Muling Paglathala

‘Ikaw’ at YouTube

Posted by mamamahayag on March 23, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 9
Marso 8, 2007 

Isang salamin para ipakitang “ikaw” ang naging Person of the Year ang lumabas sa cover ng Time Magazine noong nakaraang taon. Ang hinihirang na Person of the Year ng Time ay nakabatay sa boto ng mga mambabasa nito sa buong daigdig. Sinasabing noong 2006, ang makakaliwang pinuno ng bansang Venezuela na si Hugo Chavez ang nanalo sa karera ng pagiging Person of the Year, pero pinili itong isnabin ng konserbatibong Time. Sa halip, ibinida ng magasin ang karaniwang tao, na umano’y napasakamay ang kapangyarihan ng midya sa internet sa pamamagitan ng user-generated content ng mga blog (o personal na website), audioblog (podcast), at videoblog (YouTube).

Sikat na sikat ang YouTube sa mga Pinoy na gumagamit ng internet. Sa YouTube, maaaring i-upload o ilagay sa internet ang anumang bidyo na iyong ginawa o nakuha sa iba. Laman ng marami sa mga bidyong ito ang mga katatawanan, pagtatanghal ng mga kanta, maiikling mga pelikulang sariling gawa, mga music video, at clips o bahagi ng komersiyal na mga pelikula at palabas sa telebisyon. Nabigyan ng YouTube ng pagkakataon ang ordinaryong mga indibidwal na maabot ang malawak na manonood na dati-rating kontrolado ng malalaking mga industriya sa TV at pelikula.

Itinayo noong 2004, unti-unting sumikat ang YouTube hanggang sa binili ito ng higanteng kompanyang Google sa halagang $1.7 bilyon. Ngayon, umaabot umano sa 100 milyon kada araw ang mga video stream o bilang ng mga bidyo na inilalagay o pinapanood sa YouTube.

Gustong kasuhan ng maraming kompanya ng midya katulad ng Time Warner at Universal Music ang YouTube dahil sa paglalagay ng mga user ng mga bidyong pagmamay-ari nila. Kamakailan, milyun-milyong bidyo na pag-aari ng Viacom ang inalis sa YouTube.

Ngunit may pananaw na hindi naman talaga nakasasama ang YouTube sa industriya ng midya. Katunayan, tumutulong pa umano ito sa promosyon ng mga palabas sa telebisyon at pelikula. Ayon sa TV network sa US na CBS, umakyat ng 5% ang bilang ng mga manonood ng “The Late Show with David Letterman” simula nang magkaroon ng CBS YouTube Channel (ang YouTube Channel ay nilikha para masistematisa ang panonood ng mga bidyo). Sa Pilipinas, kabilang sa pinaka-popular na mga bidyo sa YouTube ang mga episode ng mga palabas na “Sana Maulit Muli” at “Maging Sino Ka Man” ng ABS-CBN. Sinasabing nais lamang ng malalaking kompanya ng midya na maksimisahin at ibayong pagkakitaan ang teknolohiya ng YouTube.

Marami pa rin sa mga bidyo ng YouTube ang nananatiling nilikha mismo ng mga gumagamit nito. Dahil dito, mayroong indipendiyenteng mga filmmaker, aktor, komedyante, mang-aawit, at mananayaw na nakikilala sa pamamagitan lamang ng internet. Kabilang dito si Justin Laipply, isang komedyante na gumawa ng bidyong “The Evolution of Dance,” ang pinakasikat na bidyo ng YouTube na napanood ng mahigit 32 milyong katao. Ngunit sinasabing hanggang hindi napapansin ng mainstream media, hindi nagiging tunay ang kasikatan ng sinuman sa YouTube.

Daluyan ang YouTube ng mga kanta, pagpepelikula, katatawanang pampulitika (political humor), dokumentaryo at iba pang signipikanteng malikhaing pagsisikap ng alternatibong mga artista at midya. Subalit dahil ito ang hinahanap ng kalakhan ng mga gumagamit, dominado pa rin ang YouTube ng mga bidyong nanggaling din sa malalaking kompanya ng midya at mga bidyo ng katatawanan na eskapistang libangan.

Sa isang bansang mahirap katulad ng Pilipinas, mababa pa ang bilang ng mga mamamayang may access sa internet. Bagaman lumalaki dahil sa papamurang serbisyo ng mga kompanya ng internet, 1.44 milyon lamang ang bilang ng mga Pilipinong naka-subscribe sa internet, ayon sa datos ng National Telecommunications Commission noong 2005. Tinatayang 2% lamang ito ng populasyon.

Subalit sa “demokratikong” espasyo na inihahandog ng YouTube, gaano man ka-limitado, maraming progresibong mga indibidwal at grupo sa bansa ang sumasakop. Kamakailan, naglunsad sa YouTube ng mga bidyo para sa kampanya ang progresibong mga party-list na Bayan Muna, Kabataan, at Suara, na kumakatawan sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan at walang milyun-milyong piso para ipanggastos sa mga patalastas sa TV.

Maaaring “ikaw” ang sentro ng umano’y rebolusyon sa midyang dala ng YouTube. Pero marahil, tumingin ka muna sa salamin at magtanong: Ikaw ba ay tunay na malaya?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: