Muling Paglathala

Sundalong Kano sa Mindanaw: Bangis na ikinubli ng maamong mukha

Posted by mamamahayag on February 3, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano

Enero 30 – Pebrero 5, 2008

Pinoy Weekly, Bol. 7 Isyu 4

NAKAKAPANIBAGO ang katahimikan sa Jolo, Sulu. Mahigit dalawang linggo bago mag-umpisa ang taunang Balikatan, tikom ang bibig ng lokal na mga opisyal ng gobyerno at militar hinggil sa pagdating ng mga tropang Kano. Di tulad noon, hindi nila pinupulong at pinaghahanda ang mga residente, na nakakatanggap lamang ng impormasyon mula sa midya.

Nitong nakaraang mga taon, magarbo’t maingay ang pagdagsa ng mga Amerikano sa daungan at paliparan. Pero habang tumatagal, umiingay at dumarami rin ang mga nagtitipon para iprotesta ang kanilang presensiya. Ngayon, nabalitaan ng mga residente na dadaong at mananatili ang mga tropang Kano sa ikalawang distrito, malayo sa sentro ng probinsiya.

“Parang itinatago nila sa tao ang mga Kano. Para siguro di gaanong mapag-usapan,” sabi sa PINOY WEEKLY ni Temogen “Cocoy” Tulawie, dating konsehal ng Jolo at convenor ng Concerned Citizens of Sulu.

Kapayapaan at kaunlaran?

Nasangkot kamakailan sa kontrobersiya ang mga tropang Kano na nakahimpil sa probinsiya. Noong Nobyembre 30, 2007, ipinasara ang Ospital ng Panamao ng mga sundalong pinangunahan ni M/Sgt. Ron Berg. Binantaan nilang babarilin ang mga doktor at istap na susuway, ayon kay Dr. Silak Lakkian, hepe ng ospital.

Noong una, itinanggi ng mga opisyal ng US ang insidente. Pero humingi rin ng tawad kay Sulu Gob. Abdusakur Tan si Maj. Eric Walker, kumander sa Sulu ng Jsotf (Joint Special Operations Task Force), ang yunit ng mga sundalong Kano na nananatili sa bansa kahit walang Balikatan.

Isa lamang ito sa mahabang listahan ng mga insidente ng pagwawasiwas ng kapangyarihan ng mga tropang Kano at ipinagbabawal na paglahok nila sa mga operasyong militar. (Tingnan ang kaugnay na istorya)

Diumano’y walang ibang hangad ang mga tropang Kano sa Mindanaw kundi kapayapaan at kaunlaran. Tumutulong sila sa AFP (Armed Forces of the Philippines) na lipulin ang bandidong Abu Sayyaf, na iniuugnay sa internasyunal na mga grupo na Al-Qaeda at Jemaah Islamiyah. Nagbibigay sila ng ayudang sibiko at medikal sa mahihirap. Nagpapatayo sila ng mga kalsada, eskuwelahan, paliparan, at daungan.

Pero patuloy na tumitindi ang kahirapan at karahasan sa ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao) at Zamboanga Pensinsula na may pinakamalakas na presensiya ng mga tropang Kano. Lalong natatakot at nagdududa sa mga G.I. Joe ang mga residente – kundi man sila matagal nang galit dahil sa mga atraso, noon at ngayon, ng dating mga kolonisador.

Saksi sa tortyur

Kaiba sa Sulu, ipinagdiriwang pa rin ng lokal na mga opisyal ng gobyerno at AFP sa Basilan ang napipintong pagdating ng mga Amerikano. Noong nakaraang linggo, isang caravan mula Isabela City hanggang Tipu-Tipo ang inilunsad ng pambansang mga ahensiya, AFP at mga tropang Kano. Nanggamot at namigay ng pagkain ang mga sundalo sa mga residente.

Ayon kay Manar Saliddin, tagapangulo ng grupong Jaga (Watch) Basilan Human Rights, “Siyempre dahil mahihirap ang mga tao dito sa probinsiya, tanggap lang sila nang tanggap. Hindi nila nakikita ang paglabag sa kanilang mga karapatan at sa soberanya ng bansa.”

Kabilang ang pamilya ni Saliddin sa Basilan 73, diumano’y inosenteng mga sibilyan na nabiktima sa todo-giyera laban sa Abu Sayyaf noong 2001. Ang kapatid niyang si Abdulmoner, nakapiit sa Kampo Bagong Diwa sa Taguig City.

Naniniwala si Saliddin na sa halip na madurog ang tunay na mga terorista, pinalalala lamang ng pagsasanay ng mga Amerikano ang mga paglabag sa karapatang pantao.

Nobyembre 19, 2007, apat na bahay sa Brgy. Tulay, Tanjung, Jolo ang nireyd ng militar. Dinala sa kampo ng 104th Infantry Brigade ng Philippine Army ang mga residente, kabilang ang mga bata at babae. Dito, tinortyur sila sa harap mismo ng mga sundalong Kano.

“Ikinulong sa isang van nang mahigit 24 oras ang mga lalaki. Binigyan sila ng pala at sinabihang hukayin ang sariling mga libingan. Binigyan din sila ng plastik at sinabihang doon ilagay ang kanilang mga ulo. Isang apat na taong gulang na bata ang tinutukan ng balisong sa leeg at pilit pinaamin kung nasaan ang armas ng kanyang ama,” kuwento ni Tulawie.

Pinkawalan din ng militar ang mga residente nang matiyak na hindi sila ang hinahanap na mga Abu Sayyaf.

Samantala, sinimulan na sa Sulu ang sistemang ID na diumano’y makatutulong sa giyera kontra-terorismo. Dahil di pa inaaprubahan ng Kongreso ang kontrobersiyal na pambansang ID, wala pa ito sa pambansa at lokal na badyet. Hinala ng mga residente, pinopondohan ng US ang sistemang ID sa Sulu.

Naniniwala si Tulawie na madaling maabuso ng mga nasa kapangyarihan ang sistemang ID. Maaaring ipagkait ng mga kapitan ng barangay ang ID sa personal nilang mga kaaway.

Pero ang masama pa rito, pinagsabihan ng militar ang mga kapitan ng barangay na huwag bigyan ng ID ang mga Abu Sayyaf. Natatakot tuloy ang mga kapitan na kung magkakamali sila ng bigay ng ID sa pinaghihinalaan ng mga sundalo na sumusuporta sa Abu Sayyaf, babalikan sila ng mga sundalo.

Kontrol sa Mindanaw

Bukod sa Basilan at Sulu, kabilang din ang Cagayan de Oro City, Lanao del Sur, at Lanao del Norte sa paglulunsaran ng Balikatan sa Pebrero 18, ayon kay Maj. Mitchel Anayron, public affairs officer ng 4th Infantry Division ng Philippine Army. Unang beses gagawin ang ehersisyong militar sa Cagayan de Oro City, pangatlo naman sa dalawang probinsya ng Lanao na pinamumugaran ng MILF (Moro Islamic Liberation Front).

May dahilan para maniwala na ginagamit lamang ng mga tropang Kano ang “giyera kontra terorismo” sa Mindanaw para sa estratehikong kapakanan nito.

Napakahalaga ng Mindanaw sa sinumang puwersang nagpapamalas ng kapangyarihan sa Timog Silangang Asya. Magandang base ito ng armadong mga puwersa para bantayan ang South China Sea at Malacca Straits. Bukod pa siyempre sa balitang nag-uumapaw din ito sa mga likas-yaman – mineral, natural gas, at langis.

Pero pinoproblema ng mga Kano ang presensiya ng MILF at NPA (New People’s Army) na lumalaganap at nagmimistulang tagaprotekta ng mga likas-yaman sa Mindanaw. Natural lamang, gayunman, na masasangkot ang mga tropang Kano hindi lang sa paglaban sa “terorismo,” kundi kahit sa kontra-insurhensiya.

Tutol sa presensiya ng US sa bansa ang NPA at nagsabing manlalaban sila kapag inatake ng mga tropang Kano. Ang MILF naman, gusto lang siguruhing hindi masisindak ang kanilang mga puwersa o babantaan ang kanilang mga pasilidad.

Hindi tutol ang MILF sa pagpasok ng mga ayudang mula US. Katunayan, kaiba sa NPA na tutol sa pagpasok ng mga aid agency na kalimitan umano’y nagsisilbing “prente” ng militar ng US, pabor ang MILF sa ayuda ng USAid (United States Agency for International Development).

Nangako ang gobyernong US na ipagpapatuloy nang lima pang taon ang programang Gem (Growth with Equity in Mindanao) ng USAid na may $145 Milyong pondo.

Pero giit ng MILF, dapat gamitin para sa prosesong pangkapayapaan ang ayudang ito. Kung kaya binatikos nila noong nakaraang taon ang pagbibigay ng Jsotf ng P3.5-M donasyon kay Mayor Celso Lobregat ng Zamboanga City. Kilala si Lobregat na isa sa pinakamasugid na tagasuporta ng mga atakeng militar laban sa MILF.

Layunin ng mga ayudang ito na suyuin ang “puso at isipan” ng mga Moro, pero tila “puso at isipan” lamang ni Lobregat ang nasuyo ng mga Kano. Katunayan, nang bumisita ang dalawang senador ng US at si Kristie Kenney, embahador ng US, ngayong Enero sa Zamboanga City, nag-alok si Lobregat na magtayo ang US ng permanenteng mga base sa siyudad.

Operasyong lihim

Maamo ang mukhang inihaharap ng mga tropang Kano at Jsotf sa mga sibilyan. Noong 2002, naglunsad ang mga Kano ng Operation Smile, isang malaking misyong medikal ng gobyernong US at AFP.

Pero malinaw na sa kabila ng pagpapakitang-tao, seryoso ang gobyerno ng US na- magbuhos ng kanilang mga tropa para ipamalas ang lakas sa rehiyon. Katunayan, ayon kay Raymond Bonner ng New York Times, Operation Smile ang pinakamalaking pagpapadala ng US ng Special Operations Forces, maliban sa Afghanistan, simula nang magpadala sa El Salvador noong dekada ’80. Special Forces ang pinakamabangis na puwersang pandigma ng US.

Hindi rin pangkaraniwang mga sundalo ang Jsotf. Sanay sila sa pag-eespiya at iba pang operasyong lihim. Nakabase sa Camp Navarro sa Zamboanga City, sakop ng kanilang mga operasyon ang buong Mindanaw. Naiuulat ang kanilang bilang mula 100 hanggang 500 sa isang takdang panahon.

Itinatanggi ni Lt. Col. Mark Zimmer, public affairs officer ng Jsotf, na sumasali sa combat ang mga sundalo. Pero hindi makapaniwala si Tulawie na pumunta sa Mindanaw ang pinakamahuhusay na tropang Kano para lamang magkabit ng mga poso – na 90% ng ikinabit sa Jolo ay hindi gumagana, ayon sa mga ulat.

“Siguro pangit ‘yung intensiyon nila kaya ganoon (ang pagkakagawa),” pagmumuni ni Tulawie.

Sikretong alam ng mga mamamayan ng Sulu na mga Kano rin ang nakikinabang sa marami sa imprastrukturang itinatayo nila. Kabilang dito ang ng daungan, paliparan, at kalsada. Pinadudulas ng mga ito ang kanilang paglabas-masok sa bansa, maging sa pinakaliblib na mga lugar.

At patuloy silang makikinabang sa mga ito. Noong nakaraang Nobyembre, tahimik na nagkasundo ang gobyernong US at Pilipinas na pahabain nang lima pang taon ang Mutual Logistics Support Agreement. Pinapayagan ang mga tropang Kano na gamitin ang mga kampo at kagamitang militar saanman sa Pilipinas, at magtayo ng pansamantalang mga istruktura dito.

Samantala, dahil sa malawak na disgusto ng mga mamamayan sa Mindanaw, nakatakda ang dambuhalang mga kilos-protesta sa Davao, Zamboanga, Cotabato, at Cagayan de Oro, sa pagbubukas ng Balikatan.

Hindi na sila madadala sa maamong mukha ng mga sundalong Kano.


Panghihimasok, walang iba

SA TUWING maiuulat, todo-tanggi ang mga opisyal ng US. Pero makailang beses nang naging sentro ng mga imbestigasyon at protesta ang paglahok ng mga sundalong Kano sa pakikidigma at pag-eespiya na labag sa Konstitusyon ng bansa.

Noong Hunyo 2002, iniulat na ng Los Angeles Times na nakipagbarilan ang mga US Marines sa bandidong grupong Abu Sayyaf. Hulyo 27 noong taong iyon, nabaril at nasugatan si Buyung-Buyung Isnijal ng isang sundalong Kano na kinilala ng mga testigo na si Sgt. Reggie Lane. Inaakusahan si Lane na kasali sa operasyong militar sa Tuburan, Basilan.

Noong 2005, nagsumbong ang mga residente na kasama ang mga tropang Kano sa mga operasyong militar laban sa Abu Sayyaf sa Mindanaw. Isang eroplanong P-3 Orion, na ayon sa ulat ng US Congress ay nagbibigay ng suportang paniktik sa AFP (Armed Forces of the Philippines), ang nakitang lumilipad sa lugar.

Nobyembre ng taong iyon, nakita ang mga tropang Kano na kabilang sa mga lumusob sa kampo ni Khaid Ajibon, tagapagsalita sa “Estado ng Sulu”. Kasama umano sila ng AFP sa mga sasakyan. Tumulong silang magbuhat at magpatakbo ng mga kagamitan, mag-alis ng mga landmine, at magtakbo ng mga sugatan. Iprinotesta ito ng mga mamamayan ng Jolo. Inimbestigahan ang insidente ng Committee on Peace and Reconciliation ng Kamara. Kinumpirma ng mga opisyal ng US na naroroon ang kanilang mga tropa sa combat zone pero diumano’y nagkukumpuni lang ang mga ito ng mga tubo.

Pebrero 2006, natagpuan ng mga residenteng Jolo ang isang spy plane ng US. Ayon sa mga opisyal ng US, ginagamit lamang ang eroplano para sa mga humanitarian mission. Pero inamin mismo ni Executive Secretary Eduardo Ermita na gumagamit ang US ng sopistikadong mga gamit-paniktik laban sa Abu Sayyaf. Iniulat din ng Moro Islamic Liberation Front ang natagpuang mga spy plane sa Palembang, Sultan Kudarat at Talayan, Maguindanao.

Noong Agosto 2007, naiulat na nanguna ang mga tropang Kano sa isang convoy ng militar sa Indanan, Sulu. Nilalabanan noon ng AFP ang mga miyembro ng MNLF na nakasagupa sa pagtugis sa ASG.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: