Muling Paglathala

At ngayon, ang walong napisil

Posted by mamamahayag on May 6, 2007



Kampanya ang panahon ng pamumulaklak ng mga pangako. Hudyat naman ng taglagas ang araw ng eleksiyon. Pagkaraan nito’y namamatay at ibinabaon na sa limot ang binitiwang mga pangako ng mga nanalo — maliban na lamang kung ang pinangakuan nila ay handang maningil sa ngalan ng milyun-milyong mamamayan.

Noong Abril 25, inindorso ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Suara Bangsamoro sa pagka-senador sina Joker Arroyo, Alan Cayetano, Francis “Chiz” Escudero, Loren Legarda, Francis “Kiko” Pangilinan, Aquilino “Koko” Pimentel III, Ralph Recto, at Manuel “Manny” Villar.

Bakit sila?

Hindi magkakapartido ang walo. Sina Cayetano, Escudero, Legarda, Pimentel at Villar ay GO (Genuine Opposition). Indipendiyente sit Pangilinan. Team Unity ng administrasyong GMA naman sina Arroyo at Recto. Anu–ano nga ba ang mga batayan ng tinatawag na progresibong bloke ng Kongreso sa pagpili sa kanila?

Una, ang kanilang komitment sa pagtataguyod sa mga karapatang pantao, partikular ang kanilang pagkondena sa extrajudicial na pamamaslang, pampulitikang panggigipit, malawakang paglabag sa karapatang pantao, at papatinding pasismo ng administrasyong Arroyo.

Pangalawa, ang kanilang track record o kasaysayan sa pagtataguyod ng interes ng mga mamamayan at pakikipagtulungan (sa progresibong mga party-list) sa batayang mga isyu.

At pangatlo, ang kanilang kapasidad na maging independiyente sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

“Naniniwala kaming nasa mabuting interes ng aming pinagsisilbihan (constituents) na mailuklok sa Senado ang walong kandidatong ito,” pahayag ng limang party-list.

Ikakampanya ng mga ito ang walong kandidato. Gayundin, dadalhin ng mga kandidato ang progresibong mga party-list sa kanilang kampanya. Magkakaroon ng iba’t ibang ugnayan, katulad ng pinagsanib na mga political coordinator; paglalagay ng mga pangalan sa sample ballot; at koordinadong poll watching o pagbabantay sa boto.

Ito ang unang pagkakataon na nag-endorso bilang iisa ang progresibong mga party-list. Paliwanag ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, “Ngayon higit kailanman, mahalaga ang mahigpit na tulungan.”

Prinsipyo sa pagpili

Malaking responsibilidad ang pag-iindorso sa baseng masa nila na umano’y umaabot sa 3.6 milyon. Ang bilang ng baseng masa na ito ay nakabatay sa nakuhang mga boto ng progresibong mga party-list noong mga nakaraang halalan.

Nganap ang ilang linggong konsultasyon, talakayan, debate, at pagsusuri sa track record at posisyon sa iba’t ibang isyu ng mga kandidato bago nakapamili ang mga progresibong party-list. Ngayong nailahad na ang listahan sa publiko, hindi maiwasan ang ilang tanong. Halimbawa, bakit inindorso sina Arroyo at Recto, mga kandidato ng administrasyong GMA?

Upang maresolba, tinimbang ng mga partylist ang pagiging kasapi sa partido ng administrasyong GMA ng kandidatong si Arroyo at ang kanyang pakikipagtulungan sa progresibong mga grupo.

Hindi maitatatwa ang mahabang karanasan bilang human rights lawyer ni Joker, abogado ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran at marami pang detenido noong batas militar. Umano’y 35 taon na ang kanyang ugnayan sa progresibong mga grupo na tinatawag niyang “kalapit sa ideolohiya.” Sabi ni Joker, bagaman nasa koalisyon siya ng administrasyon, hindi siya nagdadalawang-isip na kondenahin ang maling mga hakbang ng administrasyon, partikular ang pampulitikang panunupil.

“Hindi dapat tratuhin bilang kriminal ang mga political dissenter. Inudyok silang lumahok sa pakikibakang parlamentaryo, pero muli namang isinasandal sa pader,” ani Joker.

Samantala, kuwestiyon kay Recto ang ginawa nitong pag-isponsor ng Evat (Expanded Value Added Tax) noong nakaraang taon, bilang tagapangulo ng Senate Committee on Ways and Means. Mariing tinutulan ng progresibong mga grupo ang dagdag na buwis. Tinitingnan ni Recto ang Evat bilang isa sa mga paraan para itaas ang kita ng gobyerno at huwag umasa sa utang-panlabas.

Ayon kay Ocampo, liban sa Evat, marami silang isyung pinagkakaisahan ng senador. Kabilang dito ang pagtutol sa giyerang agresyon ng US sa Iraq (kabilang si Recto sa binuong Legislators Against War), pagtuligsa sa mga patakaran ng globalisasyon na mapangwasak sa lokal na ekonomiya, at pagsusulong ng mas malaking badyet para sa mga serbisyong sosyal.

Naging usapin naman kay Villar ang pagpasa sa ilalim ng kanyang liderato sa Senado ng batas kontra-terorismo o Human Security Act. Dahilan ni Villar nang nakapanayam ng PINOY WEEKLY, pinayagan naman niya ang maraming amyenda sa batas na pangunahing isinulong ni Sen. Juan Ponce Enrile.

Independiyente sa Malakanyang

Aminado si Ocampo na malakas ang presyur ng Malakanyang sa mga senador para ipasa ang mga batas na umano’y kontra-mamamayan. Naniniwala siya, gayunman, na malaki ang maitutulong ng mga alyadong magpapanatili sa pagiging independiyente ng Senado. (Kabilang ang Wednesday Group nina Recto, Joker, Villar at Pangilinan sa mga tumuligsa sa mapanupil na mga hakbang ni Pangulong Arroyo.)

“Sa patuloy na mga banta sa demokrasya, napakahalaga na manatiling independiyente at hindi bulag-bulagan, bingi-bingihan at sunud-sunuran sa maling mga patakaran,” ayon nga kay Pangilinan.

Samantala, natural na alyado ng progresibong mga party-list ang oposisyonistang sina Cayetano at Escudero. Kabilang ang dalawang kongresista sa mga nagsulong ng dalawang reklamong impeachment laban kay Arroyo, nag-imbestiga sa kontrpbersiyang “Hello Garci” at kumalkal sa mga anomalyang kinasangkutan ng pangulo.

Mariin namang naniniwala sa panunumbalik ng usapang pangkapayapaan si Legarda, noo’y tumulong makipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines. Ibinibida rin ng dating senador ang umano’y kawangis niyang laban para sa kabataan, kababaihan, Moro, at karapatang pantao.

Baguhan sa pulitika ngunit dala-dala ang mga prinsipyo ng amang beteranong aktibista at mambabatas, partikular na kaakit-akit sa kabataan si Pimentel. Naniniwala si Raymond Palatino, unang nominado ng Kabataan Party-list, na malaki ang maitutulong sa sektor ng batang Pimentel kapag nailuklok sa Senado. Isang Human Rights Code ang panukalang batas na nais ipasa ng abogadong bar topnotcher.

Bentahe, ani Ocampo, ang pag-asang maaaring mapabilis ang pagpasa ng kanilang panukalang mga batas kapag may counterpart o kahalintulad mula sa kanilang mga alyado sa Senado.

Isang karangalan

Karangalan, ayon sa walong kandidato, ang pag-iendorso sa kanila ng progresibong mga party-list na may malawak na kasapian sa buong bansa. “Deka-dekada nang naririto ang kanilang mga organisasyon at napakalaki ng kanilang impluwensiya,” pahayag ni Legarda sa PINOY WEEKLY. “Katulad ng marami sa ating mga kababayan, iginagalang ko ang kanilang mga prinsipyo at paninindigan,” sabi naman ni Villar.

Kaya ayon kay Ocampo, bigo ang administrasyong Arroyo na siraan at gipitin ang Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Suara Bangsamoro sa pamamagitan ng malisyosong pag-uugnay ng mga ito sa kilusang komunista. Nananatili, at mananatili, ang progresibong mga party-list sa pangunahing mga puwersang pulitikal na namamandila ng pulitika ng pagbabago.

Ito rin ang pulitikang inaasahang itataguyod ng walong napisil ng Bayan Muna at mga kapatid na progresibong party-list sa pagka-senador. Kung hindi, lagot sila sa mga pinangakuan nila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: