Muling Paglathala

Takot sa halalan si GMA

Posted by mamamahayag on February 17, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 6
Pebrero 17, 2007

Isang potensiyal na bangungot para sa administrasyong Arroyo. Sinubukang pigilin ngunit nabigo. At ngayon, ang halalang lokal at senadura ay dumatal na. Ang mga mamamayan ay naghahanda nang magpasya.

Inamin maging ng Malakanyang na ang halalan ay isang reperendum kay Pangulong Arroyo. Hahatulan ng mga mamamayan kung katanggap-tanggap o hindi ang kasalukuyang administrasyong batbat ng mga alegasyon ng pandaraya, katiwalian at paglabag sa mga karapatang pantao. Sa Mayo 14, pagbobotohan kung sinu-sino ang magsisilbing gulugod ng lehislatura at ehekutibong sangay ng gobyernong Arroyo — 12 senador, mahigit 200 kongresista, at libu-libong lokal na opisyal. Kung kontra sa pangulo ang karamihan ng ihahalal ng taumbayan sa iba’t ibang puwesto, katulad ng inaasahan ng marami, hindi malayong maganap ang pagpapalit sa ulo ng gobyerno.

Oposisyon nangunguna

Ang malaganap na usap-usapan na oposisyon ang mangingibabaw ay pinagtibay ng ilang panimulang sarbey. (Tingnan ang sarbey ng Pulse Asia.) Ang unang lima ay pawang personalidad ng oposisyon, bagaman isa sa kanila ay napabalitang sasama sa Team Unity ng Malakanyang.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson sa PINOY WEEKLY na hindi nakapagtataka ang pangunguna ng oposisyon sa sarbey. “Sa dami ng mga isyung di sinagot at pinagtakpan ng administrasyong Arroyo, naghahangad ng katotohanan ang taumbayan. Gusto nila ngayon na ipakita na kaya nilang gumanti sa eleksiyon,” aniya.

Inihayag naman ni Makati Mayor Jejomar Binay, tagapangulo ng Uno (United Opposition) na ngayon ay tinatawag na Grand Coalition, na naaakit ang mga mamamayan sa paninindigan ng oposisyon sa mga isyung pambansa. “Matatag ang komitment ng mga kandidato ng oposisyon na depensahan ang pagiging independiyente ng Senado, ipaglaban ang Konstitusyon, itigil ang pampulitikang pamamaslang, at magtrabaho para sa paglago ng ekonomiya para sa lahat,” aniya.
Kakandidato sa ilalim ng Uno sina dating Senador Loren Legarda, Tarlac Rep. Benigno “Noynoy” Aquino III, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, House Minority Leader Francis Escudero, Sen. Panfilo Lacson, Atty. Koko Pimentel III, mga dating Senador John Osmeña at Nikki Coseteng, Navy Lt. Senior Grade Antonio Trillanes III, at Sonia Roco. “Upang mapalawak ang oposisyon at hindi masabing dominado ng iilang pamilyang pampulitika,” pinakiusapan ni dating Pangulong Joseph Estrada ang anak na si JV na magpaubaya sa biyuda ng yumaong Sen. Raul Roco.

“Adopted” o inampon din ng Uno ang mga independiyenteng kandidato na sina Senate Pres. Manuel Villar Jr. at Sen. Francis Pangilinan. Nagkawatak-watak ang tinatawag na Wednesday Group ng Senado (mga senador na nanalo noong nakaraang eleksiyon sa tiket ng administrasyon). Pinili nina Sen. Ralph Recto at Joker Arroyo na manatili sa administrayon, na ayon naman kina Villar at Pangilinan ay hindi maatim ng kanilang “konsensiya.”

Ang iba pang tatakbo sa ilalim ng Team Unity ng administrasyon ay sina dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor, Sen. Edgardo Angara, Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, Zambales Gov. Vicente Magsaysay, Leyte Gov. Jericho Petilla, Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson, Sultan Jamalul Kiram III, at mga dating Senador Vicente Sotto at Tessie Aquino-Oreta. Kumalas sina Angara, Sotto, at Aquino-Oreta sa oposisyon, na nag-umapaw sa pinagpiliang mga kandidato.

Pebrero 12 ang huling araw ng paghahain ng kandidatura sa pagka-senador sa Comelec (Commission on Elections) at Marso 29 naman para sa mga tatakbong kongresista at lokal na opisyal ng gobyerno. Salpukang umaatikabo ang administrasyon at oposisyon para sa kontrol ng iba’t ibang lungsod at munisipalidad. Si Sen. Lito Lapid ng administrasyon, susubukang agawin ang pagka-alkalde ng Makati ni Binay. Maaari ding magsagupaan sa pagka-kongresista ng Iloilo City sina Sen. Franklin Drilon, tagapangulo ng oposisyonistang paksiyon ng Liberal Party, at Sekretaryo Raul Gonzalez Sr ng Katarungan o DOJ .

Sa pambansa at lokal mang antas, mahalaga para kay Pangulong Arroyo na manaig ang kanyang mga kaalyado sa darating na halalan. Lalong mahihirapan si Arroyo na isulong ang pagbabago sa Konstitusyong 1987 o Cha-Cha (Charter Change) kung dominante ang oposisyon. Bagaman kontrolado ng administrasyon ang Kamara at mga lokal na opisyal noong nakaraang taon nang subukang iratsada ang Cha-Cha, hindi pa rin ito nagtagumpay. Tinitingnan ang Cha-Cha bilang pakana ng administrasyong Arroyo na manatili nang mas matagal sa puwesto.

Gayundin, delikado para kay Arroyo na mapasakamay ng oposisyon ang Kongreso dahil tiyak na may isasampang panibagong reklamong impeachment laban sa kanya ngayong taon. Dalawang beses nang ibinasura ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kongreso ang reklamong impeachment.

Kapag nawala sa puwesto, maaaring sampahan si Arroyo ng kriminal na mga kaso hinggil sa pandaraya sa halalang 2004, pandarambong sa Fertilizer Fund at iba pang pondo ng gobyerno, at responsibilidad sa mahigit 1,000 pampulitikang pamamaslang at pagdukot. Maaari siyang makulong katulad ni Estrada.

Pandarayang ala-Garci

Inaasahan ng oposisyon na muling mandaraya si Arroyo sa darating na Mayo upang masagip sa kumunoy ang sarili at mga kaalyado, na karamiha’y nawalan umano ng popularidad at kredibilidad dahil sa pagpapakatuta sa administrasyon. Matatandaan na noong naganap ang trahedyang dulot ng bagyong Reming sa Bikol, mariing nabatikos ang mga kongresista ng administrasyon na mas inatupag ang pagratsada sa Cha-Cha kaysa pagtulong sa mga biktima. Pinangangambahan ang kasing-lawak at kasing-garapal ng pandarayang naisambulat ng Hello Garci Tapes o rekord ng pag-uusap nina Arroyo at dating Comelec Komisyuner Virgilio Garcillano. Si Garcillano ang umano’y nanguna sa operasyong dagdag-bawas sa buong bansa, laluna sa Mindanao.

Nangangamba ang CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines)na muling mababahiran ang kredibilidad ng halalan. May dahilan kung bakit tila walang tiwala ang CBCP sa mga pangako ni Pangulong Aroyo ng malinis na halalan na umano’y “mga salita lamang.”

Hindi nasibak at na-promote pa nga ang mga opisyal ng Comelec na nasangkot sa dayaan. Kabilang dito sina Atty. Francisco Pobe at Atty. Reynato Magbutay na nabanggit sa Hello Garci Tapes. Ginawang mga assistant regional director ng Comelec sina Pobe (Caraga) at Magbutay (Western Visayas). Itinalaga namang Comelec Regional Director si Atty. Ray Sumalipao, dating election supervisor sa mga probinsiya ng Lanao del Norte at Lanao del Sur, kung saan naitala ang malawak na pandaraya noong 2004. Isa pang diumano’y bata ni Garcillano, si Atty. Remlane Tambuang, ang ngayo’y acting regional director ng Comelec sa Southern Mindanao.

Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., na matagal nang nananawagan ng revamp o pagpapalit-tao sa Comelec, “Hinahadlangan ang Comelec sa tungkulin nitong magsagawa ng malinis at maayos na halalan sa Mayo 14 ng patuloy na krisis sa tiwala ng taumbayan.”

Samantala, 100,000 flying voter o mga ilegal na botante naman ang natuklasan ng Comelec sa Metro Manila, at 100,000 sa Autonomous Region for Muslim Mindanao. Maaaring gamitin ang mga flying voter para manipulahin ang mga boto.

Noong nakaraang taon, pumirma ng MoA (Memorandum of Agreement) ang AFP (Armed Forces of the Philippines) at Comelec. Ipinagbawal ng MoA ang mga sundalo na gumampan ng mga poll duty katulad ng pagiging Board of Election Inspector, pagbabantay sa mga presinto, pagdadala ng mga ballot box, at pagbilang ng boto sa loob ng kampong militar.

Layon ng MoA na iwasan ang posibleng partisipasyon ng AFP sa dayaan na umano’y naganap noong halalang 2004. Matatandaang ibinulgar ni Maj. Gen. Francisco Gudani na sinibak siya sa puwesto ng pamunuan ng AFP matapos tumangging mandaya para kay Arroyo.

Ngunit inihayag kamakailan nina Sekretaryo Hermogenes Ebdane ng Tanggulang Pambansa at AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon na magiging aktibo ang militar sa mga poll duty. Sinabi pa ni Esperon na maaaring ilulan ang mga dokumentong panghalalan sa mga sasakyang militar. Binatikos ni Sen. Rodolfo Biazon, tagapangulo ng Senate Committee on National Defense, ang nasabing planong paglabag sa MoA ng AFP at Comelec.

Nanawagan naman ni Sen. Richard Gordon, tagapangulo ng Senate Committee on Electoral Reforms, na dapat maging mapagbantay sa internet voting. Iginigiit ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na gamitin sa pagboto ng may 500,000 rehistradong OFW (Overseas Filipino Worker) ang internet. Ngunit, ani Gordon, walang iniiwan na paper trail o katibayan ang nasabing proseso ng pagboto kaya madaling dayain ang resulta.

Paninira at panggigipit

Bukod sa pandaraya, kabilang rin sa umano’y “maruruming taktika” ng administrasyong Arroyo ang paninira at panggigipit sa oposisyon, ayon kay Lacson.

Pinaghihinalaang may kinalaman sa halalan ang sunud-sunod na suspensiyon sa mga oposisyonistang lokal na opisyal ng gobyerno, pinakahuli si Gob. Niel Tupas ng Iloilo na sinalakay ng pulisya sa kapitolyo noong nakaraang buwan.

Isa rin sa mga diumano’y pinaghahandaang dayain ang progresibong mga party-list katulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan Party, at Suara Bangsamoro. Tinatawag na “prenteng komunista” ng AFP ang nasabing mga party-list na kumakatawan sa interes ng mga isinasantabing sektor ng lipunan at kabilang sa pinakamatitinding kritiko ni Pangulong Arroyo. (Tingnan ang kaugnay na istorya.)

Hinigpitan din ang bantay sa mga kilos at komunikasyon ni dating Pangulong Estrada dahil sa umano’y planong asasinasyon ng New People’s Army. Ngunit ito ay itinanggi ni Gregorio Rosal, tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines, na nagsabing inimbento lamang ang banta ng administrasyon para gipitin ang oposisyon. Pinagbawalan kamakailan si Villar na bumisita kay Estrada sa Tanay, Rizal.

Habang papalapit ang araw ng halalan, inaasahang lalong titindi ang takot ni Arroyo na, sa wakas, siya’y mahatulan ng mga Pilipino, katulad ng paghatol ng mga mamamayan ng Estados Unidos kay Pres. George W. Bush nang matalo ng mga Democrat and mga Republican sa halalan noong nakaraang taon. At, ayon sa karanasan, kapag natatakot ang pangulo, kawawa ang bayan.

Sarbey ng Pulse Asia:
(Enero 25-29, 2007)
Ipinagpapalagay na “sure
winner” o siguradong panalo:

1. Dating Senador Loren Legarda (46.6%)
2. Sen. Panfilo Lacson (34.6%)
3. Senate Majority Leader Francis Pangilinan (34.6%)
4. Taguig Rep. Alan Peter Cayetano (31.7%)
5. Dating Senador Vicente Sotto III (28.8%)Posible ring pumasok sa Magic 12:
1. Senate President Manuel Villar Jr. (26.4%)
2. Sen. Ralph Recto (26%)
3. Sen. Joker Arroyo (25.8%)
4. San Juan Mayor JV Ejercito (25.7%)
5. Atty. Aquilino “Koko” Pimentel III (24.4%)
6. Sen. Edgardo Angara (24%)
7. Dating Senador Gregorio Honasan (23.3%)
8. House Minority Leader Francis Escudero (23.2%)
9. Tarlac Rep. Benigno Aquino III (22.5%)

One Response to “Takot sa halalan si GMA”

  1. asa kayu said

    asa kayu mabait naman talaga si pangulo eh kasi naman mababa ang educ. ngayun kaya ganun nalng ang pag tinggin ng mga tao

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: