Muling Paglathala

Archive for the ‘Personalidad’ Category

Ang bagong laban ni Nanay Mameng

Posted by mamamahayag on May 18, 2008

Mikas Matsuzawa/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 – 20, 2008

Walang kasingtalas ang dila at kasing-laki ang puso ng babaing ito na pinarangalan noong Araw ng mga Ina.

NOONG araw ng mga ina, isang nanay ang umangat sa iba. Siya si “Nanay Mameng” –Carmen Deunida, na pinarangalan ng sektor na matagal nang pinaglilingkuran at pinamumunuan niya.

Pinangunahan ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), ginunita kamakailan ang buhay at pakikibaka ni Nanay Mameng sa pamamagitan ng programang tinaguriang “Alay kay Nanay: Isang Salo-salo at Gabi ng Pagpupugay” sa Balai Kalinaw, UP Diliman. Dinaluhan ito ng maraming tao at grupong naging kabahagi at kasamahan ni Nanay Mameng sa kanyang paglilingkod sa kapwa-maralita.

Istrikto, pero mapag-aruga
Lingid sa kaalaman ng lahat, naging guro sa day care si Nanay Mameng noong dekada ’30.

Inamin niyang pinaluluhod niya sa asin ang mga estudyanteng hindi nababasa ang kanyang mga ipinababasa. Pero aniya, nagpapasalamat sa kanya ang mga estudyante niyang karamihan ngayon ay mga empleyado ng gobyerno – siya umano ang dahilan kaya nakapag-aral sila’t nakapagtapos.

Isa rin siyang mapagmahal na kapatid – patunay ang ginawa niyang pag-aaruga sa kapatid na lalaki noong 1941, panahon ng pananakop ng Hapon. Panahong ito nahasa ang kapangahasan ni Nanay Mameng. Lagi umano siyang pumupunta sa kampo ng mga sundalong Hapon para palihim na kumuha ng bigas at iba pang makakain ng kapatid. Minsan, nagtago pa siya sa dram ng gasolina para hindi mahuli. Ngayon, hindi na lamang umano ang pamilya ang kanyang sinisikap itaguyod, kundi ang sambayanang Pilipino, sa pamamagitan ng pakikibaka.

Bagong laban
Sinariwa ng mga panauhin ang sikat na mga terminong ginagamit ni Nanay Mameng sa mga rali para isalarawan si Pangulong Arroyo, tulad ng “tsunano,” at “Gloria Makapal-ang-Mukha Dorobo.”

Sabi tuloy ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, sayang at hindi naluklok sa Kongreso si Nanay bilang nominado ng Anakpawis Party-list. Tiyak umanong magigimbal ang mga kongresista kapag siya ang nag-privilege speech.

Isinagawa rin ang pagdiriwang na iyon upang makalikom ng pondo para sa mga pangangailangang medikal ni Nanay. Ngunit sa kabila ng kanyang mga nararamdaman na dulot ng katandaan, nakita sa gabing iyon ang kanyang lakas. Na pinatotohanan ng mga kabataang nakakakita kung paanong nangunguna pa sa takbuhan si nanay tuwing may rali. Ayon sa kanya, ang pagmamartsa sa lansangan ang nagbibigay-sigla sa kanya, at ang gamot sa kanyang mga karamdaman ay ang pagsigaw dito.

Nagtatawanan din ang lahat noong ipahayag ni Nanay Mameng ang kanyang pagnanais na mamatay hindi sa sakit kundi sa bala. Sinabi niya na ang tao, kapag namatay nang may ipinaglalaban, mahalaga ang pagkamatay. “Hindi ko binibigyang-halaga ang aking karamdaman. Huwag muna ngayon. Kailangan tapusin ko ang laban,” pahayag niya.

Ang gabing iyon ay siniksik ng mga istorya tungkol sa buhay ni Nanay Mameng, ang kanyang pakikibaka magmula pa noong 1985. Pero sa kabila ng ipinaulang mga papuri, nananatiling mapagkumbaba ang kanyang loob.

Katunayan, nahihiya umano siya tuwing nakikilala sa publiko – aniya, sa pakikibaka, walang mahalaga kundi ang pagpaparami ng bilang at pagsisikap na magpunyagi.

Posted in Maralitang tagalungsod, Personalidad | Leave a Comment »

Brownman Revival: Pag-ibig sa panahon ng krisis

Posted by mamamahayag on March 12, 2008

Ilang Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Taon 7 Blg. 10
Marso 12-18, 2008

WALANG mas nakapagpapaindak, nakapagpapasaya, at nakakapagkaisa sa pulutong ng mga tao nang higit pa sa musikang reggae. Ito ang ginawa ng Brownman Revival sa libu-libong nagtipon sa protesta kontra-korupsiyon sa Makati City noong Pebrero 15.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly sina Dino Concepcion (bokalista), Dennis Concepcion (drums), at Jason Cuevas (trumpet) ng banda para alamin ang kanilang pananaw na pampulitika at ang kaugnayan nito sa kanilang musika.

Pinoy Weekly (PW): Bakit kayo tumugtog sa rali sa Ayala?

Jason: Nagpapasalamat kami sa nagpatugtog sa amin, gusto namin ’yon, maraming tao eh. Astig! Nakamayan ko pa si Joey de Venecia, close kami, close. Nakakataba ng puso.

Dennis: Kahit noon pa, lagi naman kaming tumutugtog kapag may imbitasyon. Hangga’t maluwag ang schedule, hangga’t may pagkakataon, lagi naman kaming tumutugon sa mga paanyaya. Kasi ’yun lang ’yung kakaunting pagkakataon na puwede naming ipahayag ’yung pagkakaisa sa karaniwang Pilipino sa anumang ipinaglalaban o isyu na aming pinaniniwalaan. Bagaman hindi masyadong militante o di masyadong aggressive, sa tingin ko, hindi naman kailangan maging ganoon.

PW: Ano pa ang ibang tugtog ninyo sa rali na memorable?

Dino: ’Yung nakatugtog kami para sa mga kaibigan namin sa Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, at sa Kabataan Party, noong nagkampanya kami para sa eleksiyon kung saan sila lumahok. Naalala ko na tumugtog kami sa Mendiola, siguro dalawa o tatlong beses yata. Memorable sa akin ’yun kasi alam mong mayroong pinupuntahan ’yung pinaghihirapan mo o may punto doon sa ginagawa mo. Kapag sinusuri mo kung ano ’yung artista sa kinalalagyan niya, kasama rin siya kasi sa lipunan eh.

Bagaman ’yung iba ang tingin nila bilang artista kailangan nakaibabaw o hiwalay sila lipunan, para sa akin kasi hindi mo puwede ihiwalay ’yung sarili mo dahil nasa lipunan ka. Kung ano ’yung nangyayari sa lipunan, apektado ka, at apektado mo rin ang lipunan. Doon pumapasok kung ano ’yung katuturan ng kanta mo. Sabi nga ni (National Artist) Bienvenido Lumbera, kailangan mong gawing purposive ’yung likha mo, ’yung sining mo. Kasi kung hindi… balewala lang.

PW: Anu-ano ang mga advocacy ninyo?

Dino: Tulad ng lahat ng karaniwang Pilipino, ang gusto lang naman nila, maliban sa katotohanan… mabago at hindi na maulit ’yung sistema. Ika nga ni (Bayan Muna Rep.) Teddy Casiño, “radical situations call for radical solutions.” May mga iba, sa kanilang pananaw, puwede idaan sa mahinahon. Ako naniniwala na kung hindi nadadaan sa mahinahon na paraan at kinakailangan ng mas matindi pang pamamaraan, kailangan gawin ’yun. Kasi isang kahangalan lang at parang nananaginip ka lang kung hinahawakan mo pa rin hanggang ngayon ’yung hindi na umuubra.

Jason: Kasi kami rin naaapektuhan. ’Yung iba sa amin nag-aaral, ’yung iba sa amin nagtatrabaho, nagbabayad ng tax. Saan napupunta? Sayang ang pera na nawala. Kung nailagay lang sa tama.

Dino: Kailangan ng sakripisyo – kung may kailangang bitawan, kung ’yun ang tanging paraan, ’yun ang kailangan gawin. May iba’t ibang antas. Siguro ’yung grupo, (sakripisyo namin ’yung) the mere fact ng association, lalo na alam naman natin ’yung mainstream may sensitivity o may allergy sa ibang mga bagay kung saan ’yung pagdikit mo sa ibang tao ay di masyadong kinikilala. At ’yung panahon na ring ibinibigay… gusto naming maniwala na kahit papaano nakakatulong kami sa kahit maliit na paraan. Kung may pagkakataon na mas malaki pa ang puwede naming ibigay, ako personally, gagawin ko.

Dennis: Ang puno’t dulo noon, bakit may mga taong nagpupunta sa ganoong mga event? Kaysa maghanapbuhay pa sila, pinaglalaanan pa rin nila ’yun para maipahayag ang nararamdaman nila, para labanan nila ang katiwalian. Ganoon din kami. Kasi pagbaba namin sa entablado, pag kumalat na kami diyan sa siyudad, hindi mo kami mare-recognize…

PW: May kinalaman ba ’yung inyong genre (reggae) na may progresibong tradisyon sa inyong paglahok?

Dino: Ang reggae ay puwede gamitin para sa pagbabagong panlipunan at pagkilos, tulad ng punk o rock… o anupamang genre. Ang reggae, nagsimula na dance music, pero hindi ibig sabihin hanggang doon lang. At the same time, dapat alalahanin na hindi dapat makalimita sa kung anong genre ’yung tinutugtog o pinapakinggan mo. Puwede ka maginig ng electronica, puwede ka makinig ng Sarah Geronimo, at hindi ibig sabihin, hindi ka na puwedeng makilahok o maging progresibo.

PW: May mensahe ba ’yung pangalan ninyo?

Dennis: Kaya Brownman Revival actually, para ibalik yung pride sa pagiging Pinoy. Siguro noong 1994 nang magsimula kami, kasagsagan iyon ng mga foreign artist. Gusto naming ipakita… na hindi porke Pinoy ka hanggang diyan ka lang. Kaya masaya kami ngayon kasi after so many years, medyo healthy na ’yung local scene. ’Yun siguro ang goal namin noon, na kahit man lang sa pangalan, kung hindi man maging successful ’yung aming effort bilang banda, at least ipinapakita namin sa tao kung anong ibig naming sabihin… na dapat ipagmalaki ang pagiging Pinoy.

Jason: Sinusubukan namin iyon kahit man lang sa pagpupugay sa mga OPM act na idolo namin noon… Apo Hiking Society, VST, Rainmakers, Rey Valera, Eraserheads, Rico J. Puno. Gusto namin magkaroon tayo ng bias (para) sa Pinoy.

PW: Paano nalalantad ang pagtingin ninyo sa pulitika sa inyong mga kanta?

Dino: May mga nagtatanong sa akin, “Bakit lagi, kayong nagkokober ng dekada ’70? Ngayon ko lang din na-realize na kasi ’yung sitwasyon natin parang dekada ’70 ulit. Dahil love songs, kasi gusto kong maniwala na noong panahon na ’yun na matindi ’yung represyon, ang tanging nagbibigay ng pag-asa, siyempre, pag-ibig. Sa iba’t ibang level, mapasa-romantic o mas mataas. Napapanahon na kailangan buhayin ’yung pag-asang dati nating pinanghahawakan noong panahon na masyadong tinatapakan ang ating karapatan, na palagay ko nangyayari din ngayon… Kinakanta mo ’yung mga sentimyento, ’yung love experiences ng karaniwang tao, pero napapaloob pa rin sa kung ano ’yung nangyayari [sa lipunan]. Hindi mo kailangan maging explicit kung ’yung diwa nandoon.

Jason: Kaya love songs ang tinutugtog namin, ’yun nga ang kahanga-hanga sa Pinoy. Na kahit ganito yung sitwasyon natin, ang pangkaraniwang tao, kaya pa ring magbuhos ng pagmamahal niya. Kung sa ibang lugar ’yan siguro patay na ’yung kaluluwa nila dahil sa hirap, sa gutom, sa giyera.

Dino: Parang ’yung kay Gabriel Garcia Marquez… ’yun ’yung diwa namin, love songs in the time of crisis. Maaaring ang dating sa iba, ’yung kakayahan ng Pilipino na tumawa sa gitna ng krisis [ay hindi pagseseryoso]. Hindi dapat ganoon ’yung pagtingin mo… na sisisihin mo na naman ’yung mga naaagrabyado na karaniwang tao. Lumang tugtugin na ’yan. ’Yun ang gusto naming matabunan ng aming mga love song sa pamamagitan ng paggamit nito sa positibo.

Posted in Personalidad | Leave a Comment »

Pen Medina: Artista sa lansangan

Posted by mamamahayag on March 12, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Taon 7 Blg. 8
Pebrero 30 – March 4, 2008

Laging makikita sa mga rali at mga pagdinig sa eskandalong NBN-ZTE si Pen Medina. Doon, di mahilig sa kamera ang beteranong aktor. Kinapanayam siya ng PINOY WEEKLY para maukilkil ang kanyang mga pagtingin at mahaba-haba na ring karanasan ng pakikisangkot.

Pinoy Weekly (PW): Bakit kayo sumasama sa mga rali?

Pen Medina (PM): Minsan sa rali, gusto nila nasa harap ako kasama ng ibang pulitiko. Okay lang na magkasama kami sa rali, huwag lang yung kapit-bisig sa martsa, basta pulitiko, kahit oposisyon pa…Wala akong grupo. Kahit noong estudyante ako, panahon ni Marcos, sumasama ako pero doon lang ako sa gilid. Ngayon, siguro dahil artista ako kaya kung minsan pinapagsalita ako. [Pero] nandoon ako sa lagi sa, kapag nagtakbuhan, madaling tumakbo. Pero [nakikisangkot] na rin ako noong panahon ni Marcos. [Lalo] sa mga pag-aaral tungkol sa nangyayari sa lipunan. ’Yun sana ’yung sinasabi ko sa mga grupo. Kasi nakaka-ilang rali na ’yung mga grupong sinasamahan ko. Sabi ko, sana may mga pag-aaral gaya noong dati, kasi yun yung pinakamabisang paraan. Hindi lang tayo yung nagsasalita, nagsasalita rin yung mga kausap natin, nagtatanong sa atin, nagtatanong tayo sa kanila. Kasi hindi naman lahat alam natin lalo na ngayon na ibang paraan ng pagkilos ang kailangan natin. Hindi na pwede yung noon na basta na lang naglabasan yung tao. ’Yun ’yung perception. Pero actually ang tagal hinanda ’yon. Noon pa kumikilos na ’yung iba lalo na yung Kaliwa, sa mga probinsya, laborers, sa mga community. Pero nung lumabas na yung mga kalokohan ni Marcos, tumindi na ’yung mga pag-aaral. At yung mga estudyante mas naging vigilant sila sa pagbabantay, sa pag-aaral. Hanggang noong dumating ang pagkakataon, ang dami nang lumabas kasi ang dami nang nabuksan ang isip. Ngayon hindi eh. Ang lakas ng propaganda ng administrasyon. Kaya ’yung hindi masyadong nakakaintindi sa sitwasyon, yung di masyado nakapag-aral, kapag natapatan ng katakot-takot na propaganda lalo ng authority figures, mawawala yung konting kaalaman nila, maisasantabi. So mangingibabaw, “Sinong papalit? Wala”. “Ganoon din naman yan, kapag nawala yan, bakit ko itataya buhay ko diyan?” Ngayon, kapag may sapat na pag-aaral ’yan, mamumulat ’yan. Kasi may nagsalita doon sa isang porum na inimbitahan ako. Kailangan daw may maging Ninoy (Aquino) ulit. Sabi ko hindi na po siguro kailangan umabot doon. Kasi kapag isang tao lang ang inasahan mo, walang mangyayari. Lalo na pag emosyon ang mauna. “Hindi, kailangan mauna ang emosyon para magalit yung tao.” ’Yung ganoon klase siguro hindi magtatagal, sabi ko, gaya ng nangyayari ngayon. Galit ka lang dahil nandoon si Marcos, namatay si Ninoy. Pagkatapos noon, pinabayaan mo na kay Cory. So unti-unti bumalik yung dating mga beterano na nasa gobyerno. So nagpatuloy yung ginagawa ni Marcos at [nagging grabe] ngayon kasi natuto sila nang natuto. Whereas kung nag-umpisa yung pag-iisip mo, natuto ka, nakita mo kung paano ka niloloko, nakita mo kung paano magiging mas mabuti ang buhay ng anak mo, ng magiging anak mo, yung kababayan mong naghihirap, mas matibay ang magiging paniniwala mo, pati yung pagiging militante mo, yung pagbabantay sa gobyerno. Mas matagalang galit yon….maiintindihan mo na yung buong sistema ang problema, kailangan palitan. Kaya ako, kung itong mapababa si Gloria, bonus sa akin. Kaya kailangan, pag-aaral, walang tigil na pag-aaral lalo na sa mga bata ngayon. Yung matatanda medyo nawawalan na ako ng pag-asa. Sa mga nakakausap ko, “’Wag na, ipaubaya mo na yan sa mga bata, trabaho na lang tayo.” Hindi eh, kasi inuunti-unti tayo. Susubok sila, kurutin muna natin. Uy, di pumalag. Ah, ganoon sila ha. O, suntukin natin nang medyo mahina sa braso. Hindi pumalag. Suntukin natin sa may tagiliran. Hindi pumalag. Suntukin natin sa may panga. Uy, hindi pa rin pumalag. Suntukin na natin ng isang upper, isang cross, tapos putulan na natin ng ulo ang susunod diyan. So ganoon ang nangyayari. Tinitimpla-timpla nila. Kung hanggang saan sila uubra to get their way. Kaya ako gusto ko tuluy-tuloy yung pag-aaral ko. Lalo na ngayon hindi simple yung paglalaban, mithi natin na mabago yung sistema. Noon ang simple eh, sa tingin natin. Eh ngayon ang dali nilang i-counter, ang daming taong involved, tapos ituturo lang yung kabila, tapos wala tayong heroic figure na pwede mag-rally yung tao. So yung tao may perceived indifference although naghihintay lang sila. Ako naman kaya ako nag-a-attend ng rali at sa hearing nakikinig ako, tapos gusto ko nga yung may discussion, para matuto pa ako. Lalo na sa paraan na akma ngayon kung paano ka [magpapaliwanag] sa mga tao para sandali lang, maimulat mo sa kanila ’yung katotohanan.

PW: Anong paborito ninyong karanasan sa rali?

PM: Noong Sona (State of the Nation Address), panahon ng Hello Garci, napuntahan ko ’yung pro-Gloria doon eh, nakipag-usap ako tapos nakumbinsi ko sila. Nagsigawan sila ng “Gloria Resign!” May isang babae na nagtanong na parang emosyonal, “Tinulungan kami ni Gloria, kayo wala naman kayong itutulong.” So nagpaliwanag ako. May kumuha sa aming cameraman, eh umalis siya, nagtatanong pa sa akin yung babae tapos [nakapalibot] na sa akin ’yung ibang mga tao. Nung medyo nakalayo na siya (yung midya), nagsigawan yung mga katabi ko. Walang kamera yan ha. Yung cameraman nagmadaling bumalik. So gusto ko ganoon ang mangyari sa atin. Na kahit sinong kausapin natin ilang minuto lang maipaliwanag natin ng malinaw at makukumbinsi natin yung kausap natin na tayo ay niloloko ngayon ng mga pulitiko. Makumbinsi natin ang ating mga kapatid, magulang, kapitbahay na kailangan tapusin na ito, ibahin na ang sistema. Eh paano natin mababago kung may isyu lalabas, tapos kapag medyo lumamig na wala na naman. Naghihintay lagi ng isyu. Naghihintay lagi ng taong lalabas. Kasi walang pag-aaral. Sabi ko nga kung may ganoon na noong time ni Cory, na may natatag na built-in na rebolusyon, na may taumbayan na nagbabantay sa gobyerno, kasi kailangan eh, ang laki ng temptation. Kapag naging pulitiko ka talagang at your disposal lahat lalo kapag naging presidente ka. Kaya kailangan may bantay doon. Isang tawagan lang, nandoon na yung mga tao ulit. Para sa akin, yun yung totoong People Power, hindi ’yung malaking rali lang ’yung nangyari noon. Siguro may power pero panandalian lang tapos binigay na lahat kay Cory. “Bahala ka na diyan kasi ikaw ’yung aming saviour, ikaw yung aming anghel.” Yung ganoong mentality. Dapat tayo. Kung sa Konstitusyon yan, sovereignty resides with the people. Di naman nasusunod. Sino yung nasusunod, itong mga public servant na binabayaran natin, tapos umaasta silang parang mga hari at diktador, kaya binabalewala yung umuupa sa kanila. Kasi hindi naiintindihan ng tao na tayo yung nagbabayad sa kanila tapos pinauubaya natin yung pera natin sa kanila in the form of taxes, yung buwis sa kinakain natin, sa binibili natin, sa sinasakyan natin. Dapat ’yun ’yung mapaliwanag nang malinaw.

PW: Kaynino kayo pinakamaraming natututunan sa mga rali?

PM: Kasi iba’t ibang sektor yan. May mahihirap, may academe, may laborer, may farmer. Hindi mo alam kung anong sitwasyon nila, kung paano sila niloloko ng landlord, halimbawa. So lahat ng iyon nakikita mo, napapagtagni-tagni mo. Lahat nang iyon natutunan mo kahit yung ordinaryong mamamayan lang na akala mo tatambay-tambay. So lahat yan, walang indibiwal o personality na pinag-uutangan ko. Aside from siyempre nagpapakita ako ng suporta. Siguro kahit papaano bilang artisa may maiimpluwensiyahan ako. Ewan ko, di ko alam, ayoko maging presumptuous.

PW: Nagsasalita ba kayo sa mga rali?

Oo, pero ngayon nga tumatanggi na ako kasi wala akong sasabihing bago na di pa nasabi ng iba. Kasi gusto ko kasi discussion, halimbawa may rali tapos pagkatapos may pag-aaral.

PW: Bakit hindi kayo naka-affiliate sa kahit anong grupo?

Unang-una, hindi ko talaga kilala itong mga (grupong) ito. Hindi ko talaga kilala itong mga (grupong) ito. Iniimbita lang ako. Pero alam ko na may pinaglalaban sila. Kaya…patulong-tulong lang ako, nagmumungkahi ng mga strategy.

PW: Ano ang mga estratehiyang iminumungkahi ninyo?

PM: Sabi ko kapag pumunta tayo sa Mendiola, [may kasamang mga] pari, mga madre. Huwag na tayo sisigaw. Kumanta tayo ng isang magandang kanta na lahat ay makaka-identify. ’Yung talagang kapag kinanta maaapektuhan ’yung mga madadaanan mo. Kukuha tayo ng mga choir na magagaling sa blending, parang mga anghel. Parang pelikula ’yung dating. Kasi kailangan maapektuhan mo yung emosyon ng tao. Parang teatro iyan. You have to set the mood. Tapos kapag receptive na yung mga tao, bombahin mo na nang bombahin (ng impormasyon).

PW: Kumusta ang paglahok ng iyong mga kapwa-artista sa mga usaping pampulitika?

PM: ’Yung mga kasama ko, sinasabi sa akin, “Trabaho na lang tayo” o “Pen, suot mo pa rin ’yan?” Galit sila sa nangyayari. Kaya lang ang attitude nila, huwag tayo makialam diyan, kaya na ’yan ng iba. Pero may mga aktibo sa mga direktor, sina Joel Lamangan, Carlos Siguion-Reyna, Bibeth Orteza. Tapos yung mga stuntman at supporting actor. Hanggang ’yung iba nawala na yung grupo, hindi tumagal dahil siguro kulang sa conviction, tapos ’yung iba mayroong kinalaman doon sa grupo ng mga pulitiko. Sa rali na lang kami nagkikita di na ako pumupunta sa mga pulong nila…’Yung pagpunta sa rali [sana] ng isang Robin Padilla, malaking bagay. Kaya lang hindi ko alam yung mga dahilan nila, may sari-sariling dahilan yan, siguro ayaw nilang magulo ’yung buhay nila. Lalo na, akala nila, hindi talaga sila apektado sa nangyayari ngayon. Hindi sila nahihirapan talaga. Hindi sila nagugutom, mayroon silang pampagamot, mayroon silang pampaaral sa mga anak nila, mayroon silang bahay at sasakyan. Although di nila nakikita yung kabuuan, yung pollution, yung pag-aari ng ating natural resources apektado na lahat ’yan. ’Yung utang natin na binubulsa yung kalahati tayo rin nagbabayad kaya pataas nang pataas yung buwis. Hanggang ngayon pinag-aaralan ko pa rin. Kasi worldwide yung problema eh, mga lider—mga pulitiko at mga businessman. Sila ’yung karaniwang nagpapahirap sa mga bansa. Kahit sa US eh. Yung mga pulitiko tau-tauhan lang ’yan ng malalaking businessmen. Tapos global na ang kanilang influence. Yung mga giyera namamanipula. Kaya sabi ko nga yung pagkilos hindi lang dito, dapat buong mundo kasi buong mundo na ang apektado, sa global warming [halimbawa]. Masisira ang mundo na hindi tatanda.

PW: Sa inyong personal na buhay, ano ang mga nakaapekto sa inyong pampulitikang pananaw?

PM: Ewan ko, siguro dahil mabait yung tatay ko. Ayaw niya nang may naaagrabyado although siya soft-spoken, hindi pala-away. Naging ministro ’yun eh. Plus, lumaki ako sa Arayat, Pampanga. Doon tuwang-tuwa kami kapag may [pinapatay na] magnanakaw o kaya [rapist]. Although masama kung titingnan mo ha kasi matutuwa ka kung may mamatay, masama yon diba. Yon nababalitaan namin, kung minsan nakikita namin pinatay ’yung ganitong magnanakaw, pinatay ’yung ganitong pulitiko ng mga Huk, tapos ng NPA. Pinatay ’yung ganito kasi masama siya. Siguro nakakaapekto sayo dahil bata ka eh. Although ngayon, pilit kong inaalis sa isip ko yon kasi mahirap ang patayan eh. Wala naman akong kakayahang pumatay at ayoko ring mangyari sa akin yon. Kaya pakiusapan na lang. Sana maawa na kayo, tama na, ang dami niyo nang napakinabangan diyan. Kami naman, pagbigyan niyo naman kami, yung mahihirap lalo na. So siguro yun yung dalawang factors. Yung tatay ko na tinuruan kami ng mabuti at masama, at yung sitwasyon sa Arayat, Pampanga na insant justice.

PW: Ano ang karanasan ninyo bilang estudyante noong panahon ni Marcos?

PM: Hinabol din kami sa mga rali. Nakalimutan ko na yung petsa. Basta kumalat ’yung rali sa buong U-belt. Nasa Morayta kami, lakad-takbo, may Metrocom na lumabas biglang lumabas. Pinagbabaril kami, hindi ko alam kung totoong bala. Takbuhan kami. Yung mga tindahan na nakasara talagang pinagbubukas. Ang babait kasi sa amin noon talagang marami nang sympathizer. Nangatog ako noon, doon lang ako binaril nang harapan. Ganoon lang, pero nandoon na ako, kumikilos na ako. Tapos ’yun nga ’yung pag-aaral. Kapag may polyeto na ibinibigay yung CBCP sa English, sinasalin namin. Mayroon kaming theater group (Teatro Kabataan kay Junie Gamboa). Noong bumaba yung martial law, pati yung administrasyon ng UE gusto nakaputi kami. Eh nagpipinta kami gusto nakaputi kaming polo at saka maikli yung buhok, naka-leather shoes. Nagreklamo kami kaya lang estudyante kami di kami pinakinggan. Ang ginawa ko, naka-polo ako, naka-leather shoes, hindi pa uso nagpapakalbo noon, nagpakalbo ako. Kasi pangit tingnan diba, noon ha. Nagsunuran yung iba sa amin, siguro anim kami, parang protesta. Kaya lang hanggang doon lang. Tapos nung 1976, community theater naman [iyong pinasok ko].

PW: ‘Yung sinasabi ninyong nasa sistema ng pamamahala ang mali, anong magandang sistema ang naiisip ninyo?

PM: Kahit ano yan, whether parliament o dictatorship o demokrasya. Hindi yung sistema ng pamahalaan ang sinasabi ko. Yung sistema ng pagpapatupad sa pamamahala. Bago mangyari yon dapat matitino…Kasi kahit anong batas ang ilagay mo diyan, kahit anong form of government, kapag ang tao masama, paikut-ikot lang yan, paiikutin lang yung Konstitusyon eh. Sistema, ibig ko sabihin yung pagkatao. Kung bubuuin mo yung gobyerno, i-pe-personify, yung maganda ang pagkatao.

PW: Anong tingin ninyo sa mundo ng showbiz?

PM: [Nakakadagdag ito sa pagkakalulong natin] sa personal na mga problema. Konting ano lang, umiiyak kasi nakita yung boyfriend may kasamang iba. Ibig sabihin nalilimita talaga. Sa mga palabas at komersiyal, kailangan ganito yung buhok mo, kailangan ganito yung amoy mo, yung damit mo. Kaya ’yung mga bata nalilimita. Yung cellphone mo, kailangan yung latest may kamera. Kaya nalilimita, dito lang ako sa circle kong ito. Hanggang doon lang.

PW: Posible ba ang reporma sa showbiz para maging mas politically relevant?

PM: Minsan napapag-usapan yan, minsan may mga porum ’yung civil society. [Kaso wala], negosyo eh. So kung maglagay man ng magagandang programa diyan, token, kasi masisira yung image nila na number one, na malaki ang kita.

PW: Kung sa teatro?

PM: Limitado ang audience ng theater, maliit. Tapos ang hirap kumuha ng audience kaya may sindikato rin iyan sa marketing. Again, nasa magandang pamamaraan pa rin ng implementasyon. Maganda ang theater, maganda ang TV na medium para sa pagbabago pero ’yung implementasyon di tama dahil ang number one consideration ay sarili, ibig sabihin pera. Ganoon pa rin, sistema pa rin.

PW: Hindi ninyo sinubukan maging lider sa inyong mga kapwa artista?

PM: Hindi eh, ayoko maging ganoon. Kasi ako naghahanap pa ako eh, hindi pa rin ako sigurado sa mga ginagawa ko ngayon. Basta alam ko lang, kapag naramdaman kong tama, ginagawa ko.

PW: Naniniwala ba kayo sa People Power fatigue?

PM: Hindi. Naghihintay lang (ang tao) eh. Hindi siya pagod. Kawalang pag-asa. Kasi sinong papalit? Ibig sabihin pag may nakita silang papalit, lalabas sila. Ngayon bigyan mo ng pag-asa ’yan, lalabas ’yan. Propaganda ng Malakanyang ’yang fatigue na ’yan. Makikita yung mga tao, ayaw na nila ng ganito. Kaya lang, wala silang nakikitang pag-asa kasi wala silang nakikitang papalit. Na mali rin. Huwag kang aasa sa isang tao lang o sa isang grupo. Halimbawa, nakaupo ang isang taong matino tulad ni Ed Panlilio, tapos biglang na-tempt. O na-blackmail. Papaano na tayo? Kailangan built-in na sa atin, para kung sino mang umupo diyan, anytime kaya nating (paalisin) nang tayo lang. Kasi ilan lang ’yung mga pulitiko na yan, kung tayo lumabas. Kahit nga 1/10 lang ng mga Pilipino lumabas ang dami na noon eh. Tapos tayo ’yung pipili. Kapag sinabi nila sumunod kayo sa Konstitusyon, halimbawa walang mapili [at] may law of succession. Pipilitin ka ba nila eh ang dami dami ninyo? Sino papanigan ng militar, sila ba? Eh hindi naman lahat ’yan (military) nakikinabang lalo na yung mga junior officer na may prinspiyo pa. Nasa atin lang ’yan. Kailangan lumabas tayo. Iparinig natin yung boses natin. At pagkatapos huwag natin ibigay sa isang tao lang. Kailangan gumawa ng isang network talaga na isang [iglap] lang, nandoon na kaagad.

PW: Bakit pumupunta ka pa sa Senado para manood ng mga pagdinig sa NBN-ZTE, kung puwede naman manood sa TV?

PM: Iba kapag nandoon ka. Nararamdaman mo. Sa TV kasi, nagmumura ako. Eh nagagalit sa akin yung anak ko. Sa Senate hindi ako puwede magmura kaya doon ako nanonood. Pero kapag may nagsisinungaling, nag-boo-boo ako talaga. Alam ng ibang sergeant-at-arms na ako ’yon. At saka siguro gusto ko ring makita ako ng ibang tao. Para lumakas din yung loob ng iba, kasi takot yung iba eh o kaya walang pakialam. Ayoko lang lumabas na umeepal ako.

PW: Ano pang mahahalang pampulitikang kaganapan ang dinaluhan ninyo?

‘Yung pagdinig sa Kongreso noong eskandalong “Hello Garci.” Isa ako sa mga sumigaw doon. Kasi may sumigaw na mga bata eh. Sinegundahan ko. Mayroon silang mga banner, nakatago tapos ilalabas. Eh ano, tinuturo ng (mga kongresista ng) administrasyon, pinapasita sa sergeant-at-arms. Sumigaw ako noon, “Ilabas niyo na ang katotohanan, ano ang kinatatakot ninyo?” Wala lang, ewan ko, kailangan natin gawin eh. Noong impeachment trial ni Erap, araw-araw ako doon. Pati ‘yung martsa sa Mendiola, sumama ako. Karamihan doon mga taga-Bayan at radikal na mga grupo. Galit na ako eh. Sabi ko bahala na, tutal malalaki na ‘yung anak ko. Nakita ko may mga taga-Gabriela, mga babae, sabi ko ang tatapang ng mga ito. Niyayaya ako doon sa ranggo nila eh kapag nagkagulo ‘yun ‘yung uunahin, ‘yun ‘yung mga radikal eh. Sabi ko, sige, bahala na. Buti bumaba (si Erap). Ewan ko, hindi ko matiis na hindi kumibo. Kapag nanonood ako (ng balita) ngayon naiinsulto ako. Nagsisinungaling sila, pinaiikot ’yung katotohanan. Diba ang linaw-linaw ng nangyayari tapos kapag nagsalita sina (Raul) Gonzalez, (Ignacio) Bunye, (Eduardo) Ermita, parang masyado sila kung manggago. Kapag hindi ka kumibo, “o sige gaguhin niyo na kami,” parang ganoon ’yung dating sa akin.

PW: Bakit ka naglalaan ng panahon para sa mga gawaing ito?

PM: Ano pa ba gagawin mo sa mundo? Mamamatay tayo lahat. Mabuhay ka na nang tama, nang gusto mo, na masarap sa kalooban mo.

Posted in Personalidad | Leave a Comment »

Paninikil kay Jose Maria Sison: Kabanata 2

Posted by mamamahayag on September 11, 2007

D’Jay Lazaro/Soliman A. Santos/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg. 34
Setyembre 6, 2007 

Taglay ng operasyon ang lahat ng tatak ng mga awtoridad ng Pilipinas: ang paglilihim, panlilinlang, at pagmamalupit sa detenido. Tila sa Pilipinas nangyari ang pagdakip kay Jose Maria Sison nitong Agosto 28, 2007, bagaman 7,000 milya ang layo ng Utrecht. Anu’t anuman, nangyari ang “matagal nang gustong mangyari ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng US – sa tulong ng gobyerno ng The Netherlands.” Sa ikalawang pagkakataon, piit ulit ang lider-rebolusyonaryo, 68 anyos.

Tumagal nang halos siyam na taon ang unang pagkakakulong ni Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines at kasalukuyang punong consultant ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Pilipino. Matinding tortyur ang inabot niya sapul 1977. (Basahin ang Pahina 9.) Ayon sa mga ulat, muling tinotortyur si Sison ngayon sa bilangguang Scheveningen. Dito rin ikinulong ng Nazi ang mga freedom fighter na Dutch noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Simboliko ito,” wika ni Luis Jalandoni ng NDFP sa PINOY WEEKLY. “Kasabay ng isterya ng ‘war on terror’ ay unti-unting lumilitaw ang ulo ng pasismo maging sa mga bansang itinuturing na demokrasya sa Amerika at Europa.”

Kalagayan ni Sison
Ayon kay Jalandoni, inkomunikado si Sison, naka-solitary confinement at ni “ayaw papasukin sa piitan ang gamot sa sakit sa puso.” Walang puwedeng makipag-usap kundi ang abogadong si Michael Pestman — at napakalimitado ng oras. Maging ang asawang si Julie de Lima-Sison ay hindi pinapayagang bumisita.

Paglabag ang mga ito sa international law, ayon sa isang opisyal ng International Committee of the Red Cross. Ganoon din ang opinyon ng isang international lawyer na sumama sa demonstrasyon sa The Hague nitong Biyernes. Aniya, ang solitary confinement ay itinuturing na tortyur sa batas-internasyonal.

“Walang inihapag na anumang batayan para patuloy siyang ikulong,” wika ni Pestman matapos ang unang pagdinig sa kaso. Pero inutos pa rin ng hukom ang pagkulong kay Sison. Sa kabila nito, “mataas ang moral ni Joma.” “Nabuburyong lang siya,” sabi naman ni Coni Ledesma, isa pang lider-NDFP. “Workaholic kasi ‘yang si Joma, nagtatrabaho ‘yan hanggang alas-kuwatro ng madaling araw, laluna kung may mahalagang sinusulat.” 

“Ang pag-aresto ay ginawa nang pataksil. Inimbitahan siya ng mga pulis tungkol diumano sa isang reklamo na inihapag niya noong 2001 (ang planong asasinasyon sa kanya). ‘Yun pala ay patibong para arestuhin siya,” kuwento ni Jalandoni. Magkasama kami ni Joma sa pagpunta sa pulisya. Pinaghiwalay kami. Yun pala ay dinala na siya sa piitan.”

Kabilang sa mga nababahala sa kalusugan at buhay ni Sison si Atty. Romeo Capulong, lead counsel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. “Tinatrato si Sison tulad ng iba pang detenido ng US sa Guantanamo, na tahasang wala nang karapatang pantao,” wika niya.

Pinalis ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang lahat ng pag-aalala. “Kilala ang gobyernong Dutch sa pagiging patas. Sigurado akong maayos ang trato nila kay Joma,” aniya. Propaganda lamang umano ng mga taga-Kaliwa na siya ay ginigipit.

Suporta kay Joma
Patuloy na umaani ng batikos ang pagdakip ng gobyerno ng The Netherlands kay Sison at reyd sa mga opisina at bahay ng mga taga-NDFP. (Basahin ang “Pandaigdigang tuligsa sa pagdakip kay Joma” sa pahina 7) Pero mayroon din namang galak na galak – una na ang gobyernong Arroyo–sa kabila ng malinaw na paglabag sa batas-internasyonal at humanitarian law.

Sa Pilipinas, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang protesta sa harap ng Embahada ng The Netherlands sa Makati. Kabilang sa mga nagprotesta ang Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakbayan, Gabriela at marami pang organisasyong masa.

Ayon sa CPC (Centre for Philippine Concerns), pulitikal at hindi kriminal na mga kaso ang tunay na dahilan ng pag-aresto kay Sison. Pakana umano ng gobyernong Arroyo na patahimikin si Sison. “Ang atakeng ito ay hindi lamang kay Sison kundi sa lahat ng nagmamahal sa kapayapaan at kalayaan at mga anti-imperyalista sa buong mundo,” ani CPC.

Binatikos maging ng dating US Attorney General na si Ramsey Clark ang pag-aresto kay Sison. Nagboluntaryo siya na maging isa sa mga abogado ng Pilipinong lider-rebolusyonaryo, na inilarawan pa niyang “isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig.” (Basahin ang “Anila.”)

Kriminal o pulitikal?

Giit ni Sek. Gonzales, ang ginawa kay Sison ay independiyenteng hakbang ng gobyernong Dutch, at walang kinalaman ang gobyernong Arroyo. Inamin niya, gayunman, na noon pang isang taon ay nag-iipon na ng “mga ebidensiya” ang mga tagausig at pulis na Dutch na nagpunta sa Pilipinas.

Lahat ng pangyayaring kaugnay ng armadong pakikibaka ng CPP-NPA ay ibinubunton ng Malakanyang kay Sison, kahit siya ay 20 taon nang naka-exile sa ibayong dagat, at kahit pa ilang ulit nang ibinasura ng mga korte sa Pilipinas ang mga habla laban sa kanya. Pinakahuli sa mga ito ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 2, 2007 ukol sa kasong rebelyon kay Sison at sa 50 iba pa. Kabilang sa “mga ebidensiya” na iniharap ng Malakanyang, at sinabi ng Korte Suprema na hindi sapat, ay ang ukol sa “pagpaparusa ng kamatayan” ng NPA sa mga dati nilang kasamahang sina Arturo Tabara noong 2003 at Romulo Kintanar noong 2004. (Ayon sa CPP-NPA, pinarusahan nila ang dalawa batay sa mga alituntunin ng kanilang organisasyon.) Mga biyuda ng dalawang ito, diumano, ang naghabla sa The Netherlands laban kay Sison.

“Itigil mo ang pagdidiyus-diyosan,” wika ni Gloria Kintanar noong 2003 kay Sison, na tila ba siguradong-sigurado siya na si Sison ang may gusto ng pagpatay sa kanyang ikalawang asawa. Sinakyan niya nang husto ang linya ng Malakanyang at Armed Forces of the Philippines. Sinusulsulan niya ngayon ang kontra-Kaliwang isterya sa pagsasabing “selos lang si Sison” sa husay ng yumaong Kintanar, kaya siya (Sison) ay nag-utos ng kamatayan. Wika pa niya, “meron siyang personal na kaalaman sa mga operasyong taktikal ng CPP-NPA sa pamamagitan ng Special Operations Group nito” na malamang na pumatay sa kanyang asawa.

“Ang kakatwa,” wika ng CPP, “ang nasabing mga operasyong taktikal at grupo ay pakana ni Kintanar noong siya ang hepe ng NPA. Itinakwil na ng CPP-NPA ang mga iyon sa kilusang pagwawasto.”

Malaki ang posibilidad na ang materyales na ipinasa ng Malakanyang sa mga imbestigador na Dutch, diumano’y mga intelligence report ng militar na ang kalakha’y mahirap patotohanan, ay kabilang sa “mga edidensiya” na winalang-halaga na ng Korte Suprema.

Epekto ng pagdakip

Agad nagpalabas ng travel advisory ang gobyernong Dutch para ang mga mamamayan nito ay huwag bumyahe sa Pilipinas, at itanggi pa nga, kung kailangan, na sila ay mamamayang Dutch. Itinaas din ng AFP ang alert level nito dahil sa sinasabi nilang mga ganting-salakay ng NPA.

Mabilis na nagpahayag ang CPP: “Hindi nakatuon sa mga mamamayang Dutch ang mga operasyong militar ng NPA. Malayang silang makapaglalakbay sa mga lugar ng NDFP, at wala silang ikakatakot sa mga puwersang rebolusyonaryo.”

Isa sa biktima ng pag-aresto at pagkukulong kay Sison ay ang usapang pangkapayapaan na matagal nang urong-sulong bunga, ayon sa NDFP, ng “mga arbitraryo at di-makatwirang demanda” ng gobyernong Arroyo. Pinakamalubha sa mga ito ang kondisyong “sumuko muna ang NPA” bago ituloy ang negosasyong pangkapayapaan. “Sa ngayon, pahayag ni Fidel Agcaoili, isang lider-NDFP na nakabase sa Europa, kami ay naghihintay ng desisyon ng pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan na nakabase sa Pilipinas.”

Kung Gabriela naman ang masusunod, dapat iboykot ang mga kompanyang Dutch na nagnenegosyo sa Pilipinas. Kabilang sa mga ito ang Ikea,  Heinneken Beer;  Philips Electronics, Whirlpool,  at Unilever (Best Foods, Lipton Tea, Calvin Klein Cosmetics, Elizabeth Arden, Suave Shampoo and Conditioner, Surf Detergent,  Lever 2000 Soap, Ragu Pasta Sauces, Lady’s Choice Mayo, Royal Pasta, at pinakamalaki sa lahat, Knorr Seasonings. 

Bakit ngayon inaresto si Sison

Ayon kay Jalandoni, maaaring itinaon ang pag-aresto kay Sison para salaulain ang kanyang tagumpay nang ibasura ng European Court of First Instance noong Hulyo 11 ang paglalagay ng European Union sa kanya sa listahan ng mga “terorista.”

Gayundin, pangit ang sitwasyon para sa gobyernong Arroyo. Sunud-sunod ang pagkatalo nito sa legal na mga labanan kontra sa Kaliwa. Muling puputok ang eskandalong “Hello Garci,” kasabay ng iba pang kaso ng katiwalian, gaya ng proyektong national broadband. Malapit na ang sentensiya kay dating Pangulong Joseph Estrada. Umuugong ang balita ang kudeta laban kay Arroyo.

“Maaaring natatakot si Arroyo na magkakaisa ang malawak na oposisyon laban sa kanya na ang mahalagang bahagi ay ang progresibong mga puwersang inaakala ni Arroyo na impluwensiyado ni Joma,” dagdag ni Jalandoni.

At huwag kalimutan, nakumunoy na ang gobyerno at militar sa giyera sa Mindanaw. Samantala, ang NPA ay “naririyan lamang sa tabi-tabi.” Ayon sa isang impormante ng PINOY WEEKLY, bandang Agosto ay nagsalita si Sek. Gonzales sa National Defense College of the Philippines. Sinabi ni Gonzales na kung itotodo ng NPA ang mga salakay, hindi kaya ng gobyerno ang dalawang prente ng labanan – at may ikatlo pa, ang mga lansangan ng protestang bayan.

“Kaya ang pagtarget kay Joma ang pinakamadaling paraan para unahan ang NPA nang hindi direktang nakikipagdigma rito ang AFP sa antas na nagaganap sa Basilan at Sulu,” ayon sa impormante.

Gayunpaman, iginiit ni Jalandoni na matagal nang pinaplano ang pag-aresto kay Sison ng mga gobyernong Pilipinas, Dutch, at US, na may kanya-kanyang pansariling adyendang pampulitika. (Basahin “Ang dakilang sabwatan” sa pahina 7 at “Kronolohiya…” sa pahina 9) Tila hindi matapus-tapos na kabanata ang paninikil at pagpapahirap ng mga reaksiyunaryo sa isang matatag na rebolusyonaryong tulad ni Sison.

Anila
Sa pag-aresto kay Prop. Jose Maria Sison
• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay isang) dambuhalang hakbang tungo sa kapayapaan, isang tagumpay ng katarungan at pamamayani ng batas. – Presidente Gloria Macapagal-Arroyo• Ang nasa likod ng mga aksiyon ng pulisyang Olandes ay ang gobyernong Arroyo, na simula nang maupo sa kapangyarihan ay tumugis na kay Joma Sison at walang pagod na kumilos para sirain ang halaga niya sa mga mamamayan – Chito Quijano, tagapangulo, Bayan-USA

• Ang mga krimen ay ginawa sa Pilipinas at ang hurisdiksiyon ay dapat sa mga korteng Pilipino, hindi Olandes… Ang patunayan ang mga akusasyong si Sison ay direktang nag-utos sa komunistang NPA na paslangin ang dalawang dating lider-komunista habang nakadestiyero ay isa sa pinakamahirap gawin, laluna ng isang independiyenteng korte – Editoryal, Philippine Daily Tribune

• (T)apos na ang mga araw ng pakikipagsayaw ni G. Sison sa artistang si Ara Mina… Sa tingin ko, hindi tututol ang gobyernong Olandes kung hilingin natin na ipasa si G. Sison sa atin… – Sek. Raul Gonzalez, Departamento ng Katarungan

• Nangangamba akong gamitin ng administrasyong Arroyo ang pag-aresto kay Joma para sa witchhunt at pagtugis sa mga aktibistang makakarapatang pantao at progresibong mga grupo. Hindi dapat bansagang terorista ang mga makabayan. – Sen. Jamby Madrigal

• Ang panlilinlang, bartolina, at pagkakait ng gamot ay karaniwang ginagawa sa Pilipinas sa ilalim nina Marcos at Arroyo. Naaalarma kami sa mga ulat na ginagamit din ng mga awtoridad na Olandes ang mga ito kay Sison. Nakakalungkot kung tatalikuran (nila) ngayon ang dakilang tradisyon ng kanilang bansa ng pagkakanlong sa mga ginigipit na rebeldeng pampulitika. Tila nahuhulog sila sa ipokritong mga iskema nina Arroyo at Bush sa diumano’y “giyera kontra-terorismo.” – Francisco Nemenzo, Jr., tagapangulo, Laban ng Masa

• Lahat ng may malasakit sa kapayapaan at kalayaan ay dapat malungkot nang husto sa pag-aresto kay Joma Sison. (Siya) ay isang dakilang kaluluwa na kailangang makilala ng daigdig, isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig. Ang paglalarawang demonyo siya ay sisira sa atin kapag hinayaan nating magpatuloy… Kung gusto natin ng kapayapaan sa daigdig, kailangang magbago tayo. Umaasa akong sisimulan ito ngayon ng The Netherlands sa pamamagitan ng pagpapalaya sa dakilang taong ito, si Joma Sison. – Ramsey Clark, dating attorney-general ng US at kilalang ekspertong legal sa mundo

• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay) maaaring makabimbin pang lalo sa usapang pangkapayapaan… (Dahil) walang kasunduang ekstradisyon ang Pilipinas at gobyernong Olandes, dapat itong maingat na repasuhin, dahil baka lumabas na isa na naman itong atake sa progresibong mga puwersa – Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

• Sa paghingi ng asylum sa The Netherlands, sa pagbaling sa mga korteng Olandes at Europeo para labanan ang iba pang kaso laban sa kanya, kailangang pumailalim si Sison sa mga korteng Olandes. Kung tinatanggap natin ang presyur ng mga Europeo sa usapin ng karapatang pantao, sino ang makakapagreklamo kapag gumana ang kanilang sistema ng katarungan? – Manuel L. Quezon III, kolumnista at kilalang blogger

• Walang dudang madedemoralisa ang NPA at maka-Kaliwang mga simpatisador at alyado nito bunga ng pag-aresto kay (Sison). Interesanteng inaresto siya sa panahong biglang naglabas ang pulisya ng diumano’y tatlong saksing NPA na nagsasabing mayroon silang direktang alam kung paanong dinukot umano ng NPA si Jonas Burgos. Tiyempo o nagkataon lang? Kung anuman, tila pinatitibay ng dalawang pangyayari ang sinasabi ng militar na ang mga maka-Kaliwa ay gumagawa ng di-maipaliwanag na pamamaslang. – Belinda Olivares-Cunanan, kolumnista

• Lumilitaw na gusto ng gobyerno ng Pilipinas na tanggalin ang pampulitikang katangian ng isyu. Gusto nilang palabasing ordinaryong kriminal si Joma. – Rep. Satur Ocampo, Bayan Muna

• Pero huwag magulat na kahit walang kasunduan sa ekstradisyon sa The Netherlands, hahanap ng palusot at paraan ang gobyerno na maibalik (si Sison) sa Maynila, para siyempre paypayan ang ilang uling. – Fr. Larry Faraon, kolumnista

• Ang mga kasong ipinupukol kay Kasamang Sison ay katawa-tawa at hindi makakatindig sa anumang patas na korte ng katarungan. Mali at malisyoso ang palabasing si Kasamang Sison ay responsable sa mga aksiyong ginawa ng NPA sa ilalim ng awtoridad at malinaw na direksiyon ng pamunuan ng CPP na nakabase sa Pilipinas, ng hukbong bayan at rebolusyonaryong gobyerno ng mga mamamayan – Communist Party of the Philippines

Tortyur…

(Salaysay ni Prop. Jose Maria Sison ukol sa pagpapahirap sa kanya noong batas militar ni Marcos; mula sa Rebolusyong Pilipino: Tanaw mula sa Loob [Panayam kay Jose Maria Sison ni Rainer Werning], Lagda Publishing, Lungsod Quezon, 1994)

“Sa unang linggo ng pagkakakulong ko, Nobyembre 13 at 14, 1977 kung eeksaktuhin, ako ay binugbog at ginamitan  ng  ‘water cure’.  Kagyat na layunin ng pisikal na tortyur na mamiga ng impormasyon, manakot at yumurak sa pagkatao ko.

“Nang gawin akong punching bag, hinubad ang kamiseta ko at ipiniring sa akin; isa pang pirasong damit ang  idinagdag sa piring ko.  Ang mga kamay ko’y nakaposas sa aking likod at ang mga paa ko’y nakaposas din. Ipinirmi ako sa isang silya. Ang pinakamasasakit na suntok ay sa aking tadyang at sikmura. Palibhasa’y  nakapiring, hindi  ko alam kung kailan dadapo ang sunud-sunod na suntok. 

“Ibubunggo ang ulo ko sa pader, ito ang patuloy na banta ng nagpapahirap sa akin. Nang gamitan ako ng ‘water cure’ ay nakapiring  ako. Ang mga kamay at paa ko ay iginapos sa higaan sa pamamagitan ng posas na pangkamay na bumabaon sa laman kapag nahahatak ko. Isang tuwalya ang itinakip at idiniin ng kung-sino sa bibig ko. Paulit-ulit na binuhusan ng tubig ang mga butas ng ilong ko. Sa bawat buhos ay para akong nalulunod. Mga anim na oras ang itinagal ng ‘water cure’. 

“Kung hindi ako ginagawang punching bag o ginagamitan  ng ‘water cure’ , halinhinan ang mga interogador para ako’y panatilihing gising, tanungin, takutin, himukin, o insultuhin. Yamot na yamot sila dahil wala silang makuha sa akin na sukat nilang ikasiya.

“Pero ang pinakamasahol na tortyur – masahol pa  sa pambubugbog at ‘water cure’ , masahol pa nga sa limang taong pagkakapiit nang nag-iisa — ay ang 18 buwang pagkakaposas at pagkakagapos ko sa higaan. Lagi akong nakagapos, maliban sa ilang minutong pagkakakalas kapag ako’y kumakain o tumutugon sa personal na mga pangangailangan. 

“Ang selda ay napakainit sa araw at malamig naman mula hatinggabi hanggang madaling-araw. Parang impiyerno sa mga buwan ng tag-araw. Solido ang pintuan ng selda at ipinako sa pagkakasara ang mga bintana, na may maliliit na siwang na pasukan ng hangin.”

…at pangingibabaw
“Ang pinakamahalaga sa akin ay ang patuloy kong mapanindigan ang aking rebolusyonaryong paniniwala at mapanatili ang diwang palaban. Ang naramdaman ko’y galit, sa halip na takot. Nakatulong ang mag-isip na kahiya-hiya ang ipagkanulo ang iba, at sadyang magsasara ang utak kapag di na matiis ang  sakit. Hindi kailanman sumagi sa isip ko na  ako’y mawawalan ng malay habang tinotortyur sa bugbog at ‘water cure’ . Bagamat  madalas akong hilo, napananatili  ko naman ang talas ng isip.”

Jose Ma. Sison: Kronolohiya ng paninikil at pagpapahirap

· Nobyembre 1977-Marso 1986 – Si Sison ay inaresto nang walang mandamyento; kinasuhan ng subersiyon at rebelyon sa mga korteng militar; matinding tinortyur; limang taon sa solitary confinement

· Marso 5, 1986 — pinakawalan ng gobyernong Aquino, na nagpawalambisa sa mga kaso ng subersiyon at rebelyon nang lusawin ang mga korteng militar

· Setyembre 1986 – bilang kagawad ng Asian Center ng Unibersidad ng Pilipinas, sinimulan ni Sison ang serye ng lektura sa iba’t ibang unibersidad sa Oceania, Asya, at Europa hinggil sa Pilipinas; siniraan ng militar ang kanyang mga lektyur at pinresyur ang gobyernong Aquino na ikansela ang kanyang pasaporte; lumutang ang mga banta sa buhay ni Sison

· Setyembre 1988 — muling kinasuhan ng gobyerno ng subersiyon; tuluyan nang hindi nakabalik ng Pilipinas

· Oktubre 1988 – matapos ang arbitraryong pagkansela sa kanyang pasaporte, nag-aplay para sa political asylum sa The Netherlands

· Hulyo 1990 — tinanggihan ng Dutch Ministry of Justice ang aplikasyon ni Sison sa udyok ng gobyerno ng Pilipinas; inamin ng US State Department na nakialam ito sa kaso

· 1992 — pinawalambisa ng Judicial Department of the Council of State (Raad Van State) ang desisyon ng Dutch Ministry of Justice; kinilala nito si Sison bilang political refugee at binatikos ang ministri sa paggamit ng sikretong mga intelligence dossier at pagpapatagal sa kaso ng mahigit apat na taon; hindi pa rin natinag ang Ministry of Justice – patuloy nitong kinatigan ang gobyerno ng Pilipinas at binalewala ang mga pangyayari sa bansa, gaya ng pagbasura sa Anti-Subversion Law at kasong subersiyon ni Sison sa hukuman ng Pasig City

· 1994 – ibinasura ng mga tagausig ng korte sa Maynila ang hablang multiple murder kay Sison kaugnay ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971; binalewala pa rin ito ng Dutch Ministry of Justice upang “hindi masira ang relasyon ng gobyernong Dutch sa mga alyado nito” kapag binigyan ng asylum si Sison; sa halip, gumamit ito ng mga intelligence dossier para ibintang na nakikipag-ugnayan si Sison sa mga organisasyong “terorista”

· 1995 — pinagtibay ng Dutch Council of State, pinakamataas na korteng administratibo, ang pagiging political refugee ni Sison sa ilalim ng Article 1A ng Refugee Convention at Article 3 ng European Convention on Human Rights; iniutos ng korte sa Dutch Ministry of Justice na gawing legal ang pagiging refugee ni Sison at hayaan siyang manirahan sa The Netherlands; muli itong sinuway ng ministri

· 1996 — umapela si Sison sa Aliens Court, na nag-utos sa gobyernong Dutch na gumawa ng bagong desisyon; ang posisyon ng gobyernong Dutch, na kinatigan ng Law Unification Chamber — hindi kikilalanin si Sison bilang refugee pero hindi siya palalayasin sa The Netherlands; taliwas ito sa desisyon ng Raad van State noong 1992 at 1995, sa jurisprudence ng ECHR, sa pagbasura ng mga kaso kay Sison mula 1992 hanggang 1994, at sa kawalan ng kasong kriminal laban sa kanya sa alinmang bansa

· Abril 1998 — naglabas ng sertipikasyon ang kalihim ng Department of Justice ng Pilipinas na nagpapatunay na walang nakabimbing kriminal na kaso si Sison

· Agosto 12, 2002 — binansagan ng gobyernong US na “terorista” si Sison; mabilis na sumunod ang gobyernong Dutch noong Agosto 13; masahol pa sa hatol ng pagiging mamamatay-tao ang epekto ng “terrorist” blacklisting ng US at iba pang gobyerno – si Sison ay pinagbawalang magtrabaho, inalisan ng mga benepisyong sosyal (living allowance, pabahay, seguro, at pensiyon), pinigil ang kanyang bank account; pinagbawalang tumanggap ng bayad para sa kanyang mga libro at kompensasyon mula sa danyos na ipinanalo laban sa rehimeng Marcos, ipinagpalagay na maysala gayong hindi pa napapatunayan, inalisan ng karapatan na magtanggol sa sarili, makagalaw nang malaya at magkaroon ng pribadong buhay at dangal

· Oktubre 28, 2002 — itinulak ng gobyernong Dutch at Pilipinas ang EU (European Union) na bansagang “terorista” si Sison

· 2003 – nagtulung-tulong ang gobyernong Dutch at British, at Council of the EU nang si Sison ay magsampa ng reklamo sa European Court of First Instance sa Luxembourg; samantala, inihabla ng Armed Forces of the Philippines si Sison sa Department of Justice ng Pilipinas kaugnay ng pagpatay ng New People’s Army kay Col. Rodolfo Aguinaldo (Hunyo 2001), kumpirmadong pusakal na torturer noong panahon ni Marcos

· Abril 21, 2006 – sa kaigtingan ng ligalig sa Pilipinas bunga ng nabulgar na “pandaraya ni Arroyo sa eleksiyong 2004,” si Sison at 50 iba pang kritiko ng administrasyon ay kinasuhan ng rebelyon ng gobyernong Arroyo; sinaklaw ng kasong rebelyon ang panahon mula nang itatag ang Communist Party of the Philippines noong Disyembre 26, 1968; binalewala ang lahat ng naunang desisyon na naglilinis sa pangalan ni Sison mula 1986 hanggang 1995

· Hunyo 28, 2007 – ipinalabas ng Council of the EU ang bagong desisyon na naglalagay kay Sison sa “terrorist” blacklist

· Hulyo 2, 2007 – ibinasura ng Korte Suprema ng Pilipinas ang kasong rebelyon laban kay Sison at sa 50 iba pa; ibig sabihin, hindi na maaaring gamitin ang mga ebidensyang ginamit sa nasabing kaso laban sa kanila

· Hulyo 11, 2007 – binaligtad ng European Court of First Instance ang desisyon ng Council of the EU dahil nalabag ang karapatan ni Sison sa depensa at proteksiyon ng batas at sa kabiguang ipaliwanag kung bakit si Sison ay inilalagay sa blacklist

· Agosto 28, 2007 – nireyd ng pulisya ng The Netherlands ang mga opisina at bahay ng mga kagawad ng National Democratic Front of the Philippines, mapanlinlang na inaresto si Sison, at ngayon ay nakakulong nang inkomunikado.

Posted in Karapatang Pantao, Personalidad, Pulitika | Leave a Comment »

Krisis sa Makati: ‘Oposisyon lumalaban’

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 42
Oktubre 25 2006

Mapagbiro, puno ng kumpiyansa at panay ang pasaring sa mga kalaban. Maganda ang disposisyon ni Makati City Mayor Jejomar Binay isang araw matapos barahin ng CA (Court of Appeals) ang suspensiyon laban sa kanya.

“Sana maniwala ka kapag sinabi kong naitutulog ko ‘yung mga ganoon-ganoon,” sabi ni Mayor Binay, na tila nga hindi ininda ang tatlong araw na pagkukulong sa sarili sa loob ng city hall bilang protesta sa umano’y ilegal na hakbang ng gobyernong Arroyo.

Noong madaling araw ng Oktubre 10, dumating ang pulisya para ihatid kay Binay ang 60-araw na suspension order ng DILG (Department of Interior and Local Government) na aprubado ng Malacañang. Nakabatay ang utos sa reklamo ni Roberto Brillante, dating bise-alkalde ng Makati at matagal nang nag-aambisyong maging alkalde. Ayon sa reklamo ni Brilliante, sangkot si Binay sa P113-Milyong anomalya sa pag-eempleyo ng mahigit 1,000 ghost employees mula 2005 hanggang Hunyo 2006. Bukod kay Binay, sinuspinde rin sina Vice-Mayor Ernesto Mercado at lahat ng 16 konsehal.

May kaso rin ng graft na isinampa si Brillante laban kay Binay. Kaugnay ito diumano ng pagbili ng P231-M kagamitan sa city hall noong 1999 hanggang 2001.

Ang alkalde ng Makati ay agad na nagsampa ng kontra-petisyon sa CA, na agad ring inaksiyunan ng nasabing korte. Oktubre 12, inisyu nito ang 60-araw na temporary restraining order (TRO). Iniutos din ng CA sa DILG na itigil ang imbestigasyon laban kay Binay. Pinuna ng korte ang bagay na hindi pinangalanan sa reklamo ni Brilliantes ang mga umano’y ghost employees.

Umalma ang Malacañang at ang Department of Justice. Ayon kay Solicitor-General Eduardo Nachura, hihilingin nila sa korte na agad kanselahin ng CA ang TRO. Hindi pa tapos ang laban, ang mensahe nila kay Binay.

Banat sa oposisyon

“Handa ako,” waring ito ang kahulugan ng magandang disposisyon ni Binay nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY, palibhasa’y kanya ang Round 1. Tiwala rin siyang kanya rin ang mga susunod pang round sa boksing ng pulitika. “Ang oposisyon, lumalaban,” sabi ng alkalde.

Bagaman itinatanggi ng Malacañang, ang pagsuspinde kay Binay ay hinihinalang bahagi ng panggigipit ng gobyernong Arroyo sa mga miyembro ng oposisyon. Si Binay ang tagapangulo ng Uno (United Opposition), koalisyon ng mga partido at personahe ng oposisyon. Siya ay nangungunang lider ng kilusang naglalantad sa pandaraya ng kampo ni Gng. Arroyo noong halalan, at lumalaban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng kasalukuyang gobyerno.

Tinatanaw na banta sa administrasyong Arroyo ang muling pagtakbo ni Binay sa halalang 2007. Kapag nanalo, mananatiling baluwarte ng oposisyon ang Makati, pangunahing distritong pangnegosyo at pampinansiya ng bansa. Kaya naman, suspetsa ng oposisyon, inihabol ang kontra-Binay na utos ng DILG bago mag-umpisa ang ban o pagbabawal sa suspensiyon 90 araw bago ang lokal at pambansang halalan.

Kinabahan ang Malacañang?

Libu-libong tagasuporta ni Binay ang tumugon sa panawagang ala People Power. Dumagsa rin sa city hall ang mga puwersang kontra-Arroyo. Marami ang doon na nagpalipas ng ilang gabi. Lalong tumampok ang pagkakaisa ng oposisyon nang bisitahin ng mga prominenteng lider si Binay, tulad nina dating Pang. Corazon Aquino, dating Bise-Presidente Teofisto Guingona, biyuda ni Fernando Poe, Jr. na si Susan Roces at mga lider ng militanteng kilusang pambansa-demokratiko.

Sa isang yugto, lumitaw ang posibilidad na ang krisis sa Makati ay humantong sa isang People Power na, ayon sa ilang sektor, ay tila ikinatakot ng Malacañang. Dahil dito, ilang miyembro ng gabinete ang diumano’y nakiusap kay Arroyo upang ipatigil ang suspensiyon kay Binay.

“Palagay ko, kailangan lang nilang tanggapin (ng gobyernong Arroyo) na mali ‘yung ginawa nila. Kung ako ang adviser, sasabihin ko sa pangulo, kakasuhan mo na rin lang, kasuhan mo na nang tama. Unang una, lilitaw at lilitaw na harassment yan. Sampal yan sa kanilang mga mukha,” aniya.

“Pagsalaula sa batas at tamang proseso”

indi lamang ang oposisyon ang bulnerable sa “pagsasalaula ng administrasyon sa batas at tamang proseso,” kundi lahat ng opisyal ng gobyerno, ang wika ni Binay. Ngunit aminado ang alkalde na ang talagang pinupuntirya ay ang pinakamatitinding kritiko ni Pangulong Arroyo. At siya ay siguradong isa sa kanila.

Kinuwestiyon ni Binay ang mabilis na pag-akyat ng mga habla sa kanya sa Sandiganbayan batay sa umano’y hindi masusing imbestigasyon ng Ombudsman. Patutsada niya, “Baka naman mauna pa itong sa akin kaysa doon sa 10 taon, 15 taon na sa Ombudsman, kasi si Jojo Binay eh. May isa ngang local official, guilty na, nag-file lang ng motion for reconsideration, ilang taon na, inaamag pa rin doon sa Ombudsman.”

Sabihin mang patuloy na nahaharap sa samu’t saring banta, hindi aatrasan ni Binay ang pagsisiwalat sa mga ilegal na gawaing umano’y kinasasangkutan ng gobyernong Arroyo.

Iba’t ibang operasyon at oplan

Partikular na pinaninindigan ni Binay ang pag-iral ng Operation Phoenix na ipinatutupad umano ng Task Force Spider. Unang isiniwalat ni Pablo Glean, yumaong security officer ni Binay, ang nasabing planong paglikida ng mga awtoridad sa mga miyembro ng oposisyon. Kakabit ng Operation Phoenix ang Oplan Summer Offensive, kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno sa kalunsuran na kaparis ng Oplan Bantay-Laya, na siya namang kampanyang kontra-insurhensiya sa kanayunan. (Umaabot na sa 756 ang mga aktibistang pinapaslang sa balangkas diumano ng Oplan Bantay-Laya.) Ilang linggo matapos ibulgar ni Glean ang impormasyon, binaril siya sa isang gasolinahan sa Taguig noong Setyembre. Matinding dinamdam ni Binay ang pagkamatay ni Glean.

Malalantad sa tamang panahon ang ebidensya hinggil sa Operation Phoenix na pinagbuwisan ng buhay ng kanyang tauhan, ayon kay Binay. Umano’y isang opisyal ng administrasyon mismo ang umamin sa kanya na totoo ang nasabing plano. “Hindi kathang isip yon,” aniya.

Cha-Cha at halalang 2007

Tuloy rin ang paglaban ni Binay sa Cha-Cha ni Arroyo. Matatandaang naglabas ng ebidensiya si Binay hinggil sa mga pekeng pirma sa diumano’y People’s Initiative at panunuhol ng grupong Sigaw ng Bayan sa mga residente ng Makati. Hinihintay na lamang ni Binay ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Cha-Cha bago niya tukuyin ang mga susunod na hakbang ng oposisyon kaugnay nito.

Bilang tagapangulo ng Uno, batid ni Binay ang kahalagahan ng darating na halalan, at kumpiyansa siya sa magiging resulta nito. “Kung magkakaroon ng halalan, sa oposisyon ang susunod na taon,” kanyang paniniyak.

Bakas sa tinig ni Mayor Binay ang tiwala sa mga mamamayan ng Makati nang sabihin niyang hindi siya puwedeng alisin sa puwesto ng isang gobyernong sa unang banda ay siya ngang ilehitimo at, ayon sa buong kilusang oposisyon ay “hindi lang dapat suspendihin kundi patalsikin.”

Posted in Personalidad | Leave a Comment »

Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran: Kagitingan sa loob ng piitan

Posted by mamamahayag on November 5, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 10
Marso 3, 2006

BUONG-BUO man ang kalooban na isulong ang laban sa gobyerno Arroyo, hindi umaagapay ang maselang kalusugan ng 73-anyos na si Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran na may sakit na hypertension at diabetes.

“Walang kaabog-abog, nag-pa-palpitate na lang yung aking puso at namamanhid ang batok ko,” sabi ni Ka Bel sa eksklusibong panayam ng PINOY WEEKLY sa kanyang kuwarto sa PNP (Philippine National Police) General Hospital sa Kampo Crame.

Noong Marso 2, isinugod si Ka Bel sa PNP General Hospital dahil tumaas ang blood pressure nito. Ito ay matapos ang limang araw na pagkakapiit ng kongresista sa isang maximum security cell ng PNP Custodial Center. Dinakip ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) nang walang mandamyento de aresto noong Pebrero 25 bunsod ng pagdedeklara ni Pangulong Arroyo ng Presidential Proclamation 1017 noong Pebrero 24.

Nahaharap sa kasong rebelyon si Ka Bel kasama ng lima pang progresibong kongresista mula sa partylists na Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela.

Si Ka Bel, lider obrero mula pa noong dekada ‘50, ang matataguriang unang detenidong pulitikal sa ilalim ng “nakamaskarang Batas Militar” ni Pangulong Arroyo na PP 1017.
Pinaniniwalaang layon ng PP 1017 na durugin ang lehitimong oposisyon sa gobyerno Arroyo sa pamamagitan ng mapanlinlang na pagtambol sa umano’y sabwatang Kaliwa-Kanan (tingnan ang kaugnay na istorya).

Katatapos lang makapananghalian ni Ka Bel at nakikipaglaro ito sa kanyang mga apo nang bisitahin ng PINOY WEEKLY. Para sa panayam, isinuot pa ni Ka Bel ang pulang sombrero na may simbolo ng kanyang partylist at pin ng Kamara de Representante. Sa kanyang aniya’y“costume” tila ipinaaalala ni Ka Bel na isa siyang halal na opisyal ng gobyerno na kumakatawan sa mga mamamayan at hindi kriminal katulad ng turing sa kanya ng gobyerno Arroyo.

Sa pananaw ni Ka Bel, tuluyan nang winasak ng gobyerno Arroyo maging ang pormal na demokrasya sa bansa. “Ang ating pag-asa noon na lalawak at susulong ang demokrasya sa Kongreso ay nabigo. Bigung-bigo ito.…Economically, politically, socially, walang demokrasya sa lipunan. Langit at lupa pa rin ang agwat ng mahihirap at mayayaman,” aniya.

Sa unang dalawang araw ng pagkakapiit ni Ka Bel, hindi nakatulog ang kongresista sa maliit na selda na may kamang walang sapin. “Na-visualize ko kasi sa taas (ng selda) yung catwalk na maraming mga armado na may mahahaba(ng baril),” aniya. Tila tortyur na rin ang sinapit ni Ka Bel sa loob ng selda dahil lumulubha ang kanyang karamdaman tuwing bumabalik sa alaala ang pagmamalupit na sinapit noong Batas Militar. “Kung tutuusin, mas masahol pa nga ang dinaranas ko ngayon kaysa noong Martial Law,” sabi ng kongresista.

Dating taxi drayber at isa sa mga tagapagtatag ng KMU (Kilusang Mayo Uno), nakulong si Ka Bel mula 1982 hanggang 1984 sa ilalim ng diktadurang Marcos. Nang bigyan ng amnestiya ng gobyernong Aquino, nagpatuloy siya sa pag-oorganisa ng mga manggagawa bilang tagapangulo ng KMU. Taong 2001 unang naihalal sa Kongreso si Ka Bel sa ilalim ng Bayan Muna partylist, at muling naihalal sa ilalim ng Anakpawis partylist noong 2004.

Ikinatuwa ni Ka Bel ang aniya’y respetong natamo mula sa mga kapwa detenido nang malaman ng mga ito kung sino siya. “Tuwing dadaan ako, sumasaludo sila, tinatawag nila akong congressman, binibigyan nila ako ng kape, yung iba nga gusto pa ako kausapin tungkol sa kanilang mga kaso,” kuwento ni Ka Bel.

Bagaman kasalukuyan siyang nasa relatibong maayos na kuwarto sa ospital ng PNP, binabagabag pa rin siya ng masasamang mga panaginip na nagreresulta sa pagtaas ng kanyang blood pressure hanggang 180/120 sa madaling araw.

Nababahala naman ang pamilya ni Ka Bel sa impormasyon na may balak ang gobyerno Arroyo na ilipat ang kongresista sa kustodiya ni National Capital Region Police Office Chief Supt. Vidal Querol at ikulong sa piitan sa Taguig.

Hindi umaasa si Ka Bel na mapapalaya siya nang madali dahil sa aniya’y pekeng pagbawi sa PP 1017. Katunayan, inaasahan ni Ka Bel na pormal nang magdedeklara si Pangulong Arroyo ng Batas Militar anumang oras at lalong titindi ang hagupit sa mga kritiko ng gobyerno katulad niya. “To be expected ‘yan dahil desidido ang gobyerno na ipagpatuloy ang ginagawa niya…dahil si GMA ay takot na takot na mawala sa puwesto,” aniya.

Nilinaw ni Ka Bel na hindi niya nais pabagsakin ang gobyerno katulad ng ibinibintang sa kanya, kundi panagutin lamang ang ilang mga indibidwal dito—pangunahin si Pangulong Arroyo—sa mga krimeng isinagawa laban sa mga mamamayan. Pinapapangarap ng kongresista ang pagkakaroon ng “ad hoc council” na binubuo ng mga lider mula sa hanay ng mga mamamayan na papalit kay Pangulong Arroyo at makapagpapanumbalik sa demokrasya.

“Ang laban sa kanila (gobyerno Arroyo) ay demokratikong tsunami ng taumbayan, at mababaon si GMA kung papalag siya,” matapang na pahayag ng kongresista.Ikinalulungkot ni Ka Bel ang nabalam nitong trabaho sa Kongreso. Kabilang sa isinusulong ng kongresista ang P125 dagdag-sahod para sa mga manggagawa at P3,000 dagdag-suweldo para sa mga empleyado ng gobyerno. Pinapahalagahan din ni Ka Bel ang pagtutol sa mga aniya’y kontra-mamamayang panukalang Anti-Terrorism Bill at Charter Change na isinusulong sa Kongreso.

Gayunpaman, maging sa piitan, nagpupuyos ang kanyang mensahe sa mga mamamayang Pilipino: “Binabati ko ang mga mamamayan sa kanilang inisyal na tagumpay na negresulta sa pagbawi ng PP 1017. Dapat manatili tayong mapagmatiyag at handang umaksiyon nang mas marami, mas malalim, mas malawak, at mas desidido kapag pormal nang ibinaba ni Pangulong Arroyo ang Batas Militar.”

Inamin ni Ka Bel na dahil nagdesisyon siyang makilahok sa Kongreso at pumasok sa aniya’y “belly of the beast,” kayang-kaya siyang tuklawin ng tinatagurian niyang halimaw anumang oras. “Wala tayong mararating sa biglang tingin kundi kamatayan. Pero ayon nga kay Ninoy (Aquino), I better die on my feet with honor than to live on bended knees in shame,” kanyang pagwawakas.

Posted in Personalidad | Leave a Comment »