Muling Paglathala

Gusaling nagtatayugan, taumbayang ipinagtatabuyan

Posted by mamamahayag on December 7, 2007

“Nakabubuhay na mga siyudad” ang plano ng gobyernong Arroyo sa Kamaynilaan at iba pang siyudad sa Pilipinas. Pero papaanong magiging nakabubuhay ito kung karamihan sa mga mamamayan ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan?


Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 45
Nobyembre 28, 2007

KASIMBIGAT ng kanyang loob ang hampas ng maso sa dingding ng kanyang sariling bahay na tinitibag ni Primitivo Urbiztondo, kasama ng ilang miyembro ng MMDA (Metro Manila Development Authority).

Kaunti na lang at tuluyan nang magigiba ang naging munting kanlungan mula sa araw, hamog, at ulan. Sa gabing iyon, mararanasan nila ang unang gabi sa kalsada – maliban sa bunso, apat na buwang sanggol na isinilong pansamantala ng isang nagmamalasakit na kapitbahay na nakaligtas sa demolisyon.

Pangatlo at huling araw noong Nobyembre 23 ng “boluntaryong pagdedemolis” sa aabot sa 145 kabahayan sa Purok San Isidro, isang komunidad ng mga maralita sa lupaing pag-aari ng Tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City. Maliliit na tumpok ang ari-arian ng mga maralita na paroo’t parito sa mga guho.

Ang 92 sa kanila, ililikas sa pook-relokasyon sa Towerville, San Jose del Monte, Bulacan. Ang nalalabing 53 na diskuwalipikado sa pabahay ng gobyerno, ihahatid ng MMDA saanmang bahagi ng Kamaynilaan na maaari nilang siksikan. Ang pabaon: P3,000 at isang bag ng mga pagkaing kasya sa tatlong araw, mula kay Mayor Sonny Belmonte ng Quezon City.

“Di ko akalain na ganito ang mangyayari sa amin,” ani Primitivo, 60, na lumuwas mula Leyte noong 2003 dahil sa matinding kahirapan doon.

Sa probinsiya, wala siyang sariling lupa at nakikisaka lamang. Kahirapan din ang dinatnan dito, pero kahit papaano, kumikita ng P200 kada araw sa pana-panahong pagkakarpintero. Sa rurok ng kawalang-katiyakan, naghihimutok ngayon siya sa gobyerno: “Kung kami’y papabalikin sa probinsiya, dapat bigyan din ng hanapbuhay. Eh wala, tiket lang (ang binigay). Ano’ng gagawin namin doon, tutunganga? Kaya nga kami pumunta rito para magtrabaho.”

Ayon kay Ed Berio, tagapangulo ng asosasyon sa purok na may mahigit 700 pamilya, una pa lamang ito sa tatlong serye ng demolisyon. Ang layunin: ang pagpapalawak ng Agham Road para lumuwag ang trapiko sa lagusan mula at patungong Trinoma. Pinakabagong mall ng Ayala ang Trinoma. Magarbo itong pasyalan ng mga may-kaya.

Bahagi ang demolisyon ng pagpapatupad sa grandiyosong “proyektong pangkaunlaran” na Quezon City Central Business District o QCCBD. Sa mas malawig, bahagi ito ng pangkalahatang plano ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo para gawing “moderno” ang mga pasilidad sa bansa. Nang sa gayon maihatid niya ang Pilipinas, sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan sa 2010, sa daan patungo sa pagiging “First World” na bansa.

’Super-bansa’?

Grandiyoso nga ang planong pangkaunlaran ng gobyerno. Sa ilalim ng Medium-Term Public Investment Program, malakihang ginagastusan nito ang pagtatayo ng mga “super-region” o mauunlad na rehiyon at pagtransporma umano sa Luzon patungong “industrial beltway” o sentrong pang-industriya.

Ang hadlang lamang sa tunguhing ito ng gobyerno ay si Primitivo at ang mahigit 30 milyong maralitang lungsod sa buong bansa. Sa kasalukuyan, “ilegal” na nakatira ang 261,717 pamilya sa tinatawag na mapanganib na mga lugar o danger areas, 426,517 pamilya sa mga lupain ng gobyerno, at 299,122 pamilya sa pribadong mga lupain.

Sa National Capital Region, Timog at Hilagang Luzon pa lamang, tinataya na ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) na kalahating milyong maralita ang apektado ng mga “proyektong pangkaunlaran” ng gobyernong Arroyo.

Sa huling dalawang Sona (State of the Nation Address) ni Pangulong Arroyo, ipinaliwanag niya ang layunin ng ganitong plano: pagtatayo ng malalaking proyekto sa imprastruktura at programang modernisasyon na para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. Sa kalaunan, pangako ni Arroyo, darami ang mga trabaho at uunlad ang pambansang ekonomiya.
Pero duda rito ang mga maralita ng Kadamay. Ayon kay Carmen Deunida, pambansang tagapangulo ng Kadamay, “Pagsadlak ito sa bayan sa mas malalang krisis dulot ng oryentasyong pang-eksport at kolonyal na padron ng kalakalan. Tuloy, hindi makapagpaunlad ang Pilipinas ng isang ekonomiyang sa pangunahin ng umaasa sa sarili.”

Patunay dito, ani Deunida, ang pinagmumulan ng pondo ng mga “proyektong pangkaunlaran”. Mapapansin umanong ang pondo ng lahat ng proyektong ito ay utang sa internasyunal na mga institusyong katulad ng WB (World Bank) at ADB (Asian Development Bank), at mauunlad na bansa gaya ng US, Japan, at China. Malalaking kompanya mula sa mga bansang nagpapautang din ang humahawak sa mga kontrata.

Tutustusan, halimbawa, ng P3 Bilyong pautang ng WB ang pagtatayo ng CBD na sasagasa sa tatlong malalaking barangay sa Quezon City (North Triangle, East Triangle, at Veterans Memorial) na tinitirhan ng mga maralitang tulad ni Primitivo.

Tulad ng iba pang CBD, itatayo nito ang naglalakihang mall, call center, condominium, townhouse, at gusaling komersiyal. Sasaklawin ng QCCBD ang mga lupaing kasalukuyang inookupa ng pampublikong mga institusyon (ospital, paaralan, at ahensiya ng gobyerno), komunidad ng mga maralita, at pambansang parke.

Sa uri pa lamang ng itatayong mga imprastruktura, batid nang hindi mga maralita ang makikinabang dito. Paliwanag ni Deunida, “Nais ng dayuhang mga korporasyon (sa mga call center) na kumita nang mas malaki dahil mura ang lakas-paggawa sa Pilipinas ($0.9/oras) at napakalaki ng agwat sa pasahod sa malalaking bansa, tulad ng US ($14/oras). Ipatutupad din ang mga tax holiday na maliit o walang binabayarang buwis ang mga dayuhang mamumuhunan.”

Partikular na sieserbisyuhan ng mga call center, halimbawa, ang Dell, America OnLine, JPMorgan, Siemens, Hong Kong Shanghai Banking Corporation, American Insurance Group, at IBM Daksh.

Isasapribado rin at gagawing sentro ng turismong medikal ang pampublikong mga ospital tulad ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Hospital, Veterans Memorial Hospital at East Avenue Medical Center. Layon ng hakbang na ito tugunan ang pangangailangang medikal ng dayuhang mga pasyente. “I-eetsapuwera nito ang mga pasyenteng walang kakayanang magbayad,” dagdag ni Deunida.

Kahit ang mga mall tulad ng Trinoma, walang ibinibigay na direktang serbisyo sa mga maralita.

Barikada sa Ripada

Samantala, sa mismong loob ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, tatlong buwan nang nakabarikada ang mga maralita. Tinaguriang Ripada (Pook Ricarte, Palaris, at Dagohoy) na matatagpuan sa laylayan ng kampus ang gusto ngayong walisin ng gobyerno para bigyang-daan ang pagpapalawig sa karatig na haywey na C-5 (Circumferential Road-5).
Ilang beses nang tinangka ng MMDA na simulan ang pagsasarbey sa lugar. Subalit bigo silang maisagawa ito dahil sa pagtutol ng mga residente.

Halos kalahating siglo na ang Ripada, isang proyektong pabahay ng UP para sa mga kawani, guro at maintenance personnel at mga estudyanteng nangungupahan.

Noong Setyembre, ginulantang ang mga residente ng balita na idedemolis na ang kanilang mga kabahayan sa bisa ng Presidential Proclamation 1395 ni Pangulong Arroyo. Sa pagdemolis ng mga tahanan, bibigyang daan ang pagpapalapad ng C-5. Ito ang magdurugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway at uugnay sa mga sonang industriyal ng hilaga at silangang Maynila.

Pero ang ikinakagulat ng mga residente, Ripada lang ang sasagasaan. Katapat mismo ng komunidad ang Ayala Heights, isang marangyang subdibisyon na pag-aari, siyempre, ng mga Ayala.

“Noong una, plano ng gobyerno na tapyasan pareho ang bahagi ng Ripada at Ayala,” paliwanag ni Marlon Basilides, lider-kabataan sa Ripada at anak ng isang empleyadong UP. Pero ang nangyari ngayon, buong Ripada na lamang ang sasalantain ng C-5. Mas malaki kasi ang babayaran ng gobyerno sa mga Ayala kahit na golf course nito ang tatamaan.

Walang malinaw na relokasyon para sa apektadong mga residente, ayon sa Save Ripada, organisasyon laban sa demolisyon sa lugar. Diumano’y magtatayo ang gobyerno ng pabahay para sa mga residente ng mga komunidad sa buong UP Diliman. Pero paano magkakasya ang mga residente ng UP sa inilaang 46,563 metro kuwadradong relokasyon ng mga residente ng Ripada?

Wala ring tiwala si Basilides sa pangakong socialized housing. “Kailangan ng maraming rekisito para maging kuwalipikado sa pabahay. Nangangamba rin kaming hindi namin kakayanin ang mga bayarin,” ani Basilides.

Pero palaban ang mga residente. “Hindi kami palilinlang. Sama-sama naming ipaglalaban ang katiyakan sa paninirahan,” ani Basilides.

‘Pinakamalaking paglikas’

May dahilan ang mga residente ng Ripada para maniwalang hindi magiging maayos ang relokasyon nila. Mahabang karanasan kasi ito ng mga maralita. Tulad, halimbawa, ng mga maralitang dating nakatira sa tabing-riles.

Binansagan ng Centre on Housing, Rights and Evictions, internasyunal na ahensiya na nakabase sa Geneva, Switzerland, na “pinakamalaking paglikas ng mga tao sa modernong kasaysayan ng Pilipinas” ang pagpapalayas sa mga maralita sa tabing-riles. Mula 2005, nasa 29,000 pamilya – 22,000 pamilya mula sa Northrail at 7,000 mula sa Southrail – na ang pinalayas sa kanilang mga barung-barong at inilipat sa iba’t ibang lugar.

Sa kabuuan, aabot sa kalahating milyong maralita ang naninirahan sa tabing-riles. Lahat sila, handang isakripisyo ng gobyerno para imodernisa ang Philippine National Railways.

Mahigit 9,500 sa mga pinalayas ang nakatira ngayon Southville sa Cabuyao, Laguna. Dito, inirereklamo ang kawalan ng malinis na tubig at kuryente. Daan-daang residente na ang namamatay rito dahil sa pagtatae, dengue, at iba pang sakit. May 70 porsiyento rin ng mga residente ang bumabalik sa Maynila para maghanapbuhay dahil sa kawalang-trabaho sa lugar. Malayo rin ang mga kabahayan sa eskuwelahan at palengke.

Pareho rin ang mga problemang kinakaharap ng mga maralitasa mga pook-relokasyon na Southville 2 sa Trece Martires, Cavite; Northville sa Marilao at Bocaue Bulacan; at Towerville sa San Jose del Monte, Bulacan.

Gayunman, ipinagmamalaki ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council) na namudmod ito ng P50,000 sa bawat pamilya para makapagtayo ng bahay sa mga pook-relokasyon.

Magbabayad ang mga residente ng P200 kada buwan sa pangalawang taon, na aakyat sa P500 sa susunod na mga taon. Pero kahit sa ganitong presyo, hindi kakayanin ng mga maralitang walang kabuhayan. “Hindi kinakaya ng marami ang buhay dito, kaya inabandona na lamang ang kanilang mga bahay at muling nakikipagsiksikan sa Maynila,” sabi ni Elnora Magtibay, tagapangulo ng Saligan ng Mamamayan at Tagapagtanggol sa Relokasyon sa Southville.

Inuunti-unti ang Tondo

Sa mga daungang-dagat sa Kamaynilaan, masasaksihan din ang kahandaan ng gobyerno na isakripisyo ang mga maralita para sa mas madulas na kalakalan.

Nakalatag sa Port Modernization Program ang plano ng gobyernong Arroyo sa mga daungan. Kasama sa plano ang pag-uugnay sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng sistemang Roro (Roll-on, Roll-off) at pagtatayo ang bago at diumano’y “world class” na mga daungan na isasapribado.

Kasama rin sa plano ang pagpapalayas sa libu-libong maralita na nakatira sa mga komunidad sa tabing-dagat. Sa Manila North Harbor Privatization Program, tinatayang 150,000 katao ang apektado, at 60,000 naman sa Batangas Port Modernization Program o BPMP.

Sa Mabuhay Road 10 sa Manila North Harbor, pinapipirma na ng DSWD (Department of Social Welfare and Development), katuwang na ahensiya ng Philippine Ports Authority sa proyekto, ang mga residente ng waiver. Ayon sa waiver, bawal silang magtayo ng mga istruktura at kasuhan ang DSWD kapag giniba ang kanilang mga tahanan, at tatanggap sila P21,000 na ayuda.

Galit ang mga taga-Tondo. Kilala sa pagiging matapang, ang mga residente rito na nanganganib mapalayas ay nagtatag ng Tondo Foreshoreland People’s Alliance, organisasyon para tutulan ang demolisyon. Layon nitong pagkaisahin ang maralita ng Baseco, Parola, Isla Puting Bato, at Happyland na nanganganib mapalayas dahil sa iba’t ibang “planong pangkaunlaran.”

“Inuunti-unti nila ang pagpapalayas. Lalo na dahil kami’y mga taga-Tondo at alam nilang lalaban kami,” sabi ni Joy Lumawud, pangkalahatang kalihim ng Tondo Foreshoreland People’s Alliance.

Tinatayang 5,000 manggagawa rin sa daungan ang mawawalan ng trabaho kapag ipinatupad ang modernisasyon ng daungan na umano’y gagamit na lamang ng makabagong teknolohiya.

Kontrolado ang negosyo sa daungan ng RII Builders Inc., pag-aari ni Reghis Romero, at International Container Terminal Services Inc., pag-aari ni Enrique Razon. Si Razon ay kilalang malapit na kaibigan ni Unang Ginoo Mike Arroyo. Kasalukuyang nagtatalo sa bidding sa pagpapatakbo ng Manila North Harbor ang dalawang kompanya.

Samantala, sa BPMP, mahigit 57,000 katao mula sa walong barangay sa Batangas ang mapapalayas. Nauna nang pinapalayas ang 1,506 na pamilya sa Brgy. Sta Clara nang unang ipinatupad ang programa noong 1994.

Sa pagpapalawak naman ng Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) na sentrong pang-industriya ng Rehiyong IV, nasa 166,440 maralitang lungsod ang mabibiktima ng demolisyon.

“Iba-iba man ang anyo ng proyekto, iisa lamang ang mukha nito sa maralitang taga-lungsod: demolisyon, gutom at kawalan ng hanapbuhay at matitirhan,” sabi ni Adel Tolentino, pangkalahatang kalihim ng Kadamay sa Timog Katagalugan.

Nakabubuhay na siyudad?
Nagsisimula pa lamang ang pagpapatupad ng mga “planong pangkaunlaran.” Pero sa yugtong ito, idineklara na ni Pangulong Arroyo, sa CA (Cities Alliance) Public Policy Forum sa Maynila noong Nobyembre 7, na “matagumpay na ang pagpapaunlad sa mga siyudad.”

“Nakabubuhay na mga siyudad” ang gustong itaguyod ng CA, pandaigdig na alyansa ng mga bansang pinopondohan ng WB at ADB para umano bawasan o alisin ang kahirapan sa mga siyudad.

Ngunit para kanino kaya nais gawing ”maunlad” at ”nakabubuhay” ng gobyernong Arroyo ang inaambisyong magarbo at modernong mga siyudad? Malinaw sa mga maralita ng Quezon City, Maynila, Timog Katagalugan at iba pang sentrong lugar ng bansa na hindi para sa kanila. Para kay Deunida, walang ibang dapat gawin ang mga maralita kundi lumaban.

Adyenda ng mga maralita
HINDI tutol sa kaunlaran ang mga maralita, ayon sa Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Katunayan, sa pamamagitan ng adyendang ito ng mga maralita makakamit ang kaunlarang ”pakikinabangan ng taumbayan.” 1. Magkaroon ang mga maralita ng tiyak at maayos na paninirahan at hanapbuhay kasama ang isang komprehensibong programang pangkabuhayan.

2. Itigil ang malawakang demolisyon na nagbubunga ng dislokasyon at mas kaaba-abang lagay ng pamumuhay ng maralitang mga pamilya. Hindi mareresolba ang problema sa pabahay ng malaking bilang ng maralitang lungsod kung aalisan sila ng bahay sa pamamagitan ng demolisyon.

3. Isaalang-alang at ipauna ang kagalingan at interes ng mga maralita sa mga komunidad sa pagbubuo at pagpapatupad ng proyektong pangkaunlaran gayundin ang epekto nito sa kalikasan at kapaligiran.

4. Maglunsad ng serye ng konsultasyon sa mga posibleng maapektuhan ng proyekto gayundin sa mga samahan at organisasyong nababahala sa epektong lilikhain ng proyekto. Dito dapat ililinaw ang dalawang mukha ng proyekto (makabubuti at makasasama) at kilalanin ang mga mungkahi at kahilingan ng apektadong mga pamilya at mga samahang mayroong kinalaman sa kanila. Bigyan ng malaking halaga ang negosasyon ng implementor ng proyekto at mga apektadong mga pamilya kabilang ang sangkot na mga organisasyon para maprotektahan ang interes at kagalingan ng huli.

5. Likhain ang isang batas na magbibigay ng proteksiyon sa paninirahan at kabuhayan at magbabawal sa puwersahan at marahas na pagwasak sa mga ito.

6. Ipatupad ang serbisyong pabahay bilang isang serbsiyong pantao at hindi isang negosyong pagkakakitaan at magkakait ng pabahay sa maralitang mga pamilya.

7. Magtayo ng desk para sa mga maralita sa mga barangay, bayan, at lalawigan para sa demokratikong ugnayan ng maralita at ng pamahalaan.

8. Ipagbawal ang matagalang pananatili ng mga militar sa mga komunidad ng maralita. Kondenahin at kasuhan sila sa ligalig/karahasang nilikha nila sa buong komunidad sa bisa ng mga resolusyon at internasyunal na makataong batas.

9. Ipatigil ang hindi makatarungan at hindi kinakailangang pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion). Nagbubunga ito ng malawakan at puwersahang pagpapalikas sa maralita sa kanayunan at nag-aalis ng kanilang kabuhayan na labis na nagpapalala sa kahirapang kanilang dinaranas. Gayundin, inaalis din nito ang karapatan ng mga maralita na makapagsaka sa kanayunan.

10. Bigyan ng katiyakang matatamasa ng mga mamamayan ang pangunahing mga serbisyong panlipunan katulad ng edukasyon at kalusugan at iba pa.

a. Isang programag magbibigay ng pagkakataon sa kabataan na makapag-aral, laluna ang kulang ang kakayahang matustusan ang pag-aaral.
b. Isang programang pangkalusugan para sa maralita. Kabilang ang libre o abot-kayang hospitalisasyon at ang sapat na pondo para sa pagtulong (assistance) para sa mga pasyenteng kulang o walang sapat na pambayad sa pagpapagamot.

2 Responses to “Gusaling nagtatayugan, taumbayang ipinagtatabuyan”

  1. xylene said

    grabe naman ang gobyerno wala na ngang matirhan babaklasin pa ang mga bhay tsktsktsk,,,,,,,,,……. pero tama lang ang ginawa ng gobyerno kasi they dont have permit so i dont know qng cnu tma ang taung byan o ung gobyerno., pero 1 lang alm q dpat sumunod sa batas

  2. christine said

    for me…tama lng ang gnawa nla dhl kng di nla gnawa un di cla aals s mlng lgar o maaari ring di cla m22..kya mga taong mali tamaan k nmn ilugr mo ang gnagaw mo….

    tandaan wlng persoNLAN…

    no 1 s perpect…….

    -cHrIsTiNe b. sAlAr

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: