Muling Paglathala

Maruming laro sa eleksiyon

Posted by mamamahayag on March 3, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano/Noel S. Barcelona
Pinoy Weekly, Tan 6 Blg. 8
Pebrero 23, 2007 

PAGPASOK ng ikatlong linggo ng eleksiyon, lalong umiinit – dumudumi, wika ng iba – ang kampanya. Pumapaimbulog ang mga parumi nang paruming taktika ng administrasyong Arroyo para pigilan ang pangingibabaw ng oposisyon sa Mayo.

Mismong Malakanyang na ang may utos sa AFP (Armed Forces of the Philippines) para ikampanya ang diskuwalipikasyon ng progresibong mga party-list na BM (Bayan Muna, na nananatiling nangunguna sa mga sarbey), AP (Anakpawis), Guwapa (Gabriela Women’s Party), Kabataan at Suara Bangsamoro.

Diskuwalipikasyon at panggugulo

Sa ulat na lumabas na sa mga pahayagan, mismong ang abogado ng Malakanyang na si Sergio Apostol ang umaapela sa mga sundalo na huwag pahintulutan ang kandidatura ng mga party-list na inaakusahang “legal na mga prente” ng Communist Party of the Philippines.

Ayon kay Atty. Apostol, hindi lamang dapat idiskuwalipika, kundi kasuhan pa nga ang mga kinatawan ng naturang mga party-list dahil sa “paghahasik ng rebelyon.” Tuntungan ni Apostol ang sinasabing pagkakasangkot ng tinaguriang Batasan 6 sa nabigong “pagpapabagsak” sa administrasyong Arroyo nitong Pebrero 2006.

Mariin namang pinabulaanan ng Batasan 6, na binubuo nina Rep. Satur Ocampo, Teddy Casiño, Joel Virador ng BM; Rep. Crispin Beltran (na santaon nang nakadetine) at Rafael Mariano ng AP; at Rep. Liza Maza ng Guwapa, ang akusasyon.

Nauna na rito, lumitaw ang dalawang nagrereklamo laban kay Maza hinggil sa diumano’y pag-uutos nitong patayin ang kani-kanilang mga asawa. Iniuugnay ang dalawang “ipinapatay” ni Maza sa Akbayan Party-list. (Maaalalang pinuri ng mismong hepe ng Armed Forces of the Philippines na si Hen. Hermogenes Esperon na “mabuting maka-kaliwa” ang Akbayan. Noong 2004, ayon kay Casiño, mismong ang AFP pa ang tumulong sa Akbayan sa pangangampanya sa pag-asang mapatataob ang BM.) Tinawag ng Guwapa na “panggulong kaso” o nuisance case ang nasabing reklamo.

Sa kabila ng pagpapasama (pagde-demonize o paglalarawang ala-demonyo) sa imahe ng progresibong mga party-list, lumabas sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia na nangunguna ang BM (16.4%) sa mga party-list na iboboto ng mga mamamayan. Pumapangatlo sa listahan ang Guwapa, na may rating na 8.8%.

Noong halalang 2004, nagkamit ng kabuuang 2,206,287 boto ang progresibong mga party-list at tumalo sa mga party-list na umano’y “prente” naman ng administrasyong Arroyo.

Ginagamit din ang taktikang “panlilito” para hadlangan ang iba pang mga taga-oposisyon sa pananalo. Biniktima na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano nang magsampa ng kandidatura sa Comelec (Commission on Elections) ang isang Joselito “Peter” Cayetano, tricycle driver na taga-Mindanaw, bilang senador sa ilalim ng KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Gayunman, ayon kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lider ng KBL at gobernador ng Ilocos Norte, si “Peter” Cayetano ay hindi kandidato ng KBL.

Kung magtutuloy ang kandidatura ng Cayetano na taga-Mindanaw, ang lahat ng botong Cayetano lamang (walang first name) o kaya ay Peter Cayetano ay ibabasura.

Inihayag sa PINOY WEEKLY ni Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng GO (Genuine Opposition), na malinaw na si First Gentleman Mike Arroyo ang may pakana sa pagtakbo ng kandidatong nakakagulo sa kandidatura ni Cayetano.

Si Cayetano, isa sa mga nanguna sa kasong impeachment laban sa Pangulo at nagbulgar sa umano’y sikretong bank account ng mag-asawang Arroyo sa Germany, ang pinakamaingay na kritiko ni FG Arroyo. “Hindi ako nagtataka na pinupuntirya si Cayetano ng demolition job dahil may personal na galit sa kanya si First Gentleman,” ani Tamano.

Panggigipit

Kinumpirma rin ni Tamano na ginigipit ng administrasyong Arroyo ang mga tagapondo ng oposisyon. Kumpara sa Team Unity, koalisyon ng mga kandidatong maka-administrasyon, na tila nag-uumapaw sa rekurso, mistulang nahihirapan ang GO sa paglarga ng malawakang pangangampanya.

“Marami sa mga negosyanteng gustong sumuporta sa GO ang natatakot dahil sa binabalaan sila ng administrasyong Arroyo,” sabi ni Tamano. Kabilang sa posibleng mga ganti sa kanila ay ang paghihigpit ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng mga lisensiya at iba pang mga rekisito sa pagnenegosyo.

Hindi rin pinalalampas ng administrasyong Arroyo maging ang maliliit na tipo ng pangha-harass sa mga personalidad ng oposisyon. Kabilang rito ang pagbabawas ng seguridad kay dating Pangulong Joseph Estrada. Katawa-tawa, dahil ipinatupad ito ilang linggo matapos higpitan ang seguridad bunga ng umano’y planong asasinasyon kay Estrada, na ginawa namang dahilan para pigilan ang pagdalaw sa kanya ng mga kandidato ng GO.

Ibinulgar ni Senate President Manuel Villar, panauhing kandidato ng GO, na pinaalis din noong Enero 14 ang isang kapitan ng AFP na nakatalaga sa kanyang seguridad. Dalawang sarhentong bantay niya ang panandaliang pinabalik din sa himpilan. Sa sulat ng AFP kay Villar, idinahilan sa pull-out ang Executive Order 41 na nagsasabing kailangan munang aprubahan ng Pangulo ang listahan ng mga kumakandidatong opisyal ng gobyerno na bibigyan ng seguridad sa panahon ng halalan.

Karambola sa mga balota

Sa mismong halalan naman, nagaganap ang sinasabing “pagsusubi” ng mga balota at paggamit ng mga ito para sa dayaan. Ayon kay Atty. Sixto Brillantes, kagawad ng Kontra-Daya, kaduda-duda ang pag-iimprenta ng apat na milyong sobrang balota gayong sa humigit-kumulang 250,000 presinto sa buong kapuluan, kailangan lamang ng tatlong pasobra (katumbas ng 750,000). “Saan mapupunta ang halos 3.25 milyon?” aniya sa paglulunsad ng Kontra Daya, isang alyansa para bantayan ang kondukta at isiwalat ang mga anomalya sa eleksiyon.

Aniya, maaaring mangyari ang dayaan sa pagpapakete pa lamang ng boto sa pamamagitan ng pagbabawas ng balota. Sa pagdadala sa mga munisipyo, sa tanggapan ng tesorero (ingat-yaman), maaari ring bawasan ang ikakamadang balota.

May bilang ang mga balota, di ba? Pero ang bawas, hindi sa ibabaw, kundi sa gitna. Kaya hindi halata,” sabi ni Brillantes.
Sa pagbibilang naman, nagaganap ang dayaan sa pag-akyat sa antas-munisipal. Kaya naman mahigpit ang tagubilin ni Brillantes na dapat talagang bantayan ang boto.

Nababahala rin ang oposisyon sa pagtatangka ng Comelec na huwag bigyan ng kopya ng mga ER (election return) ang GO. Sa mga ER nakatala ang mga tinipong boto sa bawat munisipalidad.

Inihayag kamakailan ni Benjamin Abalos, tagapangulo ng Comelec, na maaaring makuha ng mga partido ng administrasyon na Kampi (Kabalikat ng Malayang Pilipino) o NPC (Nationalist People’s Coalition) ang ikalimang kopya ng mga ER. Ito’y dahil hindi pa umano napapatunayan ng GO na ito ang dominanteng partido ng minorya dahil inilagay ng karamihan sa mga kandidato ng GO sa mga certificate of candidacy ang partikular na pangalan ng kani-kanilang partido, gaya ng Puwersa ng Masa at PDP-Laban.

Ayon sa Seksiyon 27 ng 1991 Synchronized Election Law, ibibigay ang pang-apat at pan-limang kopya ng mga ER sa mga dominanteng partido ng mayorya at minorya.

Ngunit ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., ang pagtanggi na ibigay sa GO ang ikalimang kopya ng ER sa kabila ng pagiging tanging koalisyon ng oposisyon ay “malinaw na senyal na hindi patas at kontra sa oposisyon ang pagresolba ng Comelec sa mga isyung panghalalan.”

Habang papalapit ang halalan, inaasahan ng oposisyon na dadami pa ang maruruming taktikang gagawin ng administrasyong Arroyo. Ngunit tumitindig ang GO at progresibong mga party-list: Nakahanda silang biguin ang lahat ng pang-iintriga, panggigipit, panggugulo, at lantarang pandaraya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: