Muling Paglathala

Archive for the ‘Karapatang Pantao’ Category

Pinagkaitan ng katahimikan

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

MATATAG na tao ang pagkakakilala ni Maria Gumanoy sa kanyang 21-anyos na panganay na si Rose Ann. Katulad ng kanyang pinaslang na ama. Kaya inalagaan at ipinagtanggol ni Rose Ann ang kanyang pamilya nang hinaharas ito ng mga sundalo sa kanilang tinitirahan sa Quezon. Nang siya ay mabaril sa isang operasyong militar at kasuhan ng rebelyon noong Abril, hindi siya nakipagtulungan sa militar – sa kabila ng halos oras-oras na pananakot habang nagpapagamot sa V. Luna Medical Center. Nang dinukot siya at ang kanyang 17-anyos na kapatid na si Fatima noong Hulyo 3, hindi pa rin siya agad-agad na bumigay.

“Sa harapan ko mismo ay nakita ko na pinapipirma ng bantay na militar sina Rose at Fatima sa isang papel na nagsasaad na sila ay hindi dinukot at kusang loob na pumunta sa kanila. Sa kabila ng takot at kahit nag-iiyak, hindi pumirma sina Fatima at Rose Ann,” sabi ni Maria. Tinutukoy ni Maria ang pagbisita sa kanyang mga anak sa Fort Bonifacio General Hospital noong Hulyo 6, dalawang araw matapos umamin ang AFP (Armed Forces of the Philippines) na nasa pangangalaga nila ang dalawang kabataan.

Kaya nang humarap sa isang press conference si Rose Ann kasama ang mga opisyal ng AFP noong Hulyo 10 para pabulaanan na dinukot sila ng militar at sabihing kusa silang lumapit dito para humingi ng proteksiyon, alam na ni Maria ang nangyari. Natakot si Rose Anne para kay Fatima na ngayo’y mistulang “hostage,” ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na nangangalaga sa pamilya Gumanoy.

Anak sina Rose Ann at Fatima ni Eddie Gumanoy, tagapangulo ng Kasama-TK (Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan). Dinukot at pinatay noong Abril 22, 2003 ang kanilang ama, kasama si Eden Marcellana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Tagalog, habang nasa isang fact-finding mission sa Mindoro Oriental.

Binansagan ng militar na rebelde si Eddie bago siya tuluyang pinatay ng pinaghihinalaang mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan. Pero hindi na pa rin natahimik ang pamilya Gumanoy. Patuloy silang inakusahang mga NPA (New People’s Army), tinakot, at tinugis. Rurok nito ang diumano’y ilegal na detensiyon ng isang menor-de-edad at pagkakait sa isang ina ng kanyang mga karapatan sa mga anak.

Sakit at takot

“Malapit si Rose Ann sa tatay niya. Nagrebelde ’yung kanyang kalooban nang pinatay ’yung tatay niya na hindi naman masamang tao at napakabait, pinatay nang wala namang dahilan…’Yun na nga ang nakapagtataka doon. Sundalo ang pumatay sa tatay nila tapos ngayon sasabihin na sa kanila humingi ng tulong. Ganun naman talaga ’yung militar. Binabaliktad (ang kuwento) dahil hawak nila,” ani Maria.

Walang dahilan ang AFP na hawakan si Fatima na walang kaso, maliban sa paliwanag ni Lt. Col. Romeo Brawner, tagapasalita ng AFP, na mayroon itong German measles (tigdas) kaya patuloy na ginagamot. Pero hinala ni Maria, anuman ang sakit na dumapo sa kanyang anak, kagagawan ito mismo ng AFP.

Noong Hulyo 3, makikipagtagpo sana ang magkapatid sa kanilang ina sa Metropolis mall sa Alabang. Galing sila sa General Nakar, Quezon kung saan nagpapagaling si Rose Ann sa sugat sa kaliwang braso. Si Fatima ang nag-alaga sa kay Rose Ann, mula sa V. Luna Medical Center hanggang sa mailipat siya sa Quezon Provicial Jail at makapagpiyansa noong Mayo 29. Nag-text si Rose Ann sa kanyang ina noong tanghali na “may sumusunod” sa kanila. Bandang alas-kuwatro ng hapon, nag-text ito muli para sabihing kinuha sila ng militar at nasa Camp Aguinaldo.

Kinabukasan, pumunta sina Maria at mga taga-Karapatan sa opisina ng Isafp (Intelligence Service of the AFP) para hanapin ang dalawa. Itinanggi ng Isafp na nasa kanila ang mga ito. Pero kinagabihan, inamin ni Col. Ernesto Torres, tagapagsalita ng Philippine Army, na hawak nila sa Fort Bonifacio sina Rose Ann at Fatima.

Hulyo 5, agad silang pinuntahan nina Maria. Mahigit tatlong oras silang naghintay bago hinarap ng isang opisyal na nagsabing nasa ospital ng kampo ang dalawa. Pero bago papasukin si Maria sa kuwarto ni Fatima, kuwento niya: “Kinapkapan ako. Hinatak pababa ang aking pantalon at panty, pati ang aking puwet ay tiningnan ng stethoscope at tinusok-tusok ng stick ang aking hita ng doktor na hindi nagpakilala.”

Dalawang sundalo na nakilala lamang sa pangalang Weng at Arcel ang nakabantay sa bata. Naghanda na ng gamit si Fatima para sumama sa kanyang ina. Pero nang palabas na sila, hinatak si Fatima ng doktor at sinabing hindi siya puwedeng lumabas. Dahilan ng di-nagpakilalang doktor kay Maria, may Urinary Tract Infection ang bata. Hindi niya pinayagan ang ina na ilipat na lamang ng ospital si Fatima, at sinabihang bumalik na lamang kinabukasan.

Pero pagbalik ni Maria, iba na ang hitsura ni Fatima. Nakaratay siya at maraming pantal sa katawan. Nangingitim ang labi, maputla ang mga paa. Kulay ube ang gilid ng kanyang talampakan, at malamig na malamig ang mga binti nito. Allergy raw ito, sabi kay Maria ng doktor—hindi German measles, tulad ng opisyal na pahayag ng AFP. Wala namang maipakitang medical record ang doktor na magpapatunay sa kung ano ang tunay na sakit ng bata.

Noon din nakita ni Maria ang sapilitang pagpipirma ni Weng ng affidavit sa kanyang dalawang anak. Kinuhanan din ng bidyo ang ina at kasamahan niyang mga miyembro ng Karapatan. Ayon pa kay Maria, “Bawat salita ni Fatima, nakatingin sa sundalo. Tapos ’yung sundalo ang sumasagot kahit hindi naman siya yung tinatanong ko, sinasabi niyang ‘ayaw talaga nanay sumama ni Fatima sa iyo.’ Samantalang di naman nagsasalita ang bata. Kaya yun ang (hinala) ko, na tinatakot si Fatima.”

Hindi na muling pinayagang pumasok si Maria sa ospital nang may kasama, kahit pa ang kanyang pinsan na si Emily na pinagbintangan ng mga sundalo na “pakawala ng Karaparatan.” Natatakot naman si Maria na pumasok sa ospital nang mag-isa.

Panghaharas, noon at ngayon

Ramdam na ng pamilya Gumanoy ang panghaharas ng militar bago pa man pinatay si Eddie, na aktibo noon sa laban ng mga magsasaka ng niyog laban sa resikada. Kaya napilitan silang umalis sa Quezon noong 2001. “’Yung ikaw lang ay magpahayag, ipaglaban mo ang karapatan mo bilang magsasaka, sa lupa, pinagbintangan na nila na NPA (ang asawa ko) hanggang sa mawala na siya. Hanggang ngayon malaki yung epekto sa amin ng pangyayari. Nasusundan pa rin kami kahit saang lugar kami magtago,” sabi ni Maria.

Noong 2004, bumalik muli sa Quezon ang pamilya. Naroon lamang ang kanilang tanging ikinabubuhay. Nakikisaka si Maria o di kaya’y nagkakaingin. Anim ang kanyang anak kay Eddie, lahat menor-de-edad maliban kina Rose Ann at 19-anyos na si Daniel. Natigil ang karamihan sa pag-aaral nang mamatay ang ama. “Si Rose Ann, maaalalahanin sa magulang at sa mga kapatid. Ganoon din si Fatima. Siya yung tumutulong sa akin noong hindi pa ako nag-aasawa ulit.”

Pero makailang beses silang binisita ng mga militar. Inaakusahan nilang NPA sina Rose Ann at Daniel. Hinahalughog ang kanilang bahay at pilit isinasama si Maria sa kampo. Noong Hulyo 2006, ayon kay Maria, kinausap pa siya ni Lt. Gerry Mangalos ng 16th Infantry Brigade na naka-base noon sa Mindoro Oriental. Umano’y inamin mismo ni Mangalos na yunit nila ang pumatay kay Eddie.

Muling napilitang lumikas ang pamilya noong Enero ngayong taon. “Sosonahin daw yung aming lugar tapos talagang hinahanap na talaga ako. Kung hindi ako umalis doon baka ako na yung hinawakan ng mga sundalo para lang sumulpot ang aking mga anak na basta ang alam ko, nasa Pampanga,” ani Maria.

Umano’y tumutulong ang dalawa sa tindahan ng kanilang tiyuhin doon at dapat sana’y pag-aaralin na. Bumalik sa Quezon si Rose Ann para ipamalita ito sa ina, nang siya ay maipit sa isang engkuwentro noong Abril 15 habang nasa bahay ng isang kaibigan. Sugatan ang mga sibilyan na sina Merie Carcer, 50, at anak nitong si Christine, 7. Napatay naman si Monica Carcer, 13, na inaakusahan ng AFP na rebelde.

Labag sa karapatan

Kinondena ng Karapatan, Gabriela Women’s Party, at mga grupong nagtataguyod sa karapatan ng mga bata ang detensiyon kay Fatima. Labag umano ito sa Article 10 ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Nakasaad sa Article 10 na “zones of peace” ang mga batang naiipit sa digmaang sibil at dapat iginagalang ang mga karapatan.

“Dapat kagyat at walang kondisyong pakawalan si Fatima ng AFP. Wala siyang kaso at di dapat hinahawakan ng militar. Kung totoo ngang may sakit siya, lalo niyang kailangan ang kalinga ng kanyang ina,” sabi ni Alphonse Rivera, tagapagsalita ng Salinlahi o Alliance for Children’s Concerns.

Ayon pa kay Eilek Manano, isang social worker ng Children’s Rehabilitation Center, hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat ng pamilya Gumanoy dahil sa pagkamatay ni Eddie at panghaharas sa kanila ng militar. “Anong moral ground ng AFP para sabihing inaalala nila ang kapakanan ng magkapatid?”

Tuluyan namang nawalan na ng kumpiyansa si Maria sa militar. “Sobrang mapagbintang sila sa mga sibilyan na wala namang kasalanan. Di na lang nila hanapin ’yung tunay nilang kalaban, kundi sibilyan yung mas higit na naaapektuhan. Hindi pa nga nabigyan ng katarungan yung asawa ko, tapos yan na naman.”

Sa kabila ng positibong pagkilala ng mga testigo, ibinasura ng Department of Justice noong 2007 ang kaso laban sa mga suspek sa pagpatay kina Eddie at Marcellana na sina M/Sgt. Donald Caigas, Aniano “Ka Silver” Flores, at Richard “Waway” Falla.

Matatag man ang kanyang mga anak, alam ni Maria na bata pa rin sina Fatima at Rose Ann – may espesyal silang mga karapatan na matindi ang epekto kapag niyurakan. Sabik na siyang muling makapiling ang mga anak. At mabuhay nang tahimik ang kanyang pamilyang mistulang ginigiyera nang walang kalaban-laban.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Maitim na balak kay Randy Echanis

Posted by mamamahayag on February 7, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 5
Pebrero 6-12, 2008

PARANG death squad sila kung kumilos. At kung hindi pa nabuko, tinuluyan na siguro nilang dukutin o patayin si Randall “Randy” Echanis.

Nakasuot ng bonnet at walang nameplate ang walong armadong kalalakihan na kumubkob sa kinaroroonan ng mga lider-magsasaka noong Enero 28. Nabulabog ang isang pulong ng UMA (Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura), National Federation of Sugar Workers, at KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) sa Builders Training Center, Brgy. Calumangan, Bago, Negros Oriental.

“Taga-Maynila” raw ang hinahanap. Nang makita sa lugar si Echanis, na deputy secretary general for external affairs ng KMP, agad itong inaresto.Walang iprinisentang mandamyento-de-aresto.

“Parang may gagawing hindi tama,” pagsasalarawan ni Rene Galang, tagapangulo ng UMA, sa mga armadong kalalakihan.

Malaking isda?

Nang dumating ang isang abogado at lokal na midya, saka lamang nagpakilala si Police Inspector Dehucos Noppo ng Philippine National Police Provincial Command ng lugar. Tinawag niyang “kabaro” ang mga naka-bonnet at inilabas ang arrest warrant ni Echanis para sa kasong multiple murder.

Hinggil sa diumano’y mass grave na nahukay ng militar sa Hilongos, Leyte ang kaso kay Echanis, katulad ng ginamit para arestuhin si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo noong nakaraang taon.

Pinalaya ng Korte Suprema si Ocampo dahil depektibo ang impormasyon sa nasabing kaso. Pero kahit pa, pinipilit ng militar na “malaking isda” ng kilusang komunista si Echanis. Mula sa Bago City Jail, diumano’y sa isang press conference siya dadalhin noong Enero 29. Iyon pala, ililipad siya sa isang helikopter patungong Hilongos. Sinubukang sumama ng mga lider-magsasakang nagbabantay sa kanya pero pinigilan ng mga sundalo.

Matalas ang isip ni Echanis – hinawakan nang mahigpit si Sr. Pat Fox ng Rural Missionaries of the Philippines hanggang sa makasakay.

Nang magpagasolina ang helikopter sa Mactan, Cebu, sinubukan ng militar na pababain ang madre – may tawag sa telepono para sa kanya. Hindi humiwalay sa kanya si Echanis. “Bakit ka sumama diyan?” tanong sa madre ng di-kilalang tao sa telepono. Malinaw na mapanganib maiwan si Echanis na mag-isa sa kamay ng mga humuli sa kanya.

Hindi dito nagwakas ang umano’y sikolohikal na tortyur kay Echanis. Matapos iprisenta kay Judge Ephraim Abando, inilipat siya ng kulungan noong hatinggabi. Isang armored personnel carrier at apat na 6 x 6 ang eskort niya papuntang Leyte Provincial Jail sa Palo. Tumagal nang halos apat na oras ang dalawang oras na biyahe dahil sa bagal ng tangke.

Naglingkod sa masa

Ayon sa kanyang mga kapamilya at kasamahan, labis na puwersa at paglilinlang ang ginamit ng mga awtoridad kay Echanis. Nagtataka sila sa P5 Milyong patong sa kanyang ulo na idineklara ni Hen. Hermogenes Esperon, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines. Gayong ang buhay ni Echanis ay mataginting na rekord ng paglilingkod sa mga magsasaka, hindi ng karumal-dumal na mga krimen.

Tubong-Abra, namulat sa aktibismo si Ka Randy sa Philippine College of Commerce noong dekada ’60. Nahalal siyang tagapangulo ng Kabataang Makabayan-University of the East Chapter at naging kalahok sa First Quarter Storm. Huling bahagi ng dekada ’70, nagpasya siyang sumanib sa kilusang underground at mag-organisa ng mga magsasaka sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Ilokos, at Kordilyera hanggang sa maaresto siya noong 1983.

Dalawang taon siyang naka-solitary confinement sa Camp Aguinaldo. Pinalaya noong 1986, sumali siya sa Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya at naging isa sa mga tagapagtatag ng Partido ng Bayan.

Noong 1987, bumalik si Echanis sa kanayunan hanggang sa maaresto muli noong 1990, kasama ng asawang si Erlinda Lacaba at noo’y dalawang-taong-gulang na anak na si Amanda. Isang linggo siyang tinortyur sa isang safehouse bago inilipat sa Kampo Crame. Muli siyang nakalaya nang ibasura ng korte noong 1992 ang kasong illegal possession of firearms at rebelyon.

Inihalal na opisyal ng KMP si Echanis noong 1999. Kinatawan niya ang KMP sa iba’t ibang mga pulong pandaigdig: World Farmers’ Assembly sa France, World Social Forum sa Brazil, World Anti-Imperialist Conference sa Indonesia, at International League of Peoples’ Struggle sa The Netherlands.

Simula 2002, tumutulong din siya sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDFP (National Democratic Front of the Philippines) bilang miyembro ng NDFP Reciprocal Working Committee for Social and Economic Reforms.

Naghahanda para sa nalalapit na National Rural Congress ng Catholic Bishops Conference of the Philippines si Echanis nang arestuhin noong nakaraang linggo.

Mapapalaya

Pinapatotoo ng mga kuwento ng kasamahan sa kilusang magsasaka ang mahabang karanasan ni Echanis ng paglilingkod.

“Marami siyang ibinabahaging mahahalagang aral tungkol sa pag-oorganisa sa mga magsasaka. Sabi niya, basta mahigpit ang pagsandig at pagtiwala sa masa, malalampasan ang anumang problema, kahirapan at sakripisyo. Iba raw kapag nakikita mo kung paano umuunlad at naiipon yung kakayahan at kahandaan ng masang mga magsasaka,” kuwento ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, tagapangulo ng KMP.

Inspirasyon din si Echanis ng kanyang 27-anyos na anak na si July, na miyembro ng National Network for Agrarian Reform Advocates-Youth Sector. “Kung paano siya nagsilbi sa masa, gusto niyang mamana ko bilang anak. Hindi ko siya kailanman nakita na panghinaan ng loob,” aniya.

Noon pa man, handa na umano ang kanilang pamilya sa anumang puwedeng mangyari sa ama. Gayunman, nakakagalit pa rin umano ang sinapit ni Echanis. Kulang na lang umano, ikulong siya ng bawat rehimeng namuno sa bansa. “Senior citizen na siya. Kung tutuusin, dapat binibigyan na siya ng benepisyo ng gobyerno,” sabi ni July.

Noong Enero 31, naghain ng mosyon ang mga abogado ni Echanis para ibasura ang kaso at isuspindi ang mandamyento-de-aresto.

Sinasandigan ng mosyon ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Ocampo. Isinaad din ang kahinaan ng kaso laban kay Echanis – sa anim na testigo sa “pagpupurga” sa loob ng kilusang komunista, isa lamang ang tumuro sa kanya bilang miyembro diumano ng Komite Sentral ng Communist Party of the Philippines. Walang ibang ebidensiyang iprinisenta para patunayan ang alegasyon.

Sa pagbubuo ng mga kaanak at tagasuporta ni Echanis sa Free Randall Echanis Movement, umaasa sila na mapapalaya siya at mabibigo ang muling hambalos ng panggigipit umano ni Arroyo sa mga kritiko ng gobyerno.

Nagpapasalamat din sila sa pagkalisto ni Echanis at kanyang mga kasamahan. Posibleng isinusumpa ito ngayon ng sinumang mga nagplano ng mas maitim na balak laban sa kanya.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Inilitaw ang isa, pero marami pa ang nawawala

Posted by mamamahayag on December 9, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly
Disyembre 5-11, 2007

NANG mayakap sa wakas ni Aya Santos ang kanyang ina na tatlong araw nang nawawala, hindi napigilan ang pagbuhos ng mga luha ng tuwa.

Hindi lang si Aya ang lumuha. Pati ang iba pang kaanak ng mga desaparecido. Sa wakas, inilitaw ang isa sa mga dinukot. Iprinisinta ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa Fort Bonifacio si Elizabeth Principe, ina ni Aya at konsultant para sa usapang pangkapayapaan ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines). Galing sa doktor nang dukutin si ng militar sa Cubao, Quezon City noong Nobyembre 28.

Ayon sa AFP, kalihim ng Communist Party of the Philippines sa Cagayan Valley si Elizabeth. May hinala silang may kinalaman siya sa pagsakop nina Sen. Antonio Trillanes IV sa Manila Peninsula Hotel noong Nobyembre 29 para manawagan ng pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo.

Matapang si Elizabeth, bagaman maliit at palangiti. “Hitsurang nanay na mahilig magluto,” ayon sa bantay na pulis. Di maiisipang karapat-dapat sa tortyur na dinanas.

Pinagkalooban si Elizabeth ng Jasig (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees) na dapat ay nagbibigay ng proteksiyon sa mga konsultant ng NDFP. Pero hindi ito nirespeto ng militar.

Sabi ni Elizabeth, hindi sana siya ilalabas ng Army kundi nito kailangang gumawa ng kuwento na kesyo may koneksiyon ang rebolusyonaryong kilusan sa mga aksiyon ni Trillanes sa Makati.

Mag-asawang Elizabeth at Leo

Kung hindi inilantad ng AFP si Elizabeth, parehong magulang sana ang hinahanap ni Aya hanggang ngayon. Asawa ni si Velasco, ama ni Aya at konsultant din ng NDFP na dinukot sa Cagayan de Oro City noong Pebrero 19.

Naorganisa sa kilusang progresibo noong dekada ’60 si Leo na estudyante noon sa pre-medicine sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagdesisyon siyang lumahok sa rebolusyonaryong kilusan noong 1971.

Kumilos si sa mahabang panahon sa Cagayan Valley. Pinamunuan niya ang pakikibaka ng libu-libong magsasaka para sa lupa noong 1981-82 laban sa pangangamkam ng Hacienda San Antonio at Hacienda Sta. Isabel sa Ilagan, Isabela.

‘Mabubuting tao’

Masaya para kay Aya ang mga kaanak ng iba pang dinukot na konsultant ng NDFP na di pa inililitaw ng gobyerno.
“Mabuti pa siya,” sabi ni Noki Calubid, anak nina Prudencio Calubid at Celina Palma. Dinukot ang dalawa sa haywey ng Camarines Norte noong Hunyo 26, 2006, kasama sina Gloria Soco, Ariel Beloy, at Antonio Lacno. Nakatakas si Lacno matapos ang dalawang araw.

Ikinuwento ni Lacno kung paano matinding pinahirapan ng militar si Calubid, konsultant ng NDFP. Magigiting ang binitiwan niyang salita: “Wala kayong makukuha sa akin! Patayin n’yo na lang ako!”

Halos isang taon bago nagdesisyon si Noki, 21, na hanapin ang kanyang mga magulang. Matapos gumradweyt, lumuwas siya ng Maynila para magtrabaho. Pero di mapawi ang paghahangad ng hustisya. Sumali siya sa Desaparecidos. Simula noon, katuwang na siya sa paghahanap sa mga nawawala.

Anim na taong gulang si Noki nang unang sabihan ng kanyang mga magulang na mga rebolusyonaryo sila. “Tumatahimik na lang ako kapag sinasabi sa eskuwelahan na kriminal ang mga NPA. Kasi alam kong mabubuting tao ang aking mga magulang at mga kasamahan nila,” aniya.

Minsan sa isang taon lamang nagkakasama-sama ang pamilya ni Noki. Bagaman sanay na siya at ang dalawang kapatid na laging wala ang mga magulang, ibayo ang lungkot sa pagkawala ng kanilang nanay at tatay ngayon.

Nawawalang mag-ama

Kasama ang tatlong taong gulang na si Sugar ng kanyang lola na si Elizabeth Calubad sa paghahanap sa ama na si Gabriel at lolo na Rogelio “Rudy” Calubad, konsultant ng NDFP na dinukot noong Hunyo 17, 2006 sa Calauag, Quezon. “Si Sugar ang laging nangungulit sa akin na hanapin na si tatay (Gabriel) at papa (Rudy). Kapag naiiyak ako, sasabihan niya akong huwag nang malungkot,” sabi ni Elizabeth.

Magsasaka si Rudy na nakapagtapos lamang ng elementarya. Noong 1975, nilusob ng militar ang kanilang bahay at pinatay ang ama na inakusahang “simpatisador ng NPA.” Simula noon, sumangkot na siya sa rebolusyonaryong kilusan.
“Mahusay siyang organisador. Pasensiyoso. Ang tono niya, malumanay, di nagpapakita ng galit. Madali siyang lapitan ng mga taong may problema,” wika ni Calubad.

Sinimulang laban

Nangungulila rin Billet sa kapatid na si Cesar Batralo, konsultant ng NDFP na dinukot sa San Mateo, Rizal noong Disyembre 21, 2006. Patungo sana ang magkapatid sa taunang pagtitipon ng pamilya noong araw na iyon pero hindi sumipot si Cesar.
Nagsimulang maorganisa si Cesar sa Kabataang Makabayan noong 1968. May 35 taon na siyang naglilingkod sa kilusan. Kuwento ni Billet, “Sa aming siyam na magkakapatid, siya ang pinaka-idolo namin.”

Nang mawala ang kapatid, nangahas si Billet na maghanap sa mga kampo ng militar. Naranasan niyang makasahan ng baril. Pero aniya, “Ang laban na inumpisahan ng kapatid ko, tatapusin ko. Wala nang atrasan ito.”

Naghahanap din ang kaanak ng mga konsultant ng NDFP na sina Leopoldo Ancheta, dinukot noong Hunyo 24, 2006 sa Guiguinto, Bulacan; at Philip Limjoco, dinukot noong Mayo 8, 2006 sa Dau, Pampanga.

Malungkot, ayon pa kay Billet, ang paghahanap ng mga kaanak ng mga desaparecido. Patuloy kasing nadaragdagan ang kanilang hanay. Pero nang inilitaw ng AFP si Elizabeth Principe, natuwa sila. Muling nag-alab ang galit sa militar na pinaniniwalaang dumukot din sa kanilang mga minamahal.

At di maiiwasan, ang pagpinting ng kaunting pag-asa.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Paninikil kay Jose Maria Sison: Kabanata 2

Posted by mamamahayag on September 11, 2007

D’Jay Lazaro/Soliman A. Santos/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg. 34
Setyembre 6, 2007 

Taglay ng operasyon ang lahat ng tatak ng mga awtoridad ng Pilipinas: ang paglilihim, panlilinlang, at pagmamalupit sa detenido. Tila sa Pilipinas nangyari ang pagdakip kay Jose Maria Sison nitong Agosto 28, 2007, bagaman 7,000 milya ang layo ng Utrecht. Anu’t anuman, nangyari ang “matagal nang gustong mangyari ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng US – sa tulong ng gobyerno ng The Netherlands.” Sa ikalawang pagkakataon, piit ulit ang lider-rebolusyonaryo, 68 anyos.

Tumagal nang halos siyam na taon ang unang pagkakakulong ni Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines at kasalukuyang punong consultant ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Pilipino. Matinding tortyur ang inabot niya sapul 1977. (Basahin ang Pahina 9.) Ayon sa mga ulat, muling tinotortyur si Sison ngayon sa bilangguang Scheveningen. Dito rin ikinulong ng Nazi ang mga freedom fighter na Dutch noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Simboliko ito,” wika ni Luis Jalandoni ng NDFP sa PINOY WEEKLY. “Kasabay ng isterya ng ‘war on terror’ ay unti-unting lumilitaw ang ulo ng pasismo maging sa mga bansang itinuturing na demokrasya sa Amerika at Europa.”

Kalagayan ni Sison
Ayon kay Jalandoni, inkomunikado si Sison, naka-solitary confinement at ni “ayaw papasukin sa piitan ang gamot sa sakit sa puso.” Walang puwedeng makipag-usap kundi ang abogadong si Michael Pestman — at napakalimitado ng oras. Maging ang asawang si Julie de Lima-Sison ay hindi pinapayagang bumisita.

Paglabag ang mga ito sa international law, ayon sa isang opisyal ng International Committee of the Red Cross. Ganoon din ang opinyon ng isang international lawyer na sumama sa demonstrasyon sa The Hague nitong Biyernes. Aniya, ang solitary confinement ay itinuturing na tortyur sa batas-internasyonal.

“Walang inihapag na anumang batayan para patuloy siyang ikulong,” wika ni Pestman matapos ang unang pagdinig sa kaso. Pero inutos pa rin ng hukom ang pagkulong kay Sison. Sa kabila nito, “mataas ang moral ni Joma.” “Nabuburyong lang siya,” sabi naman ni Coni Ledesma, isa pang lider-NDFP. “Workaholic kasi ‘yang si Joma, nagtatrabaho ‘yan hanggang alas-kuwatro ng madaling araw, laluna kung may mahalagang sinusulat.” 

“Ang pag-aresto ay ginawa nang pataksil. Inimbitahan siya ng mga pulis tungkol diumano sa isang reklamo na inihapag niya noong 2001 (ang planong asasinasyon sa kanya). ‘Yun pala ay patibong para arestuhin siya,” kuwento ni Jalandoni. Magkasama kami ni Joma sa pagpunta sa pulisya. Pinaghiwalay kami. Yun pala ay dinala na siya sa piitan.”

Kabilang sa mga nababahala sa kalusugan at buhay ni Sison si Atty. Romeo Capulong, lead counsel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. “Tinatrato si Sison tulad ng iba pang detenido ng US sa Guantanamo, na tahasang wala nang karapatang pantao,” wika niya.

Pinalis ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang lahat ng pag-aalala. “Kilala ang gobyernong Dutch sa pagiging patas. Sigurado akong maayos ang trato nila kay Joma,” aniya. Propaganda lamang umano ng mga taga-Kaliwa na siya ay ginigipit.

Suporta kay Joma
Patuloy na umaani ng batikos ang pagdakip ng gobyerno ng The Netherlands kay Sison at reyd sa mga opisina at bahay ng mga taga-NDFP. (Basahin ang “Pandaigdigang tuligsa sa pagdakip kay Joma” sa pahina 7) Pero mayroon din namang galak na galak – una na ang gobyernong Arroyo–sa kabila ng malinaw na paglabag sa batas-internasyonal at humanitarian law.

Sa Pilipinas, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang protesta sa harap ng Embahada ng The Netherlands sa Makati. Kabilang sa mga nagprotesta ang Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakbayan, Gabriela at marami pang organisasyong masa.

Ayon sa CPC (Centre for Philippine Concerns), pulitikal at hindi kriminal na mga kaso ang tunay na dahilan ng pag-aresto kay Sison. Pakana umano ng gobyernong Arroyo na patahimikin si Sison. “Ang atakeng ito ay hindi lamang kay Sison kundi sa lahat ng nagmamahal sa kapayapaan at kalayaan at mga anti-imperyalista sa buong mundo,” ani CPC.

Binatikos maging ng dating US Attorney General na si Ramsey Clark ang pag-aresto kay Sison. Nagboluntaryo siya na maging isa sa mga abogado ng Pilipinong lider-rebolusyonaryo, na inilarawan pa niyang “isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig.” (Basahin ang “Anila.”)

Kriminal o pulitikal?

Giit ni Sek. Gonzales, ang ginawa kay Sison ay independiyenteng hakbang ng gobyernong Dutch, at walang kinalaman ang gobyernong Arroyo. Inamin niya, gayunman, na noon pang isang taon ay nag-iipon na ng “mga ebidensiya” ang mga tagausig at pulis na Dutch na nagpunta sa Pilipinas.

Lahat ng pangyayaring kaugnay ng armadong pakikibaka ng CPP-NPA ay ibinubunton ng Malakanyang kay Sison, kahit siya ay 20 taon nang naka-exile sa ibayong dagat, at kahit pa ilang ulit nang ibinasura ng mga korte sa Pilipinas ang mga habla laban sa kanya. Pinakahuli sa mga ito ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 2, 2007 ukol sa kasong rebelyon kay Sison at sa 50 iba pa. Kabilang sa “mga ebidensiya” na iniharap ng Malakanyang, at sinabi ng Korte Suprema na hindi sapat, ay ang ukol sa “pagpaparusa ng kamatayan” ng NPA sa mga dati nilang kasamahang sina Arturo Tabara noong 2003 at Romulo Kintanar noong 2004. (Ayon sa CPP-NPA, pinarusahan nila ang dalawa batay sa mga alituntunin ng kanilang organisasyon.) Mga biyuda ng dalawang ito, diumano, ang naghabla sa The Netherlands laban kay Sison.

“Itigil mo ang pagdidiyus-diyosan,” wika ni Gloria Kintanar noong 2003 kay Sison, na tila ba siguradong-sigurado siya na si Sison ang may gusto ng pagpatay sa kanyang ikalawang asawa. Sinakyan niya nang husto ang linya ng Malakanyang at Armed Forces of the Philippines. Sinusulsulan niya ngayon ang kontra-Kaliwang isterya sa pagsasabing “selos lang si Sison” sa husay ng yumaong Kintanar, kaya siya (Sison) ay nag-utos ng kamatayan. Wika pa niya, “meron siyang personal na kaalaman sa mga operasyong taktikal ng CPP-NPA sa pamamagitan ng Special Operations Group nito” na malamang na pumatay sa kanyang asawa.

“Ang kakatwa,” wika ng CPP, “ang nasabing mga operasyong taktikal at grupo ay pakana ni Kintanar noong siya ang hepe ng NPA. Itinakwil na ng CPP-NPA ang mga iyon sa kilusang pagwawasto.”

Malaki ang posibilidad na ang materyales na ipinasa ng Malakanyang sa mga imbestigador na Dutch, diumano’y mga intelligence report ng militar na ang kalakha’y mahirap patotohanan, ay kabilang sa “mga edidensiya” na winalang-halaga na ng Korte Suprema.

Epekto ng pagdakip

Agad nagpalabas ng travel advisory ang gobyernong Dutch para ang mga mamamayan nito ay huwag bumyahe sa Pilipinas, at itanggi pa nga, kung kailangan, na sila ay mamamayang Dutch. Itinaas din ng AFP ang alert level nito dahil sa sinasabi nilang mga ganting-salakay ng NPA.

Mabilis na nagpahayag ang CPP: “Hindi nakatuon sa mga mamamayang Dutch ang mga operasyong militar ng NPA. Malayang silang makapaglalakbay sa mga lugar ng NDFP, at wala silang ikakatakot sa mga puwersang rebolusyonaryo.”

Isa sa biktima ng pag-aresto at pagkukulong kay Sison ay ang usapang pangkapayapaan na matagal nang urong-sulong bunga, ayon sa NDFP, ng “mga arbitraryo at di-makatwirang demanda” ng gobyernong Arroyo. Pinakamalubha sa mga ito ang kondisyong “sumuko muna ang NPA” bago ituloy ang negosasyong pangkapayapaan. “Sa ngayon, pahayag ni Fidel Agcaoili, isang lider-NDFP na nakabase sa Europa, kami ay naghihintay ng desisyon ng pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan na nakabase sa Pilipinas.”

Kung Gabriela naman ang masusunod, dapat iboykot ang mga kompanyang Dutch na nagnenegosyo sa Pilipinas. Kabilang sa mga ito ang Ikea,  Heinneken Beer;  Philips Electronics, Whirlpool,  at Unilever (Best Foods, Lipton Tea, Calvin Klein Cosmetics, Elizabeth Arden, Suave Shampoo and Conditioner, Surf Detergent,  Lever 2000 Soap, Ragu Pasta Sauces, Lady’s Choice Mayo, Royal Pasta, at pinakamalaki sa lahat, Knorr Seasonings. 

Bakit ngayon inaresto si Sison

Ayon kay Jalandoni, maaaring itinaon ang pag-aresto kay Sison para salaulain ang kanyang tagumpay nang ibasura ng European Court of First Instance noong Hulyo 11 ang paglalagay ng European Union sa kanya sa listahan ng mga “terorista.”

Gayundin, pangit ang sitwasyon para sa gobyernong Arroyo. Sunud-sunod ang pagkatalo nito sa legal na mga labanan kontra sa Kaliwa. Muling puputok ang eskandalong “Hello Garci,” kasabay ng iba pang kaso ng katiwalian, gaya ng proyektong national broadband. Malapit na ang sentensiya kay dating Pangulong Joseph Estrada. Umuugong ang balita ang kudeta laban kay Arroyo.

“Maaaring natatakot si Arroyo na magkakaisa ang malawak na oposisyon laban sa kanya na ang mahalagang bahagi ay ang progresibong mga puwersang inaakala ni Arroyo na impluwensiyado ni Joma,” dagdag ni Jalandoni.

At huwag kalimutan, nakumunoy na ang gobyerno at militar sa giyera sa Mindanaw. Samantala, ang NPA ay “naririyan lamang sa tabi-tabi.” Ayon sa isang impormante ng PINOY WEEKLY, bandang Agosto ay nagsalita si Sek. Gonzales sa National Defense College of the Philippines. Sinabi ni Gonzales na kung itotodo ng NPA ang mga salakay, hindi kaya ng gobyerno ang dalawang prente ng labanan – at may ikatlo pa, ang mga lansangan ng protestang bayan.

“Kaya ang pagtarget kay Joma ang pinakamadaling paraan para unahan ang NPA nang hindi direktang nakikipagdigma rito ang AFP sa antas na nagaganap sa Basilan at Sulu,” ayon sa impormante.

Gayunpaman, iginiit ni Jalandoni na matagal nang pinaplano ang pag-aresto kay Sison ng mga gobyernong Pilipinas, Dutch, at US, na may kanya-kanyang pansariling adyendang pampulitika. (Basahin “Ang dakilang sabwatan” sa pahina 7 at “Kronolohiya…” sa pahina 9) Tila hindi matapus-tapos na kabanata ang paninikil at pagpapahirap ng mga reaksiyunaryo sa isang matatag na rebolusyonaryong tulad ni Sison.

Anila
Sa pag-aresto kay Prop. Jose Maria Sison
• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay isang) dambuhalang hakbang tungo sa kapayapaan, isang tagumpay ng katarungan at pamamayani ng batas. – Presidente Gloria Macapagal-Arroyo• Ang nasa likod ng mga aksiyon ng pulisyang Olandes ay ang gobyernong Arroyo, na simula nang maupo sa kapangyarihan ay tumugis na kay Joma Sison at walang pagod na kumilos para sirain ang halaga niya sa mga mamamayan – Chito Quijano, tagapangulo, Bayan-USA

• Ang mga krimen ay ginawa sa Pilipinas at ang hurisdiksiyon ay dapat sa mga korteng Pilipino, hindi Olandes… Ang patunayan ang mga akusasyong si Sison ay direktang nag-utos sa komunistang NPA na paslangin ang dalawang dating lider-komunista habang nakadestiyero ay isa sa pinakamahirap gawin, laluna ng isang independiyenteng korte – Editoryal, Philippine Daily Tribune

• (T)apos na ang mga araw ng pakikipagsayaw ni G. Sison sa artistang si Ara Mina… Sa tingin ko, hindi tututol ang gobyernong Olandes kung hilingin natin na ipasa si G. Sison sa atin… – Sek. Raul Gonzalez, Departamento ng Katarungan

• Nangangamba akong gamitin ng administrasyong Arroyo ang pag-aresto kay Joma para sa witchhunt at pagtugis sa mga aktibistang makakarapatang pantao at progresibong mga grupo. Hindi dapat bansagang terorista ang mga makabayan. – Sen. Jamby Madrigal

• Ang panlilinlang, bartolina, at pagkakait ng gamot ay karaniwang ginagawa sa Pilipinas sa ilalim nina Marcos at Arroyo. Naaalarma kami sa mga ulat na ginagamit din ng mga awtoridad na Olandes ang mga ito kay Sison. Nakakalungkot kung tatalikuran (nila) ngayon ang dakilang tradisyon ng kanilang bansa ng pagkakanlong sa mga ginigipit na rebeldeng pampulitika. Tila nahuhulog sila sa ipokritong mga iskema nina Arroyo at Bush sa diumano’y “giyera kontra-terorismo.” – Francisco Nemenzo, Jr., tagapangulo, Laban ng Masa

• Lahat ng may malasakit sa kapayapaan at kalayaan ay dapat malungkot nang husto sa pag-aresto kay Joma Sison. (Siya) ay isang dakilang kaluluwa na kailangang makilala ng daigdig, isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig. Ang paglalarawang demonyo siya ay sisira sa atin kapag hinayaan nating magpatuloy… Kung gusto natin ng kapayapaan sa daigdig, kailangang magbago tayo. Umaasa akong sisimulan ito ngayon ng The Netherlands sa pamamagitan ng pagpapalaya sa dakilang taong ito, si Joma Sison. – Ramsey Clark, dating attorney-general ng US at kilalang ekspertong legal sa mundo

• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay) maaaring makabimbin pang lalo sa usapang pangkapayapaan… (Dahil) walang kasunduang ekstradisyon ang Pilipinas at gobyernong Olandes, dapat itong maingat na repasuhin, dahil baka lumabas na isa na naman itong atake sa progresibong mga puwersa – Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

• Sa paghingi ng asylum sa The Netherlands, sa pagbaling sa mga korteng Olandes at Europeo para labanan ang iba pang kaso laban sa kanya, kailangang pumailalim si Sison sa mga korteng Olandes. Kung tinatanggap natin ang presyur ng mga Europeo sa usapin ng karapatang pantao, sino ang makakapagreklamo kapag gumana ang kanilang sistema ng katarungan? – Manuel L. Quezon III, kolumnista at kilalang blogger

• Walang dudang madedemoralisa ang NPA at maka-Kaliwang mga simpatisador at alyado nito bunga ng pag-aresto kay (Sison). Interesanteng inaresto siya sa panahong biglang naglabas ang pulisya ng diumano’y tatlong saksing NPA na nagsasabing mayroon silang direktang alam kung paanong dinukot umano ng NPA si Jonas Burgos. Tiyempo o nagkataon lang? Kung anuman, tila pinatitibay ng dalawang pangyayari ang sinasabi ng militar na ang mga maka-Kaliwa ay gumagawa ng di-maipaliwanag na pamamaslang. – Belinda Olivares-Cunanan, kolumnista

• Lumilitaw na gusto ng gobyerno ng Pilipinas na tanggalin ang pampulitikang katangian ng isyu. Gusto nilang palabasing ordinaryong kriminal si Joma. – Rep. Satur Ocampo, Bayan Muna

• Pero huwag magulat na kahit walang kasunduan sa ekstradisyon sa The Netherlands, hahanap ng palusot at paraan ang gobyerno na maibalik (si Sison) sa Maynila, para siyempre paypayan ang ilang uling. – Fr. Larry Faraon, kolumnista

• Ang mga kasong ipinupukol kay Kasamang Sison ay katawa-tawa at hindi makakatindig sa anumang patas na korte ng katarungan. Mali at malisyoso ang palabasing si Kasamang Sison ay responsable sa mga aksiyong ginawa ng NPA sa ilalim ng awtoridad at malinaw na direksiyon ng pamunuan ng CPP na nakabase sa Pilipinas, ng hukbong bayan at rebolusyonaryong gobyerno ng mga mamamayan – Communist Party of the Philippines

Tortyur…

(Salaysay ni Prop. Jose Maria Sison ukol sa pagpapahirap sa kanya noong batas militar ni Marcos; mula sa Rebolusyong Pilipino: Tanaw mula sa Loob [Panayam kay Jose Maria Sison ni Rainer Werning], Lagda Publishing, Lungsod Quezon, 1994)

“Sa unang linggo ng pagkakakulong ko, Nobyembre 13 at 14, 1977 kung eeksaktuhin, ako ay binugbog at ginamitan  ng  ‘water cure’.  Kagyat na layunin ng pisikal na tortyur na mamiga ng impormasyon, manakot at yumurak sa pagkatao ko.

“Nang gawin akong punching bag, hinubad ang kamiseta ko at ipiniring sa akin; isa pang pirasong damit ang  idinagdag sa piring ko.  Ang mga kamay ko’y nakaposas sa aking likod at ang mga paa ko’y nakaposas din. Ipinirmi ako sa isang silya. Ang pinakamasasakit na suntok ay sa aking tadyang at sikmura. Palibhasa’y  nakapiring, hindi  ko alam kung kailan dadapo ang sunud-sunod na suntok. 

“Ibubunggo ang ulo ko sa pader, ito ang patuloy na banta ng nagpapahirap sa akin. Nang gamitan ako ng ‘water cure’ ay nakapiring  ako. Ang mga kamay at paa ko ay iginapos sa higaan sa pamamagitan ng posas na pangkamay na bumabaon sa laman kapag nahahatak ko. Isang tuwalya ang itinakip at idiniin ng kung-sino sa bibig ko. Paulit-ulit na binuhusan ng tubig ang mga butas ng ilong ko. Sa bawat buhos ay para akong nalulunod. Mga anim na oras ang itinagal ng ‘water cure’. 

“Kung hindi ako ginagawang punching bag o ginagamitan  ng ‘water cure’ , halinhinan ang mga interogador para ako’y panatilihing gising, tanungin, takutin, himukin, o insultuhin. Yamot na yamot sila dahil wala silang makuha sa akin na sukat nilang ikasiya.

“Pero ang pinakamasahol na tortyur – masahol pa  sa pambubugbog at ‘water cure’ , masahol pa nga sa limang taong pagkakapiit nang nag-iisa — ay ang 18 buwang pagkakaposas at pagkakagapos ko sa higaan. Lagi akong nakagapos, maliban sa ilang minutong pagkakakalas kapag ako’y kumakain o tumutugon sa personal na mga pangangailangan. 

“Ang selda ay napakainit sa araw at malamig naman mula hatinggabi hanggang madaling-araw. Parang impiyerno sa mga buwan ng tag-araw. Solido ang pintuan ng selda at ipinako sa pagkakasara ang mga bintana, na may maliliit na siwang na pasukan ng hangin.”

…at pangingibabaw
“Ang pinakamahalaga sa akin ay ang patuloy kong mapanindigan ang aking rebolusyonaryong paniniwala at mapanatili ang diwang palaban. Ang naramdaman ko’y galit, sa halip na takot. Nakatulong ang mag-isip na kahiya-hiya ang ipagkanulo ang iba, at sadyang magsasara ang utak kapag di na matiis ang  sakit. Hindi kailanman sumagi sa isip ko na  ako’y mawawalan ng malay habang tinotortyur sa bugbog at ‘water cure’ . Bagamat  madalas akong hilo, napananatili  ko naman ang talas ng isip.”

Jose Ma. Sison: Kronolohiya ng paninikil at pagpapahirap

· Nobyembre 1977-Marso 1986 – Si Sison ay inaresto nang walang mandamyento; kinasuhan ng subersiyon at rebelyon sa mga korteng militar; matinding tinortyur; limang taon sa solitary confinement

· Marso 5, 1986 — pinakawalan ng gobyernong Aquino, na nagpawalambisa sa mga kaso ng subersiyon at rebelyon nang lusawin ang mga korteng militar

· Setyembre 1986 – bilang kagawad ng Asian Center ng Unibersidad ng Pilipinas, sinimulan ni Sison ang serye ng lektura sa iba’t ibang unibersidad sa Oceania, Asya, at Europa hinggil sa Pilipinas; siniraan ng militar ang kanyang mga lektyur at pinresyur ang gobyernong Aquino na ikansela ang kanyang pasaporte; lumutang ang mga banta sa buhay ni Sison

· Setyembre 1988 — muling kinasuhan ng gobyerno ng subersiyon; tuluyan nang hindi nakabalik ng Pilipinas

· Oktubre 1988 – matapos ang arbitraryong pagkansela sa kanyang pasaporte, nag-aplay para sa political asylum sa The Netherlands

· Hulyo 1990 — tinanggihan ng Dutch Ministry of Justice ang aplikasyon ni Sison sa udyok ng gobyerno ng Pilipinas; inamin ng US State Department na nakialam ito sa kaso

· 1992 — pinawalambisa ng Judicial Department of the Council of State (Raad Van State) ang desisyon ng Dutch Ministry of Justice; kinilala nito si Sison bilang political refugee at binatikos ang ministri sa paggamit ng sikretong mga intelligence dossier at pagpapatagal sa kaso ng mahigit apat na taon; hindi pa rin natinag ang Ministry of Justice – patuloy nitong kinatigan ang gobyerno ng Pilipinas at binalewala ang mga pangyayari sa bansa, gaya ng pagbasura sa Anti-Subversion Law at kasong subersiyon ni Sison sa hukuman ng Pasig City

· 1994 – ibinasura ng mga tagausig ng korte sa Maynila ang hablang multiple murder kay Sison kaugnay ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971; binalewala pa rin ito ng Dutch Ministry of Justice upang “hindi masira ang relasyon ng gobyernong Dutch sa mga alyado nito” kapag binigyan ng asylum si Sison; sa halip, gumamit ito ng mga intelligence dossier para ibintang na nakikipag-ugnayan si Sison sa mga organisasyong “terorista”

· 1995 — pinagtibay ng Dutch Council of State, pinakamataas na korteng administratibo, ang pagiging political refugee ni Sison sa ilalim ng Article 1A ng Refugee Convention at Article 3 ng European Convention on Human Rights; iniutos ng korte sa Dutch Ministry of Justice na gawing legal ang pagiging refugee ni Sison at hayaan siyang manirahan sa The Netherlands; muli itong sinuway ng ministri

· 1996 — umapela si Sison sa Aliens Court, na nag-utos sa gobyernong Dutch na gumawa ng bagong desisyon; ang posisyon ng gobyernong Dutch, na kinatigan ng Law Unification Chamber — hindi kikilalanin si Sison bilang refugee pero hindi siya palalayasin sa The Netherlands; taliwas ito sa desisyon ng Raad van State noong 1992 at 1995, sa jurisprudence ng ECHR, sa pagbasura ng mga kaso kay Sison mula 1992 hanggang 1994, at sa kawalan ng kasong kriminal laban sa kanya sa alinmang bansa

· Abril 1998 — naglabas ng sertipikasyon ang kalihim ng Department of Justice ng Pilipinas na nagpapatunay na walang nakabimbing kriminal na kaso si Sison

· Agosto 12, 2002 — binansagan ng gobyernong US na “terorista” si Sison; mabilis na sumunod ang gobyernong Dutch noong Agosto 13; masahol pa sa hatol ng pagiging mamamatay-tao ang epekto ng “terrorist” blacklisting ng US at iba pang gobyerno – si Sison ay pinagbawalang magtrabaho, inalisan ng mga benepisyong sosyal (living allowance, pabahay, seguro, at pensiyon), pinigil ang kanyang bank account; pinagbawalang tumanggap ng bayad para sa kanyang mga libro at kompensasyon mula sa danyos na ipinanalo laban sa rehimeng Marcos, ipinagpalagay na maysala gayong hindi pa napapatunayan, inalisan ng karapatan na magtanggol sa sarili, makagalaw nang malaya at magkaroon ng pribadong buhay at dangal

· Oktubre 28, 2002 — itinulak ng gobyernong Dutch at Pilipinas ang EU (European Union) na bansagang “terorista” si Sison

· 2003 – nagtulung-tulong ang gobyernong Dutch at British, at Council of the EU nang si Sison ay magsampa ng reklamo sa European Court of First Instance sa Luxembourg; samantala, inihabla ng Armed Forces of the Philippines si Sison sa Department of Justice ng Pilipinas kaugnay ng pagpatay ng New People’s Army kay Col. Rodolfo Aguinaldo (Hunyo 2001), kumpirmadong pusakal na torturer noong panahon ni Marcos

· Abril 21, 2006 – sa kaigtingan ng ligalig sa Pilipinas bunga ng nabulgar na “pandaraya ni Arroyo sa eleksiyong 2004,” si Sison at 50 iba pang kritiko ng administrasyon ay kinasuhan ng rebelyon ng gobyernong Arroyo; sinaklaw ng kasong rebelyon ang panahon mula nang itatag ang Communist Party of the Philippines noong Disyembre 26, 1968; binalewala ang lahat ng naunang desisyon na naglilinis sa pangalan ni Sison mula 1986 hanggang 1995

· Hunyo 28, 2007 – ipinalabas ng Council of the EU ang bagong desisyon na naglalagay kay Sison sa “terrorist” blacklist

· Hulyo 2, 2007 – ibinasura ng Korte Suprema ng Pilipinas ang kasong rebelyon laban kay Sison at sa 50 iba pa; ibig sabihin, hindi na maaaring gamitin ang mga ebidensyang ginamit sa nasabing kaso laban sa kanila

· Hulyo 11, 2007 – binaligtad ng European Court of First Instance ang desisyon ng Council of the EU dahil nalabag ang karapatan ni Sison sa depensa at proteksiyon ng batas at sa kabiguang ipaliwanag kung bakit si Sison ay inilalagay sa blacklist

· Agosto 28, 2007 – nireyd ng pulisya ng The Netherlands ang mga opisina at bahay ng mga kagawad ng National Democratic Front of the Philippines, mapanlinlang na inaresto si Sison, at ngayon ay nakakulong nang inkomunikado.

Posted in Karapatang Pantao, Personalidad, Pulitika | Leave a Comment »

Moro pinagbintangang terorosta: Bigong eksperimento ng HSA?

Posted by mamamahayag on September 4, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 33
Agosto 22, 2007

HINDI na maibabalik sa dati ang buhay ni Kaharudin Usman Talib.

Noong Agosto 6, nangumpisal sa telebisyon si Talib. Isa siyang “miyembro ng teroristang grupong JI (Jemaah Islamiyah),” na may planong mambomba sa isang shopping mall at terminal ng bus sa Kamaynilaan. Sinabi niya na JI ang nambomba sa Yellow Bus Line sa Koronadal City noong Agosto 3, kahit pa inako na ito ng mangingikil na Al Khobar Group.
Agosto 7, si Talib ay nakabandera naman sa mga pahayagan, lokal at internasyunal. Bida ang SPD (Southern Police District) at Isafp (Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines) dahil mga ahente nila ang nakasakote sa “aminadong terorista.”

Hindi bale na kumanta si Talib matapos ang tatlong araw na hindi inilitaw ng mga awtoridad, na dinakip siya noong Agosto 3 sa SM Bicutan nang walang mandamyento. Hindi bale na dinala siya sa SPD na ang katawa’y pasa-pasa, na iniharap siya sa midya nang hindi pa nakakausap ng abogado at mga kapamilya.

Kamakailan, ibinasura ni Prosecutor Apolinar Quetulio ng Parañaque City ang kasong illegal possession of explosives laban kay Talib. Walang probable cause ang bintang ng pulisya — na may nakumpiskang blasting cap, detonating cap, at leg wire kay Talib. Pinalaya noong Agosto 25 ang Moro, na tatlong linggo nang nakapiit.

Ang nakapagtataka, bakit hindi kinasuhan ng pulisya si Talib sa ilalim ng ibinibidang Human Security Act?

Perpektong fall guy?

Si Talib, ayon sa kapatid na si Abdul Basit at abogadong si Zainudin Malang, ay hindi terorista. Isang mahirap na magsasaka mula sa Brgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao, lumuwas siya sa Maynila noong Abril para asikasuhin ang mga papeles pa-Saudi Arabia. Mamamasukan siyang drayber sa pamilyang pinagtatrabahuhan ng asawang domestic helper. “Magandang pagkakataon na sila’y magsama. Kaya siya nasa Maynila. Bagong-bago pa ang passport niya. Yung araw na nangumpisal siya sa harap ng kamera, papunta siya sa ahensiyang mag-aasikaso sa kanyang visa,” ani Malang sa PINOY WEEKLY.

Perpektong fall guy si Talib: bagong-salta, hindi bihasa sa Tagalog (kundi sa lengguwahe sa Maguindanao), at halos walang pinag-aralan (Grade 1 lamang). Nangungupahan ito sa Maharlika Village sa Taguig City, at ayon kay Basit, ay nagtatraysikel habang naghihintay ng pag-alis.

Naalerto sina Malang at iba pang abogado ng Association of Muslim Advocates of Law, Bangsamoro Lawyers Network, Inc., at Muslim Legal Aid Foundation, Inc. nang ireyd ang Maharlika Village noong Agosto 4.

Saksi sa kaduda-dudang reyd ang mga kapwa-nangungupahan ni Talib at iba pang kapitbahay. Ayon sa sinumpaang salaysay ni Norambeyn Tindig, 16: “Pinasok kami ng mga pulis mga 3 p.m., walang search warrant. Wala sila(ng) kasama sa barangay o residente dito sa amin. Nung naghahanap sila, wala sila nakita. Sabi nila, excuse me, meron kami hahanapin. Pagkatapos, pinalabas kami at humanap sila ulit. Mga pulis lang ang nasa loob. Pagkatapos ng ilang sandali, pinapasok kami ulit. Tapos, sinabi nila na may nakita silang bomba.” May hiwalay na kasong isinampa sa Taguig City ang mga awtoridad laban kay Talib para sa umano’y mga ebidensiyang nakalap sa reyd. Hindi pa ito nadedesisyunan ng piskalya.

Ipinakita pa ni Chief Supt. Roberto Rosales ng SPD sa midya ang umano’y text message na laman ng nakumpiska ring Nokia 3310: “Bilisan mo ang programs jan, isabay natin ang maynila davao at gnsan kc ncmolan na ang marbir kaninang 5 p. Marami nsogatan, ngmo2ni2r and ksamahan ntin sa labas.”

Katawa-tawa, ani Malang, ang nasabing text message. “Unang-una, hindi bihasa sa Tagalog si Talib. Pangalawa, kung totoong sopistikadong operasyon ito ng JI, bakit sila gagamit ng napaka-obvious na mga termino?”

Kahit pagpatay kay Ninoy, aaminin

Kahit ang pagpatay kay Senador Ninoy Aquino at presidente ng U.S na si John F. Kennedy ay aaminin ng isang taong pinahirapang katulad ni Talib, ayon kay Malang. Umano’y sinuntok, tinadyakan, sinaklutan sa ulo, at pinasukan ng tubig sa ilong (water cure). Sa isang punto habang nakapiring si Talib, maingay at dahan-dahang hinasa ang kutsilyo at saka inilapat sa kanyang leeg.

Kinumpirma ng SPD sa mga abogado noong Agosto 4 na si Talib ay nasa kustodiya ng Isafp at iniimbestigahan. Sa pag-iinspeksiyon ng mga opisyal ng CHR (Commission on Human Rights) na sina Tony Abbago at Jun Soriano noong Agosto 7, positibo si Talib sa mga marka ng tortyur.

Sa pakiwari ni Malang, bagaman malinaw na terorismo ang bintang, sinampahan na lamang si Talib ng illegal possession of explosives sa halip na paglabag sa HSA dahil alam ng pulisya na hindi nito sinunod ang umano’y mga safeguard o probisyong kontra-abuso ng kontrobersiyal na batas.

Ayon sa Section 18 ng HSA, bago idetine, dapat iharap ng mga awtoridad sa isang huwes o opisyal ng CHR ang sinumang suspek na inaresto nang walang mandamyento. May kaukulang parusa na 10 hanggang 12 taong pagkakakulong ang lalabag dito. Ipinagbabawal din sa Section 25 ang tortyur sa suspek, na may parusang 12 hanggang 20 taong pagkakakulong.

Kapag napatunayang inosente ang suspek, magbabayad ang mga awtoridad ng P500,000 kada araw na ito’y idinitine nang walang mandamyento, ayon pa sa Section 50.

“Ito ang hinihintay ng mga abogado, grupong pangkarapatang pantao, at iba pang tutol sa HSA — isang test case para patunayang labag ang batas sa Konstitusyon. Kaya hayun, ang takot lang (ng pulisya),” ani Malang.

Nakabinbin sa Korte Suprema ang mga petisyon laban sa HSA na naging epektibo noong Hulyo 15.

Kung inosente nga si Talib sa krimen ng terorismo, tulad ng iginigiit ng mga pamilya, kakilala, abogado, at panimulang kinatigan ng piskal, malaking palaisipan kung bakit siya ginanoon ng mga awtoridad. (Sabagay, hindi ito ang unang pagkakataon. Libu-libong Moro ang biktima na ng “giyera kontra-terorismo” ng US, na todong inilalarga ng gobyernong Arroyo.)

Marahil, ang mahalaga ay kumbinsihin ang madla na may mga terorista nga, na kailangang gamitan ng ektraordinaryong batas. Marahil, ang mahalaga, may maiprisinta silang arestado kahit walang sala. Kahit may totoong mga salarin na hindi inaaresto.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Isang minutong katotohanan

Posted by mamamahayag on August 2, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 29
Agosto 2, 1007

Mahigit– kumulang isang minuto. Ito lamang ang kailangang oras para paalalahanan kang mahalaga ang mga karapatang pantao – at ang pagkilos kapag sistematikong nilalabag ang mga ito sa panahon ng sinasabing di-deklaradong martial law.

Kamakailan, inilunsad ng Free Jonas Burgos Movement o FJBM ang “Rights,” inisyatiba ng iba’t ibang filmmaker na gumawa ng maiikling anunsiyo-publiko hinggil sa sitwasyong pangkarapatang pantao. Itinayo ang FJBM matapos ang pagdukot kay Jonas Burgos ng mga pinaghihinalaang militar noong Abril 28. Mga artista ang kalakhan sa mga bumubuo ng grupo – filmmaker, musikero, at potograpo – na hindi lamang desidido sa paghahanap sa kilalang desparecido, kundi sa paghahanap ng paraang itampok ang isyu ng karahasan ng estado.

“Hindi kasi masyadong pinag-uusapan ng mga tao. Hindi katulad noong martial law na deklarado simula’t sapul, ito medyo gradual ang horror (ng paglabag sa karapatang pantao) kaya mas nakakagulat,” sabi ni Sunshine Matutina, finalist sa Cinemalaya para sa pelikulang Panaginipan.

Marahil, gulat ng kaliwanagan ang hatid sa mga manonood ng mga anunsiyo-publiko. Walo ang nakalap ng grupo sa inisyal, kabilang ang kay Jon Red, tanyag na direktor ng mga pelikulang kapwa indipendiyente at mainstream.

Sa Ignorante, ginamit ni Red ang mga eksena mula sa Batas Militar, isang lumang pelikula. Angkop, dahil ang karahasang may pangalan noon ay walang pangalan ngayon, pero nananatiling bangungot sa esensiya. Katulad ng isang bangungot, ang anunsiyo ay malagim at madetalye. Kasabay ng grapikong mga pagsasadula, ipinapakita ang hindi maitatatwang mga datos ng pagpatay at pagdukot (Kung tutuusin, mababa pa ang mga bilang sa anunsiyo ni Red kumpara sa naitala ng mga grupong pangkarapatang pantao).

Samantala, nakapokus sa mga bagay na iniiwan ng mga dinukot at nawawala – sa dulo, isang batang anak – ang The Disappeared ni Matutina na nasa black-and-white.

Dalawa ang ambag na anunsiyo ng Southern Tagalog Exposure o STEx, alternatibong grupong multimedia.

Batay sa testimonya ng tortyur ng dinukot na pastor na si Berlin Guerrero ang naratibo ng Unang Araw (direksiyon at panulat ni King Catoy). Dahil dinadala ng kamera ang manonood sa punto-de-bista ng biktima, mahirap makawala. Sinadyang blurred ang mukha ng mga salaring naka-bonnet, pero maaaninag ang litrato ni Pangulong Arroyo sa dingding. Banat ng anunsiyo sa Human Security Act: maraming puwedeng mangyari sa tatlong araw na maaaring madetine nang walang kaso ang isang pinagsususpetsahang terorista sa ilalim ng bagong batas.

Samantala, sa pagbabalik-tanaw humugot ng reyalisasyon ang Where is Jonas? na nasa silent format (direksiyon at panulat ni Kiri Dalena). Lumang litrato ni Joe Burgos at mga anak na si Jonas at JL ang pinaglaruan. Sa dalawang pangungusap, ang pamana ng yumaong mamamahayag at aktibistang tumulong sa pagpapabagsak ng diktaduryang Marcos ay ikinabit sa trahedya ng kasalukuyan.

Dominado ng karakter ng nakaposturang TV announcer, sarkastiko sa umpisa at nakapangingilabot sa huli ang Good News ng digital filmmaker na si Pam Miras. Partikular na adbokasiya ng anunsiyo ang kalayaan sa pamamahayag na literal na nagwawakas sa bibig ng baril. Abangan na lamang ang tunay na pinagmumulan ng magagandang balita at limiin: “Ang totoong magandang balita ay balitang malaya.”

Sa Ikaw ni Niño Tagaro ng Ugat Lahi Artists Collective, dinadakila ang sakripisyo ng isang pinahirapang detinidong pulitikal, at sinasalungat ang kawalang pag-asa ng manonood. Sa Tanga ni Paolo Villaluna, direktor ng pelikulang Ilusyon, hinagod ang iba’t ibang eksenang pambansa mula noong dekada ’80, at hinahamon ang umano’y katangahan ng mga Pilipino.

Paliwanag naman sa enforced disappearance o terminong Ingles sa pagdukot ang Definition No. 1 ni JL Burgos.

Hindi malaking panahon at rekurso ang ginugol ng mga filmmaker sa paggawa ng “Rights.” Isang malakas na ideya, ilang oras na shooting, ilang araw na editing. Boluntaryo ang mga talento. Nagpahiram pa si Matutina ng kamera at editing machine sa mga nangailangan nito. “Ang mahalaga, masimulan ang pagmumulat sa hanay ng iba pang gumagawa ng pelikula at sa mas malawak na publiko,” aniya.

Ipinamamahagi ng FJBM ang “Rights” sa mga kakilala at ipinapalabas ito sa mga screening sa Cinekatipunan, Eksena, at Cinemalaya. Naka-upload ang ilan sa YouTube.com. At umano’y may network sa telebisyon na interesadong iisponsor ang mga anunsiyo. Marami pang filmmaker ang inaasahang sasama sa proyekto. Sa pagdiriwang ng Human Rights Month sa Disyembre, inaambisyon din ang isang pelikulang full-length.

Bukod-tangi ang mga anunsiyo-publiko na hindi lamang inilalahad ang katotohanan, kundi nanghihimok umaksiyon (“Hahayaan mo bang ikaw ang mawala bago ka magsalita?”, “Do not let their legacy disappear”). Ang magawa ito sa loob ng mahigit-kumulang isang minuto ang hamon ngayon sa pinakamahuhusay na filmmaker na nais maging makabuluhan sa panahon ng di-deklaradong martial law.

 

Posted in Karapatang Pantao, Kultura | Leave a Comment »

Umulan man ng bala sa bukirin

Posted by mamamahayag on July 22, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 26
Hulyo 10, 2007

MARAMAG, BUKIDNON – Umulan ng bala sa bukirin ng CMU (Central Mindanao University). Hindi iyon ang unang pagkakataon, at pangamba ng mga magsasakang pinalalayas sa kanilang lupa, maaaring hindi iyon ang huli.

Umaga ng Hunyo 22, tatlong buwan nang kumakalam ang sikmura ng mga magsasakang pinagbawalang magtanim sa lupang tatlong dekada nang bumubuhay sa kanila. Dahil mas matimbang ang gutom kaysa pangamba, nagdesisyon ang BTL (na binubuo ng Buffalo o Bukidnon Free Farmers and Agricultural Laborers Association, Tamaraw o Tried Agricultural Movers Association of Rural Active Workers, at Limus o Landless Inhabitants of Musuan).

Ang dalawang-buwang buntis na si Noralyn Galan, 33, ay hindi nagpapigil sa asawa. Sumama pa rin siya sa bukid. Inasahan na niya ang nadatnan: 30 security guard, armado ng mga shotgun at M-16, ang nakapalibot sa mga magsasaka. Tuloy sila sa pag-aararo habang nakikipagnegosasyon ang mga lider nila. Subalit nang pipigilin na nina Noralyn at iba pang kababaihan ang mga guwardiyang umaagaw sa kanilang mga traktora, hindi niya inakalang papuputukan sila. Sa lupa sa kanyang paanan tumama ang mga bala. Pero dahil sa trauma, naospital at muntik makunan si Noralyn.

Mahigit 200 magsasaka ang nakaligtas sa “muntikang masaker” ala-Hacienda Luisita, ayon sa resulta ng isang IFFM (International Fact-Finding Mission) na nag-imbestiga kamakailan sa CMU.

Isa itong matingkad na halimbawa ng kabiguan ng Carp (Comprehensive Agrarian Reform Program) na mamahagi ng lupa sa maliliit na magsasaka, sabi ng mga delegado ng misyong pinangunahan ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) at APC (Asian Peasant Coalition).

Itinakas sa Carp
Kabilang ang dating mga empleyado ng CMU sa libu-libong magsasakang binigyan ng lupain ng administrasyong Aquino. CMU na ang pinakamalaking unibersidad pang-agrikultura sa Region 10. Noong 1987, may 400 ektarya ang ipinamahagi ng Darab (Department of Agrarian Reform Adjudication Board) sa Buffalo. Buong akala ng mga magsasaka, katumbas ng tunay na pagmamay-ari sa lupa ang hawak nilang Certificate of Land Ownership Award.

Pero noong 1992, lumabas ang kagimbal-gimbal na desisyon ng Korte Suprema batay sa apela ng CMU. Umano’y wala sa saklaw ng Carp ang lupain ng unibersidad na “may gamit pang-edukasyon.” Noong 1996, naglabas ng writ of demolition ang Darab. Sa sama-samang pagtutol ng BTL at tulong ng KMP, di natuloy ang demolisyon.

Noong 2001, pinangunahan ng Bayan Muna Party-list ang imbestigasyon ng Congressional Committee on Agrarian Reform sa CMU. Sinabi ng komite na walang dahilang palayasin ang mga magsasakang nagtatrabaho para maging produktibo ang lupa. Ibinunga nito ang limang-taong Moa (Memorandum of Agreement) sa pagitan ng unibersidad at BTL noong 2002.

Marso 9 ngayong taon, nakatanggap ng sulat ang mga magsasaka. Binibigyan sila ni Mardonio Lao, presidente ng CMU, ng tatlong buwan para ibakante ang lupain. Paso na umano ang kasunduan. Pero ayon sa mga magsasaka, hindi natupad ng CMU ang kondisyon sa Moa: na ihahanap sila ng katanggap-tanggap na paglilipatan.

Sinabi ni Florentino Macote, presidente ng BTL, bulubundukin at di matatamnan ang tatlong relokasyong ibinibigay ng Department of Environment and Natural Resources. Kaya noong Enero, ang mga magsasaka ay inalok na lamang ni dating Bukidnon Rep. Miguel Zubiri, partido sa Moa, ng tig-P40,000. “Hindi namin ito matatanggap dahil lupa ang bumubuhay sa aming pamilya,” ani Macote.

Buhay ang ibinuwis
Kung tutuusin, walang salaping tutumbas sa ibinuwis na ng mga magsasaka. Noong 1987, namatay si Leonardo Loable at anim ang sugatan nang barilin ng mga guwardiya (tatlo ang may di-pa-naihahaing warrant of arrest). Naulit ang pamamaril noong 1988. Lima ang sugatan, kabilang ang 15 anyos na si Rene Alcosaba.

May bala pang nakatanim sa mukha ni Macote nang makaligtas sa tangka sa kanyang buhay noong Pebrero 22, 1992. Tandang-tanda niya ang araw na iyon – isinilang ang anak na si Jervin nang barilin siya ng hinihinalang bayaran ng CMU. Si Jervin ay 15 anyos na ngayon, sana’y unang taon na sa hayskul. Tulad ng iba pang anak ng magsasaka ng BTL, hindi siya nakapag-enroll dahil sa sitwasyon.

Nauna nang sinubukan ng mga magsasaka na magtanim noong Marso 28. Pero tinutukan sila ng mga guwardiya at kinumpiska ang kanilang kagamitan. “Tulad ito ng ginagawa nila mula 1987 hanggang 1999. Kinukumpiska o sinisira ang aming mga ani at ari-arian,” wika ni Macote. Noong 1992, may 100 kabahayan ng Limus ang sinunog ng mga guwardiya ng CMU.

Dayuhang negosyo, naghihintay
Hinala ng IFFM, pinalalayas ang mga magsasaka para pumasok ang malalaking negosyante. May 377.5 ektarya sa mahigit 3,000 ektaryang lupain ng CMU ang ipinaparenta sa lokal at dayuhang mga negosyo ng mga produktong pang-eksport, katulad ng tuba at cassava. Nag-aabang na ang multinasyunal na Dole Philippines para okupahin ang lupain ng BTL, ayon sa impormante sa opisina ng alkalde ng Maramag.

“Sa ilalim ng Republic Act 7652 o Investors Lease Act, maaaring mangupahan ang dayuhang mga negosyo ng 50 taon at ma-renew pa ito ng 25 taon — samantalang ipinagdadamot ng gobyerno ang lupa sa maliliit na magsasaka,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

Tingin ni Macote, inubos na ng mga negosyante ang karamihan sa lupain sa probinsiya kaya walang mahanap ang gobyerno na mapaglilipatan sa kanila. “Ito ang nagbibigay sa amin ng lakas ng loob na manatili sa lupang matagal na naming idinedepensa,” aniya.

“Binigo” man ng Carp, umano’y natutunang isakamay ng mga magsasaka sa CMU ang pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo. “Patunay itong walang ibang maaasahan ang mga magsasaka kundi ang kolektibong lakas,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP at APC.

Mula Hacienda Luisita hanggang CMU, pinatutunayan: hindi takot sa bala ang mga magsasakang gutom at matuwid ang pakikibaka.

Posted in Karapatang Pantao, Magsasaka at Agrikultura | Leave a Comment »

Ang hindi inaamin sa ayudang militar ng US

Posted by mamamahayag on February 1, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Blg 4
Pebrero 1, 2007 

Ang barilan o shooting war sa pagitan ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army) at hukbo-pulisya ng gobyerno ay usaping panloob ng Pilipinas. Hindi dapat manghimasok ang ibang bansa. Ito ang sinasabi ng mga eksperto sa batas at sa relasyong diplomatiko. Kamakailan, gayunman, tiniyak ng Malakanyang na lalawak at lalalim ang partisipasyon ng US sa nasabing labanan. Pag-amin ito na noon pa man, nanghihimasok na ang US sa usaping panloob ng Pilipinas.

Ang hindi inaamin ng gobyerno, tiyak na mga sibilyan ang lubhang magdurusa.

Matapos mapatay ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang dalawang mataas na lider ng bandidong ASG (Abu Sayyaf Group) na sina Khadaffy Janjalani at Abu Solaiman, pinapurihan ng US ang Pilipinas. Isa itong malaking tagumpay sa pandaigdigang “giyera kontra-terorismo,” ayon kay US State Undersecretary for Public Affairs Karen Hughes na bumisita sa bansa. Nagpasalamat naman si Pangulong Arroyo sa tulong na ipinagkakaloob ng US sa AFP. Mga tropang Kano ang nagsanay at nagbigay ng kagamitan na naging susi sa pagsukol sa ASG, diumano’y may kaugnayan sa internasyunal na teroristang grupong Jemaah Islamiyah.

“Panghihimasok”

Sa galak ng magkaalyadong bansa sa bunga ng kanilang pagtutulungan, inianunsiyo ni Executive Secretary Eduardo Ermita ang plano ng US na makisawsaw hindi lamang sa pakikipaglaban sa ASG, kundi maging sa rebolusyonaryong CPP-NPA.

Terorista” ang bansag ng US sa kilusang ito. Halos apat na dekada nang naglulunsad ng digmang bayan ang CPP-NPA para makamit ang “pambansang demokrasya at sosyalismo.” Mula sa isang distrito sa Gitnang Luzon noong 1968-69, lumawak na ito sa 120 larangang gerilya sa buong bansa.

Ayon kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP, malinaw na nanghihimasok ang US sa internal na usapin ng Pilipinas. Aniya, nais supilin ng US ang pakikibakang anti-imperyalista ng mga mamamayang Pilipino, isa sa pinakamatibay sa buong mundo. Tiniyak din niya na “bibiguin ng mga rebolusyonaryong puwersa ang anumang bigwas ng gobyernong Arroyo at US.”

Sa kabila nito, nangangamba ang CPP na kung mas direktang manghihimasok ang US sa kampanyang kontra-insurhensiya, sisirit pa ang pampulitikang pamamaslang sa hanay ng mga sibilyan.

Sa limang taong pag-iral ng OBL (Oplan Bantay Laya), ang planong kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo, mahigit 800 aktibista na ang mga pinapatay ng pinaghihinalaang ahente ng militar. Sa OBL, binabansagang “prenteng komunista” ang mga ligal na organisasyon, at tinatarget ng mga death squad ang mga lider at miyembro ng mga ito.

Bakas ang kamay ng US sa pagdidisenyo at pagpapatupad ng OBL at ng bagong yugto nitong OBL 2. Pagpasok ng bagong taon, 10 sibilyan na ang pinapatay ng mga pamilyar na salarin – nakamaskara’t motorsiklong vigilante.

OBL alyas Operation Phoenix

Padron ng OBL ang estratehiyang kontra-insurhensiya ng US na pinaunlad sa mahabang kasaysayan ng digmang kolonisasyon nito, kabilang ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at mga giyera ng agresyon sa Indotsina at Gitnang Silangan.

Bukod sa pakikidigmang kumbensiyunal at gerilya, gumagamit ang US ng pakikidigmang di-hayag (covert). Noon pa mang Mayo 1961, sa manwal sa operasyong militar ng US, nakalista na ang iba’t ibang porma ng pakikidigmang di-hayag katulad ng asasinasyon, pangingidnap, pambobomba, tortyur, pang-eespiya, black propaganda o pagkakalat ng malisyosong “impormasyon” laban sa kaaway, at iba pa.

Nasubok na ang mga ito sa Vietnam War noong dekada 60. Doon inilunsad ang Operation Phoenix, kampanyang kontra-insurhensiya laban sa mga gerilyang Vietnamese. Sa ilalim nito, bumuo ang CIA (Central Intelligence Agency) ng mga PRU (Provincial Reconnaissance Unit) at pinagpapatay ang nasa listahan ng CIA na mga pinaghihinalaang “Vietcong.” Kabilang sa listahan ang mga alkalde, guro, doktor, o sinumang “sumusuporta” sa National Liberation Front ng sambayanang Vietnamese. Pinaniniwalaang umabot sa 1,800 katao ang pinatay ng PRU kada buwan.

Nagbuo rin ang US ng mga death squad sa El Salvador. Noong 1963, tinulungan ng US si Heneral Jose Alberto Medrano sa pagbubuo ng Organizacion Democratica Nacionalista, na nagsagawa ng paniniktik at pampulitikang pamamaslang. Ibinulgar ni Cesar Vielman Joya Martinez, sundalo ng El Salvador Army, na nagbigay siya ng mga ulat ng pagdukot at tortyur sa isang tagapayong militar ng US. Isa pang sundalo, si Ricardo Castro, ang nagsabing dumadalo siya sa buwanang pulong kay Frederic Brugger, deputy chief ng CIA sa El Salvador. Pinaratangan din niyang responsable sa masaker ng 600 katao sa probinsiya ng Morazan noong Disyembre 1981 ang isang heneral na sinanay ng US.

Sa mga manwal sa pagsasanay ng mga sundalo sa Amerikan Latino na ginamit ng US Army School of the Americas mula 1987 hanggang 1991, nakadetalye ang maruruming taktika sa kontra-insurhensiya. Sa panahong nabanggit, libu-libo ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa rehiyong nag-anak ng mga kilusan para sa pambansang kalayaan.

Nagpapatuloy ang madugong rekord ng US sa kasalukuyang “giyera kontra terorismo.” Nakasaad sa 2006 Quarterly Defense Review na magdidiin ang militar ng US sa pakikidigmang di-kumbensiyunal, foreign internal defense o dayuhang pandepensang internal, at operasyong kontra-insurhensiya.

Sa Iraq, ikinababahala ng internasyunal na komunidad ang mga kaso ng pang-aabuso ng mga tropang Kano sa mga nakikibakang mamamayang Iraqi. Bukod sa pagpapahirap sa mga Iraqi sa piitang Abu Ghraib, nariyan din ang mga pampulitikang pamamaslang ng Wolf Brigade, isang grupong pinaniniwalaang itinayo ng US. Gamit ng Wolf Brigade ang mga sasakyan, damit, at armas na nanggagaling lamang sa US Army. Ayon sa ulat ng Associated Press, may 539 katao ang pinatay ng nasabing death squad mula Abril hanggang Oktubre 7, 2005.

Karapatang pantao at ayudang militar

Hindi nakapagtataka, kung gayon, na sa paglaki ng suportang militar ng US sa kampanya kontra-insurhensiya, tumataas din ang bilang ng mga kaso ng pagyurak sa karapatang pantao. Sa pagkabigo masugpo ang mga rebelde, mga sibilyan ang pangunahing tinutugis at binibiktima. Maaalalang noong dekada 50, pinangasiwaan ni Col. Edward Lansdale, operatiba ng CIA na kalahok sa Operation Phoenix, ang programang kontra-insurhensiya ng gobyerno laban sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Naghasik ang AFP at paramilitar ng lagim sa mga bukirin ng Gitnang Luzon.

Sa ilalim ng diktadurang Marcos, sampu-sampung libo ang inaresto, tinortyur, pinatay at dinukot ng pulisya at militar. Lantarang suportado ng US ang rehimen ni Marcos.

Hindi rin maikakaila ang papel ng US sa Oplan Lambat-Bitag, kampanyang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino. Noong Marso 1986, inaprubahan ni US President Ronald Reagan ang panghihimasok ng CIA rito. Pinapunta niya sa bansa ang beterano ng Vietnam War na si Major General John Singlaub. Simula noon, libu-libong mga mamamayan ang naging biktima ng pagdukot, tortyur at pamamaslang, na marami’y isinagawa ng Alsa Masa at Nakasaka, mga grupong vigilante.

Nang ideklara ni US President George W. Bush ang “giyera kontra-terorismo” matapos ang atake sa World Trade Center noong 2001, ibinilang ang Pilipinas sa mga diumano’y kuta ng terorismo, at ang gobyernong Arroyo bilang pangunahing alyado ng US.

Kasabay ng pagtatalaga ng mga tropang Kano sa bansa sa bisa ng Visiting Forces Agreement, dinagdagan ng US ang ayudang militar na ngayo’y nasa mahigit $80 Milyon. Sa Asya, Pilipinas ang tumatanggap ng pinakamalaking ayudang militar mula sa US. Ginagamit sa kampanyang kontra-insurhensiya ang kalakhan ng ayudang ito. Kaya masasabing binubuhay ng US ang OBL na itinuturong responsable sa mga pampulitikang pamamaslang.

Bukod pa rito ang maka-US na komposisyon ng COC-IS (Cabinet Oversight Committee on Internal Security) ng gobyernong Arroyo na direktang nangangasiwa sa OBL. Miyembro ng COC-IS sina Executive Secretary Eduardo Ermita na nagsanay sa Vietnam War, at National Security Adviser Norberto Gonzales, kilalang anti-komunista na nagbigay-daan sa pamamaslang sa mga kasapi ng mga progresibong party-list sa pamamagitan ng pagbansag sa mga ito bilang prenteng komunista.

Kung lalawak at lalalim pa ang partisipasyon ng US sa giyera kontra CPP-NPA, tiyak na lubhang dadanak ang inosenteng dugo ng mga mamamayang Pilipino. Ayon nga sa imbestigasyon ni dating US Attorney General Ramsey Clark sa mga death squad noong 1987, “ang biktima ng mga karahasang ito ay mahihirap na mga magsasaka, maralitang tagalungsod, at iba pang nakikipaglaban para sa reporma sa lupa, dagdag-sahod at karapatan ng mga manggagawa, at tumututol sa presensiya ng militar ng US sa Pilipinas.”

Sa pang-ekonomiya at pampulitikang paghahari ng US sa daigdig, at ng gobyernong Arroyo sa Pilipinas, ang mga taong gaya nila ay itinuturing na mas malaking banta, at ang kamatayan nila ay mas ipinagbubunyi kaysa sa kamatayan ng sinumang kumander ng ASG.

Posted in Giyera at Kapayapaan, Karapatang Pantao | Leave a Comment »

‘Giyera kontra-terorismo,’ bangungot ng Moro

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Guro sa hayskul. Drayber ng traysikel. Sarhento ng Philippine Army. Empleyado ng ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao). Estudyante ng medisina.

Ito ang katauhan ng ilan lamang sa 134 na Morong detenido bago sila hinugot mula sa tahimik na buhay-sibilyan, pinagbintangang terorista sa mabuway na ebidensiya, at sama-samang binuro sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City. Dito, araw-araw na bangungot ang inaabot ng mga tila nakalimutang biktima ng “giyera kontra-terorismo” ng gobyernong Arroyo.

Mahigit limang taon na ang nakaraan nang dalhin sa kampo ang tinaguriang Basilan 73, mga sibilyang diumano’y tinortyur ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at pinaaaming miyembro ng bandidong ASG (Abu Sayyaf Group) matapos ang crackdown ng gobyerno laban sa grupo. Sanhi ng walang humpay na operasyon ng AFP sa Zamboanga, Sulu, at maging sa Metro Manila, lumaki pa ang bilang ng mga Morong pinagsuspetsahang ASG at ikinulong sa maling proseso.

Walang pagsidlan ng sama ng loob si Basser Madjiril, 37, nang mabulag siya sa loob ng kulungan. May sakit na diabetes, nagsimulang mawala ang paningin ni Madrijil matapos mairita ng teargas ang kanyang mga mata. Kasama ng mga bala, pinakawalan ng pulisya ang teargas sa Bicutan siege noong Marso 14, 2005 na ikinamatay ng 22. Nilusob ng Special Action Force ang selda at pinagbabaril ang mga Moro matapos mag-aklas si ASG Commander Putol at mga kasamahan nito. Si Madrijil, dating nagtatrabaho sa ARMM, ang isa sa mga Morong sibilyan na dinampot sa Zamboanga City dahil umano may katokayong wanted na kumander ng ASG.

Katokayo rin ng diumano’y isang ASG si Sgt. Hussin Sahrin, 40. Hindi siya makapaniwalang pagbibintangang terorista ang tulad niyang sundalo na nagtaya na ng buhay para makipaglaban sa panig ng gobyerno. Hinuli habang naka-duty sa Lamitan (Basilan), hinala ni Sahrin na may kinalaman ang pagkadawit sa kanya sa ASG sa personal na galit ng tumakbong alkalde. Kinumpiska kasi niya ang baril ng tauhan ng kandidato na nanggulo sa eleksiyon.

Samantala, siyam na bala pa ang nasa katawan ni Marvin Uyag Hasim, 32, mula sa Bicutan siege. Nahuli siya sa bahay ng kanyang pinsan sa Isabela City (Basilan) nang mangreyd ang AFP. Umano’y nakitulog lang siya doon, matapos maglaro ng tong-its.

Sa nasabing siege, naputol ang hinliliit sa kaliwang paa ni Pepito Buenbraso, 25. Kasama niya sa selda ang kapatid na si Divino, na menor-de-edad nang hulihin sa Isabela City. Hindi Moro kundi Kristiyano ang magkapatid na Buenbraso, na umano’y itinuro lamang na ASG ng mga nais makakuha ng reward.

Kristiyano rin ang pinagkamalang Morong financier ng ASG na si Jose Wong, dating guro ng Math at English sa Claret High School sa Isabela City. Sa sobrang tagal sa kulungan, kinalimutan na siya ng asawa at anak.

Samantala, inggit na inggit si Radzmar Jul, 26, sa mga dating kaklase sa Mindanao State University na nakapagtapos ng medisina. Estudyante lang siya nang masakote sa SM Fairview habang bumibili ng libro. Kinasuhan si Jul ng pambobomba sa Superferry. Ngunit nang mapawalang-sala dahil sa kawalan ng ebidensiya, idinawit naman siya sa mga kasong kidnapping ng ASG.

Hinihintay ng mga detenido ang hatol ng hukuman sa kani-kanilang kaso.

Ayon sa MCPA (Moro-Christian People’s Alliance), katibayan ang mga detenidong Moro ng katakut-takot na paglabag sa mga karapatang pantao sa ngalan ng “giyera kontra-terorismo” ng gobyerno. Bumisita noong Disyembre 4 ang MCPA bilang komemorasyon sa International Human Rights Week.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

Militar kinakasangkapan sa demolisyon?

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Sa umaga, sila’y nakadamit-sibilyan, magiliw na nakikipag-usap sa mga residente. Minsan, nakikita silang kasama ng mga opisyal ng National Housing Authority, tumutulong mangumbinsi sa mga taga-riles na makipagtulungan sa gobyerno sa isinasagawang demolisyon para mabigyang daan ang pagmomodernisa ng Philippine National Railways.

Sa gabi, sila’y naka-uniporme’t naka-armalayt, nagroronda sa mga kabahayan na tila may mga suspek na tinutugis. Ipinagtatanong kung sinu-sino ang mga miyembro ng mga progresibong mga organisasyon at party-list sa mga residente. Inuusisa rin ang bilang at gawain ng bawat pamilya.

Sanhi ng pagkalito at ligalig ang halos isang buwan nang paghimpil ng 202nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa pitong barangay sa Pandacan, Maynila.

Puna ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ibayong pananakot at pandarahas ang pantapat ng gobyernong Arroyo sa mga maralitang lumalaban sa napipintong demolisyon sa kahabaan ng riles.

Isa na rito si Trining Delfin, 72, residente ng Brgy. 865 sa Pandacan. Dati nang sumailalim sa “boluntaryong demolisyon” si Aling Trining noong dekada ’90. Mula sa tabing-riles na tahanan sa Sta. Mesa, inilipat ng gobyerno ang pamilya nito sa tinaguriang FVR (Fidel V. Ramos) Village sa Bulacan.

Ngunit di nagtagal sa malayong mass housing project si Aling Trining sanhi ng kawalan ng mapagkakakitaan sa lugar. “Ang hirap ng buhay doon. Mamamatay ka sa gutom. Di maganda ’yung patakaran ng gobyerno, dadalhin ka sa bundok tapos ’yung mga dayuhan nasa bayan. Tama ba naman ’yun?” anang labandera.

Ngayon, si Aling Trining ay miyembro ng Pamaril (Pagkakaisa ng mga Mamamayan sa Riles), isa sa mga organisasyong hinaharas ng militar. Hindi nagpapasindak si Aling Trining sa presensiya ng mga armadong sundalo. “Bakit ako matatakot eh wala naman akong ginagawang masama? Kung hindi lang malabo ang mata ko eh sasama ako sa mga nagrarali saanman sila magpunta,” sabi niya.

Noong Disyembre 3, nagsagawa ng “trolley-cade” ang Kadamay sa kahabaan ng riles para ipagdiwang ang Linggo ng mga Maralitang Tagalungsod at himukin ang mga taga-riles na ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa tahanan at kabuhayan.

Isang malaking kilos-protesta sa Plaza Miranda ang isasagawa ng Kadamay Disyembre 5 para kondenahin ang nakaambang demolisyon sa libu-libong tirahang maralita dulot ng mga diumano’y “proyektong pangkaunlaran” katulad ng Northrail at Southrail; pribatisasyon ng North Harbor, New Bilibid Prison, at Laguna Lake; pagpapalawak sa Batangas City Port; Proyektong C-6, Star at Calabarzon Highway.

Posted in Karapatang Pantao, Maralitang tagalungsod | 2 Comments »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.