Muling Paglathala

Pinagmalupitan, pinabayaan

Posted by mamamahayag on January 18, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly

SA PAGTATAPOS ng taon, nakahanap sa wakas si Pangulong Arroyo ng papel ng bida: bilang tagasagip ni Marilou Ranario, OFW (Overseas Filipino Worker) na hinatulan ng bitay sa Kuwait.

Binabaan ni Sheik Sabah Al-ahmad Al-Jaber Al-Sabah, Emir ng Kuwait, ang parusa ni Ranario at naging habambuhay na pagkabilanggo. “Naawa” ang Emir matapos makipag-usap sa kanya si Pangulong Arroyo noong Disyembre 9. Iprinesenta ni Arroyo ang mga sulat ng pagpapatawad ng mga kaanak ng biktima ng krimen diumano ni Marilou.

Pero nasa likod ng pagbibida nito ang matagal na panahong pagpapabaya sa kaso ni Marilou, hanggang umabot sa hatol na bitay.

“Tagumpay ito ng pamilya ni Marilou at ng mga mamamayan dito sa Pilipinas at ibang bansa na nagpursige sa kampanya para sagipin ang kanyang buhay,” sabi ni Maita Santiago, pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

 Apat na taon nang kinakalampag ng Migrante at mga kaanak ni Ranario ang gobyernong Arroyo para asikasuhin ang kaso ni Marilou. Pero simula’t sapul, lumalabas na pinabayaan siya ng gobyerno hangga’t naging kahiya-hiya na ang patuloy na pagbibingi-bingihan sa lumalakas na panawagan para sagipin ang buhay ni Marilou.

Presyur ng kampanya

Guro sa Surigao del Sur si Marilou na mula sa mahirap na pamilya ng mga magsasaka. Tulad ng napakaraming Pilipino, pinangarap niyang matulungan ang mga magulang at maitaguyod ang dalawang anak kung kaya nahikayat na magtrabaho sa Kuwait noong Disyembre 2003.

Hindi nagtagal si Marilou sa unang employer dahil binubugbog siya diumano ng mga kapwa-kasambahay. Namasukan siya kay Najat Mahmoud Faraj Mubarak noong Hulyo 2004. Pero matapos ang ilang buwan, sinabi niya sa employer na gusto na niyang umuwi. Hindi siya pinayagan ng kanyang amo at itinago ang kanyang mga papeles.

Ayon sa kanyang pamilya, tatlong buwang hindi pinakain at sinuwelduhan si Marilou.

Masamang balita ang natanggap ng pamilya Ranario noong Enero 11, 2005. Dagdag pang masamang balita na hindi konsulado ng gobyerno ng Pilipinas kundi mga kasamahang OFW ang nagsabi sa kanilang inaresto si Marilou sa Kuwait at ikinulong sa salang pagpatay diumano sa kanyang amo na sinaksak sa loob ng bahay.

“Hindi talaga kami naniniwalang nagawa niya iyon,” sabi ni Weng, kapatid ni Marilou.

Nahirapan ding maniwala ang pamilya sa sirkumstansiya ng pagkapatay daw ni Marilou kay Mubarak. Ayon sa ulat ng pulisya sa Kuwait, tatlong kutsilyo ang ginamit niya sa pagpatay kay Mubarak. Nakapagtataka din daw na kinayang masaksak nang 38 beses ni  Marilou na may 5’3” na tangkad ang kanyang amo na 5’10” ang taas.

Ayon kay Atty. Claire Padilla,  konsultant ng Migrante, ipinapakita ng mga sirkumstansiyang ito na posibleng ibinintang lamang kay Marilou ang krimen o di kaya’y napilitan siyang gawin ito dahil sa matinding banta sa kanyang buhay.

Dagdag pa ni Padilla, “Dapat agad (na) ipinatingin ng kanyang mga abogado si Marilou sa doktor para nalaman kung minaltrato siya ng kanyang amo. Maaaring gawing depensa sa isang krimen ang pagmamaltrato at kaakibat nitong takot at kapraningan.”

Kuwento ni Marilou sa amang si Rosario, kinuhanan siya ng litrato ng kanyang amo at ipinakilala sa dalawang lalaking hindi niya kilala noong gabi bago ang krimen. Hinala ng Migrante, may balak ang amo na “ibenta” si Marilou sa dalawang lalaki.

Tatlong buwan pa makaraang arestuhin siya noong binigyan si Marilou ng abogado. At dahil sa daing ng mga kaanak sa kalagayan ni Marilou sa kulungan, iniutos ng korte ang pagpapatingin ni Marilou sa doktor noong Hunyo 1, 2005.

Anim na buwan na ito matapos ang pagkamatay. Idineklarang nasa matinong pag-iisip si Marilou.

Pero duda rito ang pamilya Ranario. Sa pagbisita sa kanya ng kanyang mga magulang at kapatid noong Abril 2006, “parang ibang tao” na raw ang nakita nila. “Parang hindi ’yun ’yung ate ko,” sabi ni Weng. Hinala nila, matindi ang trauma ni Marilou at posibleng tinotortyur pa sa loob ng piitan.

Noong Setyembre 28, 2005, hinatulan ng parusang kamatayan si Marilou ni Judge Saleh Al-Houty ng Court of First Instance ng Criminal Circuit Court ng Kuwait. Disyembre na nalaman ito ng pamilya Ranario nang tumawag si Rosario sa DFA (Department of Foreign Affairs). Hindi pa binigyan ng ahensiya ang pamilya ng kopya ng apela.

Pinaigting ng Migrante ang kampanya para sa pagpapalaya kay Marilou. Dahil sa malawakang pag-iingay, nahikayat si Bise- Presidente Noli de Castro, tagapayo ng pangulo sa usaping OFW, na pumunta sa Kuwait para humingi sa wakas ng mga sulat ng pagpapatawad mula sa mga kaanak ni Mubarak.

Noong Pebrero 17, kinatigan ng CA (Court of Appeals) ng Kuwait ang desisyon ng mababang korte. Pero parehong huwes ang nagdesisyon.

Idinaing ito ng Migrante, pero hindi pa rin napakinggan ng konsulado at ng mga abogado ni Marilou. “Dapat tinutulan ito at humiling ng ibang huwes ang mga abogado ni Marilou,” sabi ni Santiago.

Noong Nobyembre 27, pagkauwi sa bansa, buong pagmamalaking idineklara ni De Castro na may 70 porsiyentong tsansa na mabaligtad ang hatol dahil sa pagpapatawad ng kaanak ni Mubarak. Napahiya si De Castro.

Sa kabila ng mga desisyon, pinaigting ng Migrante ang kampanya. Ilang beses itong nagpiket at nakipagdiyalogo sa DFA. Itinayo ng mga tagasuporta ni Marilou ang Save Marilou Ranario Movement. Inikot ang isang petisyon na nakakalap ng 20,000 pirma mula sa iba’t ibang komunidad at 2,000 naman mula sa Internet.

 At ngayong idineklarang hindi na bibitayin si Marilou, nagdiwang ang Migrante at ang mga kaanak. Pero hindi umano ito sapat. “Hindi kami titigil hangga’t hindi nakakasama ni Marilou ang kanyang pamilya,” giit ni Santiago.

Tortyur sa Saudi Arabia

Samantala, habang nagdiriwang ang Malakanyang sa balitang hindi na bibitayin si Marilou, nasa bingit pa rin ng kamatayan ang 26 pang OFW na nakatakdang bitayin.

Kabilang dito ang magkapatid na sina Edison at Rolando Gonzales at si Eduardo Arcilla. Hinatulan ang tatlo ng bitay noong Hulyo 23, 2007 ng Jeddah Grand Court sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay diumano sa mga Pilipino na sina Reno Lumbang, Jeremias Bucod, at Dante Rivero.

Inaresto sila noong Abril 2006. Sa kamay ng awtoridad, ginulpi diumano ang tatlo. Inamin nina Rolando at Eduardo na napilitan silang pumirma ng huwad na mga pag-amin at testimonya dahil sa matinding tortyur.

Kuwento ni Rolando sa Migrante, “Pinagpapalo, pinagsasampal ako hanggang sa dumugo itong ilong ko at saka ‘yung tenga ko, nabingi… Sinabit ako sa mga pintuan na naka-posas… Tuwing umaga nakatayo ako at nakapiring. Kapag umupo ako, tatadyakan ako ng pulis.”

Matapos ang pitong araw ng pagpapahirap, tumalon mula sa ikatlong palapag ng piitan si Arcilla. “Nagdilim na ’yung paningin ko. Talagang hindi ko na kaya ’yung parusa,” aniya. Nabalian siya ng tadyang at naospital nang tatlong buwan.

Sa loob ng 11 buwan, natulog sila sa semento nang walang sapin. Wala rin silang komunikasyon sa kanilang mga kaanak. Nalaman lamang ng pamilya Gonzales ang kanilang kalagayan nang makapagpuslit si Edison ng mensahe na nakasulat sa tissue paper at ipinakiusap sa isang Pilipino na ipadala sa Pilipinas.

Hinaing ni Edison, hindi sila tinulungan ng konsulado. “Siya pa mismo ang nagbibigay ng maling impormasyon sa ibang tao. Hindi niya tinanong ang side namin. Kaagad siyang naghusga na kami ang gumawa ng krimen,” aniya.

Hanggang ngayon, wala pa ring abogado ang tatlo. Sinabihan pa umano ni Atty. Ruel Garcia, welfare officer ng DFA, ang pamilya ng mga OFW na kailangang sila ang mangalap ng pondo para sa abogado.

Bigo ang pamilya Gonzales na maaksiyunan ang kasong inilapit sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno – mula lokal na gobyerno ng Pampanga, DFA, Philippine Overseas Employment Adminsitration, Overseas Workers Welfare Administration, at Malakanyang. Noong nakaraang linggo lamang, hindi hinarap ni De Castro ang pamilya Gonzales nang magtungo ang huli sa tanggapan ng Bise Presidente.

“Hanggang salita lang ang gobyerno. May Pangulo nga pero wala namang ginagawa. Maghintay daw kami, pero hanggang kailan? Hanggang mamatay na lang ang mga kapatid ko?” himutok ni Edna, kapatid nina Edison at Rolando.

Bago naaresto, uuwi dapat si Edison para tulungan si Edna, isa ring OFW sa Qatar, para magtayo ng negosyo. May 23 taon nang civil engineer si Edison sa Saudi Arabia. Si Rolando naman, pitong buwan pa lang nagtatrabaho doon bilang mekaniko. Apat na anak ang iniwan ni Rolando.

“Sinasabihan kami ng mga taga-DFA na huwag na raw humarap sa midya kasi ginagawa na raw nila ang lahat. Pero hindi kami matatahimik hanggang di sila nakakalaya lalo dahil biktima lang sila ng frame-up,” dagdag ni Edna.

Iba pang kaso

Nakabinbin din sa Supreme Judicial Council ng Saudi Arabia ang parusang bitay sa OFW na si Rodelio Lanuza. Hinatulan siya noong Mayo 27, 2002 dahil napatay daw niya sa saksak ang isang kasamahan sa trabaho na umano’y tinangka siyang gahasain. Hindi tinanggap ng korte ang depensa ni Lanuza na ginawa niya ang krimen para depensahan ang kanyang sarili.

“Handa akong gumulong ang aking ulo sa ibang bansa. Pero dapat managot si Pangulong Arroyo sa pagpapabaya sa aking kaso at sa iba pang mga OFW sa piitan,” sabi ni Lanuza sa isang e-mail sa Migrante.

Nakabinbin naman sa Kuwaiti Criminal Court ang parusang bitay na iginawad ng mababang korte sa kasambahay na si May Vecina noong Hulyo 24. Inaresto siya noong Enero 6, 2007 dahil sa umano’y pagpatay sa 6-anyos na anak at tangkang pagpatay sa dalawa pang anak ng kanyang amo. Ayon sa mga ulat, naging marahas si Vecina matapos insultuhin ng pamilya ng kanyang amo. Matapos ang insidente, tumalon siya mula sa ikalawang palapag ng bahay.

 Sina Idan Tejano at Noraisa Mabanding, nakakulong simula noong Mayo 22, 2001 para sa pagpatay diumano sa amo at pagnakaw ng mga alahas nito.

Kalinga at trabaho

Hindi si Marilou ang huling OFW na kakailanganing sagipin mula sa parusang bitay sa ibang bansa, sabi ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan. “Dapat tigilan na ng gobyerno ang pagtutulak sa mga Pilipino na mangibang-bansa. Sa halip, lumikha na lamang ng mga trabaho na may disenteng sahod,” aniya.

May mahigit siyam na milyong OFW sa buong mundo. Umaabot na sa $14 Bilyon ang naireremit ng mga migranteng Pilipino ngayong taon. Tinuturing silang “bagong bayani” ng gobyernong Arroyo dahil sinasalba ng kanilang mga remitans ang naghihikahos na lokal na ekonomiya ng bansa.

Ayon pa sa Migrante, dapat magkaroon ng komprehensibong mga hakbang ang gobyernong Arroyo para lutasin ang mga problema ng pang-aapi at pang-aabuso sa mga OFW.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga kasunduang baylateral ng Pilipinas at mga bansang tumatanggap ng mga OFW para pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga migrante.

“Ipinapakita ng kaso ni Marilou ang mabigat na kabayarang sosyal ng polisya sa pag-eksport sa paggawa. Pinatitingkad nito ang kriminal na kapabayaan ng gobyernong Arroyo sa mga migranteng Pilipino,” ani Santiago.

Ang kapatid ni Marilou na si Weng, gusto rin sanang mangibang-bansa bago ang sinapit ng kanyang ate na nasalba ang buhay pero patuloy namang nakapiit. Aniya, “Ang dami naming mga pangarap. Nadurog ang kanya sa ibang bansa. Kaya dito na lang ako, nakakatakot na. Kasi doon, kakampi mo lang ang sarili mo. At kung kailan kailangan mo, iiwanan ka pa ng gobyerno.”

Natulak na magtrabaho sa ibayong dagat sina Marilou, Edison, Rolando, Eduardo at iba pa, dahil sa kawalan ng sapat na kabuhayan sa bansa. Ngayong nasa bingit ng kamatayan, hinihiling lamang nila na huwag silang kalimutan ng gobyernong Arroyo habang nagpapabida ito.

Nasalba si Marilou, pero marami ang hindi pinalad

Sa kasalukuyan, limang OFW (Overseas Filipino Worker) na ang ginawaran ng parusang kamatayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Nitong Hunyo 13, pinugutan ng ulo si Reynaldo Cortez, isang technician sa Saudi Arabia. Pinatay ni Cortez ang isang Pakistani na drayber ng taxi na nagtangkang gasahain siya noong Mayo 2005.

Reklamo ni Cortez, tubong Pampanga, hindi sinipot ng mga representante ng embahada ng Pilipinas ang mga pagdinig sa kanyang kaso. Hinatulan siya ng kamatayan ng Riyadh Grand Court nang hindi tumanggap ng blood money o kabayaran ang pamilya ng biktima.

 

Binitay din sa Saudi Arabia noong Marso 14, 2005 sina Sergio Aldana, Antonio Alveza, Wilredo Bautista, at Miguel Fernandez para sa kasong murder. Hindi rin inasikaso ng konsulado ang kanilang mga kaso, ayon sa Migrante International.

One Response to “Pinagmalupitan, pinabayaan”

  1. ellen grace sanchez said

    walang ginawa ang gobyerno natin sa mga OFW ni hindi nila ito naisalba sa kanilng mga kaso, kaso na hindi nila sinadya dahil pinagtanggil lang nila ang sarili.

    puro pera ang itinatupag ng gobyerno..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: