Muling Paglathala

Kabataang Moro at mga aral ng bangketa

Posted by mamamahayag on August 2, 2007

Dahil sa giyera sa Mindanao, tumakbo sila sa Maynila. Pero sa Maynila man, wala din silang kaligtasan at pag-unlad. Alamin kung saan pumihit ang kabataang Moro.  

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 29
Agosto 2, 1007 

Piniratang DVD. Cellphone accessories. Suklay. Salamin. Kandado. Bombilya. Shades. Bag. Panty at bra.

Mahaba ang listahan ng mga nasubok nang ibenta ni Abet Ampaso, tubong Marawi City, Lanao del Sur. Sa edad na 22, nalibot na niya ang buong Kamaynilaan at mga probinsiya ng Cavite, Bulacan, Ilocos, at Isabela sa paghahanapbuhay.
Ang pagpapalipat-lipat ay karaniwang taktika para kumita ang mga katulad niya — na sa halip na bolpen at libro, ang hawak ay bilao. “Kailangan, maghanap ka ng lugar na (bihira) ang mga produktong ibinebenta mo,” ani Abet, edad 16 nang magsimulang magtinda at isuko ang pangarap na makapagkolehiyo.

Nagkalat sa Metro, tinatahi ng iisang kuwento ang libu-libong kabataang Moro. Tinakasan nila ang mga pirming kuta ng kahirapan at karahasan sa Mindanao; hindi inakalang gayundin ang daratnan sa umaalingasaw na mga lansangan ng Maynila. Idagdag pa ang diskriminasyon sa relihiyon.

“Gusto ko talagang maging working student. Pero bihirang tanggapin ang Muslim sa mga pabrika dito. Dati, kinukuha pa kami kahit security guard. Pero simula noong September 11 (teroristang atake sa bansang US), wala nang nagtiwala. Sa pila pa lang (sa pag-aaplay), pinauuwi ka na,” kuwento ni Abet.

Iba pang salaysay ng buhay-Moro

Si Lorna Marangit, 24, hindi umaalis sa bangketa sa Tandang Sora, Quezon City para bantayan ang mga paninda. Araw-araw, inilalatag niya ang mga ito nang hindi alam kung maibebenta o kukumpiskahin ng MMDA (Metro Manila Development Authority). Kamakailan, boluntaryo niyang giniba ang kanyang tindahan dahil sa umuugong na balitang muling magkakaroon ng demolisyon.

“Natuto na kami. Noong 2002, nagdemolis sila (MMDA) habang tulog pa ang mga tao,” ani Lorna. Ang kanyang panindang kinumpiska, katumbas ng tatlong buwang kita. Masuwerte pa siya dahil karamihan sa kanyang mga kapwa-Moro, nangutang lang ng puhunan. Ilang buwan silang walang hanapbuhay. Sa panahong ito naranasan ni Lorna na tumira sa ilalim ng flyover.

Nagbabayad sila sa lokal na gobyerno ng P1,300 kada kuwarto ng taon, at P20 kada araw sa pulisya — pero nananatiling walang garantiya ang puwesto. Wala silang magawa tuwing mangungursunada ang mga pulis, tauhan ng City Hall, at MMDA. “Kukunin lang nila ang gusto nila, lalo na kapag Pasko.”

Si Lorna ay tubong Shariff Kabunsuan. Naaalala pa niya nang maipit sila ng kanyang kapatid sa sagupaan ng militar at MILF (Moro Islamic Liberation Front). “Naglalakad kami malapit sa Camp Abubakar. Siguro, akala ng mga sundalo na armas ‘yung dala naming payong. Pinaputukan kami. Gumanti ng putok ang MILF. Mabuti at hindi kami nasaktan.”

Ikatlong taon lamang sa hayskul ang natapos ni Lorna, mula sa pamilya ng magsasaka. Aniya, sagana ang mais at prutas sa kanilang lugar, pero iilang pamilya lamang ang may-ari ng lupain. Ang karamihan, naghihirap. Pinalala pa ang sitwasyon ng mga militar na gusto umanong pumapel sa mga proyektong pangkaunlaran: “Walang pinapatawad ang mga iyan, kahit sibilyan.” Pinauulanan ng bomba ng mga helikopter ang kanilang kabahayan. Namumutiktik sa nakatagong mga granada ang mga kalsada.

Pagmumulat at pag-oorganisa

Ayon kay Aslanie Domadalug, tagapangulo sa NCR (National Capital Region) ng Liga ng Kabataang Moro o LKM, nakababahala ang dumaraming kabataang Moro na hindi nakapag-aaral dahil sa lumalalang kahirapan at gulo sa Mindanao.

“Apektado ng sitwasyon doon ang Kamaynilaan na patuloy na dinaragsa ng mga Morong naghahanap ng kaligtasan — kahit limitado rin ang mga oportunidad dito.”

Binuo noong 2003, ang LKM ay inisyatiba ng kabataang Moro na imulat at organisahin ang kanilang hanay para ipaglaban ang karapatan sa edukasyon. Karamihan sa mga kasapi nito ay nasa Mindanao, pero lumalago ang kasapian sa NCR.

Kamakailan, tumigil sa pagtitinda si Abet para maging full-time na organisador ng LKM sa Maharlika Village, malaking komunidad ng mga Moro sa Taguig City. “Magtinda ka man o hindi, mahirap ka pa rin. Hindi ka naman aangat sa kabuhayang ito, pang-araw-araw na pagkain lang ang matutustusan. Para sa akin, mas mabuti nang maging mahirap pero may ginagawa para sa ikabubuti ng marami,” aniya.

Tinulungan ni Abet na makapag-aral ang kapitbahay na si Jopet Lim. Si Jopet ay bunso sa pitong magkakapatid na halos inabandona sa Maynila ng mga magulang na taga-Cotabato City. Sa edad na 12, kapapasok pa lamang niya sa unang grado sa RP Elementary School sa Pasig City. Bagaman isang oras niyang nilalakad ang eskuwelahan dahil walang pamasahe, masaya siyang sa wakas ay matututunang maisulat ang sariling pangalan.

Bukod sa mga inisyatibang pag-aralin ang ilang kabataang Moro, gumagawa ang LKM ng mga proyektong pangkalinisan sa mga komunidad. Tinutulungan nila ang mga sidewalk vendor na makipagnegosasyon sa mga opisyal ng gobyerno tuwing may banta ng demolisyon. Pinakamahalaga, nagsasagawa ang organisasyon ng mga pag-aaral sa kabataang Morong hindi nakapag-aral. Ang kanilang leksiyon: alamin kung bakit sila ay nasa awa ng kalsada at wala sa pangangalaga ng mga paaralan.

“Inuuna kasi ng gobyerno (ang tustos sa) militar at utang panlabas kaysa edukasyon,” paliwanag ni Domadalug. Kung padausdos ang kalidad ng edukasyon sa mga lungsod dahil sa kawalang-badyet at atensiyon, lalong higit sa kanayunan. Aniya, “Noong grade school ako, walang pinagawa sa amin ang guro kundi buong araw na magbunot ng damo. Ang kolehiyo sa amin sa Lanao del Sur, katumbas ay hayskul sa Maynila.”

Binatikos din ni Domadalug ang gobyernong naglulunsad ng “todo giyera” sa halip na naglalapat ng solusyon sa kahirapan na siyang nasa ugat ng gulo sa Mindanao.

Hindi man pormal na nakapag-aral, mayaman sa karanasan at karunungan ang kabataang Moro. Sa bangketa nila natutunan ang tunay na mga problema ng lipunan. Dito rin nila nakita ang pangangailangang mag-organisa at maggiit ng karapatan. Nangangarap pa rin silang makapag-aral balang araw. At ngayon, alam nilang ang pangarap na ito ay dapat sama-samang ipinaglalaban.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: