Muling Paglathala

Archive for the ‘Ekonomiya’ Category

Tamang hirit sa taggipit

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 23
Hunyo 18 – 24, 2008

NANGANGATOG ang tuhod ng mga taga-Malakanyang sa pagharap sa kasalukuyang krisis. Pero hindi dahil nalipasan sila ng gutom – sa huling balita natin, tuluy-tuloy pa rin naman ang catering sa Palasyo. Nangangatog ang tuhod ng mga tambolero ni Pang. Arroyo dahil sa takot. Iba’t ibang pandaigdigang ahensiya na ang nagsalita, mula World Bank hanggang Eurasia Group, hinggil sa posibilidad ng pagbugso ng pag-aalsa ng mga mamamayan kung titindi pa ang pagtaas ng mga presyo.

Pero sa kabila nito, patuloy na itinatanggi ng Palasyo ang tatlong kongkretong hakbang na pinaka-epektibong magbibigay ng kagyat na ginhawa sa taumbayan. Hindi maikakaila ang matinding presyur sa gobyerno ng lokal na mga negosyante at dayuhang mga mamumuhunan na magbingi-bingihan sa mga tatlong hirit na ito.

Lumalabas tuloy na ang pagtugon ng gobyerno sa krisis ay hindi nakatuon sa pagbigay ng kagyat na ginhawa, kundi sa pagrenda ng galit ng taumbayan para di mag-alsa.

Ito ang tatlong hirit ng taumbayang gipit:

1. Itaas ang sahod, P125 across-the-board

Maski bote ng softdrink, bibihira na ngayong matikman ni Armando Arroyo, halos tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Pepsi-Cola Products Philippines Inc. Luho na, para sa kanya, ang sariling produktong nililikha. Sa halip na lumagok nitong paboritong palamig ng mga Pilipino, itatabi na lamang niya ang iilang piso para pambili ng bigas at pamasahe ng mga anak na pinag-aaral.

Kung tutuusin, angat sa karaniwang obrero si Arroyo, presidente ng Pepsi Cola Labor Unity. Umaabot sa P650 kada araw ang kanyang kinikita (P345 hanggang P382 ang minimum na sahod sa National Capital Region). Pero dahil sa tindi ng krisis sa presyo ng batayang mga bilihin, kapos na kapos pa rin ang kanyang sahod para sa pangaraw-araw na gastusin.

Katunayan nito, isa na lamang sa kanyang mga anak ang nagpapatuloy sa kolehiyo. Para makapag-ambag sa pamilya, tumigil na sa pag-aaral ang dalawa at namasukan – isa sa call center, isa sa water station – sa trabahong mas masahol dahil kontraktuwal at walang kaseguruhan.

Hindi sana mangyayari ito, aniya, kung noon pa man dininig na ng gobyerno ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-na-sahod, across-the-board sa buong bansa. “Napakahirap nang kitain ang sahod namin sa walong oras na paggawa, tapos kapag ibinili pa namin, napakaliit ng halaga,” sabi ni Arroyo.

Taong 1999 pa unang ipinanawagan ng KMU (Kilusang Mayo Uno), militanteng sentro ng paggawa, ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod. Pero idinaan ng gobyerno ang kakarampot na pagtaas ng sahod sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board, na nitong Abril, P20 ang itinakda para sa mga manggagawa sa NCR.

Labis na ikinagalit ito ni Arroyo. “Para ka lang binigyan ng kendi…Ngayon, kahit siguro umabot pa sa P1,000 ang sinasahod namin araw-araw, hindi pa rin aangat ang aming kabuhayan. Kakainin lang ito (taas-sahod) ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.”

Nakasalarawan sa mga estadistika ang kanyang sentimyento. Para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may anim na katao sa NCR, P858 kada araw ang kinakailangang kita o living wage, ayon sa National Wages and Productivity Commission o NWPC noong Marso.

Hindi ito mapupunan kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at nakatatamasa ng minimum na sahod. Ayon pa sa Ibon Foundation, sentro ng pananaliksik, mababa sa minimum ang sahod ng mahigit sa kalahati o 58 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa: mula P153 hanggang P287 lamang kada araw.

2. Tanggalin ang VAT

Hindi pa kasama sa komputasyon ng NWPC sa living wage ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bigas, langis, kuryente, at iba pang batayang bilihin at serbisyo sa nakaraang mga buwan. Pumapalo na ang bigas sa P38 hanggang P50 kada kilo. Nagbabantang umabot sa P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kaya kahit pa man tinutulungan si Isabelita dela Cruz, manggagawa at lider-unyon sa Triumph International Philippines, ng kanyang asawang OFW (Overseas Filipino Worker), hindi na sapat ang kinikitang P480 kada araw sa mahigit dalawang dekada sa serbisyo. Tipid na tipid ang kanyang paggastos—sapat lamang para mapakain ang pamilya.

“Dati-rati, nakakadaan pa ako sa groseri para makapag-stock nang isang linggo. Ngayon, araw-araw na akong namamalengke…Tinuturuan ko na rin ang aking mga anak na magkasya sa kung ano lang ang nandiyan ngayon. Bahala na ulit bukas kung papaano,” aniya.

Hindi lamang siya naghihinaing sa gobyernong maganit sa pagtaas ng sahod, kundi maging sa gobyernong walang patid ang pagkubra ng buwis. Tulad ng progresibong mga grupo, naniniwala si Dela Cruz na pinakamabilis at sinserong solusyon sa krisis pang-ekonomiya ang pagtanggal sa 12 porsiyentong VAT (value-added tax).

“Malaking ginhawa ang pagtanggal sa VAT kasi todo-todong paghihigpit ng sinturon na aming ginagawa. Matindi rin ang korapsiyon sa gobyerno. Paano ka magtitiwalang bumabalik sa iyo ang buwis na binabayaran mo?” sabi ni Dela Cruz.

Kung aalisin ang VAT sa mga produktong petrolyo, bababa ang presyo ng krudo at gasolina nang mahigit P4 kada litro, at P60 naman sa bawat tangke ng LPG (liquefied petroleum gas).

Makakatipid naman ang mga konsiyumer ng P1.42 kada kWh (kilowatt hour) kapag tinanggal ang VAT sa kuryente. Katumbas ito ng P206 na kabawasan sa bill sa kuryente ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin

Naniniwala rin si Dela Cruz na kakayanin ng gobyerno, “kung gugustuhin nito,” na ibaba ang presyo ng mga bigas, langis, at kuryente – ibasura lang ang ilang mga batas at patakaran na nagsasapribado sa industriya at nagdederegularisa ng merkado.

Kabilang na rito ang Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act, at importasyon ng bigas.

Para kay Arroyo, iisa lamang ang ibig sabihin ng kabiguan ng gobyerno na itaas ang sahod, tanggalin ang VAT, at kontrolin ang presyo ng mga bilihin. “Hinahayaan ang mga [negosyanteng] dayuhan na igisa tayo sa sariling mantika. Ibinebenta nila ang kanilang mga produkto dito na napakamahal…ang pasahod naman nila, napakababa,” aniya.

Nawawalan na rin ng pasensiya si Dela Cruz. “Ang tagal-tagal na namin iginigiit ’yang P125 dagdag-na-sahod. Namatay na nga ang awtor (ng panukala),” sabi niya, patungkol kay yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran na naghain sa Kongreso ng House Bill 1722.

Hindi na sila umaasang mapagbibigyan nang basta-basta. Alam nilang kailangang ilaban.

Kaya patuloy nilang pinalalakas ang kani-kanilang mga unyon, sumasama sa mga pagkilos, nangangalap ng mga pirma para sa pagtanggal ng VAT, at ipinaliliwanag sa mga kapwa-manggagawa ang krisis pang-ekonomiya.

“Hindi ito simpleng krisis kundi permanenteng krisis, kung hindi tayo mamumulat at tutugon sa lalong madaling panahon,” pagtatapos ni Dela Cruz.

Posted in Ekonomiya, Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Torete sa kuryente

Posted by mamamahayag on May 18, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 – 20, 2008

KAKATWANG ibina-bandera ngayon ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), ang mga salitang “maayos” at “matapat” na pamamalakad. Sa kagustuhan ng gobyernong Arroyo na makontrol ang Meralco (Manila Electric Company), mga kaso ng pandaraya at mismanagement ang iniuumang nito sa pamilya Lopez. Gayong may patung-patong na mga kaso sa Opisina ng Ombudsman si Garcia, kilalang matapat na alyado ng Pangulo, dahil sa diumano’y panggagatas at maling pamamalakad sa GSIS.

“Si Garcia, gustong patakbuhin ang Meralco? Eh ang mga titser nga nagrereklamo sa kanya eh — e-card lang, hindi niya maayos,” sabi sa Pinoy Weekly ni Engr. Ramon Ramirez, convenor ng grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).

Malaking duda, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa basbas ni Pangulong Arroyo sa planong pag-takeover ng GSIS sa Meralco, na namamahagi ng kuryente sa 70% ng Luzon at pag-aari ng isa sa pinakamaimpluwensiyang pamilyang negosyante sa bansa.

Ayon sa Malakanyang, umaabuso ang Meralco kaya’t nagdurusa ang mga konsiyumer ng kuryente. Simula Abril, mahigit 50% ang itinaas ng singil nito.

Kung kaya kailangan daw na mapasakamay ito ng GSIS at ng iba pang kompanya ng gobyerno na may 33% sapi, mula sa mga Lopez na mayroong mayorya o 35% sapi. Sinimulan na rin ng Joint Power Commission o Powercom ng Kongreso na imbestigahan ang singil ng Meralco.

Pinamumunuan ang komisyon ng anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo at kaalyado ng Malakanyang na si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Pero maraming naniniwalang walang kinalaman sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng publiko ang pag-atake ng gobyernong Arroyo sa Meralco.

“Alin lang ’yan sa dalawa – galit sa ABS-CBN [dahil sa] coverage sa mga eskandalo o di kaya, purong kasakiman,” sabi sa Pinoy Weekly ng political analyst at kolumnistang si William Esposo. Ang mga Lopez ang may-ari sa ABS-CBN, isa sa pinakamalaking network pangtelebisyon sa bansa, na nagpapalabas nang live sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa mga anomalyang kinakasangkutan ng Pangulo, mula “Hello Garci” hanggang NBN-ZTE.

Hindi malayo ang sapantaha ni Esposo at iba pang tutol sa pag-takeover – mula oposisyonistang mga senador, kinatawan ng progresibong mga party-list, at mga grupong pangkonsiyumer gaya ng Power. Magkatuwang na panggigipit sa midya at pagdaloy ng limpak-limpak na kita sa kamay ng mga kroni ng Pangulo ang dahilan ng unang takeover ng gobyerno sa Meralco noong batas militar. At sa bansang ito, ‘ika nga, malimit maulit ang kasaysayan.

Garcia ngayon, Romualdez noon
Kung si Garcia, diumano’y tumulong lumikom ng pondo para sa kampanya ni Arroyo noong 2004, ang inaasahang makipagbuno sa mga Lopez ngayon, si Benjamin “Kokoy” Romualdez, kapatid ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, ang nagtagumpay noon. Sinasabing paboritong bayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Romualdez, na tumulong diumano sa pagluto ng resulta ng Constitutional Convention noong 1971.

Nang ideklara ang batas militar, itinayo ni Romualdez ang Philippine Journalists Inc. para makapaglabas ng mga pahayagang pabor sa administrasyon at kontrolin ang oposisyonistang Manila Chronicle, na pag-aari ng mga Lopez. Pagkatapos, Meralco naman ang pinuntirya. Pinuwersa niya si Eugenio Lopez Sr. na ilipat ang sapi ng kanyang pamilya sa Meralco Securities Corp. o MSC sa Meralco Foundation, na itinayo ni Romualdez.

Para magawa ito, ginipit si Lopez Sr. ng gobyernong Marcos – ibinaba sa 20.9% ang 36.5% dagdag-singil, dahilan para malugi ang kompanya. Direkta ring ipinangako ni Romualdez kay Lopez Sr. bilang kapalit ang pagpapakawala ng anak nitong si Eugenio Jr., na ikinulong sa bintang ng tangkang pagpatay kay Marcos kasama ng iba pang mamamahayag.

Noong Nobyembre 19, 1973, pinirmahan ni Lopez Sr. ang Stock Purchase Agreement na naglipat ng lahat ng sapi ng mga Lopez patungo sa Meralco Foundation, sa mababang halagang $1,500. Dapat, babayaran ang mga Lopez ng karagdagang $6 Milyon sa susunod na mga taon, pero sinadya ni Romualdez na lagyan ng butas ang kasunduan – nakadepende lamang sa cash flows o pasok ng pera ang pagbayad sa mga Lopez — kaya madali itong nalusutan. Wala nang naibayad pa ang kroni ni Marcos.

Sa halip, Meralco pa ang gumastos para sa marangyang birthday party ni Imelda noong 1974. Ginamit ang tauhan, kantina, at mamahaling silverware at china, na inilipad pa mula Maynila patungong Leyte, ng kompanya. Sa susunod na taon, isang nine-seater na jet na may halagang mahigit isang milyong dolyar ang binili ni Romualdez gamit ang pondo ng kompanya.

Ikinarga sa singil sa mga konsiyumer ng kuryente ang lahat ng ito. Itinaas ng Meralco nang 100% ang singil sa kuryente simula nang maupo si Romualdez, at nagpatuloy ang pagtaas ng singil sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.

Para tuluyang mapasakamay ang Meralco, pinalitan ni Romualdez ng pangalan ang MSC at ginawang First Philippine Holdings Corp. o FPHC at saka ibinenta sa Meralco Foundation. Ibinenta naman ng kompanya sa Napocor (National Power Corporation) ang planta nito noong 1978 sa sinasabing overpriced na presyong $217.2-M, na ikinalugi ng gobyerno.

Nabawi lamang ng mga Lopez ang kompanya kay Romualdez nang mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Para magmukhang bida?
Simula noon, nanatili na sa pribadong kamay ang pagpapatakbo ng Meralco. Sinimulan na ring isapribado ang buong industriya ng enerhiya sa panahon ng administrasyong Aquino para solusyonan diumano ang malawakang mga blackout noong dekada ’80.

Sa dikta ng International Monetary Fund, World Bank, at Asian Development Bank, internasyonal na mga institusyong inuutangan ng bansa, inumpisahan ang pagsasapribado ng Napocor. Itinulak ng gobyerno ang pribadong mga kompanya, karamiha’y pag-aari ng mga dayuhan, na magtayo at magpatakbo ng mga planta sa bansa.

Para makapangutang, isa sa mga unang inatupag ni Pangulong Arroyo ang pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng enerhiya. Ipinasa niya noong 2001 ang Epira (Electric Power Industry Reform Act), sa kabila ng malawak na oposisyon. Dinagdagan ng Epira ang insentibo at kalayaan ng pribadong sektor na pasukin, kontrolin at manipulahin ang industriya ng enerhiya, at ipasa ang mga gastos sa mga konsiyumer nang halos walang pakikialam ng gobyerno.

Kinumpirma mismo ni Sek. Angelo Reyes ng DoE (Department of Energy) sa Pinoy Weekly kamakailan, na walang pag-atras sa pribatisasyon ng industriya ng kuryente. “Kailangan ’yan para matupad ’yung Epira,” aniya.

Kaya bukod sa posibleng panggigipit sa mga Lopez at interes na gatasan ang Meralco, desperado rin umano si Pangulong Arroyo na magmukhang isinasalba ang mga konsiyumer sa gitna ng di-maampat na pagsirit ng presyo ng bigas, pagkain, langis, at batayang mga bilihin na nagpapababa lalo sa sadsad nang popularidad ng administrasyon.

Para kay Ramirez, “Isa itong isyung pampulitika. Mataas ang implasyon, nagkaroon ng rice crisis, at tumaas din ang singil sa kuryente. Sa pagpapalabas na gusto nilang i-takeover ang Meralco, parang lumalabas na gusto nilang tulungan ang mga mamamayan. Sa tingin siguro ni Arroyo, malilihis ang atensiyon natin doon sa iba pang pagtaas (ng presyo). At lumalabas na sila pa ang bida.”

Kung sinsero ang Pangulo
Simple lamang ang mga solusyon kung sinsero si Pangulong Arroyo na ibaba ang singil sa kuryente, ayon sa Power. Pinakamabilis at direkta na ang pagtanggal sa 12% Vat (value-added tax) na ipinataw rito ng gobyerno.

Sa pag-aaral ng grupo, makatitipid ng P206 kada buwan ang mga konsiyumer na kumokonsumo ng 200 kWh (kilowatt hour) kada buwan, at P470 naman ang mga kumokonsumo ng 300 kWh kada buwan, kapag inalis ang Vat sa distribusyon. Kapag inalis naman ang Vat maging sa singil sa generation at transmission, makatitipid ang mga konsiyumer ng tinatayang 70.6 sentimos kada kWh.

Maaari ring alisin ang singil sa systems loss na tinatayang 9.5% ng bill sa kuryente. Sa ilalim ng Republic Act 7882 o Anti-Pilferage Act, pinapayagan ang mga kompanya ng enerhiya na ipasa sa mga konsiyumer ang mga “nawawalang enerhiya” sa mga dahilang teknikal at di-teknikal (tulad ng pagnanakaw).

Ani Ramirez, sinasagot dapat ang gastos na ito ng mga kompanya, hindi ng mga konsiyumer. Dapat umanong ipag-utos ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na pawalang-bisa ang RA 7882—tutal, anak naman niya ang namumuno sa kinauukulang komite sa Kongreso.

Nagbabalak ang Department of Trade and Industry na hilingin sa Energy Regulatory Commission na pagbawalan ang Meralco na ipasa sa mga konsiyumer ang gastos sa systems loss, pero hanggang ngayon, hindi pa ito nagsusumite ng pormal na petisyon.

Maaari ring bumaba nang halos kalahati ang singil sa kuryente kung rerepasuhin ng gobyernong Arroyo ang matagal nang kinukunsinting madadayang kontrata ng Napocor at mga kompanya ng distribusyon gaya ng Meralco sa mga IPP (independent power producer), ayon pa sa Power.

Sa take-or-pay provision sa mga kontrata ng IPP, pinapayagan ang mga ito na maningil para sa enerhiya na hindi naman nilikha pero hindi naman nagamit. Bilyun-bilyong piso ang kinita ng mga IPP gaya ng Mirant Philippines at First Gas Power Corporation dahil dito, ayon sa imbestigasyon ng Inter-Agency Review Committee na pinangunahan ni dating Sek. Jose Isidro Camacho ng Department of Finance noong 2002.

Pero wala ni isang kontrata sa mga IPP ang binabago, hanggang ngayon. Tinatayang 10 hanggang 40% lamang ng enerhiyang sinisingil ng mga IPP ang nagagamit. Taun-taon, mahigit P500-B ang ibinabayad ng Napocor sa mga ito – na siya namang ipinapasa nito sa konsiyumer.

Pagsasabansa ng industriya
Pagbasura sa Epira at pagsasabansa pa rin ng industriya ng enerhiya ang nakikita ng mga kritiko na pangmatagalang solusyon sa mataas na singil sa kuryente sa bansa – isa sa pinakamataas sa Asya at maging sa buong mundo.

“Dapat ang industriya ng enerhiya, hawak ng taumbayan sa pamamagitan ng kanyang gobyerno. Pero may kondisyon ’yan – na matino ang gobyerno at tunay na naglilingkod sa mga mamamayan. Kasi kung hawak ito ng mga lider na pansariling interes ang habol, nakaabang lang ’yung mga kroni nila at para pa ring nasa pribadong mga kamay (kung sakaling magtagumpay ang pag-takeover),” ani Ramirez.

Sa Mayo 27, magpupulong ang mga shareholder ng Meralco. Inaasahang magtutuos ang GSIS at mga Lopez. Walang katiyakan kung, tulad ni Romualdez, mapapasakamay ni Garcia ang isa sa mga pinakamalakas kumitang kompanya sa bansa (P655-M noong unang kuwarto ng taon). O kung mawawalan na ito ng interes matapos magisa nang husto ang Meralco sa mga pagdinig sa Kongreso, umatras ang ABS-CBN sa kritikal na pamamahayag, at magmukhang tagapagtanggol ng sambayanan ang Pangulo.

Ang malinaw, mga negosyante man o gobyerno ang gagawa, patuloy na gagatasan ang mga konsiyumer hanggang pamumulitika ang inuuna, sa halip na tunay na reporma.

May ulat ni Mikas Matsuzawa

Ang dapat ipaliwanag ng Napocor

Sa paniningil na halos “pangunguryente” na rin, hindi lamang ang Meralco (Manila Electric Company) ng pamilya Lopez ang dapat magpaliwanag. Maging ang Napocor (National Power Corporation) ng gobyerno, malaki ang pananagutan sa publiko.Nitong Mayo 7, kinastigo ng Energy Regulatory Commission ang Napocor dahil naningil ito ng Generation Rate Adjustment Mechanism at Incremental Currency Exchange Rate nang hindi inaaprubahan ng ahensiya.

Mula Hulyo 2006 hanggang Marso 2008, umabot sa P10 Bilyon o 20 sentimos kada kWh (kilowatt hour) ang siningil nang labis ng kompanya.

Huli lamang ito sa mahabang listahan ng mga anomalya at pagmamanipula sa presyo ng Napocor.

Noong Abril hanggang Hunyo 2007, bumili ang Napocor ng P660 Milyong halaga ng diumano’y overpriced na coal para sa pagpapatakbo ng mga fuel generator. Nagsampa ang grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates) ng kaso sa Opisina ng Ombudsman laban dito.
Artipisyal na itinaas din ng Napocor ang presyo ng kuryenteng ibinebenta sa WESM (Wholesale Electricity Spot Market). Itinayo sa bisa ng Epira (Electric Power Industry Reform Act ), layon ng WESM na pababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng kompetisyon.

Pero minanipula diumano lamang ito ng Napocor para kumita ng P9-B noong 2006, na ipinasa naman sa mga konsiyumer. Kinasuhan din ng Power ang Napocor dahil dito.

May 75% ng bill sa kuryente ang nagmumula sa singil sa generation na kontrolado ng Napocor.

Alinsunod pa rin sa Epira, unti-unting isinasapribado ng gobyerno ang kompanya.

Pero paglilinaw ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan,

“Hindi pagmamay-ari sa Napocor ang problema. Ang problema ay nasa mga nagpapatakbo ng Napocor na [parang negosyo] at mga polisiya sa enerhiya. Nais naming manatiling pag-aari ng gobyerno ang Napocor – pero pinatatakbo ng mga opisyal na marunong at tapat.”

Ilang-Ilang Quijano

Posted in Ekonomiya, Pulitika | Leave a Comment »

Krisis sa langis, kalokohan

Posted by mamamahayag on November 27, 2007

Kung gusto talaga ng gobyerno na mapigil ang pagtaas ng presyo ng langis, maraming paraan. Ang kaso, marami pang ibinibigay na dahilan.


Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 44
Nobyembre 22, 2007

PASKO nang gutom ang sambayanan. Aginaldo kasi ng gobyerno ni Pangulong Arroyo, pagtaas ng presyo ng langis.

Nitong Nobyembre 17, itinaas ng mga kompanya ng langis ng P0.50/litro ang presyo ng gasolina at krudo. P1.00/kilo naman ang itinaas ng presyo ng LPG (Liquefied Petroleum Gas). Sa susunod na dalawang linggo, tataas pa ng P1.50/litro ang presyo ng lahat ng produktong petrolyo. Nauna nang itinaas ng P1.00/kada litro ang presyo ng gasolina at P0.50 naman ang presyo ng krudo noong Nobyembre 11 at 12.

Ang palaging dahilan: pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Pumalo nitong buwan sa $99.04/bariles ang gasolina at $108.5/bariles ang krudo sa presyuhan ng Dubai (na pinagbabatayan ng mga kompanya ng langis sa Pilipinas).

Tumaas ang presyo dulot ng mga atakeng militar sa mga imprustrakturang panlangis sa Yemen at Afghanistan; banta ng masamang panahon sa North Sea na umano’y makakaapekto sa suplay ng langis; at papataas na pangangailangan sa langis sa taglamig.

’Pagpapaliwanagin’ ang lokal na mga kompanya ng langis sa ginawang mga pagtaas sa presyo, ayon kay Kal. Angelo Reyes ng DOE (Department of Energy). Tila wala kasing epekto ang paglakas ng piso kontra sa dolyar (lumalaro sa P43=$1) sa lokal na presyo ng inaangkat na langis.

Inamin ni Reyes na walang kapangyarihan ang Malakanyang na pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa deregulasyon ng industriya. Sa halip, iminungkahi ng kalihim ang pagtitipid sa konsumo ng kuryente gaya ng pagbabawas sa paggamit ng dekorasyong ilaw ngayong Pasko.

ODL at ‘kainutilan’

Hindi nakakatawa kundi nakakagalit ang mungkahi ni Reyes na nagpapakita ng kainutilan ng gobyerno, ayon kay Steve Ranjo, pangulo ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide). Sa Nobyembre 26, ikakasa ng Piston at iba pang sektor ang pambansang kilos-protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis.

“Malinaw ang solusyong matagal na naming ipinagsisigawan pero hindi pinapansin: pagbasura sa ODL (Oil Deregulation Law),” sabi ni Ranjo.

Tumaas nang 535% ang presyo ng mga produktong petrolyo simula nang ipatupad ang ODL noong 1995, ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation. Matindi ang pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng rehimeng Arroyo mula noong 2001.

Sa ODL, hindi na kailangang aprubahan pa ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng langis. Naging malaya ang lokal na mga kompanya ng langis na itaas ang presyo ngayong taon nang 16 beses sa gasolina (P9/litro), 13 beses sa krudo (P6.50/litro), at 13 beses sa LPG (P3.36/kilo).

Marami sa mga pagtaas ng presyo ang overpriced batay na rin sa sariling kalkulasyon na ginagamit ng industriya ng langis. Ayon sa Ibon Foundation, mula 2000 hanggang 2007, umabot sa P4.55/litro kada taon ang sobrang singil ng lokal na mga kompanya ng langis.

Tubong-lugaw

Hindi indikasyon ang kalkulasyong ginagamit ng industriya ng langis ng tunay na pandaraya ng dambuhalang mga kompanya ng langis, ayon sa Ibon Foundation.

Sa kalkulasyon ng nasabing think-tank, umaabot sa $52 – $54 sa bawat bariles ng krudong naibebenta ang tubo ng malalaking dayuhang transnasyunal na korporasyon o TNC (transnational corporation) ng langis. Sa presyong $75.42/bariles ng krudo sa Dubai noong Oktubre, ang ginastos lamang para dito ay $3 – $4 sa exploration cost o halaga ng eksplorasyon, $7 – $8 sa production cost o halaga ng produksiyon, at $11 sa royalties o kabayaran sa Opec (Organization of Petroleum Exporting Countries), o $21 – $23.

Sadyang tubong-lugaw ang transfer pricing o artipisyal na pagpapalobo sa presyo ng langis habang dumaraan ito iba’t ibang yunit ng iisang TNC. Sa bawat yugto – mula eksplorasyon, pagdukal, pagbiyahe, pagproseso, pagbiyahe ulit patungo sa mga gasolinahan at pagbenta ng langis – dumaragdag nang dumaragdag ang presyo. Kopo ng TNC ng langis ang lahat ng tubo.

Kontrolado o monopolisado ng limang TNC ng langis ang pandaigdigang industriya. Ito ang kartel ng Exxon Mobil (US), Royal Dutch Shell (UK-The Netherlands), British Petroleum (UK), Chevron (US), at Total (France). Pag-aari ng nasabing mga TNC ang tatlong malalaking lokal na kompanya ng langis na Shell, Petron, at Caltex o tinatawag na Big Three.

Bilyun-bilyong dolyar kada taon ang kita ng mga TNC ng langis. Lumalago pa ito kada taon. Ang Big Three pa lamang, tumaas ang kita nang 133% mula 2003 hanggang 2005 noong kumita ang mga ito ng P11 Trilyon, batay sa datos ng Top 1000 Corporations ng Business World.

Di kulang ang suplay

Pinalolobo pa ng ispekulasyon ang kita ng mga TNC ng langis. Ispekulasyon ang tawag sa pagpepresyo ng langis batay sa iba’t ibang salik na diumano’y makakaapekto sa suplay at pangangailangan sa hinaharap ng langis, na isang “futures commodity.”

Kapag may giyera o napipintong giyera sa mga bansang may reserba ng langis, sinasabi ng mga ispekulador na tataas ang presyo ng langis. Gayundin kapag masama ang panahon at mahirap magdukal ng langis. O kapag tinatantiya ng mga ispekulador na tataas ang pangangailangan sa langis.

May kinalaman din ang halaga ng dolyar sa pagtatakda ng presyo ng langis. Agad na “ihinuhula” ng mga ispekulador ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng US na nagbubunsod din sa pagbaba ng halaga ng pera nito at pagbaba naman ng presyo kapag “nakakabangon” ang US.

Itinatakda ang presyo ng langis sa futures market, merkado na kontrolado ng maliit na grupo ng mga mangangalakal at ispekulador. Ito ay ang IPE (International Petroleum Exchange) at Nymex (New York Mercantile Exchange). Sinasabing “artipisyal” ang pagtaktakda ng IPE at Nymex sa presyo ng langis dahil hindi ito nakabatay sa aktuwal na suplay at pangangailangan.

Kung tutuusin, walang kakulangan sa suplay ng langis. Ayon mismo sa 2007 World Oil Outlook ng Opec, “Sapat ang mga rekurso para matugunan ang pangangailangan sa hinaharap.” Tinataya ng Opec na tataas ang produksiyon nito sa 53 mb/d (milyong bariles kada araw) sa 2010, 38 mb/d sa 2020 at 49 mb/d sa 2030. Sa Opec nagmumula ang 77% ng pandaigdigang suplay ng langis.

“Mahirap paniwalaan na may krisis sa langis. Kung tutuusin, may sobrang suplay pa nga. Lumalabas na ang bagong opensiba ng pagtaas ng presyo ng langis ay paghahabol lamang ng mga TNC ng langis sa supertubo bago magtapos ang taon,” sabi ni Ranjo.

Alternatibo sa deregulasyon

Muling inihain ni Sen. Jamby Madrigal sa ika-14 na Kongreso ang panukalang batas para ibasura ang ODL. Aniya, “Hirap at gutom na ang taumbayan. Paano natin sasabihin sa kanila na magsakripisyo kung ang mga lider ay hindi ginagawa ang lahat para protektahan sila (laban sa pagtaas ng presyo ng langis)?”

May katulad na panukalang batas na magkakatuwang na inihain ng mga kongresista ng progresibong mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela.

Pero ayon kay Ranjo, “Hindi gagalawin ng Kongreso ang nasabing batas hangga’t hindi ito iuutos ng Malakanyang – at malabo ito dahil kapit sa poder si Arroyo. Kinakabig niya ang suporta ng malalaking dayuhang kompanya, kabilang na ang mga TNC ng langis. Kailangang tanggalin siya para mabigyang-daan ang mahahalagang reporma gaya ng pagbabasura sa ODL.”

Inaaral din ng Malakanyang at DOE ang pagpapababa o pag-alis sa taripa ng inangkat na langis para mapababa ang presyo nito. Pero ang panawagan ng Piston, ang 12% E-Vat (Expanded Value-Added Tax) ang dapat alisin sa presyo ng langis. Ang taripa, binabayaran ng lokal na mga kompanya ng langis. Ang E-Vat, binabayaran ng taumbayan.

Kung seryoso umano ang gobyerno na itigil ang pagtaas ng presyo ng langis, maraming alternatibo sa deregulasyon. Kabilang dito ang sentralisadong pagbili ng inaangkat na langis, commodity swap at iba pang di-tradisyunal na kasunduang pangkalakal, buffer fund at suplay para saluhin ang epekto ng biglaan at malakihang pagtaas sa pandaigdigang presyo ng langis, pagbawi sa Petron, at aktibong paglahok ng Estado sa pagrerepina – tungo sa pagsasabansa ng industriya ng langis.

Sabi nga nila, kapag gusto, may paraan; kapag ayaw, maraming dahilan.

Tsuper sa pasahero:
‘Sa gobyerno tayo magalit, wag sa isa’t isa’
HABANG taas nang taas ang presyo ng langis, lagi namang nagkakainisan ang mga tsuper at pasahero. Ang una, dahil lumiliit ang kita at nakaka-engkuwentro pa ng mga pasaherong kulang o ayaw magbayad. Ang huli, dahil wala nang badyet para sa pamasahe at nakaka-engkuwentro pa ng tsuper na ayaw o kulang magsukli.“Pinag-aaway talaga ng gobyerno ang mga mamamayan,” ayon kay Jovito Pulmon, pangulo ng Proqdoa (Project 2-3-Quiapo Drivers and Operators Association)-Piston.

Pahayag ni Jovito, pinaiintindi nila sa kanilang mga pasahero ang kanilang kalagayan tuwing humihingi ng dagdag-pasahe na hindi nila ginusto pero kailangan para mabuhay.

Noong Oktubre, nagsampa sa LTFRB (Land Transport Franchising Regulatory Board) ang Piston ng petisyong P1.00 dagdag sa kasalukuyang P7.50 pamasahe. Ang ibang mga grupong pantransportasyon, P1.50 dagdag-pasahe ang inihaing petisyon.

Pangunahing apektado sa pagtaas ng presyo ng langis ang mga tsuper. Daing nila, P200 hanggang P300 kada araw na lamang ang kinikita nila, mula sa dating P500 hanggang P600.

Hindi pa sumisikat ang araw, namamasada na ang mga tsuper. Bandang alas-otso ng gabi na sila makaka-boundary. Kailangan nilang kumayod pa hanggang alas-10 o alas-12 ng hatinggabi para lamang may maiuwi sa kanilang mga pamilya.

“Kain lang talaga ang pahinga. ’Yung katawan, bumibigay dahil sa sobrang pagmamaneho,” kuwento naman ng tsuper na si Christopher Ladosa.

Gayundin, iniintindi ng mga tsuper ang kalagayan ng kanilang mga pasahero. Lubhang apektado rin ang mga ito sa pagtaas ng presyo ng langis na nagdudulot ng implasyon o pagtaas sa presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo.

“Mahahalata mo naman sa pasahero. Minsan wala ka talagang mapiga. Kapag ganoon, hinahayaan ko na. Maaawa ka rin kasi. Hindi naman tumataas ang sahod at maraming walang trabaho,” sabi ni Edwin Layba, board member ng Proqdoa-Piston.

Kapag tumataas ang presyo ng langis, nawawalan ng ganang magmaneho si Edwin. “Minsan gusto mo na lang bumalik sa probinsiya para makaiwas sa problema ng transportasyon. Pero sa sakahan naman, mahal ang abono. Doon ka naman pagsasamantalahan,” aniya.

Bihasa sina Jovito, Cristopher, at Edwin sa tunay na mga salik sa pagtaas ng presyo ng langis: ang “pagpapakatuta” umano ng gobyernong Arroyo sa mga TNC ng langis na pinapangunahan ng “imperyalistang” US. Ito ang ipinapaliwanag nila sa mga kapwa-tsuper, gayundin sa mga pasaherong handang makinig.

“Sana magkaroon ng mahigpit na pagkakaisa ang lahat ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Dapat ipukol ang galit natin sa gobyerno, hindi sa isa’t isa,” sabi ni Jovito.

Sa malawakang kilos-protesta ng mga tsuper sa Nobyembre 26, sasama ang mga manggagawa, estudyante, kababaihan, at iba pang sektor.

May diskuwento man sa pasahe, apektado pa rin sa pagtaas ng presyo ng langis ang mga estudyante na konsiyumer.

“Kahit ang sinasabi ng gobyerno na pagtitipid sa konsumo ng kuryente, nakakaapekto sa aming pag-aaral,” sabi ni Eleanor de Guzman, tagapangulo ng Anakbayan.

Posted in Ekonomiya | 2 Comments »

Ano ang nabago matapos ang Edsa 1986?: Kumupas na luwalhati

Posted by mamamahayag on February 24, 2007

Noel S. Barcelona/ Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg. 7
Pebrero 23, 2007

“Hindi ba ninyo ipinag-aalala, Ma’am, na ang mga bilyonaryo noong panahon nina Marcos at Ramos ang siya ring mga bilyonaryo ngayon?”

Ito ang tanong ng mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer, si Gil Cabacungan Jr., kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa isang panayam na sinaksihan ng tatlong miyembro ng gabinete, isang opisyal ng International Monetary Fund at iba pa noong Pebrero 9, 2007 sa Malakanyang. Nagpanting ang tainga ni Ma’am, at nagsabing, “Mga pampulitikang tanong iyan, Gil. Salamat. Tapos na (ang interbiyu).” Tumayo si Ma’am at umalis. Ilang sandali pa’y bumalik at hinarap ang nagtanong. Ang sabi naman ay, “Hindi tayo yayaman sa pamamagitan ng paghilang pababa sa mayayaman, kundi sa pamamagitan ng paghilang pataas sa mahihirap… ‘Yan ang sagot ko sa ‘yo.” At umalis na naman si Ma’am.

Mas magagalit si Ma’am Arroyo kung ang tanong ay “Bakit hindi lang nananatiling mahirap ang mahirap, dumarami pa sila?”

At saka, eh ano kung pampulitika ang tanong? Ang punto ay dapat sagutin ang ganoong mga tanong dahil ang binabaybay ng mga iyon ay ang buhay at kamatayan ng taumbayan na hindi mapapakain ng positibong estadistika at mabubunying ulat ng pag-ahon ng ekonomiya.

Pangakong napako

Bakit nga ba, 21 taon matapos ang Pag-aalsa sa Edsa noong 1986 (na tinatawag na People Power, Mapayapang Rebolusyon at iba pa), ang mga nakikinabang sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas ngayon ay kung sino rin ang mga nagkamal ng yaman at kapangyarihan noon?

Totoong hitik sa pangako ng mas mainam na buhay ang pagwawakas ng rehimeng Marcos at pagsalta sa poder ng biyuda ng pinatay na si Ninoy Aquino. Ngunit ang pag-asa ay tila luwalhating kumupas para sa mga gaya ni Aling Rosie, 58, biyuda, taga-Brgy. Tangos, Navotas.

“Hindi naman natupad ang pangakong pag-unlad ng ipinamamaraling bagong tatag na demokrasya. Napatalsik nga si Marcos at tuluyang napalis ang diktadura pero hanggang ngayon, busabos pa rin ang tulad naming maliliit,” aniya sa PINOY WEEKLY habang patuloy sa pagkukusot sa unang batya ng labada.

“Sa iskuwater pa rin kami nakatira. Wala pa ring magandang trabaho at suweldo ang mga anak ko. Siguro, ang mayayaman lamang ang talagang anak ng Diyos,” aniya habang inihahanda ang labadang ibababad niya.

Ipinaalala namin kay Aling Rosie ang sinasabing pag-unlad noong panahon ni Pangulong Ramos bunga ng kanyang kampanyang Philippines 2000.

“Meron ba? Bakit hindi ko naramdaman?” sabi niya, sabay tawa. Noong panahon ni Ramos, nagkaroon ng ekstrang kita ang bansa bunga ng pagbebenta ng ilang pag-aari ng gobyerno at maging deregulasyon sa ilang industriya gaya ng elektrisidad at langis.

“Hay, ang hirap talagang mabuhay ngayon. Maging ang pangakong glorya ni Gloria (Macapagal-Arroyo), naku! Ewan ko ba,” aniya, sabay tawa ulit habang nagsasalin ng tubig sa malaking banyera.

Walang trabaho, walang kita

“Dito lamang sa amin, napakaraming walang trabaho. Sa madaling sabi, istambay,” sabi pa ni Aling Rosie.

Ang hinaing ni Aling Rosie ay pinatutunayan ng pananaliksik ng Eiler (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), isang NGO (non-government organization) na nakatuon sa pananaliksik sa kalagayan ng paggawa sa Pilipinas. Hindi totoo na wala nang krisis ng trabaho sa bansa.

“Kung mayroon mang trabaho, hindi ito nagbibigay ng hustong kita o kaya naman, di-maaasahan,” sabi ng Eiler sa publikasyong internet (Eiler Labor Bulletin, Vol. 3 No. 5, Hunyo 16, 2006). Sa sinasabing paglago ng bilang ng may trabaho noong unang hati ng 2006 (803,000, ayon sa Bles o Bureau of Labor and Employment Statistics), 54.4% nito ang own-account at unpaid family workers. Ibig sabihin, nagtatrabaho lamang sila subalit hindi naman talaga kumikita.

Inayudahan ito ng ulat na inilabas ng Sepo (Senate Economic Planning Office) noong Disyembre 2006. Nasa tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho at patuloy namang dumarami ang underemployed (may mga trabahong di-angkop sa kakayahan) sa bansa. Batay sa datos na nakalap ng Sepo, nasa 20.4% ng kabuuang lakas-paggawa (katumbas ng 20 milyon) sa Pilipinas ang underemployed.

“Lumalago ang unemployment dahil walang bagong trabahong nalilikha. Sa 925,000 na pumapasok sa puwersa ng lakas-paggawa kada taon, 752,750 lamang ang nabibigyan ng trabaho. Lumalabas na walang kakayahan ang mga sektor ng industriya, serbisyo, at agrikultura na mag-empleyo,” paliwanag ni Sonny Africa, punong mananaliksik ng institusyong Ibon. Inc.

Sa industriya, lumago ang sektor ng pinansiya at pagmimina na hindi naman nag-eempleyo ng maraming bilang ng manggagawa. Sa kabilang banda, bagsak ang pagmamanupaktura dahil sa kumpetisyon mula sa murang mga angkat na produkto, ayon pa kay Africa.

Mismong Bles (Bureau of Labor and Employment Statistics) ang nagsabing may 1,627 pabrika o establisimiyento ang nagsara o nagbawas ng manggagawa dahil sa krisis pang-ekonomiya noong 2006 (nangangahulungang 27,935 manggagawa ang nasisante sa kanilang trabaho).

Paliit din nang paliit ang naiaambag ng sektor ng agrikultura sa paglikha ng bagong mga trabaho na sa kasalukuyan, nag-eempleyo ng 12 milyong Pilipino. Kahit pumalo sa 7.0% ang pagtaas ng trabaho sa larangan ng agrikultura noong pangalawang kuwarto ng 2006, 149,000 manggagawa naman ang nawalan ng trabaho.

Ang mga hindi nabigyan ng trabaho sa agrikultura, namamasukan bilang mga manggagawang panserbisyo. Sila ngayon ang bumubuo ng 48.5% ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ang nakalulungkot, mataas ang underemployment, mababa ang produktibidad, at walang kaseguruhan sa trabaho ang mga manggagawang pang-serbisyo, ayon sa Bles.

Samantalang patuloy ang paglaganap ng kawalan at kakapusan sa hanapbuhay, patuloy naman ang pagdausdos ng kalidad ng trabaho at kita sa buong bansa at nananatiling low-skilled at unskilled (mababa o walang kasanayan) ang manggagawang Pilipino, batay sa pag-aaral ng Ibon.

Bagaman lumago ang business outsourcing o mga pangangailangan sa negosyo ng dayuhang mga bansa na dinadala sa Pilipinas katulad ng mga call center, nangangailangan ito ng mataas na kasanayan. Kaya naman dalawang porsiyento lamang ng mga nag-aaplay sa mga call center ang tinatanggap.

Sinabi ni Africa na hanggang walang pagbabago sa mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno na sumisira sa lokal na industriya at agrikultura, hindi magiging salamin ng tunay na pag-unlad ang “paglago” ng ekonomiya.

“Patuloy na tanging makikinabang ang dayuhang mga monopolyo-kapitalista, lokal na elitista, at panginoong-maylupang naghahanap ng pinakamura at pleksibleng lakas-paggawa,” aniya.

Gayundin, natutuklasan ng mga eksperto sa ekonomiya na bigo ang globalisasyon na mabigyang lunas ang kawalang trabaho, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong rehiyon.

Ayon sa 2006 Asia-Pacific Human Development Report ng United Nations, sa kabila ng 10% paglago ng ekonomiya sa Silangang Asya noong dekada ’90, hindi umabot sa sangkatlo ang mga trabahong nalikha sa panahong iyon. Tumataas ang unemployment maging sa mauunlad na bansang Tsina at Singapore.

Kaya hanggang malinaw na dapa sa kahirapan ang mga mamamayan, natural na walang-saysay ang ipinangangalandakan ng gobyernong Arroyo na mga estadistika ng paglago ng ekonomiya. Nananatiling isa sa limang pamilyang Pilipino ang nagugutom, batay sa sarbey ng Social Weather Stations noong huling kuwarto ng 2006.

Kayod nang kayod, walang madukot

Katunayan, sa 2003 Fies (Family Income and Expenditure Survey) na inilabas ng NSO (National Statistics Office) noong 2004, lumilitaw na bumaba ng 4.4% ang kita ng humigit-kumulang 16 Milyong pamilyang Pilipino, kumpara noong taong 2000–panahon ni Pangulong Estrada habang patuloy namang tumaas ang halaga ng gastusin ng isang pamilya para mabuhay.

Ang kasalukuyang P300 arawang sahod ng karaniwang manggagawa ay hindi sasapat kumpara sa kabuuang gastusin para mabuhay (real cost of living) ng isang pamilyang may anim na miyembro na naninirahan sa Kamaynilaan. Batay sa pagtaya ng NSO, nasa P679.50 ang kakailanganin ng isang pamilya sa isang araw para mabuhay nang disente o makatao.

Sinasabi ng Fies na bumaba ng 10.7% ang kabuuang natitipid at naiimpok ng pamilyang Pilipino dahil na rin sa taas ng presyo ng mga bilihin.

Nananatiling mataas ang presyo ng asukal, bigas at iba pang pangunahing produktong kailangan ni Aling Rosie sa kanyang kusina.

Sa talaan ng presyong inilabas ng Bas (Bureau of Agricultural Statistics), ang bigas-NFA (National Food Authority) ay nasa P18.00 kada kilo samantalang ang ordinaryong bigas o hindi well-milled ay P20.41 kada kilo at ang well-milled o magandang klaseng bigas naman ay nasa P22.45 isang kilo sa malalaking palengkeng gaya ng Divisoria.

Biro pa nga niya, kung sa panahon ni Pangulong Cory Aquino ay mura ang galunggong, ngayon naman, mapapamura ka sa mahal ng dating “pambansang ulam ng masa.” Ngayon, nasa P85 na kada kilo ang galunggong o P30 higit na mas mataas kaysa noong 2006.

“Eh hindi naman kami namimili sa Divisoria eh. Dito, ang bigas, pinakamaganda iyong P24.00. Sa lakas naming kumain, kulang ang isang kilo isang araw,” aniya habang tinatapos ang huling binabanlawang damit.

Pilipinas, paano na?

Kung tutuusin, hindi pa naabot ng Pilipinas ang paglago sa GDP na tinarget nito noong 2006. Ang 5.5%, pumalo lamang sa 5.4%. At kahit pa sabihing may paglago, napag-iiwanan pa rin ang Pilipinas ng mga karatig-bansang gaya ng China (10.7%), Vietnam (8.7%), Singapore (7.7%), Malaysia (6.0%), at Indonesia (5.9%).

Nagsasampay na si Aling Rosie nang kami’y magpaalam. Sa loob-loob namin, tama nga ang sinabi ng biyuda.

Nawalang-saysay ang pangako ng Edsa 1986, at ng sumunod pang Edsa. Katunayan, kaya naghihirap ang bayan ay dahil, sa kabila ng pagpapalit-palit ng mga administrasyon, wala namang pundamental na mga pagbabago sa istruktura ng lipunan. Ang lumang relasyon ng pang-aapi at pagsasamantala ay nananatili, kung kaya ang Edsa ng 1986 ay isa na lamang luwalhating kumupas sa paglipas ng panahon.

Posted in Ekonomiya | 4 Comments »