Muling Paglathala

Pangil ng terorismo ang batas kontra terorismo

Posted by mamamahayag on February 17, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 6
Pebrero 16, 2007 

Isang espesyal na sesyon ng Kongreso at pirma ni Pangulong Arroyo na lamang ang kailangan bago tuluyang lumabas ang pangil ng batas na diumano’y kontra terorismo. Ngunit sa terorismo nga ba, o sa mga karapatang pantao, nakaumang ito?

Sa kabila ng babala ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao, protesta ng progresibong mga grupo’t indibidwal, at agam-agam ng mga ekspertong ligal at mambabatas, inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang batas kontra terorismo. Noong Pebrero 8, para umano mapadali ang proseso, sinang-ayunan ng Kamara ang bersiyon ng Senado. Niratipika ito ng Senado sa huling araw ng sesyon, ngunit nabigo ang Kamara dahil walang quorum. Sa kasabikang maaprubahan ang panukalang batas kontra terorismo, na pinangalanang Human Security Act, nagpapatawag si Pangulong Arroyo ng espesyal na sesyon ng Kongreso sa Pebrero 19 at 20.

Ibinibida ng mga senador na nilangkapan nila ang panukalang batas ng mga proteksiyon laban sa pang-aabuso ng gobyerno. Nagrereklamo naman ang ilang kongresista at ang pamunuan ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na walang pangil ang panukalang batas. Inamyendahan ito para diumano mapaiksi ang panahon ng detensiyon ng mga suspek at maparusahan ang mga awtoridad na mang-aabuso sa batas.

Ngunit para sa marami, mabangis at mapanupil ang panukalang batas sa mga ordinaryong mga sibilyan at kritiko ng gobyerno na maaaring mabulid sa lambat ng giyera kontra-terorismo ng gobyernong Arroyo at Estados Unidos.

Sino ang terorista?

Ang terorismo, ayon sa inaprubahang panukalang batas, ay ang paggawa ng mga krimeng saklaw ng Revised Penal Code (katulad ng pangingidnap, pangha-hijack, pambobomba, rebelyon, at kudeta) na “lumilikha ng malawakan at kakaibang takot sa mga mamamayan, para pilitin ang gobyerno na umayon sa isang ilegal na kahilingan.” Apatnapung taong pagkakakulong nang walang kondisyunal na paglaya ang parusa sa mga taong hahatulan ng terorismo o sabwatan para gumawa ng terorismo. Ang mga madadawit sa terorismo ay hahatulan naman ng 17 hanggang 20 taong pagkakulong para sa accomplice at 10 hanggang 12 taon para sa accessory.

Nahirapan ang mga mambabatas na isatitik ang depinisyon ng krimeng terorismo. Ito’y dahil pinaparusahan na ng Revised Penal Code ang mga aktong nasasailalim dito. Isa pa, maging ang United Nations ay walang opisyal na depinisyon ng terorismo dahil hindi nagkakasundo ang mga miyembro nito. Umano, ang “terorista” para sa isang bansa ay maaaring “mandirigma sa kalayaan” para sa isa pa. Binansagan na ng US, gayunman, ang kanilang ginigiyera sa buong mundo bilang teroristang mga grupo, at nagpasa na ito ng batas kontra terorismo, ang US Patriot Act. Dahil mahigpit na alyado ng US ang Pilipinas, na pinamumugaran ng ASG (Abu Sayyaf Group) at pinagsasanayan ng ilang umano’y dayuhang teroristang grupo, iniutos ni Pangulong Arroyo ang pagpasa ng batas kontra terorismo, estilong Pinoy.

Ngunit kontra-insurhensiya, at hindi kontra-terorismo, ang tunay na pakay ng Human Security Act, ayon kay Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna. Isa si Ocampo sa anim na kongresista ng progresibong mga party-list na kinasuhan ng rebelyon nang ideklara ni Pangulong Arroyo ang Proclamation 1017 noong nakaraang taon. Nababahala siya na kabilang ang rebelyon sa mga krimeng maaaring maging tuntungan ng “terorismo.” “Wala pa ang batas kontra terorismo, inaaresto at ipinapakulong na ni Arroyo ang kanyang mga kritiko. Kapag naging batas na ang Human Security Act, lalong may batayan ang gobyerno na supilin ang ligal na oposisyon,” aniya sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Idinagdag ni Ocampo na isa ang batas kontra terorismo sa mga rekisito ng OBL (Oplan Bantay-Laya), programang kontra-insurhensiya ng gobyerno. Kapag nagkabisa na ang Human Security Act, maaaring magrekomenda ang Department of Justice sa CA (Court of Appeals) ng mga grupo o indibidwal para bansagang terorista. Mapaparusahan ang sinumang kasapi o nagbibigay-suporta sa grupo o indibidwal na nabansagan. Hindi malayong mangyari, ani Ocampo, na kung bansagang terorista ang rebolusyonaryong kilusang Communist Party of the Philippines-New People’s Army katulad ng ginawa ng US, mapaparusahan ang mga miyembro ng ligal na mga organisasyong binabansagang “prenteng komunista” ng AFP.

Magbubuo ang gobyerno ng Anti-Terrorism Council na kinabibilangan ng Executive Secretary, Justice Secretary, Foreign Affairs Secretary, Interior and Local Government Secretary, Finance Secretary at National Security Adviser. Mamumuno ang konseho sa programang kontra-terorismo, magmomonitor sa mga kaso ng pinaghihinalaang mga terorista, at mangangalap ng datos sa mga suspek sa terorismo.

Naaalarma si Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan. “Lahat ng magiging miyembro ng konseho — sina Raul Gonzalez, Norberto Gonzales at Eduardo Ermita — ay kilalang mga utak ng OBL at numero unong lumalabag sa mga karapatang pantao,” aniya.

Hindi lamang mga aktibista ang nanganganib akusahan ng terorismo, kundi maging ang ordinaryong mga mamamayan, partikular ang mga Moro. Palibhasa’y iniuugnay ng gobyerno sa ekstremistang mga grupong Moro, malimit na suspek ang mga ito sa anumang akto ng “terorismo.” Sa kasalukuyan, detenido sa Camp Bagong Diwa ang 73 Moro mula sa Basilan na umano’y maling pinagbintangang miyembro ng ASG.

Parusa sa suspek

Hindi biro ang mapaghinalaang terorista sa ilalim ng Human Security Act. “Hindi pa man nasasampahan ng kaso sa korte, maaari nang labagin ng mga awtoridad ang mga kalayaang sibil ng suspek,” ayon kay Atty. Neri Colmenares, tagapagsalita ng Codal (Counsel for the Defense of Liberties), grupo ng progresibong mga abogado.

Maaaring idetine ang suspek sa terorismo nang tatlong araw, sa minimum. Sa pag-uutos ng CA, maaari ring tiktikan ng awtoridad ang pribadong mga pag-uusap at komunikasyon sa telepono, cellphone at e-mail ng suspek. Gayundin, maaaring i-freeze at panghimasukan ng gobyerno ang pribadong mga bank account ng suspek.

Umano’y sagasa ang mga ito sa presumption of innocence o pagpapalagay na inosente ang isang suspek hanggang hindi napapatunayang nagkasala, at right to due process o karapatan sa tamang proseso na ginagarantiyahan ng Konstitusyong 1987.

Partikular na ikinababahala ng Codal ang dalawang probisyon sa panukalang batas.

Sa Seksiyon 26 ng Human Security Act, ang suspek sa terorismo na pinagpiyansa dahil sa kawalan ng malakas ng ebidensya ay papatawan ng mga restriksiyon sa paglalakbay at komunikasyon. Bawal lumabas sa siyudad o munisipalidad ang suspek. Bawal din siyang gumamit ng telepono, cellphone, internet at e-mail.

“Mistulang house arrest at detensiyong incommunicado ang nais ipataw ng panukalang batas sa isang suspek na nakapagpiyansa na. Labag sa Konstitusyon na parusahan ang isang taong hindi pa nahahatulan,” ayon kay Colmenares.

Kinuwestiyon din ng Codal ang Seksiyon 29 ng Human Security Act na umano’y pumapayag sa indefinite detention o detensiyong walang taning para sa mga suspek sa terorismo. Nakasaad sa nasabing seksiyon na kapag may kagyat na banta ng terorismo, hindi maaaring idetine nang lampas sa tatlong araw ang isang suspek nang walang permiso ng huwes o opisyal ng CHR (Commission on Human Rights). Ibig sabihin, maaaring iutos ng isang huwes o opisyal ng CHR, na walang kapangyarihang hudikatura, ang lampas sa tatlong araw na detensiyon.

Labag umano ito sa Seksiyon 18, Artikulo 7 ng Konstitusyon na nagsasabing hindi maaaring idetine nang lampas sa tatlong araw ang isang tao kapag suspendido ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus. Sa normal na sirkunstansiya, dalawang araw ang maksimum na detensiyon ng mga inaresto nang walang mandamyento.

Hambalos sa mga mamamayan

Ikinalulungkot ni Ocampo na bagaman may mga mambabatas na “dudang-duda” na ipanghahambalos ni Pangulong Arroyo ang batas kontra terorismo sa mga mamamayang Pilipino, ipinasa pa rin ito sa pag-aakalang kinakailangan ito ng gobyerno. Isa na umano rito si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na nagpasok ng karamihan sa mga amyenda sa panukalang batas.

Ngunit sa mga nakadarama ng papaliit na espasyong legal para sa mga hinaing at repormang panlipunan, ang Human Security Act ay dagdag na instrumento ng kapangyarihan at panunupil ng US at gobyernong Arroyo, na handang gumamit ng pangil ng “batas” para maghasik ng terorismo ng estado.

Silang mga nanindigang ‘hindi’
“Napansin ko na sa giyera ng gobyerno kontra terorismo, wala ang batayang mga rekisito katulad ng mga kagamitan at pagsasanay ng mga ahensiya para sa law enforcement… Hindi ako naniniwala na ang pagpasa ng isang batas na sumisikil sa mga kalayaang sibil ang kailangan natin para matugunan ang terorismo. Maaaring may panaka-nakang kontribusyon, oo, pero ang pinsalang dulot nito ay di hamak na mas masahol.”
~ Sen. Manuel Roxas III“Nakakalungkot na ang pag-apruba sa batas kontra terorismo sa pangatlong pagbasa ay produkto ng pamumuwersa ng US bilang bahagi ng kanilang giyera kontra terorismo. Isa itong pagyurak sa ating soberanya. Hinayaan natin ang sarili natin na maging kasangkapan sa isang giyerang kinokondena ng maraming indipendiyenteng bansa.”
~ Sen. Jamby Madrigal

Sina Roxas at Madrigal lamang ang mga senador na bumoto kontra sa Human Security Act noong Pebrero 7. Labing-anim na senador ang pumabor dito.

11 Responses to “Pangil ng terorismo ang batas kontra terorismo”

  1. che said

    kElan kaya mpi2gilan ang pagkalat ng terorismo??
    eh kung pati ang mga katiwalaan ay nki2sali sa mga ganitong pnggu2lo..at mismo ang mga pulitiko ay ngka2gulo??

  2. JUAN MARQUEZ said

    AHAAAY… MASYADONG BRUTAL ANG ATING PAMAHALAAN… NARARAPAT LAMANG NA PALITAN ANG PRESIDENTE AT AKO ANG IPALIT… HEHEHE..

  3. may may said

    ha……y
    bat gnun sa pilipinas khit di ksli umeepal pra lng may msbo at mkita sa T.V.

  4. anniejoy taneca said

    hay nku!!pilipinas kylan kya ikw uunlad???
    sna sa pama2gtan nating mga kbataan magng
    mkabuluhan ang ating bansa!!
    alm namn natn qng bkt inals ni gloria ang death penalty
    its because qng magka2roon ni2,isa cxa sa ha2tulan ne2!!
    why?kc isa cxang demonyo na bumaba sa lupa!!
    na ang hangarn nya hnd ang paunlarin ang bnsa natn!!!
    “”gloria,gloria,gloria”””mgpakato2o ka!!!

  5. anniejoy taneca said

    sa mukha lng ni gloria isa
    narn cxa terorista na ewan
    bat bkt cxa nkapask d2
    at cxa ang nahalal na magng pangulo!!!

  6. jov said

    hmmm……oo nga sana mawal na ang lahat ng salot sa lipunan natin lalo na ang mga terorista na yannnhehe,.,.,.,.,.o haa,,.,.

  7. ehrisia said

    maganda po ang pahayag ninyong ito, nais ko pong i-cite ito sa aking proyekto tungkol sa HSA. salamat po.

  8. mitzhero said

    grabe naman yan.. terorista kontra terorismo a… talaga yang bulinggit na presidente na yan, kokontra pa kunware sa terorismo, e may mababangga naman siyang human rights. kahit mapagbintangan at wala pang proof, magdudusa na agad sa kulungan at magbabayad pa?!! si Gloria nga jan e… terorista sa sariling bansa! patalsikin na nga yang dagang yan! ipalit na yung mga huwarang guro ng Social Studies sa U.P tulad ni Ms. Joanne Manzano!

  9. Gonhero said

    ano ba naman yan sipsip ung isa jan oh..😄 MABUHAY ANG MGA TAONG PAG-IBIG SA BAYAN ANG PINA-IIRAL!!! haha.😄

  10. mitzhero said

    :p gawin na kasi ang project sa social no?? puro ka daldal jan e!😄
    whoooo!!!! kamote. gaya-gaya pa ng “hero” :p haay… kapagod.

  11. Gonhero said

    nyay! eh kasi naman un ang english ng apelyido ko! kaw ang kamote jan eh. nakiki-hero ka pa jan. haha. tapusin mo na kasi project mo.😄 9 pages palang un. ang minimum, 10!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: