Muling Paglathala

Archive for the ‘Pangkalusugan’ Category

Di-maibibidang kalusugang bayan

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

PITO sa sampung Pilipino ang namamatay nang hindi nabibigyan ng atensiyong medikal. Sampung ina ang namamatay kada araw sa panganganak. May 30% lamang ng populasyon ang nakakabili ng esensyal na mga gamot. Tatlong beses na mas malaki ang karaniwang bill sa ospital kaysa karaniwang kita sa isang buwan.

Tiyak na hindi babanggitin ni Pangulong Arroyo ang kalunos-lunos na mga estadistikang pangkalusugan na ito sa kanyang Sona (State of the Nation Address) sa Hulyo 28.

Kaya naman ang mga doktor, propesyunal pangkalusugan, at mga estudyante ng narsing at medisina na ang naghayag ng tinatawag nilang “Tunay na Kalagayang Pangkalusugan ng Mamamayan,” sa isang press conference noong Hulyo 25.

Pinalalala ng “kapabayaan” ng gobyernong Arroyo sa kalusugan ng mga mamamayan ang matinding kagutuman at kahirapan na kanilang dinaranas, ayon sa Head (Health Alliance for Democracy), AHW (Alliance of Health Workers), CHD (Council for Health and Development), at Health Science Students-Act Now!

Philhealth at Botika ng Bayan: limitado

Inaasahang lalamanin muli ng Sona ang mga programang pangkalusugan na bahagi ng mga nakamit ng gobyernong Arroyo—tulad halimbawa ng bilang ng mga Botika ng Bayan na itinayo at ng mga kard ng Philhealth (Philippine Health Insurance Corp.) na naipamahagi diumano sa mahihirap.

Ipinasa rin ng Kongreso ngayong taon ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act o Republic Act 9205, na layong ibaba ang mataas na presyo ng gamot.

Pero ayon kay Dr. Gene Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, limitado, mapanlinlang sa publiko, at walang makabuluhang pagbabagong dulot ang nasabing mga “pamana” ng Pangulo sa kalusugang bayan.

Noong 2006, ipinagmalaki ni Arroyo na 80% ng populasyon ang nasasaklaw ng Philhealth—programang health insurance ng gobyerno na nagbibigay ng diskuwento sa gamot at pagpapaospital.

Pero hinihinalang ibinuhos lamang ng administrasyon ang pamamahagi ng mga kard ng Philhealth para sa 2007 halalan, tulad ng ginawa nito noong 2004 halalan. Pinatutunayan ng ilang pag-aaral na hindi malawak at sustenido ang saklaw nito.

Ayon sa sarbey ng grupong Kilosbayan Para sa Kalusugan noong Agosto 2007 sa pitong pampublikong ospital, 30% lamang ng mga pasyente ang may Philhealth.

Sa tantiya rin ng National Institute of Health o NIH, sentro ng pananaliksik sa University of the Philippines Manila, mas mababa ng 20% ang aktuwal na mga nasasaklaw ng Philhealth kaysa sa bilang na ipinagmamalaki ng gobyerno.

Sinabi pa ng NIH na hindi saklaw ng Philhealth ang serbisyong out-patient sa mga ospital. Diumano’y bihira din (17% lamang ng pagkakataon) maserbisyuhan ang mga dependent ng mga miyembro ng Philhealth.

Samantala, may 11,900 Botika sa Barangay at 1,840 Botika ng Bayan, na dapat nagbebenta ng gamot sa mas murang halaga, sa buong bansa.

Pero ayon kay Dr. Eleanor Jara, executive director ng CHD, kadalasang “walang laman” ang mga ito—tulad na lamang ng Botika ng Bayan sa Payatas, Quezon City.

Mahal pa rin umano ang benta sa mga gamot dito. Halimbawa, ang mefenamic acid, na P25 sa komersiyal na mga bilihan ng gamot, P11 sa mga botika ng gobyerno. Pero P2 lamang ito binibili ng DOH (Department of Health) mula sa India at Pakistan. “Ibig sabihin, kumita pa ang gobyerno. Kaya hindi nito ibinababa ang presyo ng gamot,” ani Jara.

Mahal na gamot dahil sa monopolyo

Duda rin si Jara na maibababa ng RA 9205 ang presyo ng gamot. Hindi kasi pinayagan ng mga mambabatas, sa interbensiyon umano ng multinasyunal na mga kompanya ng gamot, na magkaroon ng Drug Price Regulatory Board. May kapangyarihan sana ang nasabing board, na bubuuin ng representante ng iba’t ibang sektor, na pababain ang presyo ng gamot.

Sa halip, ang Pangulo lamang ang binigyan ng mandato na kontrolin ang presyo ng gamot. “Walang rekord si Pangulong Arroyo ng pagbangga sa pagkakamal ng tubo ng multinasyunal na mga kompanya ng gamot. Pinayagan niya ito sa nakaraang pitong taon, ano ang magagawa niya ngayon?” sabi ni Jara.

Kontrolado ng mga multinasyunal na kompanya ng gamot ang 72% ng industriya, na kumita ng P9.11-Bilyon noong 2006. Ayon sa mga grupong pangkalusugan, hindi binabasag ng RA 9205 ang monopolyo sa industriya.

Sa halip na paunlarin ang sariling industriya, umano’y pinananatili rin ng batas ang pagiging palaasa ng bansa sa inangkat na mga gamot, sa pamamagitan ng parallel importation.

Doktor at nars, patuloy sa pangingibang-bansa

Maging ang mga estudyante ng narsing, tutol sa pagdausdos ng kalidad ng edukasyong pangkalusugan. Bunga umano ito ng agresibong pag-uudyok sa kanila ng gobyerno na mangibang-bansa, sa halip na maglingkod sa sariling bayan.

“Kaming mga estudyante ng narsing, kailangan mag-duty ng walo hanggang 12 oras, kahit sa gabi o sa weekends. Nagbabayad kami ng sobra-sobrang matrikula at iba pang miscellaneous fees. Kapag hindi kami nakapag-duty, kailangan namin magbayad ng libu-libong piso, at mag-duty ng tatlong araw para sa isang araw ng pagka-absent,” sabi ni Karen Jamora, tagapagsalita ng Health Science Students-Act Now!

Aniya pa, “di-bayad na lakas-paggawa” at “gatasan” ang mga estudyante ng narsing sa mahigit 400 paaralan sa buong bansa. Nagbabayad ang mga estudyante ng narsing ng P25,000 hanggang P40,000 matrikula kada semestre.

Nababahala naman si Julie Caguiat, executive director ng Commed o Community Medicine Development Inc., sa pagnanars ng mga doktor sa mga probinsiya. May 80 hanggang 90% umano ng mga municipal health officer sa buong bansa ang kumukuha ng narsing.

Kahit gustong magserbisyo ng mga doktor sa mga pasyenteng Pilipino, napipilitan umano ang karamihan na mangibang-bansa dahil sa kagipitang dulot ng mababang pasahod. “Kung wala kang doktor, sino ang magrereseta ng gamot? Sino ang magbibigay ng serbisyong pangkalusugan?” ani Caguiat.

Samantala, hindi kuntento ang AHW, alyansa ng mga manggagawang pangkalusugan, sa 10% dagdag-na-sahod na ipinatupad ng gobyernong Arroyo kamakailan. Anila, katumbas lamang ito ng P18.65 kada araw para sa mga nasa Salary Grade 1.

Hinaing nila, maging ang Nursing Law, na inaakyat ang mga bagong nars sa Salary Grade 15 o P16,000 kada buwan, hindi ipinatutupad sa mga ospital dahil sa kakulangan sa badyet.

P3,000 across-the-board na dagdag-na-sahod ang panawagan ng AHW, kasama ng iba pang mga empleyado ng gobyerno.

‘Di malusog ang bayan

Ayon sa World Health Organization, ang kalusugan ay “kalagayan ng kumpletong pisikal, mental, at sosyal na kapakanan, hindi lamang ang kawalan ng sakit.”

Sa ganitong pamantayan, ani Nisperos, hindi malusog ang bayan. “Sa ilalim globalisasyon at neo-liberal na polisiyang pang-ekonomiya, salaula ang kapakanan ng mga mamamayan at naglipana ang sakit. Ang mayroon lamang, buhay na pinagkaitan ng dignidad at batayang mga pangangailangan,” kanyang pagtatapos.

Posted in Pangkalusugan | Leave a Comment »

Trahedya sa likod ng trahedya

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

AKALA ng mga kaanak ng mga pasahero ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars, hindi na mahihigitan pa ang pighati ng ilang araw na paghihintay ng balita hinggil sa kanilang mga mahal sa buhay, na karamiha’y natatagpuan na bangkay sa dagat o sa mga dalampasigan habang lumilipas ang mga araw.

Pero noong Hunyo 26, sumapaw sa trahedyang sinapit ng 865 pasahero ng Sulpicio Lines ang balita ng isa pang trahedyang posibleng mas malaki. Inanunsiyo ng National Disaster Coordinating Council na kasamang lumubog sa barko ang 10 MT (metro tonelada) ng endosulfan, isang uri ng lubhang nakalalasong kemikal na pestisidyo.

Agad na itinigil ng Philippine Coast Guard ang mga operasyong search and rescue para masiguro ang kaligtasan ng mga maninisid. Ipinagbawal din ang pagbebenta ng isda mula sa dagat ng Romblon habang sinusuri ang mga sample ng tubig para sa lason. Lalong natuliro ang binuong task force para sa trahedya, nagkumahog humingi ng tulong na maiahon nang ligtas mula sa dagat ang kargamento ng endosulfan na pag-aari ng Del Monte Philippines, Inc.

Sa ngayon, pigil-hininga ang lahat. Hindi na lamang ang mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ang may dahilang mag-alala. Maging ang mga mamamayan ng Romblon, ang buong bansa, at ang internasyunal na komunidad, nakaantabay sa matinding pinsala na maaaring idulot ng isang mapanganib na kemikal—na dapat sana’y hindi na ginagamit pa kung naging mas matimbang sa gobyerno, noon pa man, ang interes pampubliko kaysa interes ng negosyo.

Endosulfan, bigong ipagbawal

Nagbabatuhan ng sisi ang Del Monte, Sulipico Lines, at mga ahensiya ng transportasyon hinggil sa pagkahalo ng kargamento ng endosulfan sa isang barkong pampasahero. Malinaw kasi itong ipinagbabawal sa batas na sumasaklaw sa transportasyon ng nakalalasong mga kemikal. Ayon sa Del Monte, inilipat ang kargamento mula sa MV Princess of Paradise nang walang pahintulot.

Idinagdag na rin ng kompanya, wala silang rekord ng pagkapinsalang dulot ng paggamit nila ng endosulfan na anila’y aprubado naman ng FPA (Fertilizer and Pesticide Authority).

Ikinagulat ito ng maraming mga grupong pangkalusugan at pangkalikasan. Ang alam nila, matagal nang ipinagbabawal sa bansa ang endosulfan. Kinailangang maglinaw ni Dr. Norlito Vicana, direktor ng FPA: hindi ito ipinagbabawal kundi severely restricted o limitado at mahigpit na binabantayan ang paggamit. Umabot sa 22 pang bansa na nagdeklarang severely restricted din sa kanila ang endosulfan.

Ipinagbabawal na ang endosulfan sa 18 bansa, kabilang ang European Union. Nakahanay sa Category 1 o “Highly Acutely Toxic” na mga pestisidyo ayon sa United States Environmental Protection Agency, may sapat na batayan ang mga bansang ito. Isang pestisidyong organochlorine, lubhang nakakalason sa lahat ng mga buhay na organismo ang endosulfan. Hindi rin ito agad nalulusaw sa tubig o nawawala sa hangin o lupa kaya naiipon at matagal mawala sa kapiligiran.

Inirehistro ang paggamit ng endosulfan bilang pamatay-peste nang itinayo ang FPA noong 1977 para pangasiwaan ang produksiyon, transportasyon, pag-iimbak, pagbebenta, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo. Noong dekada ’80, binuo ang PTAC (Pesticide Technical Advisory Committee) para aralin ang mga panganib ng mga pestisidyo. Kasabay nito ang paglulunsad ng mga non-government organization ng pandaigdigang kampanya laban sa “Dirty Dozen” na nagresulta sa pagbabawal sa bansa ng 12 pinakanakakalasong mga pestidyo.

Noong 1991, napansin ng NPCC (National Poison Control Center), nagmomonitor ng mga kaso ng pagkalason dahil sa pestidyo, na ang endosulfan sa nagdudulot ng pinakamaraming mga kaso ng pagkalason. Dahil dito, masusing inaral ng toxicology subcommittee ng PTAC ang endosulfan. Bunga ng pag-aaral, ipinagbawal ng FPA ang pagbebenta at paggamit ng endosulfan na may 35% na pormulasyon, at nilimitahan ito sa 5%.

Agad namang umaksiyon ang Hoechst (ngayo’y Bayer CropScience), nagmamanupaktura ng endosulfan at isa sa pinakamalaking agro-kemikal na transnasyunal (nakabase sa Germany). Hinabla nito ang FPA at nakakuha ng injunction o kautusang nagpapayag sa kanilang patuloy na magbenta ng endosulfan na may 35% na pormulasyon.

Noong Abril 1993, sinampahan pa ng kasong libelo ng Hoechst si Dr. Romeo Quijano, toxicologist ng University of the Philippines Manila at ngayo’y tagapangulo ng Pesticide Action Network Philippines. Binanggit kasi ni Quijano sa isang kumperensiya na nagdudulot ng kanser ang Thiodan (brand name ng endosulfan) at nailathala sa tatlong publikasyon ang kanyang pahayag. (Ibinasura sa kalaunan ang kaso)

Naglabas ng bagong kautusan ang FPA noong Setyembre 2003 para idiin ang pagbabawal sa endosulfan, kasama ng apat pang lubhang nakakalasong pestisidyo. Muling humiling ng Temporary Restraining Order mula sa Regional Trial Court ang Hoechst.

“Ginawa ng Hoechst ang lahat para suwayin ang ban sa endosulfan. Hiniling pa nito ang interbensiyon ni dating Pangulo (Corazon Aquino), na binalaan nitong masama ang epekto ng ban sa polisiya ng gobyerno na mang-akit ng dayuhang mamumuhunan. Inutusan din ng kompanya ang mga dealer na huwag makipag-cooperate sa FPA nang gumagawa ito ng imbentaryo ng mga produkto ng endosulfan,” ayon kay Quijano.

Sinuspinde ng Korte Suprema ang TRO ng mababang korte ang ban sa endosulfan noong Enero 1994. Gayunpaman, patuloy na ibinenta ng Hoechst ang Thiodan nang walang kaakibat na babala hinggil sa mga epekto nito, ayon kay Quijano. Tinawag ng FPA na “mali, nakalilito, at mapanlinlang” ang mga patalastas ng Thiodan. Pinal na ipinagbawal ang endosulfan sa bansa noong Hunyo 1994.

Pero umapela ng eksempisyon sa ban ang Del Monte at Dole Philippines Inc., mga transnasyunal na kompanyang (nakabase sa US) na numero unong taga-eksport ng prutas. May-ari ng pinakamalalaking plantasyon sa Pilipinas ang Del Monte, na may 20,000 ektarya, at Dole na may 12,000 ektarya. Umano’y kailangan ang endosulfan para laban ang mga peste sa pinya. Dahil diumano sa matinding presyur, inaprubahan ng FPA ang eksempsiyon sa kabila ng pagtutol ng PTAC.

Ayon kay Dr. Lyn Panganiban, dating miyembro ng toxicology subcommittee na pinag-aralan ang endosulfan at ngayo’y direktor ng NPCC, “Tutol kami noon (sa pagbibigay ng eksempsiyon) kasi highly toxic nga ang endosulfan. Maraming mga alternatibo para labanan ang mga peste sa plantasyon. Matagal-tagal na panahon na ang nakalipas, pero nandiyan pa rin ang panganib (na dulot ng endosulfan).”

Pansamantala lang dapat ang eksempsiyon na nakapaloob sa istriktong mga panuntunan sa pagmomonitor (monitoring guidelines). Noong una, kailangang i-renew ng dalawang kompanya ang kanilang aplikasyon sa endosulfan kada anim na buwan hanggang isang taon para marepaso ng FPA ang pagsunod nito sa mga alituntunin. Pero noong 2000, binuwag ng tuluyan ang PTAC – nagkaroon ng panibagong luwag sa pagmomonitor sa paggamit ng mga pestisidyo. Noong 2006, ginawa na lamang kada tatlong taon ang pag-renew sa aplikasyon sa endosulfan.

Bagaman inihahayag ng Del Monte na walang naiuulat na pagkalasong maiuugnay sa paggamit nito ng pestisidyo, inamin ni Panganiban na hindi naman nakapagsasagawa ng pag-aaral ang FPA sa mga plantasyon ng kompanya kaya’t posibleng may mga kaso ng pagkalasong naikukubli sa gobyerno.

Ayon kay Quijano, bigo ang FPA na itaguyod ang pagbabawal sa FPA, sa kabila ng ebidensiyang siyentipiko sa loob at labas ng bansa hinggil sa panganib na dulot nito sa tao at kalikasan. “Mas pinahalagahan ng gobyerno ang mga transnasyunal na kompanya kaya humantong tayo sa ganitong problema,” aniya.

Hindi birong pinsala

Hindi biro ang pinsalang kakaharapin ng bansa sakaling tumagas sa dagat ang endosulfan na naka-imbak sa lumubog na MV Princess of the Stars. Malawakang fishkill, agarang pagkamatay at malalang pagkakasakit ng mga mamamayan, at pangamatagalang pagkawasak sa kalikasan ang inaasahan.

Ayon kay Panganiban, kalahati ng populasyong magkakaroon ng exposure o kontak sa katawan sa kahit walong milligrams lamang ng endosulfan ang maaaring mamatay. Ang makakaligtas naman, makararanas ng iba’t ibang sakit.

Tanda ng kagyat na pagkalason sa endosulfan ang pagkahilo, pagduduwal, pagkalito, panghihina o kaya naman, labis na pagkamakilos (hyper-excitability), pangangapos ng hininga, pangininig, at pangangati ng balat. Kinikilala ang endosulfan na endocrine disruptor o kemikal na nakakasira sa endocrine system o sistemang nangangasiwa sa hormones ng mga tao.

Samantala, kabilang sa pangmatagalang epekto sa kalusugan ng pagkalason sa endosulfan ang abnormalidad sa pag-iisip (mental impairment at neurologic disturbance), sakit sa atay at bato, sakit sa puso (cardiac disorder), sakit sa dugo (blood disorder), abnormalidad sa reproduktibong sistema (reproductive toxicity) at immune system (immunotoxicity), at iba pa. May ilan ding mga pag-aaral na nag-uugnay ng endosulfan sa sakit na kanser.

Sa India, sinasabing pinakamalaking kaso ng pagkalason sunod sa pagtagas ng Bhopal Gas ang pagkalason sa endosulfan ng mga komunidad sa estado ng Kerala. May 135 katao ang naitalang namatay dahil dito, at libu-libo ang may iba’t ibang mga sakit at abnormalidad.

“Hindi makokontrol ang pagkalat ng kemikal kapag napakawalan ito sa karagatan. Agad na ikamamatay nito ang mga lamang-dagat, na siya ring pangunahing kabuhayan ng mga residente sa probinsiya,” ayon pa kay Panganiban.

Naganap sa River Rhine sa Europa noong 1969 ang unang kaso ng kontaminasyon sa endosulfan. Noong 1988, nagkaroon din ng fishkill sa Sudan nang makontamina ng endosulfan ang mga kanal sa irigasyon. Ikinamatay din ito ng tatlong kataong uminom sa kanal. Noong 1995 naman, tumagas sa ilog ang endosulfan na gamit sa mga plantasyon ng bulak (cotton) sa Alabama, US. Ikinamatay ito ng 240,000 isda.

Parusa ang panawagan

Dahil sa maraming naidulot na mga kaso ng pagkalason, matagal nang pinag-aaralan ng internasyunal na komunidad na isama ang endosulfan sa listahan ng POPs o Persistent Organic Pollutants na ipinagbabawal sa buong mundo sa ilalim ng Stockholm Convention on POPs. Nakapirma ang Pilipinas sa nasabing kumbensiyon.

Ayon kay Quijano, na dating co-chair ng International POPs Elimination Network at isa sa mga nagsulong ng Stockholm Convention, kasama sa inisyal na listahan ng POPs ang endosulfan. “Isa pa nga ang gobyerno ng Pilipinas sa mga nagtutulak na maisama ito noong unang bahagi ng dekada ‘90. Pero bigla na lamang ito nawalan ng interes. Malakas din kasi ang impluwensiya ng Hoechst sa mga internasyunal na pulong hinggil sa POPs,” aniya.

Gayunpaman, nakasalang pa rin ang endosulfan sa listahan ng mga pestisidyong inihahanda nang i-phase out o itigil ang paggamit. Sa trahedyang posibleng idulot ng endosulfan sa lumubog na MV Princess of the Stars, lumakas lalo ang loob ng iba’t ibang mga grupo na ipagbawal ito at iba pang nakakalasong mga kemikal.

“Nananawagan kami kay Pang. Arroyo na kagyat na ipagbawal ang lahat ng nakakalasong mga kemikal. Dapat ding gumawa at ipatupad ng gobyerno ang mahigpit na mga panuntunan sa importasyon, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo sa bansa,” ani Danilo Ramos, pangakalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at tagapagtipon ng alyansang Resistance and Solidarity Against Agro-chemical TNCs o Resist.

Dapat ding parusahan ang Del Monte, Sulpicio Lines, at mga ahensiya ng gobyerno na nagpabaya sa paglipat ng endosulfan, ayon pa kay Ramos. Hindi dapat payagang dumulo sa mas malupit pang trahedya ang malungkot nang sinapit ng mga biktima ng MV Princess of the Stars.

May ulat ni Noel Sales Barcelona

Posted in Kalikasan, Magsasaka at Agrikultura, Pangkalusugan | Leave a Comment »

Higit pa sa dinayang eksaminasyon

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 41
Oktubre 18 2006

Hindi ginusto ni “Rachel” ang kursong nursing. Mas gusto niya ang education at maging guro. Pero pinakiusapan siya ng kanyang ama na maging nars para makapangibang-bansa, katulad ng libu-libong Pinoy na nandarayuhan sa paghahanap ng maginhawang buhay.

Isa si “Rachel” sa 1,687 pumasa sa nursing board exams pero pinapakuha ulit ng eksaminasyon ng CA (Court of Appeals). “Napakakomplikado pala,” luhaang sambit ng 20 anyos na gradweyt ng Fatima College, matapos makita ang kanyang pangalan sa listahan ng retakers na nakapaskil sa PRC (Professional Regulation Commission).

Habang hinihintay ang bagong eksaminasyon, si Rachel ay nagtitinda ng mga sim card. Bagaman tanggap na niya ang utos ng korte, may himutok pa rin sa kanyang dibdib dahil di naman daw siya nandaya. “Parang unfair,” aniya.

Magre-retake man o hindi, biktima ng di makatarungang kalakaran ang mga estudyante na apat na buwan nang ligalig sa kontrobersiyang sumambulat dahil sa matagal nang mga problema sa edukasyon at propesyon ng nursing.

Retake, no retakeIbinibida ng gobyernong Arroyo bilang win-win solution o solusyong walang talo ang utos ng CA na selective retake. Nagdesisyon ang korte na pakuning muli ng eksaminasyon ang mga nagrebyu sa R.A. Gapuz Review Center, Inress Review Center, at Pentagon Review Specialist Inc. sa Maynila at Baguio, gayundin ang mga bumagsak sa orihinal na pagbilang ng mga grado. Sabi ng CA, mali ang recomputation ng grado sa Tests III medical surgical nursing at V psychiatric nursing na ipinatupad ng PRC para iwasan ang retake.

Sa selective retake, naiwasan ng gobyerno ang pag-aalburoto ng libu-libong estudyante. Sa pagtantiya ng Malakanyang, sapat ang selective retake para mawala ang batik sa karangalan ng mga bagong nars, lalo na sa mata ng ibang bansa na numero unong taga-empleyo ng mga ito.
Tinutunggali pa rin ng ilang grupo ng mga nars ang selective retake. Ang gusto nila ay retake para sa lahat dahil ito anila ang tanging makakasalba sa imahe ng propesyon.

Ayon naman sa Head (Health Alliance for Democracy), alyansa ng mga propesyunal na pangkalusugan, higit pa sa usapin ng retake at no retake ang solusyon sa problema. Kailangan umanong harapin ng gobyernong Arroyo ang pagdausdos ng integridad at kalidad ng mga Pilipinong nars bunsod ng komersyalisadong edukasyon na nakatuon lamang sa pangingibang-bansa at paglikom ng gobyerno ng dollar remittances.

Nursing school, patok na negosyo Ang leakage ay sintomas lang ng mababang kalidad ng edukasyon ng nursing sa bansa. Ito ang inihayag sa PINOY WEEKLY ni Dr. Marilyn Lorenzo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas College of Public Health at dating tagapangulo ng TCNE (Technical Committee on Nursing Education) ng Ched (Commision on Higher Education).

Noong Hulyo, nagbitiw si Lorenzo at ang buong TCNE dahil “inutil ang Ched na ipasara ang mga substandard nursing school.” Sa pag-aaral ng TCNE, 12 lang sa 250 paaralang pang- nursing ang mahusay na gumagana (excellent performing) o may board passing rate na 90 porsiyento pataas. Ibig sabihin, karamihan ng mga paaralang pang-nursing ang di nakakapagpatapos ng mga estudyanteng de-kalidad. Natuklasan pa ng TCNE na 32 paaralang pang-nursing ang kulelat (poorest performing) o may tantos ng pagpasa na 0 hanggang 30 porsiyento, mas marami kaysa mga eskuwelahang mahusay.

Sumulpot na parang kabute ang mga paaralang pang-nursing nang lumaki ang pangangailangan ng nars sa mauunlad na bansa. Dahil sa kawalan ng disenteng trabaho sa Pilipinas, pinasok ng libu-libo ang propesyong ibinabando ng gobyerno bilang balon ng siguradong kita.

Sa loob ng nakaraang tatlong taon, tumaas ang bilang ng mga paaralang pang-nursing nang 180 porsiyento. Mula 251 noong 2003, kasalukuyang may 450 paaralang pang-nursing sa buong bansa. Tinatayang milyun-milyon ang kita ng mga eskuwelahan na sumisingil ng mula P20,000 hanggang P40,000 kada semestre.

“Namuhunan lang (ang mga negosyante) para makapagbukas ng eskuwelahan at kumita. Pagkatapos, wala na silang pakialam kung ano ‘yung kalidad ng mga gradweyt nila,” himutok ni Lorenzo.

Aniya, marami sa mga paaralang pang-nursing ang natuklasang lumalabag sa mga pamantayan ng Ched: Hindi full-time ang kanilang dekano, walang kuwalipikadong guro, at walang ospital na pinagsasanayan ang mga estudyante.Sinasalamin ang ganitong masamang edukasyon ng pagkakulelat ng mga estudyante sa eksaminasyon. Patuloy na bumababa ang porsiyento ng mga estudyanteng pumapasa sa board exams sa nursing. (Tingnan ang graph.)

Sa kabila nito, hindi naipapasara ng Ched ang mga paaralang pang-nursing na bagsak sa mga pamantayan. Ito’y dahil nakatali umano ang ahensiya sa interes ng mga negosyante at pulitiko — presyur mula sa mga pulitiko na kadalasang may mga kamag-anak o kaibigan na may-ari ng mga eskuwelahan ang pangunahing balakid sa pagpapasara ng mga ito. Sa tantiya ni Lorenzo, mahigit 70 porsiyento ng mga paaralang pang-nursing ang protektado ng mga pulitiko.

Kurakot at negosyong rebyu

Dumami ang mga review center kaaalinsabay ng mga substandard na paaralang pang-nursing. Dati, itinayo ang mga review center para lang sa mga kukuha ng nursing exams sa ibang bansa. Ngayon, normal na para sa estudyante ng pagnanars na umasa dito para makapasa sa board exams.

“Ang nangyari, di baleng pangit ang eskuwelahan mo, tutal (mag-e-enroll) ka naman sa top-notch nursing review center para pumasa sa board. Di nila nakikita na pwede ngang pumasa sa eksam pero di pa rin maganda ‘yung skills. Pwedeng imemorya na lang ‘yung ibinibigay na materyales lalo na kung leakage,” paliwanag ni Lorenzo.

Paborable sa negosyo ng mga review center ang pagkakaroon ng paunang kopya ng mga eksaminasyon. Itinataas nito ang kanilang passing rate na lalong nakakapang-akit sa mga estudyante para mag-enroll sa isang buwang sesyong nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P50,000.

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang mga may-ari ng tatlong nabanggit na review center at dalawang opisyal ng Bon (Board of Nursing) na sina Anesia Dionisio at Virginia Madeja. Sila ang itinuturong nagbigay ng mga kopya ng eksaminasyon sa mga review center. Si George Cordero, may-ari ng Inress Review Center, ay pangulo rin ng PNA (Philippine Nurses Association) na nagrekomenda kay Madeja sa Bon.

Ikinalulungkot ni Lorenzo na umabot ang krisis sa puntong nakurakot maging ang PNA at Bon. Aniya, “kung sinu-sino na lamang na kayang imanipula ang nakaupo” sa mga lupon sana ng mga pinakaprestihiyosong nars.

Reporma sa propesyon

Para sa Head, panahon na upang isantabi ang isyu ng retake at no retake at magbigkis ang lahat ng nars at estudyante ng nursing para igiit ang mga reporma na tunay na makapag-aahon sa nalugmok na pangalan ng propesyon.

Hindi pa rin handang patawarin ng mga propesyunal na pangkalusugan ang mga opisyal ng PRC at Malacañang kaugnay ng palpak na pagtugon sa kontrobersiya. Matatandaang itinanggi noon ng PRC ang leakage, minanipula ang mga grado, at pinasumpa ang mga nars – tapos babawiin ang lahat at aaminin ang sala ng Bon. Samantala, naging mabuway naman ang mga pahayag ni Pangulong Arroyo sa usapin ng retake. Umano’y tanda ng kawalan ng sinseridad ang ganitong mga pag-iwas sa sisi at responsibilidad.

“Higit sa lahat, ang pagnanars ay serbisyo. Pilit natin itong ipinaiintindi sa mga Pilipinong nars. Pero dapat magbigay ang gobyerno ng oportunidad na sila’y manatili sa bansa, sa halip na itrato sila bilang mga kalakal na ipinagpapalit lamang sa dolyar,” ayon sa Head.

Posted in Edukasyon, Pangkalusugan | Leave a Comment »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.