Muling Paglathala

Isang malaking palabas

Posted by mamamahayag on January 25, 2007



Sa taginting ng mahigit sa P1 Bilyon, napagtagumpayan ng gobyernong Arroyo na idaos ang isang engrandeng pagtatanghal para sa mga dayuhang bisita ng bansa.

Isang linggong naging entablado ang buong Cebu. Ang props, mga bagong tanim na halaman, mga bagong pintang pader, at mga bagong tirik na poste (na nagkakahalaga ng P90,000 bawat isa). Ang backdrop, isang minadaling convention center, at mga kumikinang na kalsadang winalisan ng mga squatter at pulubi. Ang mga aktor, mga Cebuano na inempleyo para sumayaw, ngumiti, at maging kaaya-aya sa paningin – masdan, walang bakas ni anumang kahirapan. Siyempre, ang audience ay ang pandaigdigang komunidad na nais pasikatan ni Pangulong Arroyo.

Nanilbihan ang mga mamamayan sa nasabing palabas, silang mga hindi nakakatiyak kung madaraanan nila ang mga kalsadang maya’t maya ay bawal sa kanila dahil daraan ang mga VIP. Sa ngalan ng “kaayusan,” ang iba’y ipinagbuwis ng kanilang mismong mga tahanan.

Hindi rin nagkandatuto ang gobyernong Arroyo para gastusan ang magagarang opisyal na reception o pagsalubong sa mga delegado ng Asean. Kinailangan ang higit na gimik, at gimik pa.

Noong Enero 14, sumilip ang mga presidential spouse sa Rajah Park, Cebu City. Para sa isang minutong pagdaan ng sasakyan ng mga panauhin, heto ang palabas: mga kabataang pinagsuot ng makukulay na damit at pinagsayaw ng vaudeville, mga kunwari’y tradisyunal na magkasintahan na nagliligawan sa parke, mga pamilya na nagpi-piknik kuno sa harap ng isang fountain (na ayon nga sa isang residente ay noon lang nagkatubig). Nang wala na ang mga panauhin, tigil na rin ang palabas. Nagbihis ang mga kabataan at balik sa parke ang mga palaboy at tindero ng yosi.

Ang tanging totoo sa kondukta ng mga awtoridad sa Asean Summit ay ang mahigpit na seguridad. Nagkalat ang mga pulis at militar, bantay-sarado ang bawat kilos ng mga tao, maging ng mga may opisyal na ID ng Asean. Isa ngang sikat na photojournalist ang pinagkamalang impostor ng mga nahihibang na pulis.

Kung sa bagay, hindi nakapagtataka. Salang-sala maging ang mga miyembro ng midya na pinayagang pumasok sa mga pulong o lumapit man lang sa mga panauhing pandangal para kumuha ng litrato.

Talagang walang napagkakatiwalaan ang may malaking kinatatakutan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: