Muling Paglathala

Archive for the ‘Globalisasyon’ Category

Kuwestiyonableng polisiya ng gobyernong Arroyo sa krisis sa bigas: Walang wisyo sa plano

Posted by mamamahayag on April 3, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol 7 Isyu 12
Abril 2 – 8, 2008

NAGKUKUMAHOG ang gobyernong Arroyo sa pag-iikot sa ibayong-dagat para punan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa bigas. Pero batay mismo sa datos ng gobyerno, lumalabas na sasapat na ang ating suplay.

Ang masahol pa, mas mahal na nabibili ng gobyerno ang inaangkat na bigas kaysa sa lokal na mga bigas.

Para tugunan ang diumano’y napipintong “krisis sa suplay ng bigas,” nakatakdang mag-angkat ang DA (Department of Agriculture) ng tinatayang 2.1 milyong MT (metro tonelada) ng bigas ngayong taon. At para mapadali ang pag-aangkat, iniutos ni Pangulong Arroyo sa Department of Finance na pag-aralan ang pagbaba ng taripa sa inangkat na bigas. Bilang pang-engganyo ito sa pribadong sektor para makapag-angkat ng mas maraming bolyum katuwang ang NFA (National Food Authority).

Sa ngayon, nasa 50 porsiyento ng presyo ng inangkat na bigas ang ipinapatong na taripa pagpasok ng nasabing bigas ng Pilipinas.

Pero para sa mga magsasaka ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), “gutom”, sa halip na “ginhawa”, ang idudulot ng liberalisasyon ng industriya ng bigas.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, palalalain lang nito ang dati nang tumitinding krisis sa bigas. Lalong tataas ang presyo ng bigas sa merkado at mawawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka ng palay.

Kakulangan sa suplay?

Sa totoo lang, kaiba sa sinasabi ng gobyerno ngayon, masasabing walang “krisis sa suplay ng bigas.” Batay ito sa datos mismo ng DA, na nagsasabing aabot hanggang Oktubre ang kasalukuyang nakaimbak na palay ng gobyerno at makakatawid sa mga buwang walang ani (lean months) na Hulyo hanggang Setyembre.

Noong Marso 25, idineklara ng DA na aabot pa ng 57 araw ang nakaimbak na bigas ng gobyerno na 1.2-M MT. Isama pa rito ang aanihing palay ngayong tag-init, na kapag ginawang bigas ay aabot sa tinatayang 4.6-M MT. Ibig sabihin, makapag-iimbak ang gobyerno ng palay na tatagal nang 139 araw.

Nakabatay ang kalkulasyon na ito ng KMP sa 33,000 MT bigas kada araw na tinatayang makokonsumo ng Pinoy o national rice consumption; tinatayang 7.1-M MT na aanihing palay sa buong taon; at 65 porsiyentong recovery rate sa pagbibigas ng palay.

Ang natitira pang kakulangan sa suplay ng bigas para sa 2008 ay maaari nang kunin sa aanihin ng lokal na mga magsasaka ng palay sa Oktubre. “Kaya mali ang solusyon kung ibinabangga natin ang ulo natin sa importasyon, dahil wala naman palang pangangailangan at kaya naman pala nating likhain anuman ang kakulangan,” sabi ni Mariano.

Matumal man, tumataas pa rin ang taunang produksiyon ng bigas sa bansa.

Krisis sa presyo
Lumalabas na hindi “krisis sa suplay ng bigas” kundi “krisis sa presyo ng bigas” ang nararanasan ng bansa ngayon. Tumaas na nang P3 hanggang P4 kada kilo ang presyo ng commercial rice – dagok sa ordinaryong Pinoy na kanin ang pangunahing isinusubo sa araw-araw.

Sinasamantala lang umano ng kartel o malalaking mangangalakal ng bigas ang mataas na presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado para makapagtaas ng presyo sa lokal na merkado, ayon kay Mariano. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Epekto raw ito ng polisiya ng gobyerno na ipaubaya sa pribadong sektor ang pagtakda ng presyo ng bigas. “Parang nakondisyon pa ’yung isip ng taumbayan, na dahil mahigpit ang suplay sa world market, mataas na ang presyo doon. Kaya sa mga trader, parang go signal na ito na itaas din ang presyo dito. Wala namang kontrol eh, di naman sila mapaparusahan kasi nga deregularisado (ang industriya),” aniya.

Ipinaliwanag ni Mariano na walang dahilan ang mga mangangalakal na itaas ang presyo. Ito’y dahil ang nakaimbak nilang bigas na mula sa huling anihan ng palay noong nakaraang taon, nabili nila sa mga magsasaka sa mababang presyo: P12 kada kilo o minsa’y mas mababa pa sa support price o presyong binibili ng NFA na P11.50 kada kilo.

Kung pagbabatayan ang rule of thumb o kalakaran sa industriya ng bigas, 70 porsiyento lamang ng presyong ibinili sa palay ang dapat ipatong bilang tubo. Ibig sabihin, kung nabili ang palay sa P12 kada kilo, dapat P18.70 lang ang presyo nito sa merkado. Pero kadalasang lampas dito ang presyo ng bigas kada kilo dahil walang kontrol ang gobyerno sa kinikita ng kartel sa bigas, sabi ni Mariano.

Bilhin ang lokal na palay

Simple lamang ang inihahaing solusyon ng mga magsasaka sa krisis sa bigas: bilhin ng NFA ang 25 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay. Nang sa gayon, maibenta ito sa merkado sa halagang P18.25. Maiiwasan umano nito ang pagkubra ng kartel sa bigas sa lokal na palay na ibinebenta sa merkado bilang mamahaling commercial rice.

Mas matipid din ang hakbang na ito para sa gobyerno, na kapag bumili ng inangkat na bigas ngayon mula sa Vietnam ay gagastos ng $708 kada MT o katumbas ng halos P26 kada kilo. Isama pa ang interes at gastusin para sa iba’t ibang yugto ng transportasyon hanggang distribusyon, lumalabas na malaki ang lugi ng gobyerno sa importasyon.

“Kung gagastos na lang din ang gobyerno ng P2 Bilyon sa importasyon, bakit hindi na lang bilhin sa P11.50 support price ang palay ng mga magsasaka at ibenta niya ng P18.25? Kung di man break even may kaunti pa nga siyang kita,” sabi ni Mariano.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa isang porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili ng NFA, ayon sa KMP.

Sa mandato ng NFA, dapat 10 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili nito.

Pangamba pa ng KMP, kapag nahuli ang dating ng inangkat na bigas at pumasok ito sa Oktubre, kasagsagan ng anihan, lalong hindi mabibili o mababarat ang palay ng lokal na mga magsasaka.
Bukod pa rito, ibebenta sa isang subasta ang di naibentang inangkat na bigas, kahit sa presyong mas mababa na sa release price na P18.25. “May kikita na naman doon. May makaka-korner na naman doon. Ire-remill siguro yon tapos ibebenta nila bilang commercial rice,” paliwanag ni Mariano.

Pribatisasyon ng NFA
Pero ayaw gawin ng gobyerno ang mga mungkahing ito. Sa halip, itinutulak pa nito ang pagbaba ng taripa sa bigas. Naghahanda pa itong tupdin ang gusto ng WB (World Bank) na pagsasapribado ng NFA. Ito raw ang solusyon sa krisis.

Pagdating ng 2012, nais ng WB na tuluyang maliberalisa ang industriya ng bigas o malayang makapasok ang inangkat na bigas.

Nais din nitong maitalaga sa pribadong sektor, sa halip na sa NFA, ang pag-aangkat ng bigas. Dapat din daw bawasan ang kapangyarihan ng ahensiya na gumawa ng mga interbensiyon para mapababa ang presyo ng bigas, dahil diumano’y “hindi gumagana” ang mga ito.

Pero ayon kay Mariano, “Lalong mawawalan ng kakayahan ang bansa na umasa sa sarili para sa pangangailangan sa pagkain. Lalong lalalaya ang kartel sa bigas na magdikta ng presyo ng bigas.”

Mapapalala umano ang krisis sa pagkain na kinasadlakan ng bansa simula nang pumasok sa World Trade Organization noong 1995 at umasa sa inangkat na bigas mula sa kapitbahay na mga bansang Asyano at sa US.

Mula sa pagiging numero unong prodyuser at taga-eksport ng bigas, ang Pilipinas ay bumagsak sa pagiging numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya.

Lumalabas na “walang wisyo” ang pamimili ng bigas ng gobyernong Arroyo sa ibayong-dagat para masolusyunan ang krisis na anila’y dulot mismo ng pagiging palaasa sa importasyon sa halip na sa lokal na produksiyon ng palay.

Posted in Globalisasyon, Magsasaka at Agrikultura | 2 Comments »

Palaasa sa inangkat na bigas

Posted by mamamahayag on March 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano/Soliman A. Santos
Pinoy Weekly, Taon 7 Blg 11
Marso 26-Abril 1, 2008

HINDI na natuto ang gobyerno sa mga pagkakamali nito.

Labintatlong taon na ang nakakaraan, nagkulang din ang suplay ng bigas sa bansa. Noong 1995, naantala lamang ng dalawang buwan ang inangkat ng NFA (National Food Authority) na bigas mula sa mga kapitbahay na bansang Asyano — Agosto sa halip na Hunyo dumating ang mga ito. Walang nakaimbak na bigas ang gobyerno. Kaya sumirit noon ang presyo ng bigas sa pamilihan; nagdusa ang mga mamamayan.

“Ngayon, nalalagay tayo sa parehong sitwasyon. Paano, palaasa pa rin tayo sa inangkat na bigas,” sabi ni Roman Sanchez, pambansang tagapangulo ng NFA Employees Association o NFAEA sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nagbabadya na naman ang krisis sa bigas at ang inaasahang epekto: gutom para sa milyun-milyong Pilipino.

Gutom sa 68 milyong Pilipino
Tulad ng maaasahan, pansamantalang pagtitiis ang panawagan ng gobyernong Arroyo. Inirekomenda pa ni Kal. Arthur Yap ng DA (Department of Agriculture) sa mga restawran na maghain na lamang ng kalahating tasang kanin. Binatikos ito ng iba’t ibang panig.

“Maaaring umubra ang kalahating tasang kanin sa mga nagdidiyeta, pero ang karamihan ng mga Pilipino, kanin na nga lang ang kanilang isinusubo. Piyesta na kung may tuyo o galunggong.

Sasabihin nila: ‘Bigas na nga lang ang kaya namin, tapos gusto n’yo pang hatiin?’” sabi ni Sen. Francis Escudero.

Umaabot na sa P27 kada kilo ang pinakamurang halaga ng ibinibentang bigas sa palengke. Tumaas ito ng P3 kada kilo mula noong nakaraang taon.

Batay sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey, 68 milyong Pilipino ang nabubuhay sa $2 o halos P80 sa isang araw. “Tiyak na hindi kakasya ang P80 para kumain nang tatlong beses sa isang araw ang mayorya ng mga mamamayan,” sabi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas).

Ipinaliwanag pa ni Mariano na kung P80 ang kinikita ng isang tao sa isang araw at P27 ang ipambibili ng bigas, wala nang matitira sa kanya para sa iba pang pangangailangan tulad ng gamot, damit, at pang-matrikula ng kanyang mga anak.

Kaya nakakabahala diumano na tinangka pa ni Pangulong Arroyo na ikubli sa publiko ang kakulangan sa suplay ng bigas. Noon pang Pebrero nalaman ito ni Arroyo, pero itinago niya ito sa publiko para maiwasan ang lalong pagbulusok ng popularidad niya sa gitna ng panawagang patalsikin siya sa puwesto.

Sa memorandum ni Jessup P. Navarro, administrador ng NFA noong Peb. 11, at Yap noong Peb. 27 sa Pangulo, nagbabala na ang nasabing mga ahensiya ng gobyerno. Hindi umano sasapat ang lokal na suplay ng bigas na 16 milyon MT (metro tonelada) para tugunan ang tinatayang 120 kilo na makokonsumo ng bawat pamilya sa 2008.

Noong Marso 18, naglaan ng $708 kada MT ang gobyerno para sa angkating bigas, na aabot sa 2.4 milyon MT ngayong taon. Ito ang pinakamataas na presyo ng bigas na bibilhin ng NFA sa loob ng 34 na taon. Katumbas ito ng P30 kada kilo. Ibig sabihin, sagot ng gobyerno ang mahigit kalahati ng isinusubsidyong bigas ng NFA na nagkakahalaga ng P18 kada kilo.

Tumaas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado dahil naghigpit sa pagluluwas ng bigas ang Thailand, Vietnam, China, at India na pinag-aangkatan ng Pilipinas. Pinagtuunan ng mga bansang ito ang pagtugon sa sariling pangangailangan ng bigas.

Ayon kay Sanchez, “Hindi gaanong tumaas ang presyo ng bigas sa Thailand at Vietnam kumpara noong 2007. Bakit? Dahil sapat ang kanilang suplay ng bigas. Ang mga patakaran nila hinggil sa bigas ay para sa sariling mga mamamayan, at hindi sa dayuhan.”

Liberalisasyon ang dahilan
Ang Pilipinas ang numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya. Mula 1995 hanggang 2006, karaniwang umaabot sa mahigit isang milyong MT ng bigas ang inaangkat ng bansa.

Taong 1995 pumasok ang Pilipinas sa World Trade Organization o WTO na nagliberalisa ng kalakalan, kasama ang mga produktong agrikultural. Bago nito, umaabot lamang sa 151,588 MT ng bigas ang inaangkat ng bansa, mula 1984 hanggang 1994.

Kaya naman sa palagay ni Sen. Jamby Madrigal, ang krisis sa bigas ay “isang sakuna na naghihintay na mangyari.” Diumano’y ang liberalisasyon ng kalakalan na tunay ang dahilan sa likod nito.

Sang-ayon dito ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan). “Walang seguridad sa suplay ng bigas dahil isinanib ang lokal na agrikultura sa pandaigdigang merkado. Ipinagpalit ang domestikong produksiyon ng pagkain para sa mamahaling mga pananim (high-value crops) na pang-eksport,” ayon kay Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan.

Ayon sa pinakahuling Census of Agriculture, aabot sa 86,606 ektaryang taniman ng palay ang nawala mula 1991 hanggang 2002 dahil sa pagpapalit-gamit (land-use conversion) sa mga pananim na pang-eksport at hindi kinakain.

Malalaking negosyante’t panginoong maylupa ang nakikinabang sa nasabing pagpapalit-gamit ng lupa na nagpapalayas din sa mga magsasaka, sabi naman ng KMP.

‘Pagpapapogi’?
Inihayag ni Arroyo na dapat gamitin ng DA ang P17 Bilyong pondo para sa Agriculture and Fisheries Modernization Program at ang P6-B Agricultural Competitiveness Enhancement Fund para palakasin ang lokal na produksiyon. Diumano’y gagamitin ito sa pagbili ng mga binhi at pagpapaunlad ng irigasyon at pasilidad matapos ang pag-ani (post-harvest facility).

Pero ayon sa Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees o Courage, mistulang “pagpapapogi” lamang ito. Matagal na umanong walang natatanggap na suporta ang mga magsasaka ng palay mula sa gobyerno na sa halip ay nakapokus sa pagkokomersiyalisa ng industriya ng bigas.

Makikita umano ito sa planong pagsasapribado ng NFA. Kapag natuloy, malilimita ang papel ng ahensiya sa pag-aangkat ng bigas at mababawasan ang kakayahan nitong imonitor ang malalaking kartel na kumokontrol sa suplay at presyo ng bigas.

“Mas mabuti sa gobyerno na gamitin ang badyet sa pag-aangkat ng bigas para bilhin ang lokal na palay sa halagang P15 kada kilo. Mapapalakas pa nito ang ekonomiya sa kanayunan,” ayon kay Sanchez. Karaniwang binibili ng mga mangangalakal ang palay sa mga magsasaka sa halagang P11 hanggang P12 lang.

Reporma sa lupa
Matagal nang uhaw sa mga subsidyo at iba pang porma ng suporta mula sa gobyerno, masama ang loob ng mga magsasaka ng palay na sa pag-aangkat pa rin mapupunta ang P3-B na inilaan ng gobyernong Arroyo para maibalik ang normal na presyo ng bigas.

Pangamba ng KMP, mapupunta sa mga kartel ng bigas at ismagler ang malaking bahagi ng pondo. Umano’y 10 porsiyento ng inangkat na bigas na kaagad naitatalang nasira o “damaged” ang kinukurakot lamang.

Hindi rin sang-ayon sa grupo sa pagtutulak ng gobyerno na magtanim ng high-yielding variety at genetically modified na mga binhing pinapalaganap ng International Rice Research Institute. Ginagamitan ang ganitong tipo ng mga binhi ng mga kemikal na pataba at pestisidyong ibinebenta ng dayuhang mga kompanyang transnasyunal. Bukod sa mahal at lalong nagpapahirap sa mga magsasaka, umano’y nilalason ng mga ito ang lupa at pinabababa ang ani.

Tunay na reporma sa lupa, pagtigil sa pagpapalit-gamit ng lupa, at pagsasarili-sa-pagkain ang iginigiit ng mga magsasaka na pangmatagalang solusyon sa problema—nang maiwasang dumulo sa pinangangambahan ng marami na “gulo”.

“Hanggang hindi pag-aari ng mga magsasaka ang kanilang lupang sinasaka at hindi pangunahing kinakain ng mga mamamayan ang itinatanim nila, lalala pa ang krisis na ito,” ayon kay Willy Marbella, ikalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Posted in Globalisasyon, Magsasaka at Agrikultura | Leave a Comment »

Asean sa Cebu: U.S. ang nagwagi

Posted by mamamahayag on January 21, 2007

Pinoy Weekly Vol. 6 Blg. 2
Enero 17, 2007
Kenneth Roland A. Guda/ Ilang-Ilang D. Quijano 

Ang pinakamaliwanag na resulta ng katatapos na 12th Asean (Association of East Asian Nations) Summit sa Cebu ay ang pangingibabaw ng US sa Timog Silangang Asya. At bilang host at pinakamasugid na alyado ng US, gobyernong Arroyo ang nagsilbing tagapagbukas ng pinto para sa nag-iisang Superpower sa mundo.

Dominasyong militar ng US

Pinirmahan ng mga lider ng rehiyon ang Convention on Counterterrorism (ACCT), na mas magpapadulas sa pagmonitor ng US sa galaw ng mga itinuturing nitong terorista. Ito, siyempre pa, ay sa pamamagitan ng pinakamalalapit na alyadong gaya ng Pilipinas, Singapore at Thailand.

Itinutulak ng ACCT ang mga bansa ng rehiyon na mag-apruba ng kani-kanilang mga batas na maglilimita sa mga karapatang sibil sa modelo ng Patriot Act ng US. Inaasahan naman ni Pangulong Arroyo na magsisilbi ang naturang kumbensiyon para maisabatas ang Anti-Terrorism Bill. Ayon din sa ACCT, dapat ipamahagi ng mga bansang Asean ang mga impormasyong makakalap hinggil sa mga pinaghihinalaang terorista. Pinakaabanteng teknolohiya sa paniniktik at ibayong pondo sa “giyera kontra terorismo” ang nakalaan sa adyenda ng US.

Nangangamba ang US sa operasyon ng Al-Qaeda sa mga bansang Asean. Kaugnay nito, idineklara ni Admiral Willian J. Fallon, kumander ng US Pacific Command (Pacom, puwersang militar ng US sa Dagat Pasipiko), ang pagbibigay ng prayoridad ng US sa rehiyon bilang “unahang linya ng giyera kontra terorismo.”

Bukod sa Pilipinas, ang US ay nagsasagawa na rin ng pagsasanay-militar sa Singapore, Thailand, Burma at Brunei. Muli itong tumutulong sa modernisasyon ng sandatahang lakas ng Indonesia.

Lubhang paglabag sa mga karapatan
Nababahala ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa pag-igting ng dominasyong militar ng US sa Timog Silangang Asya. “Sa larangan ng pulitika, pangunahing tambolero at proxy ng US sa rehiyon ang Pilipinas. Itinulak nito ang tinagurian ng US na war on terror nang buong lugod, at walang konsiderasyon sa implikasyon sa ating pambansang soberanya,” paliwanag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sa kabila ng mga probisyon sa ACCT na nangangakong mangangalaga sa mga karapatang pantao, inaasahang lalong titindi ang paglabag sa mga iyon. “Sa loob ng limang taon, karapatang pantao ang unang biktima ng tinatawag na global war on terror. Mula US hanggang Iraq, hanggang Timog Silangang Asya, magkakahalintulad ang mga karanasan,” ani Reyes.

Tinutukoy ni Reyes ang rekord ng US sa paglabag sa mga karapatang pantao sa giyera sa Iraq — libu-libong sibilyan ang biktima; gayundin ang paglabag sa mga karapatang pantao sa mga akusado pa lamang sa mga kulungan sa Abu Ghraib, Iraq at sa Guantanamo Bay, Cuba. Nayurakan din ang karapatang pantao ng mga mamamayang Amerikano, bunsod ng US Patriot Act I at II.

Masama rin ang rekord ng ilang bansa sa Timog Silangang Asya ukol sa mga karapatang pantao. Ngunit marahil ay wala nang hihigit pa sa itinuturing na mapanupil na panunungkulan ni Pangulong Arroyo, na nagpapatupad ng Oplan Bantay Laya (OBL) I at II. Tinatarget ng OBL ang mga legal na aktibistang sibilyan para paluhurin diumano ang armadong rebelyon.

Bunga ng ACCT, ani Reyes ay titindi ang mga “tinaguriang anti-terror exercises na isa lamang bersiyon ng war games ng US sa rehiyon, gayundin ang paniniktik na magkokompromiso sa pambansang kasarinlan at magpapatuloy sa interbensiyon ng US sa mga usaping dometiko ng mga miyembro ng Asean.”

Tagumpay ng monopolyo-kapitalismo

Sa ekonomiya, lalong titindi ang kahirapan sa mga atrasadong bansa sa Timog Silangang Asya dahil sa ibayong pagtutulak ng globalisasyong pabor sa mga dambuhalang kapitalista.

Inumpisahan na ng mga lider ng 10 kasaping bansa ng Asean — Brunei, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic (PDR), Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, at Pilipinas — na itayo ang isang umano’y mas matatag na pang-ekonomiyang komunidad sa rehiyon. Sa Cebu Declaration on the Acceleration of the Establishment of an Asean Community by 2015, inayunan ang pagpapabilis ng free trade zone” o sona ng malayang kalakalan ng Asean.

Ibig sabihin, mas malayang makakapaglabas-masok sa mga bansang Asean ang mga kalakal, serbisyo, pamumuhunan, lakas-paggawa, at kapital. Lubusan nang ipapatupad ang mga free trade agreement (FTA) ng rehiyon, gayundin ang mga bilateral na FTA sa mga kadayalogo nito – ang US, European Union, Japan, China, South Korea, India at Russia.

Iniudyok ng Asean ang panunumbalik ng naunsyaming Doha Development Round ng WTO (World Trade Organization). Ang WTO ang pangunahing pandaigdigang organisasyon na nagtutulak sa globalisasyon. Nanawagan ang Asean sa Lao PDR na sumapi sa WTO; at pinapurihan ang pagsali ng Vietnam sa organisasyon.

“Naniniwala kami na ang isang matagumpay na Doha Round ay magpapalago sa ekonomiya, at aampat sa kahirapan sa buong daigdig at sa rehiyon,” pahayag ng mga lider ng Asean.

Ngunit tinututulan ng maraming mamamayan ang WTO at ang mga polisiya nito. Umano, ibayong pagdurusa ang dulot ng mga ito sa milyun-milyong manggagawa, magsasaka, at iba pang naghihirap na sektor ng lipunan. Tinatayang 227 milyon sila sa Timog Silangang Asya.

Ayon sa pagsusuri ng IPE (Institute of Political Economy), nilalabag ng neo-liberal na globalisasyon ang soberanya ng mga bansa at pang-ekonomiyang karapatan ng mga mamamayan. “Itinutulak lamang nito ang pagkakamal ng labis-labis na tubo ng mga monopolyo-kapitalista. Tinatalo ng mga dayuhang monopolyo ang mahihinang industriya at agrikulturang lokal. Dinadambong ang mga likas na pambansang yaman. Pinagbabangga ang mga mala-kolonya para sa pinakamaraming makukuhang dayong pamumuhunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinakamababang sahod sa mga manggagawa,” pahayag ng IPE.

Umano’y ang US, pinakamalaking mamumuhunan sa Timog Silangang Asya, ang pangunahing makikinabang sa pagbubukas ng ekonomiya ng mga bansang Asean.

Idineklara ng Asean na babaguhin nito ang kanyang charter o saligang batas. Pangunahin sa mga isinusulong na panukala ang mas mahigpit na istrukturang babago sa katangiang non-binding o di-nagpapatali sa organisasyon. Kapag binago na ang charter ng Asean, maaari nang parusahan ang mga bansang hindi susunod sa mga kasunduan. Inihayag ng IPE na sa ganito, mas kayang impluwensiyahan ng US ang mga bansang Asean dahil maoobliga silang yumukod sa dikta ng mga monopolyo-kapitalista.

Upang maitago ang kontrol ng US sa rehiyon sa pamamagitan ng Asean, dinadamitan umano ito ng diwang “rehiyunalismo.” Ipinapakete ang Asean bilang isang komunidad na mapagkalinga at mapagbigay. Ngunit dahil kontrolado ng iilang naghahari sa lipunan at daigdig, huwad pa rin at hindi pakikinabangan ng mga mamamayan ang ibinabanderang pagkakaisa ng mga bansa sa Timog Silangang Asya.

Pampalubag-loob

May mga pampalubag-loob na mga kasunduang pinirmahan ang mga lider ng Asean. Isa na ang Asean Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers na diumano’y naglalayong protektahan ang karapatan ng mga migranteng manggagawa. Kabilang ang Pilipinas at Indonesia sa may pinakamaraming manggagawang nangingibang-bansa.

Ngunit duda si Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante, sa sinseridad ng mga mauunlad na bansang Asean, katulad ng Singapore at Malaysia, na itaguyod ang kapakanan ng mga migrante, na malaon nang ginagawang balon ng murang lakas-paggawa.

Ibinulgar pa ni Bragas-Regalado na hindi niratipika ng mga bansang Asean, maliban sa Pilipinas, ang International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families na umiiral mula pa noong 2003.

Inaprubahan din ang Mutual Recognition Agreement on Nursing Services na layong magbukas ng rehiyon para sa pangingibang-bansa ng mga nars. Ayon sa Health Alliance for Democracy, lalo lamang ikamamatay ng sistemang pangkalusugan ang nasabing kasunduan. Sa udyok ng gobyernong Arroyo na lumikas ang mga doktor at nars, naiiwan sa panganib ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.

Posted in Giyera at Kapayapaan, Globalisasyon | 1 Comment »

Ika-12 pulong ng Asean: Asya sa saklot ng Estados Unidos

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano/ Soliman A. Santos
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Karangalan ng gobyernong Arroyo ang maging punong abala at tagapangulo ng ika-12 pulong ng Asean (Association of South East Asian Nations) na gaganapin sa Cebu City sa Disyembre 11-16, 2006.

Ngunit para sa progresibo’t makabayang mga organisasyon ng iba’t ibang bansa na dadagsa sa lungsod para magprotesta, kahiya-hiya ang gobyernong Arroyo sa papel na ginagampanan nito bilang tagapaniguro sa interes ng Estados Unidos sa rehiyon. Anila, walang ibang kabuluhan ang pulong kundi ang pag-ibayuhin ang kontrol ng US sa ekonomiya at militar ng mga bansang malakolonya nito, pangunahin na ang Pilipinas.

Ano ang Asean

Ang Asean, na itinatag noong Agosto 8, 1967, ay binubuo ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar at Cambodia. Sinasabing itinayo ito ng US noong Cold War para pigilin ang paglaganap ng komunismo mula sa Tsina, Hilagang Korea at Indotsina.

May pinagsanib na populasyong 558 milyon ang mga bansang Asean.

Ayon kay Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, “Dahil hindi malalaking kapangyarihang militar ang mga bansang Asean at ang pinakamalalaking trading partners ng mga ito ay mga bansang wala sa Southeast Asia, matagal nang nakatali ang adyenda ng Asean sa relasyon nito sa mga mayayamang bansa, laluna sa US.”

Dialogue partners ng Asean ang US, Australia, Canada, European Union, Japan, New Zealand, Tsina, India, Republic of Korea, Russia, at United Nations Development Program.

Sa darating na pulong ng Asean, dadalo ang 16 na pinuno ng mga bansa sa rehiyon at dialogue partners nito, kabilang sina US Secretary of State Condoleeza Rice at WTO (World Trade Organization) Director General Pascal Lamy.

Dalawa ang pangunahing adyenda ng pulong: pagpapabilis sa free trade o malayang kalakalan sa rehiyon at sa mga partner nito; at pagpapahigpit ng mga hakbang para masugpo ang “terorismo.”

Iisang merkado para kanino?

Ayon kay Pangulong Arroyo, tatalakayin sa pulong ang adyenda ng naunsyaming WTO, pandaigdigang organisasyong nagtatakda ng mga patakaran ng globalisasyon. Sa kabila ng malakas na pagtutol ng mga mamamayan sa mundo laban sa WTO, sisikapin ni Arroyo, bilang tagapangulo ng Asean, na pag-ibayuhin ang proseso ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon. Ang pagtutol sa WTO ay bunga ng di-pantay na mga patakarang nagwawasak ng ekonomiya at kabuhayan ng mahihirap na mga bansa.

Pagtutuunan ng pansin ang regional economic integration o pagsasanib ng mga bansang Asean para maging iisang merkado at base ng produksiyon na malayang nagpapalitan ng mga produkto, serbisyo, lakas-paggawa, pamumuhunan, at kapital.

Una nang itinayo ng organisasyon ang Asean Free Trade Area na nagresulta sa direktang pagkukumpetisyon ng mga bansa ng rehiyon dahil sa pinababang taripa ng mga inaangkat na produkto sa isa’t isa. Ngunit hindi layon ng integrasyon na palakasin ang Asean bilang blokeng pang-ekonomiya kundi para madaling pasukin ng mga korporasyong transnasyunal, laluna ng US.

“Ang Timog Silangang Asya ay gagawin nitong malaking pabrika, na pinaaandar ng mura at supil na lakas-paggawa, at tambakan ng sobrang produkto at kapital,” ayon naman sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Ang US ang pinakamalaking trading partner ng rehiyon. May US$88 Bilyon ang direktang pamumuhunan ng US sa Timog Silangang Asya, na ikatlo rin sa pinakamalaking merkado ng exports ng US.

Kaya naman masidhi ang partisipasyon ng US sa Asean. Simula nang maitatag ito, may naganap nang 19 na diyalogo sa pagitan ng US at ng organisasyon. Noong Setyembre 2005, pinirmahan ang US-Asean Enhanced Partnership Agreement. Laman ng kasunduan ang Asean-US Trade and Investment Framework Agreement bilang binhi ng kasunduan ng malayang kalakalan sa pagitan ng US at rehiyon.

Ayon sa Institute of Political Economy, susubukan ng US na ungusan ang mga karibal nitong Tsina at Japan sa pagpapalaki ng impluwensiya sa rehiyon.

Gaganapin sa darating na pulong ang Asean Plus Three Summit na kinabibilangan ng mga lider ng Asean, Tsina, Japan, at Republic of Korea. Inilalako rin ng US ang sariling US-Asean Summit.

Adyendang militar

Bukod sa pang-ekonomiyang interes ng US sa Asya, pangunahin din nitong adyenda ang pagpapalakas ng presensiyang militar sa rehiyon.

Ayon kay Admiral William J. Fallon, US Navy Commander ng US Pacom (Pacific Command), ang Timog Silangang Asya ang front line ng pakikidigma kontra “terorismo” sa US Pacom. Estratehiko ang posisyon ng US Pacom, na binubuo ng 43 bansa o 60% ng populasyon ng mundo.

Sa pagsusuri ng Bayan, 70,000 tropang Amerikano ang matatagpuan sa Silangang Asya pa lamang. May 386,000 tropang Kano ang nakatalaga sa 150 bansa sa buong mundo at may 850 base militar ang US sa 138 bansa.

Sa Quadrennial Defense Review ng 2001 at 2006 ng US, ipinihit ng US ang estratehiya nito mula Europa tungong Asya na ang papalaking presensiyang militar ay may kombinasyong pagbabase at mga puwersang makilos na madaling maideploy.

Binibigyan ng mas malaking pleksibilidad ng pagbabase ang puwersang militar ng US sa mga kritikal na erya sa mundo samantalang malayang nakapagsasanay sa mga bansang wala itong pirming base, tulad ng Pilipinas sa pagsasanay na Balikatan.

Tsina: higanteng kakompetensiya

Tatlo sa anim na pinakamalalaking puwersang militar sa mundo ang matatagpuan sa rehiyong Tsina, Hilagang Korea at Timog Korea. Dalawa rito ang may armas nukleyar, Tsina at Hilagang Korea.

Sa lahat ng mga makapangyarihang bansa, ang Tsina ang may pinakamalaking potensiyal na makipagkompetensiya sa militar ng US. Kaya gusto ng US na makontrol ang mga bansa sa ilang bahagi ng Asya.

Matapos ang Cold War noong huling bahagi ng dekada 80, nawala ang tunggalian ng US at USSR. Pinatingkad ng US ang globalisasayon para malayang makapagsamantala sa ibang bansa, gayundin ang mga cross-border production network.

Kasabay nito, “terorismo” ang kinalaban ng US, hindi na sosyalismo. Kaya lumikha ito ng mga konseptong “Axiz of Evil,” “war on terror” at iba pang nagbibigay-katwiran sa panghihimasok sa ibang bansa tulad ng ginawa nito sa Iraq, Afghanistan at iba pa.

Target ng US ang Timog Silangang Asya dahil dito umano nagkakanlong ang mga terorista. Kasabay nito, pinasasama nito ang imahe ng mga Muslim at ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Terorista na ang turing ng US sa mga kilusang tulad ng sa Partido Komunista ng Pilipinas kahit malinaw na ibang ideolohiya ang dinadala ng mga ito kumpara sa mga tinutukoy nitong “terorista.”

Epekto sa mga mamamayan

Sa pagdaraos ng Asean Summit sa Disyembre, kagyat na lumitaw ang hindi magandang epekto sa Pilipinas.
Lumikha agad ito ng mga suliraning tulad ng demolisyon sa kabahayan ng mga maralita, sa pagdarausan ng Summit; pagkakait ng pinagkakakitaan sa maraming manininda sa Cebu; at militarisasyon. May 7,000 pulis at 4,500 sundalo ang idedeploy para sa seguridad ng Summit.

Ayon pa sa Bayan, kung magtatagumpay ang US sa panghihimasok sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng Asean, higit na malulubog sa kahirapan ang mga mamamayang Pilipino dahil sa walang habas na imperyalistang pandarambong.

Tuluyang mawawasak ang lokal na agrikultura, guguho maging maliliit at katamtamang mga empresang lokal. Ang tanging makikinabang ay ang mga dambuhalang korporasyong dayuhan dahil sa pagsasamantala sa murang lakas-paggawa, likas na yaman at bukas na merkado ng bansa.

Sasahol din umano ang teroristang giyera ng rehimeng US-Arroyo, maging ito’y lantad, tulad ng imperyalistang pananakop sa Iraq, o palihim, tulad ng “maruming giyera” sa Latin Amerika noong dekada 70. Sa balangkas ng “giyera laban sa terorismo” ng gobyernong Bush at “all-out war” naman ni GMA, umabot na sa halos 800 ang biktima ng extrajudicial killings at kulang-kulang na 200 ang biktima ng pagdukot.

Posted in Globalisasyon | 4 Comments »

Japan-Philippines Economic Partnership Agreement: Pilipinas, naisahan ka na ba?

Posted by mamamahayag on November 18, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Vol. 5 Blg. 44
Nobyembre 17, 2006

Tahimik na pinirmahan sa ibang bansa, at halos hindi inanunsiyo sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin nailusot ni Pangulong Arroyo ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Agad na natunugan ng mga grupong maka-kalikasan na papayagan ng kasunduan ang pagtatapon ng mga nakakalasong basura ng Japan sa Pilipinas (tingnan ang kaugnay na istorya). Gayundin, hindi basta-basta kinagat ng mga grupong nars at migrante ang kapalit na pangako ng gobyerno na bibigyan ang mga nars at caregiver na Pinoy ng trabaho sa Japan (tingnan ang kaugnay na istorya).

Nang bayuhin ng kritisismo, napuwersang aminin ng Malacañang ang totoo: Hindi maaaring ipatupad ang kasunduan dahil kailangan muna itong dumaan sa Senado. Doon na umalingawngaw ang marami pang posibleng masasamang epekto ng Jpepa.

Ayon mismo kay Sen. Manuel Roxas III, tagapangulo ng Senate Committee on Trade and Commerce, kailangang pag-aralan kung may mahihita ba talaga ang Pilipinas sa nasabing kasunduan o kung mabubuyangyang lamang ang lokal na ekonomiya sa paninibasib ng mga higanteng korporasyon ng industriyalisadong Japan.

Dahil bigo ang WTO

Ang Jpepa ang unang bilateral na FTA (free trade agreement) na pinasok ng gobyerno simula noong Tydings-Mcduffie Law sa pagitan ng Pilipinas at US noong 1935. Inamin ni DTI (Department of Trade Industry) Undersecretary Thomas Aquino na muling nagka-interes ang gobyerno sa mga kasunduang bilateral dahil sa pagkabalaho ng mga negosasyon sa WTO (World Trade Organization). Miyembro nito ang Pilipinas.

Layon ng mga FTA na iliberalisa ang ekonomiya para “malaya” itong makipagkumpetisyon sa ibang bansa. Hindi umuusad ngayon ang WTO dahil sa lumalakas na pagtutol ng maraming mahihirap na bansa. Umano’y nawawasak ang kanilang ekonomiya dahil sa pagpasok ng mga korporasyong transnasyunal na kontrolado ng iilang mayayamang bansang nagtutulak ng globalisasyon.

Subalit ang Pilipinas ang isa sa mga pinakamabilis na nagliberalisa ng ekonomiya sa ilalim ng WTO, at walang ipinagkaiba sa nais nitong gawin ngayon sa ilalim ng Jpepa.

Ayon sa DTI, magdudulot ang Jpepa ng mula 1.7 hanggang 3.3% paglago sa GDP (Gross Domestic Product).

Lugi sa kalakaran

Ang Japan ay may ekonomiyang 50 beses na mas malaki kaysa Pilipinas. Ito ang pangalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, kasunod ng US. Kung 20% ng mga import at eksport ng Pilipinas ay mula at papuntang Japan, 2 % lamang ng mga import at eksport ng Japan ay mula at papuntang Pilipinas. Sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa simula 1999, laging trade deficit o lugi ang Pilipinas. Ibig sabihin, mas maraming pumapasok kaysa lumalabas na mga produkto rito. Sa kabilang banda, taun-taong trade surplus o ganansiya sa kalakalan ang natatamasa ng Japan (tingnan ang tsart).

Sa ilalim ng Jpepa, palalakasin ang ganitong klaseng kalakaran ng dalawang bansa. Aalisin ang taripa sa halos lahat ng produktong industriyal mula sa Japan, katulad ng bakal, sasakyan, tela, at mga produktong elektronik. Sa kabilang banda, aalisin ang taripa sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas, katulad ng saging, pinya, asukal at tuna.

Naniniwala ang gobyerno na mabibigyan ng Jpepa ang mga lokal na eksporter ng mas malaking pagkakataong mapasok ang merkado ng Japan.

Ngunit sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, na malalaking kompanyang Hapon lamang ang makikinabang sa pagbaba ng mga taripa. Bukod sa may malalaking pagkakataong kumita mula sa mga produktong ipapasok sa bansa, bababa rin umano ang gastos sa produksiyon ng mga kompanyang Hapon katulad ng Toshiba, Fujitsu, Panasonic, at iba pa sa mga EPZ (export-processing zone). Ang mga ito ang gumagawa ng mga produktong industriyal (elektroniks, sa partikular) mula sa mga inangkat na hilaw na materyales. “Sa kabilang banda, sisirain ng Jpepa ang lokal na industriya ng pagmamanupaktura at wawasakin ang anumang potensiyal ng Pilipinas na maging industriyal,” aniya.

Umalma na ang mga lokal na nagmamanupaktura ng bakal sa Jpepa na nagbibigay-daan sa pag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng bakal mula sa Japan taun-taon. Nababahala si Alberto Uy, tagapangulo ng Philsteel Group of Companies, na pabibilisin ng Jpepa ang pagkamatay ng lokal na industriya ng bakal.

Hindi rin nakikita ng Ibon Foundation ang ganansiyang maidudulot ng Jpepa sa mga lokal na eksporter. Halimbawa ang saging at pinya mula sa Pilipinas, na pasok na sa malaking bahagi ng merkado ng Japan. “Ang talagang nakikinabang sa eksport ng mga nasabing produkto ay hindi ang maliliit na magsasaka kundi ang mga kompanyang transnasyunal katulad ng Dole, Del Monte, Chiquita, at Sumitomo,” sabi ni Africa.

Kapansin-pansing hindi sinaklaw ng Jpepa ang bigas, na nananatiling protektadong sektor ng Japan, at hindi makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Espesyal na trato sa dayuhan

Sinasaklaw rin ng Jpepa ang industriya ng serbisyo. Ibig sabihin, maaari nang pasukin ng mga kompanyang Hapon ang mga serbsiyo katulad ng konstruksiyon, outsourcing, transportasyon, serbisyong medikal, mga serbisyong panlipunan, turismo, telekomunikasyon, pagbabangko at iba pa.

Gayundin, kabilang sa kasunduan ang mga kontrobersiyal na Singapore Issues na hindi pa naisasama sa WTO. Ito ang liberalisasyon sa pamumuhunan (investment), patakaran sa kumpetisyon (competition policy), government procurement at trade facilitation. “Maraming bansa laluna sa Third World na tumutol sa mga ito. Kasi, lalong mabubukas ang kani-kanilang ekonomiya at lalong madidisarmahan ang kanilang gobyerno sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa pag-unlad ng domestic economy,” paliwanag ni Africa.

Mas madaling makakapasok ang direktang dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment) mula sa Japan dahil inaalis ng Jpepa ang mga restriksiyon sa pamumuhunan na karamihan ay nasa Konstitusyong 1987. Ibinibigay nito sa mga mamumuhunang Hapon ang national treatment o tratong katulad ng mga lokal na mamumuhunan at iba pang espesyal na pribilehiyo.

Pinananabikan ng gobyerno ang FDI dahil magdudulot umano ito ng mas magandang klimang pangnegosyo, at lilikha ng maraming trabaho. Ang Japan ang numero unong naglalagak ng dayuhang puhunan sa bansa, na umaabot sa $370,000 kada taon.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi naman sana problema ang FDI kung ito ay pumapasok sa bansa nang may pakinabang ang pambansang ekonomiya. Ngunit karaniwang nangangahulugan ang dayuhang pamumuhunan ng pinakamurang lakas-paggawa, pinakamababang bayaring buwis, pinakamaluwag na pagnenegosyo na walang interbensiyon ng gobyerno, at pinakamalayang paglabas ng kapital mula sa bansa.

Karamihan sa mga manggagawa sa EPZ ay nagrereklamo sa mababang pasahod, kawalang benepisyo, at kawalang seguridad sa trabaho.

Umano’y maganda sana kung nagdudulot ang FDI ng technology transfer o paglipat ng teknolohiya, na makakatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Sa isang probisyon ng Jpepa, sinisiguro ang technology transfer na sinasabing pakikinabangan ng Pilipinas.

Sa wari ay hindi ito totoo. Halimbawa, sa pagmamanupaktura, na kinokonsentrahan ng FDI ng Japan, bumagsak ang bahagi nito sa GDP sa 24.2% noong nakaraang taon mula 27.9% noong 1970. Ibig sabihin, hindi umunlad ang lokal na pagmamanupaktura sa kabila ng deka-dekadang presensiya rito ng mga kompanya ng mga industriyalisadong bansa. “Pinoprotektahan ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang teknolohiya dahil ito ang pundasyon ng kanilang monopolyong kapangyarihan at tubo,” ani Africa.

Pag-aaral: kahirapan titindi

Samantala, sa pag-aaral ni Caesar Cororaton para sa Philippine Institute for Development Studies, tagapagsaliksik ng DTI hinggil sa Jpepa, lumalabas na patitindihin ng kasunduan ang income inequality o di pagkapantay-pantay sa kita.

Natuklasan nga ni Cororaton na magdudulot ang Jpepa ng paglago ng mga trabaho sa kalunsuran, partikular sa National Capital Region. Ngunit kapalit nito, maraming trabaho ang mawawala sa agrikultura at lalala ang kahirapan sa kanayunan.

Ngayong unti-unti nang nalalantad ang mga di-makatarungang probisyon ng Jpepa, hinihiling ng maraming grupo ang pagbasura nito. Kanila ring sinisingil ang pangulong nakipagkamayan kay Japan Prime Minister Junichiro Koizumi at ngumiti sa kamera sa pag-aakalang naisahan na ang bayan.

Pinoy nars, baka mag-Japayuki
Baka mauwi sa pagiging Japayuki o Japanese enter-tainers ang mga Pilipinong nars at caregiver na pinapangakuan ng gobyerno ng trabaho sa Japan.

Ito ang idinaing ng isang opisyal ng PNA (Philippine Nurses Association) sa pagdinig ng Senado hinggil sa Jpepa. Ayon kay Dr. Leah Samaco-Paquiz, bise-presidente ng PNA, mahihirapang maghanap ng empleyo ang mga manggagawang pangka-lusugan sa Japan kahit pa sinisiguro ito ng nasabing kasunduan.

Kabilang sa Jpepa ang Movement of Natural Persons na probisyong ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na makakadagdag ng bilang ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Japan.

Ngunit nakasaad dito na kailangan munang maging bihasa ang mga nars at caregiver na Pinoy sa lengguwaheng Nihonggo at makapasa sa eksaminasyon na nakasulat din sa nasabing lengguwahe. Saka lamang ikokonsidera ang mga kandidato na makakapagtrabaho sa Japan nang tatlong taon para sa mga nars at apat na taon para sa mga caregiver.

Sa panayam ng PINOY WEEKLY, idinagdag ni Paquiz na malaki ang diskriminasyon ng mga Hapon sa mga hindi kalahi. Di malayong tratuhin ang mga Pilipino bilang second-class citizen at bigyan ng mga trabahong angkop lamang sa ganitong pagtingin. “Nakakalungkot…bakit natin gustong maging ganoon ang Pilipino? Dapat, itaas natin ang pagka-Pilipino natin. Kawawa na tayo sa ibang bansa,” aniya.

Wala pang eksaktong komitment ang gobyerno ng Japan kung ilang nars at caregiver ang tatanggapin nito. Kaya naibulalas ni Senator Roxas na “teoretikal” pa lamang ang ganansya ng OFWs sa Jpepa.

Natuklasan naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na sa Schedule of Commitments ng Jpepa, nakasaad na maaari pa ring maglabas ang gobyerno ng Japan ng mga batas na pipigil sa pagpasok ng dayuhang lakas-paggawa sa sektor pangkalusugan. “Mabuway,” aniya, “ang pangakong inilulutang ng gobyernong Arroyo para maging katanggap-tanggap sa publiko ang Jpepa.”

Sinadyang gawing tambakan

Sinadyang isama sa Jpepa ang probisyong nagpapahintulot na itapon sa Pilipinas ang mga nakakalasong basurang industriyal ng Japan.

Wala ang toxic waste products sa orihinal na kasunduan, taliwas sa ikinakatwiran ng gobyernong Arroyo na napabilang lamang ito sa mahabang listahan ng mga produktong maaaring pumasok sa bansa nang walang taripa.

Sa pampublikong pagdinig ng Tariff Commission noong May 31, 2005 hinggil sa Jpepa, hindi kabilang ang toxic waste products sa mga produktong saklaw ng kasunduan. Ito’y dahil tumutol ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) at iba pang grupong makakalikasan. Lumitaw at napirmi lamang ang nasabing probisyon matapos igiit ng Board of Investments na di mahalaga kung babaan ang taripa sa mga nakakalasong basura dahil ipinagbabawal naman ang pag-angkat ng mga ito sa ilalim ng batas.

Ngunit ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, malinaw na kinumbinsi ng gobyerno ng Japan ang Pilipinas para mapabilang sa kasunduan ang toxic waste products. Napakalaki ng problema ng Japan dahil lumilikha ito ng 50 milyong tonelada ng basura taun-taon.

Wala ring tiwala ang Kalikasan sa kakayahan ng Bureau of Customs at DENR na ipatupad ang mga umiiral na batas pang-kalikasan dahil marami umanong naipupuslit na basura sa bansa. Noong 1999, 122 container van mula sa Japan na naglalaman ng mga nakakalasong basura ang nasawata. Kamakailan, ibinulgar ni Cavite Gov. Ireneo Maliksi na gagawing tambakan ng mga lumang appliances ang 648-ektaryang lote sa bayan ng Ternate.

Inireklamo ng Basel Action Network na labag ang Jpepa sa 1989 Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal, na inayunan ng Pilipinas at Japan.

Kabilang sa mga lubhang mapanganib na basurang maaaring itambak ng Japan sa Pilipinas ang incinerator ash, municipal waste katulad ng ginagamit na sanitary napkins at adult diapers, sewage sludge, clinical waste katulad ng nagamit na bandage at intravenous syringes, chemical residues, at iba pang residue na may mga nakakalasong kemikal katulad ng arsenic at mercury.

Posted in Globalisasyon, Uncategorized | 4 Comments »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.