Muling Paglathala

Kababaihan sa panahon ni Gloria

Posted by mamamahayag on March 9, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 9
Marso 6, 2007

“E ano kung babae ang nakaupo sa Malakanyang? Pinapatay naman sa gutom ang mga babaing mahihirap katulad ko.”

Ito ang sentimyento ni Caring Mabajen, 62, isa sa mga manininda’t opereytor ng bisikleta na pinalayas sa kanilang puwesto sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City noong Enero 31. Sukdulan ang galit nila sa gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagwasak sa kanilang tanging hanapbuhay na tumagal na nang mahigit 30 taon.

Ngayon, tiis sa hamog sa bakanteng loteng katapat ng Star City si Nanay Caring. Gusto mang maghanap ng trabaho, masyado na siyang matanda. Tigil na sa pag-aaral ang kanyang dalawang apo sa elementarya. Masuwerte na kung may ulam silang bagoong.

Kawalan ng kabuhayan

Halos kalahati ng kababaihang nagtatrabaho (4.3 milyon o 36.3%) ang naka-empleyo bilang obrero o unskilled worker sa mga industriya at sa agrikultura. (Ang iba’y empleyado ng gobyerno at ibang opisina, manggagawang panserbisyo, at propesyunal.) At palibhasa’y walang sariling lupa, sila ay gaya ng karamihan sa magsasakang Pilipino na nagiging manggagawang bukid. Noong 2006, mas mababa ng 10.4% o P17 ang sahod ng kababaihan kumpara sa kalalakihan sa mga palayan at maisan.

Samantala, sa mga industriya, walang kaseguruhan sa trabaho, mababa ang sahod, at walang benepisyong natatanggap ang kababaihan na kadalasa’y ineempleyo bilang mga kontraktuwal. Pinalulubha ang sitwasyong ito ng kalagayang may 2.7 milyong babaing manggagawa ang tapos lamang ng hayskul.

Sa pag-aaral ng CWR (Center for Women’s Resources), sentrong pananaliksik ng kababaihan, umaabot ng 78 hanggang 100% ang mga kontraktuwal sa mga industriyang karaniwang nag-eempleyo ng mga babae. Kabilang dito ang mga pagawaan ng damit (garments) at electronics, at mga department store katulad ng Shoe Mart.

Kadalasang may hangganan sa edad na 15 hanggang 28 anyos ang mga babaing kontraktuwal.

Hindi nakapagtataka, nang dahil sa kawalan ng disenteng hanapbuhay sa bansa, maraming babae ang nagtitiis na mapalayo sa pamilya para makipagsapalaran sa ibayong dagat. Umaabot sa 65% o higit sa kalahati ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) ay kababaihan na nagtatrabaho bilang DH (domestic helper) o kasambahay at entertainer o mang-aaliw.

Pangunahing destinasyon ng mga babaing OFW ang Saudi Arabia, Hong Kong, United Arab Emirates, Singapore, Italy, Kuwait, United Kingdom, Qatar, Taiwan at Brunei. Hindi lumagda sa United Nations Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families” ang lahat ng mga bansang nabanggit. Kaya naman samu’t saring pagpapahirap ang dinaranas ng OFW sa kamay ng kanilang mga amo at dayuhang awtoridad.

Katunayan, isa na namang babaing OFW ang nakatakdang bitayin sa Gitnang Silangan. Kasulukuyang iniaapela ang kaso ni Marilou Ranario, 33, dating guro na hinatulan ng kamatayan noong 2005 dahil sa diumano’y pagpatay sa abusado nitong among Kuwaiti.

Umabot sa 22,000 ang naitalang kaso ng mga “distressed migrant” ang inasikaso ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs noong 2006. Inaakalang mas malaki ang aktuwal na bilang dahil maraming kaso ang hindi naiuulat at naisasadokumento.

Ngunit sa halip na tulungan ang mga babaing migrante, abala ang gobyerno sa mga iskemang makapanghuhuthot ng karagdagang kita mula sa mga ito. Isa na ang kontrobersiyal na pagpapataw ng Philippine Overseas Employment Agency ng P10,000 dagdag-bayarin para sa mga nais mag-DH.

Pasanin ng karaniwang nanay

Dahil hindi nakasasapat sa araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya ang kinikita ng asawang drayber ng dyip, nagtitinda ng lutong-bahay si Virginia Abante, 42, taga-Sampaloc, Maynila, may dalawang anak.

Ngunit ang dagdag-kita ni Aling Virgie ay napupunta lang sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at dagdag-singil sa kuryente, tubig, LPG, at gasolina. “Pahirap na talaga nang pahirap ang buhay. Ramdam mo ang bawat sentimong pagtaas ng presyo at singil,” aniya.

Tinatantiya ng CWR na umaabot sa P604.88 ang dagdag na pasanin ng karaniwang nanay sa utilities para sa isang buwan. (Tingnan ang Talaan 1.)

Ilan pa sa pabigat sa pamilyang Pilipino ang mga sumusunod:

1.Nitong nakaraang taon, tumaas ang presyo ng LPG sa kabuuan ng P4 kada kilo o P44 kada tangke;
2. Ipinataw ng Transco (National Transmission Corp.) sa bawat pamilyang Pilipino ang P97.76 dagdag-singil kada buwan para matustusan ang gastos sa pagpapaayos ng nasirang mga linya ng kuryente ng bagyong Milenyo at Reming;
3. Umutang ang Maynilad ng $125 Milyon sa World Bank, kaya tinatayang babayaran ito ng P423.52 kada buwan ng bawat pamilyang Pilipino;
4. Inaprubahan ng gobyerno ang hiling ng Maynilad at Manila Water na magtaas ng singil simula Enero 2007; tumaas ng P0.48 kada metro kubiko ang singil ng Maynilad, habang nagtaas ng P0.84 kada metro kubiko ang singil ng Manila Water.
Sa National Capital Region, P766 ang kailangan ng isang pamilyang Pilipino na may anim na miyembro para mabuhay nang disente, ayon sa National Wages and Productivity Commission. Hindi ito maaabot kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at tumatanggap ng minimum na sahod.

Kubakob man sa pagsisikap na may maihahain sa mesa, sinasabing pinakahuli at pinakakaunting kumain ang babae. Madalas, unang pinapakain ng ina ang mga anak at nagkakasya na lamang sa kung anuman ang matitira. Kung kaya naman tinatayang tatlo sa bawat limang Pilipinong nagugutom ay kababaihan. May halos 17 milyong Pilipino ang nagugutom, ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations.

Karahasan vs. kababaihan

Si Eliza (di tunay na pangalan), 27, ay isa sa tinatayang 400,000 babaing ibinubugaw sa buong bansa. Tubong La Union, ginahasa siya sa murang edad ng kanyang ama, tiyuhin, at dalawang pinsan — dahilan para tumakas siya papuntang Maynila. Dahil sa kalam ng sikmura, nasabak siya sa industriya ng laman.

Kamakailan lamang tumigil sa prostitusyon si Eliza, alang-alang sa isang taong gulang na anak. Aniya sa mga lalaking kostumer at mga pulis na regular na nanggagahasa sa kanya tuwing nababagansiya, “Hindi kami tinatratong tao, kundi hayop.”

Ayon sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), tumaas ng 32% noong nakaraang taon ang bilang ng kababaihan at kabataang biktima ng karahasan katulad ng panggagahasa at panghahalay ng kapamilya, seksuwal na panliligalig (sexual harassment), karahasan sa tahanan (domestic violence), prostitusyon at sex trafficking. (Tingnan ang Talaan 2.)

Nakalulungkot ang sinasabi ng mga estadistika: Kada oras, may isang biktima ng panggagahasa at incest. Kada 18 oras, may isang biktima ng seksuwal na panliligalig. Kada apat at kalahating oras, may isang babaing binubugbog.

Kung tutuusin, konserbatibo pa ang taya ng gobyerno dahil maraming kaso ang hindi naiuulat at naisasadokumento dahil sa takot na lumantad ng mga biktima. Hindi rin nabibigyang-hustisya ang marami sa mga kasong ito.

Si “Nicole,” biktima ng panggagahasa noong 2005 ng Amerikanong sundalo sa Subic, ay isa sa mga bukodtanging babaing naglakas-loob na magsampa ng kaso at pinaboran ng korte. Napatunayan sa paglilitis na ginahasa ni Lance Corporal Daniel Smith ang 22-anyos na Pilipina.

Ngunit sa kabila nito, mismong Malakanyang ang nagmaniobra para ang manggagahasa ay “makatakas” o mailipat mula Makati City Jail patungong embahada ng US. Binatikos ang mas pagpapahalaga ni Pangulong Arroyo sa diumano’y “magandang relasyon” sa US kaysa sa karapatan ng kababaihan at soberanya ng bansa.

Tradisyon ng Marso 8

Sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, inaasahang magbubuklod ang kababaihan para ipagsigawan ang inhustisyang dulot ng kawalan ng disenteng hanapbuhay, di-maabot na halaga ng pamumuhay (cost of living) at iba’t ibang porma ng karahasan.

Sang-ayon sa tradisyon ng unang mga babaing manggagawang nagprotesta sa New York City noong 1857, igigiit ng kababaihang Pilipino ang pagbabago sa lipunang malaon nang umaalipin sa kanila. Ang mga kilos-protesta sa mga lansangan, pabrika, paaralan, at sakahan ay pangungunahan ng Gabriela, pambansang organisasyon ng kababaihan.

Ayon nga kay Nanay Caring, hindi siya takot kay Pangulong Arroyo. Bagkus, ikagagalak pa umano niyang manguna sa pagpapatalsik sa puwesto ng isang kabarong taksil sa mahihirap at inaapi.

Abante, Babae!

Si Edna Esquierra, 38, ay tinawag ng isang kasamahan sa gitna ng Christmas party ng anak sa Christian Daycare Center sa Commonwealth, Quezon City noong Disyembre 18. Laking gulat niya nang makita sa kusina ang apat na sundalong naghihintay sa kanya.

“Tinanong nila kung kasapi ako ng Gabriela. Di ako sumagot kasi umiiyak na ako,” ani Edna sa sinumpaang salaysay na nakalap ng PINOY WEEKLY. Ayon sa mga sundalo, kailangang “linisin” ni Edna at iba pang kasapi ng Gabriela ang kanilang pangalan — at kung hindi, masasangkot sila sa rebelyon, gayong proyektong pangkabuhayan lang naman ang ipinupundar ng Gabriela sa lugar. Nagbanta ang mga sundalo na babalikan ang mga residente.

Hanggang ngayon, full battle gear ang mga sundalong nagbabahay-bahay sa Brgy. Commonwealth, ipinagtatanong at tinatakot ang mga kaanib sa Gabriela. Ang militarisasyon na malaon nang dinaranas sa kanayunan, dinala na sa kalunsuran para maghasik ng ibayong takot.

Kamakailan, pormal na nagreklamo sa Comelec (Commission on Elections) ang Gabriela Women’s Party dahil sa umano’y panliligalig ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa mga kasapi ng Gabriela at Guwapa sa maralitang mga komunidad sa Kamaynilaan. Inireklamo rin nila ang paninira nina National Security Adviser Norberto Gonzales at Presidential Legal Counsel Sergio Apostol sa lehitimong party-list na malisyosong inihahayag na “prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.”

Ayon sa Guwapa, gumagamit ng maruruming taktika ang gobyernong Arroyo para pigilan ang panalo ng progresibong mga party-list sa halalan sa Mayo. Noong 2004, nakakuha ang Guwapa ng 464,586 boto (3.65% ng kabuuang boto sa party-list) at nailuklok sa puwesto si Rep. Liza Maza.

Nakikipaglaban ang Guwapa para sa mga karapatang pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura ng kababaihan. Ang mga kinatawan ng Guwapa, Bayan Muna at Anakpawis, ang pinakamatinding kritiko ni Pangulong Arroyo sa Kongreso.

Dahil dito, pinagbabalingan ng AFP ang progresibong mga party-list na muling lalahok sa halalan. Katunayan, simula 2001, walang patid ang panggigipit ng gobyernong Arroyo sa kababaihang pumili na iwaksi ang tanikala ng katahimikan at pang-aapi at humanay sa nakikibakang mga mamamayan. Sa maraming pagkakataon, buhay nila ang naging kapalit.

Sa 820 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo, 84 ang kababaihan (suma hanggang Enero 25, 2007). Apatnapu’t isa sa mga ito ang miyembro ng Gabriela. Sa 150 aktibistang dinukot at nawawala, 33 ang babae. Pinakamaraming babaing aktibista ang pinatay noong nakaraang taon.

Idagdag pa sa estadistikang ito ang 58 batang inulila ng mga inang pinatay ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar, at apat na hindi pa naisisilang na sanggol na pumanaw sa sinapupunan ng kanilang mga ina.

Isa ang “karahasan ng estado” sa pinakamatitinding porma ng karahasan laban sa kababaihan, ayon kay Jojo Guan, executive director ng CWR. Titindi pa umano ito sa pagpirma ni Pangulong Arroyo sa batas kontra-terorismo o Human Security Act na inaasahang magdudulot ng mas maraming paglabag sa karapatang pantao at magtatangkang pumigil sa mithiing umabante ng kababaihan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: