Muling Paglathala

Saan mapupunta ang P45-Bilyon?

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

HINDI natutuwa silang sanay nang magsilbi sa mga maralita.

Nang pumutok ang krisis ng taggipit—ang pagsirit sa presyo ng bigas, langis, at kuryente—at simulan ng gobyernong Arroyo ang programang pamamahagi ng subsidyo para diumano’y maibsan ito, agad na kumasa ang mga kawani ng DSWD (Department of Social Welfare and Development).

“Halos 24 oras nagtatrabaho ang aming crisis intervention units,” ayon kay Manuel Baclagon, bise-presidente ng Social Welfare Employees Association of the Philippines.

Ayos lang naman sana sa kanila na pasanin ang pamamahala ng bagong mga programa ng Pangulo, gaya ng “Pantawid Kuryente: Katas ng VAT”—pamimigay ng P500 subsidyo sa mga kumokonsumo ng mababa sa 100 kilowatt hour ng kuryente—at “Ahon Pamilyang Pilipino”—pamimigay naman ng P300 hanggang P500 sa pamilyang mahihirap.

Alam nilang kaiba ang mga programa sa subsdiyo, na madaliang ikinasa, sa regular na mga programa ng DSWD na mas masinsin ang pagpaplano at implementasyon. Pero kinikilala nilang pansamantalang tulong din sa mahihirap ang mga ito.

Kaya naman laking gulat na lamang nila nang ianunsiyo ni Pangulong Arroyo kamakailan ang National Social Welfare Program o NSWP. Hindi ito pangungunahan ng hepe ng DSWD, kundi ng bagong talagang hepe ng SSS (Social Security System) na si Romulo Neri, dating direktor heneral ng Neda (National Development Authority) at testigo sa maanomalyang NBN-ZTE.

Bilyun-bilyong dole-out

Noong Hulyo 8, pinirmahan ni Arroyo ang Administrative Order No. 232. Pinag-iisa ng AO 232 ang mga programa sa social welfare ng DSWD, Department of Health, Government Service Insurance Sytem, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa isang programa na umano’y direktang tutugon sa “masasamang epekto ng pandaigdigang kapaligiran[g] (pang-ekonomiya).”

Pangungunahan ang nasabing lupon (cluster) ng administrador ng SSS na binigyan din ng posisyon sa Gabinete.

Ayon sa DoF (Department of Finance), nagkakahalagang P45-Bilyon ang pinagsamang badyet para sa panlipunang kapakanan (social welfare) ng nasabing mga ahensiya.

Pero malamang na lolobo pa ang halagang ito. Ayon sa nakalap ng PINOY WEEKLY na inamyendahang AO 232, pinamagatang “Adoption of Social Protection Framework to Harmonize the Efforts Addressing the Impact of Adverse Global Environment on the Country” at pinirmahan noong Hulyo 16, isinama na rin sa lupon ang Dole (Department of Labor and Employment), Philippine Health Insurance Corporation, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, at Housing and Urban Development Coordinating Council.

Ipatatawag din ang iba pang Government-Owned and Controlled Corporations at mga liga ng lokal na pamahalaan para “suportahan and epektibo at madulas na implementasyon” ng mga programa para sa proteksiyong panlipunan (social protection).

Pinalitan din ang pangalan ng programa—mula National Social Welfare Program, ginawa itong National Social Protection Program o NSPP. Ito umano ang bungkos ng “mas buo at dinamiko na mga programa at polisiyang dinisenyo para mapababa ang antas ng kahirapan at bulnerabilidad sa pamamagitan ng pagkakapantay-pantay at seguridad.”

Pero tila“dole-out” o simpleng pamimigay pa rin ng mga subsidyo ang magiging esensiya ng programa, anuman ang itawag dito.

Sinabi ni Cerge Remonde, hepe ng Presidential Management Staff, na magiging sentro ng State of the Nation Address ng Pangulo ang mga subsidyo ng gobyerno, na bahagi ng programang pamumunuan ni Neri.

Maaasahan ng publiko ang mas marami pang subsidyo, ayon din kay Lorelie Fajardo, deputy presidential spokesperson. Itutuloy umano ang programang Katas ng VAT Para sa Mahihirap o paglalaan para sa mga subsidyo ng bahagi ng kinokolekta ng gobyerno na 12% VAT (Value-Added Tax) sa mga produktong petrolyo.

Ngayong taon, P73-B ang inaasahan ng DoF na malilikom na VAT sa mga produktong petrolyo, na 22 beses nang nagtaas ng presyo simula Enero.

Pondo ng SSS, magagamit din?

Layon ng AO 232 na isentralisa ang mga programa sa subsidyo sa mahihirap at iba pang programang social welfare ng gobyernong Arroyo. Ipinagtataka lang ng marami, bakit ito pamumunuan ni Neri sa SSS?

Wala umanong kredibilidad si Neri dahil sa kanyang pananahimik sa partisipasyon ng Pangulo sa $329-Milyong proyektong NBN-ZTE. Hinala pa ng iba, gaya ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., may inaasahan sa kanya ang Pangulo, kapalit ng posisyon sa Gabinete.

Mabilis na tumugon ang Malakanyang: hindi gagamitin para sa mga programa ng Pangulo ang P248-B pondo ng 27 milyong miyembro ng SSS.

Pero ayon nga kay Sen. Mar Roxas, “Kung magkagipitan at inutusan siya (Neri) ng Palasyo na maglabas ng pera ng SSS para sa isang proyekto na hindi naman para sa SSS members, makakatanggi ba siya?”

Usap-usapang nagbitiw ang dating hepe ng SSS na si Corazon dela Paz dahil sa pamemresyur sa kanya ng Malakanyang na gamitin ang pondo ng ahensiya para sa mga programa ng Pangulo.

Hindi ito kinumpirma ni dela Paz. Pero nasabi niya kamakailan sa midya: “May limitasyon ang paggamit ng pondo. Hindi ito maaaring gamitin sa maka-mahihirap na proyekto ng gobyerno.”

Dagdag na antas ng burukrasya

Samantala, naniniwala si Baclagon na di kinakailangan ang lupon para sa NSPP. “Kung para sa koordinasyon, nariyan na ang iba’t ibang Inter-agency Committee gaya ng National Anti-Poverty Commission at Social Development Committee ng Neda,” aniya.

Inangkop lamang ng NSPP ang estratehiya para sa social protection na binalangkas ng Neda-SDC. May apat itong sangkap: (1) Labor Market Programs, (2) Social Insurance, (3) Social Welfare, at (4) Social Safety Nets. Pangungunahan ng Dole ang una; ng SSS ang ikalawa; at ng DSWD ang ikatlo at ika-apat.

Ang SSS ang mamumuno sa lahat nitong mga ahensiya—kahit na DSWD ang may pinakamalawak na mandatong hawak. DSWD ang pangunahing ahensiyang nangangalaga sa “pinakamahihirap sa mahihirap.”

“Kung tunay na nagmamalasakit si Arroyo sa mahihirap, bakit hindi pamunuan ng DSWD ang mga programa para sa kanila? O dagdagan na lamang ang pondo ng ahensiya? Kami naman ang may karanasan sa ganyan. Bakit kailangang magtayo ng isa pang antas sa burukrasya?” ani Baclagon.

Puna pa niya sa mga programa sa subsidyo ni Arroyo, hindi pinag-isipan at pansamantalang solusyon lamang: “Nakakapanghinayang na nasasayang ang mga rekurso ng gobyerno sa mga pamigay na para sa kakaunti lamang, at nagagamit pa sa pulitika.”

Umano’y marami pang mga proyektong mas pangmatagalan ang epekto dahil kinokonsidera ang iba’t ibang mga indikasyon ng pag-unlad, tulad ng imprastruktura, kalusugan, edukasyon, sitwasyong pangkomunidad, serbisyong pansuporta (support services) at pag-oorganisa.

Tutol ang maralita

Hindi magdudulot ang NSWP ng “pagkakapantay-pantay” at “seguridad”. Bagkus, palalalain ng programa ang kawalan nito, ayon naman sa grupong maralita na Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).

“Ito ay panloloko lang upang mapagtakpan ang kanyang (Arroyo) malalaking pananagutan sa aming mga maralita. Masahol pa, tiyak na magiging balon ito korupsiyon laluna’t papalapit na ang 2010 halalan,” sabi ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Ginagamit din umano ang programa na dahilan para patuloy na makapangolekta ng VAT sa kabila ng lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahan, na tanggalin ito.

Sa komputasyon ng Kontra-KulimVAT, alyansang nananawagan ng pagtanggal sa VAT, sa bawat P1 subsidyong ibinibigay ng gobyernong Arroyo, P9 na VAT ang kinokolekta nito. (Batay ito sa P8-B na nagastos umano ng gobyerno sa mga programa sa subsidyo.)

“Ipinapakita nito na napupunta sa Malakanyang ang Katas ng VAT, at hindi sa publiko,” ani Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra-KulimVAT.

Kung gayon, walang dahilang matuwa sa mga programa sa subsidyo hindi lamang ang mga kawani ng DSWD na tila sinagasaan ang trabaho—kundi ang bawat maralitang nagigipit, binubuwisan, at maaaring niloloko.

Posted in Korapsiyon, Pulitika | Leave a Comment »

Di-maibibidang kalusugang bayan

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

PITO sa sampung Pilipino ang namamatay nang hindi nabibigyan ng atensiyong medikal. Sampung ina ang namamatay kada araw sa panganganak. May 30% lamang ng populasyon ang nakakabili ng esensyal na mga gamot. Tatlong beses na mas malaki ang karaniwang bill sa ospital kaysa karaniwang kita sa isang buwan.

Tiyak na hindi babanggitin ni Pangulong Arroyo ang kalunos-lunos na mga estadistikang pangkalusugan na ito sa kanyang Sona (State of the Nation Address) sa Hulyo 28.

Kaya naman ang mga doktor, propesyunal pangkalusugan, at mga estudyante ng narsing at medisina na ang naghayag ng tinatawag nilang “Tunay na Kalagayang Pangkalusugan ng Mamamayan,” sa isang press conference noong Hulyo 25.

Pinalalala ng “kapabayaan” ng gobyernong Arroyo sa kalusugan ng mga mamamayan ang matinding kagutuman at kahirapan na kanilang dinaranas, ayon sa Head (Health Alliance for Democracy), AHW (Alliance of Health Workers), CHD (Council for Health and Development), at Health Science Students-Act Now!

Philhealth at Botika ng Bayan: limitado

Inaasahang lalamanin muli ng Sona ang mga programang pangkalusugan na bahagi ng mga nakamit ng gobyernong Arroyo—tulad halimbawa ng bilang ng mga Botika ng Bayan na itinayo at ng mga kard ng Philhealth (Philippine Health Insurance Corp.) na naipamahagi diumano sa mahihirap.

Ipinasa rin ng Kongreso ngayong taon ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act o Republic Act 9205, na layong ibaba ang mataas na presyo ng gamot.

Pero ayon kay Dr. Gene Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, limitado, mapanlinlang sa publiko, at walang makabuluhang pagbabagong dulot ang nasabing mga “pamana” ng Pangulo sa kalusugang bayan.

Noong 2006, ipinagmalaki ni Arroyo na 80% ng populasyon ang nasasaklaw ng Philhealth—programang health insurance ng gobyerno na nagbibigay ng diskuwento sa gamot at pagpapaospital.

Pero hinihinalang ibinuhos lamang ng administrasyon ang pamamahagi ng mga kard ng Philhealth para sa 2007 halalan, tulad ng ginawa nito noong 2004 halalan. Pinatutunayan ng ilang pag-aaral na hindi malawak at sustenido ang saklaw nito.

Ayon sa sarbey ng grupong Kilosbayan Para sa Kalusugan noong Agosto 2007 sa pitong pampublikong ospital, 30% lamang ng mga pasyente ang may Philhealth.

Sa tantiya rin ng National Institute of Health o NIH, sentro ng pananaliksik sa University of the Philippines Manila, mas mababa ng 20% ang aktuwal na mga nasasaklaw ng Philhealth kaysa sa bilang na ipinagmamalaki ng gobyerno.

Sinabi pa ng NIH na hindi saklaw ng Philhealth ang serbisyong out-patient sa mga ospital. Diumano’y bihira din (17% lamang ng pagkakataon) maserbisyuhan ang mga dependent ng mga miyembro ng Philhealth.

Samantala, may 11,900 Botika sa Barangay at 1,840 Botika ng Bayan, na dapat nagbebenta ng gamot sa mas murang halaga, sa buong bansa.

Pero ayon kay Dr. Eleanor Jara, executive director ng CHD, kadalasang “walang laman” ang mga ito—tulad na lamang ng Botika ng Bayan sa Payatas, Quezon City.

Mahal pa rin umano ang benta sa mga gamot dito. Halimbawa, ang mefenamic acid, na P25 sa komersiyal na mga bilihan ng gamot, P11 sa mga botika ng gobyerno. Pero P2 lamang ito binibili ng DOH (Department of Health) mula sa India at Pakistan. “Ibig sabihin, kumita pa ang gobyerno. Kaya hindi nito ibinababa ang presyo ng gamot,” ani Jara.

Mahal na gamot dahil sa monopolyo

Duda rin si Jara na maibababa ng RA 9205 ang presyo ng gamot. Hindi kasi pinayagan ng mga mambabatas, sa interbensiyon umano ng multinasyunal na mga kompanya ng gamot, na magkaroon ng Drug Price Regulatory Board. May kapangyarihan sana ang nasabing board, na bubuuin ng representante ng iba’t ibang sektor, na pababain ang presyo ng gamot.

Sa halip, ang Pangulo lamang ang binigyan ng mandato na kontrolin ang presyo ng gamot. “Walang rekord si Pangulong Arroyo ng pagbangga sa pagkakamal ng tubo ng multinasyunal na mga kompanya ng gamot. Pinayagan niya ito sa nakaraang pitong taon, ano ang magagawa niya ngayon?” sabi ni Jara.

Kontrolado ng mga multinasyunal na kompanya ng gamot ang 72% ng industriya, na kumita ng P9.11-Bilyon noong 2006. Ayon sa mga grupong pangkalusugan, hindi binabasag ng RA 9205 ang monopolyo sa industriya.

Sa halip na paunlarin ang sariling industriya, umano’y pinananatili rin ng batas ang pagiging palaasa ng bansa sa inangkat na mga gamot, sa pamamagitan ng parallel importation.

Doktor at nars, patuloy sa pangingibang-bansa

Maging ang mga estudyante ng narsing, tutol sa pagdausdos ng kalidad ng edukasyong pangkalusugan. Bunga umano ito ng agresibong pag-uudyok sa kanila ng gobyerno na mangibang-bansa, sa halip na maglingkod sa sariling bayan.

“Kaming mga estudyante ng narsing, kailangan mag-duty ng walo hanggang 12 oras, kahit sa gabi o sa weekends. Nagbabayad kami ng sobra-sobrang matrikula at iba pang miscellaneous fees. Kapag hindi kami nakapag-duty, kailangan namin magbayad ng libu-libong piso, at mag-duty ng tatlong araw para sa isang araw ng pagka-absent,” sabi ni Karen Jamora, tagapagsalita ng Health Science Students-Act Now!

Aniya pa, “di-bayad na lakas-paggawa” at “gatasan” ang mga estudyante ng narsing sa mahigit 400 paaralan sa buong bansa. Nagbabayad ang mga estudyante ng narsing ng P25,000 hanggang P40,000 matrikula kada semestre.

Nababahala naman si Julie Caguiat, executive director ng Commed o Community Medicine Development Inc., sa pagnanars ng mga doktor sa mga probinsiya. May 80 hanggang 90% umano ng mga municipal health officer sa buong bansa ang kumukuha ng narsing.

Kahit gustong magserbisyo ng mga doktor sa mga pasyenteng Pilipino, napipilitan umano ang karamihan na mangibang-bansa dahil sa kagipitang dulot ng mababang pasahod. “Kung wala kang doktor, sino ang magrereseta ng gamot? Sino ang magbibigay ng serbisyong pangkalusugan?” ani Caguiat.

Samantala, hindi kuntento ang AHW, alyansa ng mga manggagawang pangkalusugan, sa 10% dagdag-na-sahod na ipinatupad ng gobyernong Arroyo kamakailan. Anila, katumbas lamang ito ng P18.65 kada araw para sa mga nasa Salary Grade 1.

Hinaing nila, maging ang Nursing Law, na inaakyat ang mga bagong nars sa Salary Grade 15 o P16,000 kada buwan, hindi ipinatutupad sa mga ospital dahil sa kakulangan sa badyet.

P3,000 across-the-board na dagdag-na-sahod ang panawagan ng AHW, kasama ng iba pang mga empleyado ng gobyerno.

‘Di malusog ang bayan

Ayon sa World Health Organization, ang kalusugan ay “kalagayan ng kumpletong pisikal, mental, at sosyal na kapakanan, hindi lamang ang kawalan ng sakit.”

Sa ganitong pamantayan, ani Nisperos, hindi malusog ang bayan. “Sa ilalim globalisasyon at neo-liberal na polisiyang pang-ekonomiya, salaula ang kapakanan ng mga mamamayan at naglipana ang sakit. Ang mayroon lamang, buhay na pinagkaitan ng dignidad at batayang mga pangangailangan,” kanyang pagtatapos.

Posted in Pangkalusugan | Leave a Comment »

Barikadang Bayan at iba pang tugon ng maralita

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

TATLONG araw nakulong ang walong kasapi ng Bayan Muna dahil sa pagpiket noong Hulyo 2 sa harap ng barangay hall sa Greater Fairview, Quezon City para hadlangan ang napipintong demolisyon sa isang subdibidsyon.

Isang linggo bago ang piket, dinemolis na ang mahigit 300 pamilya ng Tanglaw Subdivision na ang lupa ay kinukuha ng Sta. Lucia Realty Corp. Isusunod na sana ang 50 pang pamilya—pero dahil humingi sila ng saklolo sa progresibong party-list, hindi natuloy ang demolisyon.

Ayon kay Alex Dizon, presidente ng Bayan Muna-Greater Fairview Chapter, nakulong man sila ay sulit naman ang kanilang mga pagsisikap. Sa pakikipagnegosasyon sa sheriff, ang 15 metrong lalawagin, naging dalawang metro na lamang. Hindi rin umano gagalawin ang mga kabahayan hanggang hindi nareresolba sa korte kung DPWH (Department of Public Works and Highways) nga ba o ang pribadong kompanya ang nagmamay-ari nito.

Nanghihinayang si Dizon sa sinapit ng mga pamilyang naunang nademolis dahil “natakot umalma at wala ring sumuporta sa kanila.”

Noong Hulyo 19, nagtipun-tipon ang halos 200 lider-maralita sa St. Peter’s Parish sa Commonwealth Ave., Quezon City para sa isang Anti-Demolition Summit na pinangunahan ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Bunga ang nasabing summit ng mga konsultasyon sa iba’t ibang maralitang komunidad mula sa NCR (National Capital Region) hanggang Timog Katagalugan.

Dito, napagkaisahan ng mga maralitang lungsod na labanan sa mas mataas at militanteng antas ang demolisyon na inaasahang mas magiging palasak at marahas sa ilalim ng natitirang termino ni Pangulong Arroyo.

Relokasyong bugok

Sa darating na Sona (State of the Nation Address) ni Arroyo, inaasahan ng Kadamay na muli na naman itong maglalatag ng mga “proyektong pangkaunlaran”—nang hindi binabanggit na kasama sa plano ang pagtataboy sa libu-libong mga maralita.

Sa tatlong proyekto pa lamang na nabanggit ni Arroyo sa naunang mga Sona—ang Quezon City Central Business District, C5 Northern Link Extension Project, at Philippine National Railways Modernization and Rehabilitation Program—tinatayang halos 300,000 pamilya na ang apektado.

Marami sa mga ito, nademolis na sa iba’t ibang sapilitang pamamaraan. Kundi man nagbalik sa probinsya o nagpalaboy-laboy na lamang sa kalye, nananahan sila sa mga pook relokasyon na itinakda ng NHA (National Housing Authority). Pero sanlaksang problema pa rin ang kinaharap ng mga maralita dito.

Reklamo ni Norma Purisima, tagapangulo ng Kadamay-Muntinlupa, nananatiling paupahan ang Southville 3 Resettlement Housing Project sa Cabuyao, Laguna. Dito ipinatapon ang dinemolis na mga taga-riles para bigyang-daan ang proyektong Southrail.

P75,000 ang kailangang bayaran ng mga maralita, na may interes na 6% kada taon, para sa lote. Gugugol din ang mga ito ng P65,000 para maipatayo ang bahay—na umano’y mahina pa ang konstrukisyon. “Naggiba nga ang ilang mga kabahayan dito noong kasagsagan ng ulan,” aniya.

Pagpapalayas muli

Muling pagpapalayas naman ang nakaamba sa mga relocatee sa Montalban, Rizal. Ayon kay Nestor Palugod, tagapangulo ng Samahan ng Maralita sa Kasiglahan Village I, naglabas ng eviction notice ang korte noong nakaraang taon para sa may 10,000 pamilya na nakatira sa subdibisyon.

Mayroon kasing pribadong indibidwal na umaangkin sa 225,000 ektaryang lupain—taliwas sa sinabi ng NHA na pagmamay-ari ito ng DPWH. “Ibinigay” ito sa kanila ng NHA noong 2002, nang sila ay mademolis sa San Andres Bukid, Bulacan.

“Sabi namin sa may-ari ng lupa, biktima lang naman kami ng gobyerno dito,” ani Palugod. Diumano’y walang nangyari sa pakikipag-usap nila sa NHA at DPWH para ayusin ang gusot.

Ang malala, patuloy pa rin silang sinisingil ng NHA ng renta na P250 kada buwan—na mabigat para sa mga relocatee na karamiha’y nagtatrabaho lamang bilang magbobote, labandera, o pana-panahong construction worker.

Kaya naman naisip ng mga taga-Rodriguez na magtayo ng isang alyansang magtataguyod sa kanilang karapatang manatili sa lugar. Noong Hulyo 13, binuo ng 10 organisasyon ang Rodriguez Relocatees Alliance para labanan ang demolisyon at ilantad ang umano’y maanomalyang relokasyon ng gobyernong Arroyo.

Pagtatayo ng alyansa

Nagtayo rin ng katulad na mga alyansa ng maralita sa iba’t ibang bahagi ng NCR. Isa na rito ang Alyansa ng Maralita sa Metro Manila, na binuo noong Disyembre 5, 2007 sa pangunguna ng Kadamay-Manila.

Pinalalawak naman ang Tondo Foreshoreland People’s Alliance. Binibigkis nito ang mga komunidad ng Baseco, Parola at Islang Puting Bato. Laging nasa bingit ng demolisyon ang mga kabahayan dito dahil sa proyektong pribatisasyon sa Manila North Harbor.

Ang mga organisasyong pang-maralita sa mga siyudad sa Taguig, Muntinlupa, Las Piñas, Makati, at Parañaque, nagsasama-sama rin. Tinututulan nila ang Global Development Project sa Fort Bonifacio, pribatisasyon ng National Bilibid Prison at Laguna Lake, at iba pang proyektong “pangkaunlaran” at eko-turismo na apektado ang mahigit 100,000 pamilya.

Inihayag ng mga lider-maralita na dumalo sa summit na maglulunsad sila ng mga pag-aaral at kilos-protesta para paigtingin ang laban para sa disenteng pabahay at iba pang batayang mga karapatan, sa pakikipagtulungan sa iba pang mga sektor ng lipunan.

Sasama sa Sona

Pagtatayo ng mga Barikadang Bayan, na naging panangga ng mga maralitang lungsod laban sa demolisyon noong Batas Militar, ang iminungkahi ni Ed Legson, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

“Itatayo natin ito sa mga lugar na may isyu ng demolisyon. Magkakapit-bisig tayo at tatawagin ang suporta ng mga katabing komunidad. Bubuhayin nating muli ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga maralitang lungsod laban sa demolisyon!” aniya.

Mainit na sinalubong ng mga lider-maralita ang panukala. Kabilang na rito ang nakulong na mga miyembro ng Bayan Muna sa Greater Fairview, na dinanas ang hirap at ganansya rin naman ng pakikipaglaban para manatili sa kinatitirikan.

Sa huli, nangako ang lahat na padadaluhin ang kani-kanilang komunidad sa malakihang kilos-protesta sa Sona ni Arroyo sa Hulyo 28—para diumano’y ipamukha sa gobyerno di lamang ang kanilang lumalalang kahirapan, kundi ang nagkakaisa ring lakas sa gitna nito.

Posted in Maralitang tagalungsod | Leave a Comment »

Pinagkaitan ng katahimikan

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

MATATAG na tao ang pagkakakilala ni Maria Gumanoy sa kanyang 21-anyos na panganay na si Rose Ann. Katulad ng kanyang pinaslang na ama. Kaya inalagaan at ipinagtanggol ni Rose Ann ang kanyang pamilya nang hinaharas ito ng mga sundalo sa kanilang tinitirahan sa Quezon. Nang siya ay mabaril sa isang operasyong militar at kasuhan ng rebelyon noong Abril, hindi siya nakipagtulungan sa militar – sa kabila ng halos oras-oras na pananakot habang nagpapagamot sa V. Luna Medical Center. Nang dinukot siya at ang kanyang 17-anyos na kapatid na si Fatima noong Hulyo 3, hindi pa rin siya agad-agad na bumigay.

“Sa harapan ko mismo ay nakita ko na pinapipirma ng bantay na militar sina Rose at Fatima sa isang papel na nagsasaad na sila ay hindi dinukot at kusang loob na pumunta sa kanila. Sa kabila ng takot at kahit nag-iiyak, hindi pumirma sina Fatima at Rose Ann,” sabi ni Maria. Tinutukoy ni Maria ang pagbisita sa kanyang mga anak sa Fort Bonifacio General Hospital noong Hulyo 6, dalawang araw matapos umamin ang AFP (Armed Forces of the Philippines) na nasa pangangalaga nila ang dalawang kabataan.

Kaya nang humarap sa isang press conference si Rose Ann kasama ang mga opisyal ng AFP noong Hulyo 10 para pabulaanan na dinukot sila ng militar at sabihing kusa silang lumapit dito para humingi ng proteksiyon, alam na ni Maria ang nangyari. Natakot si Rose Anne para kay Fatima na ngayo’y mistulang “hostage,” ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na nangangalaga sa pamilya Gumanoy.

Anak sina Rose Ann at Fatima ni Eddie Gumanoy, tagapangulo ng Kasama-TK (Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan). Dinukot at pinatay noong Abril 22, 2003 ang kanilang ama, kasama si Eden Marcellana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Tagalog, habang nasa isang fact-finding mission sa Mindoro Oriental.

Binansagan ng militar na rebelde si Eddie bago siya tuluyang pinatay ng pinaghihinalaang mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan. Pero hindi na pa rin natahimik ang pamilya Gumanoy. Patuloy silang inakusahang mga NPA (New People’s Army), tinakot, at tinugis. Rurok nito ang diumano’y ilegal na detensiyon ng isang menor-de-edad at pagkakait sa isang ina ng kanyang mga karapatan sa mga anak.

Sakit at takot

“Malapit si Rose Ann sa tatay niya. Nagrebelde ’yung kanyang kalooban nang pinatay ’yung tatay niya na hindi naman masamang tao at napakabait, pinatay nang wala namang dahilan…’Yun na nga ang nakapagtataka doon. Sundalo ang pumatay sa tatay nila tapos ngayon sasabihin na sa kanila humingi ng tulong. Ganun naman talaga ’yung militar. Binabaliktad (ang kuwento) dahil hawak nila,” ani Maria.

Walang dahilan ang AFP na hawakan si Fatima na walang kaso, maliban sa paliwanag ni Lt. Col. Romeo Brawner, tagapasalita ng AFP, na mayroon itong German measles (tigdas) kaya patuloy na ginagamot. Pero hinala ni Maria, anuman ang sakit na dumapo sa kanyang anak, kagagawan ito mismo ng AFP.

Noong Hulyo 3, makikipagtagpo sana ang magkapatid sa kanilang ina sa Metropolis mall sa Alabang. Galing sila sa General Nakar, Quezon kung saan nagpapagaling si Rose Ann sa sugat sa kaliwang braso. Si Fatima ang nag-alaga sa kay Rose Ann, mula sa V. Luna Medical Center hanggang sa mailipat siya sa Quezon Provicial Jail at makapagpiyansa noong Mayo 29. Nag-text si Rose Ann sa kanyang ina noong tanghali na “may sumusunod” sa kanila. Bandang alas-kuwatro ng hapon, nag-text ito muli para sabihing kinuha sila ng militar at nasa Camp Aguinaldo.

Kinabukasan, pumunta sina Maria at mga taga-Karapatan sa opisina ng Isafp (Intelligence Service of the AFP) para hanapin ang dalawa. Itinanggi ng Isafp na nasa kanila ang mga ito. Pero kinagabihan, inamin ni Col. Ernesto Torres, tagapagsalita ng Philippine Army, na hawak nila sa Fort Bonifacio sina Rose Ann at Fatima.

Hulyo 5, agad silang pinuntahan nina Maria. Mahigit tatlong oras silang naghintay bago hinarap ng isang opisyal na nagsabing nasa ospital ng kampo ang dalawa. Pero bago papasukin si Maria sa kuwarto ni Fatima, kuwento niya: “Kinapkapan ako. Hinatak pababa ang aking pantalon at panty, pati ang aking puwet ay tiningnan ng stethoscope at tinusok-tusok ng stick ang aking hita ng doktor na hindi nagpakilala.”

Dalawang sundalo na nakilala lamang sa pangalang Weng at Arcel ang nakabantay sa bata. Naghanda na ng gamit si Fatima para sumama sa kanyang ina. Pero nang palabas na sila, hinatak si Fatima ng doktor at sinabing hindi siya puwedeng lumabas. Dahilan ng di-nagpakilalang doktor kay Maria, may Urinary Tract Infection ang bata. Hindi niya pinayagan ang ina na ilipat na lamang ng ospital si Fatima, at sinabihang bumalik na lamang kinabukasan.

Pero pagbalik ni Maria, iba na ang hitsura ni Fatima. Nakaratay siya at maraming pantal sa katawan. Nangingitim ang labi, maputla ang mga paa. Kulay ube ang gilid ng kanyang talampakan, at malamig na malamig ang mga binti nito. Allergy raw ito, sabi kay Maria ng doktor—hindi German measles, tulad ng opisyal na pahayag ng AFP. Wala namang maipakitang medical record ang doktor na magpapatunay sa kung ano ang tunay na sakit ng bata.

Noon din nakita ni Maria ang sapilitang pagpipirma ni Weng ng affidavit sa kanyang dalawang anak. Kinuhanan din ng bidyo ang ina at kasamahan niyang mga miyembro ng Karapatan. Ayon pa kay Maria, “Bawat salita ni Fatima, nakatingin sa sundalo. Tapos ’yung sundalo ang sumasagot kahit hindi naman siya yung tinatanong ko, sinasabi niyang ‘ayaw talaga nanay sumama ni Fatima sa iyo.’ Samantalang di naman nagsasalita ang bata. Kaya yun ang (hinala) ko, na tinatakot si Fatima.”

Hindi na muling pinayagang pumasok si Maria sa ospital nang may kasama, kahit pa ang kanyang pinsan na si Emily na pinagbintangan ng mga sundalo na “pakawala ng Karaparatan.” Natatakot naman si Maria na pumasok sa ospital nang mag-isa.

Panghaharas, noon at ngayon

Ramdam na ng pamilya Gumanoy ang panghaharas ng militar bago pa man pinatay si Eddie, na aktibo noon sa laban ng mga magsasaka ng niyog laban sa resikada. Kaya napilitan silang umalis sa Quezon noong 2001. “’Yung ikaw lang ay magpahayag, ipaglaban mo ang karapatan mo bilang magsasaka, sa lupa, pinagbintangan na nila na NPA (ang asawa ko) hanggang sa mawala na siya. Hanggang ngayon malaki yung epekto sa amin ng pangyayari. Nasusundan pa rin kami kahit saang lugar kami magtago,” sabi ni Maria.

Noong 2004, bumalik muli sa Quezon ang pamilya. Naroon lamang ang kanilang tanging ikinabubuhay. Nakikisaka si Maria o di kaya’y nagkakaingin. Anim ang kanyang anak kay Eddie, lahat menor-de-edad maliban kina Rose Ann at 19-anyos na si Daniel. Natigil ang karamihan sa pag-aaral nang mamatay ang ama. “Si Rose Ann, maaalalahanin sa magulang at sa mga kapatid. Ganoon din si Fatima. Siya yung tumutulong sa akin noong hindi pa ako nag-aasawa ulit.”

Pero makailang beses silang binisita ng mga militar. Inaakusahan nilang NPA sina Rose Ann at Daniel. Hinahalughog ang kanilang bahay at pilit isinasama si Maria sa kampo. Noong Hulyo 2006, ayon kay Maria, kinausap pa siya ni Lt. Gerry Mangalos ng 16th Infantry Brigade na naka-base noon sa Mindoro Oriental. Umano’y inamin mismo ni Mangalos na yunit nila ang pumatay kay Eddie.

Muling napilitang lumikas ang pamilya noong Enero ngayong taon. “Sosonahin daw yung aming lugar tapos talagang hinahanap na talaga ako. Kung hindi ako umalis doon baka ako na yung hinawakan ng mga sundalo para lang sumulpot ang aking mga anak na basta ang alam ko, nasa Pampanga,” ani Maria.

Umano’y tumutulong ang dalawa sa tindahan ng kanilang tiyuhin doon at dapat sana’y pag-aaralin na. Bumalik sa Quezon si Rose Ann para ipamalita ito sa ina, nang siya ay maipit sa isang engkuwentro noong Abril 15 habang nasa bahay ng isang kaibigan. Sugatan ang mga sibilyan na sina Merie Carcer, 50, at anak nitong si Christine, 7. Napatay naman si Monica Carcer, 13, na inaakusahan ng AFP na rebelde.

Labag sa karapatan

Kinondena ng Karapatan, Gabriela Women’s Party, at mga grupong nagtataguyod sa karapatan ng mga bata ang detensiyon kay Fatima. Labag umano ito sa Article 10 ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Nakasaad sa Article 10 na “zones of peace” ang mga batang naiipit sa digmaang sibil at dapat iginagalang ang mga karapatan.

“Dapat kagyat at walang kondisyong pakawalan si Fatima ng AFP. Wala siyang kaso at di dapat hinahawakan ng militar. Kung totoo ngang may sakit siya, lalo niyang kailangan ang kalinga ng kanyang ina,” sabi ni Alphonse Rivera, tagapagsalita ng Salinlahi o Alliance for Children’s Concerns.

Ayon pa kay Eilek Manano, isang social worker ng Children’s Rehabilitation Center, hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat ng pamilya Gumanoy dahil sa pagkamatay ni Eddie at panghaharas sa kanila ng militar. “Anong moral ground ng AFP para sabihing inaalala nila ang kapakanan ng magkapatid?”

Tuluyan namang nawalan na ng kumpiyansa si Maria sa militar. “Sobrang mapagbintang sila sa mga sibilyan na wala namang kasalanan. Di na lang nila hanapin ’yung tunay nilang kalaban, kundi sibilyan yung mas higit na naaapektuhan. Hindi pa nga nabigyan ng katarungan yung asawa ko, tapos yan na naman.”

Sa kabila ng positibong pagkilala ng mga testigo, ibinasura ng Department of Justice noong 2007 ang kaso laban sa mga suspek sa pagpatay kina Eddie at Marcellana na sina M/Sgt. Donald Caigas, Aniano “Ka Silver” Flores, at Richard “Waway” Falla.

Matatag man ang kanyang mga anak, alam ni Maria na bata pa rin sina Fatima at Rose Ann – may espesyal silang mga karapatan na matindi ang epekto kapag niyurakan. Sabik na siyang muling makapiling ang mga anak. At mabuhay nang tahimik ang kanyang pamilyang mistulang ginigiyera nang walang kalaban-laban.

Posted in Karapatang Pantao | Leave a Comment »

P125 dagdag-na-sahod: Pag-asa sa pagkakaisa

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

HINDI na nakatiis ang mga manggagawa. Hindi na nila mahintay pa ang pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo 28. Kaya noong Hunyo 19, sinugod nila ang bahay sa Valenzuela City ni Rep. Magtanggol Gunigundo, tagapangulo ng House Committee on Labor, para itulak ang pagsasabatas ng House Bill 1722 o P125 dagdag-na-sahod ng mga lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.

Hindi pa nakapagdaraos ang Kamara ng kahit isang pagdinig sa panukalang inihain ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran sa pagsisimula ng ika-14 Kongreso. Gayundin ang Senado sa limang panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod na inihain ng limang senador. “Back to square one,” ayon nga kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU (Kilusang Mayo Uno).

Noong Disyembre 2006, bumababa pa mula sa kanyang opisina si Sen. Jinggoy Estrada, tagapangulo ng Senate Committee on Labor, para ibahagi sa mga nagpipiket na manggagawa ng KMU ang masayang balita. Ipapasa umano ng kanyang komite ang counterpart bill ng Senado sa HB 345, panukala para sa P125 dagdag-na-sahod noong ika-13 Kongreso. Noo’y nalalapit na itong ipasa ng Kamara.

Sa ika-20 ng buwan ring iyon, ipinasa na nga ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang HB 345. Nabuhayan ng loob ang ang mga manggagawa at militanteng mga kongresistang naghain ng panukala. “Isa itong malaki at makasaysayang hakbang,” sabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño. Ang unang panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod na inihain ng Bayan Muna noong 2001, hindi man lang nakalampas sa unang pagbasa.

Pero nabalaho rin ang HB 345. Naghain ng motion for reconsideration si Cavite Rep. Crispin Remulla dahil sa umano’y teknikal na mga kahinaan ng panukalang batas. Hindi na ito muling umusad – hanggang sa magtapos ang ika-13 Kongreso, hanggang sa mamatay ang orihinal na awtor ng panukala na si Beltran noong Mayo 20, at hanggang sa ngayon, sa gitna ng napakatinding krisis pang-ekonomiyang inihihingi ng ginhawa.

Alyansa

Para kay Labog, isa lamang ang paraang mapupuwersa ang gobyernong Arroyo na dinggin ang halos isang dekada nang panawagan ng KMU: ang pagkakaisa, hindi lamang ng mga manggagawa, kundi ng lahat ng sektor ng lipunan na apektado sa papataas na presyo ng pangunahing mga bilihin.

Kaya noong Hunyo 2, inilunsad ang Unity for P125, malawak na alyansang nananawagan ng P125 dagdag-na-sahod, sa isang porum sa University of the Philippines-Manila.

Hindi lamang mga manggagawa ang lumiban sa trabaho para ianib ang kanilang mga sarili sa alyansa. Kasama nila ang mga maralitang lungsod, kawani ng gobyerno, migrante, estudyante, akademiko, at relihiyoso sa paggiit sa umano’y “nararapat na hati (ng mga manggagawa) sa paglikha ng yaman at pagpapatakbo ng ekonomiya.”

“Sana madagdagan pa ang bilang ng mga mamamayang Pilipino na nagtutulak sa batas na nagtataas ng sahod. Sinasabi ng Malakanyang na ang mga manggagawa ang gumagawa ng yaman ng bansa. Pero lagi nitong hinuhuli ang kapakanan ng mga manggagawa,” sabi ni Obispo Gabriel Garol, presidente ng United Churches of Christ in the Philippines.

Ikinumpara naman ni Dave Diwa, pambansang tagapangulo ng National Labor Union, ang ganit ng gobyerno sa pagbibigay ng dagdag-na-sahod sa maluwag na pagpayag nito sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo halos linggu-linggo. “Bakit ang mga manggagawa kailangan pang tumakbo sa Senado at sa Kamara, kailangan pang mag-hearing at ng maraming debate para sa P125? Samantalang paggising natin, walang kaabog-abog, nagtaas na ang presyo ng langis?” aniya.

Ayon pa kay Ver Eustaquio, tagapangulo ng Union of Masses for Democracy and Justice, hindi lamang napapanahon ang P125 dagdag-na-sahod, kundi long overdue o matagal nang utang ng gobyerno.

Katarungang panlipunan

Taong 1999 nang unang ikampanya ng KMU ang P125 dagdag-na-sahod. Noon, nasa P198 pa lamang ang minimum na sahod sa Metro Manila. Simula noon, idinaan ng gobyerno sa mga RTWPB (Regional Tripartite Wages and Productivity Board) ang pagtatakda ng umento sa sahod. Sa Metro Manila, tumaas nang P184 ang minimum na sahod ng mga manggagawa mula 1999 hanggang 2008 (ngayo’y nasa P328).

Pero mas maliit pa dito ang pambansang average ng itinaas ng sahod sa parehong panahon – umaabot lamang sa P94.42. Marami kasi sa mga rehiyon ang nagtamasa ng napakaliit na umento, tulad ng Mimaropa (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na P52 lamang (P252 mula P200), at Autonomous Region of Muslim Mindanao na P70 (P210 mula P140).

“Iisa lang naman ang bituka ng mga manggagawa, saan mang bahagi ng bansa,” batikos ni Garol sa pag-iral ng mga RTWPB na umano’y “mapanlinlang” at “mapang-insulto.”

Ang P50 pa sa mga umentong ibinigay ng mga RTWPB, hindi dagdag-na-sahod kundi Ecola (Emergency Cost of Living Allowance). Pansamantala mang ginhawa, hindi kasama ang Ecola sa komputasyon ng mga benepisyo ng mga manggagawa tulad ng overtime pay.

Sa taas ng presyo ng mga bilihin, hindi nagkakasya ang minimum na sahod para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya. Nasa P882 ang nakabubuhay na sahod o Family Living Wage sa Metro Manila. Ang agwat ng minimum na sahod sa nakabubuhay na sahod dito, umaabot ng P13,000 – hindi mapupunan kahit dalawa pang miyembro ng pamilya ang magtrabaho.

Ayon sa Ibon Foundation, 18.6% lamang ang itinaas ng sahod sa ilalim ng administrasyong Arroyo (2001 hanggang 2006) kumpara sa 37.9% pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa parehong panahon. Hindi pa kasama rito ang pagtaas ng presyo ng bigas nang 20% hanggang 43% sa unang bahagi ng taon.

Ito ang nagtutulak sa maraming mga Pilipinong mangibang-bansa, ayon kay Gary Martinez, tagapagsalita ng Migrante International. Ipinaliwanag niya, “Kung mayroon lang talagang nakabubuhay na sahod dito at disenteng trabaho, hindi kami aalis ng bansa.”

Nakikiisa ang mga OFW (Overseas Filipino Workers) sa panawagang P125 dagdag-na-sahod dahil “hindi maaalis sa mga migrante na siya ay uring manggagawa,” sabi ni Martinez. Apektado rin umano ang pamilya ng mga OFW sa mataas na presyo ng mga bilihin na nagpasadsad sa halaga ng piso o naiuuwing kita ng mga migrante.

Nasa P0.65 na lamang ang tunay na halaga ng piso. Ibig sabihin, ang mabibili ng piso ngayon, katumbas ng mabibili noong 2000 sa halagang P0.65 lamang. Ayon kay Danilo Arao, propesor sa UP at eksperto sa mga usapin sa ekonomiya, masusukat ang paghihirap na dinaranas ng mamamayan sa pagsadsad nang 35% sa tunay na halaga ng piso.

Optimistiko

“Hindi na kailangan pa ang katakut-takot na datos para makitang kailangan ang dagdag-na-sahod,” sabi ni Estaquio sa porum.

Dagdag pa ni Labog, higit pa sa pansamantalang ginhawa ang kinakatawan ng panawagang P125 dagdag-na-sahod, na kung tutuusi’y nakabatay sa pangangailangan ng mga manggagawa halos isang dekada na ang nakaraan. “Hindi ito simpleng umento, kundi paggiit ng katarungang panlipunan. Pagkilala ito sa mga manggagawa di lamang bilang manggagawa kundi bilang tao,” aniya.

Pero dahil sa kanilang karanasan, iginigiit, at hindi basta-basta ibinibigay ang ganitong pagkilala, iba’t ibang mga porma ng pagkilos ang titiyakin ng alyansang Unity for P125. Nariyan ang lobbying sa Kongreso, kampanyang edukasyon sa mga komunidad at pagawaan, pagpapakalat ng impormasyon sa publiko, pananaliksik, lalong pagpapalawak ng alyansa, at mga mobilisasyon.

Sa piket ng KMU sa bahay ni Gunigundo, napilitan ang kongresista na harapin ang nag-iingay na mga manggagawa. Ipinangako niyang magdaraos ng pagdinig ang kanyang komite hinggil sa HB 1722 sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.

Hindi man nila mapagkatiwalaan ang salita ng mga mambabatas na pinalampas ang tatlong panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod, may dahilan sila para umasa.

“Optimistiko kami na mailalaban namin ito dahil ang dating sektoral na isyu ay naging multi-sektoral na. Makikita mo naman, nandito ang lahat para suportahan ang laban ng mga manggagawa,” pagtatapos ni Labog.

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

Trahedya sa likod ng trahedya

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

AKALA ng mga kaanak ng mga pasahero ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars, hindi na mahihigitan pa ang pighati ng ilang araw na paghihintay ng balita hinggil sa kanilang mga mahal sa buhay, na karamiha’y natatagpuan na bangkay sa dagat o sa mga dalampasigan habang lumilipas ang mga araw.

Pero noong Hunyo 26, sumapaw sa trahedyang sinapit ng 865 pasahero ng Sulpicio Lines ang balita ng isa pang trahedyang posibleng mas malaki. Inanunsiyo ng National Disaster Coordinating Council na kasamang lumubog sa barko ang 10 MT (metro tonelada) ng endosulfan, isang uri ng lubhang nakalalasong kemikal na pestisidyo.

Agad na itinigil ng Philippine Coast Guard ang mga operasyong search and rescue para masiguro ang kaligtasan ng mga maninisid. Ipinagbawal din ang pagbebenta ng isda mula sa dagat ng Romblon habang sinusuri ang mga sample ng tubig para sa lason. Lalong natuliro ang binuong task force para sa trahedya, nagkumahog humingi ng tulong na maiahon nang ligtas mula sa dagat ang kargamento ng endosulfan na pag-aari ng Del Monte Philippines, Inc.

Sa ngayon, pigil-hininga ang lahat. Hindi na lamang ang mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ang may dahilang mag-alala. Maging ang mga mamamayan ng Romblon, ang buong bansa, at ang internasyunal na komunidad, nakaantabay sa matinding pinsala na maaaring idulot ng isang mapanganib na kemikal—na dapat sana’y hindi na ginagamit pa kung naging mas matimbang sa gobyerno, noon pa man, ang interes pampubliko kaysa interes ng negosyo.

Endosulfan, bigong ipagbawal

Nagbabatuhan ng sisi ang Del Monte, Sulipico Lines, at mga ahensiya ng transportasyon hinggil sa pagkahalo ng kargamento ng endosulfan sa isang barkong pampasahero. Malinaw kasi itong ipinagbabawal sa batas na sumasaklaw sa transportasyon ng nakalalasong mga kemikal. Ayon sa Del Monte, inilipat ang kargamento mula sa MV Princess of Paradise nang walang pahintulot.

Idinagdag na rin ng kompanya, wala silang rekord ng pagkapinsalang dulot ng paggamit nila ng endosulfan na anila’y aprubado naman ng FPA (Fertilizer and Pesticide Authority).

Ikinagulat ito ng maraming mga grupong pangkalusugan at pangkalikasan. Ang alam nila, matagal nang ipinagbabawal sa bansa ang endosulfan. Kinailangang maglinaw ni Dr. Norlito Vicana, direktor ng FPA: hindi ito ipinagbabawal kundi severely restricted o limitado at mahigpit na binabantayan ang paggamit. Umabot sa 22 pang bansa na nagdeklarang severely restricted din sa kanila ang endosulfan.

Ipinagbabawal na ang endosulfan sa 18 bansa, kabilang ang European Union. Nakahanay sa Category 1 o “Highly Acutely Toxic” na mga pestisidyo ayon sa United States Environmental Protection Agency, may sapat na batayan ang mga bansang ito. Isang pestisidyong organochlorine, lubhang nakakalason sa lahat ng mga buhay na organismo ang endosulfan. Hindi rin ito agad nalulusaw sa tubig o nawawala sa hangin o lupa kaya naiipon at matagal mawala sa kapiligiran.

Inirehistro ang paggamit ng endosulfan bilang pamatay-peste nang itinayo ang FPA noong 1977 para pangasiwaan ang produksiyon, transportasyon, pag-iimbak, pagbebenta, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo. Noong dekada ’80, binuo ang PTAC (Pesticide Technical Advisory Committee) para aralin ang mga panganib ng mga pestisidyo. Kasabay nito ang paglulunsad ng mga non-government organization ng pandaigdigang kampanya laban sa “Dirty Dozen” na nagresulta sa pagbabawal sa bansa ng 12 pinakanakakalasong mga pestidyo.

Noong 1991, napansin ng NPCC (National Poison Control Center), nagmomonitor ng mga kaso ng pagkalason dahil sa pestidyo, na ang endosulfan sa nagdudulot ng pinakamaraming mga kaso ng pagkalason. Dahil dito, masusing inaral ng toxicology subcommittee ng PTAC ang endosulfan. Bunga ng pag-aaral, ipinagbawal ng FPA ang pagbebenta at paggamit ng endosulfan na may 35% na pormulasyon, at nilimitahan ito sa 5%.

Agad namang umaksiyon ang Hoechst (ngayo’y Bayer CropScience), nagmamanupaktura ng endosulfan at isa sa pinakamalaking agro-kemikal na transnasyunal (nakabase sa Germany). Hinabla nito ang FPA at nakakuha ng injunction o kautusang nagpapayag sa kanilang patuloy na magbenta ng endosulfan na may 35% na pormulasyon.

Noong Abril 1993, sinampahan pa ng kasong libelo ng Hoechst si Dr. Romeo Quijano, toxicologist ng University of the Philippines Manila at ngayo’y tagapangulo ng Pesticide Action Network Philippines. Binanggit kasi ni Quijano sa isang kumperensiya na nagdudulot ng kanser ang Thiodan (brand name ng endosulfan) at nailathala sa tatlong publikasyon ang kanyang pahayag. (Ibinasura sa kalaunan ang kaso)

Naglabas ng bagong kautusan ang FPA noong Setyembre 2003 para idiin ang pagbabawal sa endosulfan, kasama ng apat pang lubhang nakakalasong pestisidyo. Muling humiling ng Temporary Restraining Order mula sa Regional Trial Court ang Hoechst.

“Ginawa ng Hoechst ang lahat para suwayin ang ban sa endosulfan. Hiniling pa nito ang interbensiyon ni dating Pangulo (Corazon Aquino), na binalaan nitong masama ang epekto ng ban sa polisiya ng gobyerno na mang-akit ng dayuhang mamumuhunan. Inutusan din ng kompanya ang mga dealer na huwag makipag-cooperate sa FPA nang gumagawa ito ng imbentaryo ng mga produkto ng endosulfan,” ayon kay Quijano.

Sinuspinde ng Korte Suprema ang TRO ng mababang korte ang ban sa endosulfan noong Enero 1994. Gayunpaman, patuloy na ibinenta ng Hoechst ang Thiodan nang walang kaakibat na babala hinggil sa mga epekto nito, ayon kay Quijano. Tinawag ng FPA na “mali, nakalilito, at mapanlinlang” ang mga patalastas ng Thiodan. Pinal na ipinagbawal ang endosulfan sa bansa noong Hunyo 1994.

Pero umapela ng eksempisyon sa ban ang Del Monte at Dole Philippines Inc., mga transnasyunal na kompanyang (nakabase sa US) na numero unong taga-eksport ng prutas. May-ari ng pinakamalalaking plantasyon sa Pilipinas ang Del Monte, na may 20,000 ektarya, at Dole na may 12,000 ektarya. Umano’y kailangan ang endosulfan para laban ang mga peste sa pinya. Dahil diumano sa matinding presyur, inaprubahan ng FPA ang eksempsiyon sa kabila ng pagtutol ng PTAC.

Ayon kay Dr. Lyn Panganiban, dating miyembro ng toxicology subcommittee na pinag-aralan ang endosulfan at ngayo’y direktor ng NPCC, “Tutol kami noon (sa pagbibigay ng eksempsiyon) kasi highly toxic nga ang endosulfan. Maraming mga alternatibo para labanan ang mga peste sa plantasyon. Matagal-tagal na panahon na ang nakalipas, pero nandiyan pa rin ang panganib (na dulot ng endosulfan).”

Pansamantala lang dapat ang eksempsiyon na nakapaloob sa istriktong mga panuntunan sa pagmomonitor (monitoring guidelines). Noong una, kailangang i-renew ng dalawang kompanya ang kanilang aplikasyon sa endosulfan kada anim na buwan hanggang isang taon para marepaso ng FPA ang pagsunod nito sa mga alituntunin. Pero noong 2000, binuwag ng tuluyan ang PTAC – nagkaroon ng panibagong luwag sa pagmomonitor sa paggamit ng mga pestisidyo. Noong 2006, ginawa na lamang kada tatlong taon ang pag-renew sa aplikasyon sa endosulfan.

Bagaman inihahayag ng Del Monte na walang naiuulat na pagkalasong maiuugnay sa paggamit nito ng pestisidyo, inamin ni Panganiban na hindi naman nakapagsasagawa ng pag-aaral ang FPA sa mga plantasyon ng kompanya kaya’t posibleng may mga kaso ng pagkalasong naikukubli sa gobyerno.

Ayon kay Quijano, bigo ang FPA na itaguyod ang pagbabawal sa FPA, sa kabila ng ebidensiyang siyentipiko sa loob at labas ng bansa hinggil sa panganib na dulot nito sa tao at kalikasan. “Mas pinahalagahan ng gobyerno ang mga transnasyunal na kompanya kaya humantong tayo sa ganitong problema,” aniya.

Hindi birong pinsala

Hindi biro ang pinsalang kakaharapin ng bansa sakaling tumagas sa dagat ang endosulfan na naka-imbak sa lumubog na MV Princess of the Stars. Malawakang fishkill, agarang pagkamatay at malalang pagkakasakit ng mga mamamayan, at pangamatagalang pagkawasak sa kalikasan ang inaasahan.

Ayon kay Panganiban, kalahati ng populasyong magkakaroon ng exposure o kontak sa katawan sa kahit walong milligrams lamang ng endosulfan ang maaaring mamatay. Ang makakaligtas naman, makararanas ng iba’t ibang sakit.

Tanda ng kagyat na pagkalason sa endosulfan ang pagkahilo, pagduduwal, pagkalito, panghihina o kaya naman, labis na pagkamakilos (hyper-excitability), pangangapos ng hininga, pangininig, at pangangati ng balat. Kinikilala ang endosulfan na endocrine disruptor o kemikal na nakakasira sa endocrine system o sistemang nangangasiwa sa hormones ng mga tao.

Samantala, kabilang sa pangmatagalang epekto sa kalusugan ng pagkalason sa endosulfan ang abnormalidad sa pag-iisip (mental impairment at neurologic disturbance), sakit sa atay at bato, sakit sa puso (cardiac disorder), sakit sa dugo (blood disorder), abnormalidad sa reproduktibong sistema (reproductive toxicity) at immune system (immunotoxicity), at iba pa. May ilan ding mga pag-aaral na nag-uugnay ng endosulfan sa sakit na kanser.

Sa India, sinasabing pinakamalaking kaso ng pagkalason sunod sa pagtagas ng Bhopal Gas ang pagkalason sa endosulfan ng mga komunidad sa estado ng Kerala. May 135 katao ang naitalang namatay dahil dito, at libu-libo ang may iba’t ibang mga sakit at abnormalidad.

“Hindi makokontrol ang pagkalat ng kemikal kapag napakawalan ito sa karagatan. Agad na ikamamatay nito ang mga lamang-dagat, na siya ring pangunahing kabuhayan ng mga residente sa probinsiya,” ayon pa kay Panganiban.

Naganap sa River Rhine sa Europa noong 1969 ang unang kaso ng kontaminasyon sa endosulfan. Noong 1988, nagkaroon din ng fishkill sa Sudan nang makontamina ng endosulfan ang mga kanal sa irigasyon. Ikinamatay din ito ng tatlong kataong uminom sa kanal. Noong 1995 naman, tumagas sa ilog ang endosulfan na gamit sa mga plantasyon ng bulak (cotton) sa Alabama, US. Ikinamatay ito ng 240,000 isda.

Parusa ang panawagan

Dahil sa maraming naidulot na mga kaso ng pagkalason, matagal nang pinag-aaralan ng internasyunal na komunidad na isama ang endosulfan sa listahan ng POPs o Persistent Organic Pollutants na ipinagbabawal sa buong mundo sa ilalim ng Stockholm Convention on POPs. Nakapirma ang Pilipinas sa nasabing kumbensiyon.

Ayon kay Quijano, na dating co-chair ng International POPs Elimination Network at isa sa mga nagsulong ng Stockholm Convention, kasama sa inisyal na listahan ng POPs ang endosulfan. “Isa pa nga ang gobyerno ng Pilipinas sa mga nagtutulak na maisama ito noong unang bahagi ng dekada ‘90. Pero bigla na lamang ito nawalan ng interes. Malakas din kasi ang impluwensiya ng Hoechst sa mga internasyunal na pulong hinggil sa POPs,” aniya.

Gayunpaman, nakasalang pa rin ang endosulfan sa listahan ng mga pestisidyong inihahanda nang i-phase out o itigil ang paggamit. Sa trahedyang posibleng idulot ng endosulfan sa lumubog na MV Princess of the Stars, lumakas lalo ang loob ng iba’t ibang mga grupo na ipagbawal ito at iba pang nakakalasong mga kemikal.

“Nananawagan kami kay Pang. Arroyo na kagyat na ipagbawal ang lahat ng nakakalasong mga kemikal. Dapat ding gumawa at ipatupad ng gobyerno ang mahigpit na mga panuntunan sa importasyon, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo sa bansa,” ani Danilo Ramos, pangakalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at tagapagtipon ng alyansang Resistance and Solidarity Against Agro-chemical TNCs o Resist.

Dapat ding parusahan ang Del Monte, Sulpicio Lines, at mga ahensiya ng gobyerno na nagpabaya sa paglipat ng endosulfan, ayon pa kay Ramos. Hindi dapat payagang dumulo sa mas malupit pang trahedya ang malungkot nang sinapit ng mga biktima ng MV Princess of the Stars.

May ulat ni Noel Sales Barcelona

Posted in Kalikasan, Magsasaka at Agrikultura, Pangkalusugan | Leave a Comment »

Tamang hirit sa taggipit

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 23
Hunyo 18 – 24, 2008

NANGANGATOG ang tuhod ng mga taga-Malakanyang sa pagharap sa kasalukuyang krisis. Pero hindi dahil nalipasan sila ng gutom – sa huling balita natin, tuluy-tuloy pa rin naman ang catering sa Palasyo. Nangangatog ang tuhod ng mga tambolero ni Pang. Arroyo dahil sa takot. Iba’t ibang pandaigdigang ahensiya na ang nagsalita, mula World Bank hanggang Eurasia Group, hinggil sa posibilidad ng pagbugso ng pag-aalsa ng mga mamamayan kung titindi pa ang pagtaas ng mga presyo.

Pero sa kabila nito, patuloy na itinatanggi ng Palasyo ang tatlong kongkretong hakbang na pinaka-epektibong magbibigay ng kagyat na ginhawa sa taumbayan. Hindi maikakaila ang matinding presyur sa gobyerno ng lokal na mga negosyante at dayuhang mga mamumuhunan na magbingi-bingihan sa mga tatlong hirit na ito.

Lumalabas tuloy na ang pagtugon ng gobyerno sa krisis ay hindi nakatuon sa pagbigay ng kagyat na ginhawa, kundi sa pagrenda ng galit ng taumbayan para di mag-alsa.

Ito ang tatlong hirit ng taumbayang gipit:

1. Itaas ang sahod, P125 across-the-board

Maski bote ng softdrink, bibihira na ngayong matikman ni Armando Arroyo, halos tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Pepsi-Cola Products Philippines Inc. Luho na, para sa kanya, ang sariling produktong nililikha. Sa halip na lumagok nitong paboritong palamig ng mga Pilipino, itatabi na lamang niya ang iilang piso para pambili ng bigas at pamasahe ng mga anak na pinag-aaral.

Kung tutuusin, angat sa karaniwang obrero si Arroyo, presidente ng Pepsi Cola Labor Unity. Umaabot sa P650 kada araw ang kanyang kinikita (P345 hanggang P382 ang minimum na sahod sa National Capital Region). Pero dahil sa tindi ng krisis sa presyo ng batayang mga bilihin, kapos na kapos pa rin ang kanyang sahod para sa pangaraw-araw na gastusin.

Katunayan nito, isa na lamang sa kanyang mga anak ang nagpapatuloy sa kolehiyo. Para makapag-ambag sa pamilya, tumigil na sa pag-aaral ang dalawa at namasukan – isa sa call center, isa sa water station – sa trabahong mas masahol dahil kontraktuwal at walang kaseguruhan.

Hindi sana mangyayari ito, aniya, kung noon pa man dininig na ng gobyerno ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-na-sahod, across-the-board sa buong bansa. “Napakahirap nang kitain ang sahod namin sa walong oras na paggawa, tapos kapag ibinili pa namin, napakaliit ng halaga,” sabi ni Arroyo.

Taong 1999 pa unang ipinanawagan ng KMU (Kilusang Mayo Uno), militanteng sentro ng paggawa, ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod. Pero idinaan ng gobyerno ang kakarampot na pagtaas ng sahod sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board, na nitong Abril, P20 ang itinakda para sa mga manggagawa sa NCR.

Labis na ikinagalit ito ni Arroyo. “Para ka lang binigyan ng kendi…Ngayon, kahit siguro umabot pa sa P1,000 ang sinasahod namin araw-araw, hindi pa rin aangat ang aming kabuhayan. Kakainin lang ito (taas-sahod) ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.”

Nakasalarawan sa mga estadistika ang kanyang sentimyento. Para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may anim na katao sa NCR, P858 kada araw ang kinakailangang kita o living wage, ayon sa National Wages and Productivity Commission o NWPC noong Marso.

Hindi ito mapupunan kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at nakatatamasa ng minimum na sahod. Ayon pa sa Ibon Foundation, sentro ng pananaliksik, mababa sa minimum ang sahod ng mahigit sa kalahati o 58 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa: mula P153 hanggang P287 lamang kada araw.

2. Tanggalin ang VAT

Hindi pa kasama sa komputasyon ng NWPC sa living wage ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bigas, langis, kuryente, at iba pang batayang bilihin at serbisyo sa nakaraang mga buwan. Pumapalo na ang bigas sa P38 hanggang P50 kada kilo. Nagbabantang umabot sa P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kaya kahit pa man tinutulungan si Isabelita dela Cruz, manggagawa at lider-unyon sa Triumph International Philippines, ng kanyang asawang OFW (Overseas Filipino Worker), hindi na sapat ang kinikitang P480 kada araw sa mahigit dalawang dekada sa serbisyo. Tipid na tipid ang kanyang paggastos—sapat lamang para mapakain ang pamilya.

“Dati-rati, nakakadaan pa ako sa groseri para makapag-stock nang isang linggo. Ngayon, araw-araw na akong namamalengke…Tinuturuan ko na rin ang aking mga anak na magkasya sa kung ano lang ang nandiyan ngayon. Bahala na ulit bukas kung papaano,” aniya.

Hindi lamang siya naghihinaing sa gobyernong maganit sa pagtaas ng sahod, kundi maging sa gobyernong walang patid ang pagkubra ng buwis. Tulad ng progresibong mga grupo, naniniwala si Dela Cruz na pinakamabilis at sinserong solusyon sa krisis pang-ekonomiya ang pagtanggal sa 12 porsiyentong VAT (value-added tax).

“Malaking ginhawa ang pagtanggal sa VAT kasi todo-todong paghihigpit ng sinturon na aming ginagawa. Matindi rin ang korapsiyon sa gobyerno. Paano ka magtitiwalang bumabalik sa iyo ang buwis na binabayaran mo?” sabi ni Dela Cruz.

Kung aalisin ang VAT sa mga produktong petrolyo, bababa ang presyo ng krudo at gasolina nang mahigit P4 kada litro, at P60 naman sa bawat tangke ng LPG (liquefied petroleum gas).

Makakatipid naman ang mga konsiyumer ng P1.42 kada kWh (kilowatt hour) kapag tinanggal ang VAT sa kuryente. Katumbas ito ng P206 na kabawasan sa bill sa kuryente ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin

Naniniwala rin si Dela Cruz na kakayanin ng gobyerno, “kung gugustuhin nito,” na ibaba ang presyo ng mga bigas, langis, at kuryente – ibasura lang ang ilang mga batas at patakaran na nagsasapribado sa industriya at nagdederegularisa ng merkado.

Kabilang na rito ang Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act, at importasyon ng bigas.

Para kay Arroyo, iisa lamang ang ibig sabihin ng kabiguan ng gobyerno na itaas ang sahod, tanggalin ang VAT, at kontrolin ang presyo ng mga bilihin. “Hinahayaan ang mga [negosyanteng] dayuhan na igisa tayo sa sariling mantika. Ibinebenta nila ang kanilang mga produkto dito na napakamahal…ang pasahod naman nila, napakababa,” aniya.

Nawawalan na rin ng pasensiya si Dela Cruz. “Ang tagal-tagal na namin iginigiit ’yang P125 dagdag-na-sahod. Namatay na nga ang awtor (ng panukala),” sabi niya, patungkol kay yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran na naghain sa Kongreso ng House Bill 1722.

Hindi na sila umaasang mapagbibigyan nang basta-basta. Alam nilang kailangang ilaban.

Kaya patuloy nilang pinalalakas ang kani-kanilang mga unyon, sumasama sa mga pagkilos, nangangalap ng mga pirma para sa pagtanggal ng VAT, at ipinaliliwanag sa mga kapwa-manggagawa ang krisis pang-ekonomiya.

“Hindi ito simpleng krisis kundi permanenteng krisis, kung hindi tayo mamumulat at tutugon sa lalong madaling panahon,” pagtatapos ni Dela Cruz.

Posted in Ekonomiya, Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Pagbabalik sa PUP

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol 7. Isyu 22
Hunyo 11 – 17, 2008

MARAMING nagbago sa PUP (Politek-nikong Unibersidad ng Pilipinas), sabi ni Ian Atienza habang naglalakad sa dati niyang kampus.

Giba na ang mga barung-barong sa tabing riles sa bungad. Pagpasok ng gate, may coffeeshop sa bandang kanan. Ang nilalakaran na dating kahoy ang silong, yero na at bagong pinta. Katuwang ang National Historical Institute, may ipinapagawa pang atraksiyong panturismo – dambana ni Apolinario Mabini.

Ilang araw bago ang pasukan, parang tahimik na parke ang kampus. Nitong nakaraang mga taon, inasikaso ni Dante Guevarra, presidente ng PUP, ang pagpapaganda sa unibersidad. Di nakalampas kay Ian ang magagandang pananim, bench, at lakaran. Pero di niya maiwasang maisip, ito ba ang kailangan ng mga estudyanteng mahihirap, na gaya niya noon, nais lang makapag-aral sa kalinga ng estado?

Kahit ang dasal, may presyo
Galing sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Batangas, pumasok si Ian sa PUP noong 1995 sa kursong BS Accountancy. Dati pa man, nagkukumahog na ang sampu-sampung libong aplikante para makapasok sa state university na may pinakamurang matrikula – P12 lamang kada yunit kumpara sa libu-libong piso sa pribadong mga unibersidad. Isa si Ian sa 8,000 pinalad noon.

Ngayong taon, tinatayang 10,000 estudyante – mas marami ng 2,000 sa karaniwang dami kada taon – ang tatanggapin. Pagyayabang kasi ni Guevarra, PUP lang ang state university na di nagtaas ng matrikula sa nakaraang 12 taon. Pero nang magtanung-tanong kami, nalaman naming umaabot na sa P900 ang karaniwang bayarin kada semestre. Kumpara sa panahon ni Ian, P359 lamang, tandang-tanda pa niya.

Lumobo ang gastos ng mga estudyante dahil naningil ang administrasyon ng samu’t saring miscellaneous fee na di naman ikinonsulta, paliwanag ng mga aktibista roon. Tampok na dagdag-bayarin ngayong taon ang P250 na “Development and Modernization Fee” (para umano magtayo ng Student Information System, para mapadali ang enrollment) at P800 “Energy Fee” (para sa paggamit umano ng aircon sa isang kolehiyo at Graduate School).

Ayon sa Samasa (Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan), partidong pangmag-aaral, tinanggal ng gobyerno ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses ng state colleges and universities o SCU. Kaya para mapagkasya ang kakarampot na badyet (P574 Milyon para sa buong PUP), sinisingil ang mga estudyante.

Inilitanya ng isang lider-estudyante ang mga bayarin: P20 para makumpirma ang grado sa bawat sabjek. P50 kung kukuha ng curriculum sheet. P45 ang student handbook. P300 hanggang P1,000 kada oras ang renta sa mga function room. P60 kung gagamit ng laboratoryo. Ang pinakamalupit: P5 para makapasok sa chapel – may presyo pala maging ang dasal dito. “Grabe naman pala ngayon dito,” bulalas tuloy ni Ian.

Kisameng butas pa rin
Umakyat kami sa College of Accountancy sa ikalimang palapag. Pansin ni Ian: di nagbago o lumala pa ang pinakamahalagang mga pasilidad. Di dumami o lumaki ang mga klasrum na kaya mong tawirin sa pitong hakbang. Magkakadikit ang mga silya – na ikinakatuwa lang siguro ng mga mahilig mangopya sa katabi. Noon, mahigit-kumulang 50 silang nagtitiis sa espasyong iyon, ayon kay Ian. Ngayon, balita namin, umaabot na sa 60 hanggang 80 ang nagkikiskisang-siko’t nagpapalitang-hininga.

“Madaling masira ang mga electric fan, walang pahinga. Sunud-sunod kasi ang mga klase,” sabi ni Rachel del Rosario, tagapangulo ng Umalpass (Ugnayan ng Mag-aaral para sa mas maayos na Pasilidad, Serbisyo, at Subsidyo). Sa sarbey ng konseho ng mag-aaral, lumalabas na kulang ng 255 upuan, 16 na bentilador, 24 na ilaw, at 10 lamesa sa kolehiyo.

Sa ikaanim na palapag, bumulaga ang sira-sirang kisame. Himutok ng mga estudyante, pinapagawa ang opisina ng presidente at iba pang administrative office (usap-usapan ang pagbili ng magagarang muwebles), pero di man lang maayos ang mga butas na sanhi ng bahang bumagabag na kina Ian mahigit 10 taon na ang nakakaraan.

Sinilip din namin ang mga computer room – may anim hanggang siyam na kompiyuter bawat silid. Ayon sa isang estudyante, pinipilit na ang hatian ay maging tatlo hanggang limang estudyante sa bawat kompiyuter. Ang mga hindi talaga makagamit, nagrerenta na lang sa labas.

Tradisyon ng aktibismo
Noon pa man, ipinaglaban na nina Ian, dating miyembro ng League of Filipino Students, ang pagtigil sa pagtaas ng matrikula at ibang bayarin, pagtaas ng badyet ng edukasyon, at pag-aayos ng pasilidad ng PUP. “Kahit singkuwenta sentimos lang ang itataas ng matrikula, magrarali kami,” aniya. Mapupuno ang bulwagang tatsulok sa gitna ng kampus na tinawag nilang “Maria Teresa de Leon” (estudyanteng naging rebolusyonaryong martir) kapag nagmikropono na ang mga aktibistang umano’y “masisigla, magagaling magsalita, at matatalino.”

Sa kabila ng malulungkot na istoryang narinig niya, masaya si Ian. Nagpapatuloy kasi sa unibersidad ang tradisyon ng aktibismong humuhulma sa bagong henerasyon ng mga estudyanteng mapanuri, matapang, at nagmamahal sa bayan. Agosto noong nakaraang taon, malawakang walkout ng mga estudyante at martsa sa Commission on Higher Education ang nakapigil sa pagtaas ng matrikulang tinangkang ipatupad ni Guevarra.

Di natapos ni Ian ang kurso niya. Hindi niya kasi naramdaman ang kalinga ng estado. Gayunman, marami siyang natutunan sa PUP. Kasama rito ang di-pagpapasilaw sa itsura at pagkilala sa esensiya. Sa pagbabalik sa pamantasan, nakita niya ang totoo: padausdos ang kalidad ng edukasyon, nagtataasan man ang mga poste ng ilaw na ipinatayo.

Posted in Edukasyon | Leave a Comment »

Ang lihim ni Winston Garcia

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano/ Tarik Garcia
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 21
Hunyo 4 – 10, 2008

Hindi matapat sa publiko.

Ito ang ibinibintang ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), sa pamilya Lopez na namumuno ng Meralco (Manila Electric Company). Tinatangka ng GSIS na makontrol ang Meralco, pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, para mapababa umano ang labis-labis na singil nito sa kuryente.

Pero kung inililihim man ng mga Lopez ang abusadong paniningil nito, inililihim din naman ni Winston ang kanyang posibleng tunay na interes sa Meralco.

May koneskiyon ang pamilya Garcia sa Veco (Visayan Electric Company), pangalawang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa. Malapit na alyado ni Pangulong Arroyo si Winston na tubong Cebu ang pamilya.

Nakadikit ang prominenteng mga miyembro ng pamilya Garcia sa Veco, na pag-aari ng pamilya Aboitiz. Nakabase rin sa Cebu ang mga Aboitiz, at tulad ng mga Garcia, malapit diumano sa Palasyo.

Dating legal counsel ng Veco si Jesus Garcia Sr., tiyo ni Winston. Humalili sa tiyo ni Winston ang kanyang pinsang si Jesus Garcia Jr. Ang pamangkin ni Jesus Garcia Jr. na si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang legal counsel ng Veco.

Samantala, umupo rin ang mga Garcia sa Board of Directors ng Vivant Corporation, nakalista sa Philippine Stock Exchange na holding company ng Veco. Si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang corporate investment officer at sekretarya ng Vivant.

(May dalawang grupo ng mga Garcia sa board ng Vivant. Hindi kadugo ng pamilya ni Winston ang mga Garcia na lahing Espanyol na kumokontrol sa board ng kompanya.)

“Niloloko ni Garcia ang publiko sa pamamagitan ng pagkukunwaring panig siyang walang interes na nagnanais lamang pababain ang singil sa kuryente ng Meralco. Sa totoo, may interes ang kanyang pamilya sa Veco, na makikinabang ang mga may-ari kapag nalusaw ang prankisa ng Meralco. Ang kanyang populistang retorika ay pagtatakip sa pandarambong ng mga alyado at kroni ni Arroyo,” ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas.

Hindi umano malayong gamitin ni Garcia ang pensiyon ng mga kawani ng gobyerno para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mga alyado sa pulitika at negosyo. Nagawa na niya ito noon.

Noong 2004, bilyun-bilyong piso ng pondo ng GSIS ang kinuha ni Garcia mula sa Land Bank of the Philippines na pag-aari ng gobyerno at inilipat sa pribadong Union Bank.

Iginawad din ni Garcia sa Union Bank ang multi-milyong pisong kontrata sa proyektong E-Card. Idineklara ng Commission on Audit na “illegal” ang nasabing kontrata.

Pag-aari ng pamilya Aboitiz ang Union Bank.

Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang mga kawani ng gobyerno sa umano’y tiwaling pamamalakad ni Winstyon sa GSIS at pag-abandona nito sa tungkuling pangalagaan ang kanilang interes.

Sa ika-22 anibersaryo ng Courage (Confederation for the Unity Recognition, and Advancement of Government Employees) noong Mayo 19, nagkaisa laban sa pamunuan ng GSIS ang mga empleyado ng National Food Authority, National Housing Authority, Bureau of Customs, Land Transportation Office, Department of Trade and Industry, National Broadcasting Network, Quezon City Hall, Department of Environment and Natural Resources, Department of Labor and Employment, Senado, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

“Pinagsasamantalahan ng GSIS ang pondo ng mga manggagawa at ginagamit lamang sa pamumulitika,” ani Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.

Posted in Pulitika | 1 Comment »

Torete sa kuryente

Posted by mamamahayag on May 18, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 – 20, 2008

KAKATWANG ibina-bandera ngayon ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), ang mga salitang “maayos” at “matapat” na pamamalakad. Sa kagustuhan ng gobyernong Arroyo na makontrol ang Meralco (Manila Electric Company), mga kaso ng pandaraya at mismanagement ang iniuumang nito sa pamilya Lopez. Gayong may patung-patong na mga kaso sa Opisina ng Ombudsman si Garcia, kilalang matapat na alyado ng Pangulo, dahil sa diumano’y panggagatas at maling pamamalakad sa GSIS.

“Si Garcia, gustong patakbuhin ang Meralco? Eh ang mga titser nga nagrereklamo sa kanya eh — e-card lang, hindi niya maayos,” sabi sa Pinoy Weekly ni Engr. Ramon Ramirez, convenor ng grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).

Malaking duda, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa basbas ni Pangulong Arroyo sa planong pag-takeover ng GSIS sa Meralco, na namamahagi ng kuryente sa 70% ng Luzon at pag-aari ng isa sa pinakamaimpluwensiyang pamilyang negosyante sa bansa.

Ayon sa Malakanyang, umaabuso ang Meralco kaya’t nagdurusa ang mga konsiyumer ng kuryente. Simula Abril, mahigit 50% ang itinaas ng singil nito.

Kung kaya kailangan daw na mapasakamay ito ng GSIS at ng iba pang kompanya ng gobyerno na may 33% sapi, mula sa mga Lopez na mayroong mayorya o 35% sapi. Sinimulan na rin ng Joint Power Commission o Powercom ng Kongreso na imbestigahan ang singil ng Meralco.

Pinamumunuan ang komisyon ng anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo at kaalyado ng Malakanyang na si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Pero maraming naniniwalang walang kinalaman sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng publiko ang pag-atake ng gobyernong Arroyo sa Meralco.

“Alin lang ’yan sa dalawa – galit sa ABS-CBN [dahil sa] coverage sa mga eskandalo o di kaya, purong kasakiman,” sabi sa Pinoy Weekly ng political analyst at kolumnistang si William Esposo. Ang mga Lopez ang may-ari sa ABS-CBN, isa sa pinakamalaking network pangtelebisyon sa bansa, na nagpapalabas nang live sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa mga anomalyang kinakasangkutan ng Pangulo, mula “Hello Garci” hanggang NBN-ZTE.

Hindi malayo ang sapantaha ni Esposo at iba pang tutol sa pag-takeover – mula oposisyonistang mga senador, kinatawan ng progresibong mga party-list, at mga grupong pangkonsiyumer gaya ng Power. Magkatuwang na panggigipit sa midya at pagdaloy ng limpak-limpak na kita sa kamay ng mga kroni ng Pangulo ang dahilan ng unang takeover ng gobyerno sa Meralco noong batas militar. At sa bansang ito, ‘ika nga, malimit maulit ang kasaysayan.

Garcia ngayon, Romualdez noon
Kung si Garcia, diumano’y tumulong lumikom ng pondo para sa kampanya ni Arroyo noong 2004, ang inaasahang makipagbuno sa mga Lopez ngayon, si Benjamin “Kokoy” Romualdez, kapatid ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, ang nagtagumpay noon. Sinasabing paboritong bayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Romualdez, na tumulong diumano sa pagluto ng resulta ng Constitutional Convention noong 1971.

Nang ideklara ang batas militar, itinayo ni Romualdez ang Philippine Journalists Inc. para makapaglabas ng mga pahayagang pabor sa administrasyon at kontrolin ang oposisyonistang Manila Chronicle, na pag-aari ng mga Lopez. Pagkatapos, Meralco naman ang pinuntirya. Pinuwersa niya si Eugenio Lopez Sr. na ilipat ang sapi ng kanyang pamilya sa Meralco Securities Corp. o MSC sa Meralco Foundation, na itinayo ni Romualdez.

Para magawa ito, ginipit si Lopez Sr. ng gobyernong Marcos – ibinaba sa 20.9% ang 36.5% dagdag-singil, dahilan para malugi ang kompanya. Direkta ring ipinangako ni Romualdez kay Lopez Sr. bilang kapalit ang pagpapakawala ng anak nitong si Eugenio Jr., na ikinulong sa bintang ng tangkang pagpatay kay Marcos kasama ng iba pang mamamahayag.

Noong Nobyembre 19, 1973, pinirmahan ni Lopez Sr. ang Stock Purchase Agreement na naglipat ng lahat ng sapi ng mga Lopez patungo sa Meralco Foundation, sa mababang halagang $1,500. Dapat, babayaran ang mga Lopez ng karagdagang $6 Milyon sa susunod na mga taon, pero sinadya ni Romualdez na lagyan ng butas ang kasunduan – nakadepende lamang sa cash flows o pasok ng pera ang pagbayad sa mga Lopez — kaya madali itong nalusutan. Wala nang naibayad pa ang kroni ni Marcos.

Sa halip, Meralco pa ang gumastos para sa marangyang birthday party ni Imelda noong 1974. Ginamit ang tauhan, kantina, at mamahaling silverware at china, na inilipad pa mula Maynila patungong Leyte, ng kompanya. Sa susunod na taon, isang nine-seater na jet na may halagang mahigit isang milyong dolyar ang binili ni Romualdez gamit ang pondo ng kompanya.

Ikinarga sa singil sa mga konsiyumer ng kuryente ang lahat ng ito. Itinaas ng Meralco nang 100% ang singil sa kuryente simula nang maupo si Romualdez, at nagpatuloy ang pagtaas ng singil sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.

Para tuluyang mapasakamay ang Meralco, pinalitan ni Romualdez ng pangalan ang MSC at ginawang First Philippine Holdings Corp. o FPHC at saka ibinenta sa Meralco Foundation. Ibinenta naman ng kompanya sa Napocor (National Power Corporation) ang planta nito noong 1978 sa sinasabing overpriced na presyong $217.2-M, na ikinalugi ng gobyerno.

Nabawi lamang ng mga Lopez ang kompanya kay Romualdez nang mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Para magmukhang bida?
Simula noon, nanatili na sa pribadong kamay ang pagpapatakbo ng Meralco. Sinimulan na ring isapribado ang buong industriya ng enerhiya sa panahon ng administrasyong Aquino para solusyonan diumano ang malawakang mga blackout noong dekada ’80.

Sa dikta ng International Monetary Fund, World Bank, at Asian Development Bank, internasyonal na mga institusyong inuutangan ng bansa, inumpisahan ang pagsasapribado ng Napocor. Itinulak ng gobyerno ang pribadong mga kompanya, karamiha’y pag-aari ng mga dayuhan, na magtayo at magpatakbo ng mga planta sa bansa.

Para makapangutang, isa sa mga unang inatupag ni Pangulong Arroyo ang pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng enerhiya. Ipinasa niya noong 2001 ang Epira (Electric Power Industry Reform Act), sa kabila ng malawak na oposisyon. Dinagdagan ng Epira ang insentibo at kalayaan ng pribadong sektor na pasukin, kontrolin at manipulahin ang industriya ng enerhiya, at ipasa ang mga gastos sa mga konsiyumer nang halos walang pakikialam ng gobyerno.

Kinumpirma mismo ni Sek. Angelo Reyes ng DoE (Department of Energy) sa Pinoy Weekly kamakailan, na walang pag-atras sa pribatisasyon ng industriya ng kuryente. “Kailangan ’yan para matupad ’yung Epira,” aniya.

Kaya bukod sa posibleng panggigipit sa mga Lopez at interes na gatasan ang Meralco, desperado rin umano si Pangulong Arroyo na magmukhang isinasalba ang mga konsiyumer sa gitna ng di-maampat na pagsirit ng presyo ng bigas, pagkain, langis, at batayang mga bilihin na nagpapababa lalo sa sadsad nang popularidad ng administrasyon.

Para kay Ramirez, “Isa itong isyung pampulitika. Mataas ang implasyon, nagkaroon ng rice crisis, at tumaas din ang singil sa kuryente. Sa pagpapalabas na gusto nilang i-takeover ang Meralco, parang lumalabas na gusto nilang tulungan ang mga mamamayan. Sa tingin siguro ni Arroyo, malilihis ang atensiyon natin doon sa iba pang pagtaas (ng presyo). At lumalabas na sila pa ang bida.”

Kung sinsero ang Pangulo
Simple lamang ang mga solusyon kung sinsero si Pangulong Arroyo na ibaba ang singil sa kuryente, ayon sa Power. Pinakamabilis at direkta na ang pagtanggal sa 12% Vat (value-added tax) na ipinataw rito ng gobyerno.

Sa pag-aaral ng grupo, makatitipid ng P206 kada buwan ang mga konsiyumer na kumokonsumo ng 200 kWh (kilowatt hour) kada buwan, at P470 naman ang mga kumokonsumo ng 300 kWh kada buwan, kapag inalis ang Vat sa distribusyon. Kapag inalis naman ang Vat maging sa singil sa generation at transmission, makatitipid ang mga konsiyumer ng tinatayang 70.6 sentimos kada kWh.

Maaari ring alisin ang singil sa systems loss na tinatayang 9.5% ng bill sa kuryente. Sa ilalim ng Republic Act 7882 o Anti-Pilferage Act, pinapayagan ang mga kompanya ng enerhiya na ipasa sa mga konsiyumer ang mga “nawawalang enerhiya” sa mga dahilang teknikal at di-teknikal (tulad ng pagnanakaw).

Ani Ramirez, sinasagot dapat ang gastos na ito ng mga kompanya, hindi ng mga konsiyumer. Dapat umanong ipag-utos ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na pawalang-bisa ang RA 7882—tutal, anak naman niya ang namumuno sa kinauukulang komite sa Kongreso.

Nagbabalak ang Department of Trade and Industry na hilingin sa Energy Regulatory Commission na pagbawalan ang Meralco na ipasa sa mga konsiyumer ang gastos sa systems loss, pero hanggang ngayon, hindi pa ito nagsusumite ng pormal na petisyon.

Maaari ring bumaba nang halos kalahati ang singil sa kuryente kung rerepasuhin ng gobyernong Arroyo ang matagal nang kinukunsinting madadayang kontrata ng Napocor at mga kompanya ng distribusyon gaya ng Meralco sa mga IPP (independent power producer), ayon pa sa Power.

Sa take-or-pay provision sa mga kontrata ng IPP, pinapayagan ang mga ito na maningil para sa enerhiya na hindi naman nilikha pero hindi naman nagamit. Bilyun-bilyong piso ang kinita ng mga IPP gaya ng Mirant Philippines at First Gas Power Corporation dahil dito, ayon sa imbestigasyon ng Inter-Agency Review Committee na pinangunahan ni dating Sek. Jose Isidro Camacho ng Department of Finance noong 2002.

Pero wala ni isang kontrata sa mga IPP ang binabago, hanggang ngayon. Tinatayang 10 hanggang 40% lamang ng enerhiyang sinisingil ng mga IPP ang nagagamit. Taun-taon, mahigit P500-B ang ibinabayad ng Napocor sa mga ito – na siya namang ipinapasa nito sa konsiyumer.

Pagsasabansa ng industriya
Pagbasura sa Epira at pagsasabansa pa rin ng industriya ng enerhiya ang nakikita ng mga kritiko na pangmatagalang solusyon sa mataas na singil sa kuryente sa bansa – isa sa pinakamataas sa Asya at maging sa buong mundo.

“Dapat ang industriya ng enerhiya, hawak ng taumbayan sa pamamagitan ng kanyang gobyerno. Pero may kondisyon ’yan – na matino ang gobyerno at tunay na naglilingkod sa mga mamamayan. Kasi kung hawak ito ng mga lider na pansariling interes ang habol, nakaabang lang ’yung mga kroni nila at para pa ring nasa pribadong mga kamay (kung sakaling magtagumpay ang pag-takeover),” ani Ramirez.

Sa Mayo 27, magpupulong ang mga shareholder ng Meralco. Inaasahang magtutuos ang GSIS at mga Lopez. Walang katiyakan kung, tulad ni Romualdez, mapapasakamay ni Garcia ang isa sa mga pinakamalakas kumitang kompanya sa bansa (P655-M noong unang kuwarto ng taon). O kung mawawalan na ito ng interes matapos magisa nang husto ang Meralco sa mga pagdinig sa Kongreso, umatras ang ABS-CBN sa kritikal na pamamahayag, at magmukhang tagapagtanggol ng sambayanan ang Pangulo.

Ang malinaw, mga negosyante man o gobyerno ang gagawa, patuloy na gagatasan ang mga konsiyumer hanggang pamumulitika ang inuuna, sa halip na tunay na reporma.

May ulat ni Mikas Matsuzawa

Ang dapat ipaliwanag ng Napocor

Sa paniningil na halos “pangunguryente” na rin, hindi lamang ang Meralco (Manila Electric Company) ng pamilya Lopez ang dapat magpaliwanag. Maging ang Napocor (National Power Corporation) ng gobyerno, malaki ang pananagutan sa publiko.Nitong Mayo 7, kinastigo ng Energy Regulatory Commission ang Napocor dahil naningil ito ng Generation Rate Adjustment Mechanism at Incremental Currency Exchange Rate nang hindi inaaprubahan ng ahensiya.

Mula Hulyo 2006 hanggang Marso 2008, umabot sa P10 Bilyon o 20 sentimos kada kWh (kilowatt hour) ang siningil nang labis ng kompanya.

Huli lamang ito sa mahabang listahan ng mga anomalya at pagmamanipula sa presyo ng Napocor.

Noong Abril hanggang Hunyo 2007, bumili ang Napocor ng P660 Milyong halaga ng diumano’y overpriced na coal para sa pagpapatakbo ng mga fuel generator. Nagsampa ang grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates) ng kaso sa Opisina ng Ombudsman laban dito.
Artipisyal na itinaas din ng Napocor ang presyo ng kuryenteng ibinebenta sa WESM (Wholesale Electricity Spot Market). Itinayo sa bisa ng Epira (Electric Power Industry Reform Act ), layon ng WESM na pababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng kompetisyon.

Pero minanipula diumano lamang ito ng Napocor para kumita ng P9-B noong 2006, na ipinasa naman sa mga konsiyumer. Kinasuhan din ng Power ang Napocor dahil dito.

May 75% ng bill sa kuryente ang nagmumula sa singil sa generation na kontrolado ng Napocor.

Alinsunod pa rin sa Epira, unti-unting isinasapribado ng gobyerno ang kompanya.

Pero paglilinaw ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan,

“Hindi pagmamay-ari sa Napocor ang problema. Ang problema ay nasa mga nagpapatakbo ng Napocor na [parang negosyo] at mga polisiya sa enerhiya. Nais naming manatiling pag-aari ng gobyerno ang Napocor – pero pinatatakbo ng mga opisyal na marunong at tapat.”

Ilang-Ilang Quijano

Posted in Ekonomiya, Pulitika | Leave a Comment »