Muling Paglathala

Liwanag ng dignidad

Posted by mamamahayag on June 21, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 23
Hunyo 20, 2007

 

“ORDINARYO akong tao. Hindi ako katulad ni Ruffa. Pero alam kong may karapatan ako bilang babae at lalaban ako.”

Ito ang sinabi ni Alyza Mara (di tunay na pangalan), 47, kauna-unahang babae sa kanyang barangay sa Cubao, Quezon City, na magsasampa ng Domestic Violence Report at kukuha ng BPO (Barangay Protection Order) laban sa kanyang asawang seaman. Matinding abusong sikolohikal ang inirereklamo ng housewife na si Alyza, na umano’y makailang beses binantaan, ininsulto, inakusahan, at nitong huli, ipinagkalat pang patay ng kanyang asawa. “Magsasalita pa lang siya, ninenerbiyos na kaming mag-ina. Gusto na lang namin magtago sa ilalim ng kama,” sabi ni Alyza.

Isa lamang si Alyza sa 397 babaeng inilapit sa grupong Gabriela ngayong taon ang kaso ng pang-aabuso. Karamihan ay nasa kamay ng kanilang asawa o karelasyon. Oo nga’t bibihira ang mga babaeng may mala-prinsesang buhay ni Ruffa Gutierrez ang lumantad, pero karaniwan nang nakararanas ng mga karahasan katulad ng inilahad ng aktres sa programang The Buzz kamakailan. (Tingnan ang kaugnay na istorya)

Isa kada tatlong oras

Sa datos ng PNP (Philippine National Police), tinatayang may isang babae ang nabubugbog kada tatlong oras. May 3,679 na kaso ng domestic violence ang naitala ng PNP sa unang tatlong kuwarto ng 2006, habang 12,226 na kaso naman ang naitala ng Department of Social Welfare and Development sa parehong taon. Bukod pa ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC (Violence Against Women and Their Children) Act na nakahain sa 19,835 barangay sa buong bansa, karamihan ay domestic violence.

Marami pang kaso ang hindi naiuulat ng mga babaing biktima dahil sa “Battered Wife Syndrome” o pag-iisip at pag-uugali na resulta ng mahabang panahon ng pagdanas ng pang-aabuso.

Ang domestic violence, ayon sa manwal ng Center for Women’s Resources, ay ang “sistematikong pagpapamalas ng kapangyarihan at kontrol ng lalake sa kanyang karelasyong babae, kasal man sila o hindi, sa pamamagitan ng pisikal, sikolohikal, seksuwal, at pang-ekonomiyang pang-aabuso.”

Hindi na hinintay pa ni Alyza na humantong ang papatinding mga away sa pisikal na pananakit. Bitbit ang dalawang anak, umalis siya sa kanilang tahanan noong Enero 29. Nang ginawa niya ito, agad gumaan ang kanyang loob, kahit alam niyang mapuputol ang suportang pinansiya mula sa kanyang asawa. Dating empleyado sa bangko na iniwan ang career para magpamilya, sa kumunoy ng takot at kawalang-halaga sa loob ng 24 na taong pagsasama ang kinahinatnan ni Alyza.

“Parang busabos ang tingin niya sa akin. Lagi niyang sinasabi sa akin, wala kang silbi, ako ang nagpapalamon sa’yo.”
Kinikilalang ang pang-aabusong tahanan ay nakabatay sa pananaw na pag-aari ng lalake ang babae sa loob ng relasyon at mas mababa ang kalagayan nito. Direkta at di-direktang sinusuhayan ng mga tradisyon, batas, at kaugalian sa lipunan.

Noo’y maganda ang pagsasama ni Aracelie Almen, 39, at asawang si Ronald. Ngunit umano’y sinimulan siyang saktan nito nang mabuntis noong 2005 at nalamang may ibang babae si Ronald. Noong Mayo 3, 2006, pinuntahan niya ang asawa sa pinagtatrabahuhan bilang security guard sa Makati City matapos nitong di umuwi nang dalawang linggo. Gusto lamang ni Ara na pag-usapan ang sustento sa kanilang anak, pero karahasan ang iginanti sa kanya.

“Pinitserahan niya ako, binuhat at isinalya sa gate. Dalawang beses niya ako sinuntok. Pagkasuntok niya sa akin binuhat niya ulit ako at inihampas sa semento. Kumuha siya ng hose, ihahampas niya sana sa akin, pero nakakuha ako ng pala. Inisip ko, lalaban talaga ako kung sasaktan pa niya ako,” kuwento ni Ara, isang make-up artist. Hindi siya nakapasok sa trabaho kinabukasan dahil sa pamamaga ng ilang bahagi ng katawan.

Umano’y naging mapanganib si Ronald maging sa kanilang anak. Isang araw noong nakaraang Nobyembre, sisitahin sana ni Ara ang kanyang asawa na nakaligtaang kunin ang anak sa pangangalaga ng kapitbahay. “Ginising ko siya. Pagtayo niya, sinampal niya ako nang malakas na malakas. Sinakal niya ako, tapos sinuntok ako sa ulo. Binuhat niya ako, hinampas ako sa dingding. ‘Yung bata, nanginginig na. Hindi na ako makalaban kasi nakayakap na ako sa anak ko. Pero sinira pa niya ‘yung dingding, hinagis yung mga gamit namin.”

RA 9262, kumusta?

Bunsod ng nasabing mga insidente, sinampahan ni Ara ang kanyang asawa ng paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC Act. Noong Marso, inaresto si Ronald pero agad nakapagpiyansa. Kasalukuyang dinidinig ang kaso, pero hindi kumpiyansa si Ara sa piskal na humahawak sa kaso. Tumanggi kasi itong i-renew ang kanyang protection order laban sa asawa na nagagawa pa umanong mag-text ng masasakit na bagay.

Kung tutuusin, iilan lamang ang katulad ni Ara na may kakayahan at lakas ng loob na magsampa ng kaso sa ilalim ng VAWC Act na ipinasa noong 2004. Pinuri bilang isang batas na magpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan, pinarurusahan nito ang mga lalaking nang-aabuso sa babaing asawa o karelasyon.

Pero simula nang maipasa ang batas hanggang Marso 2007, pitong salarin pa lamang ang na-convict ng Department of Justice Task Force on Women and Children Protection. Mula 2005, wala ni isang na-convict. Lumalabas din na 34% ng mga kaso ang naibasura na, 61% ang hindi pa nadedesisyunan, at 5% ang hindi pa naisasampa sa korte.

Sa ilalim din ng RA 9262, maaaring bigyan ng mga korte at barangay ang inaabusong babae ng protection order. Sa nasabing kautusan, maaaring ipagbawal ang panghaharas, komunikasyon, at paglapit ng asawa o karelasyong lalake sa babae; iutos ang pagpapalayas ng lalake sa tirahan ng babae at kanilang anak; ibigay ang kostudiya ng anak sa babae; at iutos ang pagbibigay ng suportang legal sa babae.

Pero hindi naipapaabot ng gobyerno sa kababaihan ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng nasabing batas, ayon kay Gert Ranjo-Libang, tagapagsalita ng Gabriela. Umano’y di-alam ng maraming barangay ang RA 9262. “Maraming pagkakataon na Gabriela pa ang nagbibigay sa barangay ng form para sa protection order.” Katulad na lamang ni Alyza, na siya pang magtuturo sa barangay kung paano mabigay ng BPO.

Mula biktima tungong lider

Kung sa paghingi ng proteksiyon at hustisya nakalaya sina Alyza at Ara sa pang-aabuso ng kanilang mga asawa, iba naman ang kay Nerissa “Nanay Neri” Mejos, tagapangulo ng grupong Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa).

Noong dekada ’80, pinagbubuhatan siya ng kamay ng asawa. Kinailangan ni Nanay Neri ng tatlong tahi sa bandang kilay nang minsang suntukin siya nito. Sa pag-aakalang matitigil ang pang-aabuso kapag siya’y nagtatrabaho, namasukan si Nanay Neri sa pagawaan ng sapatos. Dito siya naging unyonista. Dito siya natutong lumaban, di lang sa amo sa pagawaan, kundi sa nagmimistulang amo sa tahanan.

“Ipinaliwanag ko sa kanya ang mga karapatan ko at ang mga isyu na nakakaapekto di lang sa kababaihan, kundi maging sa kanya bilang manggagawa at mamamayan,” sabi ni Nanay Neri. Unti-unti, natigil ang pang-aabuso at pambababae ng kanyang asawa. Sa ngayon, patuloy silang nagsasama at mayroon nang 17 apo.

Bilang lider at organisador ng kababaihan sa maralitang mga komunidad, bumabalik ang galit ni Nanay Neri kapag nakakakita siya ng mga babaing inaabuso. Pinapayuhan niya ang mga itong lumaban (“Humawak kayo agad ng dos por dos”) at maging desidido kung makikipaghiwalay. Ang problema lang, aniya, nakadepende sa pinansiya ang maraming babae sa kanilang mga asawa.

Kahirapan at karahasan

Bagaman ang domestic violence, katulad ng iba pang porma ng VAWC, ay walang pinipiling uri (nangyayari kapwa sa babaing mahirap at mayaman), sinabi ni Ranjo-Libang na pinalalala ito ng talamak na kahirapan. “Habang kinakapos sa pera, bumababa ang tingin ng lalake sa kanyang sarili bilang provider. Kaya may tendensiyang ibunton niya ito sa kanyang pamilya.”

Pinasubalian din ni Ranjo-Libang ang pahayag ni Press Secretary Ignacio Bunye na “personal na usapin” lamang ang pambubugbog ni Yilmaz kay Ruffa. Aniya, ipinapakita mismo ng RA 9262 na ang domestic violence ay isang pampublikong krimen.

Bumangon sina Alyza, Ara, at Nanay Neri sa sariling lakas at suporta ng mga kapamilya at kapwa-babaing nagmamalasakit. Halos hindi nila masulingan ang gobyerno, na ayon nga kay Alyza ay “hindi pinapansin ang mahihirap.” Pero kayrami pang babae ang nangangailangan ng tulong, unawa, at edukasyon— na dapat sana’y pinangungunahan ng gobyerno. Kayrami pang nagdurusa sa loob ng madidilim na tahanan at hinahanap ang liwanag ng sariling dignidad bilang babae.

3 Responses to “Liwanag ng dignidad”

  1. eleanor volante said

    good morning!nais ko lang pong malaman kung ang panghaharas ng isang brgy official ay ksama ba ito sa ra 9262?ako po kasi ay lumaban bilang isang kagawad sa aming brgy noong nakaraang eleksyon 2007,ang anak po ng aming kapitan ay gumagawa ng paraan upang masira ang kredibilidad ko bilang isang tao at bilang isang lider ng mga kababaihan dito sa aming brgy,ako po kasi ay napagkalooban ng pagkakataon na mabigyan ng hanapbuhay sa pamamagitan po ng proyektong TINDAHAN NATIN na nag bebenta ng nfa rice at ibp,ngayon po ay nagrerenew ako ng bgry bus. permit ko upang maipagpatuloy ko ang aking pagpurchase ng bigas sa nfa subalit ang aking papel ay binabalewala ng mga staff at di ko matagpuan ang aming kapitan,humingi na po ako ng endorsement letter galing sa dswd ngunit ito ay binalewala lang.ano po dapat kung gawin?inaasahan ko na matutulungan po ako sa aking suliranin.maraming salamat po!gumagalang, eleanor volante,mandaluoyng city

  2. jeanen said

    helo po…ikwento ko nalang ang lahat upang maintindihan nyo ang sitwasyon ko.nandito po ako sa taiwan ngayon.nagkaroon me ng anak ng boyfriend.nasa kanya ang baby ko. ako po ang nag-support sa lahat. sa baby ko. every month almost 20k ang pinadala ko sa bf ko. para narin sa pantustos sa pag aaral nya. it so happen na nagkaroon cya nang ibang gf at napabuntisan pa nya.grabe po yong nararamdaman kong galit.i couldnt imagine sa kabila ng paghihirap ko dito sa taiwan,iba ang isinukli nya sakin.before na ok pa kami hindi cya nagtrabaho.ngayon nag work na cya. nanghingi ng sustento ang babaeng napabuntisan nya.ang napakasakit pa, noong hindi pa buntis ang babae alam nya na may anak na kami ng bf ko pero gusto din nya mabuntis sa bf ko para daw may kapatid ang anak ko.may kaso po ba me na pwd isampa sa bf ko? sobra ang galit ko sa babae kasi alam na nya na may anak na me gusto din nya magka anak sa bf ko para mapasakanya ang bf ko.ok lang sana kung wala pa me anak…i dnt want to have a broken family.pero nangyayari cya. pwd ko bang makuha yong pero na pinadala ko sa bf ko? may receipt po ako sa lahat ng pinadala ko.

  3. Hi. Nakikisimpatiya ako sa iyo. Maaari ka sigurong dumulog sa mga organisasyong pangkababaihan gaya ng Gabriela.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: