Muling Paglathala

Workers’ Assistance Center: Santuwaryo sa kapitalistang Koreano

Posted by mamamahayag on May 6, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 16
Abril 30 – Mayo 6, 2008

SA lungsod ng Cavite, hinihikayat ng mga taong-simbahan ang mga manggagawa na gawin ang ipinagbabawal.

Bawal kasing mag-unyon sa mga pabrika sa Cavite Export Processing Zone o CEPZ. Bawal ding magwelga. Matagal nang hindi kinikilala ng dayuhang mga kompanya ng garments at electronics ang batayang mga karapatan ng kanilang mga manggagawa. Takot pa ang mga manggagawang igiit ang mga ito.

Hanggang sa mag-usisa ang Most Holy Rosary Parish sa bayan ng Rosario noong 1994. Ang pananaliksik ng programang socio-pastoral ng maliit na parokyang ito, nagbunsod ng pagtatayo ng isang NGO (non-government organization) na Workers’ Assistance Center o WAC.

“Nakita namin sa research na ’yon, grabe ’yung kanilang kaapihan – mababang suweldo, mahabang oras ng trabaho, kulang sa mga benepisyo. Kumbaga, aping-api ang mga manggagawa. Ang nakita naming dahilan, unang-una, hindi nila alam ang kanilang karapatan bilang manggagawa. Hindi sila mulat. Kaya tinulungan namin sila,” sabi ni Fr. Joe Dizon, executive director ng WAC.

Ngayon, isa na ang WAC sa pinakatanyag na mga institusyong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa. Noong Abril, ginawaran ito ng gobyerno ng South Korea ng Tji Hak-Soon Justice and Peace Award para sa maganda nitong rekord ng pagsisilbi sa mga manggagawa, sa mga pabrikang karamiha’y pag-aari ng mga Koreano. “Baka nahiya. Sila na Koreano pa ang gumagawa ng pagpapahirap,” ani Dizon.

Tulong sa pag-uunyon
Simula nang maitayo, may 50 unyon na ang nabuo sa paghikayat at pagsubaybay ng WAC, ayon kay Cecil Tuico, kawani ng organisasyon. Pero marami na rin sa mga unyong ito ang nabuwag dahil sa samu’t saring pamamaraan ng mga kompanya. Pinakapalasak na rito ang pagsasara at muling pagbubukas sa ibang lugar para matanggal sa trabaho ang regular na mga manggagawa at palitan ng mga kontraktuwal.

Muntik nang mabiktima ang 20 manggagawa ng garments sa South Gold na nagsara at muling nagbukas ng operasyon noong 1998. Pero sa tulong-legal ng WAC, naipasok sila sa bagong pabrika, binayaran ng tig-P20,000, at ginawang regular. Isa lamang ito sa matagumpay na mga kaso sa paggawa na hinawakan ng WAC.

Sa kabuuan, mahigit 10,000 manggagawang humarap sa illegal dismissal, delayed na suweldo, sapilitang overtime, hindi pagbibigay ng mga benepisyo, at hindi pagre-remit ng mga kontribusyon sa Social Security System ang natulungan ng organisasyon.

Nagsasagawa rin ang WAC ng pagsasanay at edukasyon sa mga manggagawa. “Siyempre, dapat mapukaw ’yung awareness ng mga manggagawa. Tinalakay namin ’yung tungkol sa batas, kung ano ang puwede mong gawin kung may naranasan ka at tingin mo ito’y hindi na makatarungan,” ani Tuico.

Karaniwang reklamo ng mga manggagawa ang diumano’y pakikipagsabuwatan ng mga kompanya sa Philippine Economic Zone Authority, Department of Labor and Employment, at lokal na gobyerno para madurog ang mga unyon.

Kuwento ni Merly Grafe, taga­pangulo ng Solidarity of Cavite Workers at lider-unyon ng kompanyang Koreano na Phils Jeon Garments Inc., “Noong gabi bago ang araw ng registration ng unyon, binahay-bahay ng local officials ’yung mga manggagawa upang hikayatin silang ’wag sumama sa unyon. Kapag hindi natagpuan ’yung manggagawa mismo, kinakausap ’yung ibang kapamilya na hikayatin ’yung hinahanap nilang manggagawa na huwag sumali sa unyon.”

Sa kabila nito, maraming manggagawa sa CEPZ, sa gabay ng WAC, ang nakapagtatayo ng mga unyon na kanilang pangunahing depensa sa umano’y mapang-aping pagtrato ng dayuhang mga amo.

“Bago ka pumunta ng CR, dadaan ka sa guwardiya para humiram ng susi at ika’y oorasan. Kapag lumampas ka sa limang minuto, pagbalik mo sa produksiyon, may disciplinary action ka na,” sabi ni Grafe.

Kuwento naman ng isang mang­gagawa ng garments sa kompanyang Koreano na Chong Won na tumangging magpakilala, “Nag-umpisa kami sa 2,800 pieces na kota (kada araw) hanggang sa 4,600 pieces ngayon. Kapag naabot mo ’yung kota, dadagdagan yan ng 200-400. Kaya parang makina kung ituring kami. Pinag-aaralan nila kung hanggang saan kami tatagal.”

Dagdag ng kapwa niya mang­gagawa na ayaw ding magpakilala, “Mayroong nangyari sa amin na ’yung cutter namin, nakadkad ang kamay. Dinala siya sa ospital, ginastusan ng manedsment. Ang hindi namin alam, salary deduction pala ’yon…’Yung mga Koreano, madalas nilang bukambibig sa amin, ‘Ang batas ng Pilipinas, may pera ka lang, kaya mong baliktarin’.”

Natulak ang mga manggagawa ng Phils Jeon at Chong Won na magwelga dahil sa pagsalaula sa kanilang karapatang mag-unyon at makipagnegosasyon para sa mas makatarungang mga kondisyon sa paggawa.

Kabilang ang WAC sa mga sumaklolo sa kanila nang ilang beses silang marahas na idinispers ng mga guwardiya ng kompanya at mga elemento ng Philippine National Police noong 2006 hanggang 2007. Isinasadokumento rin nila ang mga pangyayari para makapagsampa ng karampatang mga kaso at maiangat ang isyu sa antas-pambansa at internasyonal.

Umuugnay kasi ang WAC sa iba pang organisasyong tumutulong din sa mga manggagawa ng tinagurian ding mga sweatshop sa ibang mahihirap na bansa na parehas ang mga produktong nililikha sa sa CEPZ. Ito ay kilalang mga brand ng damit – tulad ng Gap, Banana Republic, DKNY, Levi’s, Tommy Hilfiger, Adidas, Nike, Polo, at Guess – na isinusuplay sa mas malalaking kompanyang Amerikano.

Ganting dahas
Pero ang nagkakaisang paglaban, ginagantihan lagi ng dahas. Apat na miyembro na ng WAC ang napabilang sa mahigit 900 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Isa na rito si Obispo Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente, tagapangulo ng organisasyon, na pinaslang noong Oktubre 3, 2006 sa Tarlac. Pinakahuli naman si Gerry Cristobal, lider-unyon ng Yazaki-EMI na pinatay noong Marso 10 sa bayan ng Imus.

Pero patuloy na binibigyan ng santuwaryo ng WAC ang mga manggagawa sa Cavite na walang ibang matatakbuhan kundi ang mga taong-simbahang unang nagbigay sa kanila ng lakas-loob na suwayin ang mga “bawal”.

“Siyempre, mismong mga manggagawa ang kailangang maggiit ng kanilang lehitimong mga karapatan. Nasa kanila ang lahat ng dahilan para lumaban,” pagtatapos ni Dizon.

May ulat nina Vanessa Balana, Dreamlyn C. Cabarles at Bianca Haina Mangente

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: