Muling Paglathala

‘Ambus’ sa planta

Posted by mamamahayag on October 14, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Taon 6, Blg 39
Oktubre 10, 2007

WALANG putok ng baril. Ngunit tumagos na parang punglo ang mga salitang binitiwan ng manedyer: magsasara na ang planta. Halos napatimbuwang ang mga manggagawa sa narinig. Inutusan silang magligpit at bakantehin ang pagawaan. Nanlumo ang mga manggagawa sa biglaang pag-utas.

Kaya kagulat-gulat, para sa kanila, ang sinabi ni Yutaka Kagaya, presidenteng Hapon ng kompanya, sa sulat sa mga manggagawa noong Setyembre 3: “We regret to inform you that Ajinomoto, as a global business concern, has made the difficult decision to close the MSG production…This action is a result of Ajinomoto’s decision…to shift it’s business focus on sales and marketing.” (Malungkot naming ipinaaabot ang desisyon ng Ajinomoto na isara ang produksiyon ng MSG…Ito ay resulta ng desisyon ng kompanya…na tumutok sa pagbebenta.)

Pero walang handa para sa nangyaring “sapilitang ebakwasyon” kinabukasan. Bandang alas-nuwebe ng umaga, ipinatawag ng manedsment ang mga lider ng UAI Rank and File Labor Union-DFA (Drug Food and Allied Workers Federation)-KMU (Kilusang Mayo Uno). Ipinangako ang suweldo at mga benepisyo. Ibinaba ang mando: umalis sa planta bago sumapit ang alas-1:30 ng hapon.

“Hindi namin alam, pinupulong na rin ang aming mga miyembro sa kabilang kuwarto. Wala nang oras para mag-konsultasyon,” kuwento sa PINOY WEEKLY ni Gregorio Rexcis, tagapangulo ng unyon.

Nagkagulo ang mga manggagawa nang matapos ang pulong bandang 11:30 ng umaga. May mga umiiyak, may mga tulala. Kasabay ng pagbigay ng termination papers, inabutan sila ng manedsment ng mga supot na plastik. Nagtatakbuhan paroo’t parito ang mga manggagawa, pinagkakasya sa supot ang mga abubot ng deka-dekadang serbisyo sa kompanya. Hinainan sila ng Max’s Fried Chicken na halos di naman nagalaw. Naghihintay na kasi sa labas ang pitong bus. Nakapalibot na ang mahigit 30 inangkat na security guard. Nang sa wakas ay nakatipon na sa labas ang lahat ng manggagawang mabigat ang loob at dala-dalahan, ipinagtulakan na sila ng mga guwardiya sa loob ng sasakyang tanging umuugong sa tahimik nang planta.

Makasaysayang pakikibaka

Sa Brgy. Ugong itinayo noong 1960 ang 13-ektaryang planta ng Ajinomoto, subsidaryo ng Hapong transnasyunal na Ajinomoto Co., Inc. Sinasabing ipinangalan ang barangay sa ugong ng mga makina ng malalaking pabrika sa tinaguriang “industrial belt” ng Kamaynilaan. Ang lakas-paggawa na nagtayo ng planta, siya ring inupahan ng kompanya para magmanupaktura ng tone-toneladang betsin na noo’y ipinapakilala pa lang na pampalasa sa pagkain.

Natural na sumibol ang unyon ng mga manggagawa na nasa mahigit 800. Ang pagiging palaban nito, matiyagang hinubog ni Felixberto “Ka Bert” Olalia, tagapagtatag ng Naflu (National Federation of Labor Unions) at kilalang lider-unyonista. Lumubog din sa hanay ng mga manggagawa ang militanteng mga kabataan noong dekada ’60 tulad nina Juliet de Lima at Jose Maria Sison. Isa ang unyon sa mga ipinundar ng pinakamahuhusay na lider ng umuusbong noong pambansa-demokratikong kilusan.

Nang ibaba ang batas militar noong 1972, nireyd ng mga sundalo ang opisina ng unyon ng Ajinomoto. May mga manggagawang nadakip. Ang mga nakatakas, piniling mag-underground.

Pero sa kabila ng diktadura, sumabay ang Ajinomoto sa makasaysayang kilusang welga na unang pumutok noong 1975 sa La Tondeña Distillery. Noong 1976, nagsimulang maglunsad ang unyon ng mga welga na nagtatagumpay sa loob lamang ng isang araw.

“Kahit nga walang welga, lumalabas ang lahat ng manggagawa tuwing may pang-aabuso ang kompanya kahit laban lang sa isang miyembro,” alala ni William Clavaton, kalihim ng unyon at 34 na taon nang nagtatrabaho sa Ajinomoto.

Unang nagkaroon ng malaking tanggalan noong 1978. Mahigit kalahati ang nawalan ng trabaho. Umano’y problema sa pamumuno ng unyon ang dahilan ng pagkatalo ng welga; idagdag pa ang kontra-manggagawang Batas Pambansa 227 na nagbawal sa pagharang ng mga welgista sa tarangkahan ng kompanya para di maparalisa ang operasyon nito.

Sa pagtatag ng KMU noong 1981, nanumbalik ang sigla ng unyon. Napagtagumpayan ng mga manggagawa ang welga noong 1987. Matapos ang 69 araw, ibinalik ang lahat sa trabaho at ibinigay ang lahat ng hininging mga benepisyo.
Unyon ng Ajinomoto ang unang nakapagputok ng welga sa ilalim ng rehimeng Arroyo noong Pebrero 12, 2001. Tagumpay rin ito: nakuha nila ang 25 hiling sa CBA (Collective Bargaining Agreement).

Pero “nadala” na ang manedsment. Sa halip na paabutin sa welga, sinikap nitong ayusin ang mga gusot sa mesa. Nagpatupad din ito ng serye ng mga special retirement program na ang alok (47 araw na kabayaran sa bawat taon ng serbisyo) ay mas mataas sa nakasaad sa CBA. May mga kumagat. Mula 280, naging 174 na lamang ang regular na mga manggagawa.

Dahil sa pag-downsize, napilitan ang mga manggagawa na gumampan ng higit sa isang trabaho. Pinahaba rin ang oras ng shift. Mula sa tatlong shift na tig-walong oras, ginawang dalawang shift na tig-12 oras.

Bakit nagsara?

Inihayag ng Ajinomoto Co., Inc. na mag-aagkat na lamang ang Pilipinas ng MSG mula sa Indonesia, Thailand, Malaysia, Singapore, Hong Kong at Tsina. Malinaw na pagtitipid ang pangunahing dahilan ng pagsara ng pabrika, ayon sa mga manggagawa.

Kumpara sa ibang bansa, mataas ang gastos sa produksiyon sa Pilipinas, partikular ang kuryente at krudo (na inaangkat din). Gayundin, dahil sa globalisasyon, mababa na ang taripa sa iba’t ibang produktong imported na ngayo’y mas malayang nakakapasok sa merkado. Sa tantiya ng mga manggagawa, ang inangkat na MSG mula sa Tsina ay mas mura ng P20 kada kilo kaysa sa MSG na gawa dito.

Kamakailan, inihayag ni Sen. Loren Legarda na patunay ang pagsasara ng planta ng Ajinomoto na pinapatay ang lokal na industriya ng mga kasunduang kaakibat ng globalisasyon. Nangangamba siyang isasara rin ng mga Hapon ang kanilang mga planta ng kotse sa bansa sa ilalim ng Jpepa (Japan-Philippine Economic Partnership Agreement).

“Inaabandona na ng mga kompanyang Hapon ang kanilang mga planta ng pagmamanupaktura dito bago pa man ang Jpepa.

Matutupad pa ba ng Japan ang pangako nitong investments kapag niratipika ng Senado ang kasunduan?” aniya.

Paniwala rin ng mga manggagawa, layon ng kompanya na durugin ang unyon lalo’t may nakatakdang negosasyon sa CBA sa Marso 2008. Bago nagsara, P900 kada araw ang sahod ng bawat manggagawa. Dahil na rin sa mga nakamit sa maiigting na pakikibakang unyon, malayo ang agwat nito sa P362 minimum na sahod sa National Capital Region. “Kapag nagbukas ulit ang planta o lumipat sa probinsiya, malaki ang ganansiya nila,” ani Rexcis.

Naniniwala ang mga manggagawa na “tubong-lugaw” pa rin ang planta sa kabila ng tumataas na gastos sa kuryente at krudo. Ito ay dahil by-product lamang sa pagpoproseso ng asukal ang molasses, hilaw na materyales ng betsin, samantalang halos triple ang presyo ng MSG kaysa asukal.

Mula Enero hanggang Hunyo 30 ngayong taon, umabot sa 139% ang pagtaas ng kabuuang kita ng Ajinomoto Co., Inc. na nasa ¥8.65 Bilyon. Inaasahang tataas pa ito sa ¥33.5-B hanggang Marso 2008.

Kawalang-katiyakan

Noong Oktubre 5, ipinanganak ang bunso ni Rexcis. Pinangalanan niya itong Ajian Carlo, sa alaala ng kompanyang 23 taon niyang sinerbisyuhan. Sa mundo ng kawalang-katiyakan niya sisikaping palakihin ang bata.

“May pera ka nga pero hindi mo alam ang gagawin mo. Wala naman kaming alam sa pagiging entrepreneur at parang sugal ang pagnenegosyo ngayon. Isa pa, anong laban namin sa malalaking negosyante? Talagang hanapbuhay ang kailangan. Hindi yung magtitinda ka lang sa gilid-gilid,” aniya.

Dadagdag ang mga manggagawa sa 11.6 Milyong hukbo ng mga Pilipino na walang trabaho o di sapat ang trabaho. Tinataya ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research na sa buong bansa, may walong pabrika ang nagsasara araw-araw at may 156 manggagawa ang nawawalan ng trabaho.

Hindi na binigyan pa ng Ajinomoto ang mga manggagawa ng pagkakataong ireklamo ang pagsasara. Matapos ang tatlong araw na piket mula Setyembre 5 hanggang 7, ibinigay na ng kompanya ang isang magandang separation package katumbas ng 76 araw na kabayaran sa bawat taon ng serbisyo o mahigit-kumulang P1.8- M bawat manggagawa.

Pero ayon sa unyon, sasampahan nila ang kompanya ng kasong unfair labor practice sa Department of Labor and Employment. Hindi umano ibinigay ng manedsment ang isang buwang abiso ng pagsasara. Pinalabas nito na Oktubre 10 ang pagsasara samantalang Setyembre 4 pa lamang ay pinaalis na ang mga manggagawa.

“Ang masakit, ikaw yung natayo ng kompanya, ikaw ang nagpaunlad…Tapos sa huli, ilalaglag ka na lang dahil wala ka nang pakinabang sa kanila,” ani Clavaton.

Wala nang ugong

Sa paglipas ng panahon, isa-isang huminto ang ugong ng mga makina ng Union Glass, Crispa, Warner Lambert, Mattel, Dragon Cement, at iba pang malalaking planta sa Brgy. Ugong. Noo’y wika ng mga drayber ng dyip, na naghahatid sa mga manggagawa araw-araw (at binibilisan ang takbo kapag may late): “Ajinomoto na lang ang nakatayo.”

Pero ngayon, tuluyan nang tahimik ang dating “industrial belt” ng Kamaynilaan. Baka ang mga dyip, di na hahagibis paroon dahil ang mga pasaherong obrero, naitaboy sa mahabang pakikipaglaban sa kapitalista.

Ang natira na lamang, isang sosyal na shopping mall na pinupuntahan ng ilang mayayaman gamit ang walang ingay na mga sasakyan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: