Muling Paglathala

Archive for the ‘Pulitika’ Category

Saan mapupunta ang P45-Bilyon?

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

HINDI natutuwa silang sanay nang magsilbi sa mga maralita.

Nang pumutok ang krisis ng taggipit—ang pagsirit sa presyo ng bigas, langis, at kuryente—at simulan ng gobyernong Arroyo ang programang pamamahagi ng subsidyo para diumano’y maibsan ito, agad na kumasa ang mga kawani ng DSWD (Department of Social Welfare and Development).

“Halos 24 oras nagtatrabaho ang aming crisis intervention units,” ayon kay Manuel Baclagon, bise-presidente ng Social Welfare Employees Association of the Philippines.

Ayos lang naman sana sa kanila na pasanin ang pamamahala ng bagong mga programa ng Pangulo, gaya ng “Pantawid Kuryente: Katas ng VAT”—pamimigay ng P500 subsidyo sa mga kumokonsumo ng mababa sa 100 kilowatt hour ng kuryente—at “Ahon Pamilyang Pilipino”—pamimigay naman ng P300 hanggang P500 sa pamilyang mahihirap.

Alam nilang kaiba ang mga programa sa subsdiyo, na madaliang ikinasa, sa regular na mga programa ng DSWD na mas masinsin ang pagpaplano at implementasyon. Pero kinikilala nilang pansamantalang tulong din sa mahihirap ang mga ito.

Kaya naman laking gulat na lamang nila nang ianunsiyo ni Pangulong Arroyo kamakailan ang National Social Welfare Program o NSWP. Hindi ito pangungunahan ng hepe ng DSWD, kundi ng bagong talagang hepe ng SSS (Social Security System) na si Romulo Neri, dating direktor heneral ng Neda (National Development Authority) at testigo sa maanomalyang NBN-ZTE.

Bilyun-bilyong dole-out

Noong Hulyo 8, pinirmahan ni Arroyo ang Administrative Order No. 232. Pinag-iisa ng AO 232 ang mga programa sa social welfare ng DSWD, Department of Health, Government Service Insurance Sytem, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa isang programa na umano’y direktang tutugon sa “masasamang epekto ng pandaigdigang kapaligiran[g] (pang-ekonomiya).”

Pangungunahan ang nasabing lupon (cluster) ng administrador ng SSS na binigyan din ng posisyon sa Gabinete.

Ayon sa DoF (Department of Finance), nagkakahalagang P45-Bilyon ang pinagsamang badyet para sa panlipunang kapakanan (social welfare) ng nasabing mga ahensiya.

Pero malamang na lolobo pa ang halagang ito. Ayon sa nakalap ng PINOY WEEKLY na inamyendahang AO 232, pinamagatang “Adoption of Social Protection Framework to Harmonize the Efforts Addressing the Impact of Adverse Global Environment on the Country” at pinirmahan noong Hulyo 16, isinama na rin sa lupon ang Dole (Department of Labor and Employment), Philippine Health Insurance Corporation, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, at Housing and Urban Development Coordinating Council.

Ipatatawag din ang iba pang Government-Owned and Controlled Corporations at mga liga ng lokal na pamahalaan para “suportahan and epektibo at madulas na implementasyon” ng mga programa para sa proteksiyong panlipunan (social protection).

Pinalitan din ang pangalan ng programa—mula National Social Welfare Program, ginawa itong National Social Protection Program o NSPP. Ito umano ang bungkos ng “mas buo at dinamiko na mga programa at polisiyang dinisenyo para mapababa ang antas ng kahirapan at bulnerabilidad sa pamamagitan ng pagkakapantay-pantay at seguridad.”

Pero tila“dole-out” o simpleng pamimigay pa rin ng mga subsidyo ang magiging esensiya ng programa, anuman ang itawag dito.

Sinabi ni Cerge Remonde, hepe ng Presidential Management Staff, na magiging sentro ng State of the Nation Address ng Pangulo ang mga subsidyo ng gobyerno, na bahagi ng programang pamumunuan ni Neri.

Maaasahan ng publiko ang mas marami pang subsidyo, ayon din kay Lorelie Fajardo, deputy presidential spokesperson. Itutuloy umano ang programang Katas ng VAT Para sa Mahihirap o paglalaan para sa mga subsidyo ng bahagi ng kinokolekta ng gobyerno na 12% VAT (Value-Added Tax) sa mga produktong petrolyo.

Ngayong taon, P73-B ang inaasahan ng DoF na malilikom na VAT sa mga produktong petrolyo, na 22 beses nang nagtaas ng presyo simula Enero.

Pondo ng SSS, magagamit din?

Layon ng AO 232 na isentralisa ang mga programa sa subsidyo sa mahihirap at iba pang programang social welfare ng gobyernong Arroyo. Ipinagtataka lang ng marami, bakit ito pamumunuan ni Neri sa SSS?

Wala umanong kredibilidad si Neri dahil sa kanyang pananahimik sa partisipasyon ng Pangulo sa $329-Milyong proyektong NBN-ZTE. Hinala pa ng iba, gaya ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., may inaasahan sa kanya ang Pangulo, kapalit ng posisyon sa Gabinete.

Mabilis na tumugon ang Malakanyang: hindi gagamitin para sa mga programa ng Pangulo ang P248-B pondo ng 27 milyong miyembro ng SSS.

Pero ayon nga kay Sen. Mar Roxas, “Kung magkagipitan at inutusan siya (Neri) ng Palasyo na maglabas ng pera ng SSS para sa isang proyekto na hindi naman para sa SSS members, makakatanggi ba siya?”

Usap-usapang nagbitiw ang dating hepe ng SSS na si Corazon dela Paz dahil sa pamemresyur sa kanya ng Malakanyang na gamitin ang pondo ng ahensiya para sa mga programa ng Pangulo.

Hindi ito kinumpirma ni dela Paz. Pero nasabi niya kamakailan sa midya: “May limitasyon ang paggamit ng pondo. Hindi ito maaaring gamitin sa maka-mahihirap na proyekto ng gobyerno.”

Dagdag na antas ng burukrasya

Samantala, naniniwala si Baclagon na di kinakailangan ang lupon para sa NSPP. “Kung para sa koordinasyon, nariyan na ang iba’t ibang Inter-agency Committee gaya ng National Anti-Poverty Commission at Social Development Committee ng Neda,” aniya.

Inangkop lamang ng NSPP ang estratehiya para sa social protection na binalangkas ng Neda-SDC. May apat itong sangkap: (1) Labor Market Programs, (2) Social Insurance, (3) Social Welfare, at (4) Social Safety Nets. Pangungunahan ng Dole ang una; ng SSS ang ikalawa; at ng DSWD ang ikatlo at ika-apat.

Ang SSS ang mamumuno sa lahat nitong mga ahensiya—kahit na DSWD ang may pinakamalawak na mandatong hawak. DSWD ang pangunahing ahensiyang nangangalaga sa “pinakamahihirap sa mahihirap.”

“Kung tunay na nagmamalasakit si Arroyo sa mahihirap, bakit hindi pamunuan ng DSWD ang mga programa para sa kanila? O dagdagan na lamang ang pondo ng ahensiya? Kami naman ang may karanasan sa ganyan. Bakit kailangang magtayo ng isa pang antas sa burukrasya?” ani Baclagon.

Puna pa niya sa mga programa sa subsidyo ni Arroyo, hindi pinag-isipan at pansamantalang solusyon lamang: “Nakakapanghinayang na nasasayang ang mga rekurso ng gobyerno sa mga pamigay na para sa kakaunti lamang, at nagagamit pa sa pulitika.”

Umano’y marami pang mga proyektong mas pangmatagalan ang epekto dahil kinokonsidera ang iba’t ibang mga indikasyon ng pag-unlad, tulad ng imprastruktura, kalusugan, edukasyon, sitwasyong pangkomunidad, serbisyong pansuporta (support services) at pag-oorganisa.

Tutol ang maralita

Hindi magdudulot ang NSWP ng “pagkakapantay-pantay” at “seguridad”. Bagkus, palalalain ng programa ang kawalan nito, ayon naman sa grupong maralita na Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).

“Ito ay panloloko lang upang mapagtakpan ang kanyang (Arroyo) malalaking pananagutan sa aming mga maralita. Masahol pa, tiyak na magiging balon ito korupsiyon laluna’t papalapit na ang 2010 halalan,” sabi ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Ginagamit din umano ang programa na dahilan para patuloy na makapangolekta ng VAT sa kabila ng lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahan, na tanggalin ito.

Sa komputasyon ng Kontra-KulimVAT, alyansang nananawagan ng pagtanggal sa VAT, sa bawat P1 subsidyong ibinibigay ng gobyernong Arroyo, P9 na VAT ang kinokolekta nito. (Batay ito sa P8-B na nagastos umano ng gobyerno sa mga programa sa subsidyo.)

“Ipinapakita nito na napupunta sa Malakanyang ang Katas ng VAT, at hindi sa publiko,” ani Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra-KulimVAT.

Kung gayon, walang dahilang matuwa sa mga programa sa subsidyo hindi lamang ang mga kawani ng DSWD na tila sinagasaan ang trabaho—kundi ang bawat maralitang nagigipit, binubuwisan, at maaaring niloloko.

Advertisements

Posted in Korapsiyon, Pulitika | Leave a Comment »

Ang lihim ni Winston Garcia

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano/ Tarik Garcia
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 21
Hunyo 4 – 10, 2008

Hindi matapat sa publiko.

Ito ang ibinibintang ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), sa pamilya Lopez na namumuno ng Meralco (Manila Electric Company). Tinatangka ng GSIS na makontrol ang Meralco, pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, para mapababa umano ang labis-labis na singil nito sa kuryente.

Pero kung inililihim man ng mga Lopez ang abusadong paniningil nito, inililihim din naman ni Winston ang kanyang posibleng tunay na interes sa Meralco.

May koneskiyon ang pamilya Garcia sa Veco (Visayan Electric Company), pangalawang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa. Malapit na alyado ni Pangulong Arroyo si Winston na tubong Cebu ang pamilya.

Nakadikit ang prominenteng mga miyembro ng pamilya Garcia sa Veco, na pag-aari ng pamilya Aboitiz. Nakabase rin sa Cebu ang mga Aboitiz, at tulad ng mga Garcia, malapit diumano sa Palasyo.

Dating legal counsel ng Veco si Jesus Garcia Sr., tiyo ni Winston. Humalili sa tiyo ni Winston ang kanyang pinsang si Jesus Garcia Jr. Ang pamangkin ni Jesus Garcia Jr. na si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang legal counsel ng Veco.

Samantala, umupo rin ang mga Garcia sa Board of Directors ng Vivant Corporation, nakalista sa Philippine Stock Exchange na holding company ng Veco. Si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang corporate investment officer at sekretarya ng Vivant.

(May dalawang grupo ng mga Garcia sa board ng Vivant. Hindi kadugo ng pamilya ni Winston ang mga Garcia na lahing Espanyol na kumokontrol sa board ng kompanya.)

“Niloloko ni Garcia ang publiko sa pamamagitan ng pagkukunwaring panig siyang walang interes na nagnanais lamang pababain ang singil sa kuryente ng Meralco. Sa totoo, may interes ang kanyang pamilya sa Veco, na makikinabang ang mga may-ari kapag nalusaw ang prankisa ng Meralco. Ang kanyang populistang retorika ay pagtatakip sa pandarambong ng mga alyado at kroni ni Arroyo,” ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas.

Hindi umano malayong gamitin ni Garcia ang pensiyon ng mga kawani ng gobyerno para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mga alyado sa pulitika at negosyo. Nagawa na niya ito noon.

Noong 2004, bilyun-bilyong piso ng pondo ng GSIS ang kinuha ni Garcia mula sa Land Bank of the Philippines na pag-aari ng gobyerno at inilipat sa pribadong Union Bank.

Iginawad din ni Garcia sa Union Bank ang multi-milyong pisong kontrata sa proyektong E-Card. Idineklara ng Commission on Audit na “illegal” ang nasabing kontrata.

Pag-aari ng pamilya Aboitiz ang Union Bank.

Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang mga kawani ng gobyerno sa umano’y tiwaling pamamalakad ni Winstyon sa GSIS at pag-abandona nito sa tungkuling pangalagaan ang kanilang interes.

Sa ika-22 anibersaryo ng Courage (Confederation for the Unity Recognition, and Advancement of Government Employees) noong Mayo 19, nagkaisa laban sa pamunuan ng GSIS ang mga empleyado ng National Food Authority, National Housing Authority, Bureau of Customs, Land Transportation Office, Department of Trade and Industry, National Broadcasting Network, Quezon City Hall, Department of Environment and Natural Resources, Department of Labor and Employment, Senado, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

“Pinagsasamantalahan ng GSIS ang pondo ng mga manggagawa at ginagamit lamang sa pamumulitika,” ani Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.

Posted in Pulitika | 1 Comment »

Torete sa kuryente

Posted by mamamahayag on May 18, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly , Bol. 7 Isyu 18
Mayo 14 – 20, 2008

KAKATWANG ibina-bandera ngayon ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), ang mga salitang “maayos” at “matapat” na pamamalakad. Sa kagustuhan ng gobyernong Arroyo na makontrol ang Meralco (Manila Electric Company), mga kaso ng pandaraya at mismanagement ang iniuumang nito sa pamilya Lopez. Gayong may patung-patong na mga kaso sa Opisina ng Ombudsman si Garcia, kilalang matapat na alyado ng Pangulo, dahil sa diumano’y panggagatas at maling pamamalakad sa GSIS.

“Si Garcia, gustong patakbuhin ang Meralco? Eh ang mga titser nga nagrereklamo sa kanya eh — e-card lang, hindi niya maayos,” sabi sa Pinoy Weekly ni Engr. Ramon Ramirez, convenor ng grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).

Malaking duda, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa basbas ni Pangulong Arroyo sa planong pag-takeover ng GSIS sa Meralco, na namamahagi ng kuryente sa 70% ng Luzon at pag-aari ng isa sa pinakamaimpluwensiyang pamilyang negosyante sa bansa.

Ayon sa Malakanyang, umaabuso ang Meralco kaya’t nagdurusa ang mga konsiyumer ng kuryente. Simula Abril, mahigit 50% ang itinaas ng singil nito.

Kung kaya kailangan daw na mapasakamay ito ng GSIS at ng iba pang kompanya ng gobyerno na may 33% sapi, mula sa mga Lopez na mayroong mayorya o 35% sapi. Sinimulan na rin ng Joint Power Commission o Powercom ng Kongreso na imbestigahan ang singil ng Meralco.

Pinamumunuan ang komisyon ng anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo at kaalyado ng Malakanyang na si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Pero maraming naniniwalang walang kinalaman sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng publiko ang pag-atake ng gobyernong Arroyo sa Meralco.

“Alin lang ’yan sa dalawa – galit sa ABS-CBN [dahil sa] coverage sa mga eskandalo o di kaya, purong kasakiman,” sabi sa Pinoy Weekly ng political analyst at kolumnistang si William Esposo. Ang mga Lopez ang may-ari sa ABS-CBN, isa sa pinakamalaking network pangtelebisyon sa bansa, na nagpapalabas nang live sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa mga anomalyang kinakasangkutan ng Pangulo, mula “Hello Garci” hanggang NBN-ZTE.

Hindi malayo ang sapantaha ni Esposo at iba pang tutol sa pag-takeover – mula oposisyonistang mga senador, kinatawan ng progresibong mga party-list, at mga grupong pangkonsiyumer gaya ng Power. Magkatuwang na panggigipit sa midya at pagdaloy ng limpak-limpak na kita sa kamay ng mga kroni ng Pangulo ang dahilan ng unang takeover ng gobyerno sa Meralco noong batas militar. At sa bansang ito, ‘ika nga, malimit maulit ang kasaysayan.

Garcia ngayon, Romualdez noon
Kung si Garcia, diumano’y tumulong lumikom ng pondo para sa kampanya ni Arroyo noong 2004, ang inaasahang makipagbuno sa mga Lopez ngayon, si Benjamin “Kokoy” Romualdez, kapatid ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, ang nagtagumpay noon. Sinasabing paboritong bayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Romualdez, na tumulong diumano sa pagluto ng resulta ng Constitutional Convention noong 1971.

Nang ideklara ang batas militar, itinayo ni Romualdez ang Philippine Journalists Inc. para makapaglabas ng mga pahayagang pabor sa administrasyon at kontrolin ang oposisyonistang Manila Chronicle, na pag-aari ng mga Lopez. Pagkatapos, Meralco naman ang pinuntirya. Pinuwersa niya si Eugenio Lopez Sr. na ilipat ang sapi ng kanyang pamilya sa Meralco Securities Corp. o MSC sa Meralco Foundation, na itinayo ni Romualdez.

Para magawa ito, ginipit si Lopez Sr. ng gobyernong Marcos – ibinaba sa 20.9% ang 36.5% dagdag-singil, dahilan para malugi ang kompanya. Direkta ring ipinangako ni Romualdez kay Lopez Sr. bilang kapalit ang pagpapakawala ng anak nitong si Eugenio Jr., na ikinulong sa bintang ng tangkang pagpatay kay Marcos kasama ng iba pang mamamahayag.

Noong Nobyembre 19, 1973, pinirmahan ni Lopez Sr. ang Stock Purchase Agreement na naglipat ng lahat ng sapi ng mga Lopez patungo sa Meralco Foundation, sa mababang halagang $1,500. Dapat, babayaran ang mga Lopez ng karagdagang $6 Milyon sa susunod na mga taon, pero sinadya ni Romualdez na lagyan ng butas ang kasunduan – nakadepende lamang sa cash flows o pasok ng pera ang pagbayad sa mga Lopez — kaya madali itong nalusutan. Wala nang naibayad pa ang kroni ni Marcos.

Sa halip, Meralco pa ang gumastos para sa marangyang birthday party ni Imelda noong 1974. Ginamit ang tauhan, kantina, at mamahaling silverware at china, na inilipad pa mula Maynila patungong Leyte, ng kompanya. Sa susunod na taon, isang nine-seater na jet na may halagang mahigit isang milyong dolyar ang binili ni Romualdez gamit ang pondo ng kompanya.

Ikinarga sa singil sa mga konsiyumer ng kuryente ang lahat ng ito. Itinaas ng Meralco nang 100% ang singil sa kuryente simula nang maupo si Romualdez, at nagpatuloy ang pagtaas ng singil sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.

Para tuluyang mapasakamay ang Meralco, pinalitan ni Romualdez ng pangalan ang MSC at ginawang First Philippine Holdings Corp. o FPHC at saka ibinenta sa Meralco Foundation. Ibinenta naman ng kompanya sa Napocor (National Power Corporation) ang planta nito noong 1978 sa sinasabing overpriced na presyong $217.2-M, na ikinalugi ng gobyerno.

Nabawi lamang ng mga Lopez ang kompanya kay Romualdez nang mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Para magmukhang bida?
Simula noon, nanatili na sa pribadong kamay ang pagpapatakbo ng Meralco. Sinimulan na ring isapribado ang buong industriya ng enerhiya sa panahon ng administrasyong Aquino para solusyonan diumano ang malawakang mga blackout noong dekada ’80.

Sa dikta ng International Monetary Fund, World Bank, at Asian Development Bank, internasyonal na mga institusyong inuutangan ng bansa, inumpisahan ang pagsasapribado ng Napocor. Itinulak ng gobyerno ang pribadong mga kompanya, karamiha’y pag-aari ng mga dayuhan, na magtayo at magpatakbo ng mga planta sa bansa.

Para makapangutang, isa sa mga unang inatupag ni Pangulong Arroyo ang pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng enerhiya. Ipinasa niya noong 2001 ang Epira (Electric Power Industry Reform Act), sa kabila ng malawak na oposisyon. Dinagdagan ng Epira ang insentibo at kalayaan ng pribadong sektor na pasukin, kontrolin at manipulahin ang industriya ng enerhiya, at ipasa ang mga gastos sa mga konsiyumer nang halos walang pakikialam ng gobyerno.

Kinumpirma mismo ni Sek. Angelo Reyes ng DoE (Department of Energy) sa Pinoy Weekly kamakailan, na walang pag-atras sa pribatisasyon ng industriya ng kuryente. “Kailangan ’yan para matupad ’yung Epira,” aniya.

Kaya bukod sa posibleng panggigipit sa mga Lopez at interes na gatasan ang Meralco, desperado rin umano si Pangulong Arroyo na magmukhang isinasalba ang mga konsiyumer sa gitna ng di-maampat na pagsirit ng presyo ng bigas, pagkain, langis, at batayang mga bilihin na nagpapababa lalo sa sadsad nang popularidad ng administrasyon.

Para kay Ramirez, “Isa itong isyung pampulitika. Mataas ang implasyon, nagkaroon ng rice crisis, at tumaas din ang singil sa kuryente. Sa pagpapalabas na gusto nilang i-takeover ang Meralco, parang lumalabas na gusto nilang tulungan ang mga mamamayan. Sa tingin siguro ni Arroyo, malilihis ang atensiyon natin doon sa iba pang pagtaas (ng presyo). At lumalabas na sila pa ang bida.”

Kung sinsero ang Pangulo
Simple lamang ang mga solusyon kung sinsero si Pangulong Arroyo na ibaba ang singil sa kuryente, ayon sa Power. Pinakamabilis at direkta na ang pagtanggal sa 12% Vat (value-added tax) na ipinataw rito ng gobyerno.

Sa pag-aaral ng grupo, makatitipid ng P206 kada buwan ang mga konsiyumer na kumokonsumo ng 200 kWh (kilowatt hour) kada buwan, at P470 naman ang mga kumokonsumo ng 300 kWh kada buwan, kapag inalis ang Vat sa distribusyon. Kapag inalis naman ang Vat maging sa singil sa generation at transmission, makatitipid ang mga konsiyumer ng tinatayang 70.6 sentimos kada kWh.

Maaari ring alisin ang singil sa systems loss na tinatayang 9.5% ng bill sa kuryente. Sa ilalim ng Republic Act 7882 o Anti-Pilferage Act, pinapayagan ang mga kompanya ng enerhiya na ipasa sa mga konsiyumer ang mga “nawawalang enerhiya” sa mga dahilang teknikal at di-teknikal (tulad ng pagnanakaw).

Ani Ramirez, sinasagot dapat ang gastos na ito ng mga kompanya, hindi ng mga konsiyumer. Dapat umanong ipag-utos ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na pawalang-bisa ang RA 7882—tutal, anak naman niya ang namumuno sa kinauukulang komite sa Kongreso.

Nagbabalak ang Department of Trade and Industry na hilingin sa Energy Regulatory Commission na pagbawalan ang Meralco na ipasa sa mga konsiyumer ang gastos sa systems loss, pero hanggang ngayon, hindi pa ito nagsusumite ng pormal na petisyon.

Maaari ring bumaba nang halos kalahati ang singil sa kuryente kung rerepasuhin ng gobyernong Arroyo ang matagal nang kinukunsinting madadayang kontrata ng Napocor at mga kompanya ng distribusyon gaya ng Meralco sa mga IPP (independent power producer), ayon pa sa Power.

Sa take-or-pay provision sa mga kontrata ng IPP, pinapayagan ang mga ito na maningil para sa enerhiya na hindi naman nilikha pero hindi naman nagamit. Bilyun-bilyong piso ang kinita ng mga IPP gaya ng Mirant Philippines at First Gas Power Corporation dahil dito, ayon sa imbestigasyon ng Inter-Agency Review Committee na pinangunahan ni dating Sek. Jose Isidro Camacho ng Department of Finance noong 2002.

Pero wala ni isang kontrata sa mga IPP ang binabago, hanggang ngayon. Tinatayang 10 hanggang 40% lamang ng enerhiyang sinisingil ng mga IPP ang nagagamit. Taun-taon, mahigit P500-B ang ibinabayad ng Napocor sa mga ito – na siya namang ipinapasa nito sa konsiyumer.

Pagsasabansa ng industriya
Pagbasura sa Epira at pagsasabansa pa rin ng industriya ng enerhiya ang nakikita ng mga kritiko na pangmatagalang solusyon sa mataas na singil sa kuryente sa bansa – isa sa pinakamataas sa Asya at maging sa buong mundo.

“Dapat ang industriya ng enerhiya, hawak ng taumbayan sa pamamagitan ng kanyang gobyerno. Pero may kondisyon ’yan – na matino ang gobyerno at tunay na naglilingkod sa mga mamamayan. Kasi kung hawak ito ng mga lider na pansariling interes ang habol, nakaabang lang ’yung mga kroni nila at para pa ring nasa pribadong mga kamay (kung sakaling magtagumpay ang pag-takeover),” ani Ramirez.

Sa Mayo 27, magpupulong ang mga shareholder ng Meralco. Inaasahang magtutuos ang GSIS at mga Lopez. Walang katiyakan kung, tulad ni Romualdez, mapapasakamay ni Garcia ang isa sa mga pinakamalakas kumitang kompanya sa bansa (P655-M noong unang kuwarto ng taon). O kung mawawalan na ito ng interes matapos magisa nang husto ang Meralco sa mga pagdinig sa Kongreso, umatras ang ABS-CBN sa kritikal na pamamahayag, at magmukhang tagapagtanggol ng sambayanan ang Pangulo.

Ang malinaw, mga negosyante man o gobyerno ang gagawa, patuloy na gagatasan ang mga konsiyumer hanggang pamumulitika ang inuuna, sa halip na tunay na reporma.

May ulat ni Mikas Matsuzawa

Ang dapat ipaliwanag ng Napocor

Sa paniningil na halos “pangunguryente” na rin, hindi lamang ang Meralco (Manila Electric Company) ng pamilya Lopez ang dapat magpaliwanag. Maging ang Napocor (National Power Corporation) ng gobyerno, malaki ang pananagutan sa publiko.Nitong Mayo 7, kinastigo ng Energy Regulatory Commission ang Napocor dahil naningil ito ng Generation Rate Adjustment Mechanism at Incremental Currency Exchange Rate nang hindi inaaprubahan ng ahensiya.

Mula Hulyo 2006 hanggang Marso 2008, umabot sa P10 Bilyon o 20 sentimos kada kWh (kilowatt hour) ang siningil nang labis ng kompanya.

Huli lamang ito sa mahabang listahan ng mga anomalya at pagmamanipula sa presyo ng Napocor.

Noong Abril hanggang Hunyo 2007, bumili ang Napocor ng P660 Milyong halaga ng diumano’y overpriced na coal para sa pagpapatakbo ng mga fuel generator. Nagsampa ang grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates) ng kaso sa Opisina ng Ombudsman laban dito.
Artipisyal na itinaas din ng Napocor ang presyo ng kuryenteng ibinebenta sa WESM (Wholesale Electricity Spot Market). Itinayo sa bisa ng Epira (Electric Power Industry Reform Act ), layon ng WESM na pababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng kompetisyon.

Pero minanipula diumano lamang ito ng Napocor para kumita ng P9-B noong 2006, na ipinasa naman sa mga konsiyumer. Kinasuhan din ng Power ang Napocor dahil dito.

May 75% ng bill sa kuryente ang nagmumula sa singil sa generation na kontrolado ng Napocor.

Alinsunod pa rin sa Epira, unti-unting isinasapribado ng gobyerno ang kompanya.

Pero paglilinaw ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan,

“Hindi pagmamay-ari sa Napocor ang problema. Ang problema ay nasa mga nagpapatakbo ng Napocor na [parang negosyo] at mga polisiya sa enerhiya. Nais naming manatiling pag-aari ng gobyerno ang Napocor – pero pinatatakbo ng mga opisyal na marunong at tapat.”

Ilang-Ilang Quijano

Posted in Ekonomiya, Pulitika | Leave a Comment »

Inuulit na kasinungalingan’ laban sa mga kinatawan

Posted by mamamahayag on May 6, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano/Noel Sales Barcelona
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 15
Abril 23-30, 2008

Matamang nag-abang ang mga elemento ng PNP (Philippine National Police) sa paligid ng Regional Trial Court o RTC ng Palayan City at Guimba sa Nueva Ecija. Sa araw na iyon, Abril 18, naglabas ng resolusyon ang isang joint panel ng mga tagausig. Umano’y may probable cause ang mga kasong pagpatay at pagkidnap laban kina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casiño, Gabriela Rep. Liza Maza, at dating Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Inaasahan ng PNP, isang warrant of arrest laban sa apat ang agarang iuutos ng korte.

Hindi ito nangyari. Pero umaksiyon pa rin laban kay Ocampo ang hinihinalang mga ahente ng estado. Noong Abril 20, galing sa airport ang mambabatas na dumalo sa Human Rights Mission Tour sa Canada. Nang papasok sa kanyang bahay sa Heroes Hill, Quezon City, bumuntot ang dalawang motorsiklo sa kanyang sasakyan. Buong umaga, minanmanan siya ng mga armadong lulan ng tatlong motorsiklo at apat na sasakyan. Umalis lamang ang mga ito nang sumaklolo ang mga miyembro ng midya.

Muli, ginigipit ang mga kinatawan ng progresibong mga party-list. Nais ng gobyernong Arroyo, ayon kay Ocampo, na “tuluyan kaming alisin sa Kongreso.” Ilang beses nang sumubok ang gobyerno sa pamamagitan ng diumano’y minaniobrang mga kaso. Hindi nagtagumpay noon ang tangkang pagpapatahimik sa tinaguriang pinakamaiingay na kritiko ng gobyerno. Paniwala ng mga kongresista, hindi pa rin ito magtatagumpay ngayon.

Kasong ‘walang lohika’
“Inuulit na kasinungalingan,” ayon sa apat, ang pagdawit sa kanila sa pagpatay kina Carlito Bayudang, Jimmy Peralta, at Danilo Felipe – diumano’y mga sumukong miyembro ng NPA (New People’s Army) na naging organisador ng Akbayan Party-list. Inakusahan ng kanilang mga biyuda na sina Isabelita Bayudang, Medelyn Felipe, at Mayumi Peralta sina Ocampo, Casiño, Maza, at Mariano na mga opisyal ng CPP (Communist Party of the Philippines). Diumano’y sa isang pulong noong Agosto 2000, inutusan nila ang mga lider ng CPP sa Gitnang Luzon na patayin ang tatlo na humahadlang sa kampanya ng Bayan Muna sa halalan.

Nakatalukbong at pinaliligiran ng mga militar, una nang lumantad sa publiko ang mga biyuda noong nakaraang taon. Nagsampa sila sa Comelec (Commission on Elections) ng kasong diskuwalipikasyon laban sa Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis. Pero ibinasura ng Comelec ang kaso noong Hunyo 1, 2007. Umano’y “walang sapat at kapani-paniwalang ebidensiya para suportahan ang petisyon at mga alegasyon dito.”

Gayunpaman, noong Nobyembre 14, 2007, isinumite ang kaso para gawan ng resolusyon ng tatlong tagausig sa Nueva Ecija. Tinanggihan ang hiling ng mga akusado na masilayan ang mukha ng mga nagrereklamo. Ayon sa Motion for Judicial Determination of Probable Cause na inihain ng mga kongresista noong Abril 21, ipinagkait sa kanila ang “due process.”

Ayon pa sa kanilang mosyon, wa­lang kredi­bilidad ang mga testigo. Hawak sila ng militar simula nang kanilang diumano’y pagsuko. Kuwestiyunable rin umano ang pagpapawalang-sala kay Julie Flores Sinohin, isa pang testigo na umaming pumatay mismo sa mga biktima. Walang ibang ebidensiyang pinanghahawakan ang korte maliban sa testimonya ng apat na “kaduda-dudang” testigo.

Hindi rin tugma ang mga testimonyang ito sa naunang ulat ng PNP hinggil sa mga krimen. Ang mag-asawang Baduyong, miyembro ng Red Vigilante Group. Ibang tao ang unang inakusahan ni Isabelita na pumatay sa kanyang asawa, sanhi umano ng away sa lupa. Si Jimmy Peralta naman ay biktima ng hit-and-run.

Gayundin, dapat na nakapailalim ang mga kasong kriminal sa kasong rebelyon laban sa akusadong mga lider ng CPP na ibinasura ng Korte Suprema noong Hunyo 1, 2007.

Natatawa si Ocampo sa kasong umano’y walang lohika. “Ang Bayan Muna noong 2001 ay nakakuha ng 1.7 milyong boto, kumpara sa 357,274 boto ng Akbayan. Ang Bongabon, Nueva Ecija (kung saan pinatay ang dalawa sa umano’y biktima), may 32,193 botante lamang. Bakit namin pag-aaksayahan ng panahon ang pag-utos sa pagpatay ng mga organisador ng Akbayan dito?”

Pakana ng Ialag?
Walang duda ang mga kongresista na panggigipit lamang ito. Diumano’y direktang minaniobra ang mga kaso ng Ialag (Inter-Agency Legal Action Group) ng Malakanyang. Rekomendasyon ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston kay Pangulong Arroyo, buwagin na ang nasabing grupo ng mga miyembro ng gabinete na pinamumunuan ni National Security Adviser Norberto Gonzales. Ito umano ang nasa likod ng “gawa-gawang mga kaso” laban sa lider ng progresibong mga party-list at organisasyon.

Ayon sa impormasyong natanggap ng mga kongresista, maaaring bumigay sa pampulitikang presyur si Assistant Provincial Prosecutor Antonio Ll. Lapus Jr., hepe ng mga tagausig, dahil nais nitong maiangat tungo sa pagiging huwes. Diumano’y “ginagapang” na rin ang mga huwes sa Nueva Ecija na posibleng humawak sa kaso.

Gayunpaman, umaasa sina Ocampo, Casiño, Maza, at Mariano na hindi hahantong ang lahat sa brasuhan. Handa man sila para rito, ayaw nilang maulit ang karanasan noong 2006. Kasama sina Anakpawis Rep. Crispin Beltran at dating Bayan Muna Rep. Joel Virador, kabilang ang apat sa tinaguriang “Batasan 6” na kinasuhan at tinugis ng gobyerno. Mahigit isang taong nakulong si Beltran dahil dito.

Noon at ngayon, aktibo ang apat na kinatawan ng party-list sa diumano’y pagtataguyod ng progresibong mga adhikaing may pagkiling sa mahihirap. Tulad ni Ocampo, nagsalita sa ibang bansa sina Casiño at Maza hinggil sa mga paglabag sa karapatang-pantao ng gobyernong Arroyo. Dumalo si Casiño sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Commission sa Switzerland. Kasama rin niya si Maza sa pagtuligsa sa pampulitikang panunupil sa oposisyon sa pulong ng Inter-Parliamentary Union sa South Africa. Si Mariano naman, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, aktibo sa kampanyang pagsasabatas sa Genuine Agrarian Reform Bill at nangunguna sa mga protesta laban sa krisis sa pagkain sa bansa.

Posted in Pulitika | Leave a Comment »

Proyektong bugok, sistemang bulok

Posted by mamamahayag on February 22, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Pebrero 13- 19, 2008
Taon 7 Blg. 6

IKINUMPISAL sa bayan ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. na inuk-ok ng mahigit isang dekadang pagtatrabaho sa gobyerno ang kanyang kaluluwa. “Gusto kong masagip ang natitira pa sa aking kaluluwa,” naluluha niyang wika sa Senado noong Pebrero 8 habang matamang nanonood ang mga madre at pari na kumanlong sa kanya mula sa diumano’y nandukot na mga tauhan ng administrasyong Arroyo.

Noon pa man, pag-amin ng dating presidente ng Philippine Forestry Corp., itinakda na niya ang antas ng katiwaliang maaaring palampasin at yaong hindi. Pero sobra-sobra ang nasaksihan niyang “kasuwapangan” sa $329 Milyong kontrata ng administrasyong Arroyo sa ZTE Corp. Diumano’y $130-M komisyon ang hinihingi ng dating komisyoner ng Commission on Elections na si Benjamin Abalos. Nakialam mismo diumano si Unang Ginoo Mike Arroyo para masigurong matutuloy ang proyekto – na babayarang utang ng sambayanang Pilipino sa Tsina.

Hindi ito masikmura ni Lozada. Inirekomenda niyang ibasura ang proyekto. At maging ang sistemang kanyang kinapalooban sa mahabang panahon.

“Hindi talaga gumagana ang sistema ng pagkuha ng kagamitan (procurement system) ng gobyerno. Dapat dito…kung ano ang kailangan ’yun ang magdidikta ng procurement. Ang nangyayari sa gobyerno, (itinutulak ng suplay). Kung sino ang may kaibigang supplier, (ipipilit ang isang proyekto),” aniya.

Dahil sa anomalya sa kontratang NBN (National Broadband Network) sa ZTE, nauusisang muli ang diumano’y palpak na proseso ng pagmungkahi at pag-apruba ng mga proyekto ng gobyerno. Gaano nga ba kadali para sa matataas na opisyal ng gobyerno na kumubra mula sa mga proyektong maaaring di naman mapapakinabangan ng mga Pilipino?

Neda hawak ng Palasyo

Malagim ang tantiya ng MBC (Makati Business Club). Ngayong 2008, inaasahang mapupunta umano sa bulsa ng sinuhulang mga opisyal ng gobyerno ang P29.5 Bilyon. Halos 20 porsiyento ito ng P147.7-B na capital outlay o pambili ng mga kagamitan at pantayo ng mga imprastruktura ng gobyerno. Tinantiya ito ng MBC batay sa mga pag-aaral ng WB (World Bank) noong 1998 at Social Weather Stations mula 2000 hanggang 2004. Inilalagay ng pareho sa mahigit-kumulang 20 porsiyento ang karaniwang nakukurakot sa mga proyekto ng gobyerno.

“Mukhang ganyan ang gawi sa gobyerno,” sabi ni Lozada. Ibinulgar niyang halimbawa ang umano’y 22 porsiyentong kickback sa proyektong Southrail. Tulad sa NBN, nagsilbi siyang konsultant ni Romulo Neri, dating direktor-heneral ng Neda (National Economic and Development Authority), para sa proyektong pagpapaunlad sa riles ng tren mula Calamba, Laguna hanggang Matnog, Sorsogon. Aniya’y sobra sa presyo o overpriced naman ng $70-M ang kontrata ng gobyerno sa EximBank (Export-Import Bank) ng Tsina para sa Southrail.

Malamang umakyat din daw sa Palasyo ang diumano’y multi-milyong komisyon sa Southrail. Mga negosyanteng nagngangalang Mallari at Anthony Wang diumano ang “bahala”. Pero hindi na siya makapagpalawig sa impormasyong ito. Marahil, tulad din ng NBN-ZTE, si Neri lamang ang may pinanghahawakang mga detalyeng maglilinaw sa tunay na papel ni Pangulong Arroyo sa mga proyekto tulad ng Southrail at NBN-ZTE.

Pero tumahimik si Neri matapos ibulgar na tinanggihan niya ang inalok ni Abalos na P200-M suhol para aprubahan ang NBN-ZTE. Dumulog pa nga siya sa Korte Suprema para panatilihing sikreto sa Senado ang pinag-usapan nila ng Pangulo hinggil sa proyekto.

Para kay Felipe Medalla, dating hepe ng Neda, sinasalamin lamang ng aktitud ni Neri ang oryentasyon, sa ilalim ng gobyernong Arroyo, ng ahensiyang dati niyang pinamunuan. Gumuho na umano ang papel nito bilang pang-check and balance o independiyenteng tagapagbantay ng mga proyekto. Sa halip, kasangkapan na lamang ito ng “Neda sa Pasig” o ng Malakanyang – sa pag-apruba sa “inilutong” mga kontrata.

“Kung gusto ng Pangulo ang isang proyekto, pumupurol ang mga lapis at nagkakamali ang mga calculator. Hindi ko maisip kung paano magpapatuloy ang (NBN-ZTE) nang walang aktibong suporta ng Pangulo,” sabi ni Medalla sa Senado noong nakaraang taon.

Sa kabila ng mas mababang presyong alok ng mga kompanyang Amsterdam Holdings Inc. (kompanya ni Joey de Venecia) at Arescom para itayo ang NBN sa ilalim ng iskemang BOT (Build-Operate-Transfer), inaprubahan pa rin ng Neda-ICC (Investment Coordinating Committee) ang pag-utang sa Tsina.

Sa bagong mga patakaran sa BOT na itinutulak ni Pangulong Arroyo, hindi na nga dadaan pa sa Neda-ICC ang naturang mga proyekto. Mismong mga ahensiya na lamang na tulad ng Department of Transportation and Communication o DOTC (pinamumunuan ng matapat niyang kalihim na si Leandro Mendoza) ang magrerepaso at mag-aapruba ng mga mungkahing proyekto. Nakabimbin ang mga patakarang ito dahil sa pagtutol ng mga negosyante sa nagpapautang.

Ayon kay Josefina Lichauco, dating undersecretary ng DOTC at convenor ngayon ng Concerned Citizens Group, laganap ang korupsiyon partikular ang mga ahensiyang mayaman sa mga proyektong pang-imprastruktura tulad ng DOTC.

“Kapag alam ng mga kontraktor na hindi ka tumatanggap (ng suhol), matakot ka,” sabi ni Lichauco sa PINOY WEEKLY. Nagbitiw noong 2000 dahil sa maanomalyang proyektong Telepono sa Barangay si Lichauco, na tulad ni Lozada ay nakatanggap din ng mga banta sa buhay.

Batikos niya sa gobyernong Arroyo, “marurumi” na ang mga nanunungkulan sa mga ahensiya, wala pang nagpupulis sa kanila.

Posible ba ang reporma?

Dahil malinaw na nakokompromiso ang mga ahensiya at Neda, naghahanap ang mambabatas ng ibang mga solusyon para maiwasan ang mga proyektong tulad ng NBN-ZTE.

Sina Sen. Manuel “Mar” Roxas II at Francis “Chiz” Escudero, naghain ng mga panukalang batas para amyendahan angRepublic Act 9184 o Government Procurement Reform Act at Republic Act 8182 o ODA (Official Development Assistance) Act. Ang punto ng mga ito, hingin ang pag-apruba ng Kongreso bago payagan ang mga proyektong popondohan ng utang panlabas, at siguruhing dadaan pa rin ang mga ito sa paghaharap ng mga turing o competitive public bidding.

Sa ilalim ng Konstitusyon, dapat aprubahan muna ng Monetary Board ng Department of Budget and Management ang anumang proyekto. Hindi ito nangyari sa kaso ng NBN-ZTE at proyektong Northrail.

Ang First Phase ng Northrail o pagpapaunlad ng riles mula Caloocan City hanggang Malolos, Bulacan, ay pinondohan ng $400-M na utang mula pa rin sa EximBank ng Tsina at gagawin ng China National Machinery and Equipment Corp. Isa rin itong kontrobersiyal na proyektong nais paimbestigahan ng Senado.

Samantala, itinatakda ng RA 9184 na dumaan sa bidding ang lahat ng proyekto ng gobyerno, maliban na lamang kung sakop ng isang kasunduang ehekutibo o executive agreement. Ang parehong NBN-ZTE at Northrail, tinawag ng administrasyong Arroyo na sakop ng isang executive agreement. Nang uminit na nang husto ang usapin ng NBN-ZTE, naglabas pa ng opinyon ang Department of Justice para bigyang-katuwiran ang hindi pagsunod ng proyekto sa normal na proseso ng bidding. Binatikos ang ganitong gawi ng mga eksperto sa batas sa University of the Philippines Law Center.

Pero ayon kay Prop. Bobby Tuazon, direktor ng Center for People’s Empowerment and Governance, palpak sa esensiya ang procurement system ng gobyerno. “Nariyan lang ’yan para ipakita sa mga nagpapautang tulad ng WB at International Monetary Fund na ‘seryoso’ ang gobyerno sa pagiging transparent at accountable nito sa kanyang mga transaksiyon. Pero isa itong gimik. Ang totoo, ang mga makapangyarihan sa gobyernong Arroyo – lalo iyong nauugnay sa pinakahuling mga anomalya – gusto tayong paniwalain na nakaaangat sila sa batas,” aniya sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Wala rin umanong mahihita kung idadaan ang mga proyektong ODA sa Kongreso na umano’y kontrolado rin ng Malakanyang, lalo na ang Mababang Kapulungan, sabi ni Tuazon.

Patuloy na lumolobo ang inuutang ng Pilipinas sa ibayong-dagat, partikular mula sa WB, Asian Development Bank, at Japan Bank for International Cooperation. Lumalaro sa $741-M mula 2003 hanggang 2005, dumoble ito sa halos $1.3-B noong 2007.

Hindi biro para sa ordinaryong Pilipino ang bayaran ang mga ito. Kaya ngayon higit kailanman, kailangan piliin nang maigi ng gobyerno ang prayoridad na mga proyekto, sabi ni Roxas.

Pero tiwali na’t kuwestiyunable pa ang pangangailangan para sa mga proyektong ipinangalandakan ng administrasyong Arroyo. Layon ng NBN-ZTE, halimbawa, na magtayo ng Local Access Network at internet connection sa libu-libong barangay – gayong walang batayang imprastrukturang pangtelekomunikasyon sa mga ito – at mayroon nang katulad na istruktura ang gobyerno at pribadong sektor.

Sa sobrang lawak ng MTPDP (Medium-Term Philippine Development Plan), maaari itong paghugutan ng mga ideya para sa kung anu-anong proyekto ng mga kontraktor at kakutsabang opisyal ng gobyerno. Dito nakapailalim ang “Cyber Corridor” na pinasukan ng NBN-ZTE. Samakatuwid, ang MTPDP ay “shopping list ng libu-libong kagamitan,” ani Roxas. At kung iisa ang tunay na may hawak ng listahan at sa pondong pambili, aba’y langit ang hangganan, ’ika nga.

Pero may mga katulad ni Lozada na nagsisimula nang makita ang kabulukan ng sistemang lalo pang nabubulok. Hindi na sumasapat sa mga nakakataas sa administrasyong Arroyo ang karaniwang 20 porsiyentong komisyon – kaya “bumukol”. At ang mga gaya niyang tahimik na buhay lamang ang gusto, napilitang iharap ang nangangatog na sarili sa publiko.

Mabuti pa, aniya, ang mga katutubong mahirap pero hinahayaan na lamang mamunga ang mga bayabas sa puno, nang may makain ang mga ibon. Si Pangulong Arroyo kaya, may ititira pa para sa taumbayan?

Ang matapat na Neri

NAUNA siyang nakilala bilang mahusay na abogadong pangkarapatang pantao at isa sa mga nominado ng Bayan Muna noong halalang 2007. Pero ngayon, laman ng halos lahat na ng diyaryo at telebisyon na ang kanyang mukha – nasa likod siya lagi ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. sa dalawang pagtetestigo sa Senado. Isa ngayon si Atty. Neri Colmenares sa mga abogado ng star witness na si Lozada.

Nakapanayam ng PINOY WEEKLY si Colmenares noong Peb. 8 sa Senado:

Ano ang legal na mga hakbang ni G. Lozada para parusahan ang mga dumukot sa kanya?

Sa writ of amparo, sisiguruhin nating makikilala ang mga dumukot. Hindi bababa sa apat. Kailangang managot kung sino ang kumuha. Kailangang magsalita si Hen. (Angel) Atutubo bilang opisyal ng Air Transportation Office. Tingin namin, mapupuwersa sila ng writ of amparo.

Magkakaso ba siya?

Initially, sabi niya, ayoko na ng gulo. Pero titingnan natin. Sa ngayon kasi takot pa siya. Sa kabuuan, di siya interesado sa pagkaso sa mga dumukot sa kanya. Katunayan, wala siyang intensiyong magkaso kahit kanino. Sa kanya, tumestigo siya dito, at ’yun na ’yun, tapos na. Sana pabayaan na siya. Kung tutugisin siya ng gobyerno, dapat may iaalok tayo sa kanya. May nag-text na nga sa akin na volunteer lawyers. Kung may kaso, tawagan mo ako. Marami. Nakuha niya ang imahinasyon ng mga abogado.

Ano ang implikasyon ng pagdukot sa kanya ng gobyerno?

Mas masahol pa sa korupsiyon ang (isyu ng) ZTE. Paglabag sa Revised Penal Code ang pagdukot. Serious illegal detention, kidnapping, obstruction of justice, kung mapatunayan pa ’yung wiretapping – grabe ito. Kung naghahanap ka ng mga taong magnanakaw sa kaban ng bayan, magagalit ka sa kasunduang NBN-ZTE. Gahaman ang mga taong ito. Pero ang mga taong nandudukot – ibang klaseng criminal mind ’yan. Isang aspekto na naman ng criminal mind ng gobyernong Arroyo. Kaya nilang pumatay. Kung mapatunayan naming sila ang gumawa ng pagdukot na ito – at nakikita naman sa testimonya na sila ’yung gumawa – dagdag na hakbang ito sa extrajudicial killings. May kakayanan ang gobyerno na pumatay, dumukot, humarang sa hustisya at imbestigasyon ng Senado. Kayang gumawa ng kung anu-anong krimen ng gobyerno para manatili sa poder.

Ano ang halaga ng testimonya ni Lozada sa pagdiin kina Unang Ginoo Mike Arroyo at Pangulong Arroyo?

Mabigat siya (testimonya). Si (dating Comelec Komisyoner Benjamin) Abalos, pasok siya talaga. Si Mike Arroyo, alam na namin ’yung sasabihin niya. Pero sinasabi ng ebidensiya na nagsinungaling siya. Nasa pulong siya kasama sina Joey (de Venecia), Abalos at si Lozada. Palagi niyang sinasabing wala siyang interes, wala siyang kinalaman.

Ang tanging panahong nasangkot siya ay sa Wack-Wack kung saan nakita niya si Joey pero hindi raw niya sinabing “Back off.” Ngayon, mayroon pa palang isang pulong kung saan naiulat na “okey na kami.” Kaya ibig sabihin, kapag nag-uulat ka sa kanya, si Abalos, maituturing iyon na…foregone conclusion. At si Joey, bakit naman uulat kay Mike kung wala itong interes sa kasunduan? Mayor na ebidensiya iyan. Idagdag pa ang hinggil sa pagtatakip ng Malakanyang. Bakit pagtatakpan nito si Abalos? Gagawin lang nila iyon para pagtakpan ang Unang Pamilya. Hindi sila mangingidnap para kay Abalos. Higit pa sa kanya. Tingnan mo ang orchestration: (Romulo) Neri, Undersecretary (Manny) Gaite, Sek. (Lito) Atienza, Hen. (Avelino) Razon, ang buong PNP (Philippine National Police). Hindi nila gagawin ito para lang kay Abalos.

Kronolohiya ng pagdukot

Setyembre 2007

Ipinatawag ng Senado si Rodolfo Noel Lozada Jr.

Enero 2008

Sinabi nina Lito Atienza ng DENR at Romulo Neri na “Palasyo na ang bahala” kay Lozada. Inayos ni Deputy Executive Secretary Manuel Gaite ang mga travel document niya.

Enero 30

Tumungong Hong Kong si Lozada

Pinasulat ni Neri si Lozada kay Sen. Juan Ponce Enrile para itangging may alam sa NBN-ZTE

Pebrero 5

4:40 pm- Dumating si Lozada sa Naia. Kinuha siya ng apat na lalaki, kasama si Ret. Hen. Angel Atutubo, general manager ng Naia. Inilihis siya sa Immigration at isinakay sa isang sasakyan sa tarmac.

Bandang 6:00 pm – Dinala sa Laguna si Lozada. Huminto sila sa Starbucks. Pinagawa siya ng sulat na umano’y humihiling ng seguridad. Itu-turn over daw siya sa mga pulis, at ibinalik sa Maynila.

Bandang 8:00 pm- Sa Outback sa Libis, ihahanda raw ang kanyang affidavit nina Col. Paul Mascariñas ng Police and Security Protection Office at Atty. Antonio Bautista. Nagpababa si Lozada sa La Salle Greenhills. Nagkita sila ng kanyang pamilya.

Pebrero 6

Umaga – Sa opisina ni Atty. Bautista, pinapirma si Lozada ng mga affidavit na umano’y “para sa comfort ng Malakanyang.” Ibinalik siya sa LSG.

Hapon- Writ of habeas corpus at writ of amparo isinampa ng mga kamag-anak ni Lozada

Gabi – Pinapirma ni Col. Mascariñas si Lozada at kanyang kapatid na si Carmen ng kahilingan ng proteksiyon sa PNP. Dumalaw si Mike Defensor. Sinabihan siyang magpa-presscon para itanggi ang pagdukot. Binigyan si Lozada ng P50,000.

Pebrero 7

Bandang 12:00 – Nag-usap si Lozada at mga taong simbahan

2:30 am – Presscon ni Lozada

Umaga- Nasa kustodiya ng Senado si Lozada

Posted in Korapsiyon, Pulitika | 3 Comments »

Sensura at pambababoy

Posted by mamamahayag on November 8, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Taon 6, Blg 42
Nobyembre 8, 2007 

Kinasangkapan na ni Pangulong Arroyo ang lahat para sa lumalabas na hilig sa sensura. Hindi na lamang ang Movie and Television Review and Classification Board, na nagbawal sa pagpapalabas ng mga programa at pelikula na wari nito tumutuligsa sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na lamang ang mga utos-ehekutibo, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magsalita sa Kongreso hinggil sa samu’t saring kontrobersiya. Hindi na lamang ang Unang Ginoo, na nagsampa ng patung-patong na kasong libelo laban sa mga mamamahayag na ginagawa ang kanilang tungkuling ilabas ang mga istorya ng katiwalian. Maging ang PSG (Presidential Security Group), binigyan ng tungkuling lampas-lampas sa pagseseguro sa kanyang pisikal na kaligtasan: ang iutos ang “pambababoy” sa miyural ng NPC (National Press Club).

Isang grupo ng mga artistang tinatawag na Neo-Angono Artists Collective ang kinomisyon ng NPC para lumikha ng miyural na may sukat na 8 x 32 talampakan. Tatlong buwan ng “dugo, pawis, puyat ang ipinundar namin dito para sinsinin ang pinakamaliliit na detalye ng napakalaking miyural at ang lahat ng elementong ito ay magkakaugnay,” ayon kay Richard Gappi, pangulo ng grupo. Ang miyural ay nagpapakita ng kilalang mga peryodista at pambansang bayani na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag mula noong panahon ng pananakop ng Kastila (Marcelo H. Del Pilar, Mariano Ponce, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna) hanggang sa panahon ng batas militar at sa kasalukuyan (Chino Roces, Eugenia Apostol, Letty Jimenez-Magsanoc, Ninoy Aquino, Conrado de Quiros, Randy David). Hindi mga indibidwal na nakaaangat sa lipunan ang pagsasalarawan sa kanila. Dahil nais ipahayag ng mga artista na ang “pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang para sa mga peryodista at manunulat kundi para sa mga mamamayan,” ipininta ang mga nasabing indibidwal bilang ordinaryong mga tao na iyong makahahalubilo sa kalsada. Hitik din ang mural sa mga imahen at simbolismo na nagpapakita ng mga pagsubok na hinaharap ng mga mamamahayag (may rali ng mga grupo laban sa pagpaslang at pagsupil sa kanilang hanay) at halaga ng midya (mga taong binabasa sa mga pahayagan ang maiinit na isyung panlipunan at nagtatalakayan hinggil dito). Para sa mga artista, ito ang tunay na tradisyon ng pamamahayag na sinasabing malaya: lahok sa masa, mulat sa reyalidad, at palaban.

Noon at ngayon, takot ang Estado sa ganitong tradisyon. Sinasandigan nito ang mito ng pagiging niyutral o walang pinapanigan ng midya. Sa aktuwal, ang pagpanig sa wala ay pagpanig sa anumang umiiral na kaayusan, pagpanig laban sa pagbabagong panlipunan. Namamayani ang tradisyon ng pagiging niyutral sa NPC bilang kalipunan ng mga peryodistang itinayo ng midyang kontrolado pa ng mga kolonyalistang Amerikano, kagagawad pa lamang ng “pambansang pagsasarili” noong 1952. Ang katayuan nito bilang “tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag” ay ipinundar lamang ng ilang opisyal nitong itinuturing na peryodistang aktibista noong batas militar tulad nina Satur Ocampo, Antonio Zumel, at Antonio Nieva. Kumupas na rin ang katayuang ito.

Di nakakapagtaka, kung gayon, na hinayaan ng mga opisyal ng NPC na purgahin ng PSG ang mga elementong umano’y “maka-kaliwa” sa miyural – tulad kung paano pinupurga ng mga ahente ng Estado ang mga taong “maka-kaliwa” sa pamamagitan ng pagpatay at pagdukot. Ang “pambababoy” ay hindi lamang paglabag sa sensibilidad ng mga artistang lumikha nito na inihimutok maging ng kilalang artistang biswal na si Mauro Santos o Malang. Ang “pambababoy” ay pinatindi dahil ito ay sensura. Ang miyural ay may mensaheng pampulitika na mahalagang manatili sa kanbas (canvass).

Kahiya-hiya para kay Pangulong Arroyo ang mensaheng ito. Naniniwala ang marami na kasing-lupit o mas malupit pa siya sa pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag kaysa sa diktador na si Ferdinand Marcos. Kaya’t pinilit niyang burahin ang alaala ng mga krimen ng sariling rehimen mula sa kasaysayang isinasalarawan ng miyural. Pinilit putulin ang ugnay ng nakaraan sa kasalukuyan. Narito ang mga pagbabagong iniutos ng NPC para ihanda ang miyural sa pagpapasinaya ni Arroyo sa ika-55 anibersaryo ng NPC:
• Inalis ang editoryal ng International Federation of Journalists, pandaigdigang organisasyon ng mga mamamahayag, na kumokondena sa Human Security Act o batas kontra-terorismo ni Pangulong Arroyo bilang banta sa kalayaan sa pamamahayag. Pinalitan ito ng “karima-rimarim” na ibong nasa hawla.
• Pinalitan ang ulo sa diyaryong binabasa ni Jose Rizal. Mula ”Press Freedom Fighter’s Son Abducted”, ginawang ”Press Freedom Fight Is On.” Tinutukoy ng una si Jonas, anak ni Joe Burgos, tagapagtatag ng matatapang na pahayagang We Forum at Malaya noong panahon ng batas militar. Dinukot si Jonas noong Abril 28 ng mga hinihinalang militar.
• Binura ang pangalan ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines) mula sa karatula ng grupo ng mga raliyistang mamamahayag. Ang NUJP ang naging pinaka-aktibo sa pagtuligsa sa kawalang-aksiyon ng gobyernong Arroyo sa dumaraming kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
• Inalis ang alibata ng letrang K, sumisimbolo sa Katipunan, na tato sa braso ni Andres Bonifacio. Pinalitan ito ng pinanang puso.
• Pinahaba ang buhok at bigote ng kolumnistang si Randy David.
• Ginawang itim ang puting buhok ng kolumnistang si Juan Mercado.

Ang ganitong “huling-minutong” pagbago ng NPC sa likhang-sining bilang paninikluhod sa may kapangyarihan ay maaaring ihalintulad sa ginawa ng UN (United Nations) sa obrang kontra-giyera na ‘Guernica’ ng pintor na si Pablo Picasso. Komemorasyon ang ‘Guernica’ sa madugong atake sa isang pamayanan sa Espanya noong 1937 ng mga puwersang Aleman na sumuporta sa diktadura ni Francisco Franco. Tinakpan ang miyural na nakasabit sa Security Council Chamber ng UN nang magsalita rito si US Secretary of State Colin Powell noong 2003 para igiit ang katuwiran ng giyerang agresyon ng US sa Iraq. Kung sakali, parang nag-aakusang mga mata ang ‘Guernica’ kay Powell. Gayundin ang magiging silbi ng orihinal na miyural sa NPC kay Arroyo.

Pinagbibintangan ng mga opisyal ng NPC ang Neo-Angono Artists Collective na hindi tumupad sa kasunduan na iiwasan ang “pulitika” sa likhang-sining. Ayon naman sa mga artista, walang ganoong kasunduan. Ang malinaw lamang, may pambababoy at sensura sa udyok ni Pangulong Arroyo. Hindi ito kailanman mabubura sa kanbas ng kasaysayan ng kalayaan sa pamamahayag.

Posted in Kalayaan sa Pamamahayag, Kultura, Pulitika | 1 Comment »

Pagsabog sa Glorietta 2: Terorismo ng Estado?

Posted by mamamahayag on October 28, 2007

D’jay Lazaro/Noel Sales Barcelona/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 41
Oktubre 24, 2007

Labing-isa (11) katao ang namatay samantalang mahigit sa 100 ang sugatan sa naganap na pagsabog sa Glorietta 2—isa sa pinakamalaking mall ng mga Ayala sa Makati—noong Oktubre 19. Agad na lumutang ang anggulo ng panggugulo diumano ng mga teroristang gustong pabagsakin ang gobyerno.

Gayunman, iba ang pagtanaw ng mga kritiko sa pangyayari. Maaaring hindi mga terorista ang may kagagawan ng malagim na trahedya; maaaring ang pamahalaan mismo ang may pakana nito para magkaroon ng puwang ang batas militar nang sa gayon ay makontrol kundi supilin ang mga kritiko at makapanatili sa poder si Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Sen. Antonio Trillanes IV, bahagi ang pagsabog sa Glorietta ng Operation Greenbase na ipinatutupad ng gobyernong Arroyo noon pang 2003. Sa pagkakataong ito, sinadya diumano ng Malakanyang ang pagpapasabog sa Glorietta 2 para mailihis ang pansin ng publiko sa isyu ng maanomalyang kontrata sa ZTE at panunuhol sa mga kongresista at lokal na opisyal ng gobyerno para patayin ang mas pinalakas na impeachment na ihahain ng oposisyon sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara sa Nobyembre 5.

Napabalitang mahigit P120 Milyon ang pinawalan ng Malakanyang para “ipanregalo” sa mga kakampi ng Pangulo.
Nanawagan ng agarang imbestigasyon sa suhulan ang mga negosyante ng Makati Business Club. Ang ilang obispo ng KME (Kilusang Makabayang Ekonomiya), pagbibitiw ni Arroyo ang muling itinambol—sa parehong araw na naganap ang nakagigimbal na trahedya.

Pinalalabnaw ang imbestigasyon

Pinalalabnaw ilang grupo ang tunay na da-hilan ng pagsabog sa Glorietta nang lumitaw ang ulat hinggil sa dalawang sundalong nagtatanim, diumano, ng ebidensiya sa lugar ng pagsabog.

Bandang alas-sais ng gabi ng Linggo, Oktubre 21 nang makita ng mga miyembro ng PNP ang dalawang sundalo sa lugar ng pagsabog at may bitbit na bag na naglalaman ng kung ano. Nang sitahin ng mga pulis ang dalawa, wala silang maipakitang security clearance. May ulat na iniwan na lamang ng dalawang sundalo ang bitbit na bag ngunit hindi naman ibinulgar ng mga pulis ang laman nito.

Gayunman, nang usisain ng midya si Supt. Gilbert Cruz, kagawad ng Makati Police, hindi nito kinumpirma ni itinanggi ang naturang mga ulat at sinabi sa midya na sa mga nakatataas na lamang magtanong.

Sinabi ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran na hindi dapat balewalain ang gayong mga ulat. Aniya, dapat na masusing siyasatin ang naturang impormasyon at agad na ipabatid sa publiko ang resulta ng imbestigasyon.

Maghahain ng isang resolusyon si Beltran sa Kamara na nagmumungkahing magkaroon ng sariling imbestigasyon ang Mababang Kapulungan hinggil sa nangyari sa Glorietta 2.

Mula sa pagpapasabog, aksidente na lamang daw ang nangyari, ayon sa PNP.

Maaaring pauna sa batas militar

Kagaya ng iba pang karahasang bumibiktima sa mga sibilyan at natuturol sa militaristang patakaran ng gobyerno (gaya ng Oplan Bantay Laya 1 at 2), hindi maisasantabi, ayon sa mga kritiko, ang posibilidad na maaaring isa ito sa mga pakanang atake para mabigyang-laya ang Malakanyang na muling isailalim ang buong bansa sa state of national emergency o maging sa deklarasyon ng batas militar.

“Maaaring umpisa pa lamang ang pagsabog sa Glorietta sa serye ng mga insidenteng gagamitin ni Pangulong Arroyo para palakasin ang kanyang kapit sa poder,” ayon kay Prop. Roland Simbulan, manunuring pampulitika ng CenPeg (Center for People Empowerment in Governance) at dating bise-tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila.

Nakatanggap si Trillanes ng mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa disgustadong mga sundalo na sina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Hen. Hermogenes Esperon at National Security Adviser Norberto Gonzales ang nag-utos ng pambobomba.

“May susunod pang mga pambobomba kaya naglakas-loob si Trillanes na magsalita sa pag-asang mapigilan ang planong ito,” ayon kay Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes.

Unang nagbabala si Gng. Arroyo sa umano’y mga nagnanais na pabagsakin ang kanyang gobyerno na “huwag samantalahin ang sitwasyon.” Indikasyon ang ganitong reaksiyon na si Arroyo mismo ang sasamantala sa pangyayari para supilin ang oposisyon at yaong mga nananawagang magbitiw siya sa puwesto, sabi ni Simbulan sa PINOY WEEKLY.

Nabahala ang Bayan Muna Party-list nang makatanggap ng tawag mula sa midya ang opisyal nitong si Robert de Castro. Ang mga numero sa cellphone nina de Castro at Rep. Ruffy Biazon ng Muntinlupa, kilalang taga-oposisyon, ang diumano’y ibinigay ng nagpakilalang tagapagsalita ng teroristang grupong RSM (Rajah Sulaiman Movement) na numerong pang-kable sa kanilang lider na si Sheik Omar.

“Ang mga taong nasa likod ng pakanang call divert ay maaaring nais guluhin ang imbestigasyon, linlangin ang publiko, at pinakamalala, i-frame up ang inosenteng mga tao,” sabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.

Inako ng tagapagsalita ng RSM ang pambobomba. Pero maging si Dir. Geary Barias ng National Capital Region Police Office.ang PNP, dudang may kakayahan ang RSM na gawin ito.

Sinabi ni Simbulan na bagaman nariyan ang posibilidad na ang mga grupong ekstremista tulad ng RSM at ASG (Abu Sayyaf Group), mas marami ngayon ang kumikiling sa paniniwalang ang rehimen mismo ang naghahasik ng terorismo.

“Hindi dahil malisyoso ang kanilang pag-iisip pero dahil may mga pangyayari sa nakaraan na sangkot mismo ang mga ahente ng estado sa masasamang gawain. Tulad ng paggamit ng militar at pulis sa pandaraya sa eleksiyon. Kung kaya nilang gawin ito sa eleksiyon, ‘di maalis na maisip na magagawa nila ang marahas na mga akto laban sa mga mamamayan para sa pansariling interes,” aniya.

Inihalintulad ni Simbulan ang sitwasyon bago ideklara ni dating diktador Ferdinand Marcos ang batas militar. Lumalabas na si Marcos ang nag-utos sa mga pambobomba sa Kamaynilaan mula 1971 hanggang 1972, pinakamadugo rito ang pambobomba sa rali ng Partido Liberal sa Plaza Miranda. (Tingnan ang talaan)

Sa imbestigasyon ng Metropolitan Police sa pambobomba sa Joe’s Department Store, halimbawa, si Sarhento Mario Gabuten ng Firearms and Explosives Unit sa Camp Crame ang maysala. Pero misteryosong nawala si Gabuten bago siya maipresenta sa midya. Noong 1986, inamin ni Juan Ponce Enrile, dating ministro ng tanggulang pambansa na pineke ni Marcos ang ambus sa kanya noong Setyembre 22, 1972 na naging tuntungan din ng deklarasyon ng batas militar.

“May dahilan si Arroyo na gustuhing manatili sa puwesto dahil takot na takot siya sa nangyari kay (dating Pangulong Joseph) Estrada na hinatulang maysala ng pandarambong. Kasi kapag ‘di na siya pangulo puwede siyang kasuhan sa maraming eskandalong di nasasagot ng administrasyon. Kaya ang Charter Change ilang beses niyang sinubukan, na di naman umubra. Posibleng sinusubukan niya ang iba pang senaryo,” dagdag ni Simbulan.

Ang “terorismo ng estado,” aniya, ay kadalasang mas mapaminsala dahil nasa gobyerno ang pinakamalaking rekurso para isagawa ito. Katunayan, ang militar ang nagbuo at nagsanay sa ASG bilang pangontra sa rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.

Mismong disgustadong mga sundalo ng pag-aalsang Oakwood ang umamin: militar ang may kagagawan sa mga pambobomba noong 2003 sa paliparan ng Davao City (ikinamatay ng 22) at Sasa Wharf (ikinamatay ng 16), at ilang mga moske sa Mindanaw para umano’y mabigyang-katuwiran ang mapanupil na mga hakbang ng gobyernong Arroyo.

Pakana ng militar?

Sa paunang imbestigasyon sa pangunguna ni Chief Inspector Grace Eustaquio, hepe ng Chemistry Division ng PNP Crime Laboratory, natagpuang may bahid ng kemikal na RDX (cyclotrimethylene-trinitramine) sa mga labi ng sumabog. Ang RDX ang pangunahing sangkap ng bombang C-4. Isa itong estableng kemikal subalit maaaring sumabog kapag dumaloy ang elektrisidad dito. Ekslusibong gamit ang bombang C-4 ng militar at pulisya.

“Kung totoong bombang militar ang ginamit, dapat gumawa ng paraan ang militar para malaman kung paano ito nakarating sa mga nagpakana ng pambobomba. Sino ba ang may kakayahang ma-akses ang mga bombang ganito? May kinalaman ba ang mga nagpasabog sa militar? Kung ang mga salarin ay hindi militar, paano sila nakakuha ng bomba?” tanong ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Binatikos ni Reyes ang pahayag ng PNP na iimbestigahan si Trillanes, sa halip na ang seryosong mga alegasyon nito laban kina Esperon at Gonzales.

Nananawagan si Trillanes ng isang independiyenteng komisyong mag-iimbestiga sa pambobomba sa Glorietta. Iminungkahi niyang maging kasapi ng komisyon ang retiradong mga huwes ng Korte Suprema, taong-simbahan, at retiradong mga opisyal ng gobyerno na pinagkakatiwalaan ng mga mamamayan.

“Kung may lalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na laban sa gobyerno, hindi maaasahang isasapubliko ito,” sabi ni Robles. Binanggit niya ang Mayuga Report at ulat hinggil sa ambus sa Basilan na pinigilang isapubliko ng AFP, gayundin ang mga utos-administratibo ni Gng. Arroyo na nagbabawal sa mga sundalo at pulis na tetestigo sa Kongreso.

Ngayon pa lamang, nag-iiba na ang takbo ng imbestigasyon ng PNP. Mas tinitingnan na ang anggulo na isang gas leak mula sa basement ng Glorietta ang nagdulot ng pagsabog, ayon kay Barias.

Todo-tanggi naman ang militar na mga sundalo ang may kagagawan ng pagsabog. “Insulto sa AFP ang bintang na kami ang may kagagawan ng pambobomba sa Makati,” pahayag ni Koronel Bartolome Bacarro, tagapagsalita ng AFP.

May kinalaman ang US

Natural lamang na kunin ng Pilipinas ang tulong ng FBI (Federal Bureau of Investigation) ng US na may maunlad na pamamaraan at teknolohiya para tumulong sa imbestigasyon sa pagsabog sa Glorietta, sabi ni Simbulan. Pero babala niya, mabibigyang-katuwiran ang ibayong pakikialam nito sa internal na mga usaping panseguridad ng bansa.

Pabor sa pandaigdigang giyera kontra-terorismo na pinangungunahan ng US ang trahedya, kaya ‘di ligtas sa suspetsa ng mga mamamayan.

Noong Mayo 16, 2002, sumabog ang kuwarto sa otel ni Michael Meiring, isang eksperto sa bomba mula sa California na diumano’y ahente ng Central Intelligence Agency. Kahit nagpapagaling pa sa ospital, agad na inilabas ng FBI sa bansa si Meiring. Isang buwan bago ang insidente, may naganap na mga pagsabog sa General Santos City na ikinamatay ng 15.
“Maaari ring may iba pa silang dahilan para maglabas-masok dito, tulad ng pagtugis sa itinuturing na ‘terorista.’ Ang nakakabahala, sa listahan ng militar, ‘yung mga sinasabing terorista, sila ‘yung progresibong mga lider-masa na pinapatay na lamang,” sabi ni Simbulan.

Dagdag pa niya, layunin ng isang pagsabog ng tulad sa Glorietta na matakot ang mga mamamayan, piliing huwag makialam, at hayaan ang mga awtoridad na resolbahin ang problema, “kahit may hinala sila na mismong gobyernong Arroyo ang nagpakulo nito.”

(May ulat si Ariston Valle)

Mga pambobomba sa Kamaynilaan bago ang Proklamasyon 1081
Mula 1971 hanggang 1972 na ikinatuwiran sa Proclamation 1081 o deklarasyon ng batas militar. Itinuturol ang mga ito kay dating diktador Ferdinand Marcos:1971
Agosto 21- Plaza Miranda sa Maynila (ikinamatay ng siyam at ikinasugat ng 100)

1972
Marso 15- Arca building sa Taft Avenue, Pasay City
Abril 23- Filipinas Orient Airways sa Domestic Road, Pasay City
May 30- Vietnamese Embassy
Hunyo 23- Court of Industrial Relations
Hunyo 24- Philippine Trust Company sa Cubao, Quezon City
Hulyo 3- Philamlife sa United Nations Avenue, Maynila
Hulyo 27- Tabacalera Cigar & Cigarette Factory Compound sa Marquez de Comilas, Maynila
Agosto 15- PLDT sa East Avenue at Philippine Sugar Institute sa North Avenue, Quezon City
Agosto 17- Department of Social Welfare sa Sampaloc, Manila
Agosto 19- Aurora Boulevard at Madison Avenue sa Quezon City
Agosto 30- Philamlife, Philippine Banking Corporation, Investment Development Inc, at Daily Star Publications sa Maynila
Setyembre 5- Joe’s Department Store sa Quiapo, Maynila (ikinamatay ng isa at ikinasugat ng 38)
Setyembre 8- City Hall ng Maynila
Setyembre 12- Watermains sa San Juan, Rizal
Setyembre 14- San Miguel sa Makati, Rizal
Setyembre 18- Quezon City Hall

Posted in Pulitika | Leave a Comment »

Erap vs. GMA

Posted by mamamahayag on September 12, 2007

Hindi na mahalaga kung guilty o not guilty ang hatol ng Sandiganbayan kay Erap dahil ang paglilitis ay kinasangkapan ni Gloria para sa makasariling adyenda na kumapit-tuko sa puwesto.   

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 35
Setyembre 12, 2007

Guilty. Ito ang hatol ng taumbayan nang dumagsa sila sa lansangan noong 2001 para patalsikin si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada. Ngayong Setyembre 12, anim na taon makalipas, ito rin ang inaasahan ng marami na magiging hatol ng Sandiganbayan sa sinipang presidente. Pero bakit tila hindi nagdiriwang ang taumbayan?

Sa sarbey ng SWS (Social Weather Stations) noong Hulyo 18-20 na kinomisyon ng United Opposition, 77% ng mga residente sa National Capital Region at apat na karatig-probinsya (Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal) ang “nagpatawad” na kay Estrada, mapatunayan man o hindi na nandambong nga siya. May 65% naman ang walang tiwala o hindi sigurado na magiging patas ang hatol ng Sandiganbayan; habang 58% ang naniniwalang waring pinaglalaruan ni Pangulong Arroyo si Estrada.

Malinaw sa sarbey ang namuong pampublikong simpatiya kay Estrada. Kung gayon, ang boksing, ika nga, ay hindi na sa pagitan ng mga mamamayan at ng dating pangulo. Ito ngayon ay sa pagitan nina Pangulong Arroyo at Estrada, na tumindig, kahit nakakulong, laban sa administrasyong pinaniniwalaang mas malala sa maraming aspeto.

Adyenda ni Arroyo

Nang magsampa ng kasong pandarambong laban kay Estrada ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), kinatawan ng mga puwersang demokratiko na namuno sa Edsa 2, umasa itong masasarhan sa ligal (legal closure) ang usapin, na isa sa mga batayan ng pag-aalsa. Pero nakalulungkot, ani Carol Pagaduan-Araullo, tagapangulo ng Bayan, na masyadong nakulapulan ng pulitika ang kaso.

“Ang problema kay Arroyo, mula sa unang araw ay pinili niyang tratuhin ang pinatalsik na rehimeng Estrada sa punto-de-bista ng kung ano ang makabubuti para sa kanyang sariling administrasyon,” sabi ni Araullo sa PINOY WEEKLY.

Sa unang isa at kalahating taon, naging masigasig ang Plunderwatch, kinabibilangan ng Bayan, sa pagsubaybay sa kaso ni Estrada. Pero hindi sila pinayagan ng mga prosekyutor na makialam. Unti-unti, naging malinaw sa grupo na ginagamit ni Arroyo ang kaso ni Estrada para sa pansarili nitong adyendang pulitikal. Paglalaon, naging alyado ng Bayan ang kampo ni Estrada  para sa paglaban sa administrasyong Arroyo.

Nang sumugod ang mga tagasuporta ni Estrada sa Malakanyang noong Mayo 1, 2001, agad idinawit ni Arroyo si Estrada sa “tangkang destabilisasyon” at inaresto ang mga lider-oposisyon. Kamakailan lamang, ibinulgar ni Estrada na noong panahong iyon, dalawang beses siyang inalok ni dating Justice Secretary Hernando Perez na tumakas sa ibang bansa, kapalit ng opisyal na pagbibitiw bilang pangulo. Samantala, habang nagbibilangan sa halalang pangsenador, sinuyong muli ni Arroyo si Estrada. Binigyan siya ng mas komportableng tirahan.

Noong Nobyembre 2003, nagluwag si Arroyo kay Estrada. Pinayagan siya ng Sandiganbayan na makabisita sa ina at makapagpagamot sa Hong Kong. Pagsuyo diumano ito sa mga tagasuporta ni Estrada para sa halalang pampanguluhan noong 2004. Umano’y pinangakuan din si Estrada na mapapawalang-sala kapag hindi niya ikinampanya ang malapit na kaibigang si Fernando Poe Jr.  

Agosto 2005, habang minamaniobra ng mga kaalyado ng Pangulo na maibasura ang kasong impeachment dahil sa “Hello Garci” Tapes o diumano’y ebidensiya ng dayaan sa halalan, nagtangka ng reconciliation si Arroyo. Nag-alok siya ng pagbabasura sa kaso ni Estrada, na tinanggihan ng dating pangulo. Pebrero 2006, piyansa naman ang inialok ni Presidential Chief of Staff Mike Defensor. Muli itong inisnab ni Estrada. Kaya nang nagdeklara si Arroyo ng state of national emergency dahil sa diumano’y tangkang kudeta noong Pebrero 24, pinagbawalan si Estrada na makipag-usap sa mga lider-oposisyon.

Hanggang sa linggo bago maghatol ang Sandiganbayan, nakipagpulong pa si National Security Adviser Norberto Gonzales kay Estrada para pagsabihan ang mga tagasuporta nito na respetuhin ang desisyon ng korte. Presidential pardon ang opsyon na inilutang. Pero hindi pa rin ito kinagat, dahil naninindigan si Estrada na siya ay walang-sala. Sa halip, dadalhin niya sa Korte Suprema ang kanyang kaso.

“Kaya yung kaso, hindi na sukatan kung guilty si Erap o hindi. Para doon sa mga naniniwala na guilty siya, kahit na i-not guilty mo, maniniwala na guilty siya.  Kasi, meron namang batayan. Pero yung mismong paglilitis, masyado nang na-hostage ng political agenda ng rehimeng Arroyo. Kung ma-convict naman, pwedeng sabihin ng kampo ni Estrada na pinulitika sila. Kaya [anuman ang hatol], walang legal closure,” paliwanag ni Araullo.

Impluwensiyado

Bilang preparasyon sa hatol ng Sandiganbayan, magpapakalat ang militar at pulisya ng 6,000 puwersa sa Kamaynilaan. “Praning” pa rin sa malawak na diskuntento ng mamamayan, ayon kay Estrada. Pagbibida pa ng dating pangulo, “Kung lalabas man ang mamamayan sa kalsada, ito ay para ipagdiwang ang aking acquittal.

Pero para sa mga abogado at tagasuporta ni Estrada, malaki ang posibilidad na hatulang maysala si Estrada dahil umano’y impluwensiyado ni Arroyo ang mga huwes ng Sandiganbayan.

Paliwanag ng lead counsel ni Estrada na si Rene Saguisag, nag-aasam italaga ni Arroyo sa Korte Suprema sina Presiding Justice Teresita de Castro at Associate Justice Francisco Villaruz, dalawa sa tatlong miyembro ng Sandiganbayan Special Division na binuo para litisin ang kaso ng dating pangulo. Si De Castro, sa partikular, ay isa sa mga pangunahing pinagpipilian ng Judicial and Bar Council na nagrerekomenda sa pangulo.

“Kung ang Sandiganbayan ay magdedesisyon batay lamang sa merits ng kaso, mapapawalang-sala si Erap. Pero kung may political pressure sa mga huwes, at makakaapekto ang kanilang personal na mga ambisyon, wala na siyang pag-asa,” sabi sa PINOY WEEKLY ni Ferdinand Ramos, tagapagsalita ni Estrada.

Gayundin, indikasyon ng inihahandang hatol na guilty ang mga patalastas na lumabas sa malalaking pahayagan na nananawagang respetuhin ng taumbayan ang desisyon ng korte. Iniuugnay ni Estrada kay Arroyo ang mga patalastas na tinatantiyang umabot sa mahigit P1 Milyon.

Sinabi ni Ramos na hindi papayag si Arroyo na mapawalang-sala si Estrada dahil lalong makukuwestiyon ang pagiging lehitimo ng kanyang administrasyon: “Iispin ng mga tao, bakit tinanggal si Erap, wala naman pala siyang kasalanan?”

Para naman kay Araullo, matagal nang nahusgahang guilty ng taumbayan si Estrada.

“Lipas na ang political verdict dahil pinatalsik na siya eh. Yun na yung husga ng mamamayan, yung husga ng kasaysayan. Sa tingin ko, hindi na dapat mabaligtad,” tugon niya sa mga kritisismo na tinalikuran ng kilusang progresibo ang ipinaglaban nito noong Edsa 2.

Pero dagdag niya, “Sa ganyang krimen, ang importante ay yung mga leksiyon na natututunan. Na yung mga opisyal na tiwali ay mapaparusahan. Yun ba yung leksiyon na matututunan mo dito kay Erap? Hindi eh. Ang leksiyon dito, mas tuso si GMA kaysa Erap (sa usapin ng pagkapit) sa poder.”

“Kung totoo mang nagnakaw si Erap, ang ninakaw niya ay barya kumpara sa ninakaw ni Arroyo,” sabi naman ni Ramos.

Tila ito rin ang paniniwala ng publiko. Sa parehong sarbey ng SWS, 71%  ang naniniwalang kurakot si Pangulong Arroyo at 77% ang naniniwalang kurakot si Unang Ginoo Mike Arroyo. Malayo ito kumpara sa 36% na naniniwalang kurakot si Estrada.

Katunayan, kasalukuyang nasa gitna si Pangulong Arroyo ng mga akusasyon na kumubra ng milyun-milyung dolyar mula sa maanomalyang $329 kontrata sa ZTE Corporation ng Tsina para sa pagtatayo ng isang national broadband network. Lumalabas din ang bagong mga ebidensya para patotohanan ang “Hello Garci” Tapes.

Bukod sa pandaraya at korapsiyon, sinabi rin ni Araullo na mas malala ang pagyukod ni Arroyo sa mga dikta ng Estados Unidos. Kabilang dito ang programang kontra-insurhensiya ng gobyerno na pumatay sa daan-daan nang mga sibilyan at aktibista.

Aral ng Edsa 2

Taliwas sa umano’y nais palabasin ng mga reaksiyunaryo, hindi binabalewala ng anumang hatol kay Estrada ang nakamit ng mga mamamayan noong Edsa 2. “Yung pakikibaka naman ng mga mamamayan laban sa pagpalit-palit ng mga pasista at tutang mga rehimen ay tuluy-tuloy. Ang importante, ang natutunang aral doon ng mga mamamayan ay ang tunay na katangian ng lipunang Pilipino at ang klase ng sistemang pampulitika na meron tayo. Sa proseso, napapalakas yung mga puwersang demokratiko,” ani Araullo.

Dagdag pa niya, “Hindi naman ang pagpapatalsik ni Erap ang nag-anak [kay Gloria], kundi ang naghaharing-uri na mabilis na nagsama-sama para ikonsolida ang sistema sa ilalim ni Arroyo.”

Marami nang naniniwala at humahanga kay Estrada dahil hindi ito nangangayupapa kay Arroyo, aniya. Bagkus, may posibilidad pang malinis ng dating pangulo ang kanyang pangalan habang siya ay nananatiling susing lider ng oposisyon. Sa ngayon, aminado si Araullo na ang paghina ni Estrada ay paghina ng oposisyon.  Kailangan ang oposiyon  para sa paglaban sa “mas masahol” na administrasyon.

Para naman kay Ramos, kung sakaling may matinding reaksiyon sa hatol na guilty, hindi lamang ito magmumula sa mga tagasuporta ni Estrada, kundi sa ispontanyong masa na “magagalit na ang nagnakaw ng barya ay nakakulong habang ang mas malaking magnanakaw ay nananatili sa puwesto.”

Suma ng paglilitis ni Erap

■ May apat na krimeng ipinaparatang sa P4.097 Bilyong kasong pandarambong ni Estrada: pagtanggap ng P545 Milyon mula sa ilegal na sugal na jueteng, pagkubra sa P130-M tobacco excise tax, koleksiyon ng P189.7-M komisyon para sa pagbebenta ng mga sapi ng Belle Corp., at pagkakamal at pagdedeposito ng P3,233,104,173.17 sa bank account ng isang Jose Velarde. Kinasuhan din siya ng perjury dahil sa “pagdedeklara ng mas mababang halaga ng mga ari-arian” noong 1999.

■ Ang parusa sa pandarambong ay habambuhay na pagkakabilanggo, walang piyansa. Anim na taon naman ang parusa, at may piyansa, para sa mga indibidwal na krimen at perjury. Kapag anim na taon ang sentensiya kay Estrada, makakalaya na siya dahil bilang ang pagkakapiit niya mula 2001.

■ Nagprisinta ang prosekusyon ng 76 testigo at higit 1,500 ebidensiya. Pangunahing testigo si dating Ilocos Sur Gob. Luis Singson.

■ Nagprisinta ng 79 testigo ang depensa. Tumestigo si Estrada mula Marso hanggang Hunyo 2006 at sinabing itinulak ng pulitika ang mga alegasyon ni Singson nang mabigong kunin ang lisensya para sa larong Bingo 2-Ball.

■ Kapwa-akusado ni Estrada ang anak na si Jinggoy, abogadong si Edward Serapio, Yolanda Ricaforte, Delia Rajas, Eleuterio Tan, Jaime Dichaves, Alma Alfaro at Charlie “Atong” Ang. Pinayagang magpiyansa noong 2003 sina Serapio and Estrada. Samantala, si Ang ay umaming kumubra ng P25-M sa tobacco excise tax bilang bahagi ng plea bargain agreement, sinintensiyahan ng anim na taon, at nagpiyansa. Pinaghahanap pa ang ibang akusado.

Posted in Pulitika | 3 Comments »

Paninikil kay Jose Maria Sison: Kabanata 2

Posted by mamamahayag on September 11, 2007

D’Jay Lazaro/Soliman A. Santos/Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg. 34
Setyembre 6, 2007 

Taglay ng operasyon ang lahat ng tatak ng mga awtoridad ng Pilipinas: ang paglilihim, panlilinlang, at pagmamalupit sa detenido. Tila sa Pilipinas nangyari ang pagdakip kay Jose Maria Sison nitong Agosto 28, 2007, bagaman 7,000 milya ang layo ng Utrecht. Anu’t anuman, nangyari ang “matagal nang gustong mangyari ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng US – sa tulong ng gobyerno ng The Netherlands.” Sa ikalawang pagkakataon, piit ulit ang lider-rebolusyonaryo, 68 anyos.

Tumagal nang halos siyam na taon ang unang pagkakakulong ni Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines at kasalukuyang punong consultant ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Pilipino. Matinding tortyur ang inabot niya sapul 1977. (Basahin ang Pahina 9.) Ayon sa mga ulat, muling tinotortyur si Sison ngayon sa bilangguang Scheveningen. Dito rin ikinulong ng Nazi ang mga freedom fighter na Dutch noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Simboliko ito,” wika ni Luis Jalandoni ng NDFP sa PINOY WEEKLY. “Kasabay ng isterya ng ‘war on terror’ ay unti-unting lumilitaw ang ulo ng pasismo maging sa mga bansang itinuturing na demokrasya sa Amerika at Europa.”

Kalagayan ni Sison
Ayon kay Jalandoni, inkomunikado si Sison, naka-solitary confinement at ni “ayaw papasukin sa piitan ang gamot sa sakit sa puso.” Walang puwedeng makipag-usap kundi ang abogadong si Michael Pestman — at napakalimitado ng oras. Maging ang asawang si Julie de Lima-Sison ay hindi pinapayagang bumisita.

Paglabag ang mga ito sa international law, ayon sa isang opisyal ng International Committee of the Red Cross. Ganoon din ang opinyon ng isang international lawyer na sumama sa demonstrasyon sa The Hague nitong Biyernes. Aniya, ang solitary confinement ay itinuturing na tortyur sa batas-internasyonal.

“Walang inihapag na anumang batayan para patuloy siyang ikulong,” wika ni Pestman matapos ang unang pagdinig sa kaso. Pero inutos pa rin ng hukom ang pagkulong kay Sison. Sa kabila nito, “mataas ang moral ni Joma.” “Nabuburyong lang siya,” sabi naman ni Coni Ledesma, isa pang lider-NDFP. “Workaholic kasi ‘yang si Joma, nagtatrabaho ‘yan hanggang alas-kuwatro ng madaling araw, laluna kung may mahalagang sinusulat.” 

“Ang pag-aresto ay ginawa nang pataksil. Inimbitahan siya ng mga pulis tungkol diumano sa isang reklamo na inihapag niya noong 2001 (ang planong asasinasyon sa kanya). ‘Yun pala ay patibong para arestuhin siya,” kuwento ni Jalandoni. Magkasama kami ni Joma sa pagpunta sa pulisya. Pinaghiwalay kami. Yun pala ay dinala na siya sa piitan.”

Kabilang sa mga nababahala sa kalusugan at buhay ni Sison si Atty. Romeo Capulong, lead counsel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. “Tinatrato si Sison tulad ng iba pang detenido ng US sa Guantanamo, na tahasang wala nang karapatang pantao,” wika niya.

Pinalis ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang lahat ng pag-aalala. “Kilala ang gobyernong Dutch sa pagiging patas. Sigurado akong maayos ang trato nila kay Joma,” aniya. Propaganda lamang umano ng mga taga-Kaliwa na siya ay ginigipit.

Suporta kay Joma
Patuloy na umaani ng batikos ang pagdakip ng gobyerno ng The Netherlands kay Sison at reyd sa mga opisina at bahay ng mga taga-NDFP. (Basahin ang “Pandaigdigang tuligsa sa pagdakip kay Joma” sa pahina 7) Pero mayroon din namang galak na galak – una na ang gobyernong Arroyo–sa kabila ng malinaw na paglabag sa batas-internasyonal at humanitarian law.

Sa Pilipinas, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang protesta sa harap ng Embahada ng The Netherlands sa Makati. Kabilang sa mga nagprotesta ang Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakbayan, Gabriela at marami pang organisasyong masa.

Ayon sa CPC (Centre for Philippine Concerns), pulitikal at hindi kriminal na mga kaso ang tunay na dahilan ng pag-aresto kay Sison. Pakana umano ng gobyernong Arroyo na patahimikin si Sison. “Ang atakeng ito ay hindi lamang kay Sison kundi sa lahat ng nagmamahal sa kapayapaan at kalayaan at mga anti-imperyalista sa buong mundo,” ani CPC.

Binatikos maging ng dating US Attorney General na si Ramsey Clark ang pag-aresto kay Sison. Nagboluntaryo siya na maging isa sa mga abogado ng Pilipinong lider-rebolusyonaryo, na inilarawan pa niyang “isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig.” (Basahin ang “Anila.”)

Kriminal o pulitikal?

Giit ni Sek. Gonzales, ang ginawa kay Sison ay independiyenteng hakbang ng gobyernong Dutch, at walang kinalaman ang gobyernong Arroyo. Inamin niya, gayunman, na noon pang isang taon ay nag-iipon na ng “mga ebidensiya” ang mga tagausig at pulis na Dutch na nagpunta sa Pilipinas.

Lahat ng pangyayaring kaugnay ng armadong pakikibaka ng CPP-NPA ay ibinubunton ng Malakanyang kay Sison, kahit siya ay 20 taon nang naka-exile sa ibayong dagat, at kahit pa ilang ulit nang ibinasura ng mga korte sa Pilipinas ang mga habla laban sa kanya. Pinakahuli sa mga ito ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 2, 2007 ukol sa kasong rebelyon kay Sison at sa 50 iba pa. Kabilang sa “mga ebidensiya” na iniharap ng Malakanyang, at sinabi ng Korte Suprema na hindi sapat, ay ang ukol sa “pagpaparusa ng kamatayan” ng NPA sa mga dati nilang kasamahang sina Arturo Tabara noong 2003 at Romulo Kintanar noong 2004. (Ayon sa CPP-NPA, pinarusahan nila ang dalawa batay sa mga alituntunin ng kanilang organisasyon.) Mga biyuda ng dalawang ito, diumano, ang naghabla sa The Netherlands laban kay Sison.

“Itigil mo ang pagdidiyus-diyosan,” wika ni Gloria Kintanar noong 2003 kay Sison, na tila ba siguradong-sigurado siya na si Sison ang may gusto ng pagpatay sa kanyang ikalawang asawa. Sinakyan niya nang husto ang linya ng Malakanyang at Armed Forces of the Philippines. Sinusulsulan niya ngayon ang kontra-Kaliwang isterya sa pagsasabing “selos lang si Sison” sa husay ng yumaong Kintanar, kaya siya (Sison) ay nag-utos ng kamatayan. Wika pa niya, “meron siyang personal na kaalaman sa mga operasyong taktikal ng CPP-NPA sa pamamagitan ng Special Operations Group nito” na malamang na pumatay sa kanyang asawa.

“Ang kakatwa,” wika ng CPP, “ang nasabing mga operasyong taktikal at grupo ay pakana ni Kintanar noong siya ang hepe ng NPA. Itinakwil na ng CPP-NPA ang mga iyon sa kilusang pagwawasto.”

Malaki ang posibilidad na ang materyales na ipinasa ng Malakanyang sa mga imbestigador na Dutch, diumano’y mga intelligence report ng militar na ang kalakha’y mahirap patotohanan, ay kabilang sa “mga edidensiya” na winalang-halaga na ng Korte Suprema.

Epekto ng pagdakip

Agad nagpalabas ng travel advisory ang gobyernong Dutch para ang mga mamamayan nito ay huwag bumyahe sa Pilipinas, at itanggi pa nga, kung kailangan, na sila ay mamamayang Dutch. Itinaas din ng AFP ang alert level nito dahil sa sinasabi nilang mga ganting-salakay ng NPA.

Mabilis na nagpahayag ang CPP: “Hindi nakatuon sa mga mamamayang Dutch ang mga operasyong militar ng NPA. Malayang silang makapaglalakbay sa mga lugar ng NDFP, at wala silang ikakatakot sa mga puwersang rebolusyonaryo.”

Isa sa biktima ng pag-aresto at pagkukulong kay Sison ay ang usapang pangkapayapaan na matagal nang urong-sulong bunga, ayon sa NDFP, ng “mga arbitraryo at di-makatwirang demanda” ng gobyernong Arroyo. Pinakamalubha sa mga ito ang kondisyong “sumuko muna ang NPA” bago ituloy ang negosasyong pangkapayapaan. “Sa ngayon, pahayag ni Fidel Agcaoili, isang lider-NDFP na nakabase sa Europa, kami ay naghihintay ng desisyon ng pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan na nakabase sa Pilipinas.”

Kung Gabriela naman ang masusunod, dapat iboykot ang mga kompanyang Dutch na nagnenegosyo sa Pilipinas. Kabilang sa mga ito ang Ikea,  Heinneken Beer;  Philips Electronics, Whirlpool,  at Unilever (Best Foods, Lipton Tea, Calvin Klein Cosmetics, Elizabeth Arden, Suave Shampoo and Conditioner, Surf Detergent,  Lever 2000 Soap, Ragu Pasta Sauces, Lady’s Choice Mayo, Royal Pasta, at pinakamalaki sa lahat, Knorr Seasonings. 

Bakit ngayon inaresto si Sison

Ayon kay Jalandoni, maaaring itinaon ang pag-aresto kay Sison para salaulain ang kanyang tagumpay nang ibasura ng European Court of First Instance noong Hulyo 11 ang paglalagay ng European Union sa kanya sa listahan ng mga “terorista.”

Gayundin, pangit ang sitwasyon para sa gobyernong Arroyo. Sunud-sunod ang pagkatalo nito sa legal na mga labanan kontra sa Kaliwa. Muling puputok ang eskandalong “Hello Garci,” kasabay ng iba pang kaso ng katiwalian, gaya ng proyektong national broadband. Malapit na ang sentensiya kay dating Pangulong Joseph Estrada. Umuugong ang balita ang kudeta laban kay Arroyo.

“Maaaring natatakot si Arroyo na magkakaisa ang malawak na oposisyon laban sa kanya na ang mahalagang bahagi ay ang progresibong mga puwersang inaakala ni Arroyo na impluwensiyado ni Joma,” dagdag ni Jalandoni.

At huwag kalimutan, nakumunoy na ang gobyerno at militar sa giyera sa Mindanaw. Samantala, ang NPA ay “naririyan lamang sa tabi-tabi.” Ayon sa isang impormante ng PINOY WEEKLY, bandang Agosto ay nagsalita si Sek. Gonzales sa National Defense College of the Philippines. Sinabi ni Gonzales na kung itotodo ng NPA ang mga salakay, hindi kaya ng gobyerno ang dalawang prente ng labanan – at may ikatlo pa, ang mga lansangan ng protestang bayan.

“Kaya ang pagtarget kay Joma ang pinakamadaling paraan para unahan ang NPA nang hindi direktang nakikipagdigma rito ang AFP sa antas na nagaganap sa Basilan at Sulu,” ayon sa impormante.

Gayunpaman, iginiit ni Jalandoni na matagal nang pinaplano ang pag-aresto kay Sison ng mga gobyernong Pilipinas, Dutch, at US, na may kanya-kanyang pansariling adyendang pampulitika. (Basahin “Ang dakilang sabwatan” sa pahina 7 at “Kronolohiya…” sa pahina 9) Tila hindi matapus-tapos na kabanata ang paninikil at pagpapahirap ng mga reaksiyunaryo sa isang matatag na rebolusyonaryong tulad ni Sison.

Anila
Sa pag-aresto kay Prop. Jose Maria Sison
• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay isang) dambuhalang hakbang tungo sa kapayapaan, isang tagumpay ng katarungan at pamamayani ng batas. – Presidente Gloria Macapagal-Arroyo• Ang nasa likod ng mga aksiyon ng pulisyang Olandes ay ang gobyernong Arroyo, na simula nang maupo sa kapangyarihan ay tumugis na kay Joma Sison at walang pagod na kumilos para sirain ang halaga niya sa mga mamamayan – Chito Quijano, tagapangulo, Bayan-USA

• Ang mga krimen ay ginawa sa Pilipinas at ang hurisdiksiyon ay dapat sa mga korteng Pilipino, hindi Olandes… Ang patunayan ang mga akusasyong si Sison ay direktang nag-utos sa komunistang NPA na paslangin ang dalawang dating lider-komunista habang nakadestiyero ay isa sa pinakamahirap gawin, laluna ng isang independiyenteng korte – Editoryal, Philippine Daily Tribune

• (T)apos na ang mga araw ng pakikipagsayaw ni G. Sison sa artistang si Ara Mina… Sa tingin ko, hindi tututol ang gobyernong Olandes kung hilingin natin na ipasa si G. Sison sa atin… – Sek. Raul Gonzalez, Departamento ng Katarungan

• Nangangamba akong gamitin ng administrasyong Arroyo ang pag-aresto kay Joma para sa witchhunt at pagtugis sa mga aktibistang makakarapatang pantao at progresibong mga grupo. Hindi dapat bansagang terorista ang mga makabayan. – Sen. Jamby Madrigal

• Ang panlilinlang, bartolina, at pagkakait ng gamot ay karaniwang ginagawa sa Pilipinas sa ilalim nina Marcos at Arroyo. Naaalarma kami sa mga ulat na ginagamit din ng mga awtoridad na Olandes ang mga ito kay Sison. Nakakalungkot kung tatalikuran (nila) ngayon ang dakilang tradisyon ng kanilang bansa ng pagkakanlong sa mga ginigipit na rebeldeng pampulitika. Tila nahuhulog sila sa ipokritong mga iskema nina Arroyo at Bush sa diumano’y “giyera kontra-terorismo.” – Francisco Nemenzo, Jr., tagapangulo, Laban ng Masa

• Lahat ng may malasakit sa kapayapaan at kalayaan ay dapat malungkot nang husto sa pag-aresto kay Joma Sison. (Siya) ay isang dakilang kaluluwa na kailangang makilala ng daigdig, isang dakilang tinig na kailangang marinig ng daigdig. Ang paglalarawang demonyo siya ay sisira sa atin kapag hinayaan nating magpatuloy… Kung gusto natin ng kapayapaan sa daigdig, kailangang magbago tayo. Umaasa akong sisimulan ito ngayon ng The Netherlands sa pamamagitan ng pagpapalaya sa dakilang taong ito, si Joma Sison. – Ramsey Clark, dating attorney-general ng US at kilalang ekspertong legal sa mundo

• (Ang pag-aresto kay Jose Maria Sison ay) maaaring makabimbin pang lalo sa usapang pangkapayapaan… (Dahil) walang kasunduang ekstradisyon ang Pilipinas at gobyernong Olandes, dapat itong maingat na repasuhin, dahil baka lumabas na isa na naman itong atake sa progresibong mga puwersa – Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

• Sa paghingi ng asylum sa The Netherlands, sa pagbaling sa mga korteng Olandes at Europeo para labanan ang iba pang kaso laban sa kanya, kailangang pumailalim si Sison sa mga korteng Olandes. Kung tinatanggap natin ang presyur ng mga Europeo sa usapin ng karapatang pantao, sino ang makakapagreklamo kapag gumana ang kanilang sistema ng katarungan? – Manuel L. Quezon III, kolumnista at kilalang blogger

• Walang dudang madedemoralisa ang NPA at maka-Kaliwang mga simpatisador at alyado nito bunga ng pag-aresto kay (Sison). Interesanteng inaresto siya sa panahong biglang naglabas ang pulisya ng diumano’y tatlong saksing NPA na nagsasabing mayroon silang direktang alam kung paanong dinukot umano ng NPA si Jonas Burgos. Tiyempo o nagkataon lang? Kung anuman, tila pinatitibay ng dalawang pangyayari ang sinasabi ng militar na ang mga maka-Kaliwa ay gumagawa ng di-maipaliwanag na pamamaslang. – Belinda Olivares-Cunanan, kolumnista

• Lumilitaw na gusto ng gobyerno ng Pilipinas na tanggalin ang pampulitikang katangian ng isyu. Gusto nilang palabasing ordinaryong kriminal si Joma. – Rep. Satur Ocampo, Bayan Muna

• Pero huwag magulat na kahit walang kasunduan sa ekstradisyon sa The Netherlands, hahanap ng palusot at paraan ang gobyerno na maibalik (si Sison) sa Maynila, para siyempre paypayan ang ilang uling. – Fr. Larry Faraon, kolumnista

• Ang mga kasong ipinupukol kay Kasamang Sison ay katawa-tawa at hindi makakatindig sa anumang patas na korte ng katarungan. Mali at malisyoso ang palabasing si Kasamang Sison ay responsable sa mga aksiyong ginawa ng NPA sa ilalim ng awtoridad at malinaw na direksiyon ng pamunuan ng CPP na nakabase sa Pilipinas, ng hukbong bayan at rebolusyonaryong gobyerno ng mga mamamayan – Communist Party of the Philippines

Tortyur…

(Salaysay ni Prop. Jose Maria Sison ukol sa pagpapahirap sa kanya noong batas militar ni Marcos; mula sa Rebolusyong Pilipino: Tanaw mula sa Loob [Panayam kay Jose Maria Sison ni Rainer Werning], Lagda Publishing, Lungsod Quezon, 1994)

“Sa unang linggo ng pagkakakulong ko, Nobyembre 13 at 14, 1977 kung eeksaktuhin, ako ay binugbog at ginamitan  ng  ‘water cure’.  Kagyat na layunin ng pisikal na tortyur na mamiga ng impormasyon, manakot at yumurak sa pagkatao ko.

“Nang gawin akong punching bag, hinubad ang kamiseta ko at ipiniring sa akin; isa pang pirasong damit ang  idinagdag sa piring ko.  Ang mga kamay ko’y nakaposas sa aking likod at ang mga paa ko’y nakaposas din. Ipinirmi ako sa isang silya. Ang pinakamasasakit na suntok ay sa aking tadyang at sikmura. Palibhasa’y  nakapiring, hindi  ko alam kung kailan dadapo ang sunud-sunod na suntok. 

“Ibubunggo ang ulo ko sa pader, ito ang patuloy na banta ng nagpapahirap sa akin. Nang gamitan ako ng ‘water cure’ ay nakapiring  ako. Ang mga kamay at paa ko ay iginapos sa higaan sa pamamagitan ng posas na pangkamay na bumabaon sa laman kapag nahahatak ko. Isang tuwalya ang itinakip at idiniin ng kung-sino sa bibig ko. Paulit-ulit na binuhusan ng tubig ang mga butas ng ilong ko. Sa bawat buhos ay para akong nalulunod. Mga anim na oras ang itinagal ng ‘water cure’. 

“Kung hindi ako ginagawang punching bag o ginagamitan  ng ‘water cure’ , halinhinan ang mga interogador para ako’y panatilihing gising, tanungin, takutin, himukin, o insultuhin. Yamot na yamot sila dahil wala silang makuha sa akin na sukat nilang ikasiya.

“Pero ang pinakamasahol na tortyur – masahol pa  sa pambubugbog at ‘water cure’ , masahol pa nga sa limang taong pagkakapiit nang nag-iisa — ay ang 18 buwang pagkakaposas at pagkakagapos ko sa higaan. Lagi akong nakagapos, maliban sa ilang minutong pagkakakalas kapag ako’y kumakain o tumutugon sa personal na mga pangangailangan. 

“Ang selda ay napakainit sa araw at malamig naman mula hatinggabi hanggang madaling-araw. Parang impiyerno sa mga buwan ng tag-araw. Solido ang pintuan ng selda at ipinako sa pagkakasara ang mga bintana, na may maliliit na siwang na pasukan ng hangin.”

…at pangingibabaw
“Ang pinakamahalaga sa akin ay ang patuloy kong mapanindigan ang aking rebolusyonaryong paniniwala at mapanatili ang diwang palaban. Ang naramdaman ko’y galit, sa halip na takot. Nakatulong ang mag-isip na kahiya-hiya ang ipagkanulo ang iba, at sadyang magsasara ang utak kapag di na matiis ang  sakit. Hindi kailanman sumagi sa isip ko na  ako’y mawawalan ng malay habang tinotortyur sa bugbog at ‘water cure’ . Bagamat  madalas akong hilo, napananatili  ko naman ang talas ng isip.”

Jose Ma. Sison: Kronolohiya ng paninikil at pagpapahirap

· Nobyembre 1977-Marso 1986 – Si Sison ay inaresto nang walang mandamyento; kinasuhan ng subersiyon at rebelyon sa mga korteng militar; matinding tinortyur; limang taon sa solitary confinement

· Marso 5, 1986 — pinakawalan ng gobyernong Aquino, na nagpawalambisa sa mga kaso ng subersiyon at rebelyon nang lusawin ang mga korteng militar

· Setyembre 1986 – bilang kagawad ng Asian Center ng Unibersidad ng Pilipinas, sinimulan ni Sison ang serye ng lektura sa iba’t ibang unibersidad sa Oceania, Asya, at Europa hinggil sa Pilipinas; siniraan ng militar ang kanyang mga lektyur at pinresyur ang gobyernong Aquino na ikansela ang kanyang pasaporte; lumutang ang mga banta sa buhay ni Sison

· Setyembre 1988 — muling kinasuhan ng gobyerno ng subersiyon; tuluyan nang hindi nakabalik ng Pilipinas

· Oktubre 1988 – matapos ang arbitraryong pagkansela sa kanyang pasaporte, nag-aplay para sa political asylum sa The Netherlands

· Hulyo 1990 — tinanggihan ng Dutch Ministry of Justice ang aplikasyon ni Sison sa udyok ng gobyerno ng Pilipinas; inamin ng US State Department na nakialam ito sa kaso

· 1992 — pinawalambisa ng Judicial Department of the Council of State (Raad Van State) ang desisyon ng Dutch Ministry of Justice; kinilala nito si Sison bilang political refugee at binatikos ang ministri sa paggamit ng sikretong mga intelligence dossier at pagpapatagal sa kaso ng mahigit apat na taon; hindi pa rin natinag ang Ministry of Justice – patuloy nitong kinatigan ang gobyerno ng Pilipinas at binalewala ang mga pangyayari sa bansa, gaya ng pagbasura sa Anti-Subversion Law at kasong subersiyon ni Sison sa hukuman ng Pasig City

· 1994 – ibinasura ng mga tagausig ng korte sa Maynila ang hablang multiple murder kay Sison kaugnay ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971; binalewala pa rin ito ng Dutch Ministry of Justice upang “hindi masira ang relasyon ng gobyernong Dutch sa mga alyado nito” kapag binigyan ng asylum si Sison; sa halip, gumamit ito ng mga intelligence dossier para ibintang na nakikipag-ugnayan si Sison sa mga organisasyong “terorista”

· 1995 — pinagtibay ng Dutch Council of State, pinakamataas na korteng administratibo, ang pagiging political refugee ni Sison sa ilalim ng Article 1A ng Refugee Convention at Article 3 ng European Convention on Human Rights; iniutos ng korte sa Dutch Ministry of Justice na gawing legal ang pagiging refugee ni Sison at hayaan siyang manirahan sa The Netherlands; muli itong sinuway ng ministri

· 1996 — umapela si Sison sa Aliens Court, na nag-utos sa gobyernong Dutch na gumawa ng bagong desisyon; ang posisyon ng gobyernong Dutch, na kinatigan ng Law Unification Chamber — hindi kikilalanin si Sison bilang refugee pero hindi siya palalayasin sa The Netherlands; taliwas ito sa desisyon ng Raad van State noong 1992 at 1995, sa jurisprudence ng ECHR, sa pagbasura ng mga kaso kay Sison mula 1992 hanggang 1994, at sa kawalan ng kasong kriminal laban sa kanya sa alinmang bansa

· Abril 1998 — naglabas ng sertipikasyon ang kalihim ng Department of Justice ng Pilipinas na nagpapatunay na walang nakabimbing kriminal na kaso si Sison

· Agosto 12, 2002 — binansagan ng gobyernong US na “terorista” si Sison; mabilis na sumunod ang gobyernong Dutch noong Agosto 13; masahol pa sa hatol ng pagiging mamamatay-tao ang epekto ng “terrorist” blacklisting ng US at iba pang gobyerno – si Sison ay pinagbawalang magtrabaho, inalisan ng mga benepisyong sosyal (living allowance, pabahay, seguro, at pensiyon), pinigil ang kanyang bank account; pinagbawalang tumanggap ng bayad para sa kanyang mga libro at kompensasyon mula sa danyos na ipinanalo laban sa rehimeng Marcos, ipinagpalagay na maysala gayong hindi pa napapatunayan, inalisan ng karapatan na magtanggol sa sarili, makagalaw nang malaya at magkaroon ng pribadong buhay at dangal

· Oktubre 28, 2002 — itinulak ng gobyernong Dutch at Pilipinas ang EU (European Union) na bansagang “terorista” si Sison

· 2003 – nagtulung-tulong ang gobyernong Dutch at British, at Council of the EU nang si Sison ay magsampa ng reklamo sa European Court of First Instance sa Luxembourg; samantala, inihabla ng Armed Forces of the Philippines si Sison sa Department of Justice ng Pilipinas kaugnay ng pagpatay ng New People’s Army kay Col. Rodolfo Aguinaldo (Hunyo 2001), kumpirmadong pusakal na torturer noong panahon ni Marcos

· Abril 21, 2006 – sa kaigtingan ng ligalig sa Pilipinas bunga ng nabulgar na “pandaraya ni Arroyo sa eleksiyong 2004,” si Sison at 50 iba pang kritiko ng administrasyon ay kinasuhan ng rebelyon ng gobyernong Arroyo; sinaklaw ng kasong rebelyon ang panahon mula nang itatag ang Communist Party of the Philippines noong Disyembre 26, 1968; binalewala ang lahat ng naunang desisyon na naglilinis sa pangalan ni Sison mula 1986 hanggang 1995

· Hunyo 28, 2007 – ipinalabas ng Council of the EU ang bagong desisyon na naglalagay kay Sison sa “terrorist” blacklist

· Hulyo 2, 2007 – ibinasura ng Korte Suprema ng Pilipinas ang kasong rebelyon laban kay Sison at sa 50 iba pa; ibig sabihin, hindi na maaaring gamitin ang mga ebidensyang ginamit sa nasabing kaso laban sa kanila

· Hulyo 11, 2007 – binaligtad ng European Court of First Instance ang desisyon ng Council of the EU dahil nalabag ang karapatan ni Sison sa depensa at proteksiyon ng batas at sa kabiguang ipaliwanag kung bakit si Sison ay inilalagay sa blacklist

· Agosto 28, 2007 – nireyd ng pulisya ng The Netherlands ang mga opisina at bahay ng mga kagawad ng National Democratic Front of the Philippines, mapanlinlang na inaresto si Sison, at ngayon ay nakakulong nang inkomunikado.

Posted in Karapatang Pantao, Personalidad, Pulitika | Leave a Comment »

‘Dagdag-dagdag’ (O kung paanong babawasan ang mga progresibo sa Kongreso)

Posted by mamamahayag on June 17, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6 Blg 21
Hulyo 8, 2007 

Ang bawat isa sa 91 tumatakbong party-list, may boto na hindi bababa sa 10. Kaya hindi nakapagtatakang umabot ng 1,650 ang kabuuang bilang ng boto para sa mga party-list na naitala sa Election Return #8401873 ng Precinct 15-B, Brgy. Malingin, Tagoloan II, Lanao del Sur.

Heto ang nakapagtataka: 142 katao lamang ang bumoto sa naturang presinto. Hindi mapasusubalian, idinagdag lamang ang 1,508 boto para sa mga party-list.

Isa lamang ito sa mga kaso ng “dagdag-dagdag” o pagbaha ng boto para sa mga party-list na nadiskubre ng TFPW (Task Force Poll Watch), pinagsanib na puwersa ng Genuine Opposition at progresibong mga party-list para bantayan ang halalan.

Sa pinakahuling ulat ng TFPW (Mayo 31, 2007), umaabot sa 90,566 ang sobrang boto para sa mga party-list sa buong bansa. Nakinabang dito ang may 42 party-list, pangunahin yaong mga umano’y konektado sa Malakanyang. Naganap ang dagdag-boto sa 32 munisipalidad, pitong probinsiya, at isang siyudad. Batay ito sa opisyal na mga dokumento ng Comelec (Commission on Elections) at ulat ng mga koordineytor at poll watcher ng TFPW.

Hindi pa kasama sa bilang na ito ang tinatayang pinalaking Total Party-list Votes o TPLV sa di-pa-naka-canvass na mga boto sa 11 probinsiya: Northern Samar, North Cotabato, Davao del Sur, Maguindanao, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, Zamboanga del Sur, Shariff Kabunsuan, Basilan, at Surigao del Norte — umano’y dulot din ng vote-padding.

Pangamba ng progresibong mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Suara Bangsamoro, maaapektuhan ng kahina-hinalang pagtaas sa bilang ng mga boto ang kanilang tsansang makapagpaupo ng mga kinatawan sa Kongreso.

Para makapagpaupo ng isang kinatawan sa Kongreso, kailangang makakuha ang isang party-list ng dalawang porsiyento ng kabuuang bilang ng mga boto para sa mga party-list. Ang party-list, ayon sa batas, ang dapat kumatawan sa nasasantabing mga sektor (marginalized sector) ng lipunan. Naiiba ito sa tradisyunal na mga partidong binubuo ng mayayaman at makapangyarihang angkan o pulitiko.

Sa ika-13 Kongreso, umupo ang anim na kinatawan mula sa Bayan Muna (3), Anakpawis (2), at Gabriela (1). Sila ang naging pinakamasusugid na kritiko ni Pangulong Arroyo na nagsulong ng makamamamayang mga panukalang batas na hindi inaayunan ng gobyerno at dambuhalang mga negosyante.

Katulad noong halalang 2004, binawasan nang husto ang boto ng mga ito (hitik ang TFPW sa ganitong mga ulat). Pero naging bukodtangi ngayon ang “taktika” laban sa kanila: ang paglaki ng TPLV. Aabot ito ng 16,558,080, ayon kay Comelec Chairman Benjamin Abalos. Kaya kailangan ng isang party-list ng botong 331,162 para makapagpaupo ng isang kinatawan. Sa nakaraang halalan, humigit-kumulang 250,000 lang ang minimum na botong kinailangan ng isang party-list para manalo, batay sa 12,721,952 TPLV.

Sa talaan ng Comelec (Hunyo 1, 2007) kung saan 89.41% na ng mga Certificate of Canvass o COC ang nabibilang, may botong 927,297 (6.68%) ang Bayan Muna; 581,510 (4.19%) ang Gabriela; 349,698 (2.52%) ang Anakpawis; 216,998 (1.56%) ang Kabataan; at 34,459 (0.25%) ang Suara Bangsamoro.

Kung magpapatuloy ang nasabing tunguhin, inaasahang makakakuha ang Bayan Muna ng tatlong puwesto, Gabriela ng dalawa, at Anakpawis ng isa. Maaari pa rin umanong makakuha ang Kabataan ng isang puwesto kapag nadiskuwalipika ang umano’y mga party-list ng Malakanyang na dinagdagan ang boto; at mabawasan ng isa hanggang dalawang milyon ang TPLV.

Sa senaryong tataas nang husto ang bilang ng TPLV sa pagpasok ng mga COC mula sa 11 probinsiya sa Mindanaw, mababawasan ng tig-isa sa inaasahang puwesto ang Bayan Muna (magiging 2 na lang), Anakpawis (magiging 1), at Gabriela (1). Pero ang mas mabigat na huling balita, susundin na raw ng Comelec ang “Panaganiban Formula” ng Korte Suprema na tiyak na magpapaliit pa sa bilang ng mga progresibo sa Kongreso. Sa nasabing pormula, ang nangungunang party-list lamang ang maaaring makakuha ng tatlong puwesto. Ang sumunod na mga party-list na nais makakuha ng mahigit sa isang puwesto ay isasailalim sa bagong pag-compute. Hahatiin (divide) ang bilang ng kanilang mga boto sa bilang ng mga boto ng nangungunang party-list. Ang resulta nito ay imu-multiply sa karagdagang puwestong nakuha ng nangungunang party-list, para makuha ang karagdagang puwesto ng sumunod na mga party-list. Hindi ito hihigit sa isa. Lalaki rin ang bilang ng mga botong kailangan para makapagpaupo ng higit sa isang nominado.

Ayon kay Nathanael Santiago, pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna, “ang paglobo ng TPLV ay maisisisi sa pagtakbo ng mga party-list na prente ng Malakanyang.” Tinukoy ng TFPW ang dagdag na boto ng Alliance of Neo-Conservatives o ANC (4,554); Kasangga sa Kaunlaran (999); You Against Corruption and Poverty o Yacap (2,239); Coop-Natco Network Party (17,473); Barangay Association for National Advancement of Transparency o Banat (1,300); Kapatiran ng mga Nakakulong na Walang Sala o Kakusa (9,495); United Movement Against Drugs o Uni-Mad (36,589); Ahon Bayan (1,607); at Alliance of Rural Concerns o ARC (7,512). Ang mga ito ay kapwa may mga nominado at opereytor na konektado alinman kay Pangulong Arroyo o sa kanyang asawa.

Malaki rin ang bilang ng mga idinagdag na boto sa Buhay (3,135); Anak Mindanao o Amin (11,553); Association of Philippine Electric Cooperatives o Apec; Trade Union Congress of the Philippines o TUCP (1,899); A Smile (1,274); at Ang Laban ng Indiginong Filipino o Alif (21,027).

Noong Mayo 29, nagreklamo sa Comelec ang progresibong mga party-list laban sa Board of Canvassers (BoC) sa probinsiya ng Zamboanga Sibugay. Umano’y dinagdagan ng zero (0)sa dulo ang bilang ng boto para lumaki ang Coop-Natco at Uni-Mad. Nauna na ring kinasuhan ang BoC ng Caloocan dahil sa pagdadagdag ng boto ng Kasangga.

Naghahanda ngayon ang progresibong mga party-list sa paglobo pa ng TPLV mula sa ika-canvass pang boto sa mga probinsiya sa Mindanao kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng pandaraya. Kuwestiyonable umano na 98.54% ng mga botante sa Sulu ang bumoto para sa party-list; at 89.02% naman sa Tawi-Tawi. Ang mga ito ay halos doble sa antas ng mga bumoboto para sa party-list (wala pang 50%) sa buong bansa.

“Dahil sa mga pangyayaring ito, nawawalan ng saysay ang sistemang party-list na siyang dapat nagsisilbi para sa interes ng nasasantabing mga sektor,” ani Zaynab Ampatuan, unang nominado ng Suara Bangsamoro.

Tiwala ang progresibong mga party-list na muli nilang makakamit ang kabuuang 2.6 milyong boto noong halalang 2004. Pero posibleng ang malinaw na mandatong ito para umupo sa Kongreso ay masalaula, nang dahil sa tulak ng Malakanyang na nabawasan ang mga progresibo sa kaharian ng mga trapo.

Posted in Pulitika | Leave a Comment »