Muling Paglathala

Bakit kailangang sibakin ang lokal na oposisyon: ‘Santong Paspasan’ ang patron ng Malakanyang

Posted by mamamahayag on January 25, 2007



 

Palpak na naman ang administrasyong Arroyo.

Ito ang malawak na sentimyento nang ang bansa ay gulantangin ng mga imahe sa telebisyon: Dalawandaang tropa ng PNP (Philippine National Police) Regional Mobile Group na naka-full battle gear ang sumugod sa kapitolyo ng Iloilo. Nagkadurog-durog ang glass panel nang hambalusin ng maso, habang ang ibang pulis ay nanutok sa mga sibilyang nakataas na ang mga kamay. Ilan sa kanila ay hinablot ng mga pulis at ang ilan pa’y isinalya sa baldosa. Pati mga miyembro ng midya, tinutukan.

Ang simpleng misyon: Alisin sa puwesto si Gob. Niel Tupas Sr. na sinususpinde ng DILG (Department of the Interior and Local Government) dahil sa diumano’y P85,000 na “dinispalko” nito (gayong ang mga kaalyado ni Arroyo ay may mga kasong milyun-milyong piso ang sangkot ngunit hindi sila ginagalaw).

Pati mga kaalyado ni Arroyo, gaya ng tagapagtulak ng Charter Change na si Ben Evardone, gobernador ng Eastern Samar at ni Luis Chavit Singson, gobernador ng Ilocos Sur — maging si Presidential Chief of Staff Mike Defensor ay umalma sa pangyayari.

Ngunit sa iba, ito’y hindi simpleng kapalpakan. “Ito’y nagpapakita ng tunguhing pasista ng administrasyon,” ayon sa kolumnistang si Amado Doronila. Bagay na matagal nang sinasabi ng mga totoong kritikal sa kasalukuyang rehimen. At ang inilalatag nilang katibayan ay ang sunud-sunod na aksiyong gaya ng calibrated preeemptive response, “walang permit-walang rali,” proklamasyon ng national emergency, pang-aaresto nang walang mandamyento — at pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista, laluna kung diumano’y Kaliwa.

Sinasabing kaya nagdeploy ng 200 pulis ay dahil may mga NPA (New People’s Army) sa paligid para umalalay sa gustong isuspinding opisyal.

Motibong pampulitika

Sa pagiging “overkill” at “overacting,” kaduda-duda ang motibo ng pagsibak kay Gob. Tupas. May kinalaman umano ito sa nalalapit na eleksiyon. Si Tupas ay kasapi ng LP (Liberal Party) na pinamumunuan ni Sen. Franklin Drilon, masugid na kritiko ni Arroyo (hiwalay na pangkat ng LP ang pinamumunuan nina Mayor Lito Atienza at Defensor).

Ayon kay Raul Tupas, mayor ng Barotac Viejo at anak ng gobernador, politikal ang utos na tanggalin sa puwesto ang kanyang ama. Naniniwala siya na may kinalaman dito ang pagiging malapit ng kanyang ama kay Drilon. Dagdag pa rito ang di pagsuporta ng gobernador sa ilang patakaran ng gobyernong Arroyo, tulad ng Executive Order 464 at Presidential Proclamation 1017. Hindi rin nahimok si Gob. Tupas na sumuporta sa People’s Initiative at Constitutional Assembly. At hinadlangan din aniya ng goberndor ang Small Town Lottery sa mga bayan ng Iloilo.

Sa loob ng mahabang panahon, nahirapan umano ang Lakas (partido ni Arroyo), na magpanalo ng kandidato sa Iloilo dahil kay Tupas. Kaya gayon na lamang daw ang paghahangad ng administrasyon na matanggal ito sa pwesto.
 
Atake sa oposisyon

Itinuturing namang atake sa oposisyon ang ginawa ng administrasyon kay Tupas. Nagsisilbi umano itong panakot sa sinumang kalaban ng Malakanyang. Ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, idinadahilan ng administrasyon ang paglaban sa korupsiyon para atakihin ang mga lokal na opisyal na anti-Arroyo.

Noong Enero 25, 2007, inatasan ng Ombudsman si DILG Sec. Ronaldo Puno para agad na ipatupad ang lahat ng utos na pagpapatalsik at suspensiyon ng kanyang departamento. Kabilang nga dito ang pagsipa kay Tupas at sa dalawang provincial board member; ang pinal na pagpapatalsik kay Mayor Wenceslao Trinidad, Vice Mayor Antonio Calixto at walong konsehal ng Pasay City; at Mayor Antonio Esquivel ng Jaen, Nueva Ecija. Iniutos din ng Ombudsman na suspendihin sina Gob. Armando Sanchez ng Batangas, lima pang opisyal ng probinsiya; at dalawa mayor mula sa ibang probinsiya.

Gaya ni Tupas, si Trinidad ay kilalang oposisyonista kaya nahagip diumano ng mahabang kamay ng administrasyon. Hinihinala naman na kaya nasuspindi si Gob. Sanchez ay para pagbigyan ang pagtakbo ni Vice Gov. Richard Recto, kapalit ng pagtakbo ng kapatid nitong si Sen. Ralph Recto sa tiket ng administrasyon.

Lumilitaw ang politikal na motibo gaano man ito takpan ng administrasyon.  Lumilinaw na isa itong paninikil sa mga taga-oposisyon. Kaya mismong mga kaalyado ni Arroyo ay hindi mapakali sa kagaspangan ng mga pangyayari. Alam marahil nila na may buwelta ang mga ito sa kanila.
 
Desperasyon

Ayon Prof. Bobby Tuazon, direktor sa patakaran at publikasyon ng CenPEG (Center for People Empowerment in Governance), isang non-governmental organization na nagsusuri sa pulitika at pamamahala sa Pilipinas, ang desperasyon ni Pangulong Arroyo na makapanatili sa poder ang nagtulak para sunud-sunod na suspindihin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na hindi umaayon sa palakad ng Malakanyang.

Bukod sa mga nabanggit nang lider-pulitiko sa mga lokalidad, tinangka ring suspendihin ng Malakanyang sina Mayor Enrico Echeverri ng Caloocan City at Mayor Jejomar Binay ng Makati City. Temporary restraining order ng hukuman ang naging pananggalang nila, na siya ring dahilan kung bakit nauntol ang karahasan ng PNP sa Iloilo. Tuluyan namang ibinasura ng Court of Appeals ang mga kaso ni Echeverri at sinabing matagal na itong nadesisyunan, pabor sa nasabing alkalde.
 
Para manalo sa eleksiyon

Paliwanag ni Tuazon, sadyang itinalaga si Puno, dating tauhan ni dating Pangulong Joseph Estrada, bilang hepe ng DILG para gawin ang aniya’y mga “dirty job” para kay Arroyo. “Diyan siya (Puno) mahusay, eh. Ang nakalulungkot, pati ang Ombudsman nagagamit,” sabi ni Tuazon.

Sa pamamagitan din ng pagsuspindi sa sinasabing tiwaling mga opisyal ng lokal na gobyerno, tinatangka ng kasalukuyang rehimen na linisin ang pangalan nito at gawing katanggap-tanggap sa tao upang makalikom ng boto para sa mga kandidato nito sa eleksiyon sa Mayo, aniya pa. Pagpostura rin ito, ani Tuazon, ng gobyernong Arroyo bilang “tunay na graftbuster” sa pag-asang makokopo nito ang kalakhan ng boto.

Gayunman, may “balik” sa administrasyon ang mga ginagawa ng DILG at ng Ombudsman . Lalo nilang pinag-aalab ang galit ng mamamayan, laluna yaong mga taga-suporta ng mga apektadong opisyal.

Sa kabilang banda, tinitiyak ni Tuazon na lubhang mahihirapan ang gobyernong Arroyo sa pagkalap ng boto. Ibayong pondo ang dapat na gugulin para rito. Aniya, 1,600 bayan ang dapat na lagakan ng pondo ng administrasyon para sa mga tatakbong alkalde, bise-alkalde at miyembro ng mga konseho, liban pa sa mahigit 70 lalawigan na kakailanganin ding lagakan ng pondo para maseguro ang panalo ng mga tatakbong gobernador, bise-gobernador at mga bokal.

Madugo rin, dagdag ni Tuazon, ang bakbakan sa Kongreso dahil humigit-kumulang ay 200 puwesto ang paglalabanan. Kailangang makuha ng administrasyon ang mayorya nito para maseguro ang pananatili sa poder, bukod pa rito ang 12 puwesto ng sa ngayon ay Senadong “oposisyonista.” At dahil malaking balakid din ang mga progresibong party-list, gaya ng Bayan Muna, Gabriela at Anakpawis, titiyakin diumano ng gobyerno na maniyutralisa o tuluyang mawala sa Kongreso ang mga ito para maisulong ang interes ng administrasyong Arroyo.

“Dito ngayon kakailanganin ang lakas ng mga mamamayan. Naniniwala ako na may natutunan silang leksiyon noong 2004,” bigay-diin ni Tuazon.

Pagsibak ng Ombudsman sa mga lokal na opisyal, labag sa batas

Sa isang privilege speech, kinuwestiyon ni Sen. Franklin Drilon ang kapangyarihan ng Ombudsman na paalisin sa tungkulin ang isang lokal na opisyal ng gobyerno katulad ng ginawa kay Iloilo Governor Niel Tupas. Ayon sa Section 60 ng 1991 Local Government Code, maaari lamang maalis sa tungkulin ang isang halal na opisyal ng gobyerno sa bisa ng kautusan ng korte.

“Ang kapangyarihang magpaalis sa serbisyo ng mga nagkakasalang opisyal ay tanging nasa mga korte lamang,” ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa “Pablico vs. Villapando” noong Hulyo 31, 2002. Sinabi rin ng Korte Suprema sa desisyon nito sa “Lapid vs CA” noon Hunyo 29, 2000, na ang utos ng Ombudsman na suspendihin ang isang lokal na opisyal ay hindi executory o kaagad na maipapatupad hanggang walang kautusan ng korte. Lumampas din umano sa kapangyarihan si DOJ (Department of Justice) Secretary Raul Gonzalez nang magsagawa siya ng imbestigasyon kay Tupas, kung saan pumili pa ito ng espesyal na lupon ng mga taga-usig.

Ani Drilon, ang imbestigasyon ng mga lokal na opisyal ng gobyerno ay tungkulin ng Department of Interior and Local Government at hindi ng DOJ. “Malinaw na isa itong hakbang na idinisenyo para alisin ang lahat ng hadlang sa pagkapanalo ng administrasyong Arroyo sa lokal na eleksiyon.”

Tinawag ng senador na grave abuse of power o labis na pang-aabuso sa kapangyarihan ang sunod-sunod na pagtatanggal sa puwesto ng mga lokal na opisyal ng gobyerno na kinikilalang bahagi ng oposisyon. Ikinabit niya ang insidente ng marahas na pagsugod ng mga awtoridad sa kapitolyo ng Iloilo sa pagpatay ng daan-daang aktibista at mamamahayag at sa iba pang mapanupil na hakbang ng gobyernong Arroyo.

“Binabalaan ko ang Malakanyang at mga alipores nito na huwag subukan ang pasensiya ng taumbayan. Hindi bulag o bingi ang mga mamamayan. Marunong silang kumilatis. Nakikita nila ang mga kasinungalingan at panlilinlang ninyo,” babala ni Drilon.

One Response to “Bakit kailangang sibakin ang lokal na oposisyon: ‘Santong Paspasan’ ang patron ng Malakanyang”

  1. Zemowoums said

    any news coming ?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: