Muling Paglathala

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

Ibinebentang reseta

Posted by mamamahayag on April 23, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly Bol. 7 Blg. 14

Abril 16 – 22, 2008

Babala sa mga pasyente: Maaaring iniresta ni doktor ang mamahaling gamot na iyan kapalit ang regalo – tulad halimbawa, ng digital camera o iPod – mula sa kompanya ng gamot.

Dalawang taon na ang nakakaraan, naglunsad ng sales program ang isang malaking kompanyang multinasyonal ng gamot. Katumbas ng 10 puntos ang pagreseta ng doktor sa isang brand ng antibiotic para sa isang linggo. Kapag nakaipon ng 100 puntos, reregaluhan ang doktor ng iPod o digital camera.

“Tumaas ang benta ko noong panahong iyon. Araw-araw, tine-text ako ng mga doktor, sinasabi nila kung gaano karaming pasyente na ang gumagamit ng gamot na pino-promote ko,” sabi ni Denise (di tunay na pangalan), dating medical sales representative o med rep para sa nasabing kompanya.

Hindi lang simpleng tagalako ng gamot ang mga med rep. Ang kanilang totoong tungkulin ay “pasayahin ang mga doktor.” Milyun-milyong piso ang ginagastos ng mga kompanya ng gamot para suyuin ang mga doktor – kahit labag sa etika ng propesyon at sa kalaunan, nagdudulot sa pagtaas ng presyo ng gamot at maling pag-inom nito.

Pasyal at pakain
Puno ang lamesa ni Dr. X, isang psychiatrist nang mahigit 30 taon, ng mga litrato niya kasama ng mga med rep na regular na bumibista sa kanyang opisina. “Nakakatawa dahil noong nagbitiw ako sa pagtuturo sa unibersidad, tumigil ang mga med rep sa pag-cover sa akin. Pero nang malaman nilang nakaupo ako noon sa NDC (National Drug Committee), muli nila akong dinumog,” aniya.

Ang NDC, ngayo’y National Formulary Committee, ang gumagawa ng listahan ng esensiyal na mga gamot na maaari lamang i-reimburse sa gobyerno ng pampublikong mga ospital.

Sinasabihan ang mga med rep na iprayotisa, ayon kay Denise, ang maiimpluwensiyang mga doktor gaya ng guro at miyembro ng mahahalagang komite sa ospital at gobyerno; at mga doktor na maraming mga pasyente.

Dalawang linggo matapos matanggap sa trabaho, binigyan ng kompanya si Denise ng bagong kotse. Ginamit niya ito para maghatid ng pagkain sa mga doktor sa kanyang takdang erya. Dahil dito, nagawa umano niyang maiparesta sa mga doktor ang inilalakong gamot sa buong Intensive Care Unit. “Ipinapakita pa nila sa akin na binago nila ang reseta. Malaki ang utang na loob nila sa akin dahil pinapakain ko sila,” paliwanag ni Denise. “Walang katapusang pizza at burger.”
Isa hanggang dalawang beses isang linggo, iginigimik rin niya ang mga medical intern.

Gumagastos ang kanyang opisina ng P20,000 hanggang P30,000 kada gabi. Minsan, nililibre rin ng mga med rep ang ilang mga doktor sa spa, parlor, sinehan, at maging konsiyerto.

Labag sa Code of Pharmaceutical Marketing Practices ng Phap (Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines) ang pagbebenta na walang kinalaman sa pagbibigay ng siyentipikong impormasyon hinggil sa gamot. Ang Phap ay asosasyon ng malalaking dayuhang mga kompanya ng gamot na kumokontrol sa 72 porsiyento ng industriya.

Ayon sa regulasyon nito, dapat ambag sa CME (Continuing Medical Education) o pagpapahusay ng propesyon ang lahat ng aktibidad na iniisponsor ng mga kompanya ng gamot, tulad ng mga lektyur, kurso, kumbensiyon, at kumperensiya.

Pero pamamasyal at pakain lang diumano ang marami sa mga aktibidad na CME, lalo na yaong ginaganap sa ibang bansa. Ginagastusan ito nang malaki ng mga kompanya ng gamot. “Ang nangyayari, may isang araw, actually isang oras lang, para pag-usapan ang gamot. Tapos ang susunod na tatlong araw mamamasyal na. Nagpadala na kami ng mga doktor sa Africa, Europe, Alaska…Yung ibang kompanya nga barka-barkada kung magpadala,” sabi ni Denise.

Inaamin ni Dr. X na nalulungkot siya tuwing ipapadala sa mga kumperensiya sa mga bansa gaya ng Singapore, Hong Kong, at Macau. “Ang oryentasyon kasi ng aking mga kasama, shopping lang. At mayroon pang mga hindi nahihiyang humiling na maisponsor. Kapag hindi sila pinagbigyan ng kompanya, iboboykot nila ang gamot,” aniya.

Ngayon, nagrerenta pa raw ang mga kompanya ng sasakyan para ihatid-isundo ang mga doktor sa airport. “Akala nila, libre talaga ang serbisyo. Hindi nila naiisip na sa kalaunan, nagreresulta ito sa pagtaas ng presyo ng gamot at naaapektuhan ang mga pasyente,” aniya.

Masakit sa bulsa
Inaasahan ng mga kompanya ng gamot na mabawi ang puhunan na ginastos nito sa pagbebenta, ayon kay Dr. Kenneth Hartigan-Go, executive director ng Zuellig Foundation Inc.

Umano’y 11 porsiyento ng presyo ng gamot ay dahil sa gastos sa promotion at advertising. Ibig sabihin, aabot ito sa P5.06 Bilyon ng P46-B tinatayang kabuuang benta ng gamot kada taon.
Binatikos ni Dr. Alberto Romualdez, dating kalihim ng DOH (Department of Health) at tagapangulo ng Medicines Transparency Alliance, ang pagpepresyo ng mga kompanya ng gamot.

Sinasagad umano ang kakayahang bumili ng taumbayan. “Okey lang siguro ito sa mayayamang bansa. Pero malupit ito para sa mahihirap na bansa gaya natin, na mayorya sa mga mamamayan ay hindi nakakabili ng gamot,” aniya.

Wala pa sa 30 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nakakabili ng esensiyal na mga gamot, ayon sa World Health Organization.

Noong 1988, ipinasa ang Philippine Generic Drug Act para isulong ang paggamit ng mura at epektibong mga gamot na walang brand. Pero hindi naging matagumpay ang nasabing batas. Umano’y hindi naglaan ang gobyerno ng atensiyon sa pagpapatupad nito. Hanggang ngayon, wala pang limang porsiyento sa naibebentang gamot ang generic.

Kataka-taka ang natuklasan ni Dr. Antonio Dans, hepe ng Adult Medicine Section ng Department of Internal Medicine ng PGH (Philippine General Hospital) at isang cardiologist. Umano’y mas maraming Pilipinong may sakit sa puso ang gumagamit ng gamot na masakit din sa bulsa – samantalang mayroon namang gamot na mas mura at epektibo.

Noong 1996, inindorso ng Philippine Heart Association at Philippine Society for Hypertension ang beta-blockers. Ito raw ang pinakamahusay na gamot sa sakit sa puso – at nagkakahalaga lang ng P5. Pero sa isang sarbey sa Asya-Pasipiko noong 1997, lumalabas na wala pang 20 porsiyento ng mga pasyente ang gumagamit nito.

Sa kabilang banda, halos kalahati ng mga may sakit sa puso ang gumagamit ng mga gamot na Trimetazidine, L-carnitine, at Coenzyme Q. Nagkakahalaga ang mga ito ng P30 hanggang P50. Isa pa, walang mga random clinical trial na nagpapatunay ng kahusayan ng mga ito noong 1992, taong sumirit ang kanilang gamit.

“Marahil, ang paggamit ng mamahalin at di epektibong gamot ay epekto na ng impluwensiya ng industriya sa mga doktor,” ani Dans.

Relasyong sala-salabid
Ayon sa mga pag-aaral na inilathala ng British Medical Journal, ang pagbisita ng mga med rep ay nagreresulta sa pagreseta ng mamahaling gamot at maagang pagreseta ng bagong mga gamot na di napatutunayan ang husay. Ang mga pasyal, nagreresulta sa apat hanggang 10 beses na pagtaas ng reseta sa gamot ng nag-iisponsor na kompanya. Ang mga iniisponsor na workshop at seminar, nagreresulta sa 21 porsiyentong pagtaas ng di-angkop na pagreseta.

Nakasandig sa pondo mula sa mga kompanya ng gamot ang taunang mga kumbensiyon at iba pang aktibidad ng Philippine Medical Association at mga medical specialty society.

Mismong ang Phap, inaaming hindi para sa CME ang ilang mga aktibidad na inilulunsad ng mga medical society katuwang ang mga kompanya. Sa isang circular noong Pebrero 1, 2006, sinabi ng Ethics Committee na ginaganap ang mga ito sa maluluhong mga lugar gaya ng Boracay; El Nido, Club Paradise, at Pearl Farm Resorts sa Palawan; Bohol; at Tambuli Beach Club at Plantation Bay Resort sa Cebu City.

Ang paglabag sa regulasyon ng Phap ay may katumbas na multa na P50,000 hanggang P300,000.

Pero kuwento ni Dans, pawang “moro-moro” lamang ang proseso ng Ethics Committee na iniwan niya noong 2006 matapos ang dalawang taon. “Irereklamo ni Kompanya A si Kompanya B na magmumulta. Sa susunod na araw, irereklamo ni Kompanya B si Kompanya A sa parehong paglabag at magmumulta rin. Lahat naman yata payag na magmulta dahil maliit lamang ito kumpara sa naibebenta nila.”

Kultura ng pagtanggap
Noong Enero, isang departamento sa isang malaking pribadong ospital sa Quezon City ang nagsagawa ng tatlong araw na post-graduate course na inisponsor ng mga kompanya ng gamot. Malaki ang kinita ng nasabing departamento dahil sa advertising booths na nagkakahalagang P30,000 hanggang P50,000 bawat isa. (Ayon kay Dr. X, sa mga booth gaya nito mahilig tumatambay ang mga doktor kapag may aktibidad dahil sa kung anu-anong mga pamigay).

Sa sobrang tuwa, nagpadala ng sulat sa mga kompanya ang organisador ng aktibidad. Humingi siya ng listahan ng mga gamot na nais nilang ipareseta. “Tuwang-tuwa ’yung mga kompanya…binigyan kami ng listahan ng mga gamot na gusto nilang i-promote, kasama ng isang memorandum na nagsasabing ‘nawa’y makagawian ninyo ito araw-araw.’ Nagulat kami. Maraming nagreklamo. Kaya binawi rin yung memo ng departamento,” kuwento ng doktor na miyembro nito na tumangging magpakilala.

Marami umano sa mga doktor ang tila may “utang na loob” pa sa mga kompanya ng gamot. “May lumalapit sa aking residente, sinasabing ‘Dok, heto na lang ’yung nireseta kong gamot para makabawi naman sa med rep.’ Hindi iyon dapat mangyari. Bukas itong sinasabi, ibig sabihin, sa tingin nila ay walang mali. Sobrang tagal na itong ginagawa, may kultura na ng pagtanggap. Parang korupsiyon sa gobyerno,” ani Dans.

Nagsisimula diumano ang “indoktrinasyon” sa paaralan. Hihingi ang mga estudyante ng maliliit na bagay, tulad ng inumin para sa mga party, mula sa mga kompanya ng gamot. “Uunlad ang ugnayang ito. Kapag naging clerk ka, bibigyan ka na ng mga drug sample. Dadami pa ang mga regalo kapag naging intern ka. Kahit ang ‘magagandang proyekto’ tulad ng mga medical mission, iniisponsor ng kompanya. Kapag naging doktor ka, palaki nang palaki ang suhol,” ayon kay Romualdez, dati ring dekano ng University of the Philippines College of Medicine.

Hanggang sa humantong sa antas-institusyunal ang diumano’y “pagbebenta ng reseta.” Pagsiwalat ni Dans, mayroong mga conference room sa PGH ang inayos ng mga kompanya ng gamot kapalit ng ilang libong reseta. “Papaalalahanan ka na kulang pa ang iyong inireseta at nagagalit na ’yung kompanya,” aniya. Nangyayari rin umano ito sa ibang mga ospital.

Walang regulasyon
Hindi umuubra ang pagbabantay-sa-sarili ng Phap, ayon kay Romualdez. Gobyerno ang may responsabilidad na siguruhing propesyonal ang relasyon ng doktor at kompanya ng gamot.

Kabilang sa repormang iminumungkahi niya ang pagpapalakas sa mga Hospital Therapeutics Committee na dapat nangangasiwa sa pagresta at paglimita sa ugnayan ng med rep at doktor. Dapat rin umanong gastusan ng gobyerno ang edukasyong medikal nang hindi umaasa sa industriya.

Matagal nang ipinagkakait sa pasyenteng Pilipino ang mura at epektibong gamot. Nananatili ang mga balakid hanggang malaya ang dambuhala at dayuhang mga kompanya ng gamot na sairin ang taumbayan, patabain ang sariling mga bulsa, at akitin ang ating mga doktor sa kalansing ng barya.

Cheaper Medicines Bill: ‘Hindi sapat’

Komprehensibong pagbabago sa industriya ng gamot sa Pilipinas ang kailangan, at hindi lang pagpasa ng Cheaper Medicines Bill, pahayag ng Head (Health Alliance for Democracy), organisasyon ng 3,000 doktor at mga propesyunal pangkalusugan.

Para mabilis diumano itong maipasa, idineklara ni Pangulong Arroyo kamakailan na ilalalaglag sa panukalang batas ang “generics only provision” o probisyon na mga generic na gamot lamang ang maaaring ireseta. Naging kontrobersiyal ito matapos umalma ang Philippine Medical Association dahil wala umanong kakayahan ang Bureau of Food and Drugs na siguruhin ang kalidad ng mga generic na gamot.

Ayon kay Dr. Gene Alzona Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, panahon nang buwagin ang monopolyo sa industriya ng dayuhang mga kompanya, na inamin mismo ni Arroyo.
Kahit umano ang mga mambabatas, inaamin na hindi masosolusyunan ng isang batas ang problema sa matataas na presyo ng mga gamot. Mas malala, maaari rin itong maging inutil gaya ng Generics Law, ayon sa grupo.

Layon ng Cheaper Medicines Bill na isabatas ang parallel drug importation o pag-aangkat ng murang gamot at kontrol sa presyo ng gamot sa ilang mga pagkakataon.

Kabilang sa mga pagbabagong iminumungkahi ng Head ang pagpapaunlad ng sariling industriya ng gamot at pagpapatupad ng National Drug Policy. Kaakibat nito ang regulasyon sa lahat ng aspekto, hindi lamang sa presyo.

“Dahil deregularisado ang industriya, hinayaang kumita nang walang pakundangan ang mga kompanya ng gamot kapalit ng buhay natin. Milyun-milyon pa ang magdurusa, magkakasakit, at mamamatay nang di kinakailangan kapag hindi umaksiyon ang gobyernong Arroyo,” ani Nisperos.

Posted in Uncategorized | Tagged: | Leave a Comment »

Japan-Philippines Economic Partnership Agreement: Pilipinas, naisahan ka na ba?

Posted by mamamahayag on November 18, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Vol. 5 Blg. 44
Nobyembre 17, 2006

Tahimik na pinirmahan sa ibang bansa, at halos hindi inanunsiyo sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin nailusot ni Pangulong Arroyo ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Agad na natunugan ng mga grupong maka-kalikasan na papayagan ng kasunduan ang pagtatapon ng mga nakakalasong basura ng Japan sa Pilipinas (tingnan ang kaugnay na istorya). Gayundin, hindi basta-basta kinagat ng mga grupong nars at migrante ang kapalit na pangako ng gobyerno na bibigyan ang mga nars at caregiver na Pinoy ng trabaho sa Japan (tingnan ang kaugnay na istorya).

Nang bayuhin ng kritisismo, napuwersang aminin ng Malacañang ang totoo: Hindi maaaring ipatupad ang kasunduan dahil kailangan muna itong dumaan sa Senado. Doon na umalingawngaw ang marami pang posibleng masasamang epekto ng Jpepa.

Ayon mismo kay Sen. Manuel Roxas III, tagapangulo ng Senate Committee on Trade and Commerce, kailangang pag-aralan kung may mahihita ba talaga ang Pilipinas sa nasabing kasunduan o kung mabubuyangyang lamang ang lokal na ekonomiya sa paninibasib ng mga higanteng korporasyon ng industriyalisadong Japan.

Dahil bigo ang WTO

Ang Jpepa ang unang bilateral na FTA (free trade agreement) na pinasok ng gobyerno simula noong Tydings-Mcduffie Law sa pagitan ng Pilipinas at US noong 1935. Inamin ni DTI (Department of Trade Industry) Undersecretary Thomas Aquino na muling nagka-interes ang gobyerno sa mga kasunduang bilateral dahil sa pagkabalaho ng mga negosasyon sa WTO (World Trade Organization). Miyembro nito ang Pilipinas.

Layon ng mga FTA na iliberalisa ang ekonomiya para “malaya” itong makipagkumpetisyon sa ibang bansa. Hindi umuusad ngayon ang WTO dahil sa lumalakas na pagtutol ng maraming mahihirap na bansa. Umano’y nawawasak ang kanilang ekonomiya dahil sa pagpasok ng mga korporasyong transnasyunal na kontrolado ng iilang mayayamang bansang nagtutulak ng globalisasyon.

Subalit ang Pilipinas ang isa sa mga pinakamabilis na nagliberalisa ng ekonomiya sa ilalim ng WTO, at walang ipinagkaiba sa nais nitong gawin ngayon sa ilalim ng Jpepa.

Ayon sa DTI, magdudulot ang Jpepa ng mula 1.7 hanggang 3.3% paglago sa GDP (Gross Domestic Product).

Lugi sa kalakaran

Ang Japan ay may ekonomiyang 50 beses na mas malaki kaysa Pilipinas. Ito ang pangalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, kasunod ng US. Kung 20% ng mga import at eksport ng Pilipinas ay mula at papuntang Japan, 2 % lamang ng mga import at eksport ng Japan ay mula at papuntang Pilipinas. Sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa simula 1999, laging trade deficit o lugi ang Pilipinas. Ibig sabihin, mas maraming pumapasok kaysa lumalabas na mga produkto rito. Sa kabilang banda, taun-taong trade surplus o ganansiya sa kalakalan ang natatamasa ng Japan (tingnan ang tsart).

Sa ilalim ng Jpepa, palalakasin ang ganitong klaseng kalakaran ng dalawang bansa. Aalisin ang taripa sa halos lahat ng produktong industriyal mula sa Japan, katulad ng bakal, sasakyan, tela, at mga produktong elektronik. Sa kabilang banda, aalisin ang taripa sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas, katulad ng saging, pinya, asukal at tuna.

Naniniwala ang gobyerno na mabibigyan ng Jpepa ang mga lokal na eksporter ng mas malaking pagkakataong mapasok ang merkado ng Japan.

Ngunit sa panayam ng PINOY WEEKLY, sinabi ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, na malalaking kompanyang Hapon lamang ang makikinabang sa pagbaba ng mga taripa. Bukod sa may malalaking pagkakataong kumita mula sa mga produktong ipapasok sa bansa, bababa rin umano ang gastos sa produksiyon ng mga kompanyang Hapon katulad ng Toshiba, Fujitsu, Panasonic, at iba pa sa mga EPZ (export-processing zone). Ang mga ito ang gumagawa ng mga produktong industriyal (elektroniks, sa partikular) mula sa mga inangkat na hilaw na materyales. “Sa kabilang banda, sisirain ng Jpepa ang lokal na industriya ng pagmamanupaktura at wawasakin ang anumang potensiyal ng Pilipinas na maging industriyal,” aniya.

Umalma na ang mga lokal na nagmamanupaktura ng bakal sa Jpepa na nagbibigay-daan sa pag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng bakal mula sa Japan taun-taon. Nababahala si Alberto Uy, tagapangulo ng Philsteel Group of Companies, na pabibilisin ng Jpepa ang pagkamatay ng lokal na industriya ng bakal.

Hindi rin nakikita ng Ibon Foundation ang ganansiyang maidudulot ng Jpepa sa mga lokal na eksporter. Halimbawa ang saging at pinya mula sa Pilipinas, na pasok na sa malaking bahagi ng merkado ng Japan. “Ang talagang nakikinabang sa eksport ng mga nasabing produkto ay hindi ang maliliit na magsasaka kundi ang mga kompanyang transnasyunal katulad ng Dole, Del Monte, Chiquita, at Sumitomo,” sabi ni Africa.

Kapansin-pansing hindi sinaklaw ng Jpepa ang bigas, na nananatiling protektadong sektor ng Japan, at hindi makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Espesyal na trato sa dayuhan

Sinasaklaw rin ng Jpepa ang industriya ng serbisyo. Ibig sabihin, maaari nang pasukin ng mga kompanyang Hapon ang mga serbsiyo katulad ng konstruksiyon, outsourcing, transportasyon, serbisyong medikal, mga serbisyong panlipunan, turismo, telekomunikasyon, pagbabangko at iba pa.

Gayundin, kabilang sa kasunduan ang mga kontrobersiyal na Singapore Issues na hindi pa naisasama sa WTO. Ito ang liberalisasyon sa pamumuhunan (investment), patakaran sa kumpetisyon (competition policy), government procurement at trade facilitation. “Maraming bansa laluna sa Third World na tumutol sa mga ito. Kasi, lalong mabubukas ang kani-kanilang ekonomiya at lalong madidisarmahan ang kanilang gobyerno sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa pag-unlad ng domestic economy,” paliwanag ni Africa.

Mas madaling makakapasok ang direktang dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment) mula sa Japan dahil inaalis ng Jpepa ang mga restriksiyon sa pamumuhunan na karamihan ay nasa Konstitusyong 1987. Ibinibigay nito sa mga mamumuhunang Hapon ang national treatment o tratong katulad ng mga lokal na mamumuhunan at iba pang espesyal na pribilehiyo.

Pinananabikan ng gobyerno ang FDI dahil magdudulot umano ito ng mas magandang klimang pangnegosyo, at lilikha ng maraming trabaho. Ang Japan ang numero unong naglalagak ng dayuhang puhunan sa bansa, na umaabot sa $370,000 kada taon.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi naman sana problema ang FDI kung ito ay pumapasok sa bansa nang may pakinabang ang pambansang ekonomiya. Ngunit karaniwang nangangahulugan ang dayuhang pamumuhunan ng pinakamurang lakas-paggawa, pinakamababang bayaring buwis, pinakamaluwag na pagnenegosyo na walang interbensiyon ng gobyerno, at pinakamalayang paglabas ng kapital mula sa bansa.

Karamihan sa mga manggagawa sa EPZ ay nagrereklamo sa mababang pasahod, kawalang benepisyo, at kawalang seguridad sa trabaho.

Umano’y maganda sana kung nagdudulot ang FDI ng technology transfer o paglipat ng teknolohiya, na makakatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Sa isang probisyon ng Jpepa, sinisiguro ang technology transfer na sinasabing pakikinabangan ng Pilipinas.

Sa wari ay hindi ito totoo. Halimbawa, sa pagmamanupaktura, na kinokonsentrahan ng FDI ng Japan, bumagsak ang bahagi nito sa GDP sa 24.2% noong nakaraang taon mula 27.9% noong 1970. Ibig sabihin, hindi umunlad ang lokal na pagmamanupaktura sa kabila ng deka-dekadang presensiya rito ng mga kompanya ng mga industriyalisadong bansa. “Pinoprotektahan ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang teknolohiya dahil ito ang pundasyon ng kanilang monopolyong kapangyarihan at tubo,” ani Africa.

Pag-aaral: kahirapan titindi

Samantala, sa pag-aaral ni Caesar Cororaton para sa Philippine Institute for Development Studies, tagapagsaliksik ng DTI hinggil sa Jpepa, lumalabas na patitindihin ng kasunduan ang income inequality o di pagkapantay-pantay sa kita.

Natuklasan nga ni Cororaton na magdudulot ang Jpepa ng paglago ng mga trabaho sa kalunsuran, partikular sa National Capital Region. Ngunit kapalit nito, maraming trabaho ang mawawala sa agrikultura at lalala ang kahirapan sa kanayunan.

Ngayong unti-unti nang nalalantad ang mga di-makatarungang probisyon ng Jpepa, hinihiling ng maraming grupo ang pagbasura nito. Kanila ring sinisingil ang pangulong nakipagkamayan kay Japan Prime Minister Junichiro Koizumi at ngumiti sa kamera sa pag-aakalang naisahan na ang bayan.

Pinoy nars, baka mag-Japayuki
Baka mauwi sa pagiging Japayuki o Japanese enter-tainers ang mga Pilipinong nars at caregiver na pinapangakuan ng gobyerno ng trabaho sa Japan.

Ito ang idinaing ng isang opisyal ng PNA (Philippine Nurses Association) sa pagdinig ng Senado hinggil sa Jpepa. Ayon kay Dr. Leah Samaco-Paquiz, bise-presidente ng PNA, mahihirapang maghanap ng empleyo ang mga manggagawang pangka-lusugan sa Japan kahit pa sinisiguro ito ng nasabing kasunduan.

Kabilang sa Jpepa ang Movement of Natural Persons na probisyong ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na makakadagdag ng bilang ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Japan.

Ngunit nakasaad dito na kailangan munang maging bihasa ang mga nars at caregiver na Pinoy sa lengguwaheng Nihonggo at makapasa sa eksaminasyon na nakasulat din sa nasabing lengguwahe. Saka lamang ikokonsidera ang mga kandidato na makakapagtrabaho sa Japan nang tatlong taon para sa mga nars at apat na taon para sa mga caregiver.

Sa panayam ng PINOY WEEKLY, idinagdag ni Paquiz na malaki ang diskriminasyon ng mga Hapon sa mga hindi kalahi. Di malayong tratuhin ang mga Pilipino bilang second-class citizen at bigyan ng mga trabahong angkop lamang sa ganitong pagtingin. “Nakakalungkot…bakit natin gustong maging ganoon ang Pilipino? Dapat, itaas natin ang pagka-Pilipino natin. Kawawa na tayo sa ibang bansa,” aniya.

Wala pang eksaktong komitment ang gobyerno ng Japan kung ilang nars at caregiver ang tatanggapin nito. Kaya naibulalas ni Senator Roxas na “teoretikal” pa lamang ang ganansya ng OFWs sa Jpepa.

Natuklasan naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na sa Schedule of Commitments ng Jpepa, nakasaad na maaari pa ring maglabas ang gobyerno ng Japan ng mga batas na pipigil sa pagpasok ng dayuhang lakas-paggawa sa sektor pangkalusugan. “Mabuway,” aniya, “ang pangakong inilulutang ng gobyernong Arroyo para maging katanggap-tanggap sa publiko ang Jpepa.”

Sinadyang gawing tambakan

Sinadyang isama sa Jpepa ang probisyong nagpapahintulot na itapon sa Pilipinas ang mga nakakalasong basurang industriyal ng Japan.

Wala ang toxic waste products sa orihinal na kasunduan, taliwas sa ikinakatwiran ng gobyernong Arroyo na napabilang lamang ito sa mahabang listahan ng mga produktong maaaring pumasok sa bansa nang walang taripa.

Sa pampublikong pagdinig ng Tariff Commission noong May 31, 2005 hinggil sa Jpepa, hindi kabilang ang toxic waste products sa mga produktong saklaw ng kasunduan. Ito’y dahil tumutol ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) at iba pang grupong makakalikasan. Lumitaw at napirmi lamang ang nasabing probisyon matapos igiit ng Board of Investments na di mahalaga kung babaan ang taripa sa mga nakakalasong basura dahil ipinagbabawal naman ang pag-angkat ng mga ito sa ilalim ng batas.

Ngunit ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, malinaw na kinumbinsi ng gobyerno ng Japan ang Pilipinas para mapabilang sa kasunduan ang toxic waste products. Napakalaki ng problema ng Japan dahil lumilikha ito ng 50 milyong tonelada ng basura taun-taon.

Wala ring tiwala ang Kalikasan sa kakayahan ng Bureau of Customs at DENR na ipatupad ang mga umiiral na batas pang-kalikasan dahil marami umanong naipupuslit na basura sa bansa. Noong 1999, 122 container van mula sa Japan na naglalaman ng mga nakakalasong basura ang nasawata. Kamakailan, ibinulgar ni Cavite Gov. Ireneo Maliksi na gagawing tambakan ng mga lumang appliances ang 648-ektaryang lote sa bayan ng Ternate.

Inireklamo ng Basel Action Network na labag ang Jpepa sa 1989 Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal, na inayunan ng Pilipinas at Japan.

Kabilang sa mga lubhang mapanganib na basurang maaaring itambak ng Japan sa Pilipinas ang incinerator ash, municipal waste katulad ng ginagamit na sanitary napkins at adult diapers, sewage sludge, clinical waste katulad ng nagamit na bandage at intravenous syringes, chemical residues, at iba pang residue na may mga nakakalasong kemikal katulad ng arsenic at mercury.

Posted in Globalisasyon, Uncategorized | 10 Comments »