Muling Paglathala

Archive for November, 2006

Japan-Philippines Economic Partnership Agreement: Pilipinas, naisahan ka na ba?

Posted by mamamahayag on November 18, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Vol. 5 Blg. 44
Nobyembre 17, 2006

Tahimik na pinirmahan sa ibang bansa, at halos hindi inanunsiyo sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin nailusot ni Pangulong Arroyo ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Agad na natunugan ng mga grupong maka-kalikasan na papayagan ng kasunduan ang pagtatapon ng mga nakakalasong basura ng Japan sa Pilipinas (tingnan ang kaugnay na istorya). Gayundin, hindi basta-basta kinagat ng mga grupong nars at migrante ang kapalit na pangako ng gobyerno na bibigyan ang mga nars at caregiver na Pinoy ng trabaho sa Japan (tingnan ang kaugnay na istorya).

Nang bayuhin ng kritisismo, napuwersang aminin ng Malacañang ang totoo: Hindi maaaring ipatupad ang kasunduan dahil kailangan muna itong dumaan sa Senado. Doon na umalingawngaw ang marami pang posibleng masasamang epekto ng Jpepa.

Ayon mismo kay Sen. Manuel Roxas III, tagapangulo ng Senate Committee on Trade and Commerce, kailangang pag-aralan kung may mahihita ba talaga ang Pilipinas sa nasabing kasunduan o kung mabubuyangyang lamang ang lokal na ekonomiya sa paninibasib ng mga higanteng korporasyon ng industriyalisadong Japan.

Dahil bigo ang WTO

Ang Jpepa ang unang bilateral na FTA (free trade agreement) na pinasok ng gobyerno simula noong Tydings-Mcduffie Law sa pagitan ng Pilipinas at US noong 1935. Inamin ni DTI (Department of Trade Industry) Undersecretary Thomas Aquino na muling nagka-interes ang gobyerno sa mga kasunduang bilateral dahil sa pagkabalaho ng mga negosasyon sa WTO (World Trade Organization). Miyembro nito ang Pilipinas.

Layon ng mga FTA na iliberalisa ang ekonomiya para “malaya” itong makipagkumpetisyon sa ibang bansa. Hindi umuusad ngayon ang WTO dahil sa lumalakas na pagtutol ng maraming mahihirap na bansa. Umano’y nawawasak ang kanilang ekonomiya dahil sa pagpasok ng mga korporasyong transnasyunal na kontrolado ng iilang mayayamang bansang nagtutulak ng globalisasyon.

Subalit ang Pilipinas ang isa sa mga pinakamabilis na nagliberalisa ng ekonomiya sa ilalim ng WTO, at walang ipinagkaiba sa nais nitong gawin ngayon sa ilalim ng Jpepa.

Ayon sa DTI, magdudulot ang Jpepa ng mula 1.7 hanggang 3.3% paglago sa GDP (Gross Domestic Product).

Lugi sa kalakaran

Ang Japan ay may ekonomiyang 50 beses na mas malaki kaysa Pilipinas. Ito ang pangalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, kasunod ng US. Kung 20% ng mga import at eksport ng Pilipinas ay mula at papuntang Japan, 2 % lamang ng mga import at eksport ng Japan ay mula at papuntang Pilipinas. Sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa simula 1999, laging trade deficit o lugi ang Pilipinas. Ibig sabihin, mas maraming pumapasok kaysa lumalabas na mga produkto rito. Sa kabilang banda, taun-taong trade surplus o ganansiya sa kalakalan ang natatamasa ng Japan (tingnan ang tsart).

Sa ilalim ng Jpepa, palalakasin ang ganitong klaseng kalakaran ng dalawang bansa. Aalisin ang taripa sa halos lahat ng produktong industriyal mula sa Japan, katulad ng bakal, sasakyan, tela, at mga produktong elektronik. Sa kabilang banda, aalisin ang taripa sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas, katulad ng saging, pinya, asukal at tuna.

Naniniwala ang gobyerno na mabibigyan ng Jpepa ang mga lokal na eksporter ng mas malaking pagkakataong mapasok ang merkado ng Japan.

Ngunit sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, na malalaking kompanyang Hapon lamang ang makikinabang sa pagbaba ng mga taripa. Bukod sa may malalaking pagkakataong kumita mula sa mga produktong ipapasok sa bansa, bababa rin umano ang gastos sa produksiyon ng mga kompanyang Hapon katulad ng Toshiba, Fujitsu, Panasonic, at iba pa sa mga EPZ (export-processing zone). Ang mga ito ang gumagawa ng mga produktong industriyal (elektroniks, sa partikular) mula sa mga inangkat na hilaw na materyales. “Sa kabilang banda, sisirain ng Jpepa ang lokal na industriya ng pagmamanupaktura at wawasakin ang anumang potensiyal ng Pilipinas na maging industriyal,” aniya.

Umalma na ang mga lokal na nagmamanupaktura ng bakal sa Jpepa na nagbibigay-daan sa pag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng bakal mula sa Japan taun-taon. Nababahala si Alberto Uy, tagapangulo ng Philsteel Group of Companies, na pabibilisin ng Jpepa ang pagkamatay ng lokal na industriya ng bakal.

Hindi rin nakikita ng Ibon Foundation ang ganansiyang maidudulot ng Jpepa sa mga lokal na eksporter. Halimbawa ang saging at pinya mula sa Pilipinas, na pasok na sa malaking bahagi ng merkado ng Japan. “Ang talagang nakikinabang sa eksport ng mga nasabing produkto ay hindi ang maliliit na magsasaka kundi ang mga kompanyang transnasyunal katulad ng Dole, Del Monte, Chiquita, at Sumitomo,” sabi ni Africa.

Kapansin-pansing hindi sinaklaw ng Jpepa ang bigas, na nananatiling protektadong sektor ng Japan, at hindi makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Espesyal na trato sa dayuhan

Sinasaklaw rin ng Jpepa ang industriya ng serbisyo. Ibig sabihin, maaari nang pasukin ng mga kompanyang Hapon ang mga serbsiyo katulad ng konstruksiyon, outsourcing, transportasyon, serbisyong medikal, mga serbisyong panlipunan, turismo, telekomunikasyon, pagbabangko at iba pa.

Gayundin, kabilang sa kasunduan ang mga kontrobersiyal na Singapore Issues na hindi pa naisasama sa WTO. Ito ang liberalisasyon sa pamumuhunan (investment), patakaran sa kumpetisyon (competition policy), government procurement at trade facilitation. “Maraming bansa laluna sa Third World na tumutol sa mga ito. Kasi, lalong mabubukas ang kani-kanilang ekonomiya at lalong madidisarmahan ang kanilang gobyerno sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa pag-unlad ng domestic economy,” paliwanag ni Africa.

Mas madaling makakapasok ang direktang dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment) mula sa Japan dahil inaalis ng Jpepa ang mga restriksiyon sa pamumuhunan na karamihan ay nasa Konstitusyong 1987. Ibinibigay nito sa mga mamumuhunang Hapon ang national treatment o tratong katulad ng mga lokal na mamumuhunan at iba pang espesyal na pribilehiyo.

Pinananabikan ng gobyerno ang FDI dahil magdudulot umano ito ng mas magandang klimang pangnegosyo, at lilikha ng maraming trabaho. Ang Japan ang numero unong naglalagak ng dayuhang puhunan sa bansa, na umaabot sa $370,000 kada taon.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi naman sana problema ang FDI kung ito ay pumapasok sa bansa nang may pakinabang ang pambansang ekonomiya. Ngunit karaniwang nangangahulugan ang dayuhang pamumuhunan ng pinakamurang lakas-paggawa, pinakamababang bayaring buwis, pinakamaluwag na pagnenegosyo na walang interbensiyon ng gobyerno, at pinakamalayang paglabas ng kapital mula sa bansa.

Karamihan sa mga manggagawa sa EPZ ay nagrereklamo sa mababang pasahod, kawalang benepisyo, at kawalang seguridad sa trabaho.

Umano’y maganda sana kung nagdudulot ang FDI ng technology transfer o paglipat ng teknolohiya, na makakatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Sa isang probisyon ng Jpepa, sinisiguro ang technology transfer na sinasabing pakikinabangan ng Pilipinas.

Sa wari ay hindi ito totoo. Halimbawa, sa pagmamanupaktura, na kinokonsentrahan ng FDI ng Japan, bumagsak ang bahagi nito sa GDP sa 24.2% noong nakaraang taon mula 27.9% noong 1970. Ibig sabihin, hindi umunlad ang lokal na pagmamanupaktura sa kabila ng deka-dekadang presensiya rito ng mga kompanya ng mga industriyalisadong bansa. “Pinoprotektahan ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang teknolohiya dahil ito ang pundasyon ng kanilang monopolyong kapangyarihan at tubo,” ani Africa.

Pag-aaral: kahirapan titindi

Samantala, sa pag-aaral ni Caesar Cororaton para sa Philippine Institute for Development Studies, tagapagsaliksik ng DTI hinggil sa Jpepa, lumalabas na patitindihin ng kasunduan ang income inequality o di pagkapantay-pantay sa kita.

Natuklasan nga ni Cororaton na magdudulot ang Jpepa ng paglago ng mga trabaho sa kalunsuran, partikular sa National Capital Region. Ngunit kapalit nito, maraming trabaho ang mawawala sa agrikultura at lalala ang kahirapan sa kanayunan.

Ngayong unti-unti nang nalalantad ang mga di-makatarungang probisyon ng Jpepa, hinihiling ng maraming grupo ang pagbasura nito. Kanila ring sinisingil ang pangulong nakipagkamayan kay Japan Prime Minister Junichiro Koizumi at ngumiti sa kamera sa pag-aakalang naisahan na ang bayan.

Pinoy nars, baka mag-Japayuki
Baka mauwi sa pagiging Japayuki o Japanese enter-tainers ang mga Pilipinong nars at caregiver na pinapangakuan ng gobyerno ng trabaho sa Japan.

Ito ang idinaing ng isang opisyal ng PNA (Philippine Nurses Association) sa pagdinig ng Senado hinggil sa Jpepa. Ayon kay Dr. Leah Samaco-Paquiz, bise-presidente ng PNA, mahihirapang maghanap ng empleyo ang mga manggagawang pangka-lusugan sa Japan kahit pa sinisiguro ito ng nasabing kasunduan.

Kabilang sa Jpepa ang Movement of Natural Persons na probisyong ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na makakadagdag ng bilang ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Japan.

Ngunit nakasaad dito na kailangan munang maging bihasa ang mga nars at caregiver na Pinoy sa lengguwaheng Nihonggo at makapasa sa eksaminasyon na nakasulat din sa nasabing lengguwahe. Saka lamang ikokonsidera ang mga kandidato na makakapagtrabaho sa Japan nang tatlong taon para sa mga nars at apat na taon para sa mga caregiver.

Sa panayam ng PINOY WEEKLY, idinagdag ni Paquiz na malaki ang diskriminasyon ng mga Hapon sa mga hindi kalahi. Di malayong tratuhin ang mga Pilipino bilang second-class citizen at bigyan ng mga trabahong angkop lamang sa ganitong pagtingin. “Nakakalungkot…bakit natin gustong maging ganoon ang Pilipino? Dapat, itaas natin ang pagka-Pilipino natin. Kawawa na tayo sa ibang bansa,” aniya.

Wala pang eksaktong komitment ang gobyerno ng Japan kung ilang nars at caregiver ang tatanggapin nito. Kaya naibulalas ni Senator Roxas na “teoretikal” pa lamang ang ganansya ng OFWs sa Jpepa.

Natuklasan naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na sa Schedule of Commitments ng Jpepa, nakasaad na maaari pa ring maglabas ang gobyerno ng Japan ng mga batas na pipigil sa pagpasok ng dayuhang lakas-paggawa sa sektor pangkalusugan. “Mabuway,” aniya, “ang pangakong inilulutang ng gobyernong Arroyo para maging katanggap-tanggap sa publiko ang Jpepa.”

Sinadyang gawing tambakan

Sinadyang isama sa Jpepa ang probisyong nagpapahintulot na itapon sa Pilipinas ang mga nakakalasong basurang industriyal ng Japan.

Wala ang toxic waste products sa orihinal na kasunduan, taliwas sa ikinakatwiran ng gobyernong Arroyo na napabilang lamang ito sa mahabang listahan ng mga produktong maaaring pumasok sa bansa nang walang taripa.

Sa pampublikong pagdinig ng Tariff Commission noong May 31, 2005 hinggil sa Jpepa, hindi kabilang ang toxic waste products sa mga produktong saklaw ng kasunduan. Ito’y dahil tumutol ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) at iba pang grupong makakalikasan. Lumitaw at napirmi lamang ang nasabing probisyon matapos igiit ng Board of Investments na di mahalaga kung babaan ang taripa sa mga nakakalasong basura dahil ipinagbabawal naman ang pag-angkat ng mga ito sa ilalim ng batas.

Ngunit ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, malinaw na kinumbinsi ng gobyerno ng Japan ang Pilipinas para mapabilang sa kasunduan ang toxic waste products. Napakalaki ng problema ng Japan dahil lumilikha ito ng 50 milyong tonelada ng basura taun-taon.

Wala ring tiwala ang Kalikasan sa kakayahan ng Bureau of Customs at DENR na ipatupad ang mga umiiral na batas pang-kalikasan dahil marami umanong naipupuslit na basura sa bansa. Noong 1999, 122 container van mula sa Japan na naglalaman ng mga nakakalasong basura ang nasawata. Kamakailan, ibinulgar ni Cavite Gov. Ireneo Maliksi na gagawing tambakan ng mga lumang appliances ang 648-ektaryang lote sa bayan ng Ternate.

Inireklamo ng Basel Action Network na labag ang Jpepa sa 1989 Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal, na inayunan ng Pilipinas at Japan.

Kabilang sa mga lubhang mapanganib na basurang maaaring itambak ng Japan sa Pilipinas ang incinerator ash, municipal waste katulad ng ginagamit na sanitary napkins at adult diapers, sewage sludge, clinical waste katulad ng nagamit na bandage at intravenous syringes, chemical residues, at iba pang residue na may mga nakakalasong kemikal katulad ng arsenic at mercury.

Posted in Globalisasyon, Uncategorized | 4 Comments »

Krisis sa Makati: ‘Oposisyon lumalaban’

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 42
Oktubre 25 2006

Mapagbiro, puno ng kumpiyansa at panay ang pasaring sa mga kalaban. Maganda ang disposisyon ni Makati City Mayor Jejomar Binay isang araw matapos barahin ng CA (Court of Appeals) ang suspensiyon laban sa kanya.

“Sana maniwala ka kapag sinabi kong naitutulog ko ‘yung mga ganoon-ganoon,” sabi ni Mayor Binay, na tila nga hindi ininda ang tatlong araw na pagkukulong sa sarili sa loob ng city hall bilang protesta sa umano’y ilegal na hakbang ng gobyernong Arroyo.

Noong madaling araw ng Oktubre 10, dumating ang pulisya para ihatid kay Binay ang 60-araw na suspension order ng DILG (Department of Interior and Local Government) na aprubado ng Malacañang. Nakabatay ang utos sa reklamo ni Roberto Brillante, dating bise-alkalde ng Makati at matagal nang nag-aambisyong maging alkalde. Ayon sa reklamo ni Brilliante, sangkot si Binay sa P113-Milyong anomalya sa pag-eempleyo ng mahigit 1,000 ghost employees mula 2005 hanggang Hunyo 2006. Bukod kay Binay, sinuspinde rin sina Vice-Mayor Ernesto Mercado at lahat ng 16 konsehal.

May kaso rin ng graft na isinampa si Brillante laban kay Binay. Kaugnay ito diumano ng pagbili ng P231-M kagamitan sa city hall noong 1999 hanggang 2001.

Ang alkalde ng Makati ay agad na nagsampa ng kontra-petisyon sa CA, na agad ring inaksiyunan ng nasabing korte. Oktubre 12, inisyu nito ang 60-araw na temporary restraining order (TRO). Iniutos din ng CA sa DILG na itigil ang imbestigasyon laban kay Binay. Pinuna ng korte ang bagay na hindi pinangalanan sa reklamo ni Brilliantes ang mga umano’y ghost employees.

Umalma ang Malacañang at ang Department of Justice. Ayon kay Solicitor-General Eduardo Nachura, hihilingin nila sa korte na agad kanselahin ng CA ang TRO. Hindi pa tapos ang laban, ang mensahe nila kay Binay.

Banat sa oposisyon

“Handa ako,” waring ito ang kahulugan ng magandang disposisyon ni Binay nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY, palibhasa’y kanya ang Round 1. Tiwala rin siyang kanya rin ang mga susunod pang round sa boksing ng pulitika. “Ang oposisyon, lumalaban,” sabi ng alkalde.

Bagaman itinatanggi ng Malacañang, ang pagsuspinde kay Binay ay hinihinalang bahagi ng panggigipit ng gobyernong Arroyo sa mga miyembro ng oposisyon. Si Binay ang tagapangulo ng Uno (United Opposition), koalisyon ng mga partido at personahe ng oposisyon. Siya ay nangungunang lider ng kilusang naglalantad sa pandaraya ng kampo ni Gng. Arroyo noong halalan, at lumalaban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng kasalukuyang gobyerno.

Tinatanaw na banta sa administrasyong Arroyo ang muling pagtakbo ni Binay sa halalang 2007. Kapag nanalo, mananatiling baluwarte ng oposisyon ang Makati, pangunahing distritong pangnegosyo at pampinansiya ng bansa. Kaya naman, suspetsa ng oposisyon, inihabol ang kontra-Binay na utos ng DILG bago mag-umpisa ang ban o pagbabawal sa suspensiyon 90 araw bago ang lokal at pambansang halalan.

Kinabahan ang Malacañang?

Libu-libong tagasuporta ni Binay ang tumugon sa panawagang ala People Power. Dumagsa rin sa city hall ang mga puwersang kontra-Arroyo. Marami ang doon na nagpalipas ng ilang gabi. Lalong tumampok ang pagkakaisa ng oposisyon nang bisitahin ng mga prominenteng lider si Binay, tulad nina dating Pang. Corazon Aquino, dating Bise-Presidente Teofisto Guingona, biyuda ni Fernando Poe, Jr. na si Susan Roces at mga lider ng militanteng kilusang pambansa-demokratiko.

Sa isang yugto, lumitaw ang posibilidad na ang krisis sa Makati ay humantong sa isang People Power na, ayon sa ilang sektor, ay tila ikinatakot ng Malacañang. Dahil dito, ilang miyembro ng gabinete ang diumano’y nakiusap kay Arroyo upang ipatigil ang suspensiyon kay Binay.

“Palagay ko, kailangan lang nilang tanggapin (ng gobyernong Arroyo) na mali ‘yung ginawa nila. Kung ako ang adviser, sasabihin ko sa pangulo, kakasuhan mo na rin lang, kasuhan mo na nang tama. Unang una, lilitaw at lilitaw na harassment yan. Sampal yan sa kanilang mga mukha,” aniya.

“Pagsalaula sa batas at tamang proseso”

indi lamang ang oposisyon ang bulnerable sa “pagsasalaula ng administrasyon sa batas at tamang proseso,” kundi lahat ng opisyal ng gobyerno, ang wika ni Binay. Ngunit aminado ang alkalde na ang talagang pinupuntirya ay ang pinakamatitinding kritiko ni Pangulong Arroyo. At siya ay siguradong isa sa kanila.

Kinuwestiyon ni Binay ang mabilis na pag-akyat ng mga habla sa kanya sa Sandiganbayan batay sa umano’y hindi masusing imbestigasyon ng Ombudsman. Patutsada niya, “Baka naman mauna pa itong sa akin kaysa doon sa 10 taon, 15 taon na sa Ombudsman, kasi si Jojo Binay eh. May isa ngang local official, guilty na, nag-file lang ng motion for reconsideration, ilang taon na, inaamag pa rin doon sa Ombudsman.”

Sabihin mang patuloy na nahaharap sa samu’t saring banta, hindi aatrasan ni Binay ang pagsisiwalat sa mga ilegal na gawaing umano’y kinasasangkutan ng gobyernong Arroyo.

Iba’t ibang operasyon at oplan

Partikular na pinaninindigan ni Binay ang pag-iral ng Operation Phoenix na ipinatutupad umano ng Task Force Spider. Unang isiniwalat ni Pablo Glean, yumaong security officer ni Binay, ang nasabing planong paglikida ng mga awtoridad sa mga miyembro ng oposisyon. Kakabit ng Operation Phoenix ang Oplan Summer Offensive, kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno sa kalunsuran na kaparis ng Oplan Bantay-Laya, na siya namang kampanyang kontra-insurhensiya sa kanayunan. (Umaabot na sa 756 ang mga aktibistang pinapaslang sa balangkas diumano ng Oplan Bantay-Laya.) Ilang linggo matapos ibulgar ni Glean ang impormasyon, binaril siya sa isang gasolinahan sa Taguig noong Setyembre. Matinding dinamdam ni Binay ang pagkamatay ni Glean.

Malalantad sa tamang panahon ang ebidensya hinggil sa Operation Phoenix na pinagbuwisan ng buhay ng kanyang tauhan, ayon kay Binay. Umano’y isang opisyal ng administrasyon mismo ang umamin sa kanya na totoo ang nasabing plano. “Hindi kathang isip yon,” aniya.

Cha-Cha at halalang 2007

Tuloy rin ang paglaban ni Binay sa Cha-Cha ni Arroyo. Matatandaang naglabas ng ebidensiya si Binay hinggil sa mga pekeng pirma sa diumano’y People’s Initiative at panunuhol ng grupong Sigaw ng Bayan sa mga residente ng Makati. Hinihintay na lamang ni Binay ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Cha-Cha bago niya tukuyin ang mga susunod na hakbang ng oposisyon kaugnay nito.

Bilang tagapangulo ng Uno, batid ni Binay ang kahalagahan ng darating na halalan, at kumpiyansa siya sa magiging resulta nito. “Kung magkakaroon ng halalan, sa oposisyon ang susunod na taon,” kanyang paniniyak.

Bakas sa tinig ni Mayor Binay ang tiwala sa mga mamamayan ng Makati nang sabihin niyang hindi siya puwedeng alisin sa puwesto ng isang gobyernong sa unang banda ay siya ngang ilehitimo at, ayon sa buong kilusang oposisyon ay “hindi lang dapat suspendihin kundi patalsikin.”

Posted in Personalidad | Leave a Comment »

Higit pa sa dinayang eksaminasyon

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 41
Oktubre 18 2006

Hindi ginusto ni “Rachel” ang kursong nursing. Mas gusto niya ang education at maging guro. Pero pinakiusapan siya ng kanyang ama na maging nars para makapangibang-bansa, katulad ng libu-libong Pinoy na nandarayuhan sa paghahanap ng maginhawang buhay.

Isa si “Rachel” sa 1,687 pumasa sa nursing board exams pero pinapakuha ulit ng eksaminasyon ng CA (Court of Appeals). “Napakakomplikado pala,” luhaang sambit ng 20 anyos na gradweyt ng Fatima College, matapos makita ang kanyang pangalan sa listahan ng retakers na nakapaskil sa PRC (Professional Regulation Commission).

Habang hinihintay ang bagong eksaminasyon, si Rachel ay nagtitinda ng mga sim card. Bagaman tanggap na niya ang utos ng korte, may himutok pa rin sa kanyang dibdib dahil di naman daw siya nandaya. “Parang unfair,” aniya.

Magre-retake man o hindi, biktima ng di makatarungang kalakaran ang mga estudyante na apat na buwan nang ligalig sa kontrobersiyang sumambulat dahil sa matagal nang mga problema sa edukasyon at propesyon ng nursing.

Retake, no retakeIbinibida ng gobyernong Arroyo bilang win-win solution o solusyong walang talo ang utos ng CA na selective retake. Nagdesisyon ang korte na pakuning muli ng eksaminasyon ang mga nagrebyu sa R.A. Gapuz Review Center, Inress Review Center, at Pentagon Review Specialist Inc. sa Maynila at Baguio, gayundin ang mga bumagsak sa orihinal na pagbilang ng mga grado. Sabi ng CA, mali ang recomputation ng grado sa Tests III medical surgical nursing at V psychiatric nursing na ipinatupad ng PRC para iwasan ang retake.

Sa selective retake, naiwasan ng gobyerno ang pag-aalburoto ng libu-libong estudyante. Sa pagtantiya ng Malakanyang, sapat ang selective retake para mawala ang batik sa karangalan ng mga bagong nars, lalo na sa mata ng ibang bansa na numero unong taga-empleyo ng mga ito.
Tinutunggali pa rin ng ilang grupo ng mga nars ang selective retake. Ang gusto nila ay retake para sa lahat dahil ito anila ang tanging makakasalba sa imahe ng propesyon.

Ayon naman sa Head (Health Alliance for Democracy), alyansa ng mga propesyunal na pangkalusugan, higit pa sa usapin ng retake at no retake ang solusyon sa problema. Kailangan umanong harapin ng gobyernong Arroyo ang pagdausdos ng integridad at kalidad ng mga Pilipinong nars bunsod ng komersyalisadong edukasyon na nakatuon lamang sa pangingibang-bansa at paglikom ng gobyerno ng dollar remittances.

Nursing school, patok na negosyo Ang leakage ay sintomas lang ng mababang kalidad ng edukasyon ng nursing sa bansa. Ito ang inihayag sa PINOY WEEKLY ni Dr. Marilyn Lorenzo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas College of Public Health at dating tagapangulo ng TCNE (Technical Committee on Nursing Education) ng Ched (Commision on Higher Education).

Noong Hulyo, nagbitiw si Lorenzo at ang buong TCNE dahil “inutil ang Ched na ipasara ang mga substandard nursing school.” Sa pag-aaral ng TCNE, 12 lang sa 250 paaralang pang- nursing ang mahusay na gumagana (excellent performing) o may board passing rate na 90 porsiyento pataas. Ibig sabihin, karamihan ng mga paaralang pang-nursing ang di nakakapagpatapos ng mga estudyanteng de-kalidad. Natuklasan pa ng TCNE na 32 paaralang pang-nursing ang kulelat (poorest performing) o may tantos ng pagpasa na 0 hanggang 30 porsiyento, mas marami kaysa mga eskuwelahang mahusay.

Sumulpot na parang kabute ang mga paaralang pang-nursing nang lumaki ang pangangailangan ng nars sa mauunlad na bansa. Dahil sa kawalan ng disenteng trabaho sa Pilipinas, pinasok ng libu-libo ang propesyong ibinabando ng gobyerno bilang balon ng siguradong kita.

Sa loob ng nakaraang tatlong taon, tumaas ang bilang ng mga paaralang pang-nursing nang 180 porsiyento. Mula 251 noong 2003, kasalukuyang may 450 paaralang pang-nursing sa buong bansa. Tinatayang milyun-milyon ang kita ng mga eskuwelahan na sumisingil ng mula P20,000 hanggang P40,000 kada semestre.

“Namuhunan lang (ang mga negosyante) para makapagbukas ng eskuwelahan at kumita. Pagkatapos, wala na silang pakialam kung ano ‘yung kalidad ng mga gradweyt nila,” himutok ni Lorenzo.

Aniya, marami sa mga paaralang pang-nursing ang natuklasang lumalabag sa mga pamantayan ng Ched: Hindi full-time ang kanilang dekano, walang kuwalipikadong guro, at walang ospital na pinagsasanayan ang mga estudyante.Sinasalamin ang ganitong masamang edukasyon ng pagkakulelat ng mga estudyante sa eksaminasyon. Patuloy na bumababa ang porsiyento ng mga estudyanteng pumapasa sa board exams sa nursing. (Tingnan ang graph.)

Sa kabila nito, hindi naipapasara ng Ched ang mga paaralang pang-nursing na bagsak sa mga pamantayan. Ito’y dahil nakatali umano ang ahensiya sa interes ng mga negosyante at pulitiko — presyur mula sa mga pulitiko na kadalasang may mga kamag-anak o kaibigan na may-ari ng mga eskuwelahan ang pangunahing balakid sa pagpapasara ng mga ito. Sa tantiya ni Lorenzo, mahigit 70 porsiyento ng mga paaralang pang-nursing ang protektado ng mga pulitiko.

Kurakot at negosyong rebyu

Dumami ang mga review center kaaalinsabay ng mga substandard na paaralang pang-nursing. Dati, itinayo ang mga review center para lang sa mga kukuha ng nursing exams sa ibang bansa. Ngayon, normal na para sa estudyante ng pagnanars na umasa dito para makapasa sa board exams.

“Ang nangyari, di baleng pangit ang eskuwelahan mo, tutal (mag-e-enroll) ka naman sa top-notch nursing review center para pumasa sa board. Di nila nakikita na pwede ngang pumasa sa eksam pero di pa rin maganda ‘yung skills. Pwedeng imemorya na lang ‘yung ibinibigay na materyales lalo na kung leakage,” paliwanag ni Lorenzo.

Paborable sa negosyo ng mga review center ang pagkakaroon ng paunang kopya ng mga eksaminasyon. Itinataas nito ang kanilang passing rate na lalong nakakapang-akit sa mga estudyante para mag-enroll sa isang buwang sesyong nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P50,000.

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang mga may-ari ng tatlong nabanggit na review center at dalawang opisyal ng Bon (Board of Nursing) na sina Anesia Dionisio at Virginia Madeja. Sila ang itinuturong nagbigay ng mga kopya ng eksaminasyon sa mga review center. Si George Cordero, may-ari ng Inress Review Center, ay pangulo rin ng PNA (Philippine Nurses Association) na nagrekomenda kay Madeja sa Bon.

Ikinalulungkot ni Lorenzo na umabot ang krisis sa puntong nakurakot maging ang PNA at Bon. Aniya, “kung sinu-sino na lamang na kayang imanipula ang nakaupo” sa mga lupon sana ng mga pinakaprestihiyosong nars.

Reporma sa propesyon

Para sa Head, panahon na upang isantabi ang isyu ng retake at no retake at magbigkis ang lahat ng nars at estudyante ng nursing para igiit ang mga reporma na tunay na makapag-aahon sa nalugmok na pangalan ng propesyon.

Hindi pa rin handang patawarin ng mga propesyunal na pangkalusugan ang mga opisyal ng PRC at Malacañang kaugnay ng palpak na pagtugon sa kontrobersiya. Matatandaang itinanggi noon ng PRC ang leakage, minanipula ang mga grado, at pinasumpa ang mga nars – tapos babawiin ang lahat at aaminin ang sala ng Bon. Samantala, naging mabuway naman ang mga pahayag ni Pangulong Arroyo sa usapin ng retake. Umano’y tanda ng kawalan ng sinseridad ang ganitong mga pag-iwas sa sisi at responsibilidad.

“Higit sa lahat, ang pagnanars ay serbisyo. Pilit natin itong ipinaiintindi sa mga Pilipinong nars. Pero dapat magbigay ang gobyerno ng oportunidad na sila’y manatili sa bansa, sa halip na itrato sila bilang mga kalakal na ipinagpapalit lamang sa dolyar,” ayon sa Head.

Posted in Edukasyon, Pangkalusugan | Leave a Comment »

Kung bakit umaasa sa hula

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 35
Setyembre 6 2006

Halos wala silang ipinagkaiba sa mga tinderang nakaupo sa lilim ng mga payong, naghihintay sa ligid ng Plaza Miranda, minsa’y sumisigaw at kumakaway upang mang-akit ng mga nagdaraang tao. ’Yun nga lang, sa halip na paninda, mga lumang baraha ang nakalatag sa maliit na kahoy na lamesang kinumutan ng telang pula. Sa isang piraso ng karton nakasulat ang mga kataga: PALAD HOROSCOPE PROXY GAYUMA at iba pang serbisyong handog ng mga manghuhula sa Quiapo.

Apatnapung taon nang nasa hanapbuhay ng panghuhula si Madam Remy, 62. Aniya, 23-taong gulang siya nang matuklasan ang umano’y “regalo mula sa Diyos.” Taga-Sta. Mesa, sa pagiging diumano’y psychic niya napalaki at napaaral ang isang anak.

Ani Madam Remy, halos walang ipinagkaiba ang panghuhula sa pagtitinda—minsan malakas ang kita, minsan mahina. Lumalaro sa P50 hanggang P500 ang karaniwang singil sa mga serbisyo ng manghuhula. Pinakakaraniwan ang panghuhula sa baraha (P50 kapag ordinaryong baraha, P100 kapag tarot cards) at pagbabasa ng guhit ng palad ng kostumer. Mas mataas ang singil sa faith healing o panggagamot ng karamdaman sa pamamagitan ng umano’y psychic powers.

Kapag matumal ang dating ng mga kostumer, lalo na kapag Miyerkules kung kailan “lahat ng tao ay nasa Baclaran,” nakapag-uuwi lamang si Madam Remy ng P100. Ngunit tuwing Biyernes, kung kailan dagsa ang mga tao sa simbahan ng Quiapo, kumikita siya ng P500 hanggang P1000. Dumarating din kasi ang mga suki niya. Kapag mas matagal na sa hanapbuhay na ito, mas maraming suki.

Kaiba kay Madam Remy, limang taon pa lang nanghuhula si Madam Alma, 70, taga-Tondo. Dati siyang tindera ng prutas sa Divisoria. Nang hindi na kinaya ng katawan ang araw-araw na paglalako sa palengke, tinuruan siya ng isang matandang manghuhula ng ganoong hanapbuhay. “Kahit anong sabihin ko, naniniwala ang mga tao,” sabi ni Madam Alma hinggil sa kakayahan na hindi man “likas” ay natutunan din niya.

Tulad ng iba pang mga tindero’t tindera sa Quiapo, nagbabayad ang mga manghuhula ng puwesto sa barangay. Umaabot sa P80 kada araw ang singil, na para kay Madam Alma ay masakit sa bulsa kapag matumal ang negosyo, katulad nang araw na iyon na sinubukan kong “magpahula.” Alas-kuwatro na ng hapon, ako pa lang ang kostumer ni Madam Alma.

Sa totoo lang, wala namang kakaibang “hinulaan” si Madam Alma tungkol sa akin. Hindi pa nga nagkakatugma ang ilan niyang mga hula. (Ayon sa kanya, hindi ko makakatuluyan ang una kong kasintahan, ngunit sinabi ring pakakasalan ko ang kasalukuyan kong boyfriend—na, hindi ko lang masabi sa kanya, ay siya ring una kong kasintahan). Napaka-basic pa nga ang ilan sa mga payo niya, na nakakatawa kung pakinggan. Halimbawa, maging maingat daw ako sa pagtawid sa kalsada o huwag pumunta sa malalim kapag naliligo sa dagat. Ngunit marahil, ibinigay lang sa akin ni Madam Alma ang aking inaasahan—at iyon ay wala, maliban sa maisulat ang tungkol sa hanapbuhay ng mga manghuhula.

Kaiba ako kay Marylou Sanchez, 31, na nagpahula noong araw na iyon dahil mangingibang-bansa kinabukasan. Isang accounting manager, makikipagsapalaran siya bilang domestic helper sa Hongkong, sa pag-asang magiging tuntungan ito para permanenteng makapanirahan sa Canada.

Sa halagang P50, narinig ni Marylou ang gusto niyang marinig mula sa diumano’y psychic na kanyang kinontrata. “Ang sabi sa akin, matutupad daw ang mga pangarap ko basta maging masipag lang ako,” aniyang nakangiti, hawak pa ang envelope ng mga dokumento na kakailanganin sa bagong buhay bilang OFW (overseas Filipino worker).

Inamin ng mga manghulalang nakapanayam ko na hindi katulad noon, na karamihan sa mga nagpapahula ay humihingi ng payo hinggil sa pag-ibig o sa mga bagay na nawawala, ngayon ay isa lang ang nais malaman ng bulto ng mga nagpapahula: kung makakapag-abroad ba sila o hindi. Kadalasan, “nakikita” umano ng mga manghuhula na matutuloy ang pinapangarap na pangingibang-bansa ng kanilang mga kostumer. Ang mga makailang beses namang nabigo ay binebentahan ng mga manghuhula ng “gamot” na pampaalis umano ng malas.

Sinabi ni Marylou na nagpahula siya para lang makahanap ng kausap na magpapalakas ng kanyang loob sa haharaping pagsubok. Inamin niya na ang positibong pagtanaw sa buhay ang hanap ng mga katulad niyang bumibisita sa mga “psychic” ng Quiapo na “bihirang magsabi ng negatibo.”

Sa gitna ng malawak na disempleyo sa lungsod, may mga taong umaasa na lang sa paniniwala ng balana sa mundong metapisikal upang magkaroon ng disenteng hanapbuhay — na, kung tutuusin, ay halos kaparis nga ng pagtitinda ng sigarilyo, kendi at kung anu-ano pa sa bangketa. Ngunit sa halip na mga ganoon, ang tinda nila’y kaunting pag-asang kinakapitan naman ng mga kapwa-mamamayang lubog sa kumunoy ng kahirapan.

Posted in Human Interest | Leave a Comment »

Midyang ‘komunista’?

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 34
Agosto 30 3006

NAROON siya, nakaupong isang akbay lang ang layo kay Maj. Gen. Jovito Palparan, habang banayad na inilalahad ang “impiltrasyon ng mga Komunista sa masmidya” sa Kapihan ng Bayan sa Sulo Hotel nitong Agosto 21. Larawan siya ng isang burukratang ganap na nakakatiyak sa katumpakan at katarungan ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bunganga. Ito’y kumpiyansang makukuha lamang ng isang nilalang kung siya ay gaya ng isang Norberto Gonzales, tagapayo ng presidente sa pambansang seguridad.

Ang nagsasalita ay wala ngang iba kundi siya.

Ngunit hindi na bago ang tesis ni Gonzales. Kung bomba ang inaasahan niyang pasabugin sa nasabing press conference, kalpot ang putok noon. Lumang tugtuging pinagsawaan na ng panahon ang pagbabansag niya sa mga mamamahayag bilang “Komunista.” Ang masama pa nito, tila siya isang mapanlarong kolumnista ng tsismis na walang kayang maihayag kundi ang iwas-pusoy na blind items.

Ayon sa mga beteranong mamamahayag, laging ginagamit ng gobyernong nasa krisis ang taktika ng red-baiting tuwing batbat ang mga hedlayn ng kapalpakan at kamalian ng mga nasa poder.

Pangamba ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), ginagawa ito ng gobyerno hindi lamang para sirain ang imahe ng midya at ang kredibilidad ng kanilang mga ulat, kundi para bigyang-katwiran din ang patuloy na pamamaslang ng mga mamamahayag, tulad ng pagpatay ng mga aktibista na napakadaling bansagang miyembro ng CPP (Communist Party of the Philippines).

Bintang ni Gonzales

Nang hindi nagbabanggit ng mga bilang o pangalan, tiniyak ni Gonzales na may ilang mamamahayag na nirerekrut ng CPP. “At mukhang nagtatagumpay (ang CPP),” sabi niya.
Bagaman siniguro ni Gonzales na hindi magkakaroon ng sensura at pagtugis sa mga mamamahayag na umano’y miyembro o sumisimpatiya sa CPP, nagbabala siya para bantayan ng midya ang kanilang hanay.

Inamin din ng tagapayo ni Arroyo na ginagawa ng gobyerno ang profiling o paggawa ng dosyer ng mga miyembro ng midya. Ang dosyer ay instrumento ng military intelligence sa pag-iipon ng “derogatory information” tungkol sa tinatarget nitong mga tao.

Sinang-ayunan naman ng Malakanyang ang mga umano’y “nakakabahalang obserbasyon” ni Gonzales hinggil sa mga mamamahayag. “Kung alam natin kung sino sila, dapat siguruhing hindi sila lalabag sa Revised Penal Code,” sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita.

Ngunit sinalubong ng pagkondena ng mga senador at mga grupo ng mamamahayag ang deklarasyon ni Gonzales. Ayon sa kanila, tahasang kapraningan, pananakot, at paglabag sa karapatang pantao ng mga nasa masmidya at kalayaan sa pamamahayag ang nasabing mga akusasyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Vergel Santos, tagapangulo ng Board of Trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility, na “ginawa na ni Marcos ang pagbansag na komunista sa midya, at ginagawa ulit ito ngayon ng administrasyong Arroyo. Isa itong lumang patibong na ginagamit lagi ng administrasyong walang kumpiyansa sa sarili.”

‘Walang Masama’ sa Komunismo

Para kay Sen. Joker Arroyo, walang masama kung maging komunista ang isang miyembro ng midya dahil hindi naman ito ipinagbabawal sa isang demokrasyang katulad ng Pilipinas. “Hindi gumagawa ng krimen ang reporter na yumayakap sa komunismo dahil hindi krimen ang maniwala sa isang ideyolohiya,” aniya.

Simula nang ibasura ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law noong 1992, dapat ay hindi na iligal ang maging kasapi ng CPP. Ngunit sa katotohanan at sa takbo ng mga pangyayari, iligal pa rin. Itinuturing pa ring “pinakamasasamang kaaway” ng gobyerno ang mga indibidwal at grupo na tinataguriang “komunista.” Lantarang ginagamit ang bansag na ito para supilin at dahasin maski ang mga miyembro ng midya.

Nang magdeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, unang iniutos ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagsasara at takeover sa mga pasilidad ng midya para umano mapigilan ang pagdaloy ng “propagandang komunista.” Inaresto at ikinulong ang maraming mamamahayag.

Noong 2005, inilabas ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang kontrobersiyal na presentasyong PowerPoint na “Knowing the Enemy.” Kasama ng iba pang mga legal na organisasyong pangmasa, tinukoy ng militar na ang NUJP, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at ang premyadong Philippine Center for Investigative Journalism, ay nasa ilalim ng CPP.

Nang ideklara ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 24 ang state of national emergency para pigilan umano ang mga puwersang maka-Kaliwa at maka-Kanan na “nagsabwatan sa pagpapabagsak ng gobyerno,” isa ang midya sa mga unang binalingan ng galit. Hinalughog at binantayan ang tanggapan ng Daily Tribune—pahayagang kilalang kritikal sa pamunuang Arroyo. Tiniktikan din ang magasing Newsbreak at nagdeploy ng mga sundalo sa palibot ng ABS-CBN at GMA 7.

Kritikal na Hedlayn

Bilang patunay umano na napasok na ng mga komunista ang midya, sinabi ni Gonzales na karamihan sa mga balitang lumalabas sa hedlayn ay maka-Kaliwa at kontra sa gobyerno.

Bagay itong pinagtawanan ni Joe Pavia, tagapangulo ng Philippine Press Institute at beteranong mamamahayag. “Anong karapatan nila na sabihin iyon gayong hindi naman sila diyarista? Kahit sino, maaaring bigyang kahulugan ang balita ayon sa kanyang kinikilingan. Bakit, kung right-leaning ba ang hedlayn, may problema? O walang problema dahil pabor sa kanila, ganon ba yon?” bulalas niya sa isang panayam.

Ayon naman kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP, “Hindi resulta ng communist infiltration kung kritikal man sa gobyerno ang pag-uulat (ng midya). Marami lamang sa mga mamamahayag ang tumutupad ng kanilang tungkulin sa matapat na pagbabalita.”

Idiniin ni Rosal ang mahalagang papel ng midya sa pagbibigay sa mga mamamayan ng tamang impormasyon at pagsusuri hinggil sa “kasinungalingan, korapsiyon, pagpapakatuta, brutalidad, at iba pang kabuktutan ng gobyernong Arroyo.”

Pananakot at Takot

Sa huli, takot sa hanay ng mga mamamahayag at pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang muling inihasik ng gobyernong Arroyo sa mga pahayag ni Gonzales.

“Maraming mamamahayag ang talagang natakot hindi dahil komunista sila, kundi dahil doon sa konteksto na maraming pinapatay at hindi alam kung sino yung pumapatay. Inilista yung media organizations na enemy of the state, kaya natatakot ang mga mamamahayag na maging target sila ng paniniktik. Kahit komunista ka o hindi, sa pag-profile pa lang sa iyo, isa na ’yang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Joe Torres, tagapangulo ng NUJP.

Noong 2004 at 2005, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansa na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag. May 10 na ang pinapatay ngayong taon. Umaabot sa 45 ang mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mas marami kaysa noong batas militar.

Dagdag pa ni Torres, “Dahil sa takot, mag-aalanganin na ang mamamahayag dun sa iinterbiyuhin niya. (At dahil sa pag-aalanganin), magkakaroon ng pagpipigil sa sarili o prior restraint. At kung may prior restraint, paglabag na ito sa kalayaan sa pamamahayag.”

Tuloy ang Trabaho

Batay sa karanasan ni Julie Alipala, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Zamboanga City, nakapinsala sa gawain niya ang pagbansag sa kanya ng AFP bilang “komunista.” Ito’y dahil lamang sa minsang pagtatrabaho niya sa Ecumenical Movement for Justice and Peace, isang ligal na organisasyong pangkarapatang pantao na binabansagan ng militar bilang prenteng komunista.

“Hindi ka mabibigyan ng statement (ng AFP) kung di ka magpupumilit. Iniisip kasi nila, baka nagbibigay ka ng impormasyon sa kabila,” sabi ni Alipala sa isang panayam.

Sa giyera laban sa bandidong Abu Sayyaf sa mga probinsya ng Basilan at Sulu kung saan napapasama ang imahe ng AFP sa mga balita, nangangamba si Alipala na baka “terorista” naman ang itawag sa midya kapag napikon ang militar. Noong 2002, nakatanggap ng banta sa buhay si Alipala matapos niyang ibulgar na AFP ang nasa likod ng pagdukot sa mga reporter ng GMA 7 na sina Carlo Lorenzo at Gilbert Ordiales.

Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng di-makatarungang pagbabansag at pagtrato, patuloy si Alipala sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag. “Lagi akong gumagawa ng mga ulat na laban sa militar, laban sa kahit kanino. At yung iba, natanggal na sa puwesto dahil sa pagbubulgar ko. Kaya kahit maraming pananakot, kapag nagsulat ka ng totoo, walang dahilan para matakot,” aniya.

Baka higit pa sa isang press conference ang kailangang idaos ni Norberto Gonzales upang masawata ang mga nasa midya na patuloy na tumutupad ng tungkulin sa malaya at matapat na pamamahayag, sukdulang tawagin silang midyang Komunista.

Posted in Kalayaan sa Pamamahayag | Leave a Comment »

Marka ng kamatayan sa Gitnang Luzon

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 33
Agosto 23 2006

Ekis na pula ang iminamarka ng mga sundalo ni Maj. Gen. Jovito Palparan sa kabahayan ng mga residente sa Gitnang Luzon.

Ayon sa ulat na nakarating sa grupong maralitang Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), minarkahan ng ekis na pula ng mga elemento ng 69th IB (Infantry Battalion) ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang mga bahay sa Balaba Phase II, Purok 32, Dau, Mabalacat, Pampanga noong gabi ng Agosto 15. Kabilang sa mga ito ang bahay nina Boy Garcia, Mading Alejaga, Ric Espino, at Eman Salazar. May iba pang bahay na namarkahan, ayon sa impormante.

Ang pagmamarka ng ekis sa tahanan ay nangangahulugan na ang mga nakatira doon ay maaaring patayin anumang oras. Ito ang malawakang pangamba ng mga taga-Gitnang Luzon.
Sa Brgy. Binuangan, Obando, Bulacan, ilang bahay din ang minarkahan ng pulang ekis noong gabi ng Agosto 16, kung kailan pinatay sa lugar si Orlando Rivera, mangingisdang miyembro ng Pamalakaya (Pambansang Lakas ng mga Mamamalakaya sa Pilipinas). Kabilang dito ang bahay nina Sonny de Armas at Ruben Valleriano, mga kasamahan ni Rivera na lumalaban sa polusyong mula sa isang dumpsite na pumipinsala sa kabuhayan ng mga mangingisda.

“Hindi namin maiwasang mag-isip at matakot,” ayon sa asawa ni De Armas na si Jessica, “baka kami na ang sunod na itumba.”

Huling tatlong araw ni Rivera

Kahindik-hindik ang naging huling tatlong araw ng 59 anyos na si Rivera. Salaysay ng kanyang naulilang asawang si Regina, araw-araw niyang sinasamahan si Rivera sa pagrereport sa 56th IB simula nang obligahin ito ng mga sundalong dumagsa sa kanilang barangay kamakailan.
Noong Agosto 13, pinuntahan ng mga sundalo si Rivera sa kanyang tahanan, tinutukan ng baril sa noo, at sinabihang “tatlong araw ka na lang.” Pagkatapos ng nasabing insidente, natakot nang husto si Rivera. Tumaas ang blood pressure, namutla, at ayaw kumain. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakapagreport sa kampo sa sumunod na dalawang araw.

Ala una ng umaga ng Agosto 16, pagpatak ng unang oras ng ikatlong araw na hindi siya nakapagreport sa kampo, pinasok ng mga armado ang bahay ni Rivera at binaril siya nang tatlong beses — sa harap ng asawa.

Ayon sa barangay captain na si William de Ocampo, pinapapirma ng militar ang mga residente sa isang logbook araw-araw para siguruhing hindi sila umaalis. Kinumpirma nito na nasa OB (order of battle) ng AFP si Rivera, gayundin ang mga residente na minarkahan ng ekis ang mga tahanan.

Ang pagmarka ng ekis ang pinakahuli sa mahabang listahan ng pananakot at pang-aabusong militar na nananalasa ngayon sa buong rehiyon.

Walang iniwan sa batas militar Samantala, ayon sa ulat ng Karapatan-Nueva Ecija, anim na magsasaka ang nagpakamatay sa Brgy. Parista, Lupao dahil sa matinding takot matapos ipatawag ng militar. Uminom umano ang mga biktima ng muriatic acid dahil hindi nakayanan ang dinanas na tortyur. (Hindi makapagbigay ng detalye sa pangyayari ang Karapatan dahil hirap ang kanilang mga tauhan na pumasok sa lugar para magsagawa ng fact-finding mission.)

Mistulang batas militar ang umiiral sa Bulacan, Nueva Ecija, at Pampanga. Nagkukumahog ngayon ang mga mamamayan sa mga probinsiyang ito sa pagkuha ng sedula para hindi mapagbintangang rebelde. Nauubusan na ng suplay ng sedula ang mga munisipyo sa Nueva Ecija dahil sa dami ng mga nais kumuha, kabilang ang mga menor-de-edad na hindi pa dapat magsedula. (Ang sedula ay legal na papel para sa transaksiyon ng mga edad 18 pataas).

May mga ulat na sinusuntok at tinatadyakan ng mga sundalo o kaya ay pinahihiya, pinauuwi nang walang salawal, ang mga hindi makapagpakita ng sedula. Hindi ligtas sa kapritso ng mga sundalo maging ang mga may sedula, kung may makitang ”kuwestiyonable,” gaya ng petsa. Kapag ganoon, ang sedula ay ipinapakain nila sa may tangan.

Nagbabahay-bahay ang mga sundalo para ipagtanong ang mga indibidwal na nasa OB. Binibilang nila ang mga kubyertos ng isang pamilya. Kapag sumobra sa bilang ng mga miyembro ng pamilya, inaakusahan silang nagpapatuloy ng mga NPA sa bahay.

May curfew (mula 9 ng gabi hanggang 5 ng umaga) na ipinataw ang mga sundalo kaya’t takot ang mga mamamayan na lumabas kapag gabi. At kahit umaga, hindi pa rin makapagtrabaho ang mga magsasaka sa bukid dahil sa takot namang mapagbintangang rebelde.

Ang mga sundalo ay nagtayo na ng kampo sa mga barangay hall, eskuwelahan at day care centers. Ipinapatawag nila rito ang mga residente para kuwestiyunin at itortyur para umaming NPA (New People’s Army). Ang iba’y pilit pinagsusulat ng pangalan ng mga kakilalang NPA. Sa salaysay ng isang taga-Lupao (Brgy. Parista), kapag wala silang maibigay, tinatakot sila nang ganito: ”Kung wala kang alam na pangalan, umuwi ka na at mamaya, dudukutin ka na lang ng mga naka-bonnet!”

Salaysay ng terorismo

Si Guillermo dela Cruz, 39, mangingisda sa Brgy. Bambang, Bulacan, Bulacan, ay dalawang beses “inimbitahan” at tinortyur ng mga taga-56th IB sa barangay hall. Noong Hunyo 15, sinundo siya ng mga sundalo mula sa kanyang tahanan para kuwestiyunin. Pinaaamin siyang NPA habang inihahagis sa dingding at sinisikmuraan. “Hindi ka ba natatakot sa amin? Kami ay mga bata ni Palparan!” sigaw sa kanya ng isang nagngangalang Sgt. Eric.

Pagkatapos ng interogasyon, nagkubli sa Maynila si Dela Cruz, ngunit umuwi rin dahil sa pangambang may mangyari sa kanyang pamilya na binabalikan ng militar. Pag-uwi niya noong Hunyo 19, agad siyang dinala ni Sgt. Eric sa bodega ng barangay hall, piniringan, at binantaan: “Kapag hindi ka umamin, dito ka na mangangamoy.”

Pinakawalan din si Dela Cruz matapos ang pitong oras na interogasyon, ngunit binalaan siyang papatayin kapag hindi dumating sa susunod na patawag sa kanya. Nagpasya si Dela Cruz na ilikas ang kanyang pamilya. Ngayo’y nakatira sila sa isang refugee center. Balita niya mula sa mga kapitbahay, pinulong ng militar ang barangay, sinabing namundok na siya at pinatungan ng P10,000 sa ulo.

Si Dela Cruz ay miyembro ng Samahang Lambat Perez, isang grupo ng mangingisda na hindi konektado sa progresibong Pamalakaya, kundi nasa ilalim pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng gobyerno.

Kaso ng mga pagpatay at pagdukot, sumisiritSimula nang maitalaga si Maj. Hen. Palparan bilang kumander ng 7th Infantry Division na nakabase sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija, sumirit ang mga kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan sa Gitnang Luzon.

Sa datos ng Karapatan, sa limang taon (Pebrero 2001 hanggang Agosto 2005) bago maitalaga si Maj. Hen. Palaparan sa Gitnang Luzon, may naitalang 65 kaso ng pagpatay at pagdukot. Sa loob lamang ng 10 buwan ng pananatili doon ng tinaguriang ”berdugo” (Setyembre 2005 hanggang Hulyo 2006), halos dumoble ang bilang na ito sa 104 kaso, na nadaragdagan pa sa bawat araw na lumilipas.

Napakapanghihilakbot na pangyayari sa G. Luzon

• Sinunog ng mga pinaghihinalaang elemento ng 56th IB ang bahay ni Yolanda Lorenzana, 55, sa Brgy. Pinaod, San Ildefonso, Bulacan noong Pebrero 26, 2006. Tatlong linggo bago ang insidente, pinasok ng mga tropa ni M/Sgt. Rolly Castillo ang bahay nila at hinanap ang dalawang anak ni Yolanda na nagtatrabaho sa ibang probinsya. Noong Peb. 1, 2006, naganap ang masaker at pagdukot sa limang miyembro ng pamilya Valmocina sa kalapit na poultry farm. Nakatanggap ng balita si Yolanda na sila ang isusunod. Agad silang lumikas, kasama ng 21 kapamilya. Isang gabi, nakita na lamang ng kanilang mga kapitbahay ang mga sundalo na nagbubuhos ng gasolina sa kanilang bahay at sinisilaban iyon. Nilamon ng apoy ang sewing machines na panghanapbuhay ni Yolanda.

•Mayo 21, 2006 ng tanghali, pauwi galing sa simbahan si Pastor Andy Pawikan, 30, kasama ang asawa at pitong-buwang sanggol nang harangin sila ng mga sundalo, 200 metro mula sa kanilang bahay sa Sitio Maasip, Pantabangan, Nueva Ecija. Ipinasok sa bahay si Pawikan at ang kanyang sanggol. Bandang alas tres ng hapon, nakarinig ng putok ang mga kapitbahay. Lumabas ang mga sundalo, bitbit ang sanggol na may mga talsik ng dugo. Natagpuan ang bangkay ni Pawikan, may mga paso ng sigarilyo, pasa, at bali ang paa. Kinabukasan, idineklara ng 71st IB na si Pawikan ay NPA, namatay sa engkuwentro. Ang totoo, si Pawikan ay hindi miyembro ng anumang organisasyon, bagaman minsan na siyang humingi ng tulong sa Karapatan hinggil sa ilegal na pagtotroso sa kanilang lugar.

•Dinukot si Philip dela Cruz, 45, sa Brgy. Parista, Lupao, Nueva Ecija habang nag-aayos ng bisikleta sa haywey. Saksi ang 10 taong gulang na pamangkin, bumaba mula sa isang dyip na Sarao ang dalawang unipormadong sundalo at tinangay si Dela Cruz. Isang sundalo na may hawak na papel ang gumuhit doon, na parang nagbubura ng pangalan sa listahan. Pumunta sa detatsment ang Pamilya Dela Cruz para hanapin ang mahal sa buhay. Pinagtawanan lang sila ng mga sundalo. Hindi pa rin natatagpuan si Dela Cruz. Ayon sa anak na si Michelle Pobre, pinagsuspetsahang NPA ang ama dahil sa Nueva Vizcaya ito nagsasaka at madalas na wala sa baryo.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Lumang Testamento at ang Tagaytay 5

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 32
Agosto 16 2006

“Ipagtanggol mo ang di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”

Nakapaskil sa 5 x 6 metrong selda ng tinaguriang Tagaytay 5 ang mga nasabing kataga mula sa Aklat ng Kawikaan sa Lumang Testamento ng Bibliya. Noong una’y ikinatuwa ng mga pulis ang paghingi ng Bibliya ng mga kilalang detenidong pulitikal. Ngunit ayon sa Tagaytay 5, nainis ang kanilang mga bantay nang magbasa na sila mula sa Lumang Testamento ng mga ehemplo ng hustisya at paggalang sa karapatang pantao na sa kanila’y ipinagkakait ng gobyernong Arroyo.

Higit 100 arawMahigit 100 araw nang nakadetine sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, ang limang magsasaka mula sa Cavite na dinukot sa Tagaytay City noong Abril 28. Binabaybay nina Axel Pinpin, Riel Custodio, Aristides Sarmiento, Michael Masayes at Enrico Ybañez ang haywey nang harangin sila ng 30 elemento ng PNP (Philippine National Police) at Philippine Navy.

Matapos tortyurin at ipiit nang incomunicado nang pitong araw, sinampahan sila ng kasong rebelyon at ipinrisinta sa Camp Crame bilang mga umano’y miyembro ng NPA (New People’s Army) na nagbabalak maghasik ng gulo sa kilos-protesta noong Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Mariing itinatanggi ng Tagaytay 5 na sila’y mga NPA. Sina Pinpin, Custodio, at Sarmiento ay mga kasapi’t lider ng Kamagsasaka-Ka (Katipunan ng mga Magsasaka sa Kabite) at CFCC (Cavite Farmers Consultative Council), habang sina Masayes at Ybañez ay mga ordinaryong magsasaka. Inihayag din nina Cavite Rep. Crispin Remulla, Quezon Rep. Lorenzo Tañada III, at dating Sen. Wigberto Tañada. Sr. ang pagkakakilanlan sa Tagaytay 5 bilang mga sibilyan.

Di makataong pagtrato

Matapos ang mahigit tatlong buwan ng anila’y ilegal na pagkakakulong, mataas pa rin ang moral ng Tagaytay 5, sa kabila ng ibayong pisikal, emosyonal at sikolohikal na paghihirap na kanilang dinaranas.

Partikular na mapait ang trahedyang sinapit ni Ybañez. Namatay ang kanyang asawa sa sakit na leukemya noong Hulyo 15. Hanggang ngayon, naghihinakdal si Ybañez sa aniya’y kawalan ng “pusong makatao” ng Police Regional Office 4 RIID (Regional Investigation and Intelligence Division). Hindi pumayag ang RIID na dalawin ni Ybañez sa ospital si Gng. Marie Ybañez na mabilis na dumausdos ang kalusugan buhat nang makulong ang asawa.

“Kapag naiisip ko ang misis ko, doon napatak ang luha ko. Kaparis kahapon (Agosto 6), dumating yung dyaryo (Philippine Daily Inquirer na may artikulo hinggil sa Tagaytay 5). Pumatak na lamang yung luha ko, doon lang ako sa sulok, masama ang loob. Kung may sakit ako sa puso, siguro ako’y namatay na rin,” naghihimutok na kuwento ni Ybañez.Isa rin sa mga inirereklamo ng Tagaytay 5 ang hindi pagbibigay sa kanila ng oras para sa pagpapaaraw at ehersisyo. “Hindi kami mapuputi, mapuputla kami,” biro ni Sarmiento.

May malaking pagkakasunog o burn wound si Sarmiento, na nakuha sa proseso ng pagdakip—nadiin ang kanyang binti sa mainit na bakal ng sinasakyang van. Hindi gumagaling ang sugat dahil sa aniya’y pagpapabaya ng PNP. Inabot ang RIID ng 44 na araw bago ipatupad ang utos ng korte na patingnan sa ospital ang sugat ni Custodio. Hanggang ngayon, hindi pa rin ipinapakita sa kanya ang resulta ng x-ray at blood test.

Pabago-bago rin umano ang oras ng dalaw. Madalas, pinaaalis na ang mga bisita matapos lamang ang 10 hanggang 15 minuto ng dalaw. Ipinaglalaban ng Tagaytay 5 ang makatuwirang dalaw dahil humuhugot lamang sila ng lakas mula sa kanilang mga kapamilya, tagasuporta, at siyempre, sa mga magsasakang kanilang tinutulungan.

Anila, agad naramdaman ng mga magsasaka sa Cavite ang epekto ng pagkawala ng kanilang mga lider sa samu’t saring agraryong kasong ipinaglalaban. “Yung mga magsasaka na dumalaw dito, umiiyak ‘yan, paano na raw yung magiging laban. Yung iba natakot. Pero pagkatapos ng ilang linggo, nakabawi rin naman yung kilusang magsasaka,” sabi ni Custodio.

Gayunpaman, masama ang loob ng mga magsasaka sa PNP na umano’y tumangay sa P800,000 na hawak ng Tagaytay 5 nang sila ay madakip. Kinita ng mga magsasaka ang nasabing pera mula sa isang proyektong kabuhayan. Katulong ang grupong Shuswap Association for the Promotion of Eco-Development sa Canada, ibinebenta ng CFCC sa abroad ang produkto ng mga magsasaka katulad ng kapeng barako at muskobado. Ngayon, ayon kay Custodio, nabubulok ang produkto ng mga magsasaka dahil naantala ang kanilang proyekto.

Gawa-gawang kaso

Binatikos ng Tagaytay 5 ang anila’y pag-imbento ng gobyernong Arroyo ng kaso laban sa kanila upang mapatunayan ang umano’y Kaliwa-Kanang sabwatan para mapatalsik ang pangulo sa puwesto. Bahagi umano ito ng opensibang ligal na inilulunsad ng gobyerno sa mga tinatagurian nitong mga kaaway ng estado sa ilalim pa rin ng Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya na puntirya ang miyembro ng mga progresibong organisasyon.

Sinabi ng Tagaytay 5 na ginising at pinilit ng PNP ang assistant city prosecutor, na hindi man lang sila kinuwestiyon, para gawin ang umano’y “moro-moro” na inquest noong gabi ng Mayo 2. Sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ng Tagaytay Regional Trial Court ang resulta ng premilinary investigation hinggil sa Tagaytay 5. Sa kabila nito, isinailalim na sa arraignment o pagbasa ng sakdal ang mga lider- magsasaka noong Agosto 14.

Ayon sa abogado ng Tagaytay 5 na si Jose Manuel Diokno, walang pruweba ang gobyerno na sangkot ang mga magsasaka sa armed conspiracy to overthrow the government. Itinanim lang umano ng pulisya ang mga armas na umano’y nahuli sa kanila. At kung hindi man ito itinanim, dapat lang umano silang kasuhan ng illegal possession of firearms at hindi ng rebelyon. Ang rebelyon ay walang piyansa o isang non-bailable offense.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Commission on Human Rights ang kaso ng pagtortyur sa Tagaytay 5. Kamakailan, binisita sila ni Sen. Jamby Madrigal para magbigay ng suporta.
Tapat sa sumpaPinapalipas ng Tagaytay 5 ang kanilang oras sa pamamagitan ng pagbabasa—bukod sa Lumang Testamento, nariyan ang mga dyaryo, history books, at nobela. Kumakanta rin sila at gumagawa ng mga tula paminsan-minsan. Isang tula, pinamagatang “Order ni Sir” at tungkol sa buhay-preso, ang kolektibong ginawa ng grupo at binasa nang malakas sa kanilang mga bantay.

Hiling ni Ybañez, “Panawagan ko lang sa ating presidente (Arroyo) na kaming Tagaytay 5 ay palayain na dahil sa totoo naman, kami talaga ay hindi mga NPA. Hindi ko iniisip na pabagsakin ang kanyang gobyerno. Basta ang akin ay kung papaano maghanapbuhay sa pang-araw-araw, kung paano magtapos ang aking mga anak.”

Samantala, malinaw kay Pinpin na kanyang mga prinsipyo ang pilit na sinisiil ng gobyernong Arroyo na sa pinakamarahas ay pumapatay sa mga kapwa-aktibista. Ngunit nanghihina man ang katawan sa loob ng maliit na selda, lalo namang tumitibay ang kanyang paninindigan. Aniya, “Tapat kami sa aming sumpa na ipagpapatuloy ang laban hangga’t kakayanin namin sa anumang pamamaraan. Nasa loob man ng bilangguan, nasa kalsada man o sa anupamang larangan, tuluy-tuloy pa rin ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.”

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Ganito ba dapat ituring ang mga bagong bayani?

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 29
Hulyo 26 2006

Hindi mailigtas ng gobyerno ang mga “bagong bayani” na siyang nagliligtas sa ekonomiya ng bansa.Sa opisina ng Owwa (Overseas Wokers Welfare Administration) sa Pasay City, dumaragsa upang humingi ng tulong ang mga kaanak ng libu-libong OFWs (Overseas Filipino Workers) na naiipit sa giyera ng Israel at Lebanon. Libreng tawag sa telepono at kaukulang payo ang serbisyong inihahatid ng Owwa.

Ang ilan, pinapalad makakontak sa mga mahal sa buhay. Ang marami, hindi makakontak bunga ng sari-saring dahilan—napuputol ang linya, walang sumasagot sa telepono, hindi alam (o hindi sinasabi) ng amo kung nasaan ang kaanak. Ang ilan, napag-alamang nasa evacuation centers na sa Beirut ang kanilang anak, magulang, asawa, o kapatid. Ang marami, magugulantang na lang sa sumbong ng kanilang kaanak na ayaw silang pakawalan ng amo.

Ngunit “masama” man o “maganda” ang balitang makalap mula sa kanilang minamahal sa buhay, walang kaanak ang umuuwi nang panatag ang loob. Batay sa itinakbo ng mahigit isang linggong giyera at sa naging pagtugon ng gobyerno, unti-unti na nilang nalalasahan ang isa na namang mapait na katotohanan—na mananatiling suntok sa buwan ang pag-asang mailalayo sa panganib ang mahigit sa 30,000 Pilipinong manggagawa sa Lebanon.

Kulelat na paglikas

Noong Hulyo 20, walong araw matapos sumiklab ang giyera sa Gitnang Silangan, saka lamang naglabas ng pondo at iniutos ni Pangulong Arroyo ang paglikas ng OFWs mula sa Lebanon. Noong Hunyo 23 lang nakarating sa Maynila sakay ng isang chartered plane ang may 229 OFWs—ang unang batch ng mga inilikas. Umalis sila sa Beirut sakay ng isang bus noong Hunyo 20 at bumiyahe patungong Damascus, Syria, na narating nila noong Hunyo 21.

Bagaman ipinagbubunyi ang ligtas na pag-uwi ng unang batch ng OFWs, marami ang pumupuna sa naging mabagal na pagtugon ng gobyernong Arroyo sa problema ng OFWs sa Lebanon.
“Sa takbo ng evacuation process, ang bagal talaga. Hinintay pa ng gobyernong Arroyo yung Level 4 bago nanawagan na kailangan nang lumikas ng mga Pilipino. Kung kailan halos wala na silang way, ano pang pwede nilang gawin para tumakbo?” himutok ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng grupong Migrante International sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Noong Hulyo 22, iniutos ng DFA (Department of Foreign Affairs) ang sapilitang paglikas ng 2,000 OFWs mula sa Timog Lebanon dahil itinaas dito ang Alert Level 4 bago lusubin ng Israeli Defense Forces. Umiiral pa rin ang Alert Level 3 sa ibang bahagi ng Lebanon.

Sa kabilang banda, nang nagsimulang bombahin ng Israel ang Lebanon noong Hulyo 12, agad nagpadala ng mga bus, barko at helikopter ang gobyerno ng ibang mauunlad na bansa katulad ng Estados Unidos, Great Britain, at France para ilikas ang libu-libo sa kanilang mga kababayan na naninirahan doon. Maging ang mga mamamayan mula sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya katulad ng India at Thailand, nauna nang nailikas ng kanilang gobyerno.
Dalawa lamang ang relatibong ligtas na ruta ng paglikas mula sa Beirut—ang papuntang Cyprus sa pamamagitan ng barko, at papuntang Syria sa pamamagitan ng bus. Binomba ng Israel ang international airport ng Lebanon kaya’t hindi ligtas na lumikas sa pamamagitan ng eroplano.
Inutil na gobyernoBagaman libu-libong OFWs pa ang naiiwan sa Lebanon, mahigit 1,000 OFWs pa lamang ang nakakapagrehistro sa embahada ng Pilipinas.

Katuwiran ni Secretary Arthur Brion ng Dole (Department of Labor and Employment), ito’y dahil ayaw umuwi ng ibang manggagawang Pinoy. “Mula sa aming karanasan (sa nakaraang krisis), hindi namin inaasahan ang lahat nating kababayan sa Lebanon na mag-avail sa alok ng gobyernong Pilipino para sa repatrasyon,” aniya.

Hindi rin nakikita ng gobyerno na magkakaroon ng mass exodus o malawakang paglikas ng OFWs sa Lebanon, pahayag ni Undersecretary Esteban Conejo ng Migrant Affairs ng DFA. Aniya, “Ang military targets ng Israel ay tiyak na tiyak… sa ngayon, pili ang kanilang binobomba, hindi carpet bombing . . . wala pang malaganap na karahasan sa mga kalsada.”
Ngunit ayon sa Migrante International, sinasabi lamang ng gobyerno na maraming OFWs ang ayaw umuwi at nananatiling ligtas ang Lebanon dahil gusto nitong pagtakpan ang pagka-inutil sa paglikas ng OFWs.

Sa ika-10 araw ng paglusob ng Israel sa Lebanon, 330 katao na ang namamatay habang 1,200 ang sugatan, sangkatlo nito ay mga bata. Isang OFW, si Rosalyn Cuevas mula sa Bacolod City, ang napaulat na nasugatan at kasalukuyang nasa ospital.

“Malinaw itong indikasyon na lumalala ang sitwasyon sa Lebanon at hindi ligtas para sa OFWs,” sabi ni Bragas-Regalado.

Sinabi rin ng Migrante International na maraming OFWs ang ayaw pakawalan ng kanilang mga amo kaya’t gustuhin man, hindi makapunta sa embahada o sa dalawang simbahan sa Beirut na itinakdang evacuation centers ng gobyerno. Nakumpirma ito ng PINOY WEEKLY sa mga panayam sa kaanak ng OFWs sa Lebanon. (Tingnan ang kaugnay sa istorya.)

Hinaing ng Migrante International, walang ginagawa o kakayahan ang mga tauhan ng gobyernong Arroyo sa Lebanon para sunduin ang mga OFWs sa bahay ng kanilang mga amo. Bagkus, marami ang napipilitang tumakas, gaano man kapanganib, o kaya ay nakikipagsapalaran na lang kasama ng kanilang mga amo.

Marami rin umanong OFWs na walang nakakaalam sa address ng amo dahil ang karaniwang nakalagay sa kontrata ay P.O. Box lamang ng recruitment agency. ” Kung susuriin mo, kapalpakan pa rin ng gobyerno yon. Kasi, bakit mo papayagan ang kontrata na walang malinaw na address ng employer? Ganoon ang kalakaran ng Middle East at pumayag doon ang gobyerno, kasi ang layunin lang nito ay makapagpaluwas (ng mga Pilipino) at kumita doon,” ani Bragas-Regalado.

Pondo mula sa OFWs

Ibinulgar din ng Migrante International ang paggamit mismo sa pera ng OFWs para pondohan ang paglikas ng mga Pilipino mula sa Lebanon. Lumalabas kasi na nagmula sa Owwa ang P150-Milyon at $500,000 pondo na ipinalabas ng gobyernong Arroyo para sa nasabing krisis.
Ang Owwa ang ahensiyang nangangalaga sa bilyun-bilyong pondo ng OFWs na nalilikom mula sa membership fees na ibinabayad ng mga manggagawa bago mangibang-bansa.

Sa pahayag ng pangulo, sinabi lamang nito na inilagay ng Department of Budget and Management sa Assistance to National Fund ng DFA ang nasabing pondo ngunit hindi binanggit kung saan ito kinuha.

Gayunman, sa isang press conference noong Hulyo 21, kinumpirma ni Brion na nagmumula sa Owwa ang milyun-milyong pondo para sa paglikas ng mga OFW sa Lebanon. “Bilang tugon sa hiling ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, mabilis na pinayagan ng Owwa Board of Trustees ang paggamit sa standby fund bilang bahagi ng calibrated responses ng gobyerno sa krisis sa Lebanon na umaapekto sa mga OFW,” aniya.

Sinabi din ni Dole Usec. Danilo Cruz na nanggaling sa Owwa ang $500,000 paunang pondo na ipinalabas ni Pangulong Arroyo.

”Yung pondo ng Owwa, para yan sa rehabilitation program, sa mga benepisyo ng mga migranteng manggagawa. Dapat ang pangulo, magbigay man lang ng kahit isang milyon mula sa kanyang sariling emergency fund. Dapat tanganan nito ang seguridad ng mga OFW at hindi ipasa ang responsabilidad sa OFWs din,” sabi ni Bragas-Regalado.

Tinukoy ng Migrante International ang P100-M Emergency Repatriation Fund ng DFA na itinatakda ng 1995 Magna Carta for Overseas Filipinos Act na maaaring pagkunan ng pondo. Maaari rin umanong gamitin para sa paglikas ng OFWs sa Lebanon ang P1-Bilyong pondo ng gobyerno para sa all-out war laban sa mga komunistang rebelde.

Sa pagtantiya ng grupo, aabot sa mahigit P1.6-B ang kakailanganin ng gobyerno para ilikas ang mahigit sa 30,000 OFWs na naiipit sa giyera (batay sa komputasiyon na P300,000 kada chartered flight na may 300 katao).

“Kung tutuusin, may pondo ang gobyerno na ilikas lahat ng OFWs sa Lebanon kung gugustuhin nito. Lalong tumitingkad na wala talagang concern yung gobyerno sa OFWs at kaya lang dine-deploy yung mga kababayan sa ibang bansa ay para kumita,” sabi ni Bragas-Regalado.

Tinataguriang mga “bagong bayani” ang OFWs dahil sa kanilang bilyun-bilyong dollar remittances na tumutungkod sa pilay na ekonomiya ng bansa. Noong 2005, umabot sa $10.3-B ang remittances ng OFWs at inaasahang lumaki pa ito ng 10 porsiyento ngayong taon.
Dahil na rin sa pag-uudyok ng gobyerno at sa kawalan ng disenteng trabaho at kabuhayan sa bansa, tinatayang may pito hanggang walong milyong Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa, karamihan bilang domestic helpers, health workers, at laborers.

OFWs sa Lebanon: Walang takas

Gustuhin mang umuwi ng Pilipinas, maraming OFWs sa Lebanon ang hindi makakauwi. Ayaw silang pakawalan ng kanilang mga among nananatili sa mga tahanan o hindi kaya’y tumatakbo sa kabundukan sa pag-asang matatakasan ang naghuhulugang mga bomba. Isa dito si Arlene Achapero, 24, na tatlong buwan pa lang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Lebanon nang pumutok ang giyera.

Sa telepono, ibinalita ni Arlene sa kanyang kapatid na si Angeles na tumakas sila ng kanyang amo sa kabundukan ng Aliog, tatlong oras ang layo mula sa Beirut. Hindi na nakapagdala ng damit si Arlene dahil sa pagmamadali. Sapagkat kailangan ng kanyang bagong-panganak na amo ang alalay, hindi siya pinayagang tumungo sa embahada o evacuation centers.

“Natatakot siya, gusto na raw niyang umuwi. Naririnig niya yung mga bomba, hindi siya makatulog. Yung missile, namimili ba yon ng lugar, hindi, di ba?” tanong ni Angeles. Pinayuhan niya si Arlene na tumakas sa amo at gumawa ng paraang makarating sa embahada, gaano man kapanganib bumiyahe.

Inaalala ni Angeles ang magiging reaksiyon ng kanilang 64 anyos na inang nasa Davao. Katulad niya, hindi ito makatulog at iyak nang iyak dahil sa pag-aalala sa kanilang bunso. Inamin ni Angeles na tutol ang kanilang magulang sa pangingibang-bansa ni Arlene, ngunit hindi mapigilan ang dalaga na nais tumulong sa paghahanapbuhay. Baon kasi sa utang ang pamilya Achapero, na umaasa lamang sa kinikita ng ina bilang guro sa isang pampublikong paaralan. Hindi na tinapos ni Arlene ang kanyang kurso sa kolehiyo.

Ito ang puna ni Angeles sa ginagawa ng gobyerno para matulungan ang OFWs sa Lebanon: ”Mahina. Puro na lang salita eh wala naman nangyayari. Ewan ko kung makakarating talaga dito [yung OFWs], kahit man lang mabawas-bawasan yung mga Pilipino doon na naghihirap sa giyera.”

Samantala, dalawang buwan pang paghihintay sa Beirut ang hinihingi ng amo ng magkapatid na Bellecero na sina Alma, 27, at Marife, 26.

Umiiyak ang kanilang ina na si Ednella matapos makausap sa telepono ang kanyang mga anak, bagaman siniguro ng mga ito na mabuti pa ang kanilang kalagayan. ”Natural, nag-aalala pa rin ako,” aniya.

Sa ngayon, nagkakasya na lang si Ednella, taga-Mandaluyong, sa madadalang na text message o missed call ng mga anak na nagtitipid din ng load. Mahirap kumontak sa Lebanon dahil may ilan nang imprastraktura ng telekomunikasyon ang nasira.

”Kahit nagte-text, kabado ka dahil hindi mo naman makita. Gustung-gusto na rin nilang umuwi, pero walang magawa. Hawak sila ng amo nila,” dagdag pa ng ina na inaming hindi mahihimbing ang tulog sa gabi hangga’t nasa alanganin ang buhay ng kanyang mga anak. Maisasalarawan ng unang batch ng OFWs na dumating sa bansa kamakailan ang hirap sa Lebanon. Halos lahat sila ay walang perang naiuwi, marami ang walang damit kundi ang suot, walang pasalubong kundi ang kumot at unan at ilang pirasong tsokolate na kinuha sa eroplanong sinakyan. Sa 78 tumakas sa kani-kanyang employer, marami ang may mga pasa dahil sa bugbog ng mga amo. Dalawa ang tulala at tila wala sa sarili, at may isang kung ilang buwan nang buntis dahil sa araw ng kanyang pagdating sa trabaho, ginahasa na agad siya ng kanyang amo.

Posted in Migrante | 1 Comment »

Hindi Man Nagkaroon ng People Power….

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 28
Hulyo 20 2006

Mula noong huling Sona (State of the Nation Address) hanggang ngayon, hindi matatawaran ang pagsisikap ng mga mamamayang Pilipino na igpawan ang kahirapan at panunupil na dinaranas sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Hindi man nagkaroon ng panibagong People Power, patuloy ang paninindigan ng taumbayan na sama-samang ipaglaban ang kanilang karapatan na mabuhay nang marangal at matiwasay.

Sa darating na Sona ni Pangulong Arroyo ngayong Hunyo 24, tinatayang 20,000 o higit pang mamamayan ang daragsa sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para iprotesta ang isang panunungkulang anila’y ilehitimo, tiwali, at walang respeto sa karapatang pantao. Mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, taong-simbahan, at iba pang sektor ng lipunan ang inaasahang dadalo sa pinakamalaking kilos-protesta ngayong taon. Pangunahing ikokondena ang Cha-Cha (Charter Change) at all-out war. Bukod dito, bitibit ng mga mamamayan ang mga karaingan sa hanapbuhay (katulad ng mababang sahod), mataas na presyo ng langis at iba pang bilihin, kawalan ng lupa, at iba.

Patunay itong mulat na lumalahok ang mga mamamayan sa mahahalagang isyung kinasasangkutan nila at sa proseso ng panlipunang pagbabago sa kalakhan. Patunay ito na sa kabila ng mga tangka na sila’y patahimikin, narito silang muling huhugos sa lansangan— organisado, lumalalaban, at may ibinabandilang mga tagumpay na nakamit ng mahigpit na pagkakaisa.

Tagumpay sa kabuhayan

Sa kabila ng paninindak at pandarahas, hindi napigilan ang mga mamamayan na magbuklod sa mga organisasyong nagtataguyod sa kanilang karapatan. Pangunahin dito ang mga magsasaka at manggagawa na naglunsad ng mga kampanyang pangkabuhayan bilang tulong sa pag-angat ng kanilang hilahod na kalagayan, kahit na ang mismong gobyerno ay bigo sa pag-aangat ng ekonomiya ng bansa.

Halimbawa ang pagdami ng mga unyon at paglawak ng kasapian ng mga ito, sa kabila ng kontraktuwalisasyon na pumipigil sa karapatang mag-unyon ng mahigit 60 porsiyento ng mga manggagawa. Pagmamalaki ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU (Kilusang Mayo Uno), ang pinakamalaking pambansang sentro ng paggawa, mahigit 20,000 manggagawa ang nadagdag sa kanilang kasapian (due-paying members) sa nagdaang taon.

Marami sa mga unyon sa ilalim ng KMU ang nagkamit ng mga tagumpay, katulad ng pagregularisa ng 1,500 manggagawa sa plantasyon ng Dole Philippines sa Polomok, South Cotabato na pinangunahan ng Amado Kadena-Naflu-KMU. Gayundin ang pag-uutos ng Korte Suprema noong Hunyo 21 na ibalik sa trabaho ng 143 manggagawa ng Bagong Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa sa NMPI o Nissan Motor Philippines, Inc. sa Sta. Rosa Laguna na nakapiket simula pa noong 2000.

Samantala, ipinagbubunyi ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) ang paglakas ng mga organisasyong pangmagsasaka at manggagawang-bukid.

Nagbunga ang pursigidong kampanya ng mga magsasaka para maitaas ang presyo ng kanilang mga ibinebentang produkto sa ilang probinsya, ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP. Halimbawa, 50 sentimos hanggang P1 kada kilo ang itinaas sa buying price ng mais sa Cagayan Valley, gayundin ng kopra sa Bikol at Timog Katagalugan.

Nadagdagan din umano nang mula P5 hanggang P10 ang arawang sahod ng mga manggagawang-bukid sa mga probinsiya sa Gitnang Luzon, Silangang Bisaya, at Cagayan Valley dahil sa determinadong pakikipaglaban nila.

Bukod dito, ani Ramos, naging mahalaga ang sama-samang pagkilos sa pananatili ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka. Halimbawa, sa kabila ng tangka ng gobyero at mga debeloper na sila’y palayasin, nakatindig ang daan-daang pamilyang magsasaka sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas; Hacienda San Isabel at Hacienda San Antonio sa Isabela; at Central Mindanao University.

CPR, PP 1017 pinangibabawan

Tagumpay din para sa mga mamamayan ang pagbigo sa gobyernong Arroyo na pigilan ang kanilang organisadong lakas sa lansangan.

Idineklara ng pangulo ang CPR o calibrated pre-emptive response noong nakaraang taon at Presidential Proclamation 1017 naman nitong Pebrero. Ang mga ito’y kautusan sa pulisya at iba pang awtoridad para diumano’y mapanatili ang peace and order at bagkus supilin ang mga kilos-protesta.

Sa kabila nito, at bagaman laging tinatangkang marahas na buwagin, makailang beses ding nakapagsagawa ng mga rali ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor kasama ng mga kinikilalang lider katulad nina Bise-Presidente Teofisto Guingona at mga obispo.

Malalaking kilos-protesta ang naganap noong Pebrero 24, anibersaryo ng EDSA 1 (mahigit 10,000 katao); Abril 6 (mahigit 3,000 katao); Mayo 1, Araw ng Paggawa (mahigit 20,000 katao); at Hunyo 12, Araw ng Kalayaan (mahigit 20,000 katao).

Iginigiit ng gobyernong Arroyo na humina na ang pagtutol ng mga mamamayan sa kanyang panunungkulan dahil kumaunti na umano ang bilang ng mga kilos-protesta sa lansangan matapos ang nagdaan niyang Sona na dinaluhan ng may 80,000 katao.

Ngunit ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), “Ang mga kilos-protesta naman ay may pagrurok at may paghupa. Sa ngayon, kumukuha ulit ng momentum. Hindi natin maisasawalang-bahala ang epekto ng paninindak at pananakot ng administrasyon sapul ng CPR at PP 1017, pero napangibabawan ito eventually at panibagong pagsigla ang inaaasahan sa darating na mga panahon.”

Kung hindi dahil sa aktibong pagtutol ng mga mamamayan, maaaring naituloy na rin ni Pangulong Arroyo ang balak na baguhin ang 1987 Konstitusyon.

Hindi sang-ayon sa Cha-Cha ang iba’t ibang sektor ng lipunan dahil isa umano itong pakana para mapanatili sa puwesto si Arroyo at maiwasan ang isyu ng pandaraya noong halalang 2004. Gayundin, magdudulot din umano ito ng ibayong pandarambong ng mga dayuhan sa likas-yaman ng bansa. Sa ilalim ng panukalang Cha-Cha, papayagan na ang 100 porsiyentong pribadong pag-aari ng lupa at public utilities.

Nailunsad nitong Pebrero ang malawak na People’s March (People’s Movement Against Charter Change), alyansa ng mga mamamayang pursigidong lumalaban sa Cha-Cha sa pambansa at lokal na antas. Sa mga lokal na korte sa iba’t ibang probinsiya, nagsampa ang mga organisasyong kontra sa Cha-Cha ng temporary restraining order laban sa People’s Initiative, pakana ng administrasyong Arroyo na mangalap ng pampublikong suporta sa Cha-Cha. Mga ordinaryong sibilyan at lokal na opisyal ng barangay mismo ang naglantad kung paano sila binabayaran at pinupuwersang pumirma sa People’s Initiative. Bilang tugon, naglunsad din ang mga progresibong organisasyon ng signature campaign kontra sa Cha-Cha na umano’y nakakalap ng daang libong pirma mula sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.

Dahil sa kawalan ng suporta mula sa oposisyon, hindi natupad ang deklarasyon ni Pangulong Arroyo noong 2005 Sona isasagawa ang Cha-Cha sa loob ng isang taon.

Nabigo mang umusad ang reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo noong nakaraang taon dahil sa pagharang ng mga alyado ng administrasyon sa Kongreso, hindi binitiwan ng mga mamamayan ang ligal na rekurso para mapaalis sa puwesto ang sa tingin nila’y ilehitimong pangulo.

Ngunit bukodtangi sa panibagong reklamong impeachment na isinampa sa Mababang Kapulungan, hindi lamang mga miyembro ng pulitikal na oposisyon, kundi pati mga lider-simbahan at daan-daang ordinaryong sibilyan ang namuno.

Noong Hunyo 26, nagsampa ng citizen’s impeachment complaint sina Guingona at 200 indibidwal. Sinundan ito ng pagsasampa ng kaparehong reklamo nina Obispo Deogracias Yñiguez ng Kalookan ng Kilusan para sa Makabansang Ekonomiya; kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao; mga pari at taong-simbahan (Promotion of Church People’s Response); magsasaka at mangingisda (KMP, Pamalakaya, at Amihan); estudyante at kabataan (Youth Dare); kababaihan (Gabriela), at iba pang mga indibidwal na kumakatawan sa iba’t ibang sektor.
“Sa pamamagitan man ng impeachment o People Power, kailangan nang umalis ang diktador,” pahayag ni Reyes.

Sa darating na Sona, muling magpapakita ng lakas ang mga mamamayan. Hindi man humantong sa panibagong People Power, kanilang patutunayan na ang pagkakaisa at paglaban ay buhay na buhay.

Posted in Kilusang masa | Leave a Comment »

Walang kapayapaan hangga’t todo-giyera

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 28
Hulyo 20 2006

Bago pa man idineklara ni Pangulong Arroyo noong nakaraang Hunyo na “pinakamalaking banta sa seguridad” ang CPP-NPA (Communist Party of the Philippines- New People’s Army) at naglabas ng P1-Bilyong pondo para umano’y lipulin ang rebolusyonaryong kilusan sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng isang “all-out war,” kalat na ang lagim sa lungsod man o kanayunan.

All-out war

Ngunit hindi CPP-NPA ang pinagmumulan ng takot at ligalig ng mga mamamayan, kundi ang military death squads na hinihinalang nasa likod ng 704 na kaso ng pagpatay ng mga inosenteng sibilyan sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Sa mga biktima ng political killings, 299 ang mga aktibista o lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon at party-list, habang ang 405 naman ay mga mamamahayag at iba pang mamamayan na pinag-hihinalaang sumisimpatiya o sumusuporta sa CPP-NPA. Idineklara nga ng gobyerno ang todo-giyera laban sa CPP-NPA, ngunit pawang mga di-armadong sibilyan lamang ang nabibiktima.

Nabunyag na ang pagpatay sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan ay lantarang bahagi ng Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya ng gobyerno na sinimulan noong 2002. Nasa pang-apat na taon na ng pagsasakatuparan ang nasabing programa, ngunit malayo pa rin ito sa layuning pigilan ang patuloy na paglakas ng CPP-NPA sa ika-37 taon ng pinakamatagal na rebolusyonaryong kilusan sa Asya.

Sinasabi ng CPP na aktibo ang NPA sa 120 larangang gerilya sa 800 munisipalidad sa 70 probinsiya sa bansa. Patuloy umano ang pagsigla ng rebolusyonaryong kilusan dahil parami nang parami ang mga magsasaka, manggagawa, at iba pang aping mamamayan na namumulat sa matinding kahirapan at pinipiling lumaban. Kaya ayon kay Gregorio ”Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP, bumuhos man ang pondong pangmilitar ay hindi kaya ng gobyernong sugpuin ang CPP-NPA. Sa datos na inilabas mismo ng AFP (Armed Forces of the Philippines), mas maraming sundalo—104—ang namatay kaysa rebeldeng NPA—84—sa unang bahagi ng taon.

Kasabay ng all-out war laban sa CPP-NPA, tuluyang ibinasura ng gobyernong Arroyo ang paglahok sa usapang pangkapayapaan ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at NDFP (National Democratic Front of the Philippines), ang umbrella organization ng mga katig sa programa ng CPP-NPA. Bagkus, nagsagawa pa ito ng mga hakbang para balewalain ang mga naunang napagkasunduan ng GRP at NDFP, labas pa sa mga paglabag sa karapatang pantao na maituturing na taliwas sa CAHRIHL (Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law).

Noong Marso, sinuspinde ng GRP ang JASIG (Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees) na ipinagkaloob ng dalawang panig noong 1995 sa kanilang mga negosyador, konsultant, at staff. Inilagay ng gobyernong Arroyo sa listahan ng mga huhulihin at kakasuhan ng rebelyon ang mga mayroong JASIG sa panig ng NDFP. Kamakailan, sunud-sunod ang pagdukot sa mga konsultant ng NDFP at ng kanilang mga kaanak katulad nina Prudencio Calubid at dalawa pang NDFP staff na dinukot sa Metro Manila, at Rogelio Calubad at anak na si Gabriel na dinukot naman sa Calauag, Quezon.

Tigil-putukan nilabag

Samantala, nalabag ang tatlong-taong ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at MILF (Moro Islamic Liberation Front), ang pinakamalaking rebeldeng grupong Moro sa Mindanao na nakikibaka para sa kasarinlan simula pa noong 1980.

Hunyo 28 ngayong taon nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga puwersa ng AFP at MILF sa Shariff Aguak, Maguindanao. Ito’y matapos tangkain ng pulis na arestuhin ang dalawang kumander ng MILF, sina Jamil Ombra at Sajid Pakiladato, na pinagbibintangan ng gobyerno na nasa likod ng pambobomba sa lugar noong Hunyo 23 na ikinamatay ng kapatid ni Gob. Andal Ampatuan.

Itinanggi ni Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF, na may kinalaman ang MILF sa atake sa pamilya ng gobernador. Pormal na inireklamo ni Kabalu sa joint ceasefire committe ang aksiyong militar na umano’y ginamit na dahilan ang nasabing pambobomba para salakayin ang MILF.

Ayon sa mga ulat, mahigit 20,000 pamilyang apektado ang napilitang lumikas. Umaabot naman sa 38 sundalo at militia at 10 rebeldeng MILF ang namatay sa sumiklab na labanan.
Naganap ang labanan isang buwan matapos hindi magkasundo ang gobyerno at mga rebelde sa usapin ng ancestral domain o lupaing ninuno na hinihingi ng MILF bilang teritoryo ng mga Moro. Hindi pumayag ang gobyerno na mapabilang sa ancestral domain ng mga Moro ang Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur at Maguindanao, at ibang lugar sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, North Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani.

Nagpahayag ang gobyerno Arroyo ng patuloy na komitment sa usapang pangkapayapaan sa MILF na may nakatalagang International Monitoring Team na pinamumunuan ng bansang Malaysia. Gayunpaman, nangangamba ang MILF na hindi malayong isama ang kanilang mga puwersa sa all-out war na idineklara laban sa CPP-NPA batay na rin sa ikinikilos ng gobyerno.

Solusyong bigo

Sa halip na subukang lutasin ang mga problemang panlipunan na ugat ng rebelyon, muli na namang inilalapat ng gobyernong Arroyo ang solusyong makailang beses nang nabigo—todo-giyera. Ang masaklap, hindi na lamang ”collateral damage” ang mga sibilyan, kundi sistematiko at walang-awang tinutudla ng mga mersenaryong hindi kayang magpatahimik sa pag-aalburuto ng bulkang sosyal.

Posted in Giyera at Kapayapaan | 1 Comment »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.