Muling Paglathala

Archive for the ‘Kababaihan’ Category

Isang babaing nakaupo, itinatakwil ng madlang kababaihan

Posted by mamamahayag on March 12, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Taon 7 Blg. 9
Marso 5-11, 2008

Sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, magmamartsa ang libu-libong kababaihan para irehistro ang pagkasuklam sa isang babaing nakaupo na nagtaksil diumano sa kadakilaan ng kababaihan.

MAGING sa sukat ng Forbes Magazine, bituing nawawalan ng ningning si Pangulong Arroyo.

Sa listahan ng 100 Pinaka-makapangyarihang Babae ng Forbes noong 2005, angat si Arroyo sa katayuang Bilang 4, nakikipagkiskisan ng siko kina US Secretary of State Condoleeza Rice at artistang si Oprah Winfrey sa diumano’y impluwensiya. Noong 2006, bumagsak ang kanyang ranggo sa Bilang 45. Noong nakaraang taon, Bilang 51 na lamang siya.

Kung maagang matatanggal sa puwesto, na ibinabadya ng pampulitikang sitwasyon ngayon, tuluyan na siyang mabubura sa listahan. Maitatala siya sa kasaysayan ng Pilipinas na unang babaing presidenteng pinatalsik sa puwesto—sa pagpupursige na rin ng kanyang mga kabaro.

BabaLa! kay Arroyo
“Galit kami na ang pamunuan ng isang babae, ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang walang-dudang naging pinakapasista, sinungaling, tiwali, at walang-prinsipyo sa kasaysayan ng bansa. Pinagtaksilan niya ang mataginting na kasaysayan ng kabayanihan at integridad ng mga babaing lider at ipinahiya ang mga mamamayang Pilipino.”

Ito ang nakasulat sa isang tarpaulin na pinirmahan, sa malaking kilos-protestang kontra-Arroyo noong Pebrero 29 sa Ayala Ave., ng mga lider ng bagong-tatag na alyansang BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian). Kabilang dito sina dating Sen. Leticia Ramos-Shahani, si Bibeth Orteza, dating presidential adviser Amina Rasul, Rep. Liza Maza at Rep. Luz Ilagan ng Gabriela Women’s Party, Connie Bragas-Regalado ng Migrante International, Emmi de Jesus ng Gabriela, at iba pang lider-kababaihan mula sa sektor ng kalusugan, akademya, magsasaka, manggagawa, at maralitang komunidad.

Tulad ng marami pang iba noong araw na iyon, bitbit nila ang isang banner na nagsasalarawan kay Arroyo bilang demonyita. Bunsod ito ng pagbubunyag ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. na tinawag ni Sek. Romulo Neri ang Pangulo na “evil” kaugnay ng eskandalong NBN-ZTE.

Pero ayon kay De Jesus, isa sa 40 convenor ng BabaLa!, “Hindi usapin ang kasarian. Basta kontra-kababaihan at kontra-mamamayang pangulo ka, dapat ka talagang ibasura.”

Ang imahe ni Arroyo bilang masamang tao ang nag-udyok sa wakas sa maraming kababaihang middle class, dati’y di nakikialam, na humugos sa lansangan noong Peb. 29. Paglabas ng katotohanan ang sigaw ng mga kolehiyala ng Assumption College, paaralang elementarya ni Arroyo. Pagtaguyod sa magandang ehemplo ang ipinaglalaban ng mga madre’t guro. Binigkas ang tulang “Lumuha ka Aking Bayan”, na pagbalikwas sa labis na pang-aapi ang panagawan, ng artistang si Gina Alajar.

Tanggalan at kontraktuwalisasyon
Para sa mga babaing matagal nang dumadalo sa mga kilos-protestang kontra-Arroyo, masaya ang pakiramdam na hindi na sila nag-iisa sa “pagkasuklam” sa gobyernong diumano’y matagal nang nagpapahirap sa kanila.

Bago tumungo sa Ayala Ave., galing sa isang piket sa Department of Labor and Employment si Rosalie Marcial, 38, dating manggagawa ng garments sa Laws Textile Phils. sa Taguig City. Ngayong Enero, bigla na lamang nagsara ang pabrikang pang-eksport na kanyang pinasukan sa nakaraang 20 taon. Ngayon, kabilang na siya at ang 272 pa niyang kasamahan sa hukbo ng mahigit isang milyong kababaihang walang trabaho.

Hinala ng mga manggagawa na karamiha’y babae, hindi nalulugi ang kompanya. Katunayan, muling magbubukas ito para kumuha na lamang ng mga kontraktuwal.

Sinasabing lalong lumala ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Noong 2007, karamihan sa nalikhang karagdagang trabaho ay di-permanente at may pinakamababang sahod. Sa mga trabahong karaniwang bukas sa mga kababaihan, napakaliit ng sahod. Ang mga nagtatrabaho sa agrikultura, tumatanggap lamang ng P135 kada araw, P290 sa manupaktura, P242 sa wholesale at retail, at P136 lamang sa mga nagtatrabaho sa kanilang bahay.
“Talagang wala siyang silbi,” galit na pahayag ni Gina Flores, opisyal ng unyon ng Laws Textile Phils. na nabuwag kasabay ng tanggalan, hinggil kay Arroyo. “Taliwas sa sinasabi niyang (Arroyo) magandang ekonomiya ang nangyayari.”

Nakasandal si Arroyo sa polisiyang export-import, kaya kapag umaalis ang mga kapitalistang namumuhunan sa bansa, mistulang nakatiwangwang ang mga manggagawa. “Wala kaming pupuntahan. Wala kaming ibang pagkakakitaan. Kaya malaki ang kasalanan niya,” sabi pa ni Gina. “’Yung dagdag-sahod para sa pagtaas ng bilihin, hindi niya magawa.”

Pananamantala sa OFW
Ikinagagalit naman ng kababaihang migrante ang mga patakaran hinggil sa mga kasambahay ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA na ipinasa noong 2007. Naniningil ngayon ng skills assessment fee ang Technical Education and Skills Development Authority na P8,000 hanggang P10,000 kada aplikante.

“Sa balatkayo ng dagdag na proteksiyon sa mga kasambahay, ang mga patakarang ito ay ‘kotong’ ni Gloria. Hindi kami magtataka kung nakakatanggap din ang Unang Pamilya ng kickback mula rito,” ayon kay Santiago, pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

Noong nakaraang taon, may 124,665 kababaihan ang nangibang-bansa. Pinakamarami ito sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Karamihan, nagtatrabaho sa Gitnang Silangan at Asya bilang kasambahay.

Dahil sa diumano’y mga krimen na kadalasang kakabit ng pang-aabuso sa kamay ng mga amo, may 500 kababaihang OFW (Overseas Filipino Worker) ang nakakulong. Lima ang nahatulan ng kamatayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Habang nalalagay sa panganib ang kababaihang OFW, ibinebentang opsiyon naman ng gobyerno ang micro-financing para sa mga kaanak na naiwan ng mga nangibang-bansa.

Matatandaang noong selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, Marso 8 ng nakaraang taon, napahiya si Arroyo sa kaharap niyang mga babaing empleyado ng gobyerno. Nang tanungin niya kung sino ang nakinabang sa proyektong micro-financing ng gobyerno, isang pakutyang “wala” ang isinagot sa kanya. Iyon pala, hindi mga benepisyaryo ng micro-financing ang kaharap niya.

Ngayong taon, micro-financing o pagpopondo sa maliliit na negosyo pa rin ang tema ng National Commission on the Role of Filipino Women para sa Buwan ng Kababaihan. Sinasabing itutuon ng gobyernong Arroyo ang buong “lakas” sa pagkapapasulpot ng pondo para ilaan sa mga inisyatibang may kaugnayan sa gender equality o pagkakapantay-pantay ng kasarian at ang pagpapalakas sa puwersa ng kababaihan.

“Sa totoo lang, parang mumo lang iyan kung itatapat mo doon sa ninakaw ni [Arroyo],” sabi ni De Jesus. “’Yung pangkalahatang sitwasyon, wala namang trabaho rito, so lalo niyang (Arroyo) isinasadlak ’yung kababaihan na lumabas ng bansa kahit mapanganib.”

Hirap na nanay
Gutom naman ang dinaranas ng kababaihan at kanilang mga kaanak na naiiwan sa bansa. Sa huling sarbey ng Social Weather Stations noong ikaapat na kuwarto ng 2007, umaabot sa 6.1 milyong pamilya ang nakakaranas ng gutom. Sa isang tradisyunal na pamilya, sinasabing ang babae ang kumakain nang “huli” at “pinakakaunti” dahil sila ang responsable sa pagtiyak na may maihahain sa mesa.

Pahirap nang pahirap ang tungkuling ito. Sa pagsubaybay ng CWR (Center for Women’s Resources), sumirit ang presyo ng batayang mga bilihin tulad ng bigas (4.37%), sardinas (1.21%), noodles (5.35%), asukal (15.89%), gatas (17.69%), kape (1.36%), mantika (18.18%), at sabong panlaba (0.69%) ngayong Enero 2008 mula noong Enero 2007.

Salik sa pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Hindi ito maibsan ng gobyernong Arroyo na diumano’y sadyang nagpapanatili sa kartel ng malalaking kompanya ng langis. Maging ang mungkahi ni Sen. Manuel Roxas III na alisin pansamantala ang 12% Expanded Value-Added Tax sa mga produktong petrolyo, hindi pa inaaksiyunan.

Tumaas din ang presyo ng 11-kilong tangke ng Liquefied Petroleum Gas o LPG ng P76.94 mula noong nakaraang taon. Dahil sa kawalan ng badyet sa pagluluto, may halos kalahati ng mga nanay sa National Capital Region ang gumagamit ng mga alternatibo sa LPG tulad ng uling, kerosene, bao ng niyog at kahoy, ayon sa sarbey ng CWR.

Samantala, tumaas ang singil sa tubig na naging P25.94/metro kubiko nitong Enero 2008, mula sa P19.59/metro kubiko noong Enero 2007. Sa karaniwang konsumo ng tubig ng isang pamilya na 30 metro kubiko kada buwan, P190.50 ang dagdag na bayarin ng mga nanay, ayon pa rin sa kalkulasyon ng CWR.

Karahasan vs kababaihan
Sa ika-17 anibersaryo ng PNP (Philippine National Police) noong Pebrero 6, ipinagmalaki ni Pangulong Arroyo “ang mga ginagawa ng pulisya para proteksiyunan ang mga bata at kababaihan.” Sa sobrang tuwa, iniutos niyang pintahan ng purple ang lahat ng Women’s Desk ng PNP para umano ma-engganyo ang kababaihan na dumulog dito.

Pero kalunus-lunos pa rin ang datos ng karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak o VAWC (Violence Against Women and their Children). Noong 2007, tinatayang may isang babaing nagiging biktima ng karahasan sa bawat isang oras at 13 minuto, ayon sa mga reklamo sa PNP, Department of Social Welfare and Development, at Gabriela.

Isang babae ang nagagahasa kada pitong oras at 30 minuto; isang babae ang nabibiktima ng seksuwal na pang-aabuso (sexual harassment) sa kada 18 oras at 50 minuto; isang babae ang nabubugbog kada isang oras at 50 minuto; at isang babae ang nabibiktima ng sex trafficking, prostitusyon o pornograpiya kada dalawang araw.

Walang hustiya ang nakakamit ng karamihan sa ganitong krimen. Mula 2005, walang naresolba ni isang kaso ng VAWC ang Department of Justice Task Force. Katunayan, isa sa bawat tatlong kaso ng VAWC ang ibinasura nito.

Samantala, ayon kay De Jesus, may mga uri pa ng karahasan laban sa kababaihan na direkta at sistematikong ipinapalaganap ng gobyernong Arroyo.

Mula Hunyo 2007 hanggang Pebrero ngayong taon, may 5,745 pamilyang dinemolis ang tahanan para magibigay-daan sa samu’t saring “proyektong pangkaunlaran” ng gobyernong Arroyo sa NCR.

Samantala, umabot na sa 1,010 ang kababaihang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bantay Laya I at II, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo. (Tingnan ang talaan) Halos 100 ang pinaslang dahil sa kanilang pampulitikang paninindigan. Nananatili namang nakapiit ang makabayang mga lider-kababaihan tulad nina Angie Ipong, 63, na dinukot noong 2005; at Elizabeth Principe, 60, na dinukot noong nakaraang taon.

Marso 8
Pandaraya, pagsisinungaling, korupsiyon, pagpapahirap at karahasan laban sa kababaihan. Para sa BabaLa!, higit pa sa sapat ang mga dahilang ito para paalisin sa puwesto at papanagutin para sa kanyang diumano’y mga krimen ang isang babaing pangulo.

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, bitbit ng BabaLa! ang islogang “Gloria, out now!” Pinakamalaking pambansang protesta ng kababaihan laban kay Arroyo ang kanilang inihahanda. Lalahukan ito ng pinakamalawak at pinakamalapad na hanay ng kababaihan hindi lamang sa Kamaynilaan kundi sa buong bansa.

Sabi pa ni De Jesus, hindi sila titigil sa paglaban kahit mapatalsik na ang Pangulo. Magiging bahagi sila ng pagbabantay sa maling pamamalakad ng gobyernong papalit at pagtiyak na mapaparusahan si Arroyo.

Aniya, matagal pa marahil bago mapatalsik si Arroyo. Pero nakakatiyak tayong sa Marso 8 ngayong taon, malakas na irerehistro ng kababaihan ang mensaheng ito. Ihahayag din nila ang tinatawag nilang tunay na pagpapakahulugan sa “makapangyarihang kababaihan,” na kaiba sa pakahulugan ng Forbes Magazine na nagturing kay Arroyo na “isa sa makapangyarihang mga babae” sa mundo.

“Ang malawak na bilang ng kababaihan ay makapangyarihang puwersa ng pagbabago sa lipunan,” pagtatapos ni De Jesus.

May ulat sina Noel Sales Barcelona, Charlene Sarmiento, Catherine Bucu, Evie Macapugay, at Shiela Alvarado

Ang babaing nagpatigalgal kay GMA

PANSAMANTALANG natigalgal si Pangulong Arroyo nang umalingawngaw ang mga sigaw ng mga kabataang aktibista. Ang lobong dapat paliliparin, nanatili sa kanyang kamay.
Sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan sa munisipyo ng Calamba, Laguna noong Marso 3, babae ang isa sa siyam na “heckler” na dinakip at ikinulong nang ilang oras dahil sa diumano’y panggugulo sa pangulo.

Heto ang salaysay ni Ivee Jade Tañedo ng Gabriela Youth sa PINOY WEEKLY:

“Nagsimula nang sumigaw ng ‘Pahirap sa masa, patalsikin si Gloria!’ ang mga nagpoprotesta. Agad na tumakbo papalapit ang mga PSG (Presidential Security Group). Pinaghahawakan sila sa leeg na parang mga aso. Halos mawalan ng malay si Antonio Precilla (Bayan Muna). Nakaangat na mula sa lupa ang kanyang katawan. Pilit na pinagtatakpan ang kanilang mga bunganga hanggang sa masugatan ang isa (John Angelo Dagnalan, League of Filipino Students). Nakapagladlad ng “Oust GMA” banner ang isa, ngunit dali-daling hinablot ito ng PSG, pati na rin ang may hawak (Mark Velasco, Kabataan Party).

“Nang inilabas ko ang videocam para kunan ang panghaharas, agad itong tinakpan ng isang PSG. Tinulak ako at nasaladsad sa semento. Pinagtutulakan ako ng apat na PSG kahit nakahambalos pa ako sa semento. Binalikan ako ng isang kasama para tulungang makabangon. Saka pa lamang lumapit ang isang PSG upang pagsabihan ang kanyang mga kasamahang ’wag akong sasaktan dahil ‘babae ako.’

“Minimum ang dalawang naglalakihang PSG sa bawat hinuli. Pinagtutulak kami papunta sa presinto ng PNP (Philippine National Police). Sinusuntok at binabatukan ang mga kasamahan ko. Habang tinatawagan ni Nante Eclevea ng Bayan Muna ang aming abogado, hinablot ng isang lalaking naka-sibilyan ang kanyang cellphone. Sinuntok pa siya sa tagiliran.

“Sinabing dadalhin kami sa ospital upang makapagpa-medikal. Hindi kami pumayag na sumama hangga’t hindi dumarating ang abogado. Pinipilit kami ng opisyal ng PNP na sumama at binantaang bubuhatin kami. Ngunit hindi kami nagpapilit. Hindi kami naghiwa-hiwalay. Nakumpirma ng isang kontak sa labas na hindi raw pala kami sa ospital dadalhin, kundi sa Camp Vicente Lim. Naitanong niya kasi sa isang pulis kung nasaan na ang mga ‘nanggulong aktibista’ sa programa noong umaga. Ang sagot ng pulis ay ‘dadalhin na sa Camp Vicente Lim.’ Dinala na kami sa kulungan at nanatili doon ng mahigit-kumulang apat na oras.

“Taliwas sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, mismong isang babae ang sinaktan at pinagtutulak. May mga sumisilip pang militar sa presinto dahil ‘may babae’ nga raw.

“Hindi tunay ang sinasabi ni GMA at ng United Nations na tayo ang may pinakamalaking pagbabawas sa diskriminasyon sa kababaihan. Ipinagmalaki pa niya ’yung mga kababaihan mula sa Siniloan na binigyan raw ng kabuhayan. Hindi na siya nahiya sa mga panloloko at pagbabalatkayo niya upang mapabango ang kanyang pangalan sa iilan lamang.

“Sa loob mismo ng selda, kapag nag-iinuman ang mga pulis, ginagawang ‘pulutan’ ang ilang kababaihan. Ang lakas ng loob na mambastos ng mga dapat tagapagpatupad ng batas.

“Mismong si GMA na isang babaing presidente, hindi isinusulong ang kagalingan at karapatan ng kababaihan. Hindi siya ang pinapahirapan; siya ang nagpapahirap. Hindi siya ang dinadahas; siya ang pangunahing nandarahas, di lamang sa mga kababaihan, kundi sa bawat mamamayan. Siya ang nararapat na ipasok sa selda, at ikulong nang habambuhay.”

*Ang iba pang dinakip at ikinulong: Erick Paco (Bayan Muna), Vicfer Sianko (Kabataan Party), Jun Mir Horca (Kabataan Party), at Frederico Torres (Bayan Muna).

Posted in Kababaihan | Leave a Comment »

Giyera ng gatas: Sino ang maililigtas?

Posted by mamamahayag on July 8, 2007

 Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 24
Hunyo 20, 2007

Bukod sa People Power, isa pang kasing-halagang pangyayari ang naganap noong 1986, ang pagsasabatas ng Milk Code. Inakala ng mga tagapagtaguyod nito, maliligtas ang milyong sanggol mula sa malnutrisyon at kamatayang dulot ng pagpapainom ng formula milk. Pero sa loob ng 21 taon, inikutan lang ng mga dambuhalang kompanya ng gatas ang batas.

“Noon pa man, nakagewang na ang laban pabor sa mga kompanya ng gatas,” sabi sa PINOY WEEKLY ni Dr. Juan A. Perez III, konsultant sa public health policy ng DOH (Department of Health). Dating direktor ng grupong Bunso na instrumental sa pagpapasa at pagmomonitor sa implementasyon ng nasabing batas, saksi si Dr. Perez sa “tusong pamamaraan ng mga kompanya ng gatas para isalaula ang Milk Code.”

Ipinagbabawal ng Milk Code ang paglalako ng formula milk sa mga ospital, gayundin ang mga patalastas na nagrerekomenda nito para sa mga sanggol na 0-12 buwang gulang. Sang-ayon ito sa 1981 International Code of Marketing of Breastmilk Substitutes ng World Health Assembly. Ang ginawa ng mga kompanya ng gatas, nagbenta ng formula milk para sa mga batang 12 buwang gulang pataas. “Nagdulot ito ng maling akala na okey ang formula milk, na pampatalino at pampalakas ito sa mga sanggol,” paliwanag ni Dr. Perez.

Sa pag-aaral ni Dr. Perez noong 1985 sa mga sanggol (0-6 buwan gulang) sa mga ospital pampubliko sa Kamaynilaan, natuklasan niyang 33 beses na mas bulnerable sa diarrhea at pneumonia ang mga batang pinaiinom ng formula milk. Marami pang pananaliksik sa loob at labas ng bansa ang nagpapatunay ng mga panganib ng di-pagpapasuso.

Bilang tugon sa 2002 Global Strategy on Infant and Young Child Feeding ng WHO (World Health Organization) at Unicef (United Nations Children’s Fund), gumawa ang DOH ng Revised IRR (Implementing Rules and Regulations) ng Milk Code. Dito, kinilala na pinakamahusay ang exclusive breastfeeding para sa mga sanggol na 0-6 buwang gulang; at pagpapasuso sa mga sanggol hanggang 24 buwang gulang pataas. Ipinagbabawal nito ang patalastas ng formula milk para sa mga sanggol hanggang dalawang taong gulang.

Umalma ang dambuhalang industriya ng gatas. Sabi ng PHAP (Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines), labag ang IRR sa “kalayaan sa pamamahayag” at “karapatan sa impormasyon.” Diumano’y sinasapawan din nito ang Milk Code na sumasaklaw lamang sa mga sanggol hanggang isang taong gulang. Noong Agosto 2006, nakakuha ito ng Temporary Restraining Order sa IRR mula sa Korte Suprema.

Pero hinikayat ni Dr. Perez ang Korte Suprema na balikan ang “diwa ng batas” na nakabatay umano sa mga internasyunal na kasunduan, katulad ng UN Convention on the Rights of the Child.

Bilang suporta sa IRR, kinondena ng WHO at Unicef ang mga paglabag sa pambansa at internasyunal na Milk Code. Pinansin ng mga ito ang pagbagsak ng bilang ng mga sanggol na exclusively breastfed hanggang limang buwan — 20% noong 1998, naging 16% noong 2003. Isinisi ito ni Shigeru Omi, WHO Regional Director, sa mapanlinlang na mga patalastas na ginagastusan ng mga kompanya ng gatas ng mahigit $100 Milyon kada taon. Sa kabilang banda, P5 hanggang P10 Milyon lamang kada taon ang badyet ng DOH para ipalaganap ang pagpapasuso, sabi ni Dr. Perez.

Samantala, sinabi ng Arcsea (Association for the Rights of Children in Southeast Asia) na banta ang globalisasyon sa pagpapasuso dahil pinababaha nito ang formula milk sa merkado. Mga multinasyunal na korporasyong nakabase sa US ang karamihan sa mga kompanya ng gatas, gaya ng Wyeth, Mead Johnson, Abbott Laboratories, Novartis, at GlaxoSmithKline.

Noong Agosto 11, binalaan ni Thomas Donahue, presidente ng US Chamber of Commerce, si Pangulong Arroyo na ang IRR ay masama sa dayuhang pamumuhunan. “Manipestasyon ito ng kontrol ng imperyalistang US sa maliliit na bansa tulad ng Pilipinas,” sabi sa PINOY WEEKLY ni Mercedes Arleen Alfonso, Program Officer ng Arcsea.

Sa pagdinig noong Hunyo 19, sinabi ng PHAP sa Korte Suprema na malulugi ng P10 Bilyon ang mga kompanya ng gatas kung ipatutupad ang IRR. Ani Justice Angelina Sandoval Gutierrez: Bakit tila mas mahalaga pa ang kanilang kinikita kaysa sa kapakanan ng mga sanggol?

Abangan ang pagdedesisyon ng Korte Suprema: Sino kaya ang maliligtas?

Di-pagpapasuso: Panganib, pasang-krus
• Inimbento ng Nestle ang unang formula milk noong 1867 para sa mga sanggol na maysakit o namatayan ng ina. Di nagtagal, ibinenta ito para sa lahat ng sanggol sa US at Europa at noong dekada 50, sa mga bansang mahihirap.
• 1939, isiniwalat ni Dr. Cicely Williams ang mga panganib ng formula milk; at ni Dr. Derrick Jelliffe noong 1968, hanggang sa lumabas ang ulat na “The Baby Killer” noong 1974.
• Kinilala ng WHO noong 1981 na sanhi ang formula milk ng malnutrisyon at sakit (pangunahin ang diarrhea at pneumonia) na maaaring ikamatay ng sanggol.
• 2002, natuklasan ng UN Food and Agriculture Organization at WHO sa formula milk ang Enterobacter Sakasii, bacteria na nagdudulot ng sepsis at meningitis.
• Sa iba’t ibang bansa, ilang beses nang ipinabawi ang formula milk dahil sa kontaminasyon ng ink at lead. Ngayong buwan, 2.5 milyong lata ng gatas ng Wyeth ang ipinabawi ng DOH dahil sa umano’y amag at kalawang.
• Tinataya ng WHO na 16,000 Pilipinong sanggol na di-napasuso ng ina ang namamatay kada taon.
• Pasang-krus ng mga pamilya ang formula milk – pinagkakagastusan ito ng mga Pilipino nang $465 Milyon kada taon.

Posted in Kababaihan | 1 Comment »

Liwanag ng dignidad

Posted by mamamahayag on June 21, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 23
Hunyo 20, 2007

 

“ORDINARYO akong tao. Hindi ako katulad ni Ruffa. Pero alam kong may karapatan ako bilang babae at lalaban ako.”

Ito ang sinabi ni Alyza Mara (di tunay na pangalan), 47, kauna-unahang babae sa kanyang barangay sa Cubao, Quezon City, na magsasampa ng Domestic Violence Report at kukuha ng BPO (Barangay Protection Order) laban sa kanyang asawang seaman. Matinding abusong sikolohikal ang inirereklamo ng housewife na si Alyza, na umano’y makailang beses binantaan, ininsulto, inakusahan, at nitong huli, ipinagkalat pang patay ng kanyang asawa. “Magsasalita pa lang siya, ninenerbiyos na kaming mag-ina. Gusto na lang namin magtago sa ilalim ng kama,” sabi ni Alyza.

Isa lamang si Alyza sa 397 babaeng inilapit sa grupong Gabriela ngayong taon ang kaso ng pang-aabuso. Karamihan ay nasa kamay ng kanilang asawa o karelasyon. Oo nga’t bibihira ang mga babaeng may mala-prinsesang buhay ni Ruffa Gutierrez ang lumantad, pero karaniwan nang nakararanas ng mga karahasan katulad ng inilahad ng aktres sa programang The Buzz kamakailan. (Tingnan ang kaugnay na istorya)

Isa kada tatlong oras

Sa datos ng PNP (Philippine National Police), tinatayang may isang babae ang nabubugbog kada tatlong oras. May 3,679 na kaso ng domestic violence ang naitala ng PNP sa unang tatlong kuwarto ng 2006, habang 12,226 na kaso naman ang naitala ng Department of Social Welfare and Development sa parehong taon. Bukod pa ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC (Violence Against Women and Their Children) Act na nakahain sa 19,835 barangay sa buong bansa, karamihan ay domestic violence.

Marami pang kaso ang hindi naiuulat ng mga babaing biktima dahil sa “Battered Wife Syndrome” o pag-iisip at pag-uugali na resulta ng mahabang panahon ng pagdanas ng pang-aabuso.

Ang domestic violence, ayon sa manwal ng Center for Women’s Resources, ay ang “sistematikong pagpapamalas ng kapangyarihan at kontrol ng lalake sa kanyang karelasyong babae, kasal man sila o hindi, sa pamamagitan ng pisikal, sikolohikal, seksuwal, at pang-ekonomiyang pang-aabuso.”

Hindi na hinintay pa ni Alyza na humantong ang papatinding mga away sa pisikal na pananakit. Bitbit ang dalawang anak, umalis siya sa kanilang tahanan noong Enero 29. Nang ginawa niya ito, agad gumaan ang kanyang loob, kahit alam niyang mapuputol ang suportang pinansiya mula sa kanyang asawa. Dating empleyado sa bangko na iniwan ang career para magpamilya, sa kumunoy ng takot at kawalang-halaga sa loob ng 24 na taong pagsasama ang kinahinatnan ni Alyza.

“Parang busabos ang tingin niya sa akin. Lagi niyang sinasabi sa akin, wala kang silbi, ako ang nagpapalamon sa’yo.”
Kinikilalang ang pang-aabusong tahanan ay nakabatay sa pananaw na pag-aari ng lalake ang babae sa loob ng relasyon at mas mababa ang kalagayan nito. Direkta at di-direktang sinusuhayan ng mga tradisyon, batas, at kaugalian sa lipunan.

Noo’y maganda ang pagsasama ni Aracelie Almen, 39, at asawang si Ronald. Ngunit umano’y sinimulan siyang saktan nito nang mabuntis noong 2005 at nalamang may ibang babae si Ronald. Noong Mayo 3, 2006, pinuntahan niya ang asawa sa pinagtatrabahuhan bilang security guard sa Makati City matapos nitong di umuwi nang dalawang linggo. Gusto lamang ni Ara na pag-usapan ang sustento sa kanilang anak, pero karahasan ang iginanti sa kanya.

“Pinitserahan niya ako, binuhat at isinalya sa gate. Dalawang beses niya ako sinuntok. Pagkasuntok niya sa akin binuhat niya ulit ako at inihampas sa semento. Kumuha siya ng hose, ihahampas niya sana sa akin, pero nakakuha ako ng pala. Inisip ko, lalaban talaga ako kung sasaktan pa niya ako,” kuwento ni Ara, isang make-up artist. Hindi siya nakapasok sa trabaho kinabukasan dahil sa pamamaga ng ilang bahagi ng katawan.

Umano’y naging mapanganib si Ronald maging sa kanilang anak. Isang araw noong nakaraang Nobyembre, sisitahin sana ni Ara ang kanyang asawa na nakaligtaang kunin ang anak sa pangangalaga ng kapitbahay. “Ginising ko siya. Pagtayo niya, sinampal niya ako nang malakas na malakas. Sinakal niya ako, tapos sinuntok ako sa ulo. Binuhat niya ako, hinampas ako sa dingding. ‘Yung bata, nanginginig na. Hindi na ako makalaban kasi nakayakap na ako sa anak ko. Pero sinira pa niya ‘yung dingding, hinagis yung mga gamit namin.”

RA 9262, kumusta?

Bunsod ng nasabing mga insidente, sinampahan ni Ara ang kanyang asawa ng paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC Act. Noong Marso, inaresto si Ronald pero agad nakapagpiyansa. Kasalukuyang dinidinig ang kaso, pero hindi kumpiyansa si Ara sa piskal na humahawak sa kaso. Tumanggi kasi itong i-renew ang kanyang protection order laban sa asawa na nagagawa pa umanong mag-text ng masasakit na bagay.

Kung tutuusin, iilan lamang ang katulad ni Ara na may kakayahan at lakas ng loob na magsampa ng kaso sa ilalim ng VAWC Act na ipinasa noong 2004. Pinuri bilang isang batas na magpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan, pinarurusahan nito ang mga lalaking nang-aabuso sa babaing asawa o karelasyon.

Pero simula nang maipasa ang batas hanggang Marso 2007, pitong salarin pa lamang ang na-convict ng Department of Justice Task Force on Women and Children Protection. Mula 2005, wala ni isang na-convict. Lumalabas din na 34% ng mga kaso ang naibasura na, 61% ang hindi pa nadedesisyunan, at 5% ang hindi pa naisasampa sa korte.

Sa ilalim din ng RA 9262, maaaring bigyan ng mga korte at barangay ang inaabusong babae ng protection order. Sa nasabing kautusan, maaaring ipagbawal ang panghaharas, komunikasyon, at paglapit ng asawa o karelasyong lalake sa babae; iutos ang pagpapalayas ng lalake sa tirahan ng babae at kanilang anak; ibigay ang kostudiya ng anak sa babae; at iutos ang pagbibigay ng suportang legal sa babae.

Pero hindi naipapaabot ng gobyerno sa kababaihan ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng nasabing batas, ayon kay Gert Ranjo-Libang, tagapagsalita ng Gabriela. Umano’y di-alam ng maraming barangay ang RA 9262. “Maraming pagkakataon na Gabriela pa ang nagbibigay sa barangay ng form para sa protection order.” Katulad na lamang ni Alyza, na siya pang magtuturo sa barangay kung paano mabigay ng BPO.

Mula biktima tungong lider

Kung sa paghingi ng proteksiyon at hustisya nakalaya sina Alyza at Ara sa pang-aabuso ng kanilang mga asawa, iba naman ang kay Nerissa “Nanay Neri” Mejos, tagapangulo ng grupong Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa).

Noong dekada ’80, pinagbubuhatan siya ng kamay ng asawa. Kinailangan ni Nanay Neri ng tatlong tahi sa bandang kilay nang minsang suntukin siya nito. Sa pag-aakalang matitigil ang pang-aabuso kapag siya’y nagtatrabaho, namasukan si Nanay Neri sa pagawaan ng sapatos. Dito siya naging unyonista. Dito siya natutong lumaban, di lang sa amo sa pagawaan, kundi sa nagmimistulang amo sa tahanan.

“Ipinaliwanag ko sa kanya ang mga karapatan ko at ang mga isyu na nakakaapekto di lang sa kababaihan, kundi maging sa kanya bilang manggagawa at mamamayan,” sabi ni Nanay Neri. Unti-unti, natigil ang pang-aabuso at pambababae ng kanyang asawa. Sa ngayon, patuloy silang nagsasama at mayroon nang 17 apo.

Bilang lider at organisador ng kababaihan sa maralitang mga komunidad, bumabalik ang galit ni Nanay Neri kapag nakakakita siya ng mga babaing inaabuso. Pinapayuhan niya ang mga itong lumaban (“Humawak kayo agad ng dos por dos”) at maging desidido kung makikipaghiwalay. Ang problema lang, aniya, nakadepende sa pinansiya ang maraming babae sa kanilang mga asawa.

Kahirapan at karahasan

Bagaman ang domestic violence, katulad ng iba pang porma ng VAWC, ay walang pinipiling uri (nangyayari kapwa sa babaing mahirap at mayaman), sinabi ni Ranjo-Libang na pinalalala ito ng talamak na kahirapan. “Habang kinakapos sa pera, bumababa ang tingin ng lalake sa kanyang sarili bilang provider. Kaya may tendensiyang ibunton niya ito sa kanyang pamilya.”

Pinasubalian din ni Ranjo-Libang ang pahayag ni Press Secretary Ignacio Bunye na “personal na usapin” lamang ang pambubugbog ni Yilmaz kay Ruffa. Aniya, ipinapakita mismo ng RA 9262 na ang domestic violence ay isang pampublikong krimen.

Bumangon sina Alyza, Ara, at Nanay Neri sa sariling lakas at suporta ng mga kapamilya at kapwa-babaing nagmamalasakit. Halos hindi nila masulingan ang gobyerno, na ayon nga kay Alyza ay “hindi pinapansin ang mahihirap.” Pero kayrami pang babae ang nangangailangan ng tulong, unawa, at edukasyon— na dapat sana’y pinangungunahan ng gobyerno. Kayrami pang nagdurusa sa loob ng madidilim na tahanan at hinahanap ang liwanag ng sariling dignidad bilang babae.

Posted in Kababaihan | 3 Comments »

Kababaihan sa panahon ni Gloria

Posted by mamamahayag on March 9, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 9
Marso 6, 2007

“E ano kung babae ang nakaupo sa Malakanyang? Pinapatay naman sa gutom ang mga babaing mahihirap katulad ko.”

Ito ang sentimyento ni Caring Mabajen, 62, isa sa mga manininda’t opereytor ng bisikleta na pinalayas sa kanilang puwesto sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City noong Enero 31. Sukdulan ang galit nila sa gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagwasak sa kanilang tanging hanapbuhay na tumagal na nang mahigit 30 taon.

Ngayon, tiis sa hamog sa bakanteng loteng katapat ng Star City si Nanay Caring. Gusto mang maghanap ng trabaho, masyado na siyang matanda. Tigil na sa pag-aaral ang kanyang dalawang apo sa elementarya. Masuwerte na kung may ulam silang bagoong.

Kawalan ng kabuhayan

Halos kalahati ng kababaihang nagtatrabaho (4.3 milyon o 36.3%) ang naka-empleyo bilang obrero o unskilled worker sa mga industriya at sa agrikultura. (Ang iba’y empleyado ng gobyerno at ibang opisina, manggagawang panserbisyo, at propesyunal.) At palibhasa’y walang sariling lupa, sila ay gaya ng karamihan sa magsasakang Pilipino na nagiging manggagawang bukid. Noong 2006, mas mababa ng 10.4% o P17 ang sahod ng kababaihan kumpara sa kalalakihan sa mga palayan at maisan.

Samantala, sa mga industriya, walang kaseguruhan sa trabaho, mababa ang sahod, at walang benepisyong natatanggap ang kababaihan na kadalasa’y ineempleyo bilang mga kontraktuwal. Pinalulubha ang sitwasyong ito ng kalagayang may 2.7 milyong babaing manggagawa ang tapos lamang ng hayskul.

Sa pag-aaral ng CWR (Center for Women’s Resources), sentrong pananaliksik ng kababaihan, umaabot ng 78 hanggang 100% ang mga kontraktuwal sa mga industriyang karaniwang nag-eempleyo ng mga babae. Kabilang dito ang mga pagawaan ng damit (garments) at electronics, at mga department store katulad ng Shoe Mart.

Kadalasang may hangganan sa edad na 15 hanggang 28 anyos ang mga babaing kontraktuwal.

Hindi nakapagtataka, nang dahil sa kawalan ng disenteng hanapbuhay sa bansa, maraming babae ang nagtitiis na mapalayo sa pamilya para makipagsapalaran sa ibayong dagat. Umaabot sa 65% o higit sa kalahati ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) ay kababaihan na nagtatrabaho bilang DH (domestic helper) o kasambahay at entertainer o mang-aaliw.

Pangunahing destinasyon ng mga babaing OFW ang Saudi Arabia, Hong Kong, United Arab Emirates, Singapore, Italy, Kuwait, United Kingdom, Qatar, Taiwan at Brunei. Hindi lumagda sa United Nations Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families” ang lahat ng mga bansang nabanggit. Kaya naman samu’t saring pagpapahirap ang dinaranas ng OFW sa kamay ng kanilang mga amo at dayuhang awtoridad.

Katunayan, isa na namang babaing OFW ang nakatakdang bitayin sa Gitnang Silangan. Kasulukuyang iniaapela ang kaso ni Marilou Ranario, 33, dating guro na hinatulan ng kamatayan noong 2005 dahil sa diumano’y pagpatay sa abusado nitong among Kuwaiti.

Umabot sa 22,000 ang naitalang kaso ng mga “distressed migrant” ang inasikaso ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs noong 2006. Inaakalang mas malaki ang aktuwal na bilang dahil maraming kaso ang hindi naiuulat at naisasadokumento.

Ngunit sa halip na tulungan ang mga babaing migrante, abala ang gobyerno sa mga iskemang makapanghuhuthot ng karagdagang kita mula sa mga ito. Isa na ang kontrobersiyal na pagpapataw ng Philippine Overseas Employment Agency ng P10,000 dagdag-bayarin para sa mga nais mag-DH.

Pasanin ng karaniwang nanay

Dahil hindi nakasasapat sa araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya ang kinikita ng asawang drayber ng dyip, nagtitinda ng lutong-bahay si Virginia Abante, 42, taga-Sampaloc, Maynila, may dalawang anak.

Ngunit ang dagdag-kita ni Aling Virgie ay napupunta lang sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at dagdag-singil sa kuryente, tubig, LPG, at gasolina. “Pahirap na talaga nang pahirap ang buhay. Ramdam mo ang bawat sentimong pagtaas ng presyo at singil,” aniya.

Tinatantiya ng CWR na umaabot sa P604.88 ang dagdag na pasanin ng karaniwang nanay sa utilities para sa isang buwan. (Tingnan ang Talaan 1.)

Ilan pa sa pabigat sa pamilyang Pilipino ang mga sumusunod:

1.Nitong nakaraang taon, tumaas ang presyo ng LPG sa kabuuan ng P4 kada kilo o P44 kada tangke;
2. Ipinataw ng Transco (National Transmission Corp.) sa bawat pamilyang Pilipino ang P97.76 dagdag-singil kada buwan para matustusan ang gastos sa pagpapaayos ng nasirang mga linya ng kuryente ng bagyong Milenyo at Reming;
3. Umutang ang Maynilad ng $125 Milyon sa World Bank, kaya tinatayang babayaran ito ng P423.52 kada buwan ng bawat pamilyang Pilipino;
4. Inaprubahan ng gobyerno ang hiling ng Maynilad at Manila Water na magtaas ng singil simula Enero 2007; tumaas ng P0.48 kada metro kubiko ang singil ng Maynilad, habang nagtaas ng P0.84 kada metro kubiko ang singil ng Manila Water.
Sa National Capital Region, P766 ang kailangan ng isang pamilyang Pilipino na may anim na miyembro para mabuhay nang disente, ayon sa National Wages and Productivity Commission. Hindi ito maaabot kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at tumatanggap ng minimum na sahod.

Kubakob man sa pagsisikap na may maihahain sa mesa, sinasabing pinakahuli at pinakakaunting kumain ang babae. Madalas, unang pinapakain ng ina ang mga anak at nagkakasya na lamang sa kung anuman ang matitira. Kung kaya naman tinatayang tatlo sa bawat limang Pilipinong nagugutom ay kababaihan. May halos 17 milyong Pilipino ang nagugutom, ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations.

Karahasan vs. kababaihan

Si Eliza (di tunay na pangalan), 27, ay isa sa tinatayang 400,000 babaing ibinubugaw sa buong bansa. Tubong La Union, ginahasa siya sa murang edad ng kanyang ama, tiyuhin, at dalawang pinsan — dahilan para tumakas siya papuntang Maynila. Dahil sa kalam ng sikmura, nasabak siya sa industriya ng laman.

Kamakailan lamang tumigil sa prostitusyon si Eliza, alang-alang sa isang taong gulang na anak. Aniya sa mga lalaking kostumer at mga pulis na regular na nanggagahasa sa kanya tuwing nababagansiya, “Hindi kami tinatratong tao, kundi hayop.”

Ayon sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), tumaas ng 32% noong nakaraang taon ang bilang ng kababaihan at kabataang biktima ng karahasan katulad ng panggagahasa at panghahalay ng kapamilya, seksuwal na panliligalig (sexual harassment), karahasan sa tahanan (domestic violence), prostitusyon at sex trafficking. (Tingnan ang Talaan 2.)

Nakalulungkot ang sinasabi ng mga estadistika: Kada oras, may isang biktima ng panggagahasa at incest. Kada 18 oras, may isang biktima ng seksuwal na panliligalig. Kada apat at kalahating oras, may isang babaing binubugbog.

Kung tutuusin, konserbatibo pa ang taya ng gobyerno dahil maraming kaso ang hindi naiuulat at naisasadokumento dahil sa takot na lumantad ng mga biktima. Hindi rin nabibigyang-hustisya ang marami sa mga kasong ito.

Si “Nicole,” biktima ng panggagahasa noong 2005 ng Amerikanong sundalo sa Subic, ay isa sa mga bukodtanging babaing naglakas-loob na magsampa ng kaso at pinaboran ng korte. Napatunayan sa paglilitis na ginahasa ni Lance Corporal Daniel Smith ang 22-anyos na Pilipina.

Ngunit sa kabila nito, mismong Malakanyang ang nagmaniobra para ang manggagahasa ay “makatakas” o mailipat mula Makati City Jail patungong embahada ng US. Binatikos ang mas pagpapahalaga ni Pangulong Arroyo sa diumano’y “magandang relasyon” sa US kaysa sa karapatan ng kababaihan at soberanya ng bansa.

Tradisyon ng Marso 8

Sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, inaasahang magbubuklod ang kababaihan para ipagsigawan ang inhustisyang dulot ng kawalan ng disenteng hanapbuhay, di-maabot na halaga ng pamumuhay (cost of living) at iba’t ibang porma ng karahasan.

Sang-ayon sa tradisyon ng unang mga babaing manggagawang nagprotesta sa New York City noong 1857, igigiit ng kababaihang Pilipino ang pagbabago sa lipunang malaon nang umaalipin sa kanila. Ang mga kilos-protesta sa mga lansangan, pabrika, paaralan, at sakahan ay pangungunahan ng Gabriela, pambansang organisasyon ng kababaihan.

Ayon nga kay Nanay Caring, hindi siya takot kay Pangulong Arroyo. Bagkus, ikagagalak pa umano niyang manguna sa pagpapatalsik sa puwesto ng isang kabarong taksil sa mahihirap at inaapi.

Abante, Babae!

Si Edna Esquierra, 38, ay tinawag ng isang kasamahan sa gitna ng Christmas party ng anak sa Christian Daycare Center sa Commonwealth, Quezon City noong Disyembre 18. Laking gulat niya nang makita sa kusina ang apat na sundalong naghihintay sa kanya.

“Tinanong nila kung kasapi ako ng Gabriela. Di ako sumagot kasi umiiyak na ako,” ani Edna sa sinumpaang salaysay na nakalap ng PINOY WEEKLY. Ayon sa mga sundalo, kailangang “linisin” ni Edna at iba pang kasapi ng Gabriela ang kanilang pangalan — at kung hindi, masasangkot sila sa rebelyon, gayong proyektong pangkabuhayan lang naman ang ipinupundar ng Gabriela sa lugar. Nagbanta ang mga sundalo na babalikan ang mga residente.

Hanggang ngayon, full battle gear ang mga sundalong nagbabahay-bahay sa Brgy. Commonwealth, ipinagtatanong at tinatakot ang mga kaanib sa Gabriela. Ang militarisasyon na malaon nang dinaranas sa kanayunan, dinala na sa kalunsuran para maghasik ng ibayong takot.

Kamakailan, pormal na nagreklamo sa Comelec (Commission on Elections) ang Gabriela Women’s Party dahil sa umano’y panliligalig ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa mga kasapi ng Gabriela at Guwapa sa maralitang mga komunidad sa Kamaynilaan. Inireklamo rin nila ang paninira nina National Security Adviser Norberto Gonzales at Presidential Legal Counsel Sergio Apostol sa lehitimong party-list na malisyosong inihahayag na “prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.”

Ayon sa Guwapa, gumagamit ng maruruming taktika ang gobyernong Arroyo para pigilan ang panalo ng progresibong mga party-list sa halalan sa Mayo. Noong 2004, nakakuha ang Guwapa ng 464,586 boto (3.65% ng kabuuang boto sa party-list) at nailuklok sa puwesto si Rep. Liza Maza.

Nakikipaglaban ang Guwapa para sa mga karapatang pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura ng kababaihan. Ang mga kinatawan ng Guwapa, Bayan Muna at Anakpawis, ang pinakamatinding kritiko ni Pangulong Arroyo sa Kongreso.

Dahil dito, pinagbabalingan ng AFP ang progresibong mga party-list na muling lalahok sa halalan. Katunayan, simula 2001, walang patid ang panggigipit ng gobyernong Arroyo sa kababaihang pumili na iwaksi ang tanikala ng katahimikan at pang-aapi at humanay sa nakikibakang mga mamamayan. Sa maraming pagkakataon, buhay nila ang naging kapalit.

Sa 820 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo, 84 ang kababaihan (suma hanggang Enero 25, 2007). Apatnapu’t isa sa mga ito ang miyembro ng Gabriela. Sa 150 aktibistang dinukot at nawawala, 33 ang babae. Pinakamaraming babaing aktibista ang pinatay noong nakaraang taon.

Idagdag pa sa estadistikang ito ang 58 batang inulila ng mga inang pinatay ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar, at apat na hindi pa naisisilang na sanggol na pumanaw sa sinapupunan ng kanilang mga ina.

Isa ang “karahasan ng estado” sa pinakamatitinding porma ng karahasan laban sa kababaihan, ayon kay Jojo Guan, executive director ng CWR. Titindi pa umano ito sa pagpirma ni Pangulong Arroyo sa batas kontra-terorismo o Human Security Act na inaasahang magdudulot ng mas maraming paglabag sa karapatang pantao at magtatangkang pumigil sa mithiing umabante ng kababaihan.

Posted in Kababaihan | Leave a Comment »

Taumbayan na ang hahatol: Batas at kasarinlan–ginahasa!

Posted by mamamahayag on January 21, 2007

Pinoy Weekly, Vol. 6 Blg. 1
Enero 10, 2007 

Ilang-Ilang D. Quijano 

Higit pa sa pagsuko ng nahatulang rapist na si Lance Corporal Daniel Smith sa kustodiya ng Estados Unidos ang ginawa ng gobyernong Arroyo.  

Nagkakaisa ang mga mga makabayang personahe at dalubhasa sa batas, tambalang pagyurak sa Saligang Batas at kasarinlan ng bansa ang naganap noong mga huling araw ng 2006. Nagbabadya umano ito ng mas matinding krisis pampulitika sa taong kasalukuyan.

Hindi rin na maitatwa ang lumalakas na panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na irepaso, itigil, o ibasura ang VFA (Visiting Forces Agreement). Umano’y masisipat na labag sa 1987 Konstitusyon at makaisang-panig ang kasunduan, na kung may natitira pang kahihiyan ang gobyernong Arroyo, ay dapat putulin sa lalong madaling panahon.

Isa na namang ‘krimen’ ng Pangulo 

Halos aminin ng Pangulo ang para sa marami ay isa na namang nakasusulasok na katangian ng gobyernong Arroyo— na itataguyod nito ang paghahari ng interes ng US sa interes ng Pilipinas, sa anumang paraang kinakailangan. Kabilang na dito ang “paglapastangan, pag-alipusta at pagsuway” sa korte, ayon kay dating senador Wigberto Taňada, isa sa mga senador na bumoto para buwagin ang baseng militar ng US noong 1991.  

Humingi ng pag-unawa mula sa taumbayan si Pangulong Arroyo. Kinailangan umano niyang ipalipat si Smith sa kustodiya ng US para maiwasang magkaroon ng lamat sa pagitan ng relasyon ng Pilipinas at US sanhi ng hindi pagsunod ng bansa sa VFA, kasunduang militar ng dalawang bansa na sinandigan ng US para mabawi ng Amerika si Smith.  

Ngunit ayon kay dating Senate President Jovito Salonga,“impeachable offense” o krimeng maaring gawing batayan sa pagpapatalsik kay Arroyo ang desisyon hinggil kay Smith. Labag umano ito sa ilang probisyon ng Konstitusyon. 

Ayon sa Artikulo 7 ng Konstitusyon, dapat itaguyod ng Pangulo ang Saligang Batas at lahat ng mga umiiral na batas. Ngunit binalewala umano ni Pangulong Arroyo ang Rule of Law o pamamahala ng batas nang iutos ang pagpapalipat ni Smith sa kabila ng kawalan ng utos ng korte.  

Pangunahin na rito ang doktrina ng separation of powers of pagkakahiwalay ng kapangyarihan at ng ehekutibo at hudikatura bilang co-equal o magkapantay na sangay ng gobyerno. Sa ilalim ng nasabing doktrina, ang korte lamang ang may kapangyarihang magsabi kung saan dapat ikulong ang isang hinatulang kriminal. 

“Hindi dapat nakikialam ang ehekutibo sa mga desisyong pinaiiral at prosesong sinusunod ng korte,” sabi ni Salonga. 

Ayon naman sa grupong Codal (Counsels for the Defense of Liberties), nilabag din ni Pangulong Arroyo ang Seksyon 13 ng Konstitusyon sa pagpayag na idetine sa embahada ng US si Smith, lalo pa’t ito ay nahatulan na. Nakasaad sa nasabing probisyon na sinumang gumawa ng karumal-dumal na krimen ay hindi maaring makapagpiyansa o ipangalaga sa awtoridad ng iba (recognizance), kung malakas ang ebidensiya laban dito. 

Ngunit epektibong pinakawalan na ng gobyernong Arroyo ni Smith. Sa kabila ng pagkakahatol sa karumal-dumal na krimen ng panggagahasa, inilipat si Smith sa embahada ng US, isang dayuhang teritoryo na hindi napapasailalim sa hurisdiksyon ng mga korte ng bansa, sabi ni Atty. Neri Colemares, tagapagsalita ng Codal.  

Idinagdag naman ni Taňada na labag din ang hakbang ng gobyerno sa Seksyon 1  ng Bill of Rights sa Konstitusyon, kung saan nakasaad na dapat makatamasa ng equal protection of the law o pantay na pagtrato sa ilalim ng batas ang mga mamamayang Pilipino. Sa pagsuko ng Pilipinas sa kustodiya ni Smith, pinagkalooban umano ito ng espesyal na pagtrato.

“Bakit iba ang pagtrato sa mga Pilipino sa sarili nating bansa? Dito kung may conviction (hatol), pasok ka na sa kulungan eh,” aniya sa panayam ng PINOY WEEKLY. 

Nagkakaisa ang mga dalubhasa sa batas, ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas sa bansa at hindi maaring sapawan kahit ng isang tratado katulad ng VFA.  

Di maiiwasang pagrepaso sa VFA  

Dahil sa inaning galit ng paglipat ng kustodiya ni Smith, nangako ang Malacaňang na rerepasuhin ang VFA. Ngunit katulad na yata ng nakagawian, umatras ito matapos ihayag ng tagapagsalita ng embahada ng US na hindi pabor ang gobyerno ng Amerika sa pagrepaso ng kasunduan.  

Ayon kay Amado Valdez, dekano ng University of the East School of Law at dating executive director ng VFA Commission, hindi kataka-takang tumanggi ang US na repasuhin ang isang kasunduan na pumapabor sa kanya. Sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Valdez na mas kailangan ng US ang VFA para masigurong nananaig ang kanilang lakas-militar sa Gitnang Silangang Asya.

Itinuturing ni US President George Bush ang Pilipinas bilang isang pangunahing estratehikong alyado sa “giyera kontra-terorismo.” Bagaman ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo ang ayudang-militar mula sa US, hindi umano ito ganoong kalaki at hindi nagdudulot ng inaasahang pagmomodernisa sa Armed Forces of thePhilippines.  “Nagagamit nila (US) ang teritoryo natin pero wala naman tayong nakukuhang financial gains. Nagagasgas lang ang ating teritoryo at soberanya. Ginagamit na rest and recreation ang ating mga kababaihan,” aniya. 

Naniniwala si Valdez na dapat galangin ng gobyerno ng US ang hiling ng gobyerno ng Pilipinas na repasuhin ang VFA. Ngunit hindi man pumayag ang Amerika, may obligasyon pa rin umano si Pangulong Arroyo na iutos ang isang indipendiyenteng pagrepaso sa VFA. Hindi lang dapat saklawin ng pagrepaso ang mga makaisang-panig na probisyon ng kasunduan, kundi maging ang pangangailangan ng presensiya ng mga sundalong Kano sa bansa, dagdag ng dekano. 

Maraming sektor ng lipunan ang naniniwalang mapangwasak na panghihimasok-militar ang dulot ng presensiya ng mga sundalong Kano sa bansa. Kabilang na dito ang grupong pangkababaihang Gabriela, na dismayado sa anunsiyo ng gobyernong US na magpapatuloy ang Balikatan, ehersisyong militar ng US at Pilipinas, matapos na unang iniatras. 

Ayon kay Emmi de Jesus, pangakalahatang kalihim ng Gabriela, malinaw na ipinagsuhol ng gobyernong US ang Balikatan para maibalik sa kanilang kustodiya si Smith.

“Wala naman talagang mabuting idudulot ang Balikatan sa mga kababaihan. Ginagamit lang ito ng gobyernong Arroyo supilin ang pakikibaka ng mga mamamayang Pilipino,”aniya. 

Muli namang kukuwestiyunin sa Korte Suprema ang konstitusyunalidad ng VFA. Sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Prop. Harry Roque, eksperto sa batas internasyunal at isa sa mga abogado ni Nicole, na nakatakda silang magsampa nina Salonga at Taňada ng panibagong petisyon sa Korte Suprema. 

Noong 2000, nagdesisyon ang Korte Suprema na konstitusyunal ang VFA. Ito ay sa kabila ng mga kuwestiyon hinggil sa paglabag nito sa Saligang Batas na nagsasabing maaari lamang bumisita ang mga dayuhang tropa kung may kasunduang kikilalaning tratado ng parehong bansa.  Ang VFA ay tratado para sa Pilipinas dahil pinagtibay ng Senado, ngunit executive agreement o kasunduang ehekutibo lamang para sa US.  

Ayon kay Roque, sa pagkakataong ito, igigiit nila na labag sa Rules of Court o mga batas ng korte ang VFA batay sa kung papaano ito inunawa at ipinatupad ng gobyernong Arroyo sa Subic rape case.  

Pagsiklab ng patriyotikong protesta  

Samantala, sinabi ni Deputy Minority Leader Rep. Satur Ocampo na nagpapakatuta si Pangulong Arroyo sa US para manatili ang suporta ng pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig sa kanyang di-popular na pamumuno. Ngunit sa halip na pagtibayin ang hawak sa kapangyarihan, umano’y pabibilisin lamang ng ginawang pagbenta sa soberanya ng bansa ang pagpapatalsik ni Arroyo sa puwesto. 

“Sisindihan nito ang mga patriyotikong protesta sa buong bansa. Naghuhukay lamang ng mas malalim na libingan si Pangulong Arroyo dahil sa aktong nakadagdag sa kanyang pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, at pamamaslang,” aniya. 

Malinaw na hindi na lamang hustisya para sa biktima ng panggagahasa na si Nicole ang inaasam makamtan sa pag-usad ng
Subic rape case. Lumawig na ang kaso. Ang umano’y ginahasa, batas at kasarinlan; ang itinuturong salarin, mismong Pangulo ng bansa; ang hahatol, taumbayan. 
 

Ayon nga sa nanay ni Nicole nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY, “Inumpisahan lang namin ang laban. Ang ating mga kababayan na ang tatapos nito.”

Kronolohiya ng ‘pagpapatakas’ kay Lance Corporal Daniel Smith: 

Disyembre 4, 2006- Hinatulan ni Judge Benjamin Pozon ng MRTC (Makati Regional Trial Court) si Smith ng 40 taong pagkakabilanggo para sa panggagahasa kay Nicole noong Nobyembre 2005. Iniutos nito na pansamantalang idetine si Smith sa MCJ (Makati City Jail) hanggang magkasundo ang gobyerno ng US at Pilipinas kung saan ito ikukulong habang dinidinig ang apela ni Smith. Pinawalang-sala ni Pozon ang tatlo pang akusado na si Staff Sergeant Chad Carpentier at mga Lance Corporal na sina Keith Silkwood at Dominic Duplantis. 

Disyembre 5, 2006- Naghain ng petisyon sa MRTC ang kampo ni Smith na ilipat si Smith sa embahada ng US. Iginiit ng mga abogado ng sundalo na nakasaad sa VFA (Visiting Forces Agreement) na dapat itong manatili sa kustodiya ng
US habang inaapela ang kanyang kaso.
 

Disyembre 8, 2006- Nagsumite sa korte ng kasunduan sina US Ambassador Kristie Kenney at Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, bilang kinatawan ng kani-kanilang gobyerno, na dapat ibalik si Smith sa kustodiya ng US. Noong hapon, pinirmahan ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez ang parehong kasunduan. 

Disyembre 12, 2006- Ibinasura ni Pozon ang petisyon ng kampo ni Smith. Aniya, ang Pangulo o kalihim ng DFA (Department of Foreign Affairs) lamang ang may awtoridad na makipagkasundo sa US. Dagdag pa ni Pozon, hindi nararapat na kulungan kay Smith ang embahada ng US dahil wala ito sa hurisdiksyon ng korte.  

Disyembre 14, 2006- Nagsampa ng petisyon ang kampo ni Smith sa CA (Court of Appeals) na maghain ng TRO (Temporary Restraining Order) laban kay Pozon upang mailabas si Smith sa MCJ.

Disyembre 18, 2006- Hindi ipinagkaloob ng CA ang TRO at hiniling sa kampo ni Smith na hintayin ang desisyon nito hinggil sa kustodiya ng Amerikanong sundalo.

Disyembre 21, 2006- Inihayag ni Matthew Lussenhop, tagapagsalita ng embahada ng US, na ikakansela ng US ang ehersisyong Balikatan sa 2007 dahil sa tinakbo ng Subic rape case. Hindi umano masiguro ng gobyerno ng Pilipinas ang kaligtasan ng mga sundalong Kano.Disyembre 22, 2006- Iginiit ng DFA sa CA na dapat ilipat sa kustodiya ng US si Smith.

Disyembre 31, 2006- Bandang alas-11 ng gabi, inilipat si Smith mula sa MCJ patungong embahada ng US. Inako ni Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ang pag-uutos sa hakbang, na isinagawa umano sa gabi “para makaiwas sa trapiko.”

Enero 2, 2007- Sinampahan ng contempt of court ng kampo ni Nicole sina Smith, Puno, Gonzalez, Executive Secretary Eduardo Ermita, Presidential Legal Counsel Sergio Apostol, at jail warden ng MCJ na responsable umano sa pagpapalipat ng kustodiya ni Smith. Naghain din ng petisyon sa CA ang mga abogado ni Nicole na ideklarang pugante si Smith, awtomatikong ibasura ang apela nito, at maglabas ng warrant of arrest dito. Samantala, inamin ni Pangulong Arroyo na inutos niya ang paglipat ng kustodiya ni Smith. Inilabas din ng CA ang desisyon nito hinggil sa kustodiya ni Smith. Ayon sa CA, “moot” o wala nang saysay na husgahan pa ang usapin dahil napasakamay na ng US ang sundalo.  

Enero 5, 2007- Inihayag ni Zosimo Paredes, executive director ng VFA Commission, ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin. Binatikos ni Paredes ang desisyon ng Malacanang na ilipat ang kustodiya ni Smith nang walang utos ng korte.  Samantala, inihayag ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na bukas ang Malacanang na repasuhin ang VFA dahil sa “mabubuting aral” na napulot ng gobyerno sa Subic rape case.  

Enero 6, 2007- Sinabi ni US embassy Matthew Lussenhop na “premature” o hindi pa napapanahon ang pagrepaso ng VFA dahil hindi pa tapos ang kaso ni Smith. 

Enero 7, 2007- Inilinaw ni Bunye na hindi nagmamadali ang gobyernong Arroyo na repasuhin ang VFA. Hihintayin umano nito ang basbas ng US bago umpisahan ang proseso ng pagrerepaso sa kasunduan.  

Posted in Kababaihan | 1 Comment »

Nicole: Dignidad at kinabukasan

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 27
Hulyo 12 2006

Halos apat na oras kada araw simula nang mag-umpisa ang pagdinig sa Subic Rape Case noong Abril, humaharap sa korte si Nicole (hindi tunay na pangalan), ang babaeng umano’y ginahasa ng mga sundalong Kano.

Nakaupo siya ilang metro lang ang layo mula kay Lance Cpl. Daniel Smith, ang sundalong akusado sa rape, at kina Lance Cpl. Dominic Duplantis at Keith Silkwood at Staff Sgt. Chad Carpentier, na umano’y pawang nag-udyok kay Smith habang ginagahasa ang 22-anyos na si Nicole sa loob ng isang van.

Trauma at tapang ni ‘Nicole’

Sa sala ni Judge Benjamin Pozon sa Makati RTC (Regional Trial Court), pinakikinggan niya ang testimonya ng prosekyusyon. Kabilang dito ang pagsariwa ng iba’t ibang saksi sa mga pangyayaring naganap noong gabi ng Nobyembre 1, 2005, petsa ng sinasabing krimen. Maging ang mga testigong umatake sa kanyang pagkatao at kredibilidad, tinitiis niya.

Noong Hulyo 6, ibinigay ni Nicole ang sarili niyang testimonya. Limang beses umiyak ang biktima habang isinasalaysay ang mga pangyayari na dumulo sa umano’y panggagahasa. Sa mahigit tatlong oras na pagdinig, dalawang beses humingi ng recess ang prosekyusyon para si Nicole ay makalma ng kanyang ina at therapist. Ibayong hirap para kay Nicole ang pagtestigo. Nang dumating ang kanyang salaysay na puntong si Smith ay ”nakapatong” sa kanya ”hinahalikan-halikan” na siya, tuluyan nang naudlot ang pagsasalita ng biktima. Ipinagpaliban ng huwes ang pagdinig sa susunod na araw.

Kinabukasan, hindi nakasipot si Nicole sa korte. Inihayag ni Dr. June Pagaduan-Lopez, therapist ni Nicole, na may severe traumatic stress syndrome ang kanyang pasyente at kailangan nitong magpahinga bago maipagpatuloy ang testimonya.

Ang nasabing stress ay dulot ng pagsasalaysay sa mga pangyayaring traumatic na halos katumbas na rin ng pag-relive o muling pagdanas sa mga ito. Karaniwang kinakikitaan ng ganitong stress ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen.VFA, ’di makatao’
Ngunit ayon kay Dr. Lopez, maaaring mas malala ang stress na dinaranas ngayon ni Nicole dahil sa abnormal ang iskedyul na itinakda ng korte para sa paglilitis ng kaso.

Sa ilalim kasi ng VFA (Visiting Forces Agreement), kailangang matapos sa loob ng isang taon ang paglilitis ng anumang kaso na kinasasangkutan ng mga sundalong Kano sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. VFA ang kasunduang militar sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas hinggil sa pagsasanay ng mga sundalong Kano sa bansa.

”Masyadong hectic yung schedule na in-impose sa atin (ng korte), at nangyayari ’yan dahil sa VFA. I think it’s very inhuman. Maski sa abroad, hindi minamadali yung ganitong mga kaso. The only ones getting advantage ay yung mga akusado,” sabi ni Dr. Lopez.

Matagal nang ipinapanawagang ibasura ang VFA ng mga mamamayang tutol sa presensiya ng mga sundalong Kano sa bansa. At ngayong lumutang ang Subic Rape Case, naging kongkreto ang mga maka-isang panig na probisyon ng kasunduang pabor sa US. Bukod sa napakaigsing panahon para litisin ang kaso laban sa mga sundalong Kano, hindi rin pinapayagang mapailalim sa kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas ang mga dayuhang akusado.

”Mahirap para kay Nicole na makita sila (ang mga akusado) na okey lang, na hindi nakakulong at (sa halip ay) nakakatanggap pa ng special treatment,” sabi ni Ryan Nicolas, kapatid ni Nicole na palaging dumadalo sa pagdinig bilang suporta sa kanyang pamilya.

Dalawang beses isang linggo, si Nicole ay tine-therapy ni Dr. Lopez, isang batikang psychiatrist ng mga babaeng biktima ng pang-aabuso. Ngunit simula nang halos araw-araw na pagdinig, naging madalang na ang kanilang mga session. Nangangamba si Dr. Lopez na hindi sapat ang panahon para ma-debrief o maiproseso ni Nicole ang mga nangyayari. Mahalaga ang debriefing para masiguro ang emotional stability o emosyonal na kapanatagan ng isang biktima.

Serbisyo sa bansa

Gayunpaman, hanga si Dr. Lopez, at maging ang mga kapamilya at abogado ni Nicole sa naipamalas nitong kakaibang tapang sa pakikipaglaban.

”Palagay ko, nagpapakita siya ng lakas. Hindi madaling mapasalang sa witness stand. Kung mahirap yun para sa isang ordinaryong saksi, paano pa para sa isang biktima,” ani Atty. Evalyn Ursua hinggil sa unang araw ng pagtestigo ng kanyang kliyenteng si Nicole.

Inihahanda ng mga abogado si Nicole para sa mas malupit na cross-examination ng panig ng mga akusado. Inaasahang tatangkain ng mga abogado ng prosekyusyon na wasakin ang kanyang kredibilidad.

Payo ni Atty. Ursua kay Nicole, huwag siyang magpapadala sa mga theatrics o madramang taktika ng depensa na ang tanging layon ay sirain ang kanyang kumpiyansiya.

Halimbawa, pinansin ng depensa na si Nicole ay “hindi umiyak” nang ituro niya ang akusadong si Smith, na tila ba kailangan siyang lumuha sa ganoong pagkakataon. Ayon kay Atty. Ursua, isa itong malinaw na panliligalig. Marami umanong emosyon na nararamdaman ang isang biktima, kabilang ang galit na ipinakita ni Nicole nang tumaas o umigting ang kanyang boses at manlisik ang mata nang ilang beses sa kanyang testimonya. Hindi nasusukat ang kredibilidad ng biktima sa pag-iyak o hindi-pag-iyak, ayon sa abogado ni Nicole.

Bago ito, si Nicole ay dumanas na ng paulit-ulit na atake sa kanyang pagkatao, hindi lamang sa mga pagdinig, kundi maging sa masmidya at opinyong publiko. Halimbawa, napaiyak umano si Nicole nang mabasa ang istorya sa front page ng isang kilalang diyaryo na may ulong ”Nicole wants to have more sex.” Ito ay batay sa pahayag ng isang US investigating officer na iprinisentang testigo.

Ani Dr. Lopez, binabalikat ni Nicole ang bigat ng paghuhusga ng isang lipunang may pyudal na tendensiyang ”to blame the victim” o manisi sa biktima, partikular sa mga kaso ng panggagahasa. Ito ang dahilan kung bakit naoobliga si Nicole na magsalita sa harap ng publiko at ipagtanggol ang sarili, gaano man ito ka-traumatic.

Dapat din umanong kilalanin si Nicole at ang kanyang pamilya na nagdesisyong ipaglaban ang kaso, bagay na hindi madali. Bukod sa hirap na kaakibat ng simpleng paglalantad, malaki ang pulitikal na implikasyon ng kaso. Sa pagpupursige nila, kinakalaban din ng pamilya ni Nicole ang US, pinakamakapangyarihang gobyerno sa daigdig na may kakayahang magmando sa sarili nating gobyerno.

”Ang lakas ng loob ni Nicole ang kanyang ambag sa lipunang Pilipino. Napakadaling tumahimik na lang siya at magpabayad. Pero ipinakita niya na ang pakikipaglaban para sa hustisya ay paglilingkod sa bayan,” sabi ni Dr. Lopez.

Epektibong therapyBagaman tumanggi si Dr. Lopez na magbigay ng detalye hinggil sa therapy na pinagdadaanan ni Nicole dahil sa kanilang confidentiality agreement, sinabi niya na unti-unti nang napapangibabawan ni Nicole ang galit-sa-sarili na siyang pinaka-una at karaniwang nararamdaman ng mga biktima ng panggagahasa.

Nakatulong umano ang pagharap ni Nicole sa mga akusado para sa kanila maituon ang nasabing galit, na siyang nararapat, at hindi sa sarili o sa mga mahal sa buhay na walang kinalaman sa krimen.

Sa ngayon, ang buong suporta ng pamilya at mga kaibigan ni Nicole ang pinaka-epektibong therapy para sa biktima.

Malaking tulong din umano ang mga grupong pangkababaihan, mga ordinaryong sibilyan, at iba pang sektor na nagpipiket sa harap ng korte, dumadalo sa mga pagdinig, at gumagawa ng mga aktibidad para ihayag ang kanilang pagmamalasakit at pakikiisa kay Nicole.

Halimbawa, nagpiket sa labas ng Makati RTC sa araw ng testimonya ni Nicole ang isang grupo ng comfort women o mga babaeng ginahasa at ginawang sex slaves ng mga sundalong Hapon noong World War II. Ipinapakita ng mga support group na katulad nito na hindi nag-iisa si Nicole sa kanyang dinaranas na pang-aapi.

”Hindi lang ako ang makapagpapagaling sa biktima. (Sa tamang panahon), dapat sumama siya sa isang organisasyon na pareho ang ipinaglalaban. Sa ganitong paraan magiging constructive ang galit niya at magiging empowered siya,” ani Dr. Lopez.

Sa kabilang banda, si Nicole ay nasa bingit rin ng chronic post-traumatic stress disorder. Ito ay isang kondisyon na ang biktima ng panggagahasa ay hindi na makakabalik sa dating kumpiyansa at pagpapahalaga-sa-sarili.

Ang dignidad at kinabukasan ni Nicole – gaya ng dignidad at kinabukasan ng bansa — ay nakataya sa wastong takbo ng hustisya at sa sariling pagpapasya.

Posted in Kababaihan | 1 Comment »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.