Muling Paglathala

Archive for the ‘Kalikasan’ Category

Trahedya sa likod ng trahedya

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

AKALA ng mga kaanak ng mga pasahero ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars, hindi na mahihigitan pa ang pighati ng ilang araw na paghihintay ng balita hinggil sa kanilang mga mahal sa buhay, na karamiha’y natatagpuan na bangkay sa dagat o sa mga dalampasigan habang lumilipas ang mga araw.

Pero noong Hunyo 26, sumapaw sa trahedyang sinapit ng 865 pasahero ng Sulpicio Lines ang balita ng isa pang trahedyang posibleng mas malaki. Inanunsiyo ng National Disaster Coordinating Council na kasamang lumubog sa barko ang 10 MT (metro tonelada) ng endosulfan, isang uri ng lubhang nakalalasong kemikal na pestisidyo.

Agad na itinigil ng Philippine Coast Guard ang mga operasyong search and rescue para masiguro ang kaligtasan ng mga maninisid. Ipinagbawal din ang pagbebenta ng isda mula sa dagat ng Romblon habang sinusuri ang mga sample ng tubig para sa lason. Lalong natuliro ang binuong task force para sa trahedya, nagkumahog humingi ng tulong na maiahon nang ligtas mula sa dagat ang kargamento ng endosulfan na pag-aari ng Del Monte Philippines, Inc.

Sa ngayon, pigil-hininga ang lahat. Hindi na lamang ang mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ang may dahilang mag-alala. Maging ang mga mamamayan ng Romblon, ang buong bansa, at ang internasyunal na komunidad, nakaantabay sa matinding pinsala na maaaring idulot ng isang mapanganib na kemikal—na dapat sana’y hindi na ginagamit pa kung naging mas matimbang sa gobyerno, noon pa man, ang interes pampubliko kaysa interes ng negosyo.

Endosulfan, bigong ipagbawal

Nagbabatuhan ng sisi ang Del Monte, Sulipico Lines, at mga ahensiya ng transportasyon hinggil sa pagkahalo ng kargamento ng endosulfan sa isang barkong pampasahero. Malinaw kasi itong ipinagbabawal sa batas na sumasaklaw sa transportasyon ng nakalalasong mga kemikal. Ayon sa Del Monte, inilipat ang kargamento mula sa MV Princess of Paradise nang walang pahintulot.

Idinagdag na rin ng kompanya, wala silang rekord ng pagkapinsalang dulot ng paggamit nila ng endosulfan na anila’y aprubado naman ng FPA (Fertilizer and Pesticide Authority).

Ikinagulat ito ng maraming mga grupong pangkalusugan at pangkalikasan. Ang alam nila, matagal nang ipinagbabawal sa bansa ang endosulfan. Kinailangang maglinaw ni Dr. Norlito Vicana, direktor ng FPA: hindi ito ipinagbabawal kundi severely restricted o limitado at mahigpit na binabantayan ang paggamit. Umabot sa 22 pang bansa na nagdeklarang severely restricted din sa kanila ang endosulfan.

Ipinagbabawal na ang endosulfan sa 18 bansa, kabilang ang European Union. Nakahanay sa Category 1 o “Highly Acutely Toxic” na mga pestisidyo ayon sa United States Environmental Protection Agency, may sapat na batayan ang mga bansang ito. Isang pestisidyong organochlorine, lubhang nakakalason sa lahat ng mga buhay na organismo ang endosulfan. Hindi rin ito agad nalulusaw sa tubig o nawawala sa hangin o lupa kaya naiipon at matagal mawala sa kapiligiran.

Inirehistro ang paggamit ng endosulfan bilang pamatay-peste nang itinayo ang FPA noong 1977 para pangasiwaan ang produksiyon, transportasyon, pag-iimbak, pagbebenta, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo. Noong dekada ’80, binuo ang PTAC (Pesticide Technical Advisory Committee) para aralin ang mga panganib ng mga pestisidyo. Kasabay nito ang paglulunsad ng mga non-government organization ng pandaigdigang kampanya laban sa “Dirty Dozen” na nagresulta sa pagbabawal sa bansa ng 12 pinakanakakalasong mga pestidyo.

Noong 1991, napansin ng NPCC (National Poison Control Center), nagmomonitor ng mga kaso ng pagkalason dahil sa pestidyo, na ang endosulfan sa nagdudulot ng pinakamaraming mga kaso ng pagkalason. Dahil dito, masusing inaral ng toxicology subcommittee ng PTAC ang endosulfan. Bunga ng pag-aaral, ipinagbawal ng FPA ang pagbebenta at paggamit ng endosulfan na may 35% na pormulasyon, at nilimitahan ito sa 5%.

Agad namang umaksiyon ang Hoechst (ngayo’y Bayer CropScience), nagmamanupaktura ng endosulfan at isa sa pinakamalaking agro-kemikal na transnasyunal (nakabase sa Germany). Hinabla nito ang FPA at nakakuha ng injunction o kautusang nagpapayag sa kanilang patuloy na magbenta ng endosulfan na may 35% na pormulasyon.

Noong Abril 1993, sinampahan pa ng kasong libelo ng Hoechst si Dr. Romeo Quijano, toxicologist ng University of the Philippines Manila at ngayo’y tagapangulo ng Pesticide Action Network Philippines. Binanggit kasi ni Quijano sa isang kumperensiya na nagdudulot ng kanser ang Thiodan (brand name ng endosulfan) at nailathala sa tatlong publikasyon ang kanyang pahayag. (Ibinasura sa kalaunan ang kaso)

Naglabas ng bagong kautusan ang FPA noong Setyembre 2003 para idiin ang pagbabawal sa endosulfan, kasama ng apat pang lubhang nakakalasong pestisidyo. Muling humiling ng Temporary Restraining Order mula sa Regional Trial Court ang Hoechst.

“Ginawa ng Hoechst ang lahat para suwayin ang ban sa endosulfan. Hiniling pa nito ang interbensiyon ni dating Pangulo (Corazon Aquino), na binalaan nitong masama ang epekto ng ban sa polisiya ng gobyerno na mang-akit ng dayuhang mamumuhunan. Inutusan din ng kompanya ang mga dealer na huwag makipag-cooperate sa FPA nang gumagawa ito ng imbentaryo ng mga produkto ng endosulfan,” ayon kay Quijano.

Sinuspinde ng Korte Suprema ang TRO ng mababang korte ang ban sa endosulfan noong Enero 1994. Gayunpaman, patuloy na ibinenta ng Hoechst ang Thiodan nang walang kaakibat na babala hinggil sa mga epekto nito, ayon kay Quijano. Tinawag ng FPA na “mali, nakalilito, at mapanlinlang” ang mga patalastas ng Thiodan. Pinal na ipinagbawal ang endosulfan sa bansa noong Hunyo 1994.

Pero umapela ng eksempisyon sa ban ang Del Monte at Dole Philippines Inc., mga transnasyunal na kompanyang (nakabase sa US) na numero unong taga-eksport ng prutas. May-ari ng pinakamalalaking plantasyon sa Pilipinas ang Del Monte, na may 20,000 ektarya, at Dole na may 12,000 ektarya. Umano’y kailangan ang endosulfan para laban ang mga peste sa pinya. Dahil diumano sa matinding presyur, inaprubahan ng FPA ang eksempsiyon sa kabila ng pagtutol ng PTAC.

Ayon kay Dr. Lyn Panganiban, dating miyembro ng toxicology subcommittee na pinag-aralan ang endosulfan at ngayo’y direktor ng NPCC, “Tutol kami noon (sa pagbibigay ng eksempsiyon) kasi highly toxic nga ang endosulfan. Maraming mga alternatibo para labanan ang mga peste sa plantasyon. Matagal-tagal na panahon na ang nakalipas, pero nandiyan pa rin ang panganib (na dulot ng endosulfan).”

Pansamantala lang dapat ang eksempsiyon na nakapaloob sa istriktong mga panuntunan sa pagmomonitor (monitoring guidelines). Noong una, kailangang i-renew ng dalawang kompanya ang kanilang aplikasyon sa endosulfan kada anim na buwan hanggang isang taon para marepaso ng FPA ang pagsunod nito sa mga alituntunin. Pero noong 2000, binuwag ng tuluyan ang PTAC – nagkaroon ng panibagong luwag sa pagmomonitor sa paggamit ng mga pestisidyo. Noong 2006, ginawa na lamang kada tatlong taon ang pag-renew sa aplikasyon sa endosulfan.

Bagaman inihahayag ng Del Monte na walang naiuulat na pagkalasong maiuugnay sa paggamit nito ng pestisidyo, inamin ni Panganiban na hindi naman nakapagsasagawa ng pag-aaral ang FPA sa mga plantasyon ng kompanya kaya’t posibleng may mga kaso ng pagkalasong naikukubli sa gobyerno.

Ayon kay Quijano, bigo ang FPA na itaguyod ang pagbabawal sa FPA, sa kabila ng ebidensiyang siyentipiko sa loob at labas ng bansa hinggil sa panganib na dulot nito sa tao at kalikasan. “Mas pinahalagahan ng gobyerno ang mga transnasyunal na kompanya kaya humantong tayo sa ganitong problema,” aniya.

Hindi birong pinsala

Hindi biro ang pinsalang kakaharapin ng bansa sakaling tumagas sa dagat ang endosulfan na naka-imbak sa lumubog na MV Princess of the Stars. Malawakang fishkill, agarang pagkamatay at malalang pagkakasakit ng mga mamamayan, at pangamatagalang pagkawasak sa kalikasan ang inaasahan.

Ayon kay Panganiban, kalahati ng populasyong magkakaroon ng exposure o kontak sa katawan sa kahit walong milligrams lamang ng endosulfan ang maaaring mamatay. Ang makakaligtas naman, makararanas ng iba’t ibang sakit.

Tanda ng kagyat na pagkalason sa endosulfan ang pagkahilo, pagduduwal, pagkalito, panghihina o kaya naman, labis na pagkamakilos (hyper-excitability), pangangapos ng hininga, pangininig, at pangangati ng balat. Kinikilala ang endosulfan na endocrine disruptor o kemikal na nakakasira sa endocrine system o sistemang nangangasiwa sa hormones ng mga tao.

Samantala, kabilang sa pangmatagalang epekto sa kalusugan ng pagkalason sa endosulfan ang abnormalidad sa pag-iisip (mental impairment at neurologic disturbance), sakit sa atay at bato, sakit sa puso (cardiac disorder), sakit sa dugo (blood disorder), abnormalidad sa reproduktibong sistema (reproductive toxicity) at immune system (immunotoxicity), at iba pa. May ilan ding mga pag-aaral na nag-uugnay ng endosulfan sa sakit na kanser.

Sa India, sinasabing pinakamalaking kaso ng pagkalason sunod sa pagtagas ng Bhopal Gas ang pagkalason sa endosulfan ng mga komunidad sa estado ng Kerala. May 135 katao ang naitalang namatay dahil dito, at libu-libo ang may iba’t ibang mga sakit at abnormalidad.

“Hindi makokontrol ang pagkalat ng kemikal kapag napakawalan ito sa karagatan. Agad na ikamamatay nito ang mga lamang-dagat, na siya ring pangunahing kabuhayan ng mga residente sa probinsiya,” ayon pa kay Panganiban.

Naganap sa River Rhine sa Europa noong 1969 ang unang kaso ng kontaminasyon sa endosulfan. Noong 1988, nagkaroon din ng fishkill sa Sudan nang makontamina ng endosulfan ang mga kanal sa irigasyon. Ikinamatay din ito ng tatlong kataong uminom sa kanal. Noong 1995 naman, tumagas sa ilog ang endosulfan na gamit sa mga plantasyon ng bulak (cotton) sa Alabama, US. Ikinamatay ito ng 240,000 isda.

Parusa ang panawagan

Dahil sa maraming naidulot na mga kaso ng pagkalason, matagal nang pinag-aaralan ng internasyunal na komunidad na isama ang endosulfan sa listahan ng POPs o Persistent Organic Pollutants na ipinagbabawal sa buong mundo sa ilalim ng Stockholm Convention on POPs. Nakapirma ang Pilipinas sa nasabing kumbensiyon.

Ayon kay Quijano, na dating co-chair ng International POPs Elimination Network at isa sa mga nagsulong ng Stockholm Convention, kasama sa inisyal na listahan ng POPs ang endosulfan. “Isa pa nga ang gobyerno ng Pilipinas sa mga nagtutulak na maisama ito noong unang bahagi ng dekada ‘90. Pero bigla na lamang ito nawalan ng interes. Malakas din kasi ang impluwensiya ng Hoechst sa mga internasyunal na pulong hinggil sa POPs,” aniya.

Gayunpaman, nakasalang pa rin ang endosulfan sa listahan ng mga pestisidyong inihahanda nang i-phase out o itigil ang paggamit. Sa trahedyang posibleng idulot ng endosulfan sa lumubog na MV Princess of the Stars, lumakas lalo ang loob ng iba’t ibang mga grupo na ipagbawal ito at iba pang nakakalasong mga kemikal.

“Nananawagan kami kay Pang. Arroyo na kagyat na ipagbawal ang lahat ng nakakalasong mga kemikal. Dapat ding gumawa at ipatupad ng gobyerno ang mahigpit na mga panuntunan sa importasyon, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo sa bansa,” ani Danilo Ramos, pangakalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at tagapagtipon ng alyansang Resistance and Solidarity Against Agro-chemical TNCs o Resist.

Dapat ding parusahan ang Del Monte, Sulpicio Lines, at mga ahensiya ng gobyerno na nagpabaya sa paglipat ng endosulfan, ayon pa kay Ramos. Hindi dapat payagang dumulo sa mas malupit pang trahedya ang malungkot nang sinapit ng mga biktima ng MV Princess of the Stars.

May ulat ni Noel Sales Barcelona

Posted in Kalikasan, Magsasaka at Agrikultura, Pangkalusugan | Leave a Comment »

Papainit na mundo, trahedya ng kapitalismo

Posted by mamamahayag on April 20, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 5 Blg. 14
Abril 19, 2007

Matitinding bagyo. Madalas na pagbaha. Tagtuyot. Kagutuman at kawalan ng sariwang tubig. Paglaho ng mga halaman at hayop. Pagkawasak ng mga baybaying-dagat at isla. Paglaganap ng mga sakit.

Hindi na lamang kathang-isip ang mga senaryong ito na kadalasang iniuugnay sa pagkagunaw ng mundo. Nagaganap na at magaganap pa ang mala-trahedyang mga epekto ng pagbabago ng klima (climate change) dahil sa pag-init ng mundo (global warming).

Ngayong Abril, naglabas ang IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change) ng makasaysayang ulat. Sinasabi nitong nakakaalarma ang pag-init ng mundo sa nakaraang kalahating siglo, na 90% ay gawa ng tao. Tataas pa ito ng 1.8-4.0 °C hangggang 2100, at hene-henerasyon ng sangkatauhan ang apektado. (Tingnan ang ‘Paano nangyayari ang pag-init ng mundo’.)

Ang ulat ay ginawa ng mga siyentista mula sa 130 bansa na nagsuri sa libu-libong datos na nakalap simula 1970. Sinubukan itong palabnawin ng ilang siyentista mula sa industriyalisadong mga bansa katulad ng US, Tsina, Russia, at Saudi Arabia; ngunit tumindig ang karamihan na ang pag-init ng mundo ay seryosong problemang kailangang harapin.

Sa kalakhan, mapangwasak ito sa mga likas-yaman, seguridad sa pagkain at sariwang tubig, kabuhayan, at kalusugan. (Tingnan ang ‘Ilan sa mga epekto ng Global Warming’.)

Kalakhan na ng mga greenhouse gas (GHG) emission, sanhi ng pag-init ng mundo, ay nagmumula sa mayayamang bansa na may pinakamalalaking industriya. Ngunit ang kakatwa, pinaka-apektado ang mahihirap at atrasadong mga bansa, katulad ng Pilipinas, na sensitibo sa mga pagbabago sa klima at walang kapasidad na tugunan ang mga epekto nito.

Pinsala sa ’Pinas

Kasabay ng pag-init ng mundo, tumaas din ang temperatura sa bansa mula 1920. Dumarami ang maiinit na araw at dumadalang ang malalamig. Nag-umpisa ring tumaas ang sea level sa Pilipinas mula 1970.

Nagkatotoo ang pangamba ni Dr. Emmanuel Anglo, eksperto sa climate change ng Manila Observatory-Ateneo de Manila University, nang maganap ang landslide na hatid ng 10 araw na walang tigil na pag-ulan sa Guinsaugon, Leyte noong Pebrero 2006. Kumitil ito sa buhay ng daan-daang mga mamamayan.

Ayon sa pananaliksik noong 2001 ni Dr. Anglo, dadami at lalakas ang mga bagyong dadaan sa Pilipinas. Kung dati-rati’y pumapasok ang karamihan ng bagyo sa Hilagang Luzon, natuklasan niyang pumapasok na ngayon ang karamihan sa Silangang Bisaya. Malala pa rito, tumatawid ang mga ito sa kanlurang bahagi ng bansa – kaya napipinsala na rin ang mga lugar na dating hindi tinatamaan ng bagyo.

“Dati-rati, pagtama ng bagyo sa lupa, hihina na ito. Ngayon, tumatagal na ang buhay nito kaya nakakatawid sa matataong lugar katulad ng Metro Manila,” inihayag ni Dr. Anglo sa PINOY WEEKLY.

Sa pag-aaral noong 2006 hinggil sa epekto ng climate change sa Pilipinas, kinumpirma ng grupong Greenpeace ang pagdalas ng mga labis na aberya sa panahon. Pitong mayor na landslide o pagguho ng lupa dulot ng malalakas na ulan ang naitala mula 1991 hanggang 2004. Malaking pinsala ang dulot ng mga ito: kada taon, karaniwang umaabot sa 593 ang mga namamatay; P4.6-Bilyon ang halaga ng pagkasira sa ari-arian; P3-B ang halaga ng pagkasira sa agrikultura; at libu-libo ang nawawalan ng tirahan at hanapbuhay.

Dumalas din ang pamamayani ng El Niño (tag-init) at La Niña (tag-ulan). Mula 1950 hanggang 1970, nagkaroon lamang ng tatlong La Niña at dalawang El Niño. Ngunit mula 1970 hanggang 2005, umakyat ito sa limang La Niña at pitong El Niño.
Naobserbahan sa bansa ang kaugnay na mga epekto ng climate change katulad ng pagbaba ng produksiyon sa agrikultura; pagkamatay ng mga bahura (coral reefs), hayop at halaman; pagkaubos ng sariwang tubig; malnutrisyon at sakit. Siyempre pa, mga maralita ang pangunahing pumapasan ng mga problemang ito.

Pinalala ng gobyerno

Pinalalala ang mga epekto ng climate change ng nawasak nang kapaligiran ng Pilipinas dulot ng pagtotroso, pagmimina, sobrang pangingisda, at polusyon. Halimbawa, ang landslide sa Guinsaugon ay may kakambal na epekto ng malakas na ulan at kalbong kabundukan.

Sinisisi ng Kalikasan-People’s Network for the Environment ang gobyerno sa paglala ng climate change at pagkawasak ng kapaligiran na umano’y dulot ng mga patakaran ng neo-liberal na globalisasyon.

Sa halip na pangalagaan, ibinukas ng gobyerno sa industriyalisadong mga bansa ang mga likas-yaman ng Pilipinas, dahilan para maubos ang mga ito. (Halimbawa, kinalbo ng mga kompanyang US at Hapon ang mga kagubatan mula 1920 hanggang 1980; nawala ang maraming bakawan dahil ginawang palaisdaan ng mga kompanyang Taiwanese.)

Nakakadagdag din umano sa mga GHG emission ang pagsandig ng gobyerno sa inaangkat na langis. Sa Pilipinas, pinaka-malaking sanhi ng mga GHG emission ang sektor ng enerhiya (39%) na nakadepende sa kumbensiyunal na mga fossil fuel gaya ng langis at karbon (coal). Wala pa sa 0.2% ang renewable energy o enerhiyang di nagdudulot ng polusyon gaya ng nagmu-mula sa tubig, hangin at araw.

“Hindi makaalpas ang gobyerno sa pagiging dependent sa enerhiya sa inangkat na langis dahil magagalit ang tatlong dayuhang kompanya ng langis (Shell, Caltex, at Petron) at dayuhan ding may-ari ng mga power plant, katulad ng Mirant ng US,” inihayag sa PINOY WEEKLY ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE.

Hinaing naman ni Dr. Anglo, hindi pa rin pinauunlad ng gobyerno ang sistema sa paghahanda at kontrol sa mga sakuna, sa kabila ng paglala ng mga ito.

Bagong sistema

Dahil hindi industriyalisado, maliit ang kontribusyon ng Pilipinas sa pandaigdigang mga GHG emission. Kaya naman hindi naniniwala si Dr. Anglo na makakatulong sa pag-ampat sa climate change ang pagsasara dito ng mga power plant na pinatatakbo ng langis. “Bakit tayo magpepenitensiya para sa kasalanan ng iba?” aniya, patungkol sa mga mauunlad na bansa.

Ang US ang nagpapakawala ng pinakamaraming carbon dioxide emission (6008.6 milyong metro tonelada noong 2005) sa daigdig. Lampas ito sa kalahati ng carbon dioxide emission ng lahat ng industriyalisadong bansa. Sa kabila nito, o marahil dahil dito, hindi pumirma ang US sa Kyoto Protocol o pandaigdigang kasunduan na layong ibaba ang antas ng mga GHG emission.

Inihayag ni Bautista na patunay ang pinakahuling ulat ng IPCC na ang pag-init ng mundo ay isang “lohikal na produkto” ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya na “hindi nakabubuhay, kontra-kalikasan, at kontra-mamamayan.”

“Hindi tatagal ang mundo sa kapitalismo. Hindi layunin ng mga monopolyo kapitalista, pangunahin ng US, na pangalagaan ang kalikasan. Nais nitong mahuthot ang pinakamaraming likas-yaman sa pinakamababang halaga, para makuha ang pinakamalaking tubo,” aniya.

Inirerekomenda ng gobyerno at ilang mga grupong pangkalikasan ang maliliit na hakbang para mabawasan ang mga carbon dioxide emission ng bawat indibidwal. Bagaman nararapat, naniniwala ang Kalikasan-PNE na hindi nito sinasapul ang ugat ng problema.

Mas produktibo umanong turuan ang bulnerableng mga komunidad na kilalanin at kontrolin ang mga epekto ng climate change. Pinaka-mahalaga, ani Bautista, ang paghahanap ng “bagong sistema na mas magiging mahusay sa paggamit ng mga rekurso, tunay na mangangalaga sa kalikasan, at magbibigay na maunlad na kabuhayan sa lahat.”

Ang sistemang ito kaya ang makakapagligtas sa mundo sa trahedyang nagaganap sa ilalim ng kapitalismo?

Posted in Kalikasan | 10 Comments »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.