Muling Paglathala

Archive for the ‘Sahod at Trabaho’ Category

P125 dagdag-na-sahod: Pag-asa sa pagkakaisa

Posted by mamamahayag on August 2, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online

HINDI na nakatiis ang mga manggagawa. Hindi na nila mahintay pa ang pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo 28. Kaya noong Hunyo 19, sinugod nila ang bahay sa Valenzuela City ni Rep. Magtanggol Gunigundo, tagapangulo ng House Committee on Labor, para itulak ang pagsasabatas ng House Bill 1722 o P125 dagdag-na-sahod ng mga lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.

Hindi pa nakapagdaraos ang Kamara ng kahit isang pagdinig sa panukalang inihain ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran sa pagsisimula ng ika-14 Kongreso. Gayundin ang Senado sa limang panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod na inihain ng limang senador. “Back to square one,” ayon nga kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU (Kilusang Mayo Uno).

Noong Disyembre 2006, bumababa pa mula sa kanyang opisina si Sen. Jinggoy Estrada, tagapangulo ng Senate Committee on Labor, para ibahagi sa mga nagpipiket na manggagawa ng KMU ang masayang balita. Ipapasa umano ng kanyang komite ang counterpart bill ng Senado sa HB 345, panukala para sa P125 dagdag-na-sahod noong ika-13 Kongreso. Noo’y nalalapit na itong ipasa ng Kamara.

Sa ika-20 ng buwan ring iyon, ipinasa na nga ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang HB 345. Nabuhayan ng loob ang ang mga manggagawa at militanteng mga kongresistang naghain ng panukala. “Isa itong malaki at makasaysayang hakbang,” sabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño. Ang unang panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod na inihain ng Bayan Muna noong 2001, hindi man lang nakalampas sa unang pagbasa.

Pero nabalaho rin ang HB 345. Naghain ng motion for reconsideration si Cavite Rep. Crispin Remulla dahil sa umano’y teknikal na mga kahinaan ng panukalang batas. Hindi na ito muling umusad – hanggang sa magtapos ang ika-13 Kongreso, hanggang sa mamatay ang orihinal na awtor ng panukala na si Beltran noong Mayo 20, at hanggang sa ngayon, sa gitna ng napakatinding krisis pang-ekonomiyang inihihingi ng ginhawa.

Alyansa

Para kay Labog, isa lamang ang paraang mapupuwersa ang gobyernong Arroyo na dinggin ang halos isang dekada nang panawagan ng KMU: ang pagkakaisa, hindi lamang ng mga manggagawa, kundi ng lahat ng sektor ng lipunan na apektado sa papataas na presyo ng pangunahing mga bilihin.

Kaya noong Hunyo 2, inilunsad ang Unity for P125, malawak na alyansang nananawagan ng P125 dagdag-na-sahod, sa isang porum sa University of the Philippines-Manila.

Hindi lamang mga manggagawa ang lumiban sa trabaho para ianib ang kanilang mga sarili sa alyansa. Kasama nila ang mga maralitang lungsod, kawani ng gobyerno, migrante, estudyante, akademiko, at relihiyoso sa paggiit sa umano’y “nararapat na hati (ng mga manggagawa) sa paglikha ng yaman at pagpapatakbo ng ekonomiya.”

“Sana madagdagan pa ang bilang ng mga mamamayang Pilipino na nagtutulak sa batas na nagtataas ng sahod. Sinasabi ng Malakanyang na ang mga manggagawa ang gumagawa ng yaman ng bansa. Pero lagi nitong hinuhuli ang kapakanan ng mga manggagawa,” sabi ni Obispo Gabriel Garol, presidente ng United Churches of Christ in the Philippines.

Ikinumpara naman ni Dave Diwa, pambansang tagapangulo ng National Labor Union, ang ganit ng gobyerno sa pagbibigay ng dagdag-na-sahod sa maluwag na pagpayag nito sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo halos linggu-linggo. “Bakit ang mga manggagawa kailangan pang tumakbo sa Senado at sa Kamara, kailangan pang mag-hearing at ng maraming debate para sa P125? Samantalang paggising natin, walang kaabog-abog, nagtaas na ang presyo ng langis?” aniya.

Ayon pa kay Ver Eustaquio, tagapangulo ng Union of Masses for Democracy and Justice, hindi lamang napapanahon ang P125 dagdag-na-sahod, kundi long overdue o matagal nang utang ng gobyerno.

Katarungang panlipunan

Taong 1999 nang unang ikampanya ng KMU ang P125 dagdag-na-sahod. Noon, nasa P198 pa lamang ang minimum na sahod sa Metro Manila. Simula noon, idinaan ng gobyerno sa mga RTWPB (Regional Tripartite Wages and Productivity Board) ang pagtatakda ng umento sa sahod. Sa Metro Manila, tumaas nang P184 ang minimum na sahod ng mga manggagawa mula 1999 hanggang 2008 (ngayo’y nasa P328).

Pero mas maliit pa dito ang pambansang average ng itinaas ng sahod sa parehong panahon – umaabot lamang sa P94.42. Marami kasi sa mga rehiyon ang nagtamasa ng napakaliit na umento, tulad ng Mimaropa (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na P52 lamang (P252 mula P200), at Autonomous Region of Muslim Mindanao na P70 (P210 mula P140).

“Iisa lang naman ang bituka ng mga manggagawa, saan mang bahagi ng bansa,” batikos ni Garol sa pag-iral ng mga RTWPB na umano’y “mapanlinlang” at “mapang-insulto.”

Ang P50 pa sa mga umentong ibinigay ng mga RTWPB, hindi dagdag-na-sahod kundi Ecola (Emergency Cost of Living Allowance). Pansamantala mang ginhawa, hindi kasama ang Ecola sa komputasyon ng mga benepisyo ng mga manggagawa tulad ng overtime pay.

Sa taas ng presyo ng mga bilihin, hindi nagkakasya ang minimum na sahod para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya. Nasa P882 ang nakabubuhay na sahod o Family Living Wage sa Metro Manila. Ang agwat ng minimum na sahod sa nakabubuhay na sahod dito, umaabot ng P13,000 – hindi mapupunan kahit dalawa pang miyembro ng pamilya ang magtrabaho.

Ayon sa Ibon Foundation, 18.6% lamang ang itinaas ng sahod sa ilalim ng administrasyong Arroyo (2001 hanggang 2006) kumpara sa 37.9% pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa parehong panahon. Hindi pa kasama rito ang pagtaas ng presyo ng bigas nang 20% hanggang 43% sa unang bahagi ng taon.

Ito ang nagtutulak sa maraming mga Pilipinong mangibang-bansa, ayon kay Gary Martinez, tagapagsalita ng Migrante International. Ipinaliwanag niya, “Kung mayroon lang talagang nakabubuhay na sahod dito at disenteng trabaho, hindi kami aalis ng bansa.”

Nakikiisa ang mga OFW (Overseas Filipino Workers) sa panawagang P125 dagdag-na-sahod dahil “hindi maaalis sa mga migrante na siya ay uring manggagawa,” sabi ni Martinez. Apektado rin umano ang pamilya ng mga OFW sa mataas na presyo ng mga bilihin na nagpasadsad sa halaga ng piso o naiuuwing kita ng mga migrante.

Nasa P0.65 na lamang ang tunay na halaga ng piso. Ibig sabihin, ang mabibili ng piso ngayon, katumbas ng mabibili noong 2000 sa halagang P0.65 lamang. Ayon kay Danilo Arao, propesor sa UP at eksperto sa mga usapin sa ekonomiya, masusukat ang paghihirap na dinaranas ng mamamayan sa pagsadsad nang 35% sa tunay na halaga ng piso.

Optimistiko

“Hindi na kailangan pa ang katakut-takot na datos para makitang kailangan ang dagdag-na-sahod,” sabi ni Estaquio sa porum.

Dagdag pa ni Labog, higit pa sa pansamantalang ginhawa ang kinakatawan ng panawagang P125 dagdag-na-sahod, na kung tutuusi’y nakabatay sa pangangailangan ng mga manggagawa halos isang dekada na ang nakaraan. “Hindi ito simpleng umento, kundi paggiit ng katarungang panlipunan. Pagkilala ito sa mga manggagawa di lamang bilang manggagawa kundi bilang tao,” aniya.

Pero dahil sa kanilang karanasan, iginigiit, at hindi basta-basta ibinibigay ang ganitong pagkilala, iba’t ibang mga porma ng pagkilos ang titiyakin ng alyansang Unity for P125. Nariyan ang lobbying sa Kongreso, kampanyang edukasyon sa mga komunidad at pagawaan, pagpapakalat ng impormasyon sa publiko, pananaliksik, lalong pagpapalawak ng alyansa, at mga mobilisasyon.

Sa piket ng KMU sa bahay ni Gunigundo, napilitan ang kongresista na harapin ang nag-iingay na mga manggagawa. Ipinangako niyang magdaraos ng pagdinig ang kanyang komite hinggil sa HB 1722 sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.

Hindi man nila mapagkatiwalaan ang salita ng mga mambabatas na pinalampas ang tatlong panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod, may dahilan sila para umasa.

“Optimistiko kami na mailalaban namin ito dahil ang dating sektoral na isyu ay naging multi-sektoral na. Makikita mo naman, nandito ang lahat para suportahan ang laban ng mga manggagawa,” pagtatapos ni Labog.

Advertisements

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

Tamang hirit sa taggipit

Posted by mamamahayag on June 26, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 23
Hunyo 18 – 24, 2008

NANGANGATOG ang tuhod ng mga taga-Malakanyang sa pagharap sa kasalukuyang krisis. Pero hindi dahil nalipasan sila ng gutom – sa huling balita natin, tuluy-tuloy pa rin naman ang catering sa Palasyo. Nangangatog ang tuhod ng mga tambolero ni Pang. Arroyo dahil sa takot. Iba’t ibang pandaigdigang ahensiya na ang nagsalita, mula World Bank hanggang Eurasia Group, hinggil sa posibilidad ng pagbugso ng pag-aalsa ng mga mamamayan kung titindi pa ang pagtaas ng mga presyo.

Pero sa kabila nito, patuloy na itinatanggi ng Palasyo ang tatlong kongkretong hakbang na pinaka-epektibong magbibigay ng kagyat na ginhawa sa taumbayan. Hindi maikakaila ang matinding presyur sa gobyerno ng lokal na mga negosyante at dayuhang mga mamumuhunan na magbingi-bingihan sa mga tatlong hirit na ito.

Lumalabas tuloy na ang pagtugon ng gobyerno sa krisis ay hindi nakatuon sa pagbigay ng kagyat na ginhawa, kundi sa pagrenda ng galit ng taumbayan para di mag-alsa.

Ito ang tatlong hirit ng taumbayang gipit:

1. Itaas ang sahod, P125 across-the-board

Maski bote ng softdrink, bibihira na ngayong matikman ni Armando Arroyo, halos tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Pepsi-Cola Products Philippines Inc. Luho na, para sa kanya, ang sariling produktong nililikha. Sa halip na lumagok nitong paboritong palamig ng mga Pilipino, itatabi na lamang niya ang iilang piso para pambili ng bigas at pamasahe ng mga anak na pinag-aaral.

Kung tutuusin, angat sa karaniwang obrero si Arroyo, presidente ng Pepsi Cola Labor Unity. Umaabot sa P650 kada araw ang kanyang kinikita (P345 hanggang P382 ang minimum na sahod sa National Capital Region). Pero dahil sa tindi ng krisis sa presyo ng batayang mga bilihin, kapos na kapos pa rin ang kanyang sahod para sa pangaraw-araw na gastusin.

Katunayan nito, isa na lamang sa kanyang mga anak ang nagpapatuloy sa kolehiyo. Para makapag-ambag sa pamilya, tumigil na sa pag-aaral ang dalawa at namasukan – isa sa call center, isa sa water station – sa trabahong mas masahol dahil kontraktuwal at walang kaseguruhan.

Hindi sana mangyayari ito, aniya, kung noon pa man dininig na ng gobyerno ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-na-sahod, across-the-board sa buong bansa. “Napakahirap nang kitain ang sahod namin sa walong oras na paggawa, tapos kapag ibinili pa namin, napakaliit ng halaga,” sabi ni Arroyo.

Taong 1999 pa unang ipinanawagan ng KMU (Kilusang Mayo Uno), militanteng sentro ng paggawa, ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod. Pero idinaan ng gobyerno ang kakarampot na pagtaas ng sahod sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board, na nitong Abril, P20 ang itinakda para sa mga manggagawa sa NCR.

Labis na ikinagalit ito ni Arroyo. “Para ka lang binigyan ng kendi…Ngayon, kahit siguro umabot pa sa P1,000 ang sinasahod namin araw-araw, hindi pa rin aangat ang aming kabuhayan. Kakainin lang ito (taas-sahod) ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.”

Nakasalarawan sa mga estadistika ang kanyang sentimyento. Para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may anim na katao sa NCR, P858 kada araw ang kinakailangang kita o living wage, ayon sa National Wages and Productivity Commission o NWPC noong Marso.

Hindi ito mapupunan kahit parehong magulang ang nagtatrabaho at nakatatamasa ng minimum na sahod. Ayon pa sa Ibon Foundation, sentro ng pananaliksik, mababa sa minimum ang sahod ng mahigit sa kalahati o 58 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa: mula P153 hanggang P287 lamang kada araw.

2. Tanggalin ang VAT

Hindi pa kasama sa komputasyon ng NWPC sa living wage ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bigas, langis, kuryente, at iba pang batayang bilihin at serbisyo sa nakaraang mga buwan. Pumapalo na ang bigas sa P38 hanggang P50 kada kilo. Nagbabantang umabot sa P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kaya kahit pa man tinutulungan si Isabelita dela Cruz, manggagawa at lider-unyon sa Triumph International Philippines, ng kanyang asawang OFW (Overseas Filipino Worker), hindi na sapat ang kinikitang P480 kada araw sa mahigit dalawang dekada sa serbisyo. Tipid na tipid ang kanyang paggastos—sapat lamang para mapakain ang pamilya.

“Dati-rati, nakakadaan pa ako sa groseri para makapag-stock nang isang linggo. Ngayon, araw-araw na akong namamalengke…Tinuturuan ko na rin ang aking mga anak na magkasya sa kung ano lang ang nandiyan ngayon. Bahala na ulit bukas kung papaano,” aniya.

Hindi lamang siya naghihinaing sa gobyernong maganit sa pagtaas ng sahod, kundi maging sa gobyernong walang patid ang pagkubra ng buwis. Tulad ng progresibong mga grupo, naniniwala si Dela Cruz na pinakamabilis at sinserong solusyon sa krisis pang-ekonomiya ang pagtanggal sa 12 porsiyentong VAT (value-added tax).

“Malaking ginhawa ang pagtanggal sa VAT kasi todo-todong paghihigpit ng sinturon na aming ginagawa. Matindi rin ang korapsiyon sa gobyerno. Paano ka magtitiwalang bumabalik sa iyo ang buwis na binabayaran mo?” sabi ni Dela Cruz.

Kung aalisin ang VAT sa mga produktong petrolyo, bababa ang presyo ng krudo at gasolina nang mahigit P4 kada litro, at P60 naman sa bawat tangke ng LPG (liquefied petroleum gas).

Makakatipid naman ang mga konsiyumer ng P1.42 kada kWh (kilowatt hour) kapag tinanggal ang VAT sa kuryente. Katumbas ito ng P206 na kabawasan sa bill sa kuryente ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin

Naniniwala rin si Dela Cruz na kakayanin ng gobyerno, “kung gugustuhin nito,” na ibaba ang presyo ng mga bigas, langis, at kuryente – ibasura lang ang ilang mga batas at patakaran na nagsasapribado sa industriya at nagdederegularisa ng merkado.

Kabilang na rito ang Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act, at importasyon ng bigas.

Para kay Arroyo, iisa lamang ang ibig sabihin ng kabiguan ng gobyerno na itaas ang sahod, tanggalin ang VAT, at kontrolin ang presyo ng mga bilihin. “Hinahayaan ang mga [negosyanteng] dayuhan na igisa tayo sa sariling mantika. Ibinebenta nila ang kanilang mga produkto dito na napakamahal…ang pasahod naman nila, napakababa,” aniya.

Nawawalan na rin ng pasensiya si Dela Cruz. “Ang tagal-tagal na namin iginigiit ’yang P125 dagdag-na-sahod. Namatay na nga ang awtor (ng panukala),” sabi niya, patungkol kay yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran na naghain sa Kongreso ng House Bill 1722.

Hindi na sila umaasang mapagbibigyan nang basta-basta. Alam nilang kailangang ilaban.

Kaya patuloy nilang pinalalakas ang kani-kanilang mga unyon, sumasama sa mga pagkilos, nangangalap ng mga pirma para sa pagtanggal ng VAT, at ipinaliliwanag sa mga kapwa-manggagawa ang krisis pang-ekonomiya.

“Hindi ito simpleng krisis kundi permanenteng krisis, kung hindi tayo mamumulat at tutugon sa lalong madaling panahon,” pagtatapos ni Dela Cruz.

Posted in Ekonomiya, Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Workers’ Assistance Center: Santuwaryo sa kapitalistang Koreano

Posted by mamamahayag on May 6, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Bol. 7 Isyu 16
Abril 30 – Mayo 6, 2008

SA lungsod ng Cavite, hinihikayat ng mga taong-simbahan ang mga manggagawa na gawin ang ipinagbabawal.

Bawal kasing mag-unyon sa mga pabrika sa Cavite Export Processing Zone o CEPZ. Bawal ding magwelga. Matagal nang hindi kinikilala ng dayuhang mga kompanya ng garments at electronics ang batayang mga karapatan ng kanilang mga manggagawa. Takot pa ang mga manggagawang igiit ang mga ito.

Hanggang sa mag-usisa ang Most Holy Rosary Parish sa bayan ng Rosario noong 1994. Ang pananaliksik ng programang socio-pastoral ng maliit na parokyang ito, nagbunsod ng pagtatayo ng isang NGO (non-government organization) na Workers’ Assistance Center o WAC.

“Nakita namin sa research na ’yon, grabe ’yung kanilang kaapihan – mababang suweldo, mahabang oras ng trabaho, kulang sa mga benepisyo. Kumbaga, aping-api ang mga manggagawa. Ang nakita naming dahilan, unang-una, hindi nila alam ang kanilang karapatan bilang manggagawa. Hindi sila mulat. Kaya tinulungan namin sila,” sabi ni Fr. Joe Dizon, executive director ng WAC.

Ngayon, isa na ang WAC sa pinakatanyag na mga institusyong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa. Noong Abril, ginawaran ito ng gobyerno ng South Korea ng Tji Hak-Soon Justice and Peace Award para sa maganda nitong rekord ng pagsisilbi sa mga manggagawa, sa mga pabrikang karamiha’y pag-aari ng mga Koreano. “Baka nahiya. Sila na Koreano pa ang gumagawa ng pagpapahirap,” ani Dizon.

Tulong sa pag-uunyon
Simula nang maitayo, may 50 unyon na ang nabuo sa paghikayat at pagsubaybay ng WAC, ayon kay Cecil Tuico, kawani ng organisasyon. Pero marami na rin sa mga unyong ito ang nabuwag dahil sa samu’t saring pamamaraan ng mga kompanya. Pinakapalasak na rito ang pagsasara at muling pagbubukas sa ibang lugar para matanggal sa trabaho ang regular na mga manggagawa at palitan ng mga kontraktuwal.

Muntik nang mabiktima ang 20 manggagawa ng garments sa South Gold na nagsara at muling nagbukas ng operasyon noong 1998. Pero sa tulong-legal ng WAC, naipasok sila sa bagong pabrika, binayaran ng tig-P20,000, at ginawang regular. Isa lamang ito sa matagumpay na mga kaso sa paggawa na hinawakan ng WAC.

Sa kabuuan, mahigit 10,000 manggagawang humarap sa illegal dismissal, delayed na suweldo, sapilitang overtime, hindi pagbibigay ng mga benepisyo, at hindi pagre-remit ng mga kontribusyon sa Social Security System ang natulungan ng organisasyon.

Nagsasagawa rin ang WAC ng pagsasanay at edukasyon sa mga manggagawa. “Siyempre, dapat mapukaw ’yung awareness ng mga manggagawa. Tinalakay namin ’yung tungkol sa batas, kung ano ang puwede mong gawin kung may naranasan ka at tingin mo ito’y hindi na makatarungan,” ani Tuico.

Karaniwang reklamo ng mga manggagawa ang diumano’y pakikipagsabuwatan ng mga kompanya sa Philippine Economic Zone Authority, Department of Labor and Employment, at lokal na gobyerno para madurog ang mga unyon.

Kuwento ni Merly Grafe, taga­pangulo ng Solidarity of Cavite Workers at lider-unyon ng kompanyang Koreano na Phils Jeon Garments Inc., “Noong gabi bago ang araw ng registration ng unyon, binahay-bahay ng local officials ’yung mga manggagawa upang hikayatin silang ’wag sumama sa unyon. Kapag hindi natagpuan ’yung manggagawa mismo, kinakausap ’yung ibang kapamilya na hikayatin ’yung hinahanap nilang manggagawa na huwag sumali sa unyon.”

Sa kabila nito, maraming manggagawa sa CEPZ, sa gabay ng WAC, ang nakapagtatayo ng mga unyon na kanilang pangunahing depensa sa umano’y mapang-aping pagtrato ng dayuhang mga amo.

“Bago ka pumunta ng CR, dadaan ka sa guwardiya para humiram ng susi at ika’y oorasan. Kapag lumampas ka sa limang minuto, pagbalik mo sa produksiyon, may disciplinary action ka na,” sabi ni Grafe.

Kuwento naman ng isang mang­gagawa ng garments sa kompanyang Koreano na Chong Won na tumangging magpakilala, “Nag-umpisa kami sa 2,800 pieces na kota (kada araw) hanggang sa 4,600 pieces ngayon. Kapag naabot mo ’yung kota, dadagdagan yan ng 200-400. Kaya parang makina kung ituring kami. Pinag-aaralan nila kung hanggang saan kami tatagal.”

Dagdag ng kapwa niya mang­gagawa na ayaw ding magpakilala, “Mayroong nangyari sa amin na ’yung cutter namin, nakadkad ang kamay. Dinala siya sa ospital, ginastusan ng manedsment. Ang hindi namin alam, salary deduction pala ’yon…’Yung mga Koreano, madalas nilang bukambibig sa amin, ‘Ang batas ng Pilipinas, may pera ka lang, kaya mong baliktarin’.”

Natulak ang mga manggagawa ng Phils Jeon at Chong Won na magwelga dahil sa pagsalaula sa kanilang karapatang mag-unyon at makipagnegosasyon para sa mas makatarungang mga kondisyon sa paggawa.

Kabilang ang WAC sa mga sumaklolo sa kanila nang ilang beses silang marahas na idinispers ng mga guwardiya ng kompanya at mga elemento ng Philippine National Police noong 2006 hanggang 2007. Isinasadokumento rin nila ang mga pangyayari para makapagsampa ng karampatang mga kaso at maiangat ang isyu sa antas-pambansa at internasyonal.

Umuugnay kasi ang WAC sa iba pang organisasyong tumutulong din sa mga manggagawa ng tinagurian ding mga sweatshop sa ibang mahihirap na bansa na parehas ang mga produktong nililikha sa sa CEPZ. Ito ay kilalang mga brand ng damit – tulad ng Gap, Banana Republic, DKNY, Levi’s, Tommy Hilfiger, Adidas, Nike, Polo, at Guess – na isinusuplay sa mas malalaking kompanyang Amerikano.

Ganting dahas
Pero ang nagkakaisang paglaban, ginagantihan lagi ng dahas. Apat na miyembro na ng WAC ang napabilang sa mahigit 900 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Isa na rito si Obispo Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente, tagapangulo ng organisasyon, na pinaslang noong Oktubre 3, 2006 sa Tarlac. Pinakahuli naman si Gerry Cristobal, lider-unyon ng Yazaki-EMI na pinatay noong Marso 10 sa bayan ng Imus.

Pero patuloy na binibigyan ng santuwaryo ng WAC ang mga manggagawa sa Cavite na walang ibang matatakbuhan kundi ang mga taong-simbahang unang nagbigay sa kanila ng lakas-loob na suwayin ang mga “bawal”.

“Siyempre, mismong mga manggagawa ang kailangang maggiit ng kanilang lehitimong mga karapatan. Nasa kanila ang lahat ng dahilan para lumaban,” pagtatapos ni Dizon.

May ulat nina Vanessa Balana, Dreamlyn C. Cabarles at Bianca Haina Mangente

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

Korte Suprema, walang pakinabang sa obrero?: Manalo, matalo, dehado ang obrero

Posted by mamamahayag on April 23, 2008

Ilang-Ilang D. Quijano

Pinoy Weekly Bol 7 Blg 13

Abril 8 -15, 2008

HINDI lamang ang 227 manggagawa ng Toyota Motors Phils. Corp. na tinanggal sa trabaho ang apektado ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan, kundi ang buong kilusang paggawa.

Sa kauna-unahang pagkakataon, diumano’y pumabor ang Korte Suprema sa karapatan ng kompanya na kumita kaysa sa mas mahalagang karapatan ng mga mamamayan na magwelga at magpahayag. Sumandig ito sa rules and regulations ng kompanya kaysa sa Konstitusyon ng bansa.

‘Maka-kapitalista’

Noong Oktubre 17, 2007, nagdesisyon ang 2nd Division ng SC na ilegal ang welga ng TMPCWA (Toyota Motors Phils. Corp. Workers ‘Association) at iniutos na huwag bigyan ng separation pay ang tinanggal na mga manggagawa. Isa itong mapait na desisyon para sa mga manggagawang pitong taong naghintay ng “hustisya” mula sa korte.

Noong Marso 16, 2001, idineklara ng Dole (Department of Labor and Employment) ang TMPCWA na Seba (Sole and exclusive bargaining agent). Sa araw ding iyon, tinanggal ng manedsment ang mahigit-kumulang 300 manggagawa at opisyal ng unyon. Ginawang batayan ng kompanya ang hindi pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa noong Pebrero 22 at 23 nang dumalo ang mga ito sa clarificatory hearing na ipinatawag ng BLR (Bureau of Labor Relations) para dinggin ang apela ng manedsment hinggil sa pagkakaloob ng Seba.

Ang pagtanggal sa mga manggagawa ay hakbang para buwagin ang unyon na 15 taon nilang pinagsikapang itayo, ayon sa TMPCWA. Ito ang nag-udyok sa kanila na maglunsad ng welga noong Marso 28, 2001 – ang kauna-unahan sa kasaysayan ng dambuhalang kompanyang Hapon.

Ngunit idineklara ng SC na ilegal na welga ang aksiyon ng manggagawa sa harap ng BLR. Labag umano ito sa rules and regulations ng kompanya na nagsasabing maaaring maging batayan sa pagkatanggal sa trabaho ang “pag-udyok o paglahok sa mga riot, kaguluhan, welga, at iba pang aksiyon na salungat sa interes (ng Toyota).”

Pinanigan ng korte ang kompanya na nagreklamong P50 Milyong kita ang nawala dahil sa dalawang araw na di pagpasok ng mga manggagawa sa trabaho.

Pero lumalabas na walang lugi ang kompanya noong 2001 batay sa ulat na pampinansiya nito sa Securities and Exchange Commission. Kumita ito ng P122.4-M noong taong iyon. Sa motion for reconsideration na isinampa ng TMPCWA, ginigiit din ng unyon na mas matimbang ang karapatan ng mga manggagawa na malayang magpahayag kaysa karapatan ng kompanya na kumita, batay na rin sa naunang mga desisyon ng SC.

Desisyong di naipatutupad

Samantala, kung “talo” ang mga manggagawa ng Toyota sa SC, “panalo” naman ang mga manggagawa ng Nissan Motor Phils. Inc. Pero tila walang silbi ang kanilang legal na tagumpay. Hanggang ngayon, hindi pa rin naipapatupad ang desisyong pabor sa kanila.

Nagwelga ang mga manggagawa ng Nissan noong Oktubre 1, 2001. Dahil ito sa pagsuspindi ng manedsment sa 140 manggagawa kaugnay ng naunang protesta na humihiling na bayaran sila ng 13th month pay; pag-alis sa 11 napagkasunduan sa CBA (Collective Bargaining Agreement); at pagtanggal sa trabaho ng 18 opisyal ng unyon habang nakikipagnegosasyon.

Si Efimaco Marica, 50, ay isa sa mga manggagawang natanggal sa trabaho. May 13 taon siyang assembler ng tangke. Nang matigil ang kabuhayan, pitong anak niya ang apektado. Ang pinakabata rito, pitong taon na niyang kasama sa piketlayn. Noong Agosto 8, 2005, kasama siya sa 22 manggagawang nakulong nang maglunsad ng kilos-protesta sa labas ng SC.

Kaya naman laking galak ni Efimaco nang iutos ng SC noong Hunyo 21, 2006 sa manedsment na ibalik sa trabaho at bayaran ang 144 na tinanggal na mga manggagawang kasapi ng Banal-Olalia-KMU (Bagong Nagkakaisang Lakas sa Nissan Motors Phils.- Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-Kilusang Mayo Uno).

Pero di kalauna’y muli silang binigo ng korte. Naglabas ng resolusyon ang Dole noong Hunyo 15, 2007 na nagsasabing taliwas sa desisyon ng korte, 25 manggagawa lamang ang pinababalik sa trabaho at babayaran ng manedsment. “Nag-iyakan kami noon,” aniya. Hanggang ngayon, hindi pa naipapatupad ng manedsment maging ang resolusyon ng Dole.

Nakabinbing mga kaso

Ayon sa Pamantik (Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan)- KMU, “Kung ano ang naipanalo ng mga manggagawa sa prosesong legal, tulad ng desisyon ng Korte Suprema sa mga manggagawa ng Nissan, ipinagkakait ng mga kapitalista.”

Sa Timog Katagalugan, may 504 na nakabinbing kaso ng paggawa sa iba’t ibang korte at ahensiya ng gobyerno. May 87 kaso sa National Labor Relations Commission o NLRC; 211 sa BLR-Region 4; lima sa Office of the Secretary ng Dole; 17 sa Court of Appeals, at anim sa Korte Suprema.

Mga kaso ito ng kontraktuwalisasyon, tanggalan, pagbuwag sa unyon, panghaharas, at marahas na pagdispers sa mga manggagawa sa Nestle, Aichi Forging, Honda Cars, Enkei, Nikko Materials, Toshiba, Nippon Paints, Daiwa-Seiko, FCC, Keihin, Uniden, National Panasonic (Matsushita), Yutakam Fujitsu Ten, Imasen, Isuzu, Chiyoda, Gunma Gohkin, Yazaki-Torres, Sun Ever Lights, Masuda, Soutech, at iba pang dayuhang mga kompanya sa industriyal na enklabo sa rehiyon.

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

‘Ambus’ sa planta

Posted by mamamahayag on October 14, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Taon 6, Blg 39
Oktubre 10, 2007

WALANG putok ng baril. Ngunit tumagos na parang punglo ang mga salitang binitiwan ng manedyer: magsasara na ang planta. Halos napatimbuwang ang mga manggagawa sa narinig. Inutusan silang magligpit at bakantehin ang pagawaan. Nanlumo ang mga manggagawa sa biglaang pag-utas.

Kaya kagulat-gulat, para sa kanila, ang sinabi ni Yutaka Kagaya, presidenteng Hapon ng kompanya, sa sulat sa mga manggagawa noong Setyembre 3: “We regret to inform you that Ajinomoto, as a global business concern, has made the difficult decision to close the MSG production…This action is a result of Ajinomoto’s decision…to shift it’s business focus on sales and marketing.” (Malungkot naming ipinaaabot ang desisyon ng Ajinomoto na isara ang produksiyon ng MSG…Ito ay resulta ng desisyon ng kompanya…na tumutok sa pagbebenta.)

Pero walang handa para sa nangyaring “sapilitang ebakwasyon” kinabukasan. Bandang alas-nuwebe ng umaga, ipinatawag ng manedsment ang mga lider ng UAI Rank and File Labor Union-DFA (Drug Food and Allied Workers Federation)-KMU (Kilusang Mayo Uno). Ipinangako ang suweldo at mga benepisyo. Ibinaba ang mando: umalis sa planta bago sumapit ang alas-1:30 ng hapon.

“Hindi namin alam, pinupulong na rin ang aming mga miyembro sa kabilang kuwarto. Wala nang oras para mag-konsultasyon,” kuwento sa PINOY WEEKLY ni Gregorio Rexcis, tagapangulo ng unyon.

Nagkagulo ang mga manggagawa nang matapos ang pulong bandang 11:30 ng umaga. May mga umiiyak, may mga tulala. Kasabay ng pagbigay ng termination papers, inabutan sila ng manedsment ng mga supot na plastik. Nagtatakbuhan paroo’t parito ang mga manggagawa, pinagkakasya sa supot ang mga abubot ng deka-dekadang serbisyo sa kompanya. Hinainan sila ng Max’s Fried Chicken na halos di naman nagalaw. Naghihintay na kasi sa labas ang pitong bus. Nakapalibot na ang mahigit 30 inangkat na security guard. Nang sa wakas ay nakatipon na sa labas ang lahat ng manggagawang mabigat ang loob at dala-dalahan, ipinagtulakan na sila ng mga guwardiya sa loob ng sasakyang tanging umuugong sa tahimik nang planta.

Makasaysayang pakikibaka

Sa Brgy. Ugong itinayo noong 1960 ang 13-ektaryang planta ng Ajinomoto, subsidaryo ng Hapong transnasyunal na Ajinomoto Co., Inc. Sinasabing ipinangalan ang barangay sa ugong ng mga makina ng malalaking pabrika sa tinaguriang “industrial belt” ng Kamaynilaan. Ang lakas-paggawa na nagtayo ng planta, siya ring inupahan ng kompanya para magmanupaktura ng tone-toneladang betsin na noo’y ipinapakilala pa lang na pampalasa sa pagkain.

Natural na sumibol ang unyon ng mga manggagawa na nasa mahigit 800. Ang pagiging palaban nito, matiyagang hinubog ni Felixberto “Ka Bert” Olalia, tagapagtatag ng Naflu (National Federation of Labor Unions) at kilalang lider-unyonista. Lumubog din sa hanay ng mga manggagawa ang militanteng mga kabataan noong dekada ’60 tulad nina Juliet de Lima at Jose Maria Sison. Isa ang unyon sa mga ipinundar ng pinakamahuhusay na lider ng umuusbong noong pambansa-demokratikong kilusan.

Nang ibaba ang batas militar noong 1972, nireyd ng mga sundalo ang opisina ng unyon ng Ajinomoto. May mga manggagawang nadakip. Ang mga nakatakas, piniling mag-underground.

Pero sa kabila ng diktadura, sumabay ang Ajinomoto sa makasaysayang kilusang welga na unang pumutok noong 1975 sa La Tondeña Distillery. Noong 1976, nagsimulang maglunsad ang unyon ng mga welga na nagtatagumpay sa loob lamang ng isang araw.

“Kahit nga walang welga, lumalabas ang lahat ng manggagawa tuwing may pang-aabuso ang kompanya kahit laban lang sa isang miyembro,” alala ni William Clavaton, kalihim ng unyon at 34 na taon nang nagtatrabaho sa Ajinomoto.

Unang nagkaroon ng malaking tanggalan noong 1978. Mahigit kalahati ang nawalan ng trabaho. Umano’y problema sa pamumuno ng unyon ang dahilan ng pagkatalo ng welga; idagdag pa ang kontra-manggagawang Batas Pambansa 227 na nagbawal sa pagharang ng mga welgista sa tarangkahan ng kompanya para di maparalisa ang operasyon nito.

Sa pagtatag ng KMU noong 1981, nanumbalik ang sigla ng unyon. Napagtagumpayan ng mga manggagawa ang welga noong 1987. Matapos ang 69 araw, ibinalik ang lahat sa trabaho at ibinigay ang lahat ng hininging mga benepisyo.
Unyon ng Ajinomoto ang unang nakapagputok ng welga sa ilalim ng rehimeng Arroyo noong Pebrero 12, 2001. Tagumpay rin ito: nakuha nila ang 25 hiling sa CBA (Collective Bargaining Agreement).

Pero “nadala” na ang manedsment. Sa halip na paabutin sa welga, sinikap nitong ayusin ang mga gusot sa mesa. Nagpatupad din ito ng serye ng mga special retirement program na ang alok (47 araw na kabayaran sa bawat taon ng serbisyo) ay mas mataas sa nakasaad sa CBA. May mga kumagat. Mula 280, naging 174 na lamang ang regular na mga manggagawa.

Dahil sa pag-downsize, napilitan ang mga manggagawa na gumampan ng higit sa isang trabaho. Pinahaba rin ang oras ng shift. Mula sa tatlong shift na tig-walong oras, ginawang dalawang shift na tig-12 oras.

Bakit nagsara?

Inihayag ng Ajinomoto Co., Inc. na mag-aagkat na lamang ang Pilipinas ng MSG mula sa Indonesia, Thailand, Malaysia, Singapore, Hong Kong at Tsina. Malinaw na pagtitipid ang pangunahing dahilan ng pagsara ng pabrika, ayon sa mga manggagawa.

Kumpara sa ibang bansa, mataas ang gastos sa produksiyon sa Pilipinas, partikular ang kuryente at krudo (na inaangkat din). Gayundin, dahil sa globalisasyon, mababa na ang taripa sa iba’t ibang produktong imported na ngayo’y mas malayang nakakapasok sa merkado. Sa tantiya ng mga manggagawa, ang inangkat na MSG mula sa Tsina ay mas mura ng P20 kada kilo kaysa sa MSG na gawa dito.

Kamakailan, inihayag ni Sen. Loren Legarda na patunay ang pagsasara ng planta ng Ajinomoto na pinapatay ang lokal na industriya ng mga kasunduang kaakibat ng globalisasyon. Nangangamba siyang isasara rin ng mga Hapon ang kanilang mga planta ng kotse sa bansa sa ilalim ng Jpepa (Japan-Philippine Economic Partnership Agreement).

“Inaabandona na ng mga kompanyang Hapon ang kanilang mga planta ng pagmamanupaktura dito bago pa man ang Jpepa.

Matutupad pa ba ng Japan ang pangako nitong investments kapag niratipika ng Senado ang kasunduan?” aniya.

Paniwala rin ng mga manggagawa, layon ng kompanya na durugin ang unyon lalo’t may nakatakdang negosasyon sa CBA sa Marso 2008. Bago nagsara, P900 kada araw ang sahod ng bawat manggagawa. Dahil na rin sa mga nakamit sa maiigting na pakikibakang unyon, malayo ang agwat nito sa P362 minimum na sahod sa National Capital Region. “Kapag nagbukas ulit ang planta o lumipat sa probinsiya, malaki ang ganansiya nila,” ani Rexcis.

Naniniwala ang mga manggagawa na “tubong-lugaw” pa rin ang planta sa kabila ng tumataas na gastos sa kuryente at krudo. Ito ay dahil by-product lamang sa pagpoproseso ng asukal ang molasses, hilaw na materyales ng betsin, samantalang halos triple ang presyo ng MSG kaysa asukal.

Mula Enero hanggang Hunyo 30 ngayong taon, umabot sa 139% ang pagtaas ng kabuuang kita ng Ajinomoto Co., Inc. na nasa ¥8.65 Bilyon. Inaasahang tataas pa ito sa ¥33.5-B hanggang Marso 2008.

Kawalang-katiyakan

Noong Oktubre 5, ipinanganak ang bunso ni Rexcis. Pinangalanan niya itong Ajian Carlo, sa alaala ng kompanyang 23 taon niyang sinerbisyuhan. Sa mundo ng kawalang-katiyakan niya sisikaping palakihin ang bata.

“May pera ka nga pero hindi mo alam ang gagawin mo. Wala naman kaming alam sa pagiging entrepreneur at parang sugal ang pagnenegosyo ngayon. Isa pa, anong laban namin sa malalaking negosyante? Talagang hanapbuhay ang kailangan. Hindi yung magtitinda ka lang sa gilid-gilid,” aniya.

Dadagdag ang mga manggagawa sa 11.6 Milyong hukbo ng mga Pilipino na walang trabaho o di sapat ang trabaho. Tinataya ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research na sa buong bansa, may walong pabrika ang nagsasara araw-araw at may 156 manggagawa ang nawawalan ng trabaho.

Hindi na binigyan pa ng Ajinomoto ang mga manggagawa ng pagkakataong ireklamo ang pagsasara. Matapos ang tatlong araw na piket mula Setyembre 5 hanggang 7, ibinigay na ng kompanya ang isang magandang separation package katumbas ng 76 araw na kabayaran sa bawat taon ng serbisyo o mahigit-kumulang P1.8- M bawat manggagawa.

Pero ayon sa unyon, sasampahan nila ang kompanya ng kasong unfair labor practice sa Department of Labor and Employment. Hindi umano ibinigay ng manedsment ang isang buwang abiso ng pagsasara. Pinalabas nito na Oktubre 10 ang pagsasara samantalang Setyembre 4 pa lamang ay pinaalis na ang mga manggagawa.

“Ang masakit, ikaw yung natayo ng kompanya, ikaw ang nagpaunlad…Tapos sa huli, ilalaglag ka na lang dahil wala ka nang pakinabang sa kanila,” ani Clavaton.

Wala nang ugong

Sa paglipas ng panahon, isa-isang huminto ang ugong ng mga makina ng Union Glass, Crispa, Warner Lambert, Mattel, Dragon Cement, at iba pang malalaking planta sa Brgy. Ugong. Noo’y wika ng mga drayber ng dyip, na naghahatid sa mga manggagawa araw-araw (at binibilisan ang takbo kapag may late): “Ajinomoto na lang ang nakatayo.”

Pero ngayon, tuluyan nang tahimik ang dating “industrial belt” ng Kamaynilaan. Baka ang mga dyip, di na hahagibis paroon dahil ang mga pasaherong obrero, naitaboy sa mahabang pakikipaglaban sa kapitalista.

Ang natira na lamang, isang sosyal na shopping mall na pinupuntahan ng ilang mayayaman gamit ang walang ingay na mga sasakyan.

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

Dateline Malakanyang: ‘Tanggalan ng Masa’

Posted by mamamahayag on August 16, 2007

Tuwing naaalala nila ang unang araw na tumira si Gloria Macapagal-Arroyo sa Palasyo bilang pangulo, umiigting ang kanilang galit at pakiramdam na sila’y tinraydor.

“Walang malawakang tanggalan… Nirerespeto ko kayo at ang inyong trabaho. Magtulungan tayo.” Ito ang talumpati ni Arroyo sa mga empleyado ng Malakanyang sa flag-raising ceremony sa Kalayaan Hall noong Enero 22, 2001, kinabukasan ng pag-aalsang masa na nagluklok sa kanya sa puwesto.

Dahil marami sa kanila ang ilang dekada na sa Palasyo, saksi sa pagpapalit-administrasyon mula pa kay Ferdinand Marcos, nagtiwala sila sa salita ng bagong pangulo.

Ngayon, tanggal na sa trabaho ang mahigit 400 empleyado ng Malakanyang. Wala silang naiuwing konsuwelo, maliban sa mapapait na alaala ng mga pangakong hungkag na tila tatak ng huling pinagsilbihang pangulo.

Maagang pagreretiro

Mistulang departure area sa paliparan ng eroplano ang silid sa unang palapag ng Tahanan ng Masa, gusali sa compound ng Malakanyang. Sa mga buwang kasunod ng kanilang boluntaryong pagreretiro, dito pinagreport ang mga empleyado habang hinihintay ang ipinangakong mga benepisyo. Dati-rati, siksikan sa hilera ng mga upuan. Ngayon, mangilan-ngilan na lamang ang dumarating para mag-time in at mag-time out. Hindi masisisi ang mga nainip at nabuwisit; puno ng pait ang kanilang pagkakawalay sa serbisyo sibil.

Disyembre 15, 2006, naglabas ng memorandum ang manedsment ng OP (Office of the President) para sa mga kawani: Apektado sila ng Executive Order 366. Pinirmahan ni Arroyo noong 2004 ang kautusan para sa “rasyunalisasyon ng burukrasya” – ang mahalimuyak na termino para sa malawakang tanggalan ng mga empleyado ng gobyerno, ayon sa grupong Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees). Pagtitipid at pagpapabilis ng serbisyo ng gobyerno ang katwiran ng EO 366.

Bagaman malayo sa edad ng pagreretiro, tinanggap ni Joseph* ang voluntary retirement program ng gobyerno. Bilang presidential staff assistant ng 17 taon, di-makatarungan ang dalawang alternatibo: Ibababa ang kanyang posisyon at sahod o kaya’y gagawin siyang kontraktuwal na walang kaseguruhan sa trabaho.

Himutok ni Marie*, 26 na taon nang presidential staff officer na pumili rin sa pagreretiro, “Ilang taon ang binuno ko para marating ang posisyon na ’yan, para lang ma-demote?”

Ang ilan pang alternatibong ibinigay sa mga empleyado: Maaari silang mag-reapply pero walang kaseguruhan na tatanggaping muli. Maaari silang mamasukan sa ibang ahensiya ng gobyerno. Pero ayon sa mga empleyado, nagsasagawa ng kani-kanilang programang rasyunalisasyon ang mga ito at ipinagbabawal pa nga ng Section 7 ng EO 366 ang pagtanggap ng mga bago.

Pinaasa sa wala?

“Gusto namin ang aming trabaho na tanging ikinabubuhay namin. Pinuwersa kaming magretiro at pinaniwala na marami kaming matatanggap na benepisyo sa EO 366. Umasa kami sa kakarampot na halagang iyon para makapagpanibagong-buhay. Pero lumalabas ngayon na may utang pa kami sa gobyerno,” sabi ni Cesar Rodriguez, pangulo ng Office of the President Employees Network.

Ayon sa Section 14 ng Implementing Rules and Regulations ng EO 366, dapat patuloy na pumasok at suwelduhan ang retiradong mga empleyado hanggang hindi pa nila natatanggap ang lahat ng benepisyo: incentive, retirement benefit sa GSIS (Government Service Insurance System), refund sa Pag-Ibig, at terminal leave pay.

Naging epektibo noong Marso 1 ang pagreretiro ng mahigit 300 empleyado ng OP at 120 empleyado ng Malacañang Clinic. Pinaghintay sila nang ilang buwan sa Tahanan ng Masa, hindi hinarap ng manedsment, pinadalhan lamang ng mga sulat.

Sa sulat noong Mayo 25, sinabihan ang mga empleyado na hindi na sila susuwelduhan dahil naibigay na umano ang mga incentive at retirement benefit sa GSIS. Pero may ilan na hindi pa nakakatanggap ng mga iyon o di kaya’y kulang ang natanggap. Hindi raw kasi tumutugma ang mga rekord ng OP at GSIS. Marami ang hindi pa nakakatanggap ng terminal leave pay.

Ang lahat ay hindi pa nakakatanggap ng refund sa Pag-Ibig, na nakasaad sa Section 13 ng EO 366. Nang pumunta ang mga empleyado sa Pag-Ibig, hindi alam ng mga opisyal ng ahensiya ang probisyon sa kautusan. “Pag-aaralan” daw muna ng Legal Department. Sa kabila nito, hindi na sumuweldo ang mga empleyado mula Hunyo 11. “Malinaw na labag ito sa EO 366,” wika ni Rodriguez.

Tinutunggali ni Marvina Liban, direktor ng Human Resource Management Office ng OP, ang ganitong interpretasyon ng EO 366. Umano’y inilinaw ng Department of Budget ang Management na hindi na sila dapat suwelduhan habang hinihintay ang refund sa Pag-Ibig at terminal leave pay.

Samantala, inirereklamo pa ng karamihan sa mga empleyado na huling linggo ng Hulyo lang nila natanggap ang sulat ng GSIS na nagsasabing naiproseso na ang kanilang mga benepisyo. Petsa-Mayo ang sulat, o dalawang buwan na ang lumipas. Kaya ayon sa OP, sumobra sila sa araw ng pagpasok at tumanggap ng sobrang suweldo. Umaabot sa P938,920.32 ang kabuuang halaga ng “utang” ng mga empleyado na sinisingil ng manedsment – na ngayo’y iniaawas sa kanilang terminal leave pay.

May 45 empleyado rin ang hindi sinuwelduhan simula Abril dahil hindi umano nila naisumite ang clearance bago ang taning na Abril 2. Pero ayon kay Robert*, 17 taon nang presidential staff assistant, inabisuhan lamang sila na iproseso ang clearance noong Mayo 31. Pumatak sa Sabado at Linggo ang sumunod na dalawang araw bago ang taning.

Sa kabila nito, pumapasok si Robert sa pag-asang may masisilat pang benepisyo. Malubha ang sakit ng kanyang asawa at nasa elementarya pa ang tatlong anak. Para makaagapay sa araw-araw, namamasada siya ng sidecar o padyak mula 2:30 hanggang 5:30 ng umaga bago pumasok. Maaga siyang nakakarating sa Malakanyang dahil sumasabay siya sa shuttle mula Fairview para makatipid sa pamasahe. Pagkauwi sa bahay sa hapon, muli siyang mamamasada hanggang 11:30 ng gabi. Naputulan na ng kuryente ang kanilang bahay na apat na buwan nang di nababayaran ang renta.

Marami sa natanggal ay mga doktor, nars, at manggagawang pangkalusugan ng Malacañang Clinic. Itinayo noon pang administrasyon ni Manuel L. Quezon, ipinasara ni Arroyo ang klinika noong Agosto 2006 at inilipat sa compound ng PSG (Presidential Security Group).

Nanghihinayang si Rose*, 21 taon nang doktor sa klinika, sa pagtigil ng libreng gamot at konsultasyon na dinadagsa ng mahihirap na pasyente mula sa iba’t ibang probinsiya. “Inilagay lamang kami sa compound ng PSG para pansamantalang mapagtakpan ang abolisyon ng Malacañang Clinic,” aniya. Ngayon, marami sa kanila ang naghahanda na lamang mag-abroad. Pero hindi lahat ay makakahanap agad ng trabaho, lalo na ang ordinaryong mga manggagawang pangkalusugan na nasa alanganing edad, katulad ni Selya*, edad 53 at halos tatlong dekada nang nursing attendant sa klinika. Simula nang mawalan ng trabaho, napilitang tumigil sa kolehiyo ang kanyang anak.

Pinakamasahol

Pinatutunayan ng malawakang tanggalan sa Palasyo ang tunay na epekto ng EO 366, pahayag ni Ferdinand Gaite, pambansang tagapangulo ng Courage. Tinataya ng grupo na halos 420,000 empleyado o 30% ng 1.4 milyon kataong burukrasya ang maaapektuhan ng programang rasyunalisasyon.

Para sa dating mga empleyadong nagpapatakbo ng Palasyo, si Arroyo ang pinakamasahol na amo. Sa administrasyong Marcos at Fidel Ramos, nakatanggap pa ang mga empleyado ng dagdag-suweldo. Sa administrasyong Corazon Aquino at Joseph Estrada, hindi nagalaw ang plantilla. “Ngayon lang nangyari na pati ang permanenteng posisyon ay tinanggal,” ani Marie.

Hindi pa tapos ang kanilang laban. Pero isang araw, tuluyan nang lilisanin ng mga empleyado ang Tahanan ng Masa na sarkastikong tinatawag nilang “Tanggalan ng Masa.” Sa malungkot tayo o matawa, nangyayari talaga ang mga kuwento nila sa mismong sentro ng kapangyarihang pampulitika sa bansa.

*Di tunay na pangalan. Nakiusap ang mga empleyado na huwag magpakilala dahil sa pangambang tuluyan nang ipagkait ang hinihintay pang mga benepisyo.

Kapraningan sa Palasyo

Sinubukan nilang maging apolitical o walang pinapanigan sa pulitika. Pinahahalagahan kasi ng mga empleyado ng Malakanyang ang propesyunalismo sa trabaho. Katunayan, umasa sila noong una na magiging maganda ang pamamalakad ni Pangulong Arroyo.

Pero unti-unti, sinakmal sila ng kapraningan sa Palasyo na umano’y naging “parang Sabado de Gloria araw-araw” sa nakaraang pitong taon.

Nang mahalal si Cesar Rodriguez bilang presidente ng Office of the President Employees Network noong 2004, tatlong buwan siyang nagkaroon ng buntot. Maging ang kanyang misis at anak, sinundan ng Presidential Security Group na, ayon sa manedsment, ay standard operating procedure.

Sa pamumuno ni Rodriguez, nagdesisyon ang unyon na igiit ang pagkakaroon ng bagong Collective Negotiating Agreement at grievance committee na 10 taon nang nabalam. Natunugan ng manedsment ang plano nila na magsuot ng itim na armband sa isang misa sa St. Jude Church noong Pebrero 14, 2005. Pinalibutan ng PSG ang simbahan, kinuha ang pangalan ng mga dumalo.

Ito ang hudyat ng crackdown. Pakutyang tinawag silang mga miyembro ng Black Movement. “Pero hindi kami nagpatakot. Kapag isa sa amin ang may hinaing o may benepisyong hindi ibinigay, sumusulat kami,” ani Rodriguez.

Nabansagan ang unyon na lumalaban sa administrasyon, kahit mga karapatang pang-kawani lamang ang isinusulong. Kuwento ni Rodriguez, sa flag-raising ceremony bago ang halalan noong Mayo, ipinagdasal ng isang miyembro ang malinis at tapat na halalan. Umano’y pinagsabihan ito ng manedsment tungkol sa kanyang “ideolohiya.”

Samantala, may pagkiling diumano sa mga empleyadong “kaanib.” Nang maaksidente ang isa sa mga ito dahil nagmamaneho nang lasing na wala sa oras ng trabaho, ginastusan ng OP ang pagpapagamot na umabot sa mahigit P1 Milyon. Pero nang idulog ng isang unyonista ang kanyang kanser sa suso, sinulatan ng kinauukulang Deputy Executive Secretary ang request letter ng: “Is she with us?” Sa huli, binigyan lamang ang empleyado ng P50,000 para sa pagpapagamot.

Ayon sa mga kawani, namili ang manedsment ng mga tatanggalin hindi batay sa trabahong ginagampanan, kundi batay sa katapatan sa administrasyong Arroyo: “It’s not what you know, it’s who you know.”

Sigurado si Rodriguez na tuluyang dudurugin ang unyon. O kaya’y kokontrolin sa pamamagitan ng suhol. Siya mismo, dalawang beses pinahiwatigan na maaaring mabigyan ng matataas na posisyon – presidential adviser at board of trustee sa GSIS – kung susunod ang unyon sa gusto ng manedsment.

Tila katulad ng pagpapatakbo sa bayan ang pagpapatakbo ng pangulo sa Palasyo: Takot sa kaunting kibot, minamarkahan ang mga “kalaban” at “kakampi,” at umaaksiyon para supilin ang una at itaguyod ang huli.

Kuwento ng isang waiter sa Palasyo na nanilbihan sa nakaraang limang pangulo, si Arroyo lang ang gumamit ng kanyang food taster o tagatikim ng pagkain para masigurong ito’y ligtas. May mas malinaw pa bang indikasyon ng kapraningan?

Posted in Sahod at Trabaho | 3 Comments »

Republic Asahi Glass Labor Union: Balik-sigla, balik-laban

Posted by mamamahayag on June 7, 2007

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Taon 6, Blg. 20
Mayo 30, 2007 

Hindi nakaLalagpas kay Fernando “Ka Nanding” Ramirez, 59, lider ng Naflu (National Federation of Labor Unions), ang “mga pagbabago” sa Asahi Glass Corp. sa Pasig, dati niyang lugar-pagawaan. Sang-ayon sa makabagong teknolohiya, pahalang, sa halip na patayo, ang paglikha ng salamin na ginagamit sa mga gusali at sasakyan. Ang Pilipinong may-ari, pinalitan ng negosyanteng Hapon (kaya ang pangalang Republic ay naging Asahi). Ang mga manggagawa na noo’y nakabisikleta, ngayo’y pumapasok nang nakamotorsiklo.

Ngunit mula noon hanggang ngayon, buo ang Ragclu (Republic Asahi Glass Corp. Labor Union), pinakamatanda sa pinamumunuang mga unyon ng Naflu, ang pinakamalaking militanteng pederasyon sa bansa. Tila ito sintibay ng salaming pinapanday ng mga manggagawa sa Ragclu. Nagbabalik-sigla ang unyon, matapos wakasan ang halos isang dekada ng panlulumo sa ilalim ng liderato ng isang pederasyong “dilawan.”

Itinayo ang RGCLU (Republic Glass Corp. Labor Union) noong dekada ’70. Si Ben Wania ang unang presidente. Sinundan siya ni Felicisimo “Ka Simo” Carullo, dating bise-presidente ng Naflu.

Galak na binabalikan ni Romeo Segundo ang magigiting na pakikibaka ng RGCLU. Siya ang kasalukuyang ingat-yaman ng unyon at 34 na taon nang nagtatrabaho sa kompanya bilang electrician. Isa siya sa daan-daang manggagawang naging regular dahil sa pagsusumikap ng unyon.

Noong 1985, nagwelga ang RGCLU laban sa plano ng manedsment na tanggalin ang 22 manggagawa. Kuwento ni Ka Nanding (pumalit kay Ka Simo bilang tagapangulo noong 1986), binabaril sila ng Metrocom mula sa kabilang pampang ng Ilog Pasig na nakapalibot sa 20-ektaryang pabrika. Pinaikutan din sila ng helikopter, na kanila namang tinitira ng mga kuwitis. Kapag gabi, nagbabangka ang mga manggagawa sa ilog para siguruhing hindi nakapagpupuslit ang manedsment ng mga iskirol sa loob. Maging ang magarang sasakyan ni Geronimo Velasco, noo’y may-ari ng kompanya at energy secretary ni dating pangulong Ferdinand Marcos, hinarang ng mga manggagawa sa tarangkahan. May 45 araw ang itinagal ng welgang matagumpay.

Naaalala naman ni Segundo ang walang-pagod nilang mga martsa (pinakamahaba, aniya, ang mula Cainta, Rizal hanggang opisina ng Dole o Department of Labor and Employment sa Intramuros, Maynila) at ang partisipasyon nila sa makasaysayang pagkakatatag ng Kilusang Mayo Uno, militanteng sentro ng paggawa, noong 1980 sa Araneta Coliseum. Gayundin ang isang welgang sit-in na tumagal lamang ng 45 minuto dahil agad dininig ng manedsment ang kanilang panawagan: P0.50 na allowance. Doon, nakasalamuha ni Segundo ang dakilang lider-obrerong si Felixberto “Ka Bert” Olalia. “Matatas siyang magsalita at talagang diretso ang bira sa manedsment,” aniya hinggil sa tagapagtatag ng Naflu.

Noong kalakasan ng unyon, mahigit-kumulang 1,000 ang kasapian nito. Ngunit unti-unti itong nabawasan sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon noong dekada ’90, paraan ng mga kompanya para mabuwag ang unyon at makabawas sa gastos.

Nakadagdag din sa paghina ng unyon, ayon kay Ka Nanding, ang pamumuno ng mga dilawan. Pinalitan si Ka Nanding ni Mario Cruz noong 1993.

Ayon kay Lino Candol, kasalukuyang tagapangulo ng Ragclu, nasa 174 na lamang ngayon ang regular na manggagawa ng kompanya. Bigo umano ang pamunuan ni Cruz na pigilan ang manedsment na tanggalin ang mga manggagawa at kumuha ng mga kontraktuwal.

Kutsabahan naman diumano sa pagitan ng unyon, manedsment, at Dole ang himutok noon ni Manny Deleus, kasalukuyang kalihim ng Ragclu. Taong 2001 nang maghain ng notice of strike ang mga manggagawa dahil sa deadlock sa Collective Bargaining Agreement. Ngunit agad na iniutos ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas ang Assumption of Jurisdiction, kaya di natuloy ang welga. “Paano kami kakampihan ng Dole, eh nagpapagawa dito ng mga salamin si Sto. Tomas? Libre na, pinapa-rush pa,” pagbubulgar ni Deleus.

Simula nang mabalik sa Naflu ang pamunuan ng unyon noong 2004, unti-unting sinusubukan ng mga opisyal na baguhin ang “kultura ng ekonomismo” na lumaganap sa nakaraang dekada, na sanhi ng pagiging “watak-watak” at “kanya-kanya” ng mga manggagawa. Sa sahod na P650 kada araw (mataas kumpara sa mga karatig-pabrika), komportable na ang ilan sa kanila. Pinipili nilang mag-overtime kaysa pag-aralan at talakayin ang mga isyung kinakaharap nila at ng buong bayan.

“Kung tutuusin, ganito ang sahod namin dahil sa mahabang panahon ng militanteng pakikibaka,” ani Candol. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na edukasyon, nais nilang buhayin ang dating alab sa dibdib ng mga manggagawa.

Nakaeengganyo ang suporta ng miyembrong mga unyon ng Naflu sa isa’t isa. Sa piket ng Ragclu noong 2005, dumagsa sa pabrika ang mga taga-Naflu mula sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan. Natuwa ang unyon, palibhasa’y may mga tagumpay ang mga iyon na maaari nilang maging inspirasyon, hindi katulad ng mga kasapi ng dilawang pederasyon na umano’y “ipanlulumo mo dahil pare-pareho lang kayong walang laban.”

Nang bumisita si Ka Nanding at ang manunulat na ito sa pabrika kamakailan, katatapos lang ng tinaguriang Family Day. Inilibot ang pamilya ng mga manggagawa sa pagawaan, pinakain, at pinapremyuhan sa raffle. Madalang gawin ito ng kompanya, ayon sa mga manggagawa.

Di maiwasang isipin ni Deleus na nagpapakitang tao lang ang manedsment. Noong Mayo 25 kasi, naglabas ito ng anunsiyo ng Voluntary Retirement Program. Nag-aalok ito ng kabayarang katumbas ng 36.7 araw sa bawat taon sa serbisyo. Mas maliit ito kaysa 45 araw na ibinigay nang magtanggal ng 135 manggagawa noong 2004.

Naghahanda sa pakikibaka, habang nangangamba, ang Ragclu. “Siyempre, lalaban kami. Pero parang sanggol ulit ang unyon — ngayon pa lang nagsisimula at natututong muli,” sabi ni Candol.

Para kay Ka Nanding, nariyan at lalo pang matingkad ang nag-udyok sa tradisyon ng militanteng pakikibaka ng unyon: ang pagsasamantala ng mga kapitalista.

Samantalang ang karamihan sa 700 manggagawa ng kompanya ay kontraktuwal (maliit ang sahod at halos walang benepisyong natatamasa), regular naman sa 100 Top Corporations ng bansa ang Asahi Glass Corp. Bahagi na ito ng multinasyunal na Mitsubishi Corporation. Presidente ng kompanya si Renato Ermita, kapatid ni Executive Secretary Eduardo Ermita.

“Ang mga amo, salin-salin lang. Matagal ang suwerte nila, simula pa noong panahon ni Marcos,” wika ni Ka Nanding. Ano pa nga ba ang ipantatapat ng mga manggagawa kundi ang balik-sigla at pagpapatuloy ng laban?

Posted in Sahod at Trabaho | Leave a Comment »

Pag-asa sa wala? Kalinga ng gobyerno sa mga manggagawa nito

Posted by mamamahayag on December 2, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 46
Nobyembre 30, 2006

Labing-walong taon nang nagtatrabaho bilang clerk sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) si Allan Balaba.

Sa tungkuling computer encoding at pagsusulat ng mga liham sa Property Section ng DSWD, nakapaloob siya sa Salary Grade 1, ang pinakamababang baytang sa kasalukuyang SSL (Salary Standardization Law). Nakakatanggap siya ng P5,610 kada buwan, bahagya lamang ang taas sa base pay na P5,082 dahil sa tig-P20 incremental increase kada tatlong taon ng paninilbihan.

“Sa panahong ito, hindi talaga nakakabuhay ang suweldo ng isang empleyado ng gobyerno. Kaya heto, baon sa utang. Hindi pa sumusuweldo ay umuutang na para lamang maka-survive,” hinaing ni Allan, 37, na may dalawang anak na pinag-aaral.

Matagal nang hinihintay ni Allan ang umento sa suweldo na makakaagapay sa sumisirit na cost of living. Ayon sa Ibon Foundation, kailangan ng anim-kataong pamilya ng P17,236 para mabuhay nang disente sa isang buwan.

Ngunit ngayong may itinatambol ang gobyerno na panukalang dagdag-suweldo, alumpihit, sa halip na nasasabik, si Allan. Ito’y dahil lumalabas na kakarampot lamang ang ipaaambon ng gobyerno sa mga nasa mababang baytang ng burukrasya habang bubuhusan ng grasya ang nasa matataas, isang di-makatarungang iskemang di-matanggap ng mga ordinaryong kawaning katulad ni Allan.

Ang GCCA

Kamakailan, inianunsiyo ng CSC (Civil Service Commission) na may mahihita nang dagdag-suweldo ang mga empleyado ng gobyerno sa GCCA (Government Classification and Compensation Act) o SSL III. Nakabimbin sa Kongreso ang GCCA, inihain nina Rep. Joey Salceda at Rep. Francis Nepomuceno sa Kamara, at Sen. Edgardo Angara naman sa Senado. Naipasa na sa unang pagbasa ang panukalang batas at inuumpisahan nang isalang sa mga kaukulang komite.

Inaasahan ng CSC na maipasa ang GCCA bago magsimula ang bakasyon sa tag-init. Kung saka-sakali, ito ang unang pagkakataon na maitataas ang suweldo ng mga kawani sa loob ng limang taon, o magmula 5% dagdag-suweldo noong 2001.

Sa panukalang 2007 National Budget, nakapakete sa GCCA ang P10 Bilyon para sa umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno. Tinatayang aabot sa P172-B ang kabuuang gagastusin ng gobyerno para sa apat-na-taong staggered na pagpapatupad ng umento.

Inamin ni Karina Constantino-David, tagapangulo ng CSC, na sa ilalim ng GCCA, pinakamalaki ang umento ng mga propesyonal at ehekutibo ng gobyerno. Ito’y dahil ginawang benchmark ng CSC at DBM (Department of Budget and Management) ang pribadong sektor.

Umano’y higit na mas mababa ang suweldong natatanggap ng mga propesyonal at ehekutibo ng gobyerno kaysa sa kanilang kaantas o counterpart sa pribadong sektor; habang mas mataas ang natatanggap ng mga kawaning nasa antas administratibo (administrative level) kaysa sa kanilang counterpart sa pribadong sektor.

Bagkus, inirerekomenda ng GCCA na tumanggap ang mga kawaning nasa Salary Grade 1 ng 14% umento na nagkakahalaga ng P718. Samantala, ang kalihim ng kanilang ahensiya ay dapat umanong tumanggap ng 147% umento na nagkakahalaga ng P59,422.

Katwiran ng CSC, iniiwasan ng gobyerno ang paglipat ng mga propesyonal at ehekutibo sa pribadong sektor na mas mataas magpasuweldo.

Gayundin, mas pinahahalagahan ng GCCA ang kasanayan at karunungan (skills and knowledge) at kalikasan ng trabaho (nature of work) kaysa tagal sa serbisyo (length of service) sa pagbibigay ng mga insentibo at promosyon.

Di-makatarungan

Ngunit ayon sa Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), hindi makatarungan ang pagkiling ng GCCA sa mga nasa mataas na antas ng burukrasya at ang pagpapabaya sa mga nasa mababa.

“Totoong isang bonansa ang GCCA, pero bonansa lamang ito para sa iilang nakatataas at appointed na opisyal ng gobyerno, hindi para sa mayorya ng mga empleyado,” ayon kay Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.
Nakasaad sa Konstitusyong 1987 ang tungkulin ng gobyerno na bigyan ng nakabubuhay na suweldo ang lahat ng manggagawa, pribado man o publiko, anuman ang trabaho.

Tinututulan ng Courage ang probisyon ng GCCA na nagbabale-wala sa anumang benepisyo o umentong nakamit ng mga kawani sa pakikipagnegosasyon sa manedsment sa mga Collective Negotiation Agreement, na ikinokonsiderang nakapaloob na sa GCCA. Mapapako rin diumano ang suweldo ng mga kawani kapag naipasa ang GCCA dahil pagkatapos ng limang taon pa maaaring dinggin ng gobyerno ang anumang pestisyon para sa umento.

Idiniin ng grupo na ang pangunahing makikinabang sa GCCA ay ang mga opisyal na binibiyayaan ni Pangulong Arroyo ng matataas na posisyon sa gobyerno.

Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mayroong 85 undersecretaries at 72 assistant secretaries sa 19 na ahensiya ng gobyerno, mas marami kaysa noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ala-people’s initiative

Para maipakita sa Kongreso na suportado ng mga kawani ang GCCA, nangangalap ang CSC ng mga pirmang pabor dito.

Nakaabot ang nasabing petisyon kay Allan. Ngunit puna niya at ng kanyang mga kasamahan sa DSWD, walang nakalakip na paliwanag sa petisyon hinggil sa panukalang batas. Hindi tuloy maiwasang isipin ni Allan na may panlilinlang sa pangangampanya ng gobyerno na ipasa ang GCCA, ala-people’s initiative – ang nahubarang huwad na petisyon para sa pagbabago ng Konstitusyong 1987.

Pabor si Allan sa panawagan ng Courage na P3,000 across-the-board o 50% umento para sa lahat ng mga kawani ng gobyerno, anuman ang posisyon. Ito umano ang makatarungang hakbang lalo na para sa mga katulad niyang maliit na kawaning naninilbihan na nang matagal sa gobyerno.

Gaya ng karaniwang manggagawang dinidispatsa ng kapitalista matapos mapakinabangan nang husto, umaasa si Allan sa kalinga ng gobyernong kanyang pinagsisilbihan, nang mas lalo siyang makatulong sa kapwa niya mamamayan.

Nasa lugar kaya ang pag-asa ni Allan?

Posted in Sahod at Trabaho | 1 Comment »

Tanggalan sa gobyerno, tuloy sa ‘07?

Posted by mamamahayag on December 2, 2006

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 46
Nobyembre 30, 2006

Matutuloy na nga ba sa bagong taon ang pinangangambahang malawakang tanggalan ng mga kawani ng gobyerno?

Nobyembre 30 ang takdang petsa para ang lahat ng pambansang ahensiya ay magsumite sa DBM (Department of Budget and Management) ng kani-kanilang plano para sa rasyunalisasyon, ayon sa direktor ng DBM na si Nora Oliveros.

Umano’y pagtitipid ang dahilan ng matagal nang nakabinbing rasyunalisasyon ng burukrasya sa Enero 1, 2007.

Ngunit ayon sa Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), makailang beses nang naurong ang taning ng DBM sa pagpapatupad ng rasyunalisasyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin maituloy ang nasabing plano ng gobyerno dahil sa umano’y masidhing pagtutol ng mga kawani.

Tatlong taon na ang nakakaraan nang pirmahan ni Pangulong Arroyo ang EO (Executive Order) 366. Ipinag-uutos nito ang pagrepaso sa operasyon at organisasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa layong paliitin ang burukrasya. Itinakda rin nito ang opsiyon ng boluntaryong pagreretiro (voluntary retirement) sa mga kawani na maaapektuhan ng planong rasyunalisasyon.

Hindi inilalahad ng DBM ang bilang ng mga kawani ng gobyerno na apektado ng rasyunalisasyon. Umano’y sensitibo ang mga planong rasyunalisasyon na isinusumite ng mga ahensiya ng gobyerno. Binuo ang mga nasabing plano ng mga CMT (Change Management Team) sa bawat ahensiya.

Subalit sa tantiya ng Courage, halos kalahati ng 1.4 milyong empleyado ng gobyerno ang magiging biktima ng rasyunalisasyon ng burukrasya. Umano’y 421,000 kawani sa mga ahensiyang nais buwagin o isapribado ng gobyerno ang umano’y nanganganib mawalan ng trabaho.

Halimbawa, sa planong rasyunalisasyon ng DA (Department of Agriculture), mahigit 20 na mga attached agency na tumututok sa iba’t ibang sektor sa agrikultura ang binabalak buwagin at ikonsolida na lamang sa iba’t ibang gawain (functions) katulad ng regulatory, marketing, general administrative services, at iba pa sa ilalim ng pambansang ahensiya. Bubuwagin din ang mga panrehiyong opisina ng mga attached agency at ikakabit sa Regional Field Units ng DA. Tinatayang makakaapekto ito sa 50,000 kawani sa buong bansa.

Kabilang sa mga nasabing attached agency ang Bfar (Bureau of Fisheries and Aquatic Resources). Unang tatamaan sa rasyunalisasyon ng Bfar ang mahigit sa 1,000 kaswal na empleyado ng ahensiya, ayon kay Eric Mondragon, tagapangulo ng Bfar Employees Union, sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Gayundin, magiging “kalat-kalat” umano ang trabaho ng mga regular na empleyado na itatrato na lamang bilang mga “second-class citizen” ng DA.

Nangangamba si Mondragon na bumagsak ang industriya ng pangingisda at magdusa ang maliliit na mangingisda dahil sa pagbuwag ng Bfar. Ito’y dahil hindi na umano mabibigyan ng gobyerno ng atensiyon at suporta ang nasabing sektor.

Naniniwala ang Courage na papakaunting serbisyo publiko ang kauuwian ng plano ng gobyerno sa pagbabawas ng mga kawani nito.

Isa rin umano itong taktika para umpisahan ang pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno, alinsunod sa dikta ng IMF-WB (International Monetary Fund-World Bank). Pautang ng IMF-WB ang ginagamit ng gobyerno sa pagpopondo ng mga programang rasyunalisasyon.

Ngunit naging susi ang protesta ng nagkakaisang mga manggagawa ng gobyerno sa paghadlang sa kontra-kawaning tambalang programang rasyunalisasyon at pribatisasyon, ayon sa Courage.

Noong nakaraang taon, ilang walk-out ang isinagawa ng mga empleyado ng DA bilang ganti sa umano’y mga mapanlinlang na prosesong isinasagawa ng mga CMT para gawing lehitimo ang tanggalan.

Posted in Sahod at Trabaho | 1 Comment »