Muling Paglathala

Archive for the ‘Magsasaka at Agrikultura’ Category

Trahedya sa likod ng trahedya

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

AKALA ng mga kaanak ng mga pasahero ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars, hindi na mahihigitan pa ang pighati ng ilang araw na paghihintay ng balita hinggil sa kanilang mga mahal sa buhay, na karamiha’y natatagpuan na bangkay sa dagat o sa mga dalampasigan habang lumilipas ang mga araw.

Pero noong Hunyo 26, sumapaw sa trahedyang sinapit ng 865 pasahero ng Sulpicio Lines ang balita ng isa pang trahedyang posibleng mas malaki. Inanunsiyo ng National Disaster Coordinating Council na kasamang lumubog sa barko ang 10 MT (metro tonelada) ng endosulfan, isang uri ng lubhang nakalalasong kemikal na pestisidyo.

Agad na itinigil ng Philippine Coast Guard ang mga operasyong search and rescue para masiguro ang kaligtasan ng mga maninisid. Ipinagbawal din ang pagbebenta ng isda mula sa dagat ng Romblon habang sinusuri ang mga sample ng tubig para sa lason. Lalong natuliro ang binuong task force para sa trahedya, nagkumahog humingi ng tulong na maiahon nang ligtas mula sa dagat ang kargamento ng endosulfan na pag-aari ng Del Monte Philippines, Inc.

Sa ngayon, pigil-hininga ang lahat. Hindi na lamang ang mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ang may dahilang mag-alala. Maging ang mga mamamayan ng Romblon, ang buong bansa, at ang internasyunal na komunidad, nakaantabay sa matinding pinsala na maaaring idulot ng isang mapanganib na kemikal—na dapat sana’y hindi na ginagamit pa kung naging mas matimbang sa gobyerno, noon pa man, ang interes pampubliko kaysa interes ng negosyo.

Endosulfan, bigong ipagbawal

Nagbabatuhan ng sisi ang Del Monte, Sulipico Lines, at mga ahensiya ng transportasyon hinggil sa pagkahalo ng kargamento ng endosulfan sa isang barkong pampasahero. Malinaw kasi itong ipinagbabawal sa batas na sumasaklaw sa transportasyon ng nakalalasong mga kemikal. Ayon sa Del Monte, inilipat ang kargamento mula sa MV Princess of Paradise nang walang pahintulot.

Idinagdag na rin ng kompanya, wala silang rekord ng pagkapinsalang dulot ng paggamit nila ng endosulfan na anila’y aprubado naman ng FPA (Fertilizer and Pesticide Authority).

Ikinagulat ito ng maraming mga grupong pangkalusugan at pangkalikasan. Ang alam nila, matagal nang ipinagbabawal sa bansa ang endosulfan. Kinailangang maglinaw ni Dr. Norlito Vicana, direktor ng FPA: hindi ito ipinagbabawal kundi severely restricted o limitado at mahigpit na binabantayan ang paggamit. Umabot sa 22 pang bansa na nagdeklarang severely restricted din sa kanila ang endosulfan.

Ipinagbabawal na ang endosulfan sa 18 bansa, kabilang ang European Union. Nakahanay sa Category 1 o “Highly Acutely Toxic” na mga pestisidyo ayon sa United States Environmental Protection Agency, may sapat na batayan ang mga bansang ito. Isang pestisidyong organochlorine, lubhang nakakalason sa lahat ng mga buhay na organismo ang endosulfan. Hindi rin ito agad nalulusaw sa tubig o nawawala sa hangin o lupa kaya naiipon at matagal mawala sa kapiligiran.

Inirehistro ang paggamit ng endosulfan bilang pamatay-peste nang itinayo ang FPA noong 1977 para pangasiwaan ang produksiyon, transportasyon, pag-iimbak, pagbebenta, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo. Noong dekada ’80, binuo ang PTAC (Pesticide Technical Advisory Committee) para aralin ang mga panganib ng mga pestisidyo. Kasabay nito ang paglulunsad ng mga non-government organization ng pandaigdigang kampanya laban sa “Dirty Dozen” na nagresulta sa pagbabawal sa bansa ng 12 pinakanakakalasong mga pestidyo.

Noong 1991, napansin ng NPCC (National Poison Control Center), nagmomonitor ng mga kaso ng pagkalason dahil sa pestidyo, na ang endosulfan sa nagdudulot ng pinakamaraming mga kaso ng pagkalason. Dahil dito, masusing inaral ng toxicology subcommittee ng PTAC ang endosulfan. Bunga ng pag-aaral, ipinagbawal ng FPA ang pagbebenta at paggamit ng endosulfan na may 35% na pormulasyon, at nilimitahan ito sa 5%.

Agad namang umaksiyon ang Hoechst (ngayo’y Bayer CropScience), nagmamanupaktura ng endosulfan at isa sa pinakamalaking agro-kemikal na transnasyunal (nakabase sa Germany). Hinabla nito ang FPA at nakakuha ng injunction o kautusang nagpapayag sa kanilang patuloy na magbenta ng endosulfan na may 35% na pormulasyon.

Noong Abril 1993, sinampahan pa ng kasong libelo ng Hoechst si Dr. Romeo Quijano, toxicologist ng University of the Philippines Manila at ngayo’y tagapangulo ng Pesticide Action Network Philippines. Binanggit kasi ni Quijano sa isang kumperensiya na nagdudulot ng kanser ang Thiodan (brand name ng endosulfan) at nailathala sa tatlong publikasyon ang kanyang pahayag. (Ibinasura sa kalaunan ang kaso)

Naglabas ng bagong kautusan ang FPA noong Setyembre 2003 para idiin ang pagbabawal sa endosulfan, kasama ng apat pang lubhang nakakalasong pestisidyo. Muling humiling ng Temporary Restraining Order mula sa Regional Trial Court ang Hoechst.

“Ginawa ng Hoechst ang lahat para suwayin ang ban sa endosulfan. Hiniling pa nito ang interbensiyon ni dating Pangulo (Corazon Aquino), na binalaan nitong masama ang epekto ng ban sa polisiya ng gobyerno na mang-akit ng dayuhang mamumuhunan. Inutusan din ng kompanya ang mga dealer na huwag makipag-cooperate sa FPA nang gumagawa ito ng imbentaryo ng mga produkto ng endosulfan,” ayon kay Quijano.

Sinuspinde ng Korte Suprema ang TRO ng mababang korte ang ban sa endosulfan noong Enero 1994. Gayunpaman, patuloy na ibinenta ng Hoechst ang Thiodan nang walang kaakibat na babala hinggil sa mga epekto nito, ayon kay Quijano. Tinawag ng FPA na “mali, nakalilito, at mapanlinlang” ang mga patalastas ng Thiodan. Pinal na ipinagbawal ang endosulfan sa bansa noong Hunyo 1994.

Pero umapela ng eksempisyon sa ban ang Del Monte at Dole Philippines Inc., mga transnasyunal na kompanyang (nakabase sa US) na numero unong taga-eksport ng prutas. May-ari ng pinakamalalaking plantasyon sa Pilipinas ang Del Monte, na may 20,000 ektarya, at Dole na may 12,000 ektarya. Umano’y kailangan ang endosulfan para laban ang mga peste sa pinya. Dahil diumano sa matinding presyur, inaprubahan ng FPA ang eksempsiyon sa kabila ng pagtutol ng PTAC.

Ayon kay Dr. Lyn Panganiban, dating miyembro ng toxicology subcommittee na pinag-aralan ang endosulfan at ngayo’y direktor ng NPCC, “Tutol kami noon (sa pagbibigay ng eksempsiyon) kasi highly toxic nga ang endosulfan. Maraming mga alternatibo para labanan ang mga peste sa plantasyon. Matagal-tagal na panahon na ang nakalipas, pero nandiyan pa rin ang panganib (na dulot ng endosulfan).”

Pansamantala lang dapat ang eksempsiyon na nakapaloob sa istriktong mga panuntunan sa pagmomonitor (monitoring guidelines). Noong una, kailangang i-renew ng dalawang kompanya ang kanilang aplikasyon sa endosulfan kada anim na buwan hanggang isang taon para marepaso ng FPA ang pagsunod nito sa mga alituntunin. Pero noong 2000, binuwag ng tuluyan ang PTAC – nagkaroon ng panibagong luwag sa pagmomonitor sa paggamit ng mga pestisidyo. Noong 2006, ginawa na lamang kada tatlong taon ang pag-renew sa aplikasyon sa endosulfan.

Bagaman inihahayag ng Del Monte na walang naiuulat na pagkalasong maiuugnay sa paggamit nito ng pestisidyo, inamin ni Panganiban na hindi naman nakapagsasagawa ng pag-aaral ang FPA sa mga plantasyon ng kompanya kaya’t posibleng may mga kaso ng pagkalasong naikukubli sa gobyerno.

Ayon kay Quijano, bigo ang FPA na itaguyod ang pagbabawal sa FPA, sa kabila ng ebidensiyang siyentipiko sa loob at labas ng bansa hinggil sa panganib na dulot nito sa tao at kalikasan. “Mas pinahalagahan ng gobyerno ang mga transnasyunal na kompanya kaya humantong tayo sa ganitong problema,” aniya.

Hindi birong pinsala

Hindi biro ang pinsalang kakaharapin ng bansa sakaling tumagas sa dagat ang endosulfan na naka-imbak sa lumubog na MV Princess of the Stars. Malawakang fishkill, agarang pagkamatay at malalang pagkakasakit ng mga mamamayan, at pangamatagalang pagkawasak sa kalikasan ang inaasahan.

Ayon kay Panganiban, kalahati ng populasyong magkakaroon ng exposure o kontak sa katawan sa kahit walong milligrams lamang ng endosulfan ang maaaring mamatay. Ang makakaligtas naman, makararanas ng iba’t ibang sakit.

Tanda ng kagyat na pagkalason sa endosulfan ang pagkahilo, pagduduwal, pagkalito, panghihina o kaya naman, labis na pagkamakilos (hyper-excitability), pangangapos ng hininga, pangininig, at pangangati ng balat. Kinikilala ang endosulfan na endocrine disruptor o kemikal na nakakasira sa endocrine system o sistemang nangangasiwa sa hormones ng mga tao.

Samantala, kabilang sa pangmatagalang epekto sa kalusugan ng pagkalason sa endosulfan ang abnormalidad sa pag-iisip (mental impairment at neurologic disturbance), sakit sa atay at bato, sakit sa puso (cardiac disorder), sakit sa dugo (blood disorder), abnormalidad sa reproduktibong sistema (reproductive toxicity) at immune system (immunotoxicity), at iba pa. May ilan ding mga pag-aaral na nag-uugnay ng endosulfan sa sakit na kanser.

Sa India, sinasabing pinakamalaking kaso ng pagkalason sunod sa pagtagas ng Bhopal Gas ang pagkalason sa endosulfan ng mga komunidad sa estado ng Kerala. May 135 katao ang naitalang namatay dahil dito, at libu-libo ang may iba’t ibang mga sakit at abnormalidad.

“Hindi makokontrol ang pagkalat ng kemikal kapag napakawalan ito sa karagatan. Agad na ikamamatay nito ang mga lamang-dagat, na siya ring pangunahing kabuhayan ng mga residente sa probinsiya,” ayon pa kay Panganiban.

Naganap sa River Rhine sa Europa noong 1969 ang unang kaso ng kontaminasyon sa endosulfan. Noong 1988, nagkaroon din ng fishkill sa Sudan nang makontamina ng endosulfan ang mga kanal sa irigasyon. Ikinamatay din ito ng tatlong kataong uminom sa kanal. Noong 1995 naman, tumagas sa ilog ang endosulfan na gamit sa mga plantasyon ng bulak (cotton) sa Alabama, US. Ikinamatay ito ng 240,000 isda.

Parusa ang panawagan

Dahil sa maraming naidulot na mga kaso ng pagkalason, matagal nang pinag-aaralan ng internasyunal na komunidad na isama ang endosulfan sa listahan ng POPs o Persistent Organic Pollutants na ipinagbabawal sa buong mundo sa ilalim ng Stockholm Convention on POPs. Nakapirma ang Pilipinas sa nasabing kumbensiyon.

Ayon kay Quijano, na dating co-chair ng International POPs Elimination Network at isa sa mga nagsulong ng Stockholm Convention, kasama sa inisyal na listahan ng POPs ang endosulfan. “Isa pa nga ang gobyerno ng Pilipinas sa mga nagtutulak na maisama ito noong unang bahagi ng dekada ‘90. Pero bigla na lamang ito nawalan ng interes. Malakas din kasi ang impluwensiya ng Hoechst sa mga internasyunal na pulong hinggil sa POPs,” aniya.

Gayunpaman, nakasalang pa rin ang endosulfan sa listahan ng mga pestisidyong inihahanda nang i-phase out o itigil ang paggamit. Sa trahedyang posibleng idulot ng endosulfan sa lumubog na MV Princess of the Stars, lumakas lalo ang loob ng iba’t ibang mga grupo na ipagbawal ito at iba pang nakakalasong mga kemikal.

“Nananawagan kami kay Pang. Arroyo na kagyat na ipagbawal ang lahat ng nakakalasong mga kemikal. Dapat ding gumawa at ipatupad ng gobyerno ang mahigpit na mga panuntunan sa importasyon, distribusyon, at paggamit ng pestisidyo sa bansa,” ani Danilo Ramos, pangakalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at tagapagtipon ng alyansang Resistance and Solidarity Against Agro-chemical TNCs o Resist.

Dapat ding parusahan ang Del Monte, Sulpicio Lines, at mga ahensiya ng gobyerno na nagpabaya sa paglipat ng endosulfan, ayon pa kay Ramos. Hindi dapat payagang dumulo sa mas malupit pang trahedya ang malungkot nang sinapit ng mga biktima ng MV Princess of the Stars.

May ulat ni Noel Sales Barcelona

Posted in Kalikasan, Magsasaka at Agrikultura, Pangkalusugan | Leave a Comment »

Kuwestiyonableng polisiya ng gobyernong Arroyo sa krisis sa bigas: Walang wisyo sa plano

Posted by mamamahayag on April 3, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol 7 Isyu 12
Abril 2 – 8, 2008

NAGKUKUMAHOG ang gobyernong Arroyo sa pag-iikot sa ibayong-dagat para punan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa bigas. Pero batay mismo sa datos ng gobyerno, lumalabas na sasapat na ang ating suplay.

Ang masahol pa, mas mahal na nabibili ng gobyerno ang inaangkat na bigas kaysa sa lokal na mga bigas.

Para tugunan ang diumano’y napipintong “krisis sa suplay ng bigas,” nakatakdang mag-angkat ang DA (Department of Agriculture) ng tinatayang 2.1 milyong MT (metro tonelada) ng bigas ngayong taon. At para mapadali ang pag-aangkat, iniutos ni Pangulong Arroyo sa Department of Finance na pag-aralan ang pagbaba ng taripa sa inangkat na bigas. Bilang pang-engganyo ito sa pribadong sektor para makapag-angkat ng mas maraming bolyum katuwang ang NFA (National Food Authority).

Sa ngayon, nasa 50 porsiyento ng presyo ng inangkat na bigas ang ipinapatong na taripa pagpasok ng nasabing bigas ng Pilipinas.

Pero para sa mga magsasaka ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), “gutom”, sa halip na “ginhawa”, ang idudulot ng liberalisasyon ng industriya ng bigas.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, palalalain lang nito ang dati nang tumitinding krisis sa bigas. Lalong tataas ang presyo ng bigas sa merkado at mawawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka ng palay.

Kakulangan sa suplay?

Sa totoo lang, kaiba sa sinasabi ng gobyerno ngayon, masasabing walang “krisis sa suplay ng bigas.” Batay ito sa datos mismo ng DA, na nagsasabing aabot hanggang Oktubre ang kasalukuyang nakaimbak na palay ng gobyerno at makakatawid sa mga buwang walang ani (lean months) na Hulyo hanggang Setyembre.

Noong Marso 25, idineklara ng DA na aabot pa ng 57 araw ang nakaimbak na bigas ng gobyerno na 1.2-M MT. Isama pa rito ang aanihing palay ngayong tag-init, na kapag ginawang bigas ay aabot sa tinatayang 4.6-M MT. Ibig sabihin, makapag-iimbak ang gobyerno ng palay na tatagal nang 139 araw.

Nakabatay ang kalkulasyon na ito ng KMP sa 33,000 MT bigas kada araw na tinatayang makokonsumo ng Pinoy o national rice consumption; tinatayang 7.1-M MT na aanihing palay sa buong taon; at 65 porsiyentong recovery rate sa pagbibigas ng palay.

Ang natitira pang kakulangan sa suplay ng bigas para sa 2008 ay maaari nang kunin sa aanihin ng lokal na mga magsasaka ng palay sa Oktubre. “Kaya mali ang solusyon kung ibinabangga natin ang ulo natin sa importasyon, dahil wala naman palang pangangailangan at kaya naman pala nating likhain anuman ang kakulangan,” sabi ni Mariano.

Matumal man, tumataas pa rin ang taunang produksiyon ng bigas sa bansa.

Krisis sa presyo
Lumalabas na hindi “krisis sa suplay ng bigas” kundi “krisis sa presyo ng bigas” ang nararanasan ng bansa ngayon. Tumaas na nang P3 hanggang P4 kada kilo ang presyo ng commercial rice – dagok sa ordinaryong Pinoy na kanin ang pangunahing isinusubo sa araw-araw.

Sinasamantala lang umano ng kartel o malalaking mangangalakal ng bigas ang mataas na presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado para makapagtaas ng presyo sa lokal na merkado, ayon kay Mariano. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Epekto raw ito ng polisiya ng gobyerno na ipaubaya sa pribadong sektor ang pagtakda ng presyo ng bigas. “Parang nakondisyon pa ’yung isip ng taumbayan, na dahil mahigpit ang suplay sa world market, mataas na ang presyo doon. Kaya sa mga trader, parang go signal na ito na itaas din ang presyo dito. Wala namang kontrol eh, di naman sila mapaparusahan kasi nga deregularisado (ang industriya),” aniya.

Ipinaliwanag ni Mariano na walang dahilan ang mga mangangalakal na itaas ang presyo. Ito’y dahil ang nakaimbak nilang bigas na mula sa huling anihan ng palay noong nakaraang taon, nabili nila sa mga magsasaka sa mababang presyo: P12 kada kilo o minsa’y mas mababa pa sa support price o presyong binibili ng NFA na P11.50 kada kilo.

Kung pagbabatayan ang rule of thumb o kalakaran sa industriya ng bigas, 70 porsiyento lamang ng presyong ibinili sa palay ang dapat ipatong bilang tubo. Ibig sabihin, kung nabili ang palay sa P12 kada kilo, dapat P18.70 lang ang presyo nito sa merkado. Pero kadalasang lampas dito ang presyo ng bigas kada kilo dahil walang kontrol ang gobyerno sa kinikita ng kartel sa bigas, sabi ni Mariano.

Bilhin ang lokal na palay

Simple lamang ang inihahaing solusyon ng mga magsasaka sa krisis sa bigas: bilhin ng NFA ang 25 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay. Nang sa gayon, maibenta ito sa merkado sa halagang P18.25. Maiiwasan umano nito ang pagkubra ng kartel sa bigas sa lokal na palay na ibinebenta sa merkado bilang mamahaling commercial rice.

Mas matipid din ang hakbang na ito para sa gobyerno, na kapag bumili ng inangkat na bigas ngayon mula sa Vietnam ay gagastos ng $708 kada MT o katumbas ng halos P26 kada kilo. Isama pa ang interes at gastusin para sa iba’t ibang yugto ng transportasyon hanggang distribusyon, lumalabas na malaki ang lugi ng gobyerno sa importasyon.

“Kung gagastos na lang din ang gobyerno ng P2 Bilyon sa importasyon, bakit hindi na lang bilhin sa P11.50 support price ang palay ng mga magsasaka at ibenta niya ng P18.25? Kung di man break even may kaunti pa nga siyang kita,” sabi ni Mariano.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa isang porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili ng NFA, ayon sa KMP.

Sa mandato ng NFA, dapat 10 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili nito.

Pangamba pa ng KMP, kapag nahuli ang dating ng inangkat na bigas at pumasok ito sa Oktubre, kasagsagan ng anihan, lalong hindi mabibili o mababarat ang palay ng lokal na mga magsasaka.
Bukod pa rito, ibebenta sa isang subasta ang di naibentang inangkat na bigas, kahit sa presyong mas mababa na sa release price na P18.25. “May kikita na naman doon. May makaka-korner na naman doon. Ire-remill siguro yon tapos ibebenta nila bilang commercial rice,” paliwanag ni Mariano.

Pribatisasyon ng NFA
Pero ayaw gawin ng gobyerno ang mga mungkahing ito. Sa halip, itinutulak pa nito ang pagbaba ng taripa sa bigas. Naghahanda pa itong tupdin ang gusto ng WB (World Bank) na pagsasapribado ng NFA. Ito raw ang solusyon sa krisis.

Pagdating ng 2012, nais ng WB na tuluyang maliberalisa ang industriya ng bigas o malayang makapasok ang inangkat na bigas.

Nais din nitong maitalaga sa pribadong sektor, sa halip na sa NFA, ang pag-aangkat ng bigas. Dapat din daw bawasan ang kapangyarihan ng ahensiya na gumawa ng mga interbensiyon para mapababa ang presyo ng bigas, dahil diumano’y “hindi gumagana” ang mga ito.

Pero ayon kay Mariano, “Lalong mawawalan ng kakayahan ang bansa na umasa sa sarili para sa pangangailangan sa pagkain. Lalong lalalaya ang kartel sa bigas na magdikta ng presyo ng bigas.”

Mapapalala umano ang krisis sa pagkain na kinasadlakan ng bansa simula nang pumasok sa World Trade Organization noong 1995 at umasa sa inangkat na bigas mula sa kapitbahay na mga bansang Asyano at sa US.

Mula sa pagiging numero unong prodyuser at taga-eksport ng bigas, ang Pilipinas ay bumagsak sa pagiging numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya.

Lumalabas na “walang wisyo” ang pamimili ng bigas ng gobyernong Arroyo sa ibayong-dagat para masolusyunan ang krisis na anila’y dulot mismo ng pagiging palaasa sa importasyon sa halip na sa lokal na produksiyon ng palay.

Posted in Globalisasyon, Magsasaka at Agrikultura | 2 Comments »

Palaasa sa inangkat na bigas

Posted by mamamahayag on March 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano/Soliman A. Santos
Pinoy Weekly, Taon 7 Blg 11
Marso 26-Abril 1, 2008

HINDI na natuto ang gobyerno sa mga pagkakamali nito.

Labintatlong taon na ang nakakaraan, nagkulang din ang suplay ng bigas sa bansa. Noong 1995, naantala lamang ng dalawang buwan ang inangkat ng NFA (National Food Authority) na bigas mula sa mga kapitbahay na bansang Asyano — Agosto sa halip na Hunyo dumating ang mga ito. Walang nakaimbak na bigas ang gobyerno. Kaya sumirit noon ang presyo ng bigas sa pamilihan; nagdusa ang mga mamamayan.

“Ngayon, nalalagay tayo sa parehong sitwasyon. Paano, palaasa pa rin tayo sa inangkat na bigas,” sabi ni Roman Sanchez, pambansang tagapangulo ng NFA Employees Association o NFAEA sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nagbabadya na naman ang krisis sa bigas at ang inaasahang epekto: gutom para sa milyun-milyong Pilipino.

Gutom sa 68 milyong Pilipino
Tulad ng maaasahan, pansamantalang pagtitiis ang panawagan ng gobyernong Arroyo. Inirekomenda pa ni Kal. Arthur Yap ng DA (Department of Agriculture) sa mga restawran na maghain na lamang ng kalahating tasang kanin. Binatikos ito ng iba’t ibang panig.

“Maaaring umubra ang kalahating tasang kanin sa mga nagdidiyeta, pero ang karamihan ng mga Pilipino, kanin na nga lang ang kanilang isinusubo. Piyesta na kung may tuyo o galunggong.

Sasabihin nila: ‘Bigas na nga lang ang kaya namin, tapos gusto n’yo pang hatiin?’” sabi ni Sen. Francis Escudero.

Umaabot na sa P27 kada kilo ang pinakamurang halaga ng ibinibentang bigas sa palengke. Tumaas ito ng P3 kada kilo mula noong nakaraang taon.

Batay sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey, 68 milyong Pilipino ang nabubuhay sa $2 o halos P80 sa isang araw. “Tiyak na hindi kakasya ang P80 para kumain nang tatlong beses sa isang araw ang mayorya ng mga mamamayan,” sabi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas).

Ipinaliwanag pa ni Mariano na kung P80 ang kinikita ng isang tao sa isang araw at P27 ang ipambibili ng bigas, wala nang matitira sa kanya para sa iba pang pangangailangan tulad ng gamot, damit, at pang-matrikula ng kanyang mga anak.

Kaya nakakabahala diumano na tinangka pa ni Pangulong Arroyo na ikubli sa publiko ang kakulangan sa suplay ng bigas. Noon pang Pebrero nalaman ito ni Arroyo, pero itinago niya ito sa publiko para maiwasan ang lalong pagbulusok ng popularidad niya sa gitna ng panawagang patalsikin siya sa puwesto.

Sa memorandum ni Jessup P. Navarro, administrador ng NFA noong Peb. 11, at Yap noong Peb. 27 sa Pangulo, nagbabala na ang nasabing mga ahensiya ng gobyerno. Hindi umano sasapat ang lokal na suplay ng bigas na 16 milyon MT (metro tonelada) para tugunan ang tinatayang 120 kilo na makokonsumo ng bawat pamilya sa 2008.

Noong Marso 18, naglaan ng $708 kada MT ang gobyerno para sa angkating bigas, na aabot sa 2.4 milyon MT ngayong taon. Ito ang pinakamataas na presyo ng bigas na bibilhin ng NFA sa loob ng 34 na taon. Katumbas ito ng P30 kada kilo. Ibig sabihin, sagot ng gobyerno ang mahigit kalahati ng isinusubsidyong bigas ng NFA na nagkakahalaga ng P18 kada kilo.

Tumaas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado dahil naghigpit sa pagluluwas ng bigas ang Thailand, Vietnam, China, at India na pinag-aangkatan ng Pilipinas. Pinagtuunan ng mga bansang ito ang pagtugon sa sariling pangangailangan ng bigas.

Ayon kay Sanchez, “Hindi gaanong tumaas ang presyo ng bigas sa Thailand at Vietnam kumpara noong 2007. Bakit? Dahil sapat ang kanilang suplay ng bigas. Ang mga patakaran nila hinggil sa bigas ay para sa sariling mga mamamayan, at hindi sa dayuhan.”

Liberalisasyon ang dahilan
Ang Pilipinas ang numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya. Mula 1995 hanggang 2006, karaniwang umaabot sa mahigit isang milyong MT ng bigas ang inaangkat ng bansa.

Taong 1995 pumasok ang Pilipinas sa World Trade Organization o WTO na nagliberalisa ng kalakalan, kasama ang mga produktong agrikultural. Bago nito, umaabot lamang sa 151,588 MT ng bigas ang inaangkat ng bansa, mula 1984 hanggang 1994.

Kaya naman sa palagay ni Sen. Jamby Madrigal, ang krisis sa bigas ay “isang sakuna na naghihintay na mangyari.” Diumano’y ang liberalisasyon ng kalakalan na tunay ang dahilan sa likod nito.

Sang-ayon dito ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan). “Walang seguridad sa suplay ng bigas dahil isinanib ang lokal na agrikultura sa pandaigdigang merkado. Ipinagpalit ang domestikong produksiyon ng pagkain para sa mamahaling mga pananim (high-value crops) na pang-eksport,” ayon kay Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan.

Ayon sa pinakahuling Census of Agriculture, aabot sa 86,606 ektaryang taniman ng palay ang nawala mula 1991 hanggang 2002 dahil sa pagpapalit-gamit (land-use conversion) sa mga pananim na pang-eksport at hindi kinakain.

Malalaking negosyante’t panginoong maylupa ang nakikinabang sa nasabing pagpapalit-gamit ng lupa na nagpapalayas din sa mga magsasaka, sabi naman ng KMP.

‘Pagpapapogi’?
Inihayag ni Arroyo na dapat gamitin ng DA ang P17 Bilyong pondo para sa Agriculture and Fisheries Modernization Program at ang P6-B Agricultural Competitiveness Enhancement Fund para palakasin ang lokal na produksiyon. Diumano’y gagamitin ito sa pagbili ng mga binhi at pagpapaunlad ng irigasyon at pasilidad matapos ang pag-ani (post-harvest facility).

Pero ayon sa Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees o Courage, mistulang “pagpapapogi” lamang ito. Matagal na umanong walang natatanggap na suporta ang mga magsasaka ng palay mula sa gobyerno na sa halip ay nakapokus sa pagkokomersiyalisa ng industriya ng bigas.

Makikita umano ito sa planong pagsasapribado ng NFA. Kapag natuloy, malilimita ang papel ng ahensiya sa pag-aangkat ng bigas at mababawasan ang kakayahan nitong imonitor ang malalaking kartel na kumokontrol sa suplay at presyo ng bigas.

“Mas mabuti sa gobyerno na gamitin ang badyet sa pag-aangkat ng bigas para bilhin ang lokal na palay sa halagang P15 kada kilo. Mapapalakas pa nito ang ekonomiya sa kanayunan,” ayon kay Sanchez. Karaniwang binibili ng mga mangangalakal ang palay sa mga magsasaka sa halagang P11 hanggang P12 lang.

Reporma sa lupa
Matagal nang uhaw sa mga subsidyo at iba pang porma ng suporta mula sa gobyerno, masama ang loob ng mga magsasaka ng palay na sa pag-aangkat pa rin mapupunta ang P3-B na inilaan ng gobyernong Arroyo para maibalik ang normal na presyo ng bigas.

Pangamba ng KMP, mapupunta sa mga kartel ng bigas at ismagler ang malaking bahagi ng pondo. Umano’y 10 porsiyento ng inangkat na bigas na kaagad naitatalang nasira o “damaged” ang kinukurakot lamang.

Hindi rin sang-ayon sa grupo sa pagtutulak ng gobyerno na magtanim ng high-yielding variety at genetically modified na mga binhing pinapalaganap ng International Rice Research Institute. Ginagamitan ang ganitong tipo ng mga binhi ng mga kemikal na pataba at pestisidyong ibinebenta ng dayuhang mga kompanyang transnasyunal. Bukod sa mahal at lalong nagpapahirap sa mga magsasaka, umano’y nilalason ng mga ito ang lupa at pinabababa ang ani.

Tunay na reporma sa lupa, pagtigil sa pagpapalit-gamit ng lupa, at pagsasarili-sa-pagkain ang iginigiit ng mga magsasaka na pangmatagalang solusyon sa problema—nang maiwasang dumulo sa pinangangambahan ng marami na “gulo”.

“Hanggang hindi pag-aari ng mga magsasaka ang kanilang lupang sinasaka at hindi pangunahing kinakain ng mga mamamayan ang itinatanim nila, lalala pa ang krisis na ito,” ayon kay Willy Marbella, ikalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Posted in Globalisasyon, Magsasaka at Agrikultura | Leave a Comment »

Umulan man ng bala sa bukirin

Posted by mamamahayag on July 22, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 26
Hulyo 10, 2007

MARAMAG, BUKIDNON – Umulan ng bala sa bukirin ng CMU (Central Mindanao University). Hindi iyon ang unang pagkakataon, at pangamba ng mga magsasakang pinalalayas sa kanilang lupa, maaaring hindi iyon ang huli.

Umaga ng Hunyo 22, tatlong buwan nang kumakalam ang sikmura ng mga magsasakang pinagbawalang magtanim sa lupang tatlong dekada nang bumubuhay sa kanila. Dahil mas matimbang ang gutom kaysa pangamba, nagdesisyon ang BTL (na binubuo ng Buffalo o Bukidnon Free Farmers and Agricultural Laborers Association, Tamaraw o Tried Agricultural Movers Association of Rural Active Workers, at Limus o Landless Inhabitants of Musuan).

Ang dalawang-buwang buntis na si Noralyn Galan, 33, ay hindi nagpapigil sa asawa. Sumama pa rin siya sa bukid. Inasahan na niya ang nadatnan: 30 security guard, armado ng mga shotgun at M-16, ang nakapalibot sa mga magsasaka. Tuloy sila sa pag-aararo habang nakikipagnegosasyon ang mga lider nila. Subalit nang pipigilin na nina Noralyn at iba pang kababaihan ang mga guwardiyang umaagaw sa kanilang mga traktora, hindi niya inakalang papuputukan sila. Sa lupa sa kanyang paanan tumama ang mga bala. Pero dahil sa trauma, naospital at muntik makunan si Noralyn.

Mahigit 200 magsasaka ang nakaligtas sa “muntikang masaker” ala-Hacienda Luisita, ayon sa resulta ng isang IFFM (International Fact-Finding Mission) na nag-imbestiga kamakailan sa CMU.

Isa itong matingkad na halimbawa ng kabiguan ng Carp (Comprehensive Agrarian Reform Program) na mamahagi ng lupa sa maliliit na magsasaka, sabi ng mga delegado ng misyong pinangunahan ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) at APC (Asian Peasant Coalition).

Itinakas sa Carp
Kabilang ang dating mga empleyado ng CMU sa libu-libong magsasakang binigyan ng lupain ng administrasyong Aquino. CMU na ang pinakamalaking unibersidad pang-agrikultura sa Region 10. Noong 1987, may 400 ektarya ang ipinamahagi ng Darab (Department of Agrarian Reform Adjudication Board) sa Buffalo. Buong akala ng mga magsasaka, katumbas ng tunay na pagmamay-ari sa lupa ang hawak nilang Certificate of Land Ownership Award.

Pero noong 1992, lumabas ang kagimbal-gimbal na desisyon ng Korte Suprema batay sa apela ng CMU. Umano’y wala sa saklaw ng Carp ang lupain ng unibersidad na “may gamit pang-edukasyon.” Noong 1996, naglabas ng writ of demolition ang Darab. Sa sama-samang pagtutol ng BTL at tulong ng KMP, di natuloy ang demolisyon.

Noong 2001, pinangunahan ng Bayan Muna Party-list ang imbestigasyon ng Congressional Committee on Agrarian Reform sa CMU. Sinabi ng komite na walang dahilang palayasin ang mga magsasakang nagtatrabaho para maging produktibo ang lupa. Ibinunga nito ang limang-taong Moa (Memorandum of Agreement) sa pagitan ng unibersidad at BTL noong 2002.

Marso 9 ngayong taon, nakatanggap ng sulat ang mga magsasaka. Binibigyan sila ni Mardonio Lao, presidente ng CMU, ng tatlong buwan para ibakante ang lupain. Paso na umano ang kasunduan. Pero ayon sa mga magsasaka, hindi natupad ng CMU ang kondisyon sa Moa: na ihahanap sila ng katanggap-tanggap na paglilipatan.

Sinabi ni Florentino Macote, presidente ng BTL, bulubundukin at di matatamnan ang tatlong relokasyong ibinibigay ng Department of Environment and Natural Resources. Kaya noong Enero, ang mga magsasaka ay inalok na lamang ni dating Bukidnon Rep. Miguel Zubiri, partido sa Moa, ng tig-P40,000. “Hindi namin ito matatanggap dahil lupa ang bumubuhay sa aming pamilya,” ani Macote.

Buhay ang ibinuwis
Kung tutuusin, walang salaping tutumbas sa ibinuwis na ng mga magsasaka. Noong 1987, namatay si Leonardo Loable at anim ang sugatan nang barilin ng mga guwardiya (tatlo ang may di-pa-naihahaing warrant of arrest). Naulit ang pamamaril noong 1988. Lima ang sugatan, kabilang ang 15 anyos na si Rene Alcosaba.

May bala pang nakatanim sa mukha ni Macote nang makaligtas sa tangka sa kanyang buhay noong Pebrero 22, 1992. Tandang-tanda niya ang araw na iyon – isinilang ang anak na si Jervin nang barilin siya ng hinihinalang bayaran ng CMU. Si Jervin ay 15 anyos na ngayon, sana’y unang taon na sa hayskul. Tulad ng iba pang anak ng magsasaka ng BTL, hindi siya nakapag-enroll dahil sa sitwasyon.

Nauna nang sinubukan ng mga magsasaka na magtanim noong Marso 28. Pero tinutukan sila ng mga guwardiya at kinumpiska ang kanilang kagamitan. “Tulad ito ng ginagawa nila mula 1987 hanggang 1999. Kinukumpiska o sinisira ang aming mga ani at ari-arian,” wika ni Macote. Noong 1992, may 100 kabahayan ng Limus ang sinunog ng mga guwardiya ng CMU.

Dayuhang negosyo, naghihintay
Hinala ng IFFM, pinalalayas ang mga magsasaka para pumasok ang malalaking negosyante. May 377.5 ektarya sa mahigit 3,000 ektaryang lupain ng CMU ang ipinaparenta sa lokal at dayuhang mga negosyo ng mga produktong pang-eksport, katulad ng tuba at cassava. Nag-aabang na ang multinasyunal na Dole Philippines para okupahin ang lupain ng BTL, ayon sa impormante sa opisina ng alkalde ng Maramag.

“Sa ilalim ng Republic Act 7652 o Investors Lease Act, maaaring mangupahan ang dayuhang mga negosyo ng 50 taon at ma-renew pa ito ng 25 taon — samantalang ipinagdadamot ng gobyerno ang lupa sa maliliit na magsasaka,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

Tingin ni Macote, inubos na ng mga negosyante ang karamihan sa lupain sa probinsiya kaya walang mahanap ang gobyerno na mapaglilipatan sa kanila. “Ito ang nagbibigay sa amin ng lakas ng loob na manatili sa lupang matagal na naming idinedepensa,” aniya.

“Binigo” man ng Carp, umano’y natutunang isakamay ng mga magsasaka sa CMU ang pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo. “Patunay itong walang ibang maaasahan ang mga magsasaka kundi ang kolektibong lakas,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP at APC.

Mula Hacienda Luisita hanggang CMU, pinatutunayan: hindi takot sa bala ang mga magsasakang gutom at matuwid ang pakikibaka.

Posted in Karapatang Pantao, Magsasaka at Agrikultura | Leave a Comment »

Magsasaka ng mundo kontra WTO: Pinagkaisa ng kahirapan

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Vol.5 No. 2
Enero 14 2006

Hong Kong- Sampung taon. Ito ang nagtulak sa libu-libong mga magsasaka mula sa iba’t panig ng daigdig na dumagsa sa Hong Kong kamakailan para magprotesta laban sa ika-6 na Ministerial Conference ng WTO (World Trade Organization). Sinasabing pinakamalala ang naging epekto ng mga kasunduan ng WTO sa mga magsasaka, mayorya ng populasyon sa mga mahihirap na bansa katulad ng Pilipinas.

Ang WTO ang multilateral na institusyong nagpapairal at nagpapalaganap ng liberalisasyon sa kalakalan ng mga produkto at serbisyo. Nakapaloob dito ang Pilipinas at halos lahat ng mga bansa sa mundo.

Tampulan ng kritisismo ang WTO dahil pinagsisilbihan lang umano nito ang interes ng mga malalaking korporasyon sa mga mayayayamang bansa na pinangungunahan ng Estados Unidos.

Halimbawa, sa larangan ng agrikultura, sa pamamagitan ng AoA (Agreement on Agriculture) ng WTO malayang ginagawang tambakan ng mga labis na produktong agrikultural ng US at iba pang mauunlad ng bansa ang mga mahihirap na bansa. Nagdudulot ito ng kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan.

Bagaman ipinangako ng WTO na makapag-aangkat din ang mga mahihirap na bansa sa mga mayayamang bansa, patuloy na pinoproteksiyunan ng US at iba pang mauunlad na bansa ang kanilang agrikultura sa pamamagitan ng matataas na subsidyo. Samantalang sa mga mahihirap na bansa, matagal nang tinanggal ng mga gobyerno ang subsidyo sa agrikultura at ibinaba ang taripa para sa madulas na pagpasok ng mga murang produkto mula sa mayayamang bansa. Tinatayang $6.6 bilyon kada taon ang nawawala sa mga mahihirap na bansa dahil sa pagkalugi ng lokal na agrikultura dulot ng AoA.

Dahil sa hindi pantay na kalakalang ipinatutupad ng WTO, umaangal na ang mga gobyerno ng mahihirap na bansa katulad ng India at Brazil, dahil na rin sa pagrereklamo ng kanilang mga mamamayan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nabigo ang mga pag-uusap ng WTO noong 2003 sa ika-5 Ministerial Conference sa Cancun, Mexico, at bahagya lamang ang inusad ng mga pag-uusap nitong Disyembre 2005 sa Hong Kong. Malinaw na ugat ng mga problemang kinakaharap ngayon ng WTO ay ang papalakas na oposisyon ng mga mamamayan ng mundo sa umano’y imperyalistang pandarambong ng mga makakapangyarihang bansang nagpapatakbo sa WTO.

Lugi sa produksiyon

Sa idinaos na First International Rural People’s Tribunal, hinatulan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, at iba pang mga mamamayan mula sa kanayunan ang WTO na maysala sa mga iba’t ibang krimen. Nagbahagi ng mga karanasan ng paghihirap at pang-aapi dulot ng globalisasyon ang mga magsasaka mula sa bansang Pilipinas, India, Malaysia, Pakistan, Indonesia, Hungary, at iba pa.

Inilahad ni Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pagdurusang nararanasan ng mga Pilipinong magsasaka. Bukod sa matagal na nilang problema ng kawalan ng lupa at pyudal na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa, nadagdagan pa ito ng problema ng pagkalugi sa mga murang inangkat na produktong agrikultural katulad ng palay, mais, gulay, at iba pa.
Ayon nga kay Lita Mariano ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, wala nang ganang magtanim ng palay ang mga magsasaka dahil sa taun-taong pagkaluging natatamasa.

Dahil sa ganitong sitwasyon, bumaba ang ambag ng agrikultura sa gross domestic product ng bansa (naging18% na lang noong 2002 mula sa 28% bago pumasok sa WTO). Dalawang milyong trabaho sa kanayunan din ang nawala noong taong 2000.

Samantala, sa India, libu-libong magsasaka ang nagpapakamatay dahil sa kawalan ng pag-asang bubuti pa ang kanilang hikahos na kalagayan, pahayag ni P. Chennaiah ng Andhra Pradesh Agricultural Workers Union. Karamihan ng mga magsasaka sa India ay baon sa utang dahil na rin sa papataas na presyo ng mga komersiyal na binhi, pataba, at pestisidyo.

Doble naman ang paghihirap ng mga magsasakang kababaihang Dalit, ang pinakamababang sangay sa caste system ng India, ayon kay Fatima Burnad ng Society for Rural Education. Karamihan sa mga kababaihang magsasakang Dalit ang nagtatrabaho sa napakababang sahod sa mga plantasyon ng bulaklak pang-eksport. Dahil walang makain at hindi mapag-aral ang kanilang mga anak, marami sa mga kababaihan ang napipilitang magtungo sa mga siyudad at doon natutulak sa prostitusyon.

Hindi lang ang mga magsasaka mula sa mahihirap na bansa sa Asya ang nasasalanta ng WTO. Inilahad ni Gazol Varga, lider-magsasaka sa Hungary, kung paano nalulugi ang agrikultura maging sa mga maliliit na industriyalisadong bansa sa Europa dahil sa kumpetisyon mula sa mas mauunlad na bansa. Sinabi pa ni Varga na napupunta lamang sa kamay ng mayayamang magsasaka at malalaking agri-business ang lupa, kapital, at subsidyong ipinagkakaloob ng gobyerno.

Mababang pasahod

Samantala, nagbuklod ang mga manggagawang bukid ng mundo sa ilalim ng bagong tatag na CAWI (Coalition of Agricultural Workers International) na kontra rin sa WTO. Ayon sa CAWI, ang trabaho sa bukid ang pinakamababang pinasasahod na uri ng trabaho. Mahigit 40% ng mga manggagawa sa mundo ay manggagawang-bukid at sila ang pinakaaping mga mamamayan sa kasalukuyan.

Ikinuwento ni Cynthia Deduro ng NFSW (National Federation of Sugar Workers) kung paano nagtitiis sa sahod na mula P25 hanggang P150 kada araw ang mga sakada sa Negros, na binibigyan lang ng apat hanggang limang araw kada linggo para magtrabaho.

Sa pag-aaral ng NFSW, 50 porsiyento lamang ng mga anak ng mga sakada ang nakakatuntong sa elemantarya, 20 porsiyento sa hayskul, at 1 porsiyento lang sa kolehiyo.Ayon naman kay Sukarman ng Perbunni, unyon ng mga manggagawang bukid sa Indonesia, kasuwal lamang ang karamihan sa mga manggagawa bukid sa plantasyon ng palm oil sa Sumatra kaya’t umaabot lang sa US$1 kada araw ang sahod at walang benepisyo. Dinadahas pa umano ng manedsment at gobyerno ang mga lider-manggagawa na nagtatayo ng unyon.

Samantala, ipinakita ni Nagamah mula sa Tenaganita ang mga sakit na natatamasa ng mahigit 30,000 manggagawang bukid sa plantasyon ng palm oil sa Malaysia dahil sa pestisidyong pinapagamit sa kanila.

Nagsalita din si Fe Pelletero, mula sa komunidad sa Davao del Sur, kung paano pinalalawak ng mga dayuhang agro-korporasyon ang kanilang lupaing pinagtataniman ng mga produktong pang-eksport katulad ng pinya at saging. Nagdurusa ang mga magsasakang inagawan ng lupa at mga manggagawang-bukid na nalalason sa gamit na pestisidyo ng mga plantasyon.

Nawasak na kapaligiran

Bukod sa AoA, nilalabanan din ng mga magsasaka ang kasunduang TRIPS o (Trade-Related Intellectual Property Rights) ng WTO. Sa ilalim ng TRIPS, inaangkin ng mga dayuhang agro-korporasyon ang mga binhi at iba pang genetic resources ng mga magsasaka.

Sa paglalako ng mga agro-korporasyon ng mga komersiyal na high-yielding varieties o genetically-modified na binhi sa mga magsasaka, nawawasak ang paggamit ng mga ito ng tradisyonal na binhi. Tinatali rin ang mga magsasaka sa pagbili ng mga mahal na binhi kaakibat ang kemikal na pataba at pestisidyo. Bukod sa pinatitindi nito ang kahirapan ng mga magsasaka, nakakalason din ng kalusugan, lupa at kapaligiran ang mga nasabing mapanganib na teknolohiya sa agrikultura.

Sa ginanap na porum hinggil sa TRIPs, nangako ang mga magsasaka na paiigtingin nila ang pagtutol sa WTO kasabay ng pagsisigurong pangangalagaan ang mga tradisyonal na binhi at kagawian sa pagsasaka.

Dahil sa malaon nang paghihirap sa ilalim ng iisang sistema, walang ibang direksiyong tinahatahak ngayon ang mga magsasaka ng mundo kundi ang patungo sa pagkakaisa at paglaban. Ipinarating sa mundo ng mga magigiting na magsasakang lumahok sa pagkilos kontra WTO na may lumalakas na daing ang mga milyun-milyong inaakalang nananahimik lamang sa mga bukirin ng paghihirap.

Posted in Magsasaka at Agrikultura | 3 Comments »

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.