Muling Paglathala

Kahibangang Cyber Education

Posted by mamamahayag on October 24, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 40
Oktubre 18, 2007

Desidido si Pangulong Arroyo. “Alisin ang lahat ng mga sagka sa implementasyon ng Cyber Education…hindi dapat mahinto ang imprastraktura at investment dahil sa mga batikos,” utos niya kay Kal. Peter Favila ng Department of Trade and Industry sa pulong ng gabinete noong Oktubre 10 sa Malakanyang.

Sabi pa ni Arroyo, milyun-milyong estudyante ang matutulungan ng $465.5 Milyong CEP (Cyber Education Project). Gaya ng sinabi niyang milyun-milyong mamamayan ang makikinabang sa $326-M NBN (National Broadband Network). Ang NBN, napilitang ibasura dahil nabuking ang suhulang sangkot sina Comelec chairman Benjamin Abalos at First Gentleman Mike Arroyo. Pero ang CEP, pilit pinalulusot. Kahit lumalabas na isa itong kahibangang niluto ng gobyernong Arroyo at Tsina para sa interes, muli, ng iilan.

Ambisyon ng DepEd

Aminado ang DepEd (Department of Education): padausdos ang kalidad ng batayang pampublikong edukasyon sa bansa. Mahina ang mga mag-aaral sa mga asignatura gaya ng Science at Math. Sa bawat 10 pumapasok sa Grade 1, apat lamang ang nakapagtapos ng hayskul. May 9.16 M bata ang di marunong bumasa at sumulat.

Pero ang ipiniprinsentang “pinakamainam na solusyon”? Isang “abanteng” imprastraktura ng Information Communication Technology o ICT. Isantabi muna ang mga klasrum, guro, gusali, at teksbuk na taun-taon umaalagwa ang kakulangan—heto na ang makabago.

Sa CEP, magkakaroon ang bawat klasrum ng telebisyon na nakakabit sa 12 video channels ng DepEd gamit ang satellite. Sa bawat asignatura, magbobrodkast ang ahensiya mula sa Maynila para mabigyan ng live na lektyur ang lahat ng mga mag-aaral. Seserbisyuhan ang tinatayang 37,792 o 90% ng mga pampublikong paaralan.

Ikakabit din sa satellite network at bibigyan ng wireless internet connection ang lahat ng mga opisina ng DepEd at paaralan.

Ayon sa DepEd, itataas nito ang kalidad ng pagtuturo na magmumula sa mga eksperto. Mas madali rin umanong makakakuha ng mga materyal pang-edukasyon.

Para maisakatuparan ang CEP, kailangan ng DepEd na maglagay ng mga TV, kompiyuter, at iba pang kagamitan sa 34 paaralan araw-araw sa susunod na tatlong taon. Kailangan din nito magtayo ng sentro ng brodkast.

Palpak sa ICT

Mataas ang ambisyon ng DepEd, pero kuwestiyunable ang sinseridad at kakayahang makamit ito. Ayon sa 2006 ulat ng COA (Commission on Audit), palpak ang naunang mga proyektong ICT ng ahensiya.

May P138.8-M halaga ng mga kompiyuter sa ilalim ng PCs for Public Schools Project na sinimulan noong 2002 ang di nagamit dahil sa “kawalan ng rekurso, pasilidad, at teknikal na kakayahan.”

Mula 2004 at 2006, P115.7-M halaga ng ICT Package na naglalaman ng 349 kompiyuter, mga CD na pang-edukasyon, at manwal para sa guro ang di napakinabangan. Ito ay dahil walang kasanayan ang mga guro na gumamit ng kompiyuter, walang software o kompiyuter para mabuksan ang mga CD, o walang LCD projector para maipalabas ang mga CD. May P1.78-M halaga ng mga CD ang di napakinabangan dahil sa kawalan ng kompiyuter. Ang mga kompiyuter na naipamahagi, ginamit lamang ng mga prinsipal.

Samantala, may P23.14-M halaga ng mga kagamitang ICT na pinondohan ng Priority Development Assistance Fund ang naitambak lamang, nasira o nawala, o di angkop sa antas ng mga mag-aaral.

“Ang CEP ay di angkop at lampas sa kapasidad ng DepEd,” ayon kay Antonio Tinio, tagapangulo ng ACT (Alliance of Concerned Teachers).

Gayundin, ang gagastusin ng gobyerno sa proyekto, katumbas ng 51,913 bagong klasrum, 1,970,000 bagong guro, 434 M teksbuk, 336 M silya, o pagkokolehiyo ng 1,085,000 estudyante.

Sinabi pa ni Tinio na walang pinagkaiba sa CEP ang Knowledge Channel, isang programang pantelebisyon ng DepEd na nagkakahalaga lamang ng P1.8-B.

Naniniwala ang Act na kahirapan, mababang badyet sa edukasyon, mismanagement at korapsiyon sa DepEd, at maling oryentasyon ng gobyerno ang mga ugat ng problema sa edukasyon.

Sa ulat ng Neda (National Economic Development Authority) noong Marso 19 hinggil sa CEP, iminungkahing pagkakabit ng kuryente sa 7,361 pampublikong mga paaralan.

Sinasabi ng DepEd na makatitipid ang ahensiya ng P60 Bilyon sa susunod na 25 taon dahil sa CEP. Pero popondohan lamang ng proyekto ang unang limang taon. Pagkatapos, kanya-kanyang hanap na ang mga paaralan ng mga rekurso para maipagpatuloy ang mamahaling tekonolohiya.

Malaking anomalya

Bahagi ang CEP ng kontrobersiyal na mga kasunduan sa Tsina na pinirmahan ni Pangulong Arroyo noong Abril 21. Tulad ng NBN, ang CEP ay papasaning utang-panlabas ng taumbayan. P22.7-B ang uutangin sa Tsina at P3.71-B ang bahagi ng gobyerno ng Pilipinas.

Tulad din ng NBN, hinihinalang overpriced at batbat ng katiwalian ang proyekto.

Sinabi ng Technical Working Group ng DOTC (Department of Transportation and Communications) sa ulat noong Pebrero 28 na magastos ang satellite communications at may mas murang network (Intranet) na maaaring gamitin. Wala umanong kakayahan ang DepEd na pamahalaan ito. Higit sa lahat, sumasapaw ito sa NBN.

Sa pulong ng Investments Coordinating Committee noong Marso 28, inamin nina DOTC assistant secretary Leonard Formoso at dating Neda direktor Romulo Neri na sumasapaw ang CEP sa NBN. Pero sinabi ni Neri na gusto silang tratuhin na dalawang magkahiwalay na proyekto ng gobyernong Tsina, Kal. Leandro Mendoza ng DOTC, at Kal. Jesli Lapus ng DepEd. Inaprubahan din ng Neda ang CEP at NBN.

Imbestigasyon ng Senado at protestang lansangan ang panawagan ng militanteng mga kabataang estudyante at guro para pigilan ang CEP. Naniniwala sila na umaabot sa Malakanyang ang ganansya sa kahibangan ng proyektong “hi-tech” sa sektor na may problemang “low-tech”.

Ayon kay Eleanor de Guzman, tagapangulo ng Anakbayan, “Alam nating lahat kung bakit desidido si Arroyo na ipatupad ang CEP: para mabawi ang nawalang mga kickback sa NBN.”

5 Responses to “Kahibangang Cyber Education”

  1. Teddy said

    mg bigay nga kau ng negative na maidudulot ng cyber ed…??

  2. elizabeth said

    kung magkakaroon ng telebisyon…masyadong mahal
    atr di kaagad matutugunan

    at syempre

  3. elizabeth said

    parang di makakapag imagine yung mga bata sa binabasa nila..
    at syempre aasa nalang ito hanggang sa masanay

  4. Paula said

    karagdagan lamang po sa mga negatibong epekto nito. Masasayang lamang ang mga gadgets na ito sapagkat hndi lahat ng mga guro ay may sapat na kaalaman na gamitin ito. Sayang na sa pera, at sayang sa panahon.

  5. dee said

    ano ang mga sagot ng pulitiko sa plano ni PGMA???

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: