sa kanluran ng Vigan ang ginagamit para rito. Pagmamay-ari ng Ruby Pottery ang isang ektaryang loteng pinagmumulan ng luwad. Pinagsasama ang luwad, putik at tubig sa isang hukay na nilalakaran ng kalabaw para maihalong maigi. Sigurado umanong hindi humahalo rito ang dumi at ihi ng kalabaw dahil sinanay ang hayop na itaas ang buntot tuwing dudumi, at mayroon ding sisidlan para saluhin ang ihi nito.

Kapag tama na ang lapot, maari nang linangin ang luwad. Habang nililinang ng artisano ang kapirasong luwad, pinapaikot ng isang katulong ang batong gulong hanggang sa mabuo ang porma ng luwad. (Nang tanungin si Fidel kung walang makina na maaaring magpaikot sa gulong, sagot nito’y mawawalan ng trabaho ang mga manggagawang gumagampan nito.)

Pinatutuyo ang luwad nang isang linggo sa lilim ng pabrika. (Ayon kay Fidel, hindi pinatutuyo sa araw ang luwad dahil magkakaroon ito ng mga biyak.) Saka ito ipinapasok sa hurno at iniluluto nang isang araw at kalahati.

Nagrerelyebo ang mga manggagawa sa paggagatong para tuluy-tuloy na tumakbo ang higanteng hurno. Ang mahabang panahon ng pagluluto sa mataas na temperatura ng luwad ang nagbibigay sa burnay ng tibay na higit pa sa ibang seramikong terra cotta.

Umuunting parukyano


Sa ngayon, dahil kakaunti na lamang ang mga taga-Vigan na gumagamit ng burnay sa araw-araw, kadalasang parukyano ng Ruby Pottery ang mga turista at mga dealer na nagbebenta nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa ibayong dagat.

Bukod sa tradisyonal na sisidlan, lumilikha ang pagawaan ng burnay na iba’t ibang laki at hugis. Marami sa mga burnay ang ginagawang dekorasyon, halimbawa’y sa hardin. Mayroon ding mga miniature o maliliit na burnay na siyang hilig bilhin ng mga turista bilang souvenir.

Dahil lumiliit ang lokal na pangangailangan sa burnay, pangarap ng mga pagburnayan na regular na mai-eksport ang kanilang mga produkto. Pana-panahong nakakakuha ang Ruby Pottery ng mga kostumer mula sa ibang bansa. Halimbawa, tatlong container vans ng burnay ang minsang inorder ng isang negosyanteng Belgian.

Ngunit ayon kay Fidel, mananatiling matumal ang kanilang negosyong eksport hanggang hindi ito sinusuportahan ng gobyerno. Malaki umano ang potensiyal na lumago ang eksport ng burnay, laluna sa United Kingdom.

Samantala, may isa pang produkto ang burnay na nakakatulong sa pagsalba ng industriya. Ito ay ang mga gibak o clay tiles na ginagamit bilang salt beds sa mga pagawaan ng asin sa lungsod ng Las Piñas at mga probinsya ng Laguna at Pangasinan. Daan-daan sa mga ito ang minamanupaktura ng Ruby Pottery.

Alaala ng nakaraan


Ipinagmamalaki ni Fidel na sa mga natitirang pagburnayan sa Vigan, siya na lamang ang may-ari na patuloy na naglilinang ng luwad. Hindi rin siya nauubusan ng mga bagong imbensiyon, pinakahuli ang burnay na hugis bell tower or tore ng kampana na maaaring gawing lampara.

Sa walong anak nila ng kanyang asawang Pilipina, si Bingbong lamang ang tumutulong sa pabrika. Balang araw, siya ang magmamana sa Ruby Pottery. Simula pagkabata, nakahiligan na ni Bingbong ang bukod-tanging teknolohiya’t sining na dinala ng kanyang mga ninuno sa Pilipinas. Ito rin ang kabuhayang magtataguyod sa sarili niyang pamilya.

Ayon kay Bingbong, tungkulin niyang siguruhing hindi namamatay ang mga baga sa malaking pugon. Katulad ng kanyang ama, tungkulin niya, kung hindi man tuluyang maibalik sa dating luwalhati, na panatilihing buhay ang industriya ng pagbuburnay, isa sa mga nalalabing alaala ng isang bansa bago ito naging kolonya.

Posted in Human Interest | Leave a Comment »

Japan-Philippines Economic Partnership Agreement: Pilipinas, naisahan ka na ba?

Posted by mamamahayag on November 18, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Vol. 5 Blg. 44
Nobyembre 17, 2006

Tahimik na pinirmahan sa ibang bansa, at halos hindi inanunsiyo sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin nailusot ni Pangulong Arroyo ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Agad na natunugan ng mga grupong maka-kalikasan na papayagan ng kasunduan ang pagtatapon ng mga nakakalasong basura ng Japan sa Pilipinas (tingnan ang kaugnay na istorya). Gayundin, hindi basta-basta kinagat ng mga grupong nars at migrante ang kapalit na pangako ng gobyerno na bibigyan ang mga nars at caregiver na Pinoy ng trabaho sa Japan (tingnan ang kaugnay na istorya).

Nang bayuhin ng kritisismo, napuwersang aminin ng Malacañang ang totoo: Hindi maaaring ipatupad ang kasunduan dahil kailangan muna itong dumaan sa Senado. Doon na umalingawngaw ang marami pang posibleng masasamang epekto ng Jpepa.

Ayon mismo kay Sen. Manuel Roxas III, tagapangulo ng Senate Committee on Trade and Commerce, kailangang pag-aralan kung may mahihita ba talaga ang Pilipinas sa nasabing kasunduan o kung mabubuyangyang lamang ang lokal na ekonomiya sa paninibasib ng mga higanteng korporasyon ng industriyalisadong Japan.

Dahil bigo ang WTO

Ang Jpepa ang unang bilateral na FTA (free trade agreement) na pinasok ng gobyerno simula noong Tydings-Mcduffie Law sa pagitan ng Pilipinas at US noong 1935. Inamin ni DTI (Department of Trade Industry) Undersecretary Thomas Aquino na muling nagka-interes ang gobyerno sa mga kasunduang bilateral dahil sa pagkabalaho ng mga negosasyon sa WTO (World Trade Organization). Miyembro nito ang Pilipinas.

Layon ng mga FTA na iliberalisa ang ekonomiya para “malaya” itong makipagkumpetisyon sa ibang bansa. Hindi umuusad ngayon ang WTO dahil sa lumalakas na pagtutol ng maraming mahihirap na bansa. Umano’y nawawasak ang kanilang ekonomiya dahil sa pagpasok ng mga korporasyong transnasyunal na kontrolado ng iilang mayayamang bansang nagtutulak ng globalisasyon.

Subalit ang Pilipinas ang isa sa mga pinakamabilis na nagliberalisa ng ekonomiya sa ilalim ng WTO, at walang ipinagkaiba sa nais nitong gawin ngayon sa ilalim ng Jpepa.

Ayon sa DTI, magdudulot ang Jpepa ng mula 1.7 hanggang 3.3% paglago sa GDP (Gross Domestic Product).

Lugi sa kalakaran

Ang Japan ay may ekonomiyang 50 beses na mas malaki kaysa Pilipinas. Ito ang pangalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, kasunod ng US. Kung 20% ng mga import at eksport ng Pilipinas ay mula at papuntang Japan, 2 % lamang ng mga import at eksport ng Japan ay mula at papuntang Pilipinas. Sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa simula 1999, laging trade deficit o lugi ang Pilipinas. Ibig sabihin, mas maraming pumapasok kaysa lumalabas na mga produkto rito. Sa kabilang banda, taun-taong trade surplus o ganansiya sa kalakalan ang natatamasa ng Japan (tingnan ang tsart).

Sa ilalim ng Jpepa, palalakasin ang ganitong klaseng kalakaran ng dalawang bansa. Aalisin ang taripa sa halos lahat ng produktong industriyal mula sa Japan, katulad ng bakal, sasakyan, tela, at mga produktong elektronik. Sa kabilang banda, aalisin ang taripa sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas, katulad ng saging, pinya, asukal at tuna.

Naniniwala ang gobyerno na mabibigyan ng Jpepa ang mga lokal na eksporter ng mas malaking pagkakataong mapasok ang merkado ng Japan.

Ngunit sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, na malalaking kompanyang Hapon lamang ang makikinabang sa pagbaba ng mga taripa. Bukod sa may malalaking pagkakataong kumita mula sa mga produktong ipapasok sa bansa, bababa rin umano ang gastos sa produksiyon ng mga kompanyang Hapon katulad ng Toshiba, Fujitsu, Panasonic, at iba pa sa mga EPZ (export-processing zone). Ang mga ito ang gumagawa ng mga produktong industriyal (elektroniks, sa partikular) mula sa mga inangkat na hilaw na materyales. “Sa kabilang banda, sisirain ng Jpepa ang lokal na industriya ng pagmamanupaktura at wawasakin ang anumang potensiyal ng Pilipinas na maging industriyal,” aniya.

Umalma na ang mga lokal na nagmamanupaktura ng bakal sa Jpepa na nagbibigay-daan sa pag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng bakal mula sa Japan taun-taon. Nababahala si Alberto Uy, tagapangulo ng Philsteel Group of Companies, na pabibilisin ng Jpepa ang pagkamatay ng lokal na industriya ng bakal.

Hindi rin nakikita ng Ibon Foundation ang ganansiyang maidudulot ng Jpepa sa mga lokal na eksporter. Halimbawa ang saging at pinya mula sa Pilipinas, na pasok na sa malaking bahagi ng merkado ng Japan. “Ang talagang nakikinabang sa eksport ng mga nasabing produkto ay hindi ang maliliit na magsasaka kundi ang mga kompanyang transnasyunal katulad ng Dole, Del Monte, Chiquita, at Sumitomo,” sabi ni Africa.

Kapansin-pansing hindi sinaklaw ng Jpepa ang bigas, na nananatiling protektadong sektor ng Japan, at hindi makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Espesyal na trato sa dayuhan

Sinasaklaw rin ng Jpepa ang industriya ng serbisyo. Ibig sabihin, maaari nang pasukin ng mga kompanyang Hapon ang mga serbsiyo katulad ng konstruksiyon, outsourcing, transportasyon, serbisyong medikal, mga serbisyong panlipunan, turismo, telekomunikasyon, pagbabangko at iba pa.

Gayundin, kabilang sa kasunduan ang mga kontrobersiyal na Singapore Issues na hindi pa naisasama sa WTO. Ito ang liberalisasyon sa pamumuhunan (investment), patakaran sa kumpetisyon (competition policy), government procurement at trade facilitation. “Maraming bansa laluna sa Third World na tumutol sa mga ito. Kasi, lalong mabubukas ang kani-kanilang ekonomiya at lalong madidisarmahan ang kanilang gobyerno sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa pag-unlad ng domestic economy,” paliwanag ni Africa.

Mas madaling makakapasok ang direktang dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment) mula sa Japan dahil inaalis ng Jpepa ang mga restriksiyon sa pamumuhunan na karamihan ay nasa Konstitusyong 1987. Ibinibigay nito sa mga mamumuhunang Hapon ang national treatment o tratong katulad ng mga lokal na mamumuhunan at iba pang espesyal na pribilehiyo.

Pinananabikan ng gobyerno ang FDI dahil magdudulot umano ito ng mas magandang klimang pangnegosyo, at lilikha ng maraming trabaho. Ang Japan ang numero unong naglalagak ng dayuhang puhunan sa bansa, na umaabot sa $370,000 kada taon.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi naman sana problema ang FDI kung ito ay pumapasok sa bansa nang may pakinabang ang pambansang ekonomiya. Ngunit karaniwang nangangahulugan ang dayuhang pamumuhunan ng pinakamurang lakas-paggawa, pinakamababang bayaring buwis, pinakamaluwag na pagnenegosyo na walang interbensiyon ng gobyerno, at pinakamalayang paglabas ng kapital mula sa bansa.

Karamihan sa mga manggagawa sa EPZ ay nagrereklamo sa mababang pasahod, kawalang benepisyo, at kawalang seguridad sa trabaho.

Umano’y maganda sana kung nagdudulot ang FDI ng technology transfer o paglipat ng teknolohiya, na makakatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Sa isang probisyon ng Jpepa, sinisiguro ang technology transfer na sinasabing pakikinabangan ng Pilipinas.

Sa wari ay hindi ito totoo. Halimbawa, sa pagmamanupaktura, na kinokonsentrahan ng FDI ng Japan, bumagsak ang bahagi nito sa GDP sa 24.2% noong nakaraang taon mula 27.9% noong 1970. Ibig sabihin, hindi umunlad ang lokal na pagmamanupaktura sa kabila ng deka-dekadang presensiya rito ng mga kompanya ng mga industriyalisadong bansa. “Pinoprotektahan ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang teknolohiya dahil ito ang pundasyon ng kanilang monopolyong kapangyarihan at tubo,” ani Africa.

Pag-aaral: kahirapan titindi

Samantala, sa pag-aaral ni Caesar Cororaton para sa Philippine Institute for Development Studies, tagapagsaliksik ng DTI hinggil sa Jpepa, lumalabas na patitindihin ng kasunduan ang income inequality o di pagkapantay-pantay sa kita.

Natuklasan nga ni Cororaton na magdudulot ang Jpepa ng paglago ng mga trabaho sa kalunsuran, partikular sa National Capital Region. Ngunit kapalit nito, maraming trabaho ang mawawala sa agrikultura at lalala ang kahirapan sa kanayunan.

Ngayong unti-unti nang nalalantad ang mga di-makatarungang probisyon ng Jpepa, hinihiling ng maraming grupo ang pagbasura nito. Kanila ring sinisingil ang pangulong nakipagkamayan kay Japan Prime Minister Junichiro Koizumi at ngumiti sa kamera sa pag-aakalang naisahan na ang bayan.

Pinoy nars, baka mag-Japayuki
Baka mauwi sa pagiging Japayuki o Japanese enter-tainers ang mga Pilipinong nars at caregiver na pinapangakuan ng gobyerno ng trabaho sa Japan.

Ito ang idinaing ng isang opisyal ng PNA (Philippine Nurses Association) sa pagdinig ng Senado hinggil sa Jpepa. Ayon kay Dr. Leah Samaco-Paquiz, bise-presidente ng PNA, mahihirapang maghanap ng empleyo ang mga manggagawang pangka-lusugan sa Japan kahit pa sinisiguro ito ng nasabing kasunduan.

Kabilang sa Jpepa ang Movement of Natural Persons na probisyong ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na makakadagdag ng bilang ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Japan.

Ngunit nakasaad dito na kailangan munang maging bihasa ang mga nars at caregiver na Pinoy sa lengguwaheng Nihonggo at makapasa sa eksaminasyon na nakasulat din sa nasabing lengguwahe. Saka lamang ikokonsidera ang mga kandidato na makakapagtrabaho sa Japan nang tatlong taon para sa mga nars at apat na taon para sa mga caregiver.

Sa panayam ng PINOY WEEKLY, idinagdag ni Paquiz na malaki ang diskriminasyon ng mga Hapon sa mga hindi kalahi. Di malayong tratuhin ang mga Pilipino bilang second-class citizen at bigyan ng mga trabahong angkop lamang sa ganitong pagtingin. “Nakakalungkot…bakit natin gustong maging ganoon ang Pilipino? Dapat, itaas natin ang pagka-Pilipino natin. Kawawa na tayo sa ibang bansa,” aniya.

Wala pang eksaktong komitment ang gobyerno ng Japan kung ilang nars at caregiver ang tatanggapin nito. Kaya naibulalas ni Senator Roxas na “teoretikal” pa lamang ang ganansya ng OFWs sa Jpepa.

Natuklasan naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na sa Schedule of Commitments ng Jpepa, nakasaad na maaari pa ring maglabas ang gobyerno ng Japan ng mga batas na pipigil sa pagpasok ng dayuhang lakas-paggawa sa sektor pangkalusugan. “Mabuway,” aniya, “ang pangakong inilulutang ng gobyernong Arroyo para maging katanggap-tanggap sa publiko ang Jpepa.”

Sinadyang gawing tambakan

Sinadyang isama sa Jpepa ang probisyong nagpapahintulot na itapon sa Pilipinas ang mga nakakalasong basurang industriyal ng Japan.

Wala ang toxic waste products sa orihinal na kasunduan, taliwas sa ikinakatwiran ng gobyernong Arroyo na napabilang lamang ito sa mahabang listahan ng mga produktong maaaring pumasok sa bansa nang walang taripa.

Sa pampublikong pagdinig ng Tariff Commission noong May 31, 2005 hinggil sa Jpepa, hindi kabilang ang toxic waste products sa mga produktong saklaw ng kasunduan. Ito’y dahil tumutol ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) at iba pang grupong makakalikasan. Lumitaw at napirmi lamang ang nasabing probisyon matapos igiit ng Board of Investments na di mahalaga kung babaan ang taripa sa mga nakakalasong basura dahil ipinagbabawal naman ang pag-angkat ng mga ito sa ilalim ng batas.

Ngunit ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, malinaw na kinumbinsi ng gobyerno ng Japan ang Pilipinas para mapabilang sa kasunduan ang toxic waste products. Napakalaki ng problema ng Japan dahil lumilikha ito ng 50 milyong tonelada ng basura taun-taon.

Wala ring tiwala ang Kalikasan sa kakayahan ng Bureau of Customs at DENR na ipatupad ang mga umiiral na batas pang-kalikasan dahil marami umanong naipupuslit na basura sa bansa. Noong 1999, 122 container van mula sa Japan na naglalaman ng mga nakakalasong basura ang nasawata. Kamakailan, ibinulgar ni Cavite Gov. Ireneo Maliksi na gagawing tambakan ng mga lumang appliances ang 648-ektaryang lote sa bayan ng Ternate.

Inireklamo ng Basel Action Network na labag ang Jpepa sa 1989 Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal, na inayunan ng Pilipinas at Japan.

Kabilang sa mga lubhang mapanganib na basurang maaaring itambak ng Japan sa Pilipinas ang incinerator ash, municipal waste katulad ng ginagamit na sanitary napkins at adult diapers, sewage sludge, clinical waste katulad ng nagamit na bandage at intravenous syringes, chemical residues, at iba pang residue na may mga nakakalasong kemikal katulad ng arsenic at mercury.

Posted in Globalisasyon, Uncategorized | 8 Comments »

Krisis sa Makati: ‘Oposisyon lumalaban’

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 42
Oktubre 25 2006

Mapagbiro, puno ng kumpiyansa at panay ang pasaring sa mga kalaban. Maganda ang disposisyon ni Makati City Mayor Jejomar Binay isang araw matapos barahin ng CA (Court of Appeals) ang suspensiyon laban sa kanya.

“Sana maniwala ka kapag sinabi kong naitutulog ko ‘yung mga ganoon-ganoon,” sabi ni Mayor Binay, na tila nga hindi ininda ang tatlong araw na pagkukulong sa sarili sa loob ng city hall bilang protesta sa umano’y ilegal na hakbang ng gobyernong Arroyo.

Noong madaling araw ng Oktubre 10, dumating ang pulisya para ihatid kay Binay ang 60-araw na suspension order ng DILG (Department of Interior and Local Government) na aprubado ng Malacañang. Nakabatay ang utos sa reklamo ni Roberto Brillante, dating bise-alkalde ng Makati at matagal nang nag-aambisyong maging alkalde. Ayon sa reklamo ni Brilliante, sangkot si Binay sa P113-Milyong anomalya sa pag-eempleyo ng mahigit 1,000 ghost employees mula 2005 hanggang Hunyo 2006. Bukod kay Binay, sinuspinde rin sina Vice-Mayor Ernesto Mercado at lahat ng 16 konsehal.

May kaso rin ng graft na isinampa si Brillante laban kay Binay. Kaugnay ito diumano ng pagbili ng P231-M kagamitan sa city hall noong 1999 hanggang 2001.

Ang alkalde ng Makati ay agad na nagsampa ng kontra-petisyon sa CA, na agad ring inaksiyunan ng nasabing korte. Oktubre 12, inisyu nito ang 60-araw na temporary restraining order (TRO). Iniutos din ng CA sa DILG na itigil ang imbestigasyon laban kay Binay. Pinuna ng korte ang bagay na hindi pinangalanan sa reklamo ni Brilliantes ang mga umano’y ghost employees.

Umalma ang Malacañang at ang Department of Justice. Ayon kay Solicitor-General Eduardo Nachura, hihilingin nila sa korte na agad kanselahin ng CA ang TRO. Hindi pa tapos ang laban, ang mensahe nila kay Binay.

Banat sa oposisyon

“Handa ako,” waring ito ang kahulugan ng magandang disposisyon ni Binay nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY, palibhasa’y kanya ang Round 1. Tiwala rin siyang kanya rin ang mga susunod pang round sa boksing ng pulitika. “Ang oposisyon, lumalaban,” sabi ng alkalde.

Bagaman itinatanggi ng Malacañang, ang pagsuspinde kay Binay ay hinihinalang bahagi ng panggigipit ng gobyernong Arroyo sa mga miyembro ng oposisyon. Si Binay ang tagapangulo ng Uno (United Opposition), koalisyon ng mga partido at personahe ng oposisyon. Siya ay nangungunang lider ng kilusang naglalantad sa pandaraya ng kampo ni Gng. Arroyo noong halalan, at lumalaban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng kasalukuyang gobyerno.

Tinatanaw na banta sa administrasyong Arroyo ang muling pagtakbo ni Binay sa halalang 2007. Kapag nanalo, mananatiling baluwarte ng oposisyon ang Makati, pangunahing distritong pangnegosyo at pampinansiya ng bansa. Kaya naman, suspetsa ng oposisyon, inihabol ang kontra-Binay na utos ng DILG bago mag-umpisa ang ban o pagbabawal sa suspensiyon 90 araw bago ang lokal at pambansang halalan.

Kinabahan ang Malacañang?

Libu-libong tagasuporta ni Binay ang tumugon sa panawagang ala People Power. Dumagsa rin sa city hall ang mga puwersang kontra-Arroyo. Marami ang doon na nagpalipas ng ilang gabi. Lalong tumampok ang pagkakaisa ng oposisyon nang bisitahin ng mga prominenteng lider si Binay, tulad nina dating Pang. Corazon Aquino, dating Bise-Presidente Teofisto Guingona, biyuda ni Fernando Poe, Jr. na si Susan Roces at mga lider ng militanteng kilusang pambansa-demokratiko.

Sa isang yugto, lumitaw ang posibilidad na ang krisis sa Makati ay humantong sa isang People Power na, ayon sa ilang sektor, ay tila ikinatakot ng Malacañang. Dahil dito, ilang miyembro ng gabinete ang diumano’y nakiusap kay Arroyo upang ipatigil ang suspensiyon kay Binay.

“Palagay ko, kailangan lang nilang tanggapin (ng gobyernong Arroyo) na mali ‘yung ginawa nila. Kung ako ang adviser, sasabihin ko sa pangulo, kakasuhan mo na rin lang, kasuhan mo na nang tama. Unang una, lilitaw at lilitaw na harassment yan. Sampal yan sa kanilang mga mukha,” aniya.

“Pagsalaula sa batas at tamang proseso”

indi lamang ang oposisyon ang bulnerable sa “pagsasalaula ng administrasyon sa batas at tamang proseso,” kundi lahat ng opisyal ng gobyerno, ang wika ni Binay. Ngunit aminado ang alkalde na ang talagang pinupuntirya ay ang pinakamatitinding kritiko ni Pangulong Arroyo. At siya ay siguradong isa sa kanila.

Kinuwestiyon ni Binay ang mabilis na pag-akyat ng mga habla sa kanya sa Sandiganbayan batay sa umano’y hindi masusing imbestigasyon ng Ombudsman. Patutsada niya, “Baka naman mauna pa itong sa akin kaysa doon sa 10 taon, 15 taon na sa Ombudsman, kasi si Jojo Binay eh. May isa ngang local official, guilty na, nag-file lang ng motion for reconsideration, ilang taon na, inaamag pa rin doon sa Ombudsman.”

Sabihin mang patuloy na nahaharap sa samu’t saring banta, hindi aatrasan ni Binay ang pagsisiwalat sa mga ilegal na gawaing umano’y kinasasangkutan ng gobyernong Arroyo.

Iba’t ibang operasyon at oplan

Partikular na pinaninindigan ni Binay ang pag-iral ng Operation Phoenix na ipinatutupad umano ng Task Force Spider. Unang isiniwalat ni Pablo Glean, yumaong security officer ni Binay, ang nasabing planong paglikida ng mga awtoridad sa mga miyembro ng oposisyon. Kakabit ng Operation Phoenix ang Oplan Summer Offensive, kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno sa kalunsuran na kaparis ng Oplan Bantay-Laya, na siya namang kampanyang kontra-insurhensiya sa kanayunan. (Umaabot na sa 756 ang mga aktibistang pinapaslang sa balangkas diumano ng Oplan Bantay-Laya.) Ilang linggo matapos ibulgar ni Glean ang impormasyon, binaril siya sa isang gasolinahan sa Taguig noong Setyembre. Matinding dinamdam ni Binay ang pagkamatay ni Glean.

Malalantad sa tamang panahon ang ebidensya hinggil sa Operation Phoenix na pinagbuwisan ng buhay ng kanyang tauhan, ayon kay Binay. Umano’y isang opisyal ng administrasyon mismo ang umamin sa kanya na totoo ang nasabing plano. “Hindi kathang isip yon,” aniya.

Cha-Cha at halalang 2007

Tuloy rin ang paglaban ni Binay sa Cha-Cha ni Arroyo. Matatandaang naglabas ng ebidensiya si Binay hinggil sa mga pekeng pirma sa diumano’y People’s Initiative at panunuhol ng grupong Sigaw ng Bayan sa mga residente ng Makati. Hinihintay na lamang ni Binay ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Cha-Cha bago niya tukuyin ang mga susunod na hakbang ng oposisyon kaugnay nito.

Bilang tagapangulo ng Uno, batid ni Binay ang kahalagahan ng darating na halalan, at kumpiyansa siya sa magiging resulta nito. “Kung magkakaroon ng halalan, sa oposisyon ang susunod na taon,” kanyang paniniyak.

Bakas sa tinig ni Mayor Binay ang tiwala sa mga mamamayan ng Makati nang sabihin niyang hindi siya puwedeng alisin sa puwesto ng isang gobyernong sa unang banda ay siya ngang ilehitimo at, ayon sa buong kilusang oposisyon ay “hindi lang dapat suspendihin kundi patalsikin.”

Posted in Personalidad | Leave a Comment »

Higit pa sa dinayang eksaminasyon

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 41
Oktubre 18 2006

Hindi ginusto ni “Rachel” ang kursong nursing. Mas gusto niya ang education at maging guro. Pero pinakiusapan siya ng kanyang ama na maging nars para makapangibang-bansa, katulad ng libu-libong Pinoy na nandarayuhan sa paghahanap ng maginhawang buhay.

Isa si “Rachel” sa 1,687 pumasa sa nursing board exams pero pinapakuha ulit ng eksaminasyon ng CA (Court of Appeals). “Napakakomplikado pala,” luhaang sambit ng 20 anyos na gradweyt ng Fatima College, matapos makita ang kanyang pangalan sa listahan ng retakers na nakapaskil sa PRC (Professional Regulation Commission).

Habang hinihintay ang bagong eksaminasyon, si Rachel ay nagtitinda ng mga sim card. Bagaman tanggap na niya ang utos ng korte, may himutok pa rin sa kanyang dibdib dahil di naman daw siya nandaya. “Parang unfair,” aniya.

Magre-retake man o hindi, biktima ng di makatarungang kalakaran ang mga estudyante na apat na buwan nang ligalig sa kontrobersiyang sumambulat dahil sa matagal nang mga problema sa edukasyon at propesyon ng nursing.

Retake, no retakeIbinibida ng gobyernong Arroyo bilang win-win solution o solusyong walang talo ang utos ng CA na selective retake. Nagdesisyon ang korte na pakuning muli ng eksaminasyon ang mga nagrebyu sa R.A. Gapuz Review Center, Inress Review Center, at Pentagon Review Specialist Inc. sa Maynila at Baguio, gayundin ang mga bumagsak sa orihinal na pagbilang ng mga grado. Sabi ng CA, mali ang recomputation ng grado sa Tests III medical surgical nursing at V psychiatric nursing na ipinatupad ng PRC para iwasan ang retake.

Sa selective retake, naiwasan ng gobyerno ang pag-aalburoto ng libu-libong estudyante. Sa pagtantiya ng Malakanyang, sapat ang selective retake para mawala ang batik sa karangalan ng mga bagong nars, lalo na sa mata ng ibang bansa na numero unong taga-empleyo ng mga ito.
Tinutunggali pa rin ng ilang grupo ng mga nars ang selective retake. Ang gusto nila ay retake para sa lahat dahil ito anila ang tanging makakasalba sa imahe ng propesyon.

Ayon naman sa Head (Health Alliance for Democracy), alyansa ng mga propesyunal na pangkalusugan, higit pa sa usapin ng retake at no retake ang solusyon sa problema. Kailangan umanong harapin ng gobyernong Arroyo ang pagdausdos ng integridad at kalidad ng mga Pilipinong nars bunsod ng komersyalisadong edukasyon na nakatuon lamang sa pangingibang-bansa at paglikom ng gobyerno ng dollar remittances.

Nursing school, patok na negosyo Ang leakage ay sintomas lang ng mababang kalidad ng edukasyon ng nursing sa bansa. Ito ang inihayag sa PINOY WEEKLY ni Dr. Marilyn Lorenzo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas College of Public Health at dating tagapangulo ng TCNE (Technical Committee on Nursing Education) ng Ched (Commision on Higher Education).

Noong Hulyo, nagbitiw si Lorenzo at ang buong TCNE dahil “inutil ang Ched na ipasara ang mga substandard nursing school.” Sa pag-aaral ng TCNE, 12 lang sa 250 paaralang pang- nursing ang mahusay na gumagana (excellent performing) o may board passing rate na 90 porsiyento pataas. Ibig sabihin, karamihan ng mga paaralang pang-nursing ang di nakakapagpatapos ng mga estudyanteng de-kalidad. Natuklasan pa ng TCNE na 32 paaralang pang-nursing ang kulelat (poorest performing) o may tantos ng pagpasa na 0 hanggang 30 porsiyento, mas marami kaysa mga eskuwelahang mahusay.

Sumulpot na parang kabute ang mga paaralang pang-nursing nang lumaki ang pangangailangan ng nars sa mauunlad na bansa. Dahil sa kawalan ng disenteng trabaho sa Pilipinas, pinasok ng libu-libo ang propesyong ibinabando ng gobyerno bilang balon ng siguradong kita.

Sa loob ng nakaraang tatlong taon, tumaas ang bilang ng mga paaralang pang-nursing nang 180 porsiyento. Mula 251 noong 2003, kasalukuyang may 450 paaralang pang-nursing sa buong bansa. Tinatayang milyun-milyon ang kita ng mga eskuwelahan na sumisingil ng mula P20,000 hanggang P40,000 kada semestre.

“Namuhunan lang (ang mga negosyante) para makapagbukas ng eskuwelahan at kumita. Pagkatapos, wala na silang pakialam kung ano ‘yung kalidad ng mga gradweyt nila,” himutok ni Lorenzo.

Aniya, marami sa mga paaralang pang-nursing ang natuklasang lumalabag sa mga pamantayan ng Ched: Hindi full-time ang kanilang dekano, walang kuwalipikadong guro, at walang ospital na pinagsasanayan ang mga estudyante.Sinasalamin ang ganitong masamang edukasyon ng pagkakulelat ng mga estudyante sa eksaminasyon. Patuloy na bumababa ang porsiyento ng mga estudyanteng pumapasa sa board exams sa nursing. (Tingnan ang graph.)

Sa kabila nito, hindi naipapasara ng Ched ang mga paaralang pang-nursing na bagsak sa mga pamantayan. Ito’y dahil nakatali umano ang ahensiya sa interes ng mga negosyante at pulitiko — presyur mula sa mga pulitiko na kadalasang may mga kamag-anak o kaibigan na may-ari ng mga eskuwelahan ang pangunahing balakid sa pagpapasara ng mga ito. Sa tantiya ni Lorenzo, mahigit 70 porsiyento ng mga paaralang pang-nursing ang protektado ng mga pulitiko.

Kurakot at negosyong rebyu

Dumami ang mga review center kaaalinsabay ng mga substandard na paaralang pang-nursing. Dati, itinayo ang mga review center para lang sa mga kukuha ng nursing exams sa ibang bansa. Ngayon, normal na para sa estudyante ng pagnanars na umasa dito para makapasa sa board exams.

“Ang nangyari, di baleng pangit ang eskuwelahan mo, tutal (mag-e-enroll) ka naman sa top-notch nursing review center para pumasa sa board. Di nila nakikita na pwede ngang pumasa sa eksam pero di pa rin maganda ‘yung skills. Pwedeng imemorya na lang ‘yung ibinibigay na materyales lalo na kung leakage,” paliwanag ni Lorenzo.

Paborable sa negosyo ng mga review center ang pagkakaroon ng paunang kopya ng mga eksaminasyon. Itinataas nito ang kanilang passing rate na lalong nakakapang-akit sa mga estudyante para mag-enroll sa isang buwang sesyong nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P50,000.

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang mga may-ari ng tatlong nabanggit na review center at dalawang opisyal ng Bon (Board of Nursing) na sina Anesia Dionisio at Virginia Madeja. Sila ang itinuturong nagbigay ng mga kopya ng eksaminasyon sa mga review center. Si George Cordero, may-ari ng Inress Review Center, ay pangulo rin ng PNA (Philippine Nurses Association) na nagrekomenda kay Madeja sa Bon.

Ikinalulungkot ni Lorenzo na umabot ang krisis sa puntong nakurakot maging ang PNA at Bon. Aniya, “kung sinu-sino na lamang na kayang imanipula ang nakaupo” sa mga lupon sana ng mga pinakaprestihiyosong nars.

Reporma sa propesyon

Para sa Head, panahon na upang isantabi ang isyu ng retake at no retake at magbigkis ang lahat ng nars at estudyante ng nursing para igiit ang mga reporma na tunay na makapag-aahon sa nalugmok na pangalan ng propesyon.

Hindi pa rin handang patawarin ng mga propesyunal na pangkalusugan ang mga opisyal ng PRC at Malacañang kaugnay ng palpak na pagtugon sa kontrobersiya. Matatandaang itinanggi noon ng PRC ang leakage, minanipula ang mga grado, at pinasumpa ang mga nars – tapos babawiin ang lahat at aaminin ang sala ng Bon. Samantala, naging mabuway naman ang mga pahayag ni Pangulong Arroyo sa usapin ng retake. Umano’y tanda ng kawalan ng sinseridad ang ganitong mga pag-iwas sa sisi at responsibilidad.

“Higit sa lahat, ang pagnanars ay serbisyo. Pilit natin itong ipinaiintindi sa mga Pilipinong nars. Pero dapat magbigay ang gobyerno ng oportunidad na sila’y manatili sa bansa, sa halip na itrato sila bilang mga kalakal na ipinagpapalit lamang sa dolyar,” ayon sa Head.

Posted in Edukasyon, Pangkalusugan | Leave a Comment »