Muling Paglathala

Ibinebentang reseta

Posted by mamamahayag on April 23, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly Bol. 7 Blg. 14

Abril 16 – 22, 2008

Babala sa mga pasyente: Maaaring iniresta ni doktor ang mamahaling gamot na iyan kapalit ang regalo – tulad halimbawa, ng digital camera o iPod – mula sa kompanya ng gamot.

Dalawang taon na ang nakakaraan, naglunsad ng sales program ang isang malaking kompanyang multinasyonal ng gamot. Katumbas ng 10 puntos ang pagreseta ng doktor sa isang brand ng antibiotic para sa isang linggo. Kapag nakaipon ng 100 puntos, reregaluhan ang doktor ng iPod o digital camera.

“Tumaas ang benta ko noong panahong iyon. Araw-araw, tine-text ako ng mga doktor, sinasabi nila kung gaano karaming pasyente na ang gumagamit ng gamot na pino-promote ko,” sabi ni Denise (di tunay na pangalan), dating medical sales representative o med rep para sa nasabing kompanya.

Hindi lang simpleng tagalako ng gamot ang mga med rep. Ang kanilang totoong tungkulin ay “pasayahin ang mga doktor.” Milyun-milyong piso ang ginagastos ng mga kompanya ng gamot para suyuin ang mga doktor – kahit labag sa etika ng propesyon at sa kalaunan, nagdudulot sa pagtaas ng presyo ng gamot at maling pag-inom nito.

Pasyal at pakain
Puno ang lamesa ni Dr. X, isang psychiatrist nang mahigit 30 taon, ng mga litrato niya kasama ng mga med rep na regular na bumibista sa kanyang opisina. “Nakakatawa dahil noong nagbitiw ako sa pagtuturo sa unibersidad, tumigil ang mga med rep sa pag-cover sa akin. Pero nang malaman nilang nakaupo ako noon sa NDC (National Drug Committee), muli nila akong dinumog,” aniya.

Ang NDC, ngayo’y National Formulary Committee, ang gumagawa ng listahan ng esensiyal na mga gamot na maaari lamang i-reimburse sa gobyerno ng pampublikong mga ospital.

Sinasabihan ang mga med rep na iprayotisa, ayon kay Denise, ang maiimpluwensiyang mga doktor gaya ng guro at miyembro ng mahahalagang komite sa ospital at gobyerno; at mga doktor na maraming mga pasyente.

Dalawang linggo matapos matanggap sa trabaho, binigyan ng kompanya si Denise ng bagong kotse. Ginamit niya ito para maghatid ng pagkain sa mga doktor sa kanyang takdang erya. Dahil dito, nagawa umano niyang maiparesta sa mga doktor ang inilalakong gamot sa buong Intensive Care Unit. “Ipinapakita pa nila sa akin na binago nila ang reseta. Malaki ang utang na loob nila sa akin dahil pinapakain ko sila,” paliwanag ni Denise. “Walang katapusang pizza at burger.”
Isa hanggang dalawang beses isang linggo, iginigimik rin niya ang mga medical intern.

Gumagastos ang kanyang opisina ng P20,000 hanggang P30,000 kada gabi. Minsan, nililibre rin ng mga med rep ang ilang mga doktor sa spa, parlor, sinehan, at maging konsiyerto.

Labag sa Code of Pharmaceutical Marketing Practices ng Phap (Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines) ang pagbebenta na walang kinalaman sa pagbibigay ng siyentipikong impormasyon hinggil sa gamot. Ang Phap ay asosasyon ng malalaking dayuhang mga kompanya ng gamot na kumokontrol sa 72 porsiyento ng industriya.

Ayon sa regulasyon nito, dapat ambag sa CME (Continuing Medical Education) o pagpapahusay ng propesyon ang lahat ng aktibidad na iniisponsor ng mga kompanya ng gamot, tulad ng mga lektyur, kurso, kumbensiyon, at kumperensiya.

Pero pamamasyal at pakain lang diumano ang marami sa mga aktibidad na CME, lalo na yaong ginaganap sa ibang bansa. Ginagastusan ito nang malaki ng mga kompanya ng gamot. “Ang nangyayari, may isang araw, actually isang oras lang, para pag-usapan ang gamot. Tapos ang susunod na tatlong araw mamamasyal na. Nagpadala na kami ng mga doktor sa Africa, Europe, Alaska…Yung ibang kompanya nga barka-barkada kung magpadala,” sabi ni Denise.

Inaamin ni Dr. X na nalulungkot siya tuwing ipapadala sa mga kumperensiya sa mga bansa gaya ng Singapore, Hong Kong, at Macau. “Ang oryentasyon kasi ng aking mga kasama, shopping lang. At mayroon pang mga hindi nahihiyang humiling na maisponsor. Kapag hindi sila pinagbigyan ng kompanya, iboboykot nila ang gamot,” aniya.

Ngayon, nagrerenta pa raw ang mga kompanya ng sasakyan para ihatid-isundo ang mga doktor sa airport. “Akala nila, libre talaga ang serbisyo. Hindi nila naiisip na sa kalaunan, nagreresulta ito sa pagtaas ng presyo ng gamot at naaapektuhan ang mga pasyente,” aniya.

Masakit sa bulsa
Inaasahan ng mga kompanya ng gamot na mabawi ang puhunan na ginastos nito sa pagbebenta, ayon kay Dr. Kenneth Hartigan-Go, executive director ng Zuellig Foundation Inc.

Umano’y 11 porsiyento ng presyo ng gamot ay dahil sa gastos sa promotion at advertising. Ibig sabihin, aabot ito sa P5.06 Bilyon ng P46-B tinatayang kabuuang benta ng gamot kada taon.
Binatikos ni Dr. Alberto Romualdez, dating kalihim ng DOH (Department of Health) at tagapangulo ng Medicines Transparency Alliance, ang pagpepresyo ng mga kompanya ng gamot.

Sinasagad umano ang kakayahang bumili ng taumbayan. “Okey lang siguro ito sa mayayamang bansa. Pero malupit ito para sa mahihirap na bansa gaya natin, na mayorya sa mga mamamayan ay hindi nakakabili ng gamot,” aniya.

Wala pa sa 30 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nakakabili ng esensiyal na mga gamot, ayon sa World Health Organization.

Noong 1988, ipinasa ang Philippine Generic Drug Act para isulong ang paggamit ng mura at epektibong mga gamot na walang brand. Pero hindi naging matagumpay ang nasabing batas. Umano’y hindi naglaan ang gobyerno ng atensiyon sa pagpapatupad nito. Hanggang ngayon, wala pang limang porsiyento sa naibebentang gamot ang generic.

Kataka-taka ang natuklasan ni Dr. Antonio Dans, hepe ng Adult Medicine Section ng Department of Internal Medicine ng PGH (Philippine General Hospital) at isang cardiologist. Umano’y mas maraming Pilipinong may sakit sa puso ang gumagamit ng gamot na masakit din sa bulsa – samantalang mayroon namang gamot na mas mura at epektibo.

Noong 1996, inindorso ng Philippine Heart Association at Philippine Society for Hypertension ang beta-blockers. Ito raw ang pinakamahusay na gamot sa sakit sa puso – at nagkakahalaga lang ng P5. Pero sa isang sarbey sa Asya-Pasipiko noong 1997, lumalabas na wala pang 20 porsiyento ng mga pasyente ang gumagamit nito.

Sa kabilang banda, halos kalahati ng mga may sakit sa puso ang gumagamit ng mga gamot na Trimetazidine, L-carnitine, at Coenzyme Q. Nagkakahalaga ang mga ito ng P30 hanggang P50. Isa pa, walang mga random clinical trial na nagpapatunay ng kahusayan ng mga ito noong 1992, taong sumirit ang kanilang gamit.

“Marahil, ang paggamit ng mamahalin at di epektibong gamot ay epekto na ng impluwensiya ng industriya sa mga doktor,” ani Dans.

Relasyong sala-salabid
Ayon sa mga pag-aaral na inilathala ng British Medical Journal, ang pagbisita ng mga med rep ay nagreresulta sa pagreseta ng mamahaling gamot at maagang pagreseta ng bagong mga gamot na di napatutunayan ang husay. Ang mga pasyal, nagreresulta sa apat hanggang 10 beses na pagtaas ng reseta sa gamot ng nag-iisponsor na kompanya. Ang mga iniisponsor na workshop at seminar, nagreresulta sa 21 porsiyentong pagtaas ng di-angkop na pagreseta.

Nakasandig sa pondo mula sa mga kompanya ng gamot ang taunang mga kumbensiyon at iba pang aktibidad ng Philippine Medical Association at mga medical specialty society.

Mismong ang Phap, inaaming hindi para sa CME ang ilang mga aktibidad na inilulunsad ng mga medical society katuwang ang mga kompanya. Sa isang circular noong Pebrero 1, 2006, sinabi ng Ethics Committee na ginaganap ang mga ito sa maluluhong mga lugar gaya ng Boracay; El Nido, Club Paradise, at Pearl Farm Resorts sa Palawan; Bohol; at Tambuli Beach Club at Plantation Bay Resort sa Cebu City.

Ang paglabag sa regulasyon ng Phap ay may katumbas na multa na P50,000 hanggang P300,000.

Pero kuwento ni Dans, pawang “moro-moro” lamang ang proseso ng Ethics Committee na iniwan niya noong 2006 matapos ang dalawang taon. “Irereklamo ni Kompanya A si Kompanya B na magmumulta. Sa susunod na araw, irereklamo ni Kompanya B si Kompanya A sa parehong paglabag at magmumulta rin. Lahat naman yata payag na magmulta dahil maliit lamang ito kumpara sa naibebenta nila.”

Kultura ng pagtanggap
Noong Enero, isang departamento sa isang malaking pribadong ospital sa Quezon City ang nagsagawa ng tatlong araw na post-graduate course na inisponsor ng mga kompanya ng gamot. Malaki ang kinita ng nasabing departamento dahil sa advertising booths na nagkakahalagang P30,000 hanggang P50,000 bawat isa. (Ayon kay Dr. X, sa mga booth gaya nito mahilig tumatambay ang mga doktor kapag may aktibidad dahil sa kung anu-anong mga pamigay).

Sa sobrang tuwa, nagpadala ng sulat sa mga kompanya ang organisador ng aktibidad. Humingi siya ng listahan ng mga gamot na nais nilang ipareseta. “Tuwang-tuwa ’yung mga kompanya…binigyan kami ng listahan ng mga gamot na gusto nilang i-promote, kasama ng isang memorandum na nagsasabing ‘nawa’y makagawian ninyo ito araw-araw.’ Nagulat kami. Maraming nagreklamo. Kaya binawi rin yung memo ng departamento,” kuwento ng doktor na miyembro nito na tumangging magpakilala.

Marami umano sa mga doktor ang tila may “utang na loob” pa sa mga kompanya ng gamot. “May lumalapit sa aking residente, sinasabing ‘Dok, heto na lang ’yung nireseta kong gamot para makabawi naman sa med rep.’ Hindi iyon dapat mangyari. Bukas itong sinasabi, ibig sabihin, sa tingin nila ay walang mali. Sobrang tagal na itong ginagawa, may kultura na ng pagtanggap. Parang korupsiyon sa gobyerno,” ani Dans.

Nagsisimula diumano ang “indoktrinasyon” sa paaralan. Hihingi ang mga estudyante ng maliliit na bagay, tulad ng inumin para sa mga party, mula sa mga kompanya ng gamot. “Uunlad ang ugnayang ito. Kapag naging clerk ka, bibigyan ka na ng mga drug sample. Dadami pa ang mga regalo kapag naging intern ka. Kahit ang ‘magagandang proyekto’ tulad ng mga medical mission, iniisponsor ng kompanya. Kapag naging doktor ka, palaki nang palaki ang suhol,” ayon kay Romualdez, dati ring dekano ng University of the Philippines College of Medicine.

Hanggang sa humantong sa antas-institusyunal ang diumano’y “pagbebenta ng reseta.” Pagsiwalat ni Dans, mayroong mga conference room sa PGH ang inayos ng mga kompanya ng gamot kapalit ng ilang libong reseta. “Papaalalahanan ka na kulang pa ang iyong inireseta at nagagalit na ’yung kompanya,” aniya. Nangyayari rin umano ito sa ibang mga ospital.

Walang regulasyon
Hindi umuubra ang pagbabantay-sa-sarili ng Phap, ayon kay Romualdez. Gobyerno ang may responsabilidad na siguruhing propesyonal ang relasyon ng doktor at kompanya ng gamot.

Kabilang sa repormang iminumungkahi niya ang pagpapalakas sa mga Hospital Therapeutics Committee na dapat nangangasiwa sa pagresta at paglimita sa ugnayan ng med rep at doktor. Dapat rin umanong gastusan ng gobyerno ang edukasyong medikal nang hindi umaasa sa industriya.

Matagal nang ipinagkakait sa pasyenteng Pilipino ang mura at epektibong gamot. Nananatili ang mga balakid hanggang malaya ang dambuhala at dayuhang mga kompanya ng gamot na sairin ang taumbayan, patabain ang sariling mga bulsa, at akitin ang ating mga doktor sa kalansing ng barya.

Cheaper Medicines Bill: ‘Hindi sapat’

Komprehensibong pagbabago sa industriya ng gamot sa Pilipinas ang kailangan, at hindi lang pagpasa ng Cheaper Medicines Bill, pahayag ng Head (Health Alliance for Democracy), organisasyon ng 3,000 doktor at mga propesyunal pangkalusugan.

Para mabilis diumano itong maipasa, idineklara ni Pangulong Arroyo kamakailan na ilalalaglag sa panukalang batas ang “generics only provision” o probisyon na mga generic na gamot lamang ang maaaring ireseta. Naging kontrobersiyal ito matapos umalma ang Philippine Medical Association dahil wala umanong kakayahan ang Bureau of Food and Drugs na siguruhin ang kalidad ng mga generic na gamot.

Ayon kay Dr. Gene Alzona Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, panahon nang buwagin ang monopolyo sa industriya ng dayuhang mga kompanya, na inamin mismo ni Arroyo.
Kahit umano ang mga mambabatas, inaamin na hindi masosolusyunan ng isang batas ang problema sa matataas na presyo ng mga gamot. Mas malala, maaari rin itong maging inutil gaya ng Generics Law, ayon sa grupo.

Layon ng Cheaper Medicines Bill na isabatas ang parallel drug importation o pag-aangkat ng murang gamot at kontrol sa presyo ng gamot sa ilang mga pagkakataon.

Kabilang sa mga pagbabagong iminumungkahi ng Head ang pagpapaunlad ng sariling industriya ng gamot at pagpapatupad ng National Drug Policy. Kaakibat nito ang regulasyon sa lahat ng aspekto, hindi lamang sa presyo.

“Dahil deregularisado ang industriya, hinayaang kumita nang walang pakundangan ang mga kompanya ng gamot kapalit ng buhay natin. Milyun-milyon pa ang magdurusa, magkakasakit, at mamamatay nang di kinakailangan kapag hindi umaksiyon ang gobyernong Arroyo,” ani Nisperos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: