Muling Paglathala

Archive for the ‘Kalayaan sa Pamamahayag’ Category

Sensura at pambababoy

Posted by mamamahayag on November 8, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Taon 6, Blg 42
Nobyembre 8, 2007 

Kinasangkapan na ni Pangulong Arroyo ang lahat para sa lumalabas na hilig sa sensura. Hindi na lamang ang Movie and Television Review and Classification Board, na nagbawal sa pagpapalabas ng mga programa at pelikula na wari nito tumutuligsa sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na lamang ang mga utos-ehekutibo, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magsalita sa Kongreso hinggil sa samu’t saring kontrobersiya. Hindi na lamang ang Unang Ginoo, na nagsampa ng patung-patong na kasong libelo laban sa mga mamamahayag na ginagawa ang kanilang tungkuling ilabas ang mga istorya ng katiwalian. Maging ang PSG (Presidential Security Group), binigyan ng tungkuling lampas-lampas sa pagseseguro sa kanyang pisikal na kaligtasan: ang iutos ang “pambababoy” sa miyural ng NPC (National Press Club).

Isang grupo ng mga artistang tinatawag na Neo-Angono Artists Collective ang kinomisyon ng NPC para lumikha ng miyural na may sukat na 8 x 32 talampakan. Tatlong buwan ng “dugo, pawis, puyat ang ipinundar namin dito para sinsinin ang pinakamaliliit na detalye ng napakalaking miyural at ang lahat ng elementong ito ay magkakaugnay,” ayon kay Richard Gappi, pangulo ng grupo. Ang miyural ay nagpapakita ng kilalang mga peryodista at pambansang bayani na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag mula noong panahon ng pananakop ng Kastila (Marcelo H. Del Pilar, Mariano Ponce, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna) hanggang sa panahon ng batas militar at sa kasalukuyan (Chino Roces, Eugenia Apostol, Letty Jimenez-Magsanoc, Ninoy Aquino, Conrado de Quiros, Randy David). Hindi mga indibidwal na nakaaangat sa lipunan ang pagsasalarawan sa kanila. Dahil nais ipahayag ng mga artista na ang “pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang para sa mga peryodista at manunulat kundi para sa mga mamamayan,” ipininta ang mga nasabing indibidwal bilang ordinaryong mga tao na iyong makahahalubilo sa kalsada. Hitik din ang mural sa mga imahen at simbolismo na nagpapakita ng mga pagsubok na hinaharap ng mga mamamahayag (may rali ng mga grupo laban sa pagpaslang at pagsupil sa kanilang hanay) at halaga ng midya (mga taong binabasa sa mga pahayagan ang maiinit na isyung panlipunan at nagtatalakayan hinggil dito). Para sa mga artista, ito ang tunay na tradisyon ng pamamahayag na sinasabing malaya: lahok sa masa, mulat sa reyalidad, at palaban.

Noon at ngayon, takot ang Estado sa ganitong tradisyon. Sinasandigan nito ang mito ng pagiging niyutral o walang pinapanigan ng midya. Sa aktuwal, ang pagpanig sa wala ay pagpanig sa anumang umiiral na kaayusan, pagpanig laban sa pagbabagong panlipunan. Namamayani ang tradisyon ng pagiging niyutral sa NPC bilang kalipunan ng mga peryodistang itinayo ng midyang kontrolado pa ng mga kolonyalistang Amerikano, kagagawad pa lamang ng “pambansang pagsasarili” noong 1952. Ang katayuan nito bilang “tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag” ay ipinundar lamang ng ilang opisyal nitong itinuturing na peryodistang aktibista noong batas militar tulad nina Satur Ocampo, Antonio Zumel, at Antonio Nieva. Kumupas na rin ang katayuang ito.

Di nakakapagtaka, kung gayon, na hinayaan ng mga opisyal ng NPC na purgahin ng PSG ang mga elementong umano’y “maka-kaliwa” sa miyural – tulad kung paano pinupurga ng mga ahente ng Estado ang mga taong “maka-kaliwa” sa pamamagitan ng pagpatay at pagdukot. Ang “pambababoy” ay hindi lamang paglabag sa sensibilidad ng mga artistang lumikha nito na inihimutok maging ng kilalang artistang biswal na si Mauro Santos o Malang. Ang “pambababoy” ay pinatindi dahil ito ay sensura. Ang miyural ay may mensaheng pampulitika na mahalagang manatili sa kanbas (canvass).

Kahiya-hiya para kay Pangulong Arroyo ang mensaheng ito. Naniniwala ang marami na kasing-lupit o mas malupit pa siya sa pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag kaysa sa diktador na si Ferdinand Marcos. Kaya’t pinilit niyang burahin ang alaala ng mga krimen ng sariling rehimen mula sa kasaysayang isinasalarawan ng miyural. Pinilit putulin ang ugnay ng nakaraan sa kasalukuyan. Narito ang mga pagbabagong iniutos ng NPC para ihanda ang miyural sa pagpapasinaya ni Arroyo sa ika-55 anibersaryo ng NPC:
• Inalis ang editoryal ng International Federation of Journalists, pandaigdigang organisasyon ng mga mamamahayag, na kumokondena sa Human Security Act o batas kontra-terorismo ni Pangulong Arroyo bilang banta sa kalayaan sa pamamahayag. Pinalitan ito ng “karima-rimarim” na ibong nasa hawla.
• Pinalitan ang ulo sa diyaryong binabasa ni Jose Rizal. Mula ”Press Freedom Fighter’s Son Abducted”, ginawang ”Press Freedom Fight Is On.” Tinutukoy ng una si Jonas, anak ni Joe Burgos, tagapagtatag ng matatapang na pahayagang We Forum at Malaya noong panahon ng batas militar. Dinukot si Jonas noong Abril 28 ng mga hinihinalang militar.
• Binura ang pangalan ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines) mula sa karatula ng grupo ng mga raliyistang mamamahayag. Ang NUJP ang naging pinaka-aktibo sa pagtuligsa sa kawalang-aksiyon ng gobyernong Arroyo sa dumaraming kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
• Inalis ang alibata ng letrang K, sumisimbolo sa Katipunan, na tato sa braso ni Andres Bonifacio. Pinalitan ito ng pinanang puso.
• Pinahaba ang buhok at bigote ng kolumnistang si Randy David.
• Ginawang itim ang puting buhok ng kolumnistang si Juan Mercado.

Ang ganitong “huling-minutong” pagbago ng NPC sa likhang-sining bilang paninikluhod sa may kapangyarihan ay maaaring ihalintulad sa ginawa ng UN (United Nations) sa obrang kontra-giyera na ‘Guernica’ ng pintor na si Pablo Picasso. Komemorasyon ang ‘Guernica’ sa madugong atake sa isang pamayanan sa Espanya noong 1937 ng mga puwersang Aleman na sumuporta sa diktadura ni Francisco Franco. Tinakpan ang miyural na nakasabit sa Security Council Chamber ng UN nang magsalita rito si US Secretary of State Colin Powell noong 2003 para igiit ang katuwiran ng giyerang agresyon ng US sa Iraq. Kung sakali, parang nag-aakusang mga mata ang ‘Guernica’ kay Powell. Gayundin ang magiging silbi ng orihinal na miyural sa NPC kay Arroyo.

Pinagbibintangan ng mga opisyal ng NPC ang Neo-Angono Artists Collective na hindi tumupad sa kasunduan na iiwasan ang “pulitika” sa likhang-sining. Ayon naman sa mga artista, walang ganoong kasunduan. Ang malinaw lamang, may pambababoy at sensura sa udyok ni Pangulong Arroyo. Hindi ito kailanman mabubura sa kanbas ng kasaysayan ng kalayaan sa pamamahayag.

Posted in Kalayaan sa Pamamahayag, Kultura, Pulitika | 1 Comment »

Midyang ‘komunista’?

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 34
Agosto 30 3006

NAROON siya, nakaupong isang akbay lang ang layo kay Maj. Gen. Jovito Palparan, habang banayad na inilalahad ang “impiltrasyon ng mga Komunista sa masmidya” sa Kapihan ng Bayan sa Sulo Hotel nitong Agosto 21. Larawan siya ng isang burukratang ganap na nakakatiyak sa katumpakan at katarungan ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bunganga. Ito’y kumpiyansang makukuha lamang ng isang nilalang kung siya ay gaya ng isang Norberto Gonzales, tagapayo ng presidente sa pambansang seguridad.

Ang nagsasalita ay wala ngang iba kundi siya.

Ngunit hindi na bago ang tesis ni Gonzales. Kung bomba ang inaasahan niyang pasabugin sa nasabing press conference, kalpot ang putok noon. Lumang tugtuging pinagsawaan na ng panahon ang pagbabansag niya sa mga mamamahayag bilang “Komunista.” Ang masama pa nito, tila siya isang mapanlarong kolumnista ng tsismis na walang kayang maihayag kundi ang iwas-pusoy na blind items.

Ayon sa mga beteranong mamamahayag, laging ginagamit ng gobyernong nasa krisis ang taktika ng red-baiting tuwing batbat ang mga hedlayn ng kapalpakan at kamalian ng mga nasa poder.

Pangamba ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), ginagawa ito ng gobyerno hindi lamang para sirain ang imahe ng midya at ang kredibilidad ng kanilang mga ulat, kundi para bigyang-katwiran din ang patuloy na pamamaslang ng mga mamamahayag, tulad ng pagpatay ng mga aktibista na napakadaling bansagang miyembro ng CPP (Communist Party of the Philippines).

Bintang ni Gonzales

Nang hindi nagbabanggit ng mga bilang o pangalan, tiniyak ni Gonzales na may ilang mamamahayag na nirerekrut ng CPP. “At mukhang nagtatagumpay (ang CPP),” sabi niya.
Bagaman siniguro ni Gonzales na hindi magkakaroon ng sensura at pagtugis sa mga mamamahayag na umano’y miyembro o sumisimpatiya sa CPP, nagbabala siya para bantayan ng midya ang kanilang hanay.

Inamin din ng tagapayo ni Arroyo na ginagawa ng gobyerno ang profiling o paggawa ng dosyer ng mga miyembro ng midya. Ang dosyer ay instrumento ng military intelligence sa pag-iipon ng “derogatory information” tungkol sa tinatarget nitong mga tao.

Sinang-ayunan naman ng Malakanyang ang mga umano’y “nakakabahalang obserbasyon” ni Gonzales hinggil sa mga mamamahayag. “Kung alam natin kung sino sila, dapat siguruhing hindi sila lalabag sa Revised Penal Code,” sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita.

Ngunit sinalubong ng pagkondena ng mga senador at mga grupo ng mamamahayag ang deklarasyon ni Gonzales. Ayon sa kanila, tahasang kapraningan, pananakot, at paglabag sa karapatang pantao ng mga nasa masmidya at kalayaan sa pamamahayag ang nasabing mga akusasyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Vergel Santos, tagapangulo ng Board of Trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility, na “ginawa na ni Marcos ang pagbansag na komunista sa midya, at ginagawa ulit ito ngayon ng administrasyong Arroyo. Isa itong lumang patibong na ginagamit lagi ng administrasyong walang kumpiyansa sa sarili.”

‘Walang Masama’ sa Komunismo

Para kay Sen. Joker Arroyo, walang masama kung maging komunista ang isang miyembro ng midya dahil hindi naman ito ipinagbabawal sa isang demokrasyang katulad ng Pilipinas. “Hindi gumagawa ng krimen ang reporter na yumayakap sa komunismo dahil hindi krimen ang maniwala sa isang ideyolohiya,” aniya.

Simula nang ibasura ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law noong 1992, dapat ay hindi na iligal ang maging kasapi ng CPP. Ngunit sa katotohanan at sa takbo ng mga pangyayari, iligal pa rin. Itinuturing pa ring “pinakamasasamang kaaway” ng gobyerno ang mga indibidwal at grupo na tinataguriang “komunista.” Lantarang ginagamit ang bansag na ito para supilin at dahasin maski ang mga miyembro ng midya.

Nang magdeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, unang iniutos ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagsasara at takeover sa mga pasilidad ng midya para umano mapigilan ang pagdaloy ng “propagandang komunista.” Inaresto at ikinulong ang maraming mamamahayag.

Noong 2005, inilabas ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang kontrobersiyal na presentasyong PowerPoint na “Knowing the Enemy.” Kasama ng iba pang mga legal na organisasyong pangmasa, tinukoy ng militar na ang NUJP, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at ang premyadong Philippine Center for Investigative Journalism, ay nasa ilalim ng CPP.

Nang ideklara ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 24 ang state of national emergency para pigilan umano ang mga puwersang maka-Kaliwa at maka-Kanan na “nagsabwatan sa pagpapabagsak ng gobyerno,” isa ang midya sa mga unang binalingan ng galit. Hinalughog at binantayan ang tanggapan ng Daily Tribune—pahayagang kilalang kritikal sa pamunuang Arroyo. Tiniktikan din ang magasing Newsbreak at nagdeploy ng mga sundalo sa palibot ng ABS-CBN at GMA 7.

Kritikal na Hedlayn

Bilang patunay umano na napasok na ng mga komunista ang midya, sinabi ni Gonzales na karamihan sa mga balitang lumalabas sa hedlayn ay maka-Kaliwa at kontra sa gobyerno.

Bagay itong pinagtawanan ni Joe Pavia, tagapangulo ng Philippine Press Institute at beteranong mamamahayag. “Anong karapatan nila na sabihin iyon gayong hindi naman sila diyarista? Kahit sino, maaaring bigyang kahulugan ang balita ayon sa kanyang kinikilingan. Bakit, kung right-leaning ba ang hedlayn, may problema? O walang problema dahil pabor sa kanila, ganon ba yon?” bulalas niya sa isang panayam.

Ayon naman kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP, “Hindi resulta ng communist infiltration kung kritikal man sa gobyerno ang pag-uulat (ng midya). Marami lamang sa mga mamamahayag ang tumutupad ng kanilang tungkulin sa matapat na pagbabalita.”

Idiniin ni Rosal ang mahalagang papel ng midya sa pagbibigay sa mga mamamayan ng tamang impormasyon at pagsusuri hinggil sa “kasinungalingan, korapsiyon, pagpapakatuta, brutalidad, at iba pang kabuktutan ng gobyernong Arroyo.”

Pananakot at Takot

Sa huli, takot sa hanay ng mga mamamahayag at pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang muling inihasik ng gobyernong Arroyo sa mga pahayag ni Gonzales.

“Maraming mamamahayag ang talagang natakot hindi dahil komunista sila, kundi dahil doon sa konteksto na maraming pinapatay at hindi alam kung sino yung pumapatay. Inilista yung media organizations na enemy of the state, kaya natatakot ang mga mamamahayag na maging target sila ng paniniktik. Kahit komunista ka o hindi, sa pag-profile pa lang sa iyo, isa na ’yang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Joe Torres, tagapangulo ng NUJP.

Noong 2004 at 2005, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansa na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag. May 10 na ang pinapatay ngayong taon. Umaabot sa 45 ang mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mas marami kaysa noong batas militar.

Dagdag pa ni Torres, “Dahil sa takot, mag-aalanganin na ang mamamahayag dun sa iinterbiyuhin niya. (At dahil sa pag-aalanganin), magkakaroon ng pagpipigil sa sarili o prior restraint. At kung may prior restraint, paglabag na ito sa kalayaan sa pamamahayag.”

Tuloy ang Trabaho

Batay sa karanasan ni Julie Alipala, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Zamboanga City, nakapinsala sa gawain niya ang pagbansag sa kanya ng AFP bilang “komunista.” Ito’y dahil lamang sa minsang pagtatrabaho niya sa Ecumenical Movement for Justice and Peace, isang ligal na organisasyong pangkarapatang pantao na binabansagan ng militar bilang prenteng komunista.

“Hindi ka mabibigyan ng statement (ng AFP) kung di ka magpupumilit. Iniisip kasi nila, baka nagbibigay ka ng impormasyon sa kabila,” sabi ni Alipala sa isang panayam.

Sa giyera laban sa bandidong Abu Sayyaf sa mga probinsya ng Basilan at Sulu kung saan napapasama ang imahe ng AFP sa mga balita, nangangamba si Alipala na baka “terorista” naman ang itawag sa midya kapag napikon ang militar. Noong 2002, nakatanggap ng banta sa buhay si Alipala matapos niyang ibulgar na AFP ang nasa likod ng pagdukot sa mga reporter ng GMA 7 na sina Carlo Lorenzo at Gilbert Ordiales.

Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng di-makatarungang pagbabansag at pagtrato, patuloy si Alipala sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag. “Lagi akong gumagawa ng mga ulat na laban sa militar, laban sa kahit kanino. At yung iba, natanggal na sa puwesto dahil sa pagbubulgar ko. Kaya kahit maraming pananakot, kapag nagsulat ka ng totoo, walang dahilan para matakot,” aniya.

Baka higit pa sa isang press conference ang kailangang idaos ni Norberto Gonzales upang masawata ang mga nasa midya na patuloy na tumutupad ng tungkulin sa malaya at matapat na pamamahayag, sukdulang tawagin silang midyang Komunista.

Posted in Kalayaan sa Pamamahayag | Leave a Comment »

Iskolar na anak ng pinaslang na mamamahayag: Nag-aaral para maghilom

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 17
Mayo 4 2006

NATIGIL sa pag-aaral si Rynche Garcia Arcones matapos barilin at mamatay sa harap nilang magkakapatid ang ina na si Marlene Esperat, isang mamamahayag mula sa Tacurong City na kilalang lumaban sa korapsiyon.

Ngayon, unti-unti nang bumabalik sa normal na buhay ni Rynche, 23. Masikhay at determinado si Rynche na matapos ang kursong Management Accounting. Ikaapat na taon ni Ryche sa kolehiyo sa darating na pasukan at sa katunayan, kumukuha pa ito ng summer classes para makahabol sa mga klaseng nabitawan nang dahil sa trahedyang naganap noong Marso 24, 2005.

Isa si Rynche sa 33 anak ng mga pinaslang na mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na pinagkalooban ng scholarship ng BMSF (Bevil Mabey Study Foundation), KsK (Kasangga sa Kaunlaran), at NUJP (National Union of Journalists in the Philippines).

Hindi pa tapos ang paghahanap ng hustisya para sa pinaslang na mga mamamahayag pero sana’y makatulong ang scholarship na mabawasan ang paghihirap ng kanilang mga naulila, ayon kay Inday Espina-Varona, tagapangulo ng NUJP.

Sa ilalim ng gobyerno Arroyo, 39 mamamahayag ang napaslang nang dahil sa kanilang trabaho, ayon sa talaan ng NUJP. Dahil dito, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansang pinakapeligroso para sa mga mamamahayag. Pitumpu’t anim na mamamahayag na ang napaslang simula noong 1986.

Kamakailan, nagtipun-tipon ang mga iskolar sa Kamaynilaan para magkakilanlan, mabigyan ng counselling, at makapamasyal.

P1-Milyon kada taon sa loob ng limang taon ang ibibigay ng BMSF sa mga iskolar habang sasagutin naman ng KsK ang iba pang mga gastusin sa implementasyon ng bukod-tanging scholarship.

Pamana ni Marlene Esperat

Gumaan ang loob ni Rynche nang nakapagtestigo ito sa wakas noong Abril sa Cebu City Regional Trial Court (kung saan inilipat ang kaso ni Esperat mula Sultan Kudarat). Bagaman nakapaloob pa rin ang pamilya Esperat sa Witness Protection Program ng DOJ (Department of Justice), aniya’y nabawasan na ang takot nilang magkakapatid.

Noong buhay pa si Esperat, inihanda niya ang kanyang mga anak sa anumang maaring mangyari sa kanya at laging pinapayuhan ang mga ito na pahalagahan ang pag-aaral. “Sinasabi niya ‘may death threat ako, ikaw na bahala sa mga kapatid mo,’ dapat daw maging responsable kami, ayusin yung pag-aaral, kailangan magtapos kami,” kuwento ni Rynche.

Dating opisyal ng DA (Department of Agriculture) si Esperat na nagbubulgar sa sari-saring katiwalian sa ahensiya simula pa noong dekada ‘90. Noong 2005, nagsampa si Esperat ng kaso laban sa matataas na opsiyal ng DA, kabilang si undersecretary Jocelyn Bolante, hinggil sa paggamit ng pondo sa abono para sa 2004 eleksiyon. Bago mamatay, si Esperat ay nagsusulat ng kolum para sa pahayagang Midland Review at may programa sa lokal na istasyon ng radyo.

Sa kabila ng nangyari, ipinagmamalaki ni Rynche ang kanyang ina dahil batid niya ang kahalagahan ng ipinaglaban nito. “Hindi naman kami bulag, laging ini-re-remind niya kami na yung ginagawa niya ay para rin sa future namin. Talagang nag-dedicate siya (ng buhay) sa mga tao kasi nakita niya yung mga problema sa gobyerno. Alam niya na kung pabayaan niya ‘yun, kami ding future generation ‘yung maaapektuhan,” aniya.

Bukod kay Rynche, iskolar din ang mga kapatid nitong sina Janice May, 25, Kevin Jorge, 13, at James Derreck, 9.

Laban ni Romeo Sanchez

Malaking tulong ang scholarship para kay Elvira Sanchez, asawa ng pinaslang na mamamahayag na si Romeo Sanchez. Simula nang mamatay si Sanchez, walang ibang ikinabubuhay ang pamilya kundi ang maliit na negosyo ng pagluluto ni Elvira. Aniya’y mabuti na lamang at inako ng scholarship ang kalahati ng kabuuang gastos pang-edukasyon ng kanyang mga anak na sina Arantya Karizzah, 13, Arriane Karollyn, 22, Romeo Alezzandro, 10, at Rosenda Kalayaan, 9.
Si Sanchez, brodkaster ng istasyong DZNL sa Baguio City, manunulat para sa pahayagang Northern Dispatch, at koordineytor ng Bayan Muna party-list sa Ilocos, ay binaril sa pampublikong palengke sa Baguio City habang namimili.

Malaki ang trauma na dinanas ng pamilya Sanchez nang dahil sa nangyari. Kuwento ni Elvira, nag-iba ang pag-uugali ng kanyang mga anak na paminsa’y bigla na lamang nagiging bayolente. Maging siya, muntik na umanong “bumigay.”

Ngunit sa halip na malugmok sa lungkot, naging aktibo si Elvira sa pangangampanya na makamit ang hustiya para sa kanyang asawa at iba pang mga aktibistang pinaslang sa rehiyon ng Cordillera.

Matatalino at nasa honor roll ang kanyang mga anak, pagmamalaki ni Elvira. Bunga umano ito ng pagsisikap noon ng kanilang ama na turuan sila sa iba’t ibang mga aralin, kabilang na dito ang pagsusulat.

Dalawa sa kanyang mga anak ang nagsusulat din para sa pahayagang pangkampus dahil “tinutularan nila ang kanilang ama.”

Nagpapasalamat din si Elvira na mulat ang kanyang mga anak sa ipinaglalaban nilang mag-asawa. “Pati sila sumasama sa mga pagkilos namin, kahit alam nila kung gaano ka-risky,” aniya.
Bilang tapagatanggol sa mga karapatang pantao, pinagbabantaan na rin ang buhay ni Elvira. Inirereklamo ni Elvira na wala pang naaarestong suspek at hindi umuusad ang kaso ng kanyang asawa. “Wala talagang lutas sa kaso kung sila rin (gobyerno) ‘yung gumawa,” ani Elvira, na naniniwalang ahente ng militar ang pumaslang kay Sanchez.

Bagaman hindi pinanghihinaan ng loob si Elvira, inaamin nitong napapaiyak siya tuwing nakakakita o nakakarinig ng kaso ng pagpaslang sa aktibista o mamamahayag nang katulad ng kanyang asawa.

Payo ni Edgar Amoro

Para naman kina Edel Grace at Edel Christie, mga anak ng mamamahayag na si Edgar Amoro, pananalig sa Diyos ang tumutulong sa kanilang igpawan ang trahedyang sumapit.

Habang papauwi mula sa eskuwelahang pinagtuturuan, pinaslang noong Pebrero 2, 2005 si Amoro, pangunahing testigo sa pagkakapatay sa kapwa mamamahayag na si Edgar Damalerio ng Pagadian City.

Simula noong 2002, nasa ilalim sa Witness Protection Program ng DOJ ang buong pamilya ni Amoro.

Hinahangaan ni Edel Grace, 23, ang kanyang ama dahil sa kabila ng pagbabanta sa buhay at tangkang panunuhol, hindi ito bumitaw sa paghahanap ng hustisya para kay Damalerio hanggang sa kanya itong ikamatay. Isa rin umano itong human rights advocate at madalas tumuligsa sa korapsiyon sa gobyerno.

“Mahirap lang talaga (noong una) kasi hindi namin inaasahan, hindi pa kami ready na mawawala siya sa amin. Ngayon okay na, kasi alam namin na nandiyan lang siya, na nag-wa-watch lang siya sa amin,” ayon kay Edel Christie, 15, na isa sa mga huling nakausap ng ama bago ito namatay.

Napilitan nang lumikas ang pamilya Amoro mula sa Pagadian City. Bagaman nakararanas na si Edel Christie nang kaunting luwag sa pagkilos, na-mi-miss niya ang kalayaang natatamasa noong wala pang banta sa kanilang buhay. Higit pa rito, na-mi-miss niya ang kanyang ama na labis niyang minamahal.

Ani Edel Christie, iskolar at 4th year haiskul sa darating na pasukan, susundin pa rin niya ang payo ng kanyang ama na huwag muna mag-boyfriend at sa halip ay paghusayan ang kanyang pag-aaral. Nais niyang maging maging nars, aniya’y para na rin makapangibang-bansa at mailayo ang pamilya sa takot at panganib.

Iskolar din ang mga kapatid ni Edel Christie na sina Edelangelo, 14 at Earl Mark, 12.

Mailap pa rin ang hustisya para sa mga pinaslang na mamamahayag na kinikilala bilang mga patriyotikong bayaning nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at kalayaang magpahayag. Hindi man tuluyang mabura ang mapapait na alaalang kumintal sa murang isipan ng naulila nilang mga anak, patuloy ang paghilom nga mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtuklas ng sariling maiaambag sa mundo.

Posted in Kalayaan sa Pamamahayag, Karapatang Pantao | 4 Comments »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.