Muling Paglathala

Sa pinakahuling atake kay Satur Ocampo: Sino ang responsable? Ano ang totoo?

Posted by mamamahayag on March 24, 2007

Noel S. Barcelona/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 11
Marso 22, 2007 

Kumbaga sa krimen, katulong at aksesorya lamang ang mga pulis na bumuhat, kumaladkad at pumuwersa kay Rep. Satur Ocampo para siya ay mailipad sa Leyte. Sino ang “mga utak ng krimen” na hindi nakunan ng mga kamera nang, ayon sa Pilipino Star, ang “pagkatao ni Ocampo ay babuyin”?

Sapul simula, Malakanyang ang itinuturo ng militanteng mga organisasyon bilang responsable sa lahat ng paninikil — hanggang sa madugong pagpatay at pagdukot sa kanilang mga lider at miyembro. Sapul simula rin, tigas-tanggi ang palasyo. “Usaping panghukuman ito,” wika pa nga ni Sec. Ignacio Bunye kaugnay ng pinakahuling habla laban sa 67-taong gulang na si Ocampo, “walang pakialam ang Presidente.”

Gayunman, lahat ng daliri ay nakaturo sa palasyo. Ang matagal nang sinasabi ng mga militante ay kinumpirma ng ulat na inilathala ng isang pahayagan isang araw matapos ang garapal na pagkukumahog ng PNP (Philippine National Police) na sundin ang di-makataong iskrip ng Malakanyang.

Ayon kay Tony S. Bigornia ng Philippine Daily Inquirer (Marso 20, 2007), “Ang national security cluster ng gabinete (ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo) ang nakakubling kamay sa sapilitang paglilipat kay (Ocampo) sa kulungan sa Leyte, isang indikasyon ng opisyal na kaugnayan ng Malakanyang sa pumalpak na operasyon.”

May opisyal na pangalan ang national security cluster: Cabinet Oversight Committee on Internal Security o Cocis. Kabilang sa mga miyembro o pinadadalo sa mga pulong nito sina Exec. Sec. Eduardo Ermita, National Security Adviser Norberto Gonzales, Justice Sec. Raul Gonzales, Defense Sec. Hermogenes Ebdane, AFP Chief Hermogenes Esperon Jr, PNP Director General Oscar Calderon, Interior Sec. Ronaldo Puno at Solicitor-General Agnes Devanadera. Direkta silang pinamu-munuan ni Arroyo.

Hindi lingid sa Bayan Muna

Ang nalathalang balita ay kumpirmasyon ng naunang pahayag ni Nathanael Santiago, pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna. Aniya, “mga militarista sa Cocis ang may pakana.” Hindi sinabi ni Santiago kung sino ang pinanggalingan ng kanyang impormasyon pero tiniyak niyang iyon ay “dead on target” o siguradong-sigurado.

Sinabi pa ni Santiago na si Ermita, ang duwetong Gonzales, at sina Esperon at Devanadera ang bumoto para ilipad si Ocampo sa Leyte. Hindi bumoto para rito sina Puno at Calderon.

Pinangalanan ni Ocampo ang ilan sa mga opisyal na ito habang nakasampa at nakatukod ang isang kamay sa gilid ng police van na magdadala sa kanya sa airport noong umaga ng Marso 19. Sapilitang kinalas ng mga pulis ang kamay ni Ocampo at halos isalya siya sa loob ng sasakyan.

Ayon kay Bigornia, ang desisyon sa kung ano ang gagawin kay Ocampo ay binuo ng Cocis. Mismong mga opisyal ng administrasyon ang pinagmulan ng impormasyong batayan ng isinulat ni Bigornia, ngunit hindi rin niya pinangalanan dahil sa “sensitibong mga puwesto nila sa gobyerno.”

May isa pang grupong pinapakilos ang Cocis: ang Inter-Agency Legal Action Group o Ialag na binuo ng Malakanyang nitong Enero. Ang Ialag, ayon naman sa kolumnista ng PINOY WEEKLY na si Dr. Carol Pagaduan-Araullo, “ang nagpapatupad sa pinatinding opensi-bang legal laban sa mga rebeldeng komunista, na siyang kabilang mukha ng doble-karang pagsisikap na ‘todo gyera’ ng rehimeng GMA. Ipinagyayabang ni Sec. (Raul) Gonzalez na ang unang tagumpay nito ay ang paghahabla ng rebelyon laban sa Batasan 6 at sa maraming iba pang legal at andergrawnd na personalidad ng Kaliwa.”

Nakahandang senaryo sa Leyte

Kung susuriin ang mga pangyayari, ang iskrip ng Cocis-Ialag ay naggugumiit na mailipad si Ocampo sa Leyte, anuman ang mangyari, sapagkat doon ay may nag-aabang na eksena na magpapatibay sa “galit ng taumbayan” sa mga maka-Kaliwa, na kinakatawan ng lider ng Bayan Muna.

Nakita ito mismo ni Atty Neri Colmenares, na naunang lumipad sa Leyte upang magsampa ng petisyon para si Ocampo ay manatili sa Maynila. Sa bayan ng Hilongos, may 30 tao ang nagkakatipon, dala ang mga plakard na nagsasabing “Satur mamamatay-tao” at “Satur demonyo.” Isang pinaghihinalaang sundalo ang nagbibigay sa kanila ng instruksiyon kung ano ang gagawin. Sa Tacloban City, nag-aabang ang mga miyembro ng Alliance for Nationalism and Democracy, na kilalang suportado ng ilang opisyal ng Cocis-Ialag. Dala naman nila ang mga plakard na nagsasabing “Satur berdugo ng Leyte.”

Kaya kahit nag-anunsiyo na si Judge Ephrem Abando ng Leyte Regional Trial Court Branch 18 na “walang pangangailangan upang si Ocampo ay ilipat agad sa Leyte,” ang kongresista ay sapilitang inilipad ng PNP, gamit ang pribadong eroplano ng kapatid ni Puno. Isinaalang-alang ni Abando ang nakatakdang pagdinig ng petisyon ni Ocampo sa Korte Suprema sa Marso 23 para pigilin ang pag-aresto sa kanya. Matatandaang nitong Marso 16, si Ocampo, matapos ang sanlinggong pagkawala, ay lumitaw sa Korte Suprema upang personal na magharap ng nasabing mosyon. Sinamantala ng PNP ang okasyon, inaresto si Ocampo at ipiniit sa Manila Police District sa UN Avenue.

Ikalawang yugto ng iskrip

Bandang alas dos ng madaling araw ng Marso 19, nagtuloy sa ikalawang yugto ang iskrip ng Cocis-Ialag. Ikinandado na ang tarangkahan ng presintong piitan ni Ocampo. Nagdagsaan na ang Special Weapons and Tactics at Special Action Force na naka-full battle gear. Ginising ng mga pulis si Ocampo at ang asawa niya, ang retiradong propesor sa UP na si Carolina “Bobbie” Malay. Tumutol sila sa gagawin ng mga pulis. Ilang sandali pa, dumagsa na sa presinto ang mga kasamahan ng mag-asawa.

Giit ng PNP, kailangan nilang sundin ang batas na nagtatagubiling dapat ay ihatid si Ocampo sa pinagmulan ng mandamyento de aresto, sa Leyte, 36 na oras matapos maaresto ang suspek. Isa pa, wala silang kopya ng utos ng hukom na nagsasabing pwedeng manatili sa Maynila si Ocampo. Pinasinungalingan ito ni Atty. Neri Colmenares. “Hindi ko maintindihan,” aniya, “me kopya na ako ng utos ng hukom, meron na rin ang (PNP).”

Lumipad ang eroplano bandang 11:30 ng umaga. Bukod sa asawa, kasama ni Ocampo sina Bayan Muna Rep. Teodoro “Teddy” Casiño, Sr. Supt. Edward Sierra at isang doktor. Nang nasa ibabaw na ng Masbate ang eroplano, tinanggap ng piloto ang utos mula kay Interior Undersecretary Marius Corpus: “Balik kayo sa Maynila.”

“Nag-joyride lang kami,” sabi ni Ocampo. “Nagmukhang tanga lang sila. Sinasayang lang nila ang rekurso ng gobyerno. Para silang kumuha ng batong ipinukpok nila sa sarili nilang ulo.”

At si Ocampo ay ibinalik sa kanyang pansamantalang piitan sa Maynila.

Taliwas sa gustong epekto ng iskrip ng Cocis-Ialag, muling dinagsa ng batikos ang gobyerno – at ng suporta naman si Ocampo, ang Bayan Muna at iba pang militanteng organisasyon. Isa sa mga nagsabing “aani ng simpatya” si Ocampo ay walang iba kundi si Sen. Rodolfo Biazon, na dating hepe ng AFP.

“Hindi ako naniniwala diyan,” pakli ni Esperon. “Ibig sabihin ba, inaayunan ng mga tao ang karahasan ng NPA? Inaayunan nila ang mass graves?”

Hindi naiintindihan ni Esperon ang sitwasyon. Aani at aani ng simpatya si Ocampo at ang Bayan Muna dahil hindi inaayunan ng mga tao ang mga ginagawa ng gobyerno. Dahil hindi sila naniniwala sa mga pinagsasasabi ng gobyerno. Wala nang hihigit pang pruweba kundi ang pananatili ng Bayan Muna sa numero unong posisyon sa mga sarbey. Pero syempre, ang sasabihin naman nila, hindi totoo ang mga sarbey. Ano na, kung gayon, ang totoo?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: