Muling Paglathala

Ano ang nabago matapos ang Edsa 1986?: Kumupas na luwalhati

Posted by mamamahayag on February 24, 2007

Noel S. Barcelona/ Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg. 7
Pebrero 23, 2007

“Hindi ba ninyo ipinag-aalala, Ma’am, na ang mga bilyonaryo noong panahon nina Marcos at Ramos ang siya ring mga bilyonaryo ngayon?”

Ito ang tanong ng mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer, si Gil Cabacungan Jr., kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa isang panayam na sinaksihan ng tatlong miyembro ng gabinete, isang opisyal ng International Monetary Fund at iba pa noong Pebrero 9, 2007 sa Malakanyang. Nagpanting ang tainga ni Ma’am, at nagsabing, “Mga pampulitikang tanong iyan, Gil. Salamat. Tapos na (ang interbiyu).” Tumayo si Ma’am at umalis. Ilang sandali pa’y bumalik at hinarap ang nagtanong. Ang sabi naman ay, “Hindi tayo yayaman sa pamamagitan ng paghilang pababa sa mayayaman, kundi sa pamamagitan ng paghilang pataas sa mahihirap… ‘Yan ang sagot ko sa ‘yo.” At umalis na naman si Ma’am.

Mas magagalit si Ma’am Arroyo kung ang tanong ay “Bakit hindi lang nananatiling mahirap ang mahirap, dumarami pa sila?”

At saka, eh ano kung pampulitika ang tanong? Ang punto ay dapat sagutin ang ganoong mga tanong dahil ang binabaybay ng mga iyon ay ang buhay at kamatayan ng taumbayan na hindi mapapakain ng positibong estadistika at mabubunying ulat ng pag-ahon ng ekonomiya.

Pangakong napako

Bakit nga ba, 21 taon matapos ang Pag-aalsa sa Edsa noong 1986 (na tinatawag na People Power, Mapayapang Rebolusyon at iba pa), ang mga nakikinabang sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas ngayon ay kung sino rin ang mga nagkamal ng yaman at kapangyarihan noon?

Totoong hitik sa pangako ng mas mainam na buhay ang pagwawakas ng rehimeng Marcos at pagsalta sa poder ng biyuda ng pinatay na si Ninoy Aquino. Ngunit ang pag-asa ay tila luwalhating kumupas para sa mga gaya ni Aling Rosie, 58, biyuda, taga-Brgy. Tangos, Navotas.

“Hindi naman natupad ang pangakong pag-unlad ng ipinamamaraling bagong tatag na demokrasya. Napatalsik nga si Marcos at tuluyang napalis ang diktadura pero hanggang ngayon, busabos pa rin ang tulad naming maliliit,” aniya sa PINOY WEEKLY habang patuloy sa pagkukusot sa unang batya ng labada.

“Sa iskuwater pa rin kami nakatira. Wala pa ring magandang trabaho at suweldo ang mga anak ko. Siguro, ang mayayaman lamang ang talagang anak ng Diyos,” aniya habang inihahanda ang labadang ibababad niya.

Ipinaalala namin kay Aling Rosie ang sinasabing pag-unlad noong panahon ni Pangulong Ramos bunga ng kanyang kampanyang Philippines 2000.

“Meron ba? Bakit hindi ko naramdaman?” sabi niya, sabay tawa. Noong panahon ni Ramos, nagkaroon ng ekstrang kita ang bansa bunga ng pagbebenta ng ilang pag-aari ng gobyerno at maging deregulasyon sa ilang industriya gaya ng elektrisidad at langis.

“Hay, ang hirap talagang mabuhay ngayon. Maging ang pangakong glorya ni Gloria (Macapagal-Arroyo), naku! Ewan ko ba,” aniya, sabay tawa ulit habang nagsasalin ng tubig sa malaking banyera.

Walang trabaho, walang kita

“Dito lamang sa amin, napakaraming walang trabaho. Sa madaling sabi, istambay,” sabi pa ni Aling Rosie.

Ang hinaing ni Aling Rosie ay pinatutunayan ng pananaliksik ng Eiler (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), isang NGO (non-government organization) na nakatuon sa pananaliksik sa kalagayan ng paggawa sa Pilipinas. Hindi totoo na wala nang krisis ng trabaho sa bansa.

“Kung mayroon mang trabaho, hindi ito nagbibigay ng hustong kita o kaya naman, di-maaasahan,” sabi ng Eiler sa publikasyong internet (Eiler Labor Bulletin, Vol. 3 No. 5, Hunyo 16, 2006). Sa sinasabing paglago ng bilang ng may trabaho noong unang hati ng 2006 (803,000, ayon sa Bles o Bureau of Labor and Employment Statistics), 54.4% nito ang own-account at unpaid family workers. Ibig sabihin, nagtatrabaho lamang sila subalit hindi naman talaga kumikita.

Inayudahan ito ng ulat na inilabas ng Sepo (Senate Economic Planning Office) noong Disyembre 2006. Nasa tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho at patuloy namang dumarami ang underemployed (may mga trabahong di-angkop sa kakayahan) sa bansa. Batay sa datos na nakalap ng Sepo, nasa 20.4% ng kabuuang lakas-paggawa (katumbas ng 20 milyon) sa Pilipinas ang underemployed.

“Lumalago ang unemployment dahil walang bagong trabahong nalilikha. Sa 925,000 na pumapasok sa puwersa ng lakas-paggawa kada taon, 752,750 lamang ang nabibigyan ng trabaho. Lumalabas na walang kakayahan ang mga sektor ng industriya, serbisyo, at agrikultura na mag-empleyo,” paliwanag ni Sonny Africa, punong mananaliksik ng institusyong Ibon. Inc.

Sa industriya, lumago ang sektor ng pinansiya at pagmimina na hindi naman nag-eempleyo ng maraming bilang ng manggagawa. Sa kabilang banda, bagsak ang pagmamanupaktura dahil sa kumpetisyon mula sa murang mga angkat na produkto, ayon pa kay Africa.

Mismong Bles (Bureau of Labor and Employment Statistics) ang nagsabing may 1,627 pabrika o establisimiyento ang nagsara o nagbawas ng manggagawa dahil sa krisis pang-ekonomiya noong 2006 (nangangahulungang 27,935 manggagawa ang nasisante sa kanilang trabaho).

Paliit din nang paliit ang naiaambag ng sektor ng agrikultura sa paglikha ng bagong mga trabaho na sa kasalukuyan, nag-eempleyo ng 12 milyong Pilipino. Kahit pumalo sa 7.0% ang pagtaas ng trabaho sa larangan ng agrikultura noong pangalawang kuwarto ng 2006, 149,000 manggagawa naman ang nawalan ng trabaho.

Ang mga hindi nabigyan ng trabaho sa agrikultura, namamasukan bilang mga manggagawang panserbisyo. Sila ngayon ang bumubuo ng 48.5% ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ang nakalulungkot, mataas ang underemployment, mababa ang produktibidad, at walang kaseguruhan sa trabaho ang mga manggagawang pang-serbisyo, ayon sa Bles.

Samantalang patuloy ang paglaganap ng kawalan at kakapusan sa hanapbuhay, patuloy naman ang pagdausdos ng kalidad ng trabaho at kita sa buong bansa at nananatiling low-skilled at unskilled (mababa o walang kasanayan) ang manggagawang Pilipino, batay sa pag-aaral ng Ibon.

Bagaman lumago ang business outsourcing o mga pangangailangan sa negosyo ng dayuhang mga bansa na dinadala sa Pilipinas katulad ng mga call center, nangangailangan ito ng mataas na kasanayan. Kaya naman dalawang porsiyento lamang ng mga nag-aaplay sa mga call center ang tinatanggap.

Sinabi ni Africa na hanggang walang pagbabago sa mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno na sumisira sa lokal na industriya at agrikultura, hindi magiging salamin ng tunay na pag-unlad ang “paglago” ng ekonomiya.

“Patuloy na tanging makikinabang ang dayuhang mga monopolyo-kapitalista, lokal na elitista, at panginoong-maylupang naghahanap ng pinakamura at pleksibleng lakas-paggawa,” aniya.

Gayundin, natutuklasan ng mga eksperto sa ekonomiya na bigo ang globalisasyon na mabigyang lunas ang kawalang trabaho, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong rehiyon.

Ayon sa 2006 Asia-Pacific Human Development Report ng United Nations, sa kabila ng 10% paglago ng ekonomiya sa Silangang Asya noong dekada ’90, hindi umabot sa sangkatlo ang mga trabahong nalikha sa panahong iyon. Tumataas ang unemployment maging sa mauunlad na bansang Tsina at Singapore.

Kaya hanggang malinaw na dapa sa kahirapan ang mga mamamayan, natural na walang-saysay ang ipinangangalandakan ng gobyernong Arroyo na mga estadistika ng paglago ng ekonomiya. Nananatiling isa sa limang pamilyang Pilipino ang nagugutom, batay sa sarbey ng Social Weather Stations noong huling kuwarto ng 2006.

Kayod nang kayod, walang madukot

Katunayan, sa 2003 Fies (Family Income and Expenditure Survey) na inilabas ng NSO (National Statistics Office) noong 2004, lumilitaw na bumaba ng 4.4% ang kita ng humigit-kumulang 16 Milyong pamilyang Pilipino, kumpara noong taong 2000–panahon ni Pangulong Estrada habang patuloy namang tumaas ang halaga ng gastusin ng isang pamilya para mabuhay.

Ang kasalukuyang P300 arawang sahod ng karaniwang manggagawa ay hindi sasapat kumpara sa kabuuang gastusin para mabuhay (real cost of living) ng isang pamilyang may anim na miyembro na naninirahan sa Kamaynilaan. Batay sa pagtaya ng NSO, nasa P679.50 ang kakailanganin ng isang pamilya sa isang araw para mabuhay nang disente o makatao.

Sinasabi ng Fies na bumaba ng 10.7% ang kabuuang natitipid at naiimpok ng pamilyang Pilipino dahil na rin sa taas ng presyo ng mga bilihin.

Nananatiling mataas ang presyo ng asukal, bigas at iba pang pangunahing produktong kailangan ni Aling Rosie sa kanyang kusina.

Sa talaan ng presyong inilabas ng Bas (Bureau of Agricultural Statistics), ang bigas-NFA (National Food Authority) ay nasa P18.00 kada kilo samantalang ang ordinaryong bigas o hindi well-milled ay P20.41 kada kilo at ang well-milled o magandang klaseng bigas naman ay nasa P22.45 isang kilo sa malalaking palengkeng gaya ng Divisoria.

Biro pa nga niya, kung sa panahon ni Pangulong Cory Aquino ay mura ang galunggong, ngayon naman, mapapamura ka sa mahal ng dating “pambansang ulam ng masa.” Ngayon, nasa P85 na kada kilo ang galunggong o P30 higit na mas mataas kaysa noong 2006.

“Eh hindi naman kami namimili sa Divisoria eh. Dito, ang bigas, pinakamaganda iyong P24.00. Sa lakas naming kumain, kulang ang isang kilo isang araw,” aniya habang tinatapos ang huling binabanlawang damit.

Pilipinas, paano na?

Kung tutuusin, hindi pa naabot ng Pilipinas ang paglago sa GDP na tinarget nito noong 2006. Ang 5.5%, pumalo lamang sa 5.4%. At kahit pa sabihing may paglago, napag-iiwanan pa rin ang Pilipinas ng mga karatig-bansang gaya ng China (10.7%), Vietnam (8.7%), Singapore (7.7%), Malaysia (6.0%), at Indonesia (5.9%).

Nagsasampay na si Aling Rosie nang kami’y magpaalam. Sa loob-loob namin, tama nga ang sinabi ng biyuda.

Nawalang-saysay ang pangako ng Edsa 1986, at ng sumunod pang Edsa. Katunayan, kaya naghihirap ang bayan ay dahil, sa kabila ng pagpapalit-palit ng mga administrasyon, wala namang pundamental na mga pagbabago sa istruktura ng lipunan. Ang lumang relasyon ng pang-aapi at pagsasamantala ay nananatili, kung kaya ang Edsa ng 1986 ay isa na lamang luwalhating kumupas sa paglipas ng panahon.

4 Responses to “Ano ang nabago matapos ang Edsa 1986?: Kumupas na luwalhati”

  1. jessiecca said

    dapat ba talaga sisihin si GMA sa lahat ng kapalpakang nangyayari dito?

  2. more articles about the employment rate here in the phillipines pls.

  3. mark said

    pakisagutan naman kung ano ang maaaring gawin ng mamamayan upang mapigil ang implasyon

  4. arlene said

    bat wala ung people power noong 1986 at larawan ng kaganapan noong 1986

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: