Muling Paglathala

Archive for the ‘Maralitang tagalungsod’ Category

Barikadang Bayan at iba pang tugon ng maralita

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

TATLONG araw nakulong ang walong kasapi ng Bayan Muna dahil sa pagpiket noong Hulyo 2 sa harap ng barangay hall sa Greater Fairview, Quezon City para hadlangan ang napipintong demolisyon sa isang subdibidsyon.

Isang linggo bago ang piket, dinemolis na ang mahigit 300 pamilya ng Tanglaw Subdivision na ang lupa ay kinukuha ng Sta. Lucia Realty Corp. Isusunod na sana ang 50 pang pamilya—pero dahil humingi sila ng saklolo sa progresibong party-list, hindi natuloy ang demolisyon.

Ayon kay Alex Dizon, presidente ng Bayan Muna-Greater Fairview Chapter, nakulong man sila ay sulit naman ang kanilang mga pagsisikap. Sa pakikipagnegosasyon sa sheriff, ang 15 metrong lalawagin, naging dalawang metro na lamang. Hindi rin umano gagalawin ang mga kabahayan hanggang hindi nareresolba sa korte kung DPWH (Department of Public Works and Highways) nga ba o ang pribadong kompanya ang nagmamay-ari nito.

Nanghihinayang si Dizon sa sinapit ng mga pamilyang naunang nademolis dahil “natakot umalma at wala ring sumuporta sa kanila.”

Noong Hulyo 19, nagtipun-tipon ang halos 200 lider-maralita sa St. Peter’s Parish sa Commonwealth Ave., Quezon City para sa isang Anti-Demolition Summit na pinangunahan ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Bunga ang nasabing summit ng mga konsultasyon sa iba’t ibang maralitang komunidad mula sa NCR (National Capital Region) hanggang Timog Katagalugan.

Dito, napagkaisahan ng mga maralitang lungsod na labanan sa mas mataas at militanteng antas ang demolisyon na inaasahang mas magiging palasak at marahas sa ilalim ng natitirang termino ni Pangulong Arroyo.

Relokasyong bugok

Sa darating na Sona (State of the Nation Address) ni Arroyo, inaasahan ng Kadamay na muli na naman itong maglalatag ng mga “proyektong pangkaunlaran”—nang hindi binabanggit na kasama sa plano ang pagtataboy sa libu-libong mga maralita.

Sa tatlong proyekto pa lamang na nabanggit ni Arroyo sa naunang mga Sona—ang Quezon City Central Business District, C5 Northern Link Extension Project, at Philippine National Railways Modernization and Rehabilitation Program—tinatayang halos 300,000 pamilya na ang apektado.

Marami sa mga ito, nademolis na sa iba’t ibang sapilitang pamamaraan. Kundi man nagbalik sa probinsya o nagpalaboy-laboy na lamang sa kalye, nananahan sila sa mga pook relokasyon na itinakda ng NHA (National Housing Authority). Pero sanlaksang problema pa rin ang kinaharap ng mga maralita dito.

Reklamo ni Norma Purisima, tagapangulo ng Kadamay-Muntinlupa, nananatiling paupahan ang Southville 3 Resettlement Housing Project sa Cabuyao, Laguna. Dito ipinatapon ang dinemolis na mga taga-riles para bigyang-daan ang proyektong Southrail.

P75,000 ang kailangang bayaran ng mga maralita, na may interes na 6% kada taon, para sa lote. Gugugol din ang mga ito ng P65,000 para maipatayo ang bahay—na umano’y mahina pa ang konstrukisyon. “Naggiba nga ang ilang mga kabahayan dito noong kasagsagan ng ulan,” aniya.

Pagpapalayas muli

Muling pagpapalayas naman ang nakaamba sa mga relocatee sa Montalban, Rizal. Ayon kay Nestor Palugod, tagapangulo ng Samahan ng Maralita sa Kasiglahan Village I, naglabas ng eviction notice ang korte noong nakaraang taon para sa may 10,000 pamilya na nakatira sa subdibisyon.

Mayroon kasing pribadong indibidwal na umaangkin sa 225,000 ektaryang lupain—taliwas sa sinabi ng NHA na pagmamay-ari ito ng DPWH. “Ibinigay” ito sa kanila ng NHA noong 2002, nang sila ay mademolis sa San Andres Bukid, Bulacan.

“Sabi namin sa may-ari ng lupa, biktima lang naman kami ng gobyerno dito,” ani Palugod. Diumano’y walang nangyari sa pakikipag-usap nila sa NHA at DPWH para ayusin ang gusot.

Ang malala, patuloy pa rin silang sinisingil ng NHA ng renta na P250 kada buwan—na mabigat para sa mga relocatee na karamiha’y nagtatrabaho lamang bilang magbobote, labandera, o pana-panahong construction worker.

Kaya naman naisip ng mga taga-Rodriguez na magtayo ng isang alyansang magtataguyod sa kanilang karapatang manatili sa lugar. Noong Hulyo 13, binuo ng 10 organisasyon ang Rodriguez Relocatees Alliance para labanan ang demolisyon at ilantad ang umano’y maanomalyang relokasyon ng gobyernong Arroyo.

Pagtatayo ng alyansa

Nagtayo rin ng katulad na mga alyansa ng maralita sa iba’t ibang bahagi ng NCR. Isa na rito ang Alyansa ng Maralita sa Metro Manila, na binuo noong Disyembre 5, 2007 sa pangunguna ng Kadamay-Manila.

Pinalalawak naman ang Tondo Foreshoreland People’s Alliance. Binibigkis nito ang mga komunidad ng Baseco, Parola at Islang Puting Bato. Laging nasa bingit ng demolisyon ang mga kabahayan dito dahil sa proyektong pribatisasyon sa Manila North Harbor.

Ang mga organisasyong pang-maralita sa mga siyudad sa Taguig, Muntinlupa, Las Piñas, Makati, at Parañaque, nagsasama-sama rin. Tinututulan nila ang Global Development Project sa Fort Bonifacio, pribatisasyon ng National Bilibid Prison at Laguna Lake, at iba pang proyektong “pangkaunlaran” at eko-turismo na apektado ang mahigit 100,000 pamilya.

Inihayag ng mga lider-maralita na dumalo sa summit na maglulunsad sila ng mga pag-aaral at kilos-protesta para paigtingin ang laban para sa disenteng pabahay at iba pang batayang mga karapatan, sa pakikipagtulungan sa iba pang mga sektor ng lipunan.

Sasama sa Sona

Pagtatayo ng mga Barikadang Bayan, na naging panangga ng mga maralitang lungsod laban sa demolisyon noong Batas Militar, ang iminungkahi ni Ed Legson, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

“Itatayo natin ito sa mga lugar na may isyu ng demolisyon. Magkakapit-bisig tayo at tatawagin ang suporta ng mga katabing komunidad. Bubuhayin nating muli ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga maralitang lungsod laban sa demolisyon!” aniya.

Mainit na sinalubong ng mga lider-maralita ang panukala. Kabilang na rito ang nakulong na mga miyembro ng Bayan Muna sa Greater Fairview, na dinanas ang hirap at ganansya rin naman ng pakikipaglaban para manatili sa kinatitirikan.

Sa huli, nangako ang lahat na padadaluhin ang kani-kanilang komunidad sa malakihang kilos-protesta sa Sona ni Arroyo sa Hulyo 28—para diumano’y ipamukha sa gobyerno di lamang ang kanilang lumalalang kahirapan, kundi ang nagkakaisa ring lakas sa gitna nito.

Advertisements

Posted in Maralitang tagalungsod | Leave a Comment »

Ang bagong laban ni Nanay Mameng

Posted by mamamahayag on May 18, 2008

Mikas Matsuzawa/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 – 20, 2008

Walang kasingtalas ang dila at kasing-laki ang puso ng babaing ito na pinarangalan noong Araw ng mga Ina.

NOONG araw ng mga ina, isang nanay ang umangat sa iba. Siya si “Nanay Mameng” –Carmen Deunida, na pinarangalan ng sektor na matagal nang pinaglilingkuran at pinamumunuan niya.

Pinangunahan ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ginunita kamakailan ang buhay at pakikibaka ni Nanay Mameng sa pamamagitan ng programang tinaguriang “Alay kay Nanay: Isang Salo-salo at Gabi ng Pagpupugay” sa Balai Kalinaw, UP Diliman. Dinaluhan ito ng maraming tao at grupong naging kabahagi at kasamahan ni Nanay Mameng sa kanyang paglilingkod sa kapwa-maralita.

Istrikto, pero mapag-aruga
Lingid sa kaalaman ng lahat, naging guro sa day care si Nanay Mameng noong dekada ’30.

Inamin niyang pinaluluhod niya sa asin ang mga estudyanteng hindi nababasa ang kanyang mga ipinababasa. Pero aniya, nagpapasalamat sa kanya ang mga estudyante niyang karamihan ngayon ay mga empleyado ng gobyerno – siya umano ang dahilan kaya nakapag-aral sila’t nakapagtapos.

Isa rin siyang mapagmahal na kapatid – patunay ang ginawa niyang pag-aaruga sa kapatid na lalaki noong 1941, panahon ng pananakop ng Hapon. Panahong ito nahasa ang kapangahasan ni Nanay Mameng. Lagi umano siyang pumupunta sa kampo ng mga sundalong Hapon para palihim na kumuha ng bigas at iba pang makakain ng kapatid. Minsan, nagtago pa siya sa dram ng gasolina para hindi mahuli. Ngayon, hindi na lamang umano ang pamilya ang kanyang sinisikap itaguyod, kundi ang sambayanang Pilipino, sa pamamagitan ng pakikibaka.

Bagong laban
Sinariwa ng mga panauhin ang sikat na mga terminong ginagamit ni Nanay Mameng sa mga rali para isalarawan si Pangulong Arroyo, tulad ng “tsunano,” at “Gloria Makapal-ang-Mukha Dorobo.”

Sabi tuloy ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, sayang at hindi naluklok sa Kongreso si Nanay bilang nominado ng Anakpawis Party-list. Tiyak umanong magigimbal ang mga kongresista kapag siya ang nag-privilege speech.

Isinagawa rin ang pagdiriwang na iyon upang makalikom ng pondo para sa mga pangangailangang medikal ni Nanay. Ngunit sa kabila ng kanyang mga nararamdaman na dulot ng katandaan, nakita sa gabing iyon ang kanyang lakas. Na pinatotohanan ng mga kabataang nakakakita kung paanong nangunguna pa sa takbuhan si nanay tuwing may rali. Ayon sa kanya, ang pagmamartsa sa lansangan ang nagbibigay-sigla sa kanya, at ang gamot sa kanyang mga karamdaman ay ang pagsigaw dito.

Nagtatawanan din ang lahat noong ipahayag ni Nanay Mameng ang kanyang pagnanais na mamatay hindi sa sakit kundi sa bala. Sinabi niya na ang tao, kapag namatay nang may ipinaglalaban, mahalaga ang pagkamatay. “Hindi ko binibigyang-halaga ang aking karamdaman. Huwag muna ngayon. Kailangan tapusin ko ang laban,” pahayag niya.

Ang gabing iyon ay siniksik ng mga istorya tungkol sa buhay ni Nanay Mameng, ang kanyang pakikibaka magmula pa noong 1985. Pero sa kabila ng ipinaulang mga papuri, nananatiling mapagkumbaba ang kanyang loob.

Katunayan, nahihiya umano siya tuwing nakikilala sa publiko – aniya, sa pakikibaka, walang mahalaga kundi ang pagpaparami ng bilang at pagsisikap na magpunyagi.

Posted in Maralitang tagalungsod, Personalidad | Leave a Comment »

Giyera laban sa maralita

Posted by mamamahayag on February 7, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 5
Pebrero 6-12, 2008

HINDI nila ininda ang ipinupukol na mga mura at sigaw ng mga residenteng maralita. Bitbit ang matataas na kalibreng riple, patuloy sila – sa pagmamaneho ng bulldozer, sa pagbaklas ng mga yero, sa pagbitbit ng mga ari-ariang isinasakay sa 6 x 6.

“Para patas ang laban, bigyan ninyo kami ng baril! Maglaban-laban tayo!” Sumulak na sa ulo ang dugo ng isang residente. Ang isa nama’y nagmakaawa: “Kahit dalawang buwan lang, makapaghanap man lang ng lilipatan.” “Alalahanin ninyo, kami ang nagpapasuweldo sa inyo!” pilit pangongonsensiya ng isa pa.

Bigla na lang nagdilim

Mukhang sona ng digmaan sa Sitio Masagana, Western Bicutan, Taguig City. Sa guho ng mga bahay, lumilibot o nagkampo ang mga sundalo ng Task Force Bantay ng PA (Philippine Army). Madaling araw noong Enero 29 una silang sumalakay.

Kuwento ni Erlinda “Nanay Linda” Costin, tagapangulo ng Masagana Bicutan Taguig Neighborhood Association Inc., “Nagulat na lang kami may sunud-sunod na putok. Bigla na lang nagdilim, pinatay nila ang kuryente. Sa liwanag ng buwan nakita naming may dumadaan na mga sundalo, ang dami-dami. Nasukol kaming parang di na namin alam ang gagawin. Di na kami nakapaghanda, kinaumagahan pinaggigiba na nila ang mga bahay namin.”

Pinutol din ng mga sundalo ang kanilang suplay ng tubig kaya’t mahigit isang linggo na silang di nakapaligo. Unti-unti, nagkukumpulan silang “parang mga daga” sa isang entablado sa plaza na pinagawa nila noon para sa isang importanteng bisita na nangakong tutuparin ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling lupa.

‘Makakatulog na kayo ng mahimbing’

Mismong si Pangulong Arroyo ang nagsabi sa kanila: “Makakatulog na kayo ng mahimbing.” Noong Mayo 10, 2001, pinirmahan niya sa covered court ng Taguig ang isang proklamasyon na nagdedeklarang alienable and disposable at maaaring ipamahagi sa kuwalipikadong mga residente ang bahagi ng lupaing saklaw ng Libingan ng mga Bayani. Inamyendahan nito ang Proclamation No. 208 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Ilang araw iyon bago ang unang lokal at pambansang halalan sa ilalim ng bagong administrasyong Arroyo. Matapos ang pirmahang saksi sina dating Sen. Rene Cayetano, Taguig Rep. Alan Cayetano, Mayor Ricky Papa, at Sek. Mike Defensor ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council), nangampanya ang pangulo para sa mga kandidato ng noo’y People Power Coalition. Dagundong ang sigaw ng mga residente: “GMA, GMA, GMA!”

Sa isang liham sa pangulo noong 2002, inirekomenda ng HUDCC, Department of National Defense, at PCUP (Philippine Commission for the Urban Poor) na ibigay ang 10 ektarya ng Libingan ng mga Bayani sa 2,500 pamilyang nakatira sa Sitio Masagana at Katipunan. Sama-samang pinunan ng mga residente ang P45,000 na bayad para sa sarbey sa lupa.

Kaya nagulantang sila nang tangkain silang idemolis ng mga sundalo noong 2006. Ayon sa Task Force Bantay, imbalido ang proklamasyon ni Arroyo. Hindi raw ito nalagyan ng numero at nailathala sa publikasyon.

Nagkandarapa ang mga residente na mag-ipon muli para ilaban ang kaso sa korte. “Naaawa na ako sa mga tao, sa lahat ng ginastos namin dito. Ibibili na lang ng gamot para sa asawa, ibabayad na lang sa eskuwela, itatabi pa talaga,” sabi ni Nanay Linda.

Ilegal ang demolisyon, sabi ni Gener Gito, abogado ng mga residente. Diumano’y labag ito sa Urban Development and Housing Act o Republic Act 7279 na nagsasabing dapat aprubahan muna ng PCUP ang anumang demolisyon para masigurong may malilipatan ang mga apektado.

Sa maliit at di-sementadong bakod ng Centennial Village sa tabi ng C5 pinapupunta ang pinalayas na mga residenteng maralita. Mahigit-kumulang tatlong dipa ang espasyong inilaan para sa bawat pamilya.

‘Bakit kami kakasahan ng baril?’

Dagdag sa mahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang pantao ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang demolisyon sa Taguig, batikos ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa isang press conference.

“Hindi makatarungan ang pamumuwersa at pananakot ng mga sundalo sa mga residenteng ipinagtatanggol lamang ang kanilang mga karapatan. Muli, pinatutunayan ng AFP na kaaway sila ng masa,” sabi ni Carmen Deunida, tagapangulo ng Kadamay.

Pinapanagot ng grupo ang mga sundalo ng Task Force Bantay at kumander nilang si Col. Virgilio Espenilli.

Naluluha pa rin si Nanay Linda tuwing naaalala ang pagdating ng mga sundalo. “Kakasahan ka ng baril eh bagong gising ka. Tapos sasabihin nila, yung mga opisyal pagdadamputin. Sabi ko bakit nila ako dadamputin, hindi nga nila dinadampot yung mga snatcher dito na naglipana? Eh atin lamang pinapangarap na magkaroon ng katahimikan ang buhay,” aniya.

Naitala rin ang ilang kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga sundalo. Si Elagio Pitella, 22, sinakal ng isang “Maj. Pangilinan” at dinos-por-dos sa paa. Pinasaringan kasi niyang “huwag i-sir” ang sundalo nang tumanggi ito sa pakiusap ng kapitbahay ni Elagio na hayaan silang hakutin ang sariling mga gamit. Ang 19-anyos na si Ryan Canda, binugbog ng hinihinalang mga sundalo madaling araw noong Pebrero 2.

‘Lahat kami nagpakatanga’

Himutok ng nanay ni Ryan na si Edna, “Lahat kami nagpakatanga. Pipirma-pirma pa siya (Arroyo). Maligayang-maligaya kami noong araw na yon. Tapos ganito lang pala ang mangyayari ngayon.”

Pinakamasakit para sa mga residenteng maralita ang reyalisasyong ginamit sila ni Pangulong Arroyo. Sinuyo ang kanilang boto. Ibinidang estadistika ng mga nagawa sa unang 100 araw ng panunungkulan. Pero makaraan ang pitong taon, tatalikuran para katigan ang AFP at naghihintay na mga negosyante. Prime property kasi ang kinatitirikan ng kanilang mga barung-barong.

Ayon nga kay Nanay Linda: “Sobrang minahal namin si GMA. Pero hindi niya kami minahal kailanman. Ngayon pupunta kami sa kalsada at sasabihin, ibagsak si GMA!”

Posted in Maralitang tagalungsod | Leave a Comment »

Gusaling nagtatayugan, taumbayang ipinagtatabuyan

Posted by mamamahayag on December 7, 2007

“Nakabubuhay na mga siyudad” ang plano ng gobyernong Arroyo sa Kamaynilaan at iba pang siyudad sa Pilipinas. Pero papaanong magiging nakabubuhay ito kung karamihan sa mga mamamayan ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan?


Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 45
Nobyembre 28, 2007

KASIMBIGAT ng kanyang loob ang hampas ng maso sa dingding ng kanyang sariling bahay na tinitibag ni Primitivo Urbiztondo, kasama ng ilang miyembro ng MMDA (Metro Manila Development Authority).

Kaunti na lang at tuluyan nang magigiba ang naging munting kanlungan mula sa araw, hamog, at ulan. Sa gabing iyon, mararanasan nila ang unang gabi sa kalsada – maliban sa bunso, apat na buwang sanggol na isinilong pansamantala ng isang nagmamalasakit na kapitbahay na nakaligtas sa demolisyon.

Pangatlo at huling araw noong Nobyembre 23 ng “boluntaryong pagdedemolis” sa aabot sa 145 kabahayan sa Purok San Isidro, isang komunidad ng mga maralita sa lupaing pag-aari ng Tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City. Maliliit na tumpok ang ari-arian ng mga maralita na paroo’t parito sa mga guho.

Ang 92 sa kanila, ililikas sa pook-relokasyon sa Towerville, San Jose del Monte, Bulacan. Ang nalalabing 53 na diskuwalipikado sa pabahay ng gobyerno, ihahatid ng MMDA saanmang bahagi ng Kamaynilaan na maaari nilang siksikan. Ang pabaon: P3,000 at isang bag ng mga pagkaing kasya sa tatlong araw, mula kay Mayor Sonny Belmonte ng Quezon City.

“Di ko akalain na ganito ang mangyayari sa amin,” ani Primitivo, 60, na lumuwas mula Leyte noong 2003 dahil sa matinding kahirapan doon.

Sa probinsiya, wala siyang sariling lupa at nakikisaka lamang. Kahirapan din ang dinatnan dito, pero kahit papaano, kumikita ng P200 kada araw sa pana-panahong pagkakarpintero. Sa rurok ng kawalang-katiyakan, naghihimutok ngayon siya sa gobyerno: “Kung kami’y papabalikin sa probinsiya, dapat bigyan din ng hanapbuhay. Eh wala, tiket lang (ang binigay). Ano’ng gagawin namin doon, tutunganga? Kaya nga kami pumunta rito para magtrabaho.”

Ayon kay Ed Berio, tagapangulo ng asosasyon sa purok na may mahigit 700 pamilya, una pa lamang ito sa tatlong serye ng demolisyon. Ang layunin: ang pagpapalawak ng Agham Road para lumuwag ang trapiko sa lagusan mula at patungong Trinoma. Pinakabagong mall ng Ayala ang Trinoma. Magarbo itong pasyalan ng mga may-kaya.

Bahagi ang demolisyon ng pagpapatupad sa grandiyosong “proyektong pangkaunlaran” na Quezon City Central Business District o QCCBD. Sa mas malawig, bahagi ito ng pangkalahatang plano ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo para gawing “moderno” ang mga pasilidad sa bansa. Nang sa gayon maihatid niya ang Pilipinas, sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan sa 2010, sa daan patungo sa pagiging “First World” na bansa.

’Super-bansa’?

Grandiyoso nga ang planong pangkaunlaran ng gobyerno. Sa ilalim ng Medium-Term Public Investment Program, malakihang ginagastusan nito ang pagtatayo ng mga “super-region” o mauunlad na rehiyon at pagtransporma umano sa Luzon patungong “industrial beltway” o sentrong pang-industriya.

Ang hadlang lamang sa tunguhing ito ng gobyerno ay si Primitivo at ang mahigit 30 milyong maralitang lungsod sa buong bansa. Sa kasalukuyan, “ilegal” na nakatira ang 261,717 pamilya sa tinatawag na mapanganib na mga lugar o danger areas, 426,517 pamilya sa mga lupain ng gobyerno, at 299,122 pamilya sa pribadong mga lupain.

Sa National Capital Region, Timog at Hilagang Luzon pa lamang, tinataya na ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) na kalahating milyong maralita ang apektado ng mga “proyektong pangkaunlaran” ng gobyernong Arroyo.

Sa huling dalawang Sona (State of the Nation Address) ni Pangulong Arroyo, ipinaliwanag niya ang layunin ng ganitong plano: pagtatayo ng malalaking proyekto sa imprastruktura at programang modernisasyon na para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. Sa kalaunan, pangako ni Arroyo, darami ang mga trabaho at uunlad ang pambansang ekonomiya.
Pero duda rito ang mga maralita ng Kadamay. Ayon kay Carmen Deunida, pambansang tagapangulo ng Kadamay, “Pagsadlak ito sa bayan sa mas malalang krisis dulot ng oryentasyong pang-eksport at kolonyal na padron ng kalakalan. Tuloy, hindi makapagpaunlad ang Pilipinas ng isang ekonomiyang sa pangunahin ng umaasa sa sarili.”

Patunay dito, ani Deunida, ang pinagmumulan ng pondo ng mga “proyektong pangkaunlaran”. Mapapansin umanong ang pondo ng lahat ng proyektong ito ay utang sa internasyunal na mga institusyong katulad ng WB (World Bank) at ADB (Asian Development Bank), at mauunlad na bansa gaya ng US, Japan, at China. Malalaking kompanya mula sa mga bansang nagpapautang din ang humahawak sa mga kontrata.

Tutustusan, halimbawa, ng P3 Bilyong pautang ng WB ang pagtatayo ng CBD na sasagasa sa tatlong malalaking barangay sa Quezon City (North Triangle, East Triangle, at Veterans Memorial) na tinitirhan ng mga maralitang tulad ni Primitivo.

Tulad ng iba pang CBD, itatayo nito ang naglalakihang mall, call center, condominium, townhouse, at gusaling komersiyal. Sasaklawin ng QCCBD ang mga lupaing kasalukuyang inookupa ng pampublikong mga institusyon (ospital, paaralan, at ahensiya ng gobyerno), komunidad ng mga maralita, at pambansang parke.

Sa uri pa lamang ng itatayong mga imprastruktura, batid nang hindi mga maralita ang makikinabang dito. Paliwanag ni Deunida, “Nais ng dayuhang mga korporasyon (sa mga call center) na kumita nang mas malaki dahil mura ang lakas-paggawa sa Pilipinas ($0.9/oras) at napakalaki ng agwat sa pasahod sa malalaking bansa, tulad ng US ($14/oras). Ipatutupad din ang mga tax holiday na maliit o walang binabayarang buwis ang mga dayuhang mamumuhunan.”

Partikular na sieserbisyuhan ng mga call center, halimbawa, ang Dell, America OnLine, JPMorgan, Siemens, Hong Kong Shanghai Banking Corporation, American Insurance Group, at IBM Daksh.

Isasapribado rin at gagawing sentro ng turismong medikal ang pampublikong mga ospital tulad ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Hospital, Veterans Memorial Hospital at East Avenue Medical Center. Layon ng hakbang na ito tugunan ang pangangailangang medikal ng dayuhang mga pasyente. “I-eetsapuwera nito ang mga pasyenteng walang kakayanang magbayad,” dagdag ni Deunida.

Kahit ang mga mall tulad ng Trinoma, walang ibinibigay na direktang serbisyo sa mga maralita.

Barikada sa Ripada

Samantala, sa mismong loob ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, tatlong buwan nang nakabarikada ang mga maralita. Tinaguriang Ripada (Pook Ricarte, Palaris, at Dagohoy) na matatagpuan sa laylayan ng kampus ang gusto ngayong walisin ng gobyerno para bigyang-daan ang pagpapalawig sa karatig na haywey na C-5 (Circumferential Road-5).
Ilang beses nang tinangka ng MMDA na simulan ang pagsasarbey sa lugar. Subalit bigo silang maisagawa ito dahil sa pagtutol ng mga residente.

Halos kalahating siglo na ang Ripada, isang proyektong pabahay ng UP para sa mga kawani, guro at maintenance personnel at mga estudyanteng nangungupahan.

Noong Setyembre, ginulantang ang mga residente ng balita na idedemolis na ang kanilang mga kabahayan sa bisa ng Presidential Proclamation 1395 ni Pangulong Arroyo. Sa pagdemolis ng mga tahanan, bibigyang daan ang pagpapalapad ng C-5. Ito ang magdurugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway at uugnay sa mga sonang industriyal ng hilaga at silangang Maynila.

Pero ang ikinakagulat ng mga residente, Ripada lang ang sasagasaan. Katapat mismo ng komunidad ang Ayala Heights, isang marangyang subdibisyon na pag-aari, siyempre, ng mga Ayala.

“Noong una, plano ng gobyerno na tapyasan pareho ang bahagi ng Ripada at Ayala,” paliwanag ni Marlon Basilides, lider-kabataan sa Ripada at anak ng isang empleyadong UP. Pero ang nangyari ngayon, buong Ripada na lamang ang sasalantain ng C-5. Mas malaki kasi ang babayaran ng gobyerno sa mga Ayala kahit na golf course nito ang tatamaan.

Walang malinaw na relokasyon para sa apektadong mga residente, ayon sa Save Ripada, organisasyon laban sa demolisyon sa lugar. Diumano’y magtatayo ang gobyerno ng pabahay para sa mga residente ng mga komunidad sa buong UP Diliman. Pero paano magkakasya ang mga residente ng UP sa inilaang 46,563 metro kuwadradong relokasyon ng mga residente ng Ripada?

Wala ring tiwala si Basilides sa pangakong socialized housing. “Kailangan ng maraming rekisito para maging kuwalipikado sa pabahay. Nangangamba rin kaming hindi namin kakayanin ang mga bayarin,” ani Basilides.

Pero palaban ang mga residente. “Hindi kami palilinlang. Sama-sama naming ipaglalaban ang katiyakan sa paninirahan,” ani Basilides.

‘Pinakamalaking paglikas’

May dahilan ang mga residente ng Ripada para maniwalang hindi magiging maayos ang relokasyon nila. Mahabang karanasan kasi ito ng mga maralita. Tulad, halimbawa, ng mga maralitang dating nakatira sa tabing-riles.

Binansagan ng Centre on Housing, Rights and Evictions, internasyunal na ahensiya na nakabase sa Geneva, Switzerland, na “pinakamalaking paglikas ng mga tao sa modernong kasaysayan ng Pilipinas” ang pagpapalayas sa mga maralita sa tabing-riles. Mula 2005, nasa 29,000 pamilya – 22,000 pamilya mula sa Northrail at 7,000 mula sa Southrail – na ang pinalayas sa kanilang mga barung-barong at inilipat sa iba’t ibang lugar.

Sa kabuuan, aabot sa kalahating milyong maralita ang naninirahan sa tabing-riles. Lahat sila, handang isakripisyo ng gobyerno para imodernisa ang Philippine National Railways.

Mahigit 9,500 sa mga pinalayas ang nakatira ngayon Southville sa Cabuyao, Laguna. Dito, inirereklamo ang kawalan ng malinis na tubig at kuryente. Daan-daang residente na ang namamatay rito dahil sa pagtatae, dengue, at iba pang sakit. May 70 porsiyento rin ng mga residente ang bumabalik sa Maynila para maghanapbuhay dahil sa kawalang-trabaho sa lugar. Malayo rin ang mga kabahayan sa eskuwelahan at palengke.

Pareho rin ang mga problemang kinakaharap ng mga maralitasa mga pook-relokasyon na Southville 2 sa Trece Martires, Cavite; Northville sa Marilao at Bocaue Bulacan; at Towerville sa San Jose del Monte, Bulacan.

Gayunman, ipinagmamalaki ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council) na namudmod ito ng P50,000 sa bawat pamilya para makapagtayo ng bahay sa mga pook-relokasyon.

Magbabayad ang mga residente ng P200 kada buwan sa pangalawang taon, na aakyat sa P500 sa susunod na mga taon. Pero kahit sa ganitong presyo, hindi kakayanin ng mga maralitang walang kabuhayan. “Hindi kinakaya ng marami ang buhay dito, kaya inabandona na lamang ang kanilang mga bahay at muling nakikipagsiksikan sa Maynila,” sabi ni Elnora Magtibay, tagapangulo ng Saligan ng Mamamayan at Tagapagtanggol sa Relokasyon sa Southville.

Inuunti-unti ang Tondo

Sa mga daungang-dagat sa Kamaynilaan, masasaksihan din ang kahandaan ng gobyerno na isakripisyo ang mga maralita para sa mas madulas na kalakalan.

Nakalatag sa Port Modernization Program ang plano ng gobyernong Arroyo sa mga daungan. Kasama sa plano ang pag-uugnay sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng sistemang Roro (Roll-on, Roll-off) at pagtatayo ang bago at diumano’y “world class” na mga daungan na isasapribado.

Kasama rin sa plano ang pagpapalayas sa libu-libong maralita na nakatira sa mga komunidad sa tabing-dagat. Sa Manila North Harbor Privatization Program, tinatayang 150,000 katao ang apektado, at 60,000 naman sa Batangas Port Modernization Program o BPMP.

Sa Mabuhay Road 10 sa Manila North Harbor, pinapipirma na ng DSWD (Department of Social Welfare and Development), katuwang na ahensiya ng Philippine Ports Authority sa proyekto, ang mga residente ng waiver. Ayon sa waiver, bawal silang magtayo ng mga istruktura at kasuhan ang DSWD kapag giniba ang kanilang mga tahanan, at tatanggap sila P21,000 na ayuda.

Galit ang mga taga-Tondo. Kilala sa pagiging matapang, ang mga residente rito na nanganganib mapalayas ay nagtatag ng Tondo Foreshoreland People’s Alliance, organisasyon para tutulan ang demolisyon. Layon nitong pagkaisahin ang maralita ng Baseco, Parola, Isla Puting Bato, at Happyland na nanganganib mapalayas dahil sa iba’t ibang “planong pangkaunlaran.”

“Inuunti-unti nila ang pagpapalayas. Lalo na dahil kami’y mga taga-Tondo at alam nilang lalaban kami,” sabi ni Joy Lumawud, pangkalahatang kalihim ng Tondo Foreshoreland People’s Alliance.

Tinatayang 5,000 manggagawa rin sa daungan ang mawawalan ng trabaho kapag ipinatupad ang modernisasyon ng daungan na umano’y gagamit na lamang ng makabagong teknolohiya.

Kontrolado ang negosyo sa daungan ng RII Builders Inc., pag-aari ni Reghis Romero, at International Container Terminal Services Inc., pag-aari ni Enrique Razon. Si Razon ay kilalang malapit na kaibigan ni Unang Ginoo Mike Arroyo. Kasalukuyang nagtatalo sa bidding sa pagpapatakbo ng Manila North Harbor ang dalawang kompanya.

Samantala, sa BPMP, mahigit 57,000 katao mula sa walong barangay sa Batangas ang mapapalayas. Nauna nang pinapalayas ang 1,506 na pamilya sa Brgy. Sta Clara nang unang ipinatupad ang programa noong 1994.

Sa pagpapalawak naman ng Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) na sentrong pang-industriya ng Rehiyong IV, nasa 166,440 maralitang lungsod ang mabibiktima ng demolisyon.

“Iba-iba man ang anyo ng proyekto, iisa lamang ang mukha nito sa maralitang taga-lungsod: demolisyon, gutom at kawalan ng hanapbuhay at matitirhan,” sabi ni Adel Tolentino, pangkalahatang kalihim ng Kadamay sa Timog Katagalugan.

Nakabubuhay na siyudad?
Nagsisimula pa lamang ang pagpapatupad ng mga “planong pangkaunlaran.” Pero sa yugtong ito, idineklara na ni Pangulong Arroyo, sa CA (Cities Alliance) Public Policy Forum sa Maynila noong Nobyembre 7, na “matagumpay na ang pagpapaunlad sa mga siyudad.”

“Nakabubuhay na mga siyudad” ang gustong itaguyod ng CA, pandaigdig na alyansa ng mga bansang pinopondohan ng WB at ADB para umano bawasan o alisin ang kahirapan sa mga siyudad.

Ngunit para kanino kaya nais gawing ”maunlad” at ”nakabubuhay” ng gobyernong Arroyo ang inaambisyong magarbo at modernong mga siyudad? Malinaw sa mga maralita ng Quezon City, Maynila, Timog Katagalugan at iba pang sentrong lugar ng bansa na hindi para sa kanila. Para kay Deunida, walang ibang dapat gawin ang mga maralita kundi lumaban.

Adyenda ng mga maralita
HINDI tutol sa kaunlaran ang mga maralita, ayon sa Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Katunayan, sa pamamagitan ng adyendang ito ng mga maralita makakamit ang kaunlarang ”pakikinabangan ng taumbayan.” 1. Magkaroon ang mga maralita ng tiyak at maayos na paninirahan at hanapbuhay kasama ang isang komprehensibong programang pangkabuhayan.

2. Itigil ang malawakang demolisyon na nagbubunga ng dislokasyon at mas kaaba-abang lagay ng pamumuhay ng maralitang mga pamilya. Hindi mareresolba ang problema sa pabahay ng malaking bilang ng maralitang lungsod kung aalisan sila ng bahay sa pamamagitan ng demolisyon.

3. Isaalang-alang at ipauna ang kagalingan at interes ng mga maralita sa mga komunidad sa pagbubuo at pagpapatupad ng proyektong pangkaunlaran gayundin ang epekto nito sa kalikasan at kapaligiran.

4. Maglunsad ng serye ng konsultasyon sa mga posibleng maapektuhan ng proyekto gayundin sa mga samahan at organisasyong nababahala sa epektong lilikhain ng proyekto. Dito dapat ililinaw ang dalawang mukha ng proyekto (makabubuti at makasasama) at kilalanin ang mga mungkahi at kahilingan ng apektadong mga pamilya at mga samahang mayroong kinalaman sa kanila. Bigyan ng malaking halaga ang negosasyon ng implementor ng proyekto at mga apektadong mga pamilya kabilang ang sangkot na mga organisasyon para maprotektahan ang interes at kagalingan ng huli.

5. Likhain ang isang batas na magbibigay ng proteksiyon sa paninirahan at kabuhayan at magbabawal sa puwersahan at marahas na pagwasak sa mga ito.

6. Ipatupad ang serbisyong pabahay bilang isang serbsiyong pantao at hindi isang negosyong pagkakakitaan at magkakait ng pabahay sa maralitang mga pamilya.

7. Magtayo ng desk para sa mga maralita sa mga barangay, bayan, at lalawigan para sa demokratikong ugnayan ng maralita at ng pamahalaan.

8. Ipagbawal ang matagalang pananatili ng mga militar sa mga komunidad ng maralita. Kondenahin at kasuhan sila sa ligalig/karahasang nilikha nila sa buong komunidad sa bisa ng mga resolusyon at internasyunal na makataong batas.

9. Ipatigil ang hindi makatarungan at hindi kinakailangang pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion). Nagbubunga ito ng malawakan at puwersahang pagpapalikas sa maralita sa kanayunan at nag-aalis ng kanilang kabuhayan na labis na nagpapalala sa kahirapang kanilang dinaranas. Gayundin, inaalis din nito ang karapatan ng mga maralita na makapagsaka sa kanayunan.

10. Bigyan ng katiyakang matatamasa ng mga mamamayan ang pangunahing mga serbisyong panlipunan katulad ng edukasyon at kalusugan at iba pa.

a. Isang programag magbibigay ng pagkakataon sa kabataan na makapag-aral, laluna ang kulang ang kakayahang matustusan ang pag-aaral.
b. Isang programang pangkalusugan para sa maralita. Kabilang ang libre o abot-kayang hospitalisasyon at ang sapat na pondo para sa pagtulong (assistance) para sa mga pasyenteng kulang o walang sapat na pambayad sa pagpapagamot.

Posted in Maralitang tagalungsod | 2 Comments »

Mensahe mula sa ‘Salotville’

Posted by mamamahayag on November 20, 2007

Labanan ang demolisyon sa tabing-riles para di maitaboy sa mala-impiyernong relokasyon, ayon sa mga residente ng Southville.



May mensahe ang mga maralitang inilipat ng gobyerno sa Southville (Cabuyao, Laguna) para sa mga kapwa-maralitang pinalalayas sa tabing-riles sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

“Huwag kayo papayag na malipat dito sa Salotville. Impiyerno rito. Gawin ninyo ang lahat para ipaglaban ang karapatan sa disenteng tirahan,” sabi ni Elnora Magtibay, pangulo ng Saligan ng Mamamayan at Tagapagtanggol sa Relokasyon o SMTR.

Si Elnora, dating pangulo ng Samahan ng mga Mamamayan sa Tabing Riles sa Makati, ay lumaban sa demolisyon. Ngayong itinaboy sa lugar na mas malala ang karukhaan at panganib, lumalaban pa rin siya.

Ang Southville ay isa sa mga relokasyon na itinayo ng gobyerno para sa mga maralita sa tabing-riles na apektado ng Northrail-Southrail Linkage Project o proyektong pagmodernisa diumano sa Philippine National Railways. Mahigit 30,000 pamilya na ang pinalayas sa tabing-riles. Patuloy ang demolisyon at tinatayang 80,000 pamilya ang mapapalayas. Sa pangungumbinsi ng mga tauhan ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council) sa mga pamilya na boluntaryong umalis sa tabing-riles, pangako ng maalwang buhay sa relokasyon ang binibitawan.

Pero gutom, sakit, at kamatayan na dulot ng kawalan ng hanapbuhay at maayos na pasilidad ang reyalidad sa Southville na ngayo’y tinitirhan ng 9,653 pamilya, ayon sa grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).

“Nakatira ka nga sa (bahay na) bato, kumakalam naman ang sikmura mo,” sabi ni Lorna Montero, 37, may siyam na anak. Pinalayas sa tabing-riles sa Makati noong Enero ang kanyang pamilya. Panaka-naka lamang makahanap ng trabaho ang kanyang asawang mason.

Namatay noong Setyembre ang isa sa bagong panganak na kambal na lalaki ni Lorna. Tulad ng marami sa mga kamatayan sa lugar, di na nakakaabot sa ospital nang buhay ang pasyente at di naipapaliwanag nang husto ang naging sanhi nito.

Pero madalas na ikinamamatay ng mga bata at matanda ang mga sakit na dengue at diarrhea. Ito ay dahil sa maruming kapaligiran at kontaminadong tubig na dulot ng matagal nang operasyon ng kalapit na dumpsite o tapunan ng basura ng Severino Hain Enterprises Inc. Ipinasara ng HUDCC ang nasabing dumpsite Setyembre noong nakaraang taon.

Gayunpaman, nananatili ang kontaminasyon sa lupa at tubig. Ayon sa pag-aaral ng Ateneo Urban Research Consortium, mayroong non-coliform bacteria ang tubig na iniinom ng mga residente ng Southville.

Napag-alaman din ng PINOY WEEKLY na mayroong bagong bukas na isang-ektaryang dumpsite. Inirereklamo ng mga residente ang masangsang na amoy na nangangapitbahay.

Tinatayang kalahati pa ng mga kabahayan sa Southville ang walang kuryente. Isa na rito ang bahay ng pamilya ni Cecilia Hermosa, 41. Katunayan, nang palayasin sila mula sa tabing-riles sa Cabuyao, hindi pa nakatirik ang bahay na paglilipatan. Nagtiis silang manirahan sa mga karton at tabing nang isang buwan.

Daing ni Cecilia, malayo ang palengke at paaralan sa Southville. Mayroon ngang health center o sentrong pangkalusugan, pero wala naman diumanong gamot. At tulad ng karamihan sa mga lumipat, sa Maynila pa rin ang hanapbuhay ng kanyang asawang drayber ng dyip. Ayon sa ulat noong nakaraang taon ng Centre on Housing Rights and Eviction, grupong nakabase sa Switzerland, may 70 porsiyento ng mga taga-Southville ang bumabalik sa Maynila para maghanapbuhay. Dagdag-pasanin nila ang pamasaheng kumakain ng malaking bahagi ng maliit na kita. “Dito lang ako nakaranas na mag-ulam ng talbos ng kamote o ng toyo lang,” sabi ni Cecilia.

Ang mga di makayanang lumuwas para maghanapbuhay, nagbobote o nangangalahig. May mga ulat ding natanggap ang PINOY WEEKLY na dahil sa desperasyon, may mga babaing napipilitang magbenta ng laman sa halagang P20 hanggang P100.

Iniintindi pa ng mga taga-Southville ang pagbabayad sa bahay at loteng “ibinigay” ng gobyerno. Bagaman sa unang taon ay libre ang paninirahan dito, magsisimula silang magbayad ng P200 kada buwan sa pangalawang taon. Aakyat ito sa P500 kada buwan pagkaraan ng limang taon.

“Kung anong nangyari sa amin sa riles, palagay ko, mangyayari rin sa amin dito. Pagbabayarin kami (ng National Housing Authority), wala naman kaming pinanghahawakang dokumento na mapapasakamay namin ang bahay at lote. Nadenggoy na kami sa riles, pati ba naman dito?” wika ni Elnora.

Kamakailan, naglunsad ang SMTR ng “Lugawan Laban sa Kahirapan” para imulat at pagkaisahin ang mga mamamayan sa Southville. Isang piket din ang kanilang isinagawa, kasama ng Kadamay, para mapuwersa si Alkalde Jun Hemedes ng Cabuyao na harapin sila sa matagal nang hinihinging diyalogo.

“Kung susunod kami sa lahat ng gusto ng gobyerno, baka wala pang 10 taon ay patay na kami lahat. Kasi iyon yata ang gusto nila. Na mabawasan isa-isa ang mga Pilipino kaya dito kami ipinatapon para mamatay,” sabi pa ng lider-maralita.
Mahigpit niyang tagubilin sa mga kapwa-maralitang naiiwan sa tabing-riles: labanan ang demolisyon para mabuhay at maiwasan ang diumano’y “buhay-impiyerno” sa relokasyon.

Posted in Maralitang tagalungsod | 1 Comment »

Krimen ba ang maghanapbuhay sa Maynila?

Posted by mamamahayag on September 8, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 33
Agosto 27, 2007 

Hindi na sila nakapagtimpi. Hinuhuli kasi silang parang kriminal — para lamang kotongan.

Ito ang reklamo ng mahigit 100 manininda ng Maynila na dumagsa sa City Hall noong Agosto 28. Dala-dala ang mga plakard, sa unang pagkakataon ay idinaan nila sa kilos-protesta ang pangangalampag sa lokal na gobyerno. Lalo pa’t ipinangako ni Alkalde Fred Lim, noong nangangampanya pa, na ititigil ang pangongotong ng mga pulis.

Para makalabas sa kulungan sa Station 5 ng Manila Police District, na animo’y kulungan ng aso, P300 ang kinailangang ibayad sa pulisya ni Saad Maguinalang, edad 19. Tinutulungan niya ang kanyang tiyang si Mona, 39, sa pagtitinda sa bangketa ng Pedro Gil St. nang arestuhin ng mga pulis noong Agosto 21.

Noong Agosto 27, limang manininda naman sa Rizal Ave., Sta. Cruz, ang nadetine ng apat na oras. Ayon kay Nayma Cabugatan, 18, “Tinapon nila ang aming mga paninda at inapak-apakan. Dinaganan pa yung anak ng ilan naming kasama.” Nakalabas sila nang magbayad ng P500, na tinawaran pa nila mula P800.

Daing ng mga manininda, hinuhuli sila kahit nagbabayad bawat buwan ng P1,600 sa kotong kada puwesto. Anila, nauubos ang kanilang maliit na kita sa kotong. Lagi pang kinukumpiska o sinisira ang mga paninda na kadalasang inuutang lamang.
“Ang masama pa, sinasaktan kami, minumura. Masama sa relihiyon namin yung ginaganoon,” sabi ni Nayma, isang Moro, katulad ng karamihan sa mga naghahanapbuhay sa bangketa sa Maynila.

Bagaman alam nilang tinatagurian silang sagabal sa mga pampublikong lansangan kung kaya pinagbabawalan, iginigiit ng mga manininda na dapat silang pagbigyang mabuhay. “Ito lang ang hanapbuhay na alam namin. Walang tumatanggap sa amin sa trabaho dahil maraming kwalipikasyon na hinahanap. Iilan lang ba sa amin ang nakapagtapos ng hayskul?” ani Baby Bolanos, tagapangulo ng Almmakka (Alyansa ng Maralitang Manininda para sa Kabuhayan at Karapatan).

Ang Almakka ang unang alyansa ng mga manininda sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Tinulungan itong buuin ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap)-National Capital Region.

Hinarap ng mga opisyal ng City Hall ang mga lider ng Almmakka at Kadamay. Umaasa ang mga grupo na isa itong hakbang para matukoy, sa wakas, kung sino ang totoong kriminal: mga manininda ba o mga pulis na nanghuhuli sa kanila.

Posted in Maralitang tagalungsod | Leave a Comment »

Reyd kontra-droga o demolisyon?

Posted by mamamahayag on July 8, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 BLg 25
Hulyo 6, 2007
 

Ang hindi ipinakita ng mga kamera at isinulat sa balita, tinangka ring palayasin sa kanilang tahanan ang 70 pamilyang nagsisiksikan sa mga barung-barong sa lupaing kung tawagin ay Banana Island. Maraming diumano’y walang-sala ang nadamay — ikinulong, binugbog, at ninakawan — sa nasabing reyd. At kung hindi sinaklolohan ng progresibong mga organisasyon ng kabataan, malamang, palaboy na ngayon sa kalsada ang isa na namang pulutong ng mga maralita.

Kuwento ng Banana Island

Sagingan noong dekada ’50 ang lugar na nireyd, ayon sa nakatatandang mga residenteng nakapanayam ng PINOY WEEKLY.

Sabi nila, ang dating tahimik at malinis na pook ay nagsimulang pamugaran ng mga nagtutulak ng droga mula sa dinemolis na karatig-komunidad. “Palibhasa’y walang hanapbuhay,” wika ng tinderang si Nanay Sely (di-tunay na pangalan), “iyon na ang pinagkakitaan ng mga tao.”

Sa makitid na lagusan ng compound, labas-masok ang mga adik. Araw at gabi, may “pumipitik-pitik” sa maliliit na plastik, sabay pasok sa mga kuwarto. Halagang “piso” (P100) at “dalawang piso” (P200) ang bawat tira. Karaniwang parukyano ang mga estudyante ng kalapit na Letran College, Lyceum University, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at Mapua Institute of Technology. Gamit ang mga bata bilang runner, kinukuha ang droga sa bagsakan sa Quiapo.

Masidhi ang kagustuhan ng mga residente na matigil ang pagtutulak ng shabu sa kanilang lugar. “Hindi naman lahat ay sangkot at nakikinabang, mangilan-ngilan lang,” sabi ni Juvy Fuentes, asawa ng kapitan ng barangay. Batid nila ang pinsalang dulot ng droga. Pero hindi sila naniniwalang seryoso sa kampanyang kontra-droga ang pulisya, gaya ng “pinagtibay” ng katatapos na pagsalakay ng Manila Police District (MPD).

Alas nuwebe ng umaga noong Hunyo 21, sinimulan ng MPD at Swat (Special Weapons and Tactics) ang operasyon.

Pinalabas ang lahat ng residente. Sa bisa ng arrest warrant at search order para sa limang tao lamang, hinalughog ng mga pulis ang buong compound. Di nagtagal ay nagbukulan ang mga bulsa nila. Ayon sa nakalap ng PINOY WEEKLY sa nakasulat na salaysay ng halos 20 residente, nalimas ang kanilang mga cellphone, pera, alahas, at iba pang mahalagang gamit.

Pinadapa, pinosasan, at dinala sa presinto ang 110 residente, kabilang ang mga menor-de-edad. Binugbog ang ilan, katulad ni Jonel Denanila, 18, estudyante ng Manila High School na nagkuwento sa PINOY WEEKLY kung paano siya dinibdiban umano ng isang miyembro ng Swat.

Bigong pagpapalayas

Kasabay ng reyd ang pagdating ng mga tauhan ng Intramuros Administration (IA), lulan ng isang demolition truck. IA ang ahensiya ng Department of Tourism na nangangasiwa sa mga lupain at ari-arian sa loob ng dating tanggulan ng mga Espanyol. Anunsiyo ni Marietta Allaga, hepe ng Urban Planning at Community Development Division ng IA, ikakandado na ang kanilang mga tahanan.

Umalma ang mga residente. Rumesponde naman ang mga miyembro ng AnakBayan at League of Filipino Students.

Nagprograma sila at hinikayat ang lahat na magkapit-bisig para hindi makapasok ang demolition team. Pasasalamat ng mga residente sa mga kabataan na umano’y tinawag pang “terorista” ng mga pulis, hindi sila napalayas. Hindi sila natulad sa compound sa Solana St. na ikinandado ng IA nang minsang ipinatawag ang pulisya para ayusin ang isang gusot-pampamilya.

Ilang demolisyon na ang natikman ni Rebecca Kadel, 57, halos kalahating siglo nang naninirahan sa Banana Island.

“Sandal-pader” o mga kahoy na isinasandal sa pader ang ginagawang pansamantalang silungan kapag napapalayas sa lugar.

Nitong huli, P21,000 sa bawat pamilya ang inialok ng korporasyon na umano’y nakabili sa lupa. Pero dahil walang maibigay na relokasyon ang gobyerno, hindi ito tinanggap ng karamihan. Hinala ng mga residente, “sinisistema” ng pamunuan ng IA ang kita mula sa mga lupain kaya nagpapademolis kahit walang kautusan ang korte.

Lalong naging kahina-hinala ang intensiyon ng reyd nang gawing kondisyon ng MPD sa paglaya ng mga inaresto ang kusang pag-alis ng mga pamilya nila. “Pinagawa ako ng kasulatan na nangangakong hindi na babalik sa Legazpi (St.) kapalit ng paglaya,” sabi ni Elena Clep, 49, maghapong ikinulong at hindi pinakain.

Pulisya, pera-pera?

Sa huli, ayon kay Supt. Roderick Matriano ng MPD, kinasuhan ang 75 suspek at pinalaya ang 35 na negatibo sa drug test.

Pero sabi ng mga residente, hindi naman talaga nahuli ang mga “bigtime” dahil naabisuhan sila bago ang reyd. Marami rin umanong nagtutulak ang nakapagpiyansa, habang ang mga inosente ay naiwan sa kulungan. “Paanong titino (ang mga durugista) kung nakukuha lang sa pera ang pulisya?” hinaing ni Fuentes.

Aminado si Nanay Sely na “kahit papaano ay natahimik ang aming lugar simula noong reyd.” Pero hindi niya alam kung gaano katagal. Baka muling mapuno ng mga adik na estranghero ang lagusan ng Banana Island. Baka sa susunod na reyd, tuluyan na silang mapalayas.

Kaya naman sa tulong ng progresibong mga organisasyon ng kabataan, nagbubuo na ang mga residente ng samahang makapagtatanggol sa kanilang tahanan. “Shabu tiangge” man kung tawagin, naniniwala silang maaari pang maisalba ang Banana Island sa bisyo. Naniniwala silang ang lugar ay di-hamak na matinong silungan kaysa sa pira-pirasong kahoy na isinasandal sa pader ng Intramuros.

Posted in Maralitang tagalungsod | Leave a Comment »

Militar kinakasangkapan sa demolisyon?

Posted by mamamahayag on December 7, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 47
December 7, 2006 

Sa umaga, sila’y nakadamit-sibilyan, magiliw na nakikipag-usap sa mga residente. Minsan, nakikita silang kasama ng mga opisyal ng National Housing Authority, tumutulong mangumbinsi sa mga taga-riles na makipagtulungan sa gobyerno sa isinasagawang demolisyon para mabigyang daan ang pagmomodernisa ng Philippine National Railways.

Sa gabi, sila’y naka-uniporme’t naka-armalayt, nagroronda sa mga kabahayan na tila may mga suspek na tinutugis. Ipinagtatanong kung sinu-sino ang mga miyembro ng mga progresibong mga organisasyon at party-list sa mga residente. Inuusisa rin ang bilang at gawain ng bawat pamilya.

Sanhi ng pagkalito at ligalig ang halos isang buwan nang paghimpil ng 202nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa pitong barangay sa Pandacan, Maynila.

Puna ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ibayong pananakot at pandarahas ang pantapat ng gobyernong Arroyo sa mga maralitang lumalaban sa napipintong demolisyon sa kahabaan ng riles.

Isa na rito si Trining Delfin, 72, residente ng Brgy. 865 sa Pandacan. Dati nang sumailalim sa “boluntaryong demolisyon” si Aling Trining noong dekada ’90. Mula sa tabing-riles na tahanan sa Sta. Mesa, inilipat ng gobyerno ang pamilya nito sa tinaguriang FVR (Fidel V. Ramos) Village sa Bulacan.

Ngunit di nagtagal sa malayong mass housing project si Aling Trining sanhi ng kawalan ng mapagkakakitaan sa lugar. “Ang hirap ng buhay doon. Mamamatay ka sa gutom. Di maganda ’yung patakaran ng gobyerno, dadalhin ka sa bundok tapos ’yung mga dayuhan nasa bayan. Tama ba naman ’yun?” anang labandera.

Ngayon, si Aling Trining ay miyembro ng Pamaril (Pagkakaisa ng mga Mamamayan sa Riles), isa sa mga organisasyong hinaharas ng militar. Hindi nagpapasindak si Aling Trining sa presensiya ng mga armadong sundalo. “Bakit ako matatakot eh wala naman akong ginagawang masama? Kung hindi lang malabo ang mata ko eh sasama ako sa mga nagrarali saanman sila magpunta,” sabi niya.

Noong Disyembre 3, nagsagawa ng “trolley-cade” ang Kadamay sa kahabaan ng riles para ipagdiwang ang Linggo ng mga Maralitang Tagalungsod at himukin ang mga taga-riles na ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa tahanan at kabuhayan.

Isang malaking kilos-protesta sa Plaza Miranda ang isasagawa ng Kadamay Disyembre 5 para kondenahin ang nakaambang demolisyon sa libu-libong tirahang maralita dulot ng mga diumano’y “proyektong pangkaunlaran” katulad ng Northrail at Southrail; pribatisasyon ng North Harbor, New Bilibid Prison, at Laguna Lake; pagpapalawak sa Batangas City Port; Proyektong C-6, Star at Calabarzon Highway.

Posted in Karapatang Pantao, Maralitang tagalungsod | 2 Comments »