Muling Paglathala

Mensahe mula sa ‘Salotville’

Posted by mamamahayag on November 20, 2007

Labanan ang demolisyon sa tabing-riles para di maitaboy sa mala-impiyernong relokasyon, ayon sa mga residente ng Southville.



May mensahe ang mga maralitang inilipat ng gobyerno sa Southville (Cabuyao, Laguna) para sa mga kapwa-maralitang pinalalayas sa tabing-riles sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

“Huwag kayo papayag na malipat dito sa Salotville. Impiyerno rito. Gawin ninyo ang lahat para ipaglaban ang karapatan sa disenteng tirahan,” sabi ni Elnora Magtibay, pangulo ng Saligan ng Mamamayan at Tagapagtanggol sa Relokasyon o SMTR.

Si Elnora, dating pangulo ng Samahan ng mga Mamamayan sa Tabing Riles sa Makati, ay lumaban sa demolisyon. Ngayong itinaboy sa lugar na mas malala ang karukhaan at panganib, lumalaban pa rin siya.

Ang Southville ay isa sa mga relokasyon na itinayo ng gobyerno para sa mga maralita sa tabing-riles na apektado ng Northrail-Southrail Linkage Project o proyektong pagmodernisa diumano sa Philippine National Railways. Mahigit 30,000 pamilya na ang pinalayas sa tabing-riles. Patuloy ang demolisyon at tinatayang 80,000 pamilya ang mapapalayas. Sa pangungumbinsi ng mga tauhan ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council) sa mga pamilya na boluntaryong umalis sa tabing-riles, pangako ng maalwang buhay sa relokasyon ang binibitawan.

Pero gutom, sakit, at kamatayan na dulot ng kawalan ng hanapbuhay at maayos na pasilidad ang reyalidad sa Southville na ngayo’y tinitirhan ng 9,653 pamilya, ayon sa grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).

“Nakatira ka nga sa (bahay na) bato, kumakalam naman ang sikmura mo,” sabi ni Lorna Montero, 37, may siyam na anak. Pinalayas sa tabing-riles sa Makati noong Enero ang kanyang pamilya. Panaka-naka lamang makahanap ng trabaho ang kanyang asawang mason.

Namatay noong Setyembre ang isa sa bagong panganak na kambal na lalaki ni Lorna. Tulad ng marami sa mga kamatayan sa lugar, di na nakakaabot sa ospital nang buhay ang pasyente at di naipapaliwanag nang husto ang naging sanhi nito.

Pero madalas na ikinamamatay ng mga bata at matanda ang mga sakit na dengue at diarrhea. Ito ay dahil sa maruming kapaligiran at kontaminadong tubig na dulot ng matagal nang operasyon ng kalapit na dumpsite o tapunan ng basura ng Severino Hain Enterprises Inc. Ipinasara ng HUDCC ang nasabing dumpsite Setyembre noong nakaraang taon.

Gayunpaman, nananatili ang kontaminasyon sa lupa at tubig. Ayon sa pag-aaral ng Ateneo Urban Research Consortium, mayroong non-coliform bacteria ang tubig na iniinom ng mga residente ng Southville.

Napag-alaman din ng PINOY WEEKLY na mayroong bagong bukas na isang-ektaryang dumpsite. Inirereklamo ng mga residente ang masangsang na amoy na nangangapitbahay.

Tinatayang kalahati pa ng mga kabahayan sa Southville ang walang kuryente. Isa na rito ang bahay ng pamilya ni Cecilia Hermosa, 41. Katunayan, nang palayasin sila mula sa tabing-riles sa Cabuyao, hindi pa nakatirik ang bahay na paglilipatan. Nagtiis silang manirahan sa mga karton at tabing nang isang buwan.

Daing ni Cecilia, malayo ang palengke at paaralan sa Southville. Mayroon ngang health center o sentrong pangkalusugan, pero wala naman diumanong gamot. At tulad ng karamihan sa mga lumipat, sa Maynila pa rin ang hanapbuhay ng kanyang asawang drayber ng dyip. Ayon sa ulat noong nakaraang taon ng Centre on Housing Rights and Eviction, grupong nakabase sa Switzerland, may 70 porsiyento ng mga taga-Southville ang bumabalik sa Maynila para maghanapbuhay. Dagdag-pasanin nila ang pamasaheng kumakain ng malaking bahagi ng maliit na kita. “Dito lang ako nakaranas na mag-ulam ng talbos ng kamote o ng toyo lang,” sabi ni Cecilia.

Ang mga di makayanang lumuwas para maghanapbuhay, nagbobote o nangangalahig. May mga ulat ding natanggap ang PINOY WEEKLY na dahil sa desperasyon, may mga babaing napipilitang magbenta ng laman sa halagang P20 hanggang P100.

Iniintindi pa ng mga taga-Southville ang pagbabayad sa bahay at loteng “ibinigay” ng gobyerno. Bagaman sa unang taon ay libre ang paninirahan dito, magsisimula silang magbayad ng P200 kada buwan sa pangalawang taon. Aakyat ito sa P500 kada buwan pagkaraan ng limang taon.

“Kung anong nangyari sa amin sa riles, palagay ko, mangyayari rin sa amin dito. Pagbabayarin kami (ng National Housing Authority), wala naman kaming pinanghahawakang dokumento na mapapasakamay namin ang bahay at lote. Nadenggoy na kami sa riles, pati ba naman dito?” wika ni Elnora.

Kamakailan, naglunsad ang SMTR ng “Lugawan Laban sa Kahirapan” para imulat at pagkaisahin ang mga mamamayan sa Southville. Isang piket din ang kanilang isinagawa, kasama ng Kadamay, para mapuwersa si Alkalde Jun Hemedes ng Cabuyao na harapin sila sa matagal nang hinihinging diyalogo.

“Kung susunod kami sa lahat ng gusto ng gobyerno, baka wala pang 10 taon ay patay na kami lahat. Kasi iyon yata ang gusto nila. Na mabawasan isa-isa ang mga Pilipino kaya dito kami ipinatapon para mamatay,” sabi pa ng lider-maralita.
Mahigpit niyang tagubilin sa mga kapwa-maralitang naiiwan sa tabing-riles: labanan ang demolisyon para mabuhay at maiwasan ang diumano’y “buhay-impiyerno” sa relokasyon.

One Response to “Mensahe mula sa ‘Salotville’”

  1. jessie said

    sana po ay hindi kami bumigay sa laban namin…kami po ay sumulong upang iakda ang tama at makatarungan laban para sa mga tiga-daang bakal na nagbabadya ng malaganap na demolisyon dito sa sampaloc, manila patungong tondo…nawa kami ay masamahan upang mapalakas pa ang aming puwersa…sa kasalukuyan bukod tangi ang LaNGDABA ang siyang lantad na kumakasa sa larangan ng pakikibaka upang mapagtagumpayan ang na huwag danasin ang dinadanas ng ating kapuwa maralita na masahol pa sa hayup kung ituring ng pamahalaang arroyo…at yang noli de castro na yan…sana ay maalala niya na minsan siya ay nakatira sa isang maliit na kuwarto dito sa bustillos katabi ng mga balde ng kaning baboy na kinokolekto ng kayang kasera…nakalimot si kabayan dahil ang kanyang kabayan ngayon ay si uncle sam at dolyares na rin ang kinikita…puhunan nila ang maralita…ganasiya pa rin nila ang maralita kaya ang maralita ay lalong nagiging dalita….kailan kaya maaahon ang anak-dalita sa ganitong uri ng pamamahala…kapag dumami na ang masama…ang maralita ang may kasalanan….

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: